Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 23: ‘Hindi Nakabababa ng Kapakinabangan’


Kabanata 23

“Hindi Nakabababa ng Kapakinabangan”

“Karamihan sa atin ay tahimik, hindi gaanong kilala na … gumagawa ng ating gawain nang hindi tumatanggap ng anumang pagkilala. Para sa inyo na itinuturing iyan na … hindi kahanga-hanga, sinasabi ko, ‘hindi nababawasan ang [inyong] kapakinabangan’ kumpara sa pinakatanyag sa inyong mga kasamahan.”

Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter

Si Pangulong Howard W. Hunter ay hindi lamang kilala bilang masigasig na lider at mapagmahal na propeta, kundi sa tahimik na paraan din ng kanyang paglilingkod. Alam niya na ang paglilingkod mismo ay mahalaga, tumanggap man siya o hindi ng anumang pagkilala. Minsan ay sinabi ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawa tungkol sa kanya, “Si Pangulong Howard W. Hunter ay mapagpakumbabang tao. … Siya pa rin iyong taong mapagpakumbaba, nang magising ako matapos ang isang nakakapagod at maalikabok na araw na kasama siya sa isang gawain sa Egipto, na tahimik na nililinis ang aking sapatos, isang gawaing inasam niyang matapos nang hindi nakikita.”1

Unang napansin ni Pangulong Thomas S. Monson ang mapagpakumbabang paraan ng paglilingkod ni Pangulong Hunter nang ilaan ang Los Angeles California Temple noong 1956, ilang taon bago tinawag bilang Apostol ang isa sa kanila. Paggunita niya:

“Nakilala ko … si Pangulong Hunter noong siya ay naglilingkod bilang pangulo ng Pasadena California Stake at may responsibilidad na isaayos ang paghahanda sa lugar para sa paglalaan ng Los Angeles (California) Temple. Natuwa ako sa pribilehiyong mag-print ng mga tiket. Ang responsibilidad niya ay napakalaki. Ang nakita ko lamang noon ay ang bahaging iyon na may kinalaman sa mga tiket, na color coded, na may napakagandang label, at may numero na napakaayos ng pagkakasunud-sunod na noon ko lamang nakita. Buong puso niyang ibinigay ang karangalan sa iba at tiniyak na di-gaanong maitampok ang kanyang pangalan, bagama’t siya ang namahala sa pag-oorganisa ng napakahalagang kaganapang ito.”2

Sinabi pa ni Elder James E. Faust ng Korum ng Labindalawa, “Hindi niya kailangan ng papuri. Sa taglay niyang karunungan, siya ay mauupo kasama ang mga kapatid at kaunti lang ang sasabihin. Kuntento siya sa kanyang sarili.”3

Naunawaan ni Pangulong Hunter na ang bawat paglilingkod ay mahalaga sa paningin ng Diyos, hindi man ito kinikilala o hindi tanyag. Ilang linggo bago pumanaw si Pangulong Hunter, isang kaibigan ang nagtanong, “Mahal kong Pangulo, ano ang pinakadakilang posisyon o katungkulan—iyon bang sa isang minamahal at pinagkakatiwalaang kaibigan, o iyong sa isang propeta ng Diyos?” Matapos marinig ang tanong, “tahimik na nag-isip ang Pangulo na tila sa loob ng ilang minuto; pagkatapos ay marahang hinawakan ang kamay ng kanyang kaibigan at bumaling rito, nang may mga luhang dumadaloy sa kanyang maputlang pisngi, sinabi niya, ‘ang mga iyon ay parehong sagradong tungkulin na ipinagkatiwala.’”4

Larawan
lalaki at batang lalaki na may hawak na baseball

Ang paglilingkod na nagpapabago ng buhay ay ginagawa ng maraming tao “na hindi nabibigyan ng pansin, at hindi nakatatanggap ng pagkilala ng daigdig.”

Mga Turo ni Howard W. Hunter

1

Ang mga naglilingkod nang tahimik at hindi nagpapahalata ay “hindi kulang sa kapakinabangan” kumpara sa mga taong tumatanggap ng papuri ng sanlibutan.

Ganito ang sinabi tungkol sa bata at magiting na si Kapitan Moroni: “Kung ang lahat ng tao ay naging, at matutulad, at maaaring maging katulad ni Moroni, masdan, ang yaon ding kapangyarihan ng impiyerno ay mayayanig magpakailanman; oo, ang diyablo ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa mga puso ng mga anak ng tao.” (Alma 48:17.)

Iyan ay isang napakagandang papuri sa isang kilala at makapangyarihang tao! Wala na akong maisip pa na mas magandang papuri na ibinigay sa isang tao. Pagkatapos ng dalawang talata na kasunod nito ay mababasa ang pahayag tungkol kay Helaman at sa kanyang mga kapatid, na gumanap ng tungkulin na di-gaanong pansin tulad ng kay Moroni: “Ngayon masdan, si Helaman at ang kanyang mga kapatid ay hindi nakabababa ng kapakinabangan sa mga tao kaysa kay Moroni.” (Alma 48:19.)

Sa madaling salita, bagama’t hindi gaanong kilala at napapansin si Helaman tulad ni Moroni, siya ay kapaki-pakinabang; ibig sabihin, siya ay nakakatulong o kapaki-pakinabang na tulad ni Moroni.

Talagang makikinabang tayo nang husto sa pag-aaral sa buhay ni Kapitan Moroni. Siya ay huwaran ng pananampalataya, paglilingkod, dedikasyon, katapatan, at marami pang ibang banal na katangian. Gayunpaman, sa halip na magtuon ng pansin sa kahanga-hangang lalaking ito, nagpasiya akong tingnan ang mga taong hindi napapansin, na hindi nakatatanggap ng papuri ng sanlibutan, ngunit “hindi nakabababa ng kapakinabangan,” tulad ng nakasaad sa mga banal na kasulatan.

Hindi lahat sa atin ay magiging katulad ni Moroni, na pinupuri ng ating mga kasamahan sa buong maghapon sa araw-araw. Karamihan sa atin ay tahimik, hindi gaanong kilala na gumagawa ng ating gawain nang hindi naghihintay na mapuna. Para sa inyo na itinuturing [ang ideyang] iyan na nakakalungkot o nakakatakot o hindi kahanga-hanga, sinasabi ko, kayo ay ‘hindi nakabababa ng kapakinabangan’ kaysa sa pinakatanyag sa inyong mga kasamahan. Kayo rin ay bahagi ng hukbo ng Diyos.

Isipin, halimbawa, ang matinding paglilingkod ng isang ina o ama sa hindi kilalang tahanan ng matuwid na mga Banal sa mga Huling Araw. Isipin ang mga guro sa Gospel Doctrine at mga Primary chorister at mga Scoutmaster at Relief Society visiting teacher na naglilingkod at nagpapala sa milyun-milyon ngunit ang mga pangalan ay hindi kailanman kinikilala ng publiko o itinatampok sa media ng bansa.

Libu-libong mga tao, na hindi nagpapakilala, ang ginagawang posible ang ating mga oportunidad at kaligayahan sa araw-araw. Tulad ng nakasaad sa mga banal na kasulatan, sila ay “hindi nakabababa ng kapakinabangan” kaysa sa mga taong ang buhay ay nasa mga unang pahina ng diyaryo.

Madalas na nakatuon ang kasaysayan at kasalukuyang panahon sa isa sa halip na sa marami. Ang mga indibiduwal ay madalas na pinagtutuunan ng pansin ng kanilang mga kaedad at itinuturing na mga idolo. Inaamin ko na ang ganitong uri ng pagtutuon ng pansin ay isang paraan upang matukoy ang hinahangaan o itinatangi ng mga tao. Ngunit kung minsan ang pagkilalang iyan ay hindi nararapat, o maaaring magtaguyod pa ng mga maling pagpapahalaga.

Dapat nating piliin nang matalino ang ating mga iniidolo at huwaran, habang nagpapasalamat din para sa napakaraming kaibigan at mamamayan na hindi gaanong kilala ngunit “hindi nakabababa ng kapakinabangan” kaysa sa mga taong katulad ni Moroni sa ating buhay.5

2

Sa mga banal na kasulatan, maraming tao, kasama ng ibang kilalang mga tao, ang gumawa ng mahahalagang kontribusyon.

Marahil maiisip din ninyo gaya ko ang ilang mabubuting tao mula sa mga banal na kasulatan na hindi gaanong tumanggap ng papuri ngunit, kapag sinuri natin ang kasaysayan, ay mapapatunayang sila ay tunay na mga dakila.

Maraming nagbasa ng tala tungkol sa dakilang propetang si Nephi ang halos nakakaligtaan ang isa pang magiting na anak ni Lehi na nagngangalang Sam. Si Nephi ay isa sa mga pinakakilalang tao sa buong Aklat ni Mormon. Pero si Sam? Ang pangalang Sam ay binanggit lamang doon nang sampung beses. Nang payuhan at basbasan ni Lehi ang kanyang mga inapo, sinabi niya kay Sam:

“Pinagpala ka, at ang iyong mga binhi; sapagkat mamanahin mo ang lupain na katulad ng iyong kapatid na si Nephi. At ang iyong mga binhi ay mapapabilang sa kanyang mga binhi; at ikaw ay matutulad din sa iyong kapatid, at ang iyong mga binhi ay matutulad sa kanyang mga binhi; at ikaw ay pagpapalain sa lahat ng iyong mga araw.” (2 Ne. 4:11.)

Ang ginampanan ni Sam ay pagsuporta at pagtulong sa kanyang mas hinahangaang nakababatang kapatid, at sa huli ay natanggap niya ang mga pagpapala ring iyon na ipinangako kay Nephi at sa kanyang mga inapo. Walang ipinangako kay Nephi na hindi ibinigay sa matapat na si Sam, subalit kakaunti lamang ang alam natin tungkol sa mga detalye ng paglilingkod at kontribusyon ni Sam. Siya ay isang halos di-kilalang tao sa buhay na ito, ngunit malinaw na siya ay isang mahusay na lider at bayani sa mga talaan ng kawalang-hanggan.

Marami ang tumutulong sa tahimik na paraan. Si Ismael ay naglakbay kasama ang pamilya ni Nephi nang may malaking pagsasakripisyo, dumanas ng “labis na paghihirap, gutom, uhaw, at pagod.” (1 Ne. 16:35.) Pagkatapos sa gitna ng lahat ng paghihirap na ito, siya ay nasawi sa ilang. Maaaring ilan lang sa atin ang makaunawa sa sakripisyo ng taong iyon sa sinaunang panahon at kalagayang iyon. Marahil kung tayo ay higit na makakaunawa, tayo rin ay magdadalamhati, tulad ng kanyang mga anak na babae sa ilang, dahil sa ibinigay ng taong ito—at isinakripisyo!—upang mapasaatin ngayon ang Aklat ni Mormon.

Ang mga pangalan at alaala ng gayong kalalakihan at kababaihan na “hindi nakabababa ng kapakinabangan” ay marami sa Aklat ni Mormon. Maging ito man ay si Inang Saria o ang katulong na si Abis, na tagapaglingkod sa reyna ng mga Lamanita, ang bawat isa ay nakagawa ng kontribusyon na hindi kinilala ng mga tao ngunit kinilala ng Diyos.

Mayroon lamang tayong labindalawang talata sa mga banal na kasulatan na naglalahad ng tungkol sa buhay ni Mosias, na hari sa buong lupain ng Zarahemla at ama ng bantog na si Haring Benjamin. Gayon pa man ang kanyang paglilingkod sa mga tao ay mahalaga. Inakay niya ang mga tao “sa pamamagitan ng maraming pangangaral at pagpopropesiya” at “patuloy silang pinaaalalahanan sa pamamagitan ng salita ng Diyos.” (Omni 1:13.) Sina Limhi, Amulek, at Pahoran—ang huli sa kanila na nagtaglay ng kadakilaan ng kaluluwa na huwag maghinanakit bagama’t di-makatwirang naparatangan—ay mga halimbawa pa ng mga tao na di-makasariling naglingkod kasama ng mga taong higit na kilala.

Ang kawal na si Tiankum, na nagbuwis ng kanyang sariling buhay, o si Laconeo, ang punong hukom na nagturo sa mga tao na magsisi sa panahong lulusubin sila ng mga Gadianton, o ang halos di-mabanggit na mga misyonero na sina Omner at Himni, ay pawang “hindi nakabababa ng kapakinabangan” kaysa sa kanilang mga kasamahan, gayunman kaunti lamang ang naisulat tungkol sa kanila.

Wala tayong gaanong alam tungkol kay Shiblon, ang matapat na anak ni Alma na ang salaysay tungkol sa kanya ay makikita sa pagitan ng salaysay tungkol kay Helaman, ang magiging pinuno sa hinaharap, at tungkol kay Corianton, ang suwail; gayunpaman, mahalaga na nailarawan siya bilang isang “makatarungang tao [na] lumakad nang matwid sa harapan ng Diyos.” (Alma 63:2.) Ang dakilang propetang si Nephi, na binanggit sa aklat ni Helaman, ay may kapatid na nagngangalang Lehi, na tila saglit lang binanggit ngunit naitalang “hindi bahagya mang nalalayo [kay Nephi] sa mga bagay na nauukol sa kabutihan.” [Helaman 11:19; tingnan din sa talata 18.]6

Larawan
Benjamin at Mosias

Matapos hawakan ni Abis (kaliwa) ang kamay ng reyna ng mga Lamanita, ang reyna ay tumayo (tingnan sa Alma 19:15–29).

3

Bagama’t maaaring hindi tayo maging tanyag, makakapagbigay tayo ng malaking paglilingkod sa kaharian.

Mangyari pa, may mga halimbawa rin ng ganitong mga tao na kapaki-pakinabang na naglingkod sa ating dispensasyon. Si Oliver Granger ay tahimik at matulunging tao sa mga huling araw na kinilala ng Panginoon sa bahagi 117 ng Doktrina at mga Tipan. Ang pangalang Oliver ay maaaring hindi pamilyar sa marami, kaya ikukuwento ko ang tungkol sa matapat na taong ito.

Si Oliver Granger ay matanda ng labing-isang taon kay Joseph Smith at, tulad ng Propeta, ay nagmula sa itaas na bahagi ng New York. Dahil sa matinding lamig at pagkalantad noong siya ay tatlumpung-tatlong taong gulang, halos mawalan ng paningin si Oliver. Sa kabila ng kanyang limitadong paningin, tatlong beses siyang nakapaglingkod sa full-time mission. Nagtrabaho rin siya sa Kirtland Temple at naglingkod sa Kirtland high council.

Nang paalisin sa Kirtland, Ohio, ang karamihan sa mga Banal, may naiwan pang utang ang Simbahan. Si Oliver ay hinirang na maging kinatawan ni Joseph Smith at ng Unang Panguluhan at bumalik sa Kirtland para asikasuhin ang gawain ng Simbahan. Sa gawaing ito, nakasaad sa Doktrina at mga Tipan: “Samakatwid, masigasig siyang makipaglaban sa pagtubos ng Unang Panguluhan ng aking Simbahan, wika ng Panginoon.” (D at T 117:13.)

Isinagawa niya ang tungkuling ito na ikinasiya ng mga pinagkakautangan nila kaya naisulat ng isa sa kanila: “Ang pag-aasikaso ni Oliver Granger sa pagbabayad ng mga utang ng mga taong lumipat sa Far West, sa pagtupad sa kanilang mga pangako at sa gayon ay naipakita ang kanilang integridad, ay tunay na kapuri-puri, at marapat sa aking mataas na paghanga, at pasasalamat.” (Horace Kingsbury, binanggit sa Joseph Smith, History of the Church, 3:174.)

Noong nasa Kirtland si Oliver, nagtangka ang ilang tao, pati na ang mga naghinanakit na miyembro ng Simbahan, na siraan ang Unang Panguluhan at nagpakalat ng maling paratang para pagdudahan ang kanilang integridad. Si Oliver Granger, dahil sa mga ginawa niya, ay “tinubos ang Unang Panguluhan” sa pamamagitan ng kanyang tapat na paglilingkod. … Ganito ang sinabi ng Panginoon tungkol kay Oliver Granger: “Ang kanyang pangalan ay mapapasama sa banal na pag-aalaala sa bawat sali’t salinlahi, magpakailanman at walang katapusan.” (D at T 117:12.) “Itataas ko ang aking tagapaglingkod na si Oliver, at lilikha para sa kanya ng isang dakilang pangalan sa lupa, at sa aking mga tao, dahil sa katapatan ng kanyang kaluluwa.” (History of the Church, 3:350.)

Nang pumanaw siya noong 1841, bagama’t kakaunti lamang ang mga Banal na nanatili sa Kirtland at mas kakaunti ang mga kaibigan ng mga Banal, ang libing ni Oliver Granger ay dinaluhan ng napakaraming tao mula sa kalapit na mga bayan.

Bagama’t si Oliver Granger ay hindi gaanong kilala ngayon gaya ng iba pang mga lider ng Simbahan, siya gayon pa man ay isang dakila at mahalagang tao sa paglilingkod na ibinigay niya sa kaharian. At kahit walang makaalala sa kanyang pangalan maliban sa Panginoon, iyan ay sapat nang pagpapala para sa kanya—o para sa sinuman sa atin.7

4

Si Nephi ay halimbawa ng pag-alaala sa Diyos bilang pinagmumulan ng kanyang lakas at mga pagpapala.

Palagay ko kailangang maging alisto tayo sa maaaring nakaambang espirituwal na panganib sa mga taong mali ang pagkaunawa sa palaging pagtanggap ng papuri. Maaaring mas asamin nila ang katanyagan at dahil dito ay malimutan ang kahalagahan ng paglilingkod na ibinigay.

Hindi natin dapat hayaan ang ating sarili na magtuon sa panandaliang popularidad o hangarin ang atensyong iyon kapalit ng tapat ngunit madalas na di-kinikilalang paglilingkod na kinikilala naman ng Diyos, kahit hindi ito naitatampok sa mga pangunahing balita. Sa katunayan, ang papuri at atensyon ay maaaring maging espirituwal na kahinaan maging ng taong pinakamahusay sa atin.

Kung maging popular kayo balang-araw sa inyong buhay, makabubuti para sa inyo na tularan ang halimbawa ng mga tao na naging tanyag sa mga banal na kasulatan. Isa si Nephi sa mabubuting halimbawa. Matapos maglakbay sa ilang kasama ang kanyang pamilya, ang kanyang pag-uugali ay nakatuon pa rin sa mga bagay na pinakamahalaga. Sabi niya:

“At kapag nais kong magsaya, ang aking puso ay dumaraing dahil sa aking mga kasalanan; gayunpaman, alam ko kung kanino ako nagtiwala.

“Ang aking Diyos ang aking naging tagapagtaguyod; pinatnubayan niya ako sa aking mga kahirapan sa ilang; at pinangalagaan niya ako sa ibabaw ng tubig ng malawak na dagat.

“Pinuspos niya ako ng kanyang pag-ibig, maging hanggang sa madaig ang aking laman.

“Kanyang nilito ang aking mga kaaway, hanggang sa papangyarihin na sila ay mayanig sa harapan ko.” (2 Ne. 4:19–22.)

Hindi kailanman nabulag ng katanyagan si Nephi para malimutan ang pinagmumulan ng kanyang lakas at mga pagpapala.8

5

Kapag naunawaan natin kung bakit tayo naglilingkod, hindi natin aalalahanin kung saan tayo maglilingkod.

Kapag dumating ang papuri at katanyagan, makabubuti rin para sa atin na sagutin ang tanong na, Bakit tayo naglilingkod? Kapag naunawaan natin kung bakit tayo naglilingkod, hindi natin aalalahanin kung saan tayo maglilingkod.

Itinuro ni Pangulong J. Reuben Clark, Jr., ang mahalagang alituntuning ito sa kanyang sariling buhay. Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1951, si Pangulong David O. McKay ay sinang-ayunan bilang Pangulo ng Simbahan nang pumanaw si Pangulong George Albert Smith. Hanggang sa panahong iyan, si Pangulong Clark ay naglingkod bilang Unang Tagapayo kay Pangulong Heber J. Grant at pagkatapos kay Pangulong George Albert Smith. Si Pangulong McKay ang Pangalawang Tagapayo sa dalawang Pangulo.

Sa huling sesyon ng kumperensya nang mapangasiwaan na ang gawain ng Simbahan, si Brother Stephen L Richards ay tinawag sa Unang Panguluhan at sinang-ayunan bilang Unang Tagapayo. Si Pangulong J. Reuben Clark, Jr., ay sinang-ayunan naman bilang Pangalawang Tagapayo. Matapos ang pagsang-ayon ng mga pinuno ng Simbahan, ipinaliwanag ni Pangulong McKay kung bakit niya pinili ang kanyang mga tagapayo sa ganoong pagkakaayos. Sabi niya:

“Nadama ko na ang isang gabay na alituntunin sa pasiyang ito ay ang sundin ang seniority sa Kapulungan [ng Labindalawa]. Ang dalawang lalaking ito ay nahirang sa kani-kanyang posisyon sa panguluhang iyan ng Simbahan, at nabigyan ako ng inspirasyon na makabubuting ipagpatuloy ang gayon ding seniority sa bagong korum ng Unang Panguluhan.” (Sa Conference Report, 9 Abril 1951, p. 151.)

Pagkatapos si Pangulong Clark ay inanyayahang magsalita kasunod ni Pangulong McKay. Ang kanyang mensahe sa kaganapang ito ay maikli ngunit nagtuturo ng matinding aral: “Sa paglilingkod sa Panginoon, hindi mahalaga kung saan ka naglilingkod kundi kung paano. Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ginagampanan ng isang tao ang tungkuling iniatas sa kanya, tungkuling hindi niya dapat hangarin o tanggihan. Ipinapangako ko kina Pangulong McKay at Pangulong Richards ang lubos na katapatan sa paglilingkod sa mga gawain na maaaring dumating sa akin sa abot ng aking lakas at kakayahan, at hangga’t pinahihintulutan nila ako na gawin ang mga ito, hindi man sapat ang kakayahan ko.” (Ibid., p. 154.)

Ang aral na itinuro ni Pangulong Clark ay naipahayag sa ibang paraan sa tulang ito ni Meade McGuire, na binanggit nang maraming beses:

“Ama, saan po ang aking gawain?”

At napuspos ako ng mapagmahal na damdamin.

At isang munting lugar ang Kanyang itinuro

At sinabing, “Pangalagaan mo iyon para sa akin.”

Agad akong sumagot, “Hindi; huwag po iyan!

Hindi iyan makikita ng iba,

Husayan ko man ang paggawa;

Huwag po iyan ang inyong ipagawa.”

At nagsalita Siya nang mahinahon;

Magiliw Niya akong tinugon:

“Ah, anak ko, iyong puso ay suriin.

Ikaw ba’y gumagawa para sa kanila o para sa akin?

Ang Nazaret ay isang munting bayan,

Na katulad ng Galilea din naman.”

[Tingnan sa Best-Loved Poems of the LDS People, tinipon ni Jack M. Lyon at ng iba pa (1996), 152.]

Sinabi ni Haring Benjamin: “Masdan, sinasabi ko sa inyo na dahil sa sinabi ko sa inyo na ginugol ko ang aking panahon sa paglilingkod sa inyo, hindi ko ninanais na magmalaki, sapagkat ako ay nasa paglilingkod lamang ng Diyos. At masdan, sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang inyong matamo ang karunungan; upang inyong malaman na kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.” (Mosias 2:16–17.)9

Larawan
mga kababaihang naglilingkod sa cannery

Tayo ang “pinakamasaya at pinakamatagumpay sa buhay” kapag ang ating “mga hangarin ay nilakipan ng pagbibigay ng tulong sa iba at pagtulong sa kanila na mahanap ang daan.”

6

Dapat tayong maglingkod nang tapat at tahimik, nag-iingat sa papuri ng iba.

Pinakamasaya at pinakamatagumpay sa buhay ang isang tao na ang mga hangarin ay nilakipan ng pagbibigay ng tulong sa iba at pagtulong sa kanila na mahanap ang daan.

Ang karatula sa pagtawid sa riles ng tren na nagbibigay ng babala na tayo ay tumigil, tumingin, at makinig ay maaaring maging gabay natin. Tumigil kung masyado na tayong abala sa buhay. Tumingin sa mga bagay na maaari nating magawa nang magiliw, nang may pagmamalasakit, may paggalang, at lahat ng mumunting pangangailangan ng tao na maaari nating matugunan. Makinig sa iba at alamin ang kanilang mga inaasam at problema upang makatulong tayo sa maliit na paraan sa kanilang tagumpay at kaligayahan.10

Sabi ni Pangulong Ezra Taft Benson … : “Ang paglilingkod na katulad ng kay Cristo ay nagpapadakila. … Ipinangako ng Panginoon na ang mga taong mawawalan ng buhay sa paglilingkod sa iba ay masusumpungan yaon. Sinabi sa atin ni Propetang Joseph Smith na dapat nating “ilaan ang ating buhay” sa pagsasakatuparan ng Kanyang mga layunin. (D at T 123:13.)” (Ensign, Nob. 1989, p. 5–6.)

Kung nadarama ninyo na karamihan sa ginagawa ninyo ay hindi napapansin, huwag panghinaan ng loob. Karamihan sa mga pinakamahusay na tao na nabuhay ay hindi rin gaanong kilala. Maglingkod at umunlad, nang tapat at tahimik. Mag-ingat sa papuri ng mga tao. Sinabi ni Jesus sa Sermon sa Bundok:

“Mangagingat kayo na huwag magsigawa ng katuwiran sa harap ng mga tao, upang kanilang makita: sa ibang paraan ay wala kayong ganti ng inyong Ama na nasa langit.

“Kaya nga pagka ikaw ay naglilimos, ay huwag kang tutugtog ng pakakak sa harap mo, na gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw sa mga sinagoga at sa mga daan, upang sila’y mangagkapuri sa mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila’y ganti.

“Datapuwa’t pagka ikaw ay naglilimos, ay huwag maalaman ng iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay:

“Upang ang iyong paglilimos ay malihim: at ang iyong Ama na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka.” (Mat. 6:1-4.)

Nawa ay gantimpalaan kayo tuwina ng ating Ama sa Langit.11

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Ano ang sinisikap na ipaunawa sa atin ni Pangulong Hunter sa pagbibigay-diin na si Helaman at ang kanyang mga kapatid ay “hindi nakabababa ng kapakinabangan” kaysa kay Kapitan Moroni? (Tingnan sa bahagi 1.) Paano makatutulong ang pagkaunawang ito sa inyo?

  • Ano ang itinuturo sa atin ng mga halimbawa sa mga banal na kasulatan sa bahagi 2? Paano nakakaimpluwensya ang mga halimbawang ito sa damdamin natin habang naglilingkod tayo? Paano kayo napagpala ng tahimik at walang hinihintay na kapalit na paglilingkod ng iba?

  • Ano ang matututuhan natin sa ikinuwento ni Pangulong Hunter tungkol kay Oliver Granger? (Tingnan sa bahagi 3.) Bakit hindi natin dapat isipin ang pagtanggap ng pagkilala kapag naglilingkod tayo?

  • Paano nagiging mapanganib “ang popularidad” o katanyagan? (Tingnan sa bahagi 4.) Ano ang maituturo sa inyo ng halimbawa ni Nephi tungkol sa pananatiling “nakatuon sa mga bagay na pinakamahalaga”?

  • Repasuhin ang nakasaad tungkol kay Pangulong J. Reuben Clark Jr. sa bahagi 5. Ano ang hinangaan ninyo sa ugali at mga salita ni Pangulong Clark? Isipin ang sagot ninyo sa tanong na “Bakit ako naglilingkod?” Paano tayo magkakaroon ng ugaling ibigay ang lahat ng ating makakaya saanman tayo maglingkod?

  • Sa bahagi 6, binanggit ni Pangulong Hunter ang pangako ng Panginoon na “ang mawalan ng buhay dahil [sa paglilingkod sa iba] ay makasusumpong niyaon” (tingnan sa Mateo 10:39; 16:25). Ano ang ibig sabihin nito? Paano ninyo nalaman na totoo ito? Paano kayo napasaya ng paglilingkod?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Mateo 6:2–7, 24; 20:25–28; Santiago 1:27; D at T 76:5–7; 121:34–37

Tulong sa Pag-aaral

“Ibahagi ang natutuhan ninyo. Kapag ginagawa ninyo ito, ang inyong kaisipan ay magiging mas malinaw at madaragdagan ang inyong kakayahang mapanatili ang inyong natutuhan” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 19).

Mga Tala

  1. Neal A. Maxwell, “Meek and Lowly” (Brigham Young University devotional, Okt. 21, 1986), 8; speeches.byu.edu.

  2. Thomas S. Monson, “President Howard W. Hunter: A Man for All Seasons,” Ensign, Abr. 1995, 31.

  3. James E. Faust, “Howard W. Hunter: Man of God,” Ensign, Abr. 1995, 27.

  4. Jon M. Huntsman Sr., “A Remarkable and Selfless Life,” Ensign, Abr. 1995, 24.

  5. “No Less Serviceable,” Ensign, Abr. 1992, 64–65.

  6. “No Less Serviceable,” 65.

  7. “No Less Serviceable,” 65–66.

  8. “No Less Serviceable,” 66.

  9. “No Less Serviceable,” 66-67.

  10. The Teachings of Howard W. Hunter, ed. Clyde J. Williams (1997), 267.

  11. “No Less Serviceable,” 67.