Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 10: Mga Banal na Kasulatan—Ang May Pinakamalaking Pakinabang sa Lahat ng Pag-aaral


Kabatana 10

Mga Banal na Kasulatan—Ang May Pinakamalaking Pakinabang sa Lahat ng Pag-aaral

“Nawa bawat isa sa atin … ay mas mapalapit sa ating Ama sa Langit at sa kanyang Pinakamamahal na Anak sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.”

Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter

Malaki ang pagmamahal ni Pangulong Howard W. Hunter para sa mga banal na kasulatan at masigasig niya itong pinag-aralan. Ang pagmamahal at pag-aaral na ito ay nabanaag sa kanyang mga turo, na puno ng mga kuwento at iba pang mga talata mula sa mga pamantayang aklat. Madalas sa pagtuturo ng isang alituntunin ng ebanghelyo, lalo na sa pangkalahatang kumperensya, pumipili siya ng isang kuwento man lang mula sa mga banal na kasulatan, isinasalaysay ito nang detalyado, at ipinaliliwanag kung paano ito ipamumuhay.

Halimbawa, nang ituro niya ang pagiging tapat sa Diyos, isinalaysay niya ang mga kuwento tungkol kay Josue; kina Sadrach, Mesach, at Abed-nego; at iba pa sa Lumang Tipan na nagpakita ng gayong katapatan (tingnan sa kabanata 19). Sa pagtuturo tungkol sa paglilingkod, gumamit siya ng mga halimbawa mula sa Aklat ni Mormon para ipakita na “hindi nakabababa ng kapakinabangan” ang ilang taong kakaunti ang natanggap na papuri kaysa sa iba na ang paglilingkod ay mas nakikita (tingnan sa kabanata 23). Sa pagtuturo kung paano magkaroon ng kapayapaan ng kalooban sa mga oras ng kaguluhan, muli siyang gumamit ng mahahabang talata mula sa mga banal na kasulatan, pati na ang kuwento tungkol sa paglakad ni Pedro sa tubig (tingnan sa kabanata 2). Sa pagtuturo tungkol sa sakramento, ipinaliwanag niya ang sitwasyon sa pamamagitan ng pagrerepaso ng kuwento tungkol sa mga anak ni Israel at ng Paskua (tingnan sa kabanata 15).

Batid ni Pangulong Hunter ang kahalagahan ng mga banal na kasulatan sa pagtulong sa isang tao na magkaroon ng patotoo kay Jesucristo. Dahil diyan, madalas siyang magturo mula sa mga kuwento sa banal na kasulatan tungkol sa ministeryo, pagpapako sa krus, at pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas. Sinabi niya:

“Nagpapasalamat ako sa mga aklat ng banal na kasulatan na nagtuturo ng higit na kaalaman tungkol kay Jesucristo sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral. Nagpapasalamat ako na bukod pa sa Luma at Bagong Tipan, nagdagdag ang Panginoon, sa pamamagitan ng mga propeta ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ng iba pang inihayag na banal na kasulatan bilang karagdagang mga saksi kay Cristo—ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, at ang Mahalagang Perlas—na alam ko na pawang mga salita ng Diyos. Pinatototohanan ng mga ito na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos.”1

pamilyang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

“Sana’y binabasa at pinag-aaralan ninyo ang mga banal na kasulatan araw-araw nang mag-isa at bilang pamilya.”

Mga Turo ni Howard W. Hunter

1

Pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang may pinakamalaking pakinabang sa lahat ng pag-aaral na magagawa natin.

Pinakamahalaga sa lahat ng katotohanan ang patotoo na si Jesus ng Nazaret ang Cristo, ang Dakilang Jehova, ang Tagapagligtas ng Sanlibutan, at ang Bugtong na Anak ng Buhay na Diyos. Ito ang mensahe ng mga banal na kasulatan. Sa bawat isa sa mga banal na aklat na ito may pagsamo na maniwala at manampalataya sa Diyos Amang Walang Hanggan at sa kanyang Anak na si Jesucristo; at mula sa una hanggang sa huling aklat ng mga banal na kasulatang ito ay may panawagang gawin ang kalooban ng Diyos at sundin ang kanyang mga utos.2

Kapag sinunod natin ang payo ng ating mga pinuno na basahin at pag-aralan ang mga banal na kasulatan, darating sa atin ang maraming uri ng mga pakinabang at pagpapala. Ito ang may pinakamalaking pakinabang sa lahat ng pag-aaral na magagawa natin. …

Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng talaan ng paghahayag ng Diyos tungkol sa kanyang sarili, at sa pamamagitan nito ay nangungusap ang Diyos sa tao. Saan pa tayo higit na makikinabang sa paggamit ng oras kaysa sa pagbabasa mula sa mga aklat ng banal na kasulatan na nagtuturo sa atin na kilalanin ang Diyos at unawain ang ating kaugnayan sa kanya? Laging mahalaga ang oras sa mga taong abala, at ninanakaw sa atin ang halaga nito kapag nasayang ang oras sa pagbabasa o panonood ng anumang walang kabuluhan at di-gaanong mahalaga.3

Sana’y binabasa at pinag-aaralan ninyo ang mga banal na kasulatan araw-araw nang mag-isa at bilang pamilya. Huwag nating balewalain ang utos ng Panginoon, “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin” (Juan 5:39). Ang Espiritu ay papasok sa inyong tahanan at sa inyong buhay habang binabasa ninyo ang inihayag na salita.4

Kailangan tayong magkaroon ng isang Simbahang puno ng mga babae at lalaking lubos na maalam sa mga banal na kasulatan, na nagko-cross-reference at minamarkahan ang mga ito, bumubuo ng mga lesson at mensahe mula sa Alpabetikong Talaan ng mga Paksa, at mahusay gumamit ng mga mapa, ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan, at ng iba pang mga tulong na nasa napakagagandang pamantayang aklat na ito. Malinaw na mas maraming nakapaloob doon kaysa kaya nating magamit nang mahusay kaagad. Tiyak na ang buong banal na kasulatan ay “puti na upang anihin” [tingnan sa D at T 4:4]. …

Hindi sa dispensasyong ito, siguradong hindi sa anumang dispensasyon, naging napakadaling makakuha at napakaganda ng pagkabalangkas ng mga banal na kasulatan—ang walang kupas at nakapagpapaliwanag na salita ng Diyos—para magamit ng bawat lalaki, babae, at batang magsasaliksik nito. Ang nakasulat na salita ng Diyos ay binuo sa paraan na pinakamadaling basahin at makuha na inilaan sa karaniwang mga miyembro sa kasaysayan ng mundo. Tiyak na pananagutin tayo kung hindi natin ito babasahin.5

2

Tinutulungan tayo ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan na malaman at sundin ang kalooban ng Diyos.

Para masunod ang batas ng ebanghelyo at mga turo ni Jesucristo, kailangan muna nating maunawaan ang batas at matiyak ang kalooban ng Panginoon. Naisasagawa ito nang husto sa pamamagitan ng pagsasaliksik at pag-aaral ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta. Sa ganitong paraan nagiging pamilyar tayo sa naihayag ng Diyos sa tao.

Isa [sa] Mga Saligan ng Pananampalataya ang nagsasaad na, “Naniniwala kami sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin kami na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9).

Inihayag na sa mga banal na kasulatan ang kalooban ng Diyos, kaya nga inutusan na tayo na basahin ito upang malaman ang katotohanan. Niliwanag ng Panginoon kay Oliver Cowdery kung paano tiyakin ang mga katotohanang ito. Sabi niya, “Masdan, binibigyan kita ng isang kautusan, na ikaw ay manalig sa mga bagay na nakasulat; sapagkat sa mga ito nakasulat ang lahat ng bagay hinggil sa pagtatatag ng aking simbahan, ng aking ebanghelyo, at ng aking bato” (D at T 18:3–4).

Sumulat si Pablo sa kanyang butihing kaibigang si Timoteo, na hinihimok siyang basahin ang mga banal na kasulatan, at sinabi niya sa kanyang liham, “Mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.” Pagkatapos ay idinagdag niya, “Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran” (II Kay Timoteo 3:15–16). …

Lubos na binigyang-diin ng mga pinuno ng ating Simbahan ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan at mga salita ng sinauna at makabagong mga propeta. Hinilingan ang mga ama at ina na basahin ang mga banal na kasulatan para maturuan nila nang wasto ang kanilang mga anak. Binabasa ng ating mga anak ang mga banal na kasulatan dahil sa halimbawang ipinakita ng mga magulang. Pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan sa ating mga family home evening, at ang ilang pamilya ay sama-samang binabasa ang mga banal na kasulatan sa madaling-araw. … Sa ganitong paraan natututuhan nating alamin ang kalooban ng Panginoon, upang tayo’y maging masunurin.6

Isipin ang sunud-sunod na mga hakbang na inilahad sa banal na kasulatan na nagsisimula sa pakikinig na mabuti sa salita ng Diyos hanggang sa pangangako na kung gagawin natin ito, maaari tayong makarating sa kinaroroonan niya mismo:

“At binibigyan ko kayo ngayon ng isang kautusan … na makinig na mabuti sa mga salita ng buhay na walang hanggan.

“Sapagkat kayo ay mabubuhay sa bawat salita na magmumula sa bibig ng Diyos.

“Sapagkat ang salita ng Panginoon ay katotohanan, at anumang katotohanan ay liwanag, at anumang liwanag ay Espiritu, maging ang Espiritu ni Jesucristo. …

“At ang bawat isa na nakikinig sa tinig ng Espiritu ay lumalapit sa Diyos, maging sa Ama” (D at T 84:43–45, 47).

Napakagandang paglalakbay niyan na nagsimula sa salita ng Diyos at magwawakas sa kadakilaan. “Ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3).7

Iminumungkahi ko sa inyo na gawing pamantayan ang mga paghahayag ng Diyos kung saan dapat nating iayon ang ating pamumuhay at gawin itong sukatan sa bawat pasiya at gawain natin. Dahil diyan, kapag kayo ay may mga alalahanin at hamon, harapin ang mga ito sa pamamagitan ng pagbaling sa mga banal na kasulatan at mga propeta.8

binatilyong nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Pag-aaral ng mga banal na kasulatan “ang may pinakamalaking pakinabang sa lahat ng pag-aaral na magagawa natin.”

3

Para maunawaan ang mga banal na kasulatan, kailangan ng nakatuon, regular, at mapanalanging pag-aaral.

Hinihimok namin ang bawat isa sa inyo na isiping mabuti kung gaano katagal ninyo mapanalanging pinagbubulayan sa ngayon ang mga banal na kasulatan.

Bilang isa sa mga lingkod ng Panginoon, hinahamon ko kayong gawin ang mga sumusunod:

1. Basahin, pagnilayan, at ipagdasal ang mga banal na kasulatan araw-araw bilang mga miyembro ng Simbahan.

2. Magdaos ng regular na pagbabasa ng mga banal na kasulatan ng pamilya. Pinupuri namin kayong mga gumagawa na nito at hinihimok namin ang mga hindi pa nakapagsisimula na simulan na itong gawin kaagad. …

Nawa’y humayo ang bawat isa sa atin na may matatag na pasiya na maging mas madasalin; hangaring mamuhay nang mas lubusan sa patnubay ng Espiritu; at mas mapalapit sa ating Ama sa Langit at sa kanyang Pinakamamahal na Anak sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.9

Lubhang magkakaiba ang mga nakaugaliang pagbabasa. May mabibilis magbasa at mababagal magbasa, may ilan na nagbabasa lamang ng pailan-ilang talata at may iba na hindi tumitigil hanggang sa matapos niyang basahin ang buong aklat. Gayunman, alam ng mga nagsasaliksik sa mga aklat ng banal na kasulatan na kailangan ng higit pa sa kaswal na pagbabasa para maunawaan ito—kailangang nakatuon tayo sa pag-aaral. Tiyak na ang isang taong nag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw ay mas maraming natututuhan kaysa isang taong naglalaan ng maraming oras sa isang araw at pagkatapos ay nagpapalipas ng maraming araw bago magpatuloy. Hindi lamang tayo dapat mag-aral bawat araw, kundi dapat ay may regular na oras tayong nakalaan na makapagtutuon tayo nang walang istorbo.

Wala nang mas makakatulong pa kaysa panalangin para mabuksan ang pang-unawa natin sa mga banal na kasulatan. Sa pamamagitan ng panalangin maiaayon natin ang ating isipan sa paghahanap ng mga sagot sa ating mga pagsasaliksik. Sabi ng Panginoon: “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan” (Lucas 11:9). Narito ang pagtiyak ni Cristo na kung tayo’y hihingi, maghahanap, at kakatok, gagabayan ng Banal na Espiritu ang ating pang-unawa kung tayo ay handa at sabik na tumanggap.

Nalalaman ng marami na ang pinakamainam na oras para mag-aral ay sa umaga matapos mapawi ng pahinga sa gabi ang maraming problema na gumagambala sa isipan. Ang iba ay mas gustong mag-aral sa mga oras na tahimik kapag tapos na ang trabaho at napawi na ang mga alalahanin ng maghapon sa ating isipan, sa gayon ay natatapos ang araw na may kapayapaan at katahimikan na dumarating sa pagkakaroon ng kaugnayan sa mga banal na kasulatan.

Marahil ang mas mahalaga kaysa sa oras sa loob ng maghapon ay ang magtakda ng regular na oras para sa pag-aaral. Maganda sana kung makapaglalaan ng isang oras bawat araw; ngunit kung hindi posible iyan, malaki ang magagawa ng kalahating oras basta’t regular itong gagawin. Maikli ang 15 minuto, ngunit nakakagulat ang laki ng kalinawan at kaalamang matatamo sa isang paksang lubhang makabuluhan. Ang mahalaga ay huwag hayaang magambala tayo ng anuman sa ating pag-aaral.

Ang ilan ay mas gustong mag-aral mag-isa, ngunit maaaring makinabang ang dalawang tao kapag sabay silang nag-aaral. Ang mga pamilya ay labis na pinagpapala kapag tinitipon ng matatalinong ama at ina ang kanilang mga anak sa paligid nila, sama-sama silang nagbabasa mula sa mga pahina ng mga banal na kasulatan, at pagkatapos ay tinatalakay nang malaya ang magagandang kuwento at kaisipan ayon sa pagkaunawa ng lahat. Ang kabataan at ang mga musmos ay madalas magkaroon ng kamangha-manghang ideya at pagpapahalaga sa mga pangunahing literatura ng relihiyon.

Hindi tayo dapat magmadali sa ating pagbabasa at sa halip ay bumuo tayo ng sistematikong plano sa pag-aaral. May ilan na nag-iiskedyul na magbasa ng ilang pahina o nagtatakda ng mga kabanatang babasahin bawat araw o linggo. Maaaring lubos na makatwiran at nakakatuwa kung nagbabasa ang isang tao para masiyahan, ngunit hindi makabuluhan ang ganitong pag-aaral. Mas makabubuting itakda ang oras na iuukol sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan bawat araw kaysa magtakda ng ilang kabanatang babasahin. Kung minsan natutuklasan natin na ang pag-aaral ng iisang talata ay uubos na sa buong panahong itinakda natin.10

4

Ang pagninilay sa maikling salaysay sa Biblia tungkol kay Jairo ay naghahatid ng napakalalim na pagkaunawa at kahulugan.

Ang buhay, mga ginawa, at mga turo ni Jesus ay maaaring basahin nang mabilis. Ang mga kuwento ay simple sa karamihan ng mga sitwasyon at ikinuwento sa simpleng paraan. Ang Guro ay gumamit ng ilang salita sa kanyang mga turo, ngunit bawat isa ay maikli ngunit makahulugan kaya kapag pinagsama-sama ay malinaw ang inilalarawan sa mambabasa. Gayunman, kung minsan ay maraming oras ang magugugol sa pagninilay ng malalalim na kaisipang ipinahayag sa iilang simpleng salita.

May isang pangyayari sa buhay ng Tagapagligtas na binanggit nina Mateo, Marcos, at Lucas. Ikinuwento ni Marcos ang isang mahalagang bahagi ng pangyayari sa dalawang maiikling talata at apat na salita lamang sa kasunod na talata. …

“At lumapit ang isa sa mga pinuno sa sinagoga, na nagngangalang Jairo; at pagkakita sa kaniya [ibig sabihin, nang makita niya si Jesus], ay nagpatirapa siya sa kaniyang paanan,

“At ipinamamanhik na mainam sa kaniya, na sinasabi, Ang aking munting anak na babae ay naghihingalo: ipinamamanhik ko sa iyo, na ikaw ay pumaroon at ipatong mo ang iyong mga kamay sa kaniya, upang siya’y gumaling, at mabuhay.

“At [si Jesus ay] sumama sa kaniya” (Marcos 5:22–24).

Ang tagal ng pagbasa sa bahaging iyon ng kuwento ay mga tatlumpung segundo. Maikli iyon at hindi kumplikado. Malinaw ang paglalarawan at kahit ang isang bata ay makakaya itong ikuwentong muli nang walang hirap. Ngunit habang gumugugol tayo ng oras sa pag-iisip at pagninilay, mas nagkakaroon ito ng liwanag at kahulugan sa atin. …

… Katatawid pa lang ulit ni Jesus at ng mga kasama niya sa Dagat ng Galilea, at sinalubong siya ng napakaraming taong nangaghihintay sa pampang malapit sa Capernaum. “At lumapit ang isa sa mga pinuno sa sinagoga.” Ang mas malalaking sinagoga noong panahong iyon ay pinamumunuan ng isang grupo ng mga elder sa ilalim ng pamamahala ng isang nangungulo o isang pinuno. Siya ay isang lalaking may katungkulan at kabantugan na lubhang iginagalang ng mga Judio.

Hindi ibinigay ni Mateo ang pangalan ng punong elder na ito, ngunit tinukoy ito ni Marcos sa pagdaragdag sa kanyang titulo ng mga salitang, “nagngangalang Jairo.” Hindi lumabas sa buong banal na kasulatan ang lalaking ito o ang kanyang pangalan maliban sa pagkakataong ito, subalit namamayani ang kanyang alaala sa kasaysayan dahil sa maikling pakikipag-ugnayan niya kay Jesus. Napakaraming buhay ang hindi malilimutan na naglaho na sana sa kawalan kung hindi dahil sa dantay ng kamay ng Guro na gumawa ng malaking pagbabago ng isipan at kilos at ng isang bago at mas mabuting pamumuhay.

“At pagkakita sa kaniya [ibig sabihin, nang makita ni Jairo si Jesus], ay nagpatirapa siya sa kaniyang paanan.”

Pambihirang pangyayari ito na ang isang lalaking may katungkulan at kabantugan, isang pinuno sa sinagoga, ay nagpatirapa sa paanan ni Jesus—sa paanan ng itinuring na isang gurong naglalakbay na may kakayahang magpagaling. Maraming iba pang may pinag-aralan at bantog na nakakita rin kay Jesus ngunit binalewala siya. Sarado ang kanilang isipan. Gayon din ngayon; maraming humahadlang sa marami para tanggapin siya.

“At ipinamamanhik na mainam sa kaniya [ni Jairo], na sinasabi, Ang aking munting anak na babae ay naghihingalo.” Ito ang karaniwang nangyayaring madalas kapag lumapit ang isang tao kay Cristo, hindi dahil sa kanyang sariling pangangailangan, kundi dahil sa gipit na pangangailangan ng isang mahal sa buhay. Ang naririnig nating panginginig ng boses ni Jario nang sabihin niyang “Ang aking munting anak na babae” ay umaantig sa ating kaluluwa sa pakikiramay kapag inisip natin ang lalaking ito na may mataas na katungkulan sa sinagoga na nakaluhod sa harapan ng Tagapagligtas.

Pagkatapos ay dumarating ang matinding pagkilala sa pananampalataya: “Ipinamamanhik ko sa iyo, na ikaw ay pumaroon at ipatong mo ang iyong mga kamay sa kaniya, upang siya’y gumaling, at mabuhay.” Ito ay hindi lamang mga salita ng pananampalataya ng isang amang namimighati kundi isa ring paalala sa atin na anumang dantayan ng mga kamay ni Jesus ay nabubuhay. Kung ipapatong ni Jesus ang Kanyang mga kamay sa pagsasama ng isang mag-asawa, ito ay mabubuhay. Kung tutulutan siyang idantay ang kanyang mga kamay sa pamilya, ito ay mabubuhay.

Sumunod ang mga salitang, “at [si Jesus ay] sumama sa kaniya.” Hindi natin ipapalagay na ang pangyayaring ito ay nasa plano para sa araw na iyon. Nagbalik ang Guro mula sa kabilang-dagat kung saan maraming tao ang naghihintay sa pampang para turuan niya. … Nagambala siya ng pagsamo ng isang ama. Maaari niyang balewalain ang hiling dahil marami pang ibang naghihintay. Maaari sana niyang sabihin kay Jairo na pupuntahan niya ang anak nito bukas, ngunit “[si Jesus ay] sumama sa kaniya.” Kung susundin natin ang mga yapak ng Guro, magiging masyadong abala ba tayo para balewalain ang mga pangangailangan ng ating kapwa-tao?

Hindi na kailangang tapusing basahin ang kuwento. Pagdating nila sa bahay ng pinuno ng sinagoga, hinawakan ni Jesus sa kamay ang batang babae at ibinangon ito mula sa mga patay. Sa gayon ding pamamaraan, iaahon at ibabangon niya sa isang bago at mas magandang buhay ang bawat taong tutulutan ang Tagapagligtas na hawakan siya sa kamay.11

5

Lalo tayong ilalapit ng Aklat ni Mormon at ng Doktrina at mga Tipan kay Cristo.

Ang Aklat ni Mormon

Ang isa sa pinakamahahalagang bagay na ipinagkaloob ng Panginoon para tulungan tayong isagawa ang banal na gawaing ito ay ang Aklat ni Mormon, na may pangalawang pamagat na “Isa Pang Tipan ni Jesucristo.” Tahasan tayong pinagsabihan [ni Pangulong Ezra Taft Benson] na huwag kaligtaang basahin at sundin ang mga tuntunin sa sagradong aklat na ito ng banal na kasulatan. “Ang dakilang misyon nito,” pagtuturo niya sa atin, “ay dalhin ang mga tao kay Cristo [at sa gayon ay sa Ama], at pumapangalawa lang ang lahat ng iba pang bagay.” (Ensign, Mayo 1986, p. 105.) Umaasa kami mga kapatid na pinakakain ninyo ang inyong espiritu sa pamamagitan ng regular na pagbabasa ng Aklat ni Mormon at ng iba pang mga banal na kasulatan at ginagamit ang mga ito sa inyong ministeryo.12

Ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos. Inaanyayahan namin kayong basahin ang napakagandang talang ito. Ito ang pinaka-pambihirang aklat sa mundo ngayon. Mapanalangin itong basahing mabuti, at kapag ginawa ninyo ito, bibigyan kayo ng Diyos ng patotoo tungkol sa katotohanan nito tulad ng ipinangako ni Moroni (tingnan sa Moroni 10:4).13

Sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-aaral ng Aklat ni Mormon, at mapanalanging paghahangad ng pagpapatibay ng mga nilalaman nito, natatanggap natin ang patotoo na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos at na ang Simbahan ni Jesucristo ay ipinanumbalik na sa lupa.14

Ang pagbabasa [ng Aklat ni Mormon] ay magkakaroon ng malaking epekto sa inyong buhay. Palalawakin nito ang inyong kaalaman tungkol sa paraan ng pakikitungo ng Diyos sa tao at magbibigay sa inyo ng mas matinding hangaring mamuhay ayon sa mga turo ng kanyang ebanghelyo. Bibigyan din kayo nito ng napakalakas na patotoo tungkol kay Jesus.15

Ang Doktrina at mga Tipan

Ang Doktrina at mga Tipan ay isang kakaibang aklat. Ito lamang ang aklat sa balat ng lupa na may paunang salita na ang Lumikha mismo ang sumulat. Bukod pa rito, ang aklat na ito ng banal na kasulatan ay naglalaman ng mas maraming tuwirang kasabihan mula sa Panginoon kaysa iba pang aklat ng banal na kasulatan.

Ito ay hindi pagsasalin ng isang sinaunang dokumento, kundi makabago ang pinagmulan nito. Ito ay isang aklat ng paghahayag para sa ating panahon. Ito ay isang kakaiba at may banal na inspirasyong salaysay ng mga paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ng mga propeta ng Diyos sa ating panahon bilang sagot sa mga katanungan, alalahanin, at hamon na nakaharap nila at ng iba. Ito ay naglalaman ng mga banal na kasagutan sa mga problema sa tunay na buhay ng mga tunay na tao. …

Natatanto ba ninyo na sa pagbabasa ng Doktrina at mga Tipan ay maririnig ninyo ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng banal na kasulatan? [tingnan sa D at T 18:33–36]. … Ang tinig na iyon ng kaliwanagan ay kadalasang darating sa inyong isipan bilang “mga kaisipan” at sa inyong puso bilang “mga pakiramdam” (tingnan sa D at T 8:1–3). Ang pangako ng patotoong iyon ay … para sa bawat karapat-dapat na lalaki, babae, at bata na mapanalanging naghahangad ng gayong patotoo. Hindi ba nararapat ipasiya ng bawat isa sa atin na basahin, pag-aralan, pagnilayan, at ipagdasal ang mga sagradong paghahayag na ito?16

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Anong mga karanasan ang nakatulong sa inyo na malaman na pag-aaral ng mga banal na kasulatan “ang may pinakamalaking pakinabang sa lahat ng pag-aaral”? (Tingnan sa bahagi 1.) Paano natin mapapatibay ang ating pangako na maging “mga babae at lalaking lubos na maalam sa mga banal na kasulatan”?

  • Paano tayo tinutulungan ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan na maging mas masunurin? (Tingnan sa bahagi 2.) Paano ninyo nakita na “ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin”? (2 Nephi 32:3).

  • Anong mga aspeto ng payo ni Pangulong Hunter kung paano mag-aral ng mga banal na kasulatan ang makakatulong sa inyo? (Tingnan sa bahagi 3.) Paano kayo nabiyayaan ng regular at mapanalanging pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

  • Anong mga kabatiran ang matatamo natin mula sa salaysay ni Pangulong Hunter tungkol sa pagpapagaling ng Tagapagligtas sa anak na babae ni Jairo? (Tingnan sa bahagi 4.) Paano mapagyayaman ng pagninilay ng iilang talata lamang na tulad nito ang inyong pag-aaral ng banal na kasulatan?

  • Paano kayo natulungan ng Aklat ni Mormon at ng Doktrina at mga Tipan na mas mapalapit sa Tagapagligtas? (Tingnan sa bahagi 5.) Ano ang ilang iba pang paraan na nakaimpluwensya sa inyo ang mga sagradong aklat na ito? Isiping ibahagi ang inyong patotoo tungkol sa mga banal na kasulatang ito sa pamilya at iba pa.

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Josue 1:8; Mga Kawikaan 30:5; 1 Nephi 15:23–24; 2 Nephi 3:12; Alma 31:5; 37:44; Helaman 3:29–30; D at T 98:11

Tulong sa Pag-aaral

“Ang pagbabasa, pag-aaral, at pagbubulay ay hindi magkakapareho. Nababasa natin ang mga salita at maaari tayong makakuha ng mga ideya. Nag-aaral tayo at maaari tayong makatuklas ng mga huwaran at pagkakaugnay-ugnay ng mga ideya sa banal na kasulatan. Ngunit kapag nagbulay-bulay tayo, nag-aanyaya tayo ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu. Ang pagbubulay, para sa akin, ay ang pag-iisip at pagdarasal na ginagawa ko matapos basahin at pag-aralang mabuti ang mga banal na kasulatan” (Henry B. Eyring, “Maglingkod nang May Espiritu,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 60).

Mga Tala

  1. “Reading the Scriptures,” Ensign, Nob. 1979, 65.

  2. The Teachings of Howard W. Hunter, inedit ni Clyde J. Williams (1997), 50.

  3. “Reading the Scriptures,” 64.

  4. The Teachings of Howard W. Hunter, 53–54.

  5. The Teachings of Howard W. Hunter, 51.

  6. “Obedience” (mensaheng ibinigay sa Hawaii Area Conference, Hunyo 18, 1978), 3–5, Church History Library, Salt Lake City; ang huling parapo ay matatagpuan din sa The Teachings of Howard W. Hunter, 52.

  7. “Eternal Investments” (mensahe sa CES religious educators, Peb. 10, 1989), 3; si.lds.org.

  8. “Fear Not, Little Flock” (mensaheng ibinigay sa Brigham Young University, Mar. 14, 1989), 2; speeches.byu.edu.

  9. The Teachings of Howard W. Hunter, 51–52.

  10. “Reading the Scriptures,” 64.

  11. “Reading the Scriptures,” 64–65.

  12. “The Mission of the Church” (mensaheng ibinigay sa regional representatives’ seminar, Mar. 30, 1990), 2.

  13. The Teachings of Howard W. Hunter, 54.

  14. “The Pillars of Our Faith,” Ensign, Set. 1994, 54.

  15. “Evidences of the Resurrection,” Ensign, Mayo 1983, 16.

  16. The Teachings of Howard W. Hunter, 55–56.