Mga Turo ng mga Pangulo
Pambungad


Pambungad

Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpasimula ng seryeng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan para tulungan kayong higit na mapalapit sa inyong Ama sa Langit at mapalalim ang inyong pag-unawa sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sa pagdaragdag ng Simbahan ng mga aklat sa seryeng ito, makakakolekta kayo ng mga reperensyang aklat ng ebanghelyo sa inyong tahanan. Ang mga aklat na ito ay nilayong magamit sa personal na pag-aaral at sa pagtuturo sa araw ng Linggo. Matutulungan din kayo nitong maghanda ng mga aralin para sa family home evening, maghanda ng iba pang mga aralin o mensahe at sagutin ang mga tanong tungkol sa doktrina ng Simbahan.

Tampok sa aklat na ito ang mga turo ni Pangulong Howard W. Hunter, na naglingkod bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula Hunyo 5, 1994, hanggang Marso 3, 1995.

Larawan
Howard W. Hunter
Larawan
lagda

Personal na Pag-aaral

Habang pinag-aaralan ninyo ang mga turo ni Pangulong Howard W. Hunter, mapanalanging hangarin ang inspirasyon ng Espiritu Santo. Matutulungan kayo ng mga tanong sa dulo ng bawat kabanata na pagnilayan, maunawaan, at maipamuhay ang mga turo ni Pangulong Hunter. Ang sumusunod na mga ideya ay maaari ding makatulong:

  • Isulat ang mga kaisipan at damdaming dumarating sa inyo mula sa Espiritu Santo habang nag-aaral kayo.

  • Salungguhitan ang mga talatang gusto ninyong matandaan. Isiping isaulo ang mga talatang ito o isulat ang mga ito sa inyong mga banal na kasulatan sa tabi ng kaugnay na mga talata.

  • Basahin ang kabanata o talata nang mahigit isang beses para mas maunawaan ninyo ito.

  • Itanong sa inyong sarili ang tulad nito, Paano nadaragdagan ng mga turo ni Pangulong Hunter ang pagkaunawa ko sa mga alituntunin ng ebanghelyo? Ano ang gusto ng Panginoon na matutuhan ko mula sa mga turong ito?

  • Itanong sa sarili kung paano kayo matutulungan ng mga turo sa aklat na ito sa inyong personal na mga pagsubok at alalahanin.

  • Ibahagi ang natututuhan ninyo sa mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan.

Pagtuturo mula sa Aklat na Ito

Matutulungan kayo ng sumusunod na mga patnubay na magturo mula sa aklat na ito, maging sa tahanan man o sa simbahan.

Maghandang Magturo

Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo habang naghahanda kayong magturo. Mapanalanging pag-aralan ang kabanata upang magkaroon kayo ng tiwala sa pagkaunawa ninyo sa mga turo ni Pangulong Hunter. Makapagtuturo kayo nang mas mabisa kapag personal kayong naimpluwensyahan ng kanyang mga salita (tingnan sa D at T 11:21).

Karamihan sa mga kabanata ay naglalaman ng mas maraming materyal kaysa kaya ninyong talakayin sa oras ng klase. Mapanalanging piliin ang mga turo na sa pakiramdam ninyo ay makakatulong nang malaki.

Hikayatin ang inyong mga tinuturuan na maagang pag-aralan ang kabanata upang mas handa silang makilahok sa mga talakayan at mapalakas ang isa’t isa.

Sa paghahanda ninyong magturo, higit na bigyang-pansin ang bahaging “Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo” sa dulo ng bawat kabanata. Sa bahaging iyan, makikita ninyo ang mga tanong, mga banal na kasulatan, at tulong sa pag-aaral o tulong sa pagtuturo. Ang mga tanong at banal na kasulatan ay nauugnay sa nakasaad sa kabanata. Ang mga tulong sa pag-aaral at pagtuturo ay magagamit lalo na sa pagkatuto at pagtuturo ng ebanghelyo.

Pasimulan ang Kabanata

Kapag sinimulan ninyo ang kabanata, sikaping lumikha ng kapaligiran na maaantig ng Espiritu ang puso’t isipan ng inyong mga tinuturuan. Maaari ninyong gamitin ang isa o higit pa sa sumusunod na mga ideya:

  • Basahin o repasuhin ang bahaging may pamagat na “Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter” sa simula ng kabanata, at talakayin ito.

  • Talakayin ang isang sipi, larawan, o banal na kasulatan mula sa kabanata.

  • Sama-samang kumanta ng himno.

  • Ibahagi nang maikli ang isang personal na karanasan tungkol sa paksa.

Maghikayat ng Talakayan Tungkol sa mga Turo ni Pangulong Hunter

Habang nagtuturo kayo mula sa aklat na ito, anyayahan ang iba na ibahagi ang kanilang iniisip, magtanong, magpatotoo, at turuan ang isa’t isa. Kapag aktibo silang nakikibahagi, magiging mas handa silang matuto at tumanggap ng personal na paghahayag.

Hayaang magpatuloy ang magagandang talakayan sa halip na sikaping talakayin ang lahat ng mga turo. Gabayan ang talakayan para matuon ang pansin nila sa mga turo ni Pangulong Hunter.

Ang mga tanong sa dulo ng bawat kabanata ay mahalaga para mahikayat ang talakayan. Maaari din kayong gumawa ng sarili ninyong mga tanong lalo na para sa mga tinuturuan ninyo. Ang iba pang mga ideya para mahikayat ang talakayan ay nakalahad sa ibaba:

  • Ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang natutuhan nila mula sa kanilang personal na pag-aaral ng kabanata. Maaaring makatulong ang pagkausap sa ilan sa mga tinuturuan ninyo sa loob ng linggong iyon at hilingin na maghanda sila na ibahagi ang kanilang natutuhan.

  • Italaga ang mga piling tanong na nasa dulo ng kabanata sa mga indibiduwal o sa maliliit na grupo. Ipahanap sa kanila ang mga turo sa kabanata na may kaugnayan sa mga tanong. Pagkatapos ay ipabahagi sa kanila ang kanilang mga iniisip at ideya.

  • Sama-samang basahin ang ilan sa mga turo ni Pangulong Hunter sa kabanata. Magpabahagi sa mga miyembro ng klase ng mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan at mula sa sarili nilang karanasan na may kaugnayan sa mga turong iyon.

  • Papiliin ng isang bahagi ang mga miyembro ng klase at ipabasa ito nang tahimik sa kanila. Anyayahan silang magtipon sa mga grupong may dalawa o tatlong miyembro na magkakaparehong bahagi ang pinili at ipatalakay ang kanilang natutuhan.

Maghikayat ng Pagsasabuhay at Pagbabahagi

Ang mga turo ni Pangulong Hunter ay magiging lubos na makahulugan kapag ipinamuhay ng mga indibidwal ang mga ito at ibinahagi sa iba. Maaari ninyong gamitin ang isa o higit pa sa sumusunod na mga ideya:

  • Tanungin ang mga miyembro ng klase kung paano nila magagamit ang mga turo ni Pangulong Hunter sa kanilang mga responsibilidad sa tahanan, sa Simbahan, at sa iba pang kalagayan. Halimbawa, maaari ninyo silang anyayahan na pagnilayan at talakayin kung paano nila magagamit ang kanyang mga turo bilang asawa, mga magulang, anak, home teacher, o visiting teacher.

  • Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa pagsasabuhay ng kanilang natutuhan.

  • Hikayatin ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang ilan sa mga turo ni Pangulong Hunter sa pamilya at mga kaibigan.

Tapusin ang Talakayan

Ibuod nang maikli ang aralin o ipabuod ito sa isa o dalawang miyembro ng klase. Patotohanan ang mga aral o katuruan na natalakay ninyo. Maaari din ninyong anyayahan ang iba na ibahagi ang kanilang patotoo.

Impormasyon Tungkol sa Pinagkunang mga Materyal

Ang mga turo sa aklat na ito ay mga tuwirang sipi mula sa mga sermon at artikulo ni Pangulong Howard W. Hunter. Ang mga siping nagmula sa mga lathalain ay pinanatili sa orihinal na bantas, baybay, kapital na titik, at ayos ng talata maliban kung kinailangan itong baguhin ng editor o itama ang maling baybay para mas madali itong basahin. Dahil pinanatili ang mga sipi sa orihinal nito, maaari kayong makapansin ng kaunting pagkakaiba-iba ng istilo sa teksto. Halimbawa, ang mga panghalip na tumutukoy sa Diyos ay ginamitan ng maliliit na titik sa ilang sipi at malalaking titik naman sa iba.

Madalas gamitin ni Pangulong Hunter ang mga katagang mga tao, tao, at sangkatuhan sa pagtukoy sa lahat ng tao, kapwa lalaki at babae. Madalas din niyang gamitin ang mga panghalip na siya, niya, at kanya para tukuyin ang dalawang kasarian. Ang mga pananalitang ito ay karaniwan sa kanyang panahon, at karaniwang tinutukoy niya ang kapwa kababaihan at kalalakihan kapag ginagamit niya ang mga ito.

Print