Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 6: Ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo


Kabanata 6

Ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo

“Babangon tayo mula sa kamatayan upang magkaroon ng buhay na walang hanggan, dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo at pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas.”

Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter

Noong Marso 20, 1934, isinilang ang panganay na anak nina Howard at Claire Hunter, isang lalaki na pinangalanan nilang Howard William Hunter Jr. at tinawag nilang Billy. Pagsapit ng tag-init napansin nila na parang matamlay si Billy. Sinuri siya ng mga doktor at nalaman na may anemia siya, at dalawang beses nagbigay ng dugo si Howard para isalin sa kanya, ngunit hindi humusay ang lagay ni Billy. Nahayag sa iba pang mga pagsusuri na may malala siyang problema sa bituka kaya kinukulang ng dugo si Billy. Inoperahan siya ng mga doktor, habang nakahiga sa tabi niya si Howard para salinan siya ng dugo, ngunit hindi naging maganda ang resulta nito. Pagkaraan ng tatlong araw, noong Oktubre 11, 1934, tahimik na pumanaw ang munting si Billy habang nakaupo sa tabi ng kama niya ang kanyang mga magulang. “Nalulungkot at nasisindak na nilisan namin ang ospital sa kadiliman ng gabi,” pagsulat ni Howard.1

Sa mga karanasan sa pagkamatay ni Billy at ng iba pang mga mahal sa buhay, pinatatag si Pangulong Hunter ng kanyang patotoo sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. “Matibay ang aming paniniwala na [ang Pagbabayad-sala] ay totoo,” pagpapatotoo niya, “at walang mas mahalaga sa buong banal na plano ng kaligtasan kaysa sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Naniniwala kami na may kaligtasan dahil sa pagbabayad-sala. Kung wala ito mawawalan ng saysay ang buong plano ng paglikha. … Kung hindi dahil sa nagbabayad-salang sakripisyong ito, magwawakas ang buhay sa kamatayan, at walang pagkabuhay na mag-uli at walang layunin ang ating espirituwal na buhay. Wala nang pag-asang magkaroon ng buhay na walang hanggan.”2

Sa mga pangkalahatang kumperensya ng Abril, na idinaraos sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay, madalas banggitin ni Pangulong Hunter ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 1983 sinabi niya:

“Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, nadarama ko ang matinding kahalahagan ng tungkulin kong patotohanan na tunay na nabuhay na mag-uli ang Tagapagligtas. Mga kapatid, may isang Diyos sa kalangitan na nagmamahal at nagmamalasakit sa inyo at sa akin. Mayroon tayong isang Ama sa Langit, na isinugo ang kanyang Panganay na espiritung anak, ang kanyang Bugtong na Anak sa laman, upang maging mortal na halimbawa sa atin, upang dalhin sa kanyang sarili ang mga kasalanan ng sanlibutan, at maipako sa krus kalaunan para sa mga kasalanan ng sanlibutan at mabuhay na mag-uli. …

“Tunay ngang maganda ang mensahe—magkakaroon ng buhay pagkatapos mamatay; makababalik tayong muli sa piling ng ating Ama sa Langit, dahil sa pagsasakripisyo ng Tagapagligtas para sa atin, at dahil sa sarili nating pagsisisi at pagsunod sa mga kautusan.

“Sa maluwalhating pagsikat ng araw sa Pasko ng Pagkabuhay, kapag ang isipan ng mga Kristiyano ay bumaling sa pagkabuhay na mag-uli ni Jesus nang ilang sandali, pasalamatan natin ang ating Ama sa Langit para sa dakilang plano ng kaligtasan na inilaan para sa atin.”3

Larawan
libingan sa halamanan

Ang libingan ng Tagapagligtas na walang laman “ay ipinahayag sa buong mundo, ‘Wala siya rito, datapuwa’t nagbangon’” (Lucas 24:6).

Mga Turo ni Howard W. Hunter

1

Ang Pagbabayad-sala ang pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo.

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay isang tungkuling inorden noon pa man ng ating Ama sa Langit upang tubusin ang kanyang mga anak matapos silang magkasala. Pagpapakita ng pagmamahal ng ating Ama sa Langit ang pahintulutan ang kanyang Bugtong na Anak na isagawa ang nagbabayad-salang sakripisyo. At pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal ng kanyang pinakamamahal na Anak ang isagawa ang Pagbabayad-sala.

Maraming beses na akong tumayo sa halamanan ng Getsemani. Napagnilayan ko na sa aking isipan ang pagdurusa, ang matinding paghihirap ng Tagapagligtas—ang matinding paghihirap ng ating Ama sa Langit nang tulutan siya, sa paraang ni hindi maunawaan ng ating isipan, na taglayin sa kanyang sarili ang pasakit at mga kasalanan ng buong sangkatauhan. Puspos ng kalungkutan ang aking kaluluwa habang iniisip ko ang dakilang sakripisyo niya para sa sangkatauhan.

Nakatayo na ako sa paanan ng Golgota, ang dako ng bungo, at napagnilayan ang kahihiyan ng pagpapako sa krus na humantong sa mortal na kamatayan ng ating Tagapagligtas, gayunman ay naisagawa ang kawalang-kamatayan niya at ng buong sangkatauhan. At muling naantig ang aking kaluluwa.

At nakatayo na ako sa harapan ng libingan sa halamanan at nawari ko ang maluwalhating araw ng pagkabuhay na mag-uli nang lumabas ang Tagapagligtas mula sa libingan na buhay, nabuhay na mag-uli, imortal. Sa pagninilay na iyon nag-umapaw ang galak sa puso ko.

Sa mga karanasang ito nadama kong ibuhos ang aking kaluluwa sa pasasalamat at pagpapahalaga sa ating Ama sa Langit sa pagmamahal na ibinigay niya at ng kanyang Anak sa atin sa pamamagitan ng maluwalhati at nagbabayad-salang sakripisyo. Sa mga salita ni Charles Gabriel, “Ako ay namangha sa pag-ibig ni Jesus, humanga sa pagpapalang alay N’yang lubos. Na dahil sa ’kin S’yay ’pinako at namatay, sa akin S’ya’y nagdusa’t nag-alay ng buhay. O kahanga-hangang minahal Nya ako’t buhay N’ya’y ’binigay! O kahanga-hanga para sa akin!” …

Pinatototohanan ko sa inyo, mga kapatid, na isinugo ng ating Ama sa Langit ang kanyang pinakamamahal na Anak na si Jesucristo sa mundo upang tuparin ang mga kundisyong magpapatakbo sa plano ng kaligtasan. Ang Pagbabayad-sala ay simbolo ng kanyang dakilang pagmamahal sa atin.4

2

Dinala ng Tagapagligtas sa Kanyang sarili ang lahat ng ating kasalanan, kahinaan, kalungkutan, at pasakit.

Nang magkita-kita sila upang ipagdiwang ang Pasko ng Pagkabuhay, nakibahagi si Jesus at ang kanyang mga Apostol sa mga sagisag ng sakramento na pinasimulan niya sa huling hapunang ito na magkakasama sila, at saka siya lumakad patungo sa Bundok ng mga Olivo.

Bilang guro hanggang sa huli, patuloy niyang tinalakay ang paksa tungkol sa korderong isasakripisyo. Sinabi niya sa kanila na siya ay sasaktan, at kakalat sila na parang mga tupang walang pastol (tingnan sa Mateo 26:31). “Datapuwa’t pagkapagbangon ko,” wika niya, “ay mauuna ako sa inyo sa Galilea” (Mateo 26:32).

Nang sumunod na mga oras, nagpawis siya ng dugo, hinagupit ng mismong mga pinunong nagsabi na sila ang tagapag-alaga ng kanyang batas, at ipinako sa krus na kasama ng mga magnanakaw. Nangyari ang propesiya ni Haring Benjamin sa Aklat ni Mormon: “Siya ay magdaranas ng mga tukso, at sakit ng katawan, gutom, uhaw, at pagod, nang higit sa matitiis ng tao, maliban na yaon ay sa kamatayan; sapagkat masdan, ang dugo ay lumalabas sa bawat butas ng kanyang balat, napakasidhi ng kanyang magiging pagdurusa dahil sa kasamaan at mga karumal-dumal na gawain ng kanyang mga tao. …

“Siya ay paparito sa kanyang kalahi, upang ang kaligtasan ay mapasa mga anak ng tao … ; at maging matapos ang lahat ng ito siya ay ituturing nilang isang tao, at sasabihin na siya ay may sa diyablo, at pahihirapan siya, at siya ay ipapako sa krus” (Mosias 3:7, 9).

Utang-na-loob natin sa propetang si Alma ang ating kaalaman tungkol sa kanyang buong pagdurusa: “Siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao.

“At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:11–12).

Isipin ninyo ito! Nang dalhin ang kanyang katawan mula sa krus at mabilis na inilagay sa isang hiram na libingan, siya, ang walang-salang Anak ng Diyos, ay dinala na sa kanyang sarili hindi lamang ang mga kasalanan at tukso ng kaluluwa ng lahat ng taong magsisisi, kundi ang lahat ng uri ng ating mga sakit at kalungkutan at pasakit. Pinagdusahan niya ang mga hirap na ito tulad ng pagdurusa natin sa mga ito, ayon sa laman. Pinagdusahan niya itong lahat. Ginawa niya ito upang maging sakdal ang kanyang awa at kakayahang pasiglahin tayo sa kabila ng bawat pagsubok sa lupa.5

Sa katunayan, maaari tayong makagawa ng mga maling pasiya, masasamang pasiya, mga pasiyang masakit sa iba. At kung minsa’y iyon mismo ang nagagawa natin, ngunit diyan nagiging lubos na mabisa at maluwalhati ang misyon at awa ni Jesucristo. … Naglaan siya ng namamagitang pagbabayad-sala para sa mga maling pasiyang nagagawa natin. Siya ang ating tagapagtanggol sa Ama at bayad na niya, ang mga pagkakamali at kalokohang madalas nating makita sa paggamit natin ng ating kalayaan. Kailangan nating tanggapin ang kanyang kaloob, pagsisihan ang mga pagkakamaling iyon, at sundin ang kanyang mga kautusan upang mapakinabangan nang husto ang pagtubos na ito. Laging nariyan ang alok; laging bukas ang daan. Makakaasa tayo palagi, kahit sa pinakamahirap na sandali at sa pinakamapaminsalang mga pagkakamali, sa Anak ng Diyos at mabuhay.6

3

Si Jesucristo ay nagbangon mula sa libingan at siyang naging pangunahing bunga ng Pagkabuhay na Mag-uli.

Samahan ninyo akong balikan ang mga huling tagpo sa Banal na Lupain. Malapit nang magwakas ang mortal na buhay ng ating Panginoon. Napagaling niya ang maysakit, naibangon ang patay, at naipaliwanag ang mga banal na kasulatan, pati na ang mga propesiya tungkol sa kanyang sariling pagkamatay at pagkabuhay na mag-uli. Sabi niya sa kanyang mga disipulo:

“Narito, nagsisiahon tayo sa Jerusalem; at ibibigay ang Anak ng tao sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba; at kanilang hahatulang siya’y patayin,

“At ibibigay siya sa mga Gentil upang siya’y kanilang alimurahin, at hampasin, at ipako sa krus: at sa ikatlong araw siya’y ibabangon” (Mateo 20:18–19). …

Sa pagsisimula ng ikatlong araw na iyon, pumaroon si Maria Magdalena at “ang isa pang Maria” sa libingang pinaglagakan ng kanyang bangkay [Mateo 28:1; tingnan din sa Marcos 16:1; Lucas 24:10]. Bago iyon, nagsiparoon na ang mga punong saserdote at mga Fariseo kay Pilato at kinumbinsi itong maglagay ng bantay sa pintuan ng libingan, at “baka sakaling magsiparoon ang kaniyang mga alagad at siya’y nakawin, at sabihin sa bayan, Siya’y nagbangon sa gitna ng mga patay” (Mateo 27:64). Ngunit naigulong ng dalawang makapangyarihang anghel ang bato mula sa pintuan ng libingan, at nagtakbuhan ang mga bantay sa takot sa kanilang nakita.

Pagdating ng mga babae sa libingan, natagpuan nila itong bukas at walang laman. Nanatili roon ang mga anghel para ipaabot sa kanila ang pinakadakilang balitang maririnig ng tao: “Siya’y wala rito: sapagka’t siya’y nagbangon, ayon sa sinabi niya” (Mateo 28:6).7

Walang doktrina na itinuturing ng mga Kristiyano na banal na kasulatan ang mas mahalaga sa buong sangkatauhan kaysa sa doktrina ng pagkabuhay na mag-uli ng Anak ng Diyos. Sa pamamagitan niya mabubuhay na mag-uli ang lahat ng lalaki, babae, at batang isinilang na—o isisilang pa lang—sa mundo.

Sa kabila ng malaking pagpapahalaga natin sa pagkabuhay na mag-uli sa ating doktrina, marahil ay marami sa atin ang hindi pa lubos na nakauunawa sa espirituwal na kahalagahan at walang-hanggang karingalan nito. Kung mauunawaan lang natin ito, mamamangha tayo sa ganda nito na tulad ni Jacob, na kapatid ni Nephi, at mangingilabot tayo sa alternatibong haharapin sana natin kung hindi natin natanggap ang banal na kaloob na ito. Isinulat ni Jacob:

“O ang karunungan ng Diyos, ang kanyang awa at biyaya! Sapagkat masdan, kung ang katawang ito ay hindi na babangon pang muli ang ating espiritu ay tiyak na mapapasailalim sa anghel na yaon na itinakwil mula sa kinaroroonan ng Diyos na Walang Hanggan, at naging diyablo, upang hindi na bumangon pang muli” (2 Nephi 9:8).

Tiyak na ang pagkabuhay na mag-uli ang sentro ng pananampalataya ng bawat Kristiyano; ito ang pinakadakila sa lahat ng himalang isinagawa ng Tagapagligtas ng sanlibutan. Kung wala ito, talagang wala na tayong pag-asa. Hihiramin ko ang mga salita ni Pablo: “Kung walang pagkabuhay na maguli ng mga patay, … walang kabuluhan nga ang aming pangangaral, … at kami ay masusumpungang mga saksing bulaan tungkol sa Dios; sapagka’t aming sinasaksihan tungkol sa Dios, na kaniyang muling binuhay si Cristo. … Kung si Cristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan; kayo’y nasa inyong mga kasalanan pa” (I Mga Taga Corinto 15:13–15, 17).8

Kung walang Pagkabuhay na Mag-uli, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagiging isang litanya ng matatalinong kasabihan at tila di-maipaliwanag na mga himala—ngunit mga kasabihan at himalang walang tunay na tagumpay. Hindi, ang tunay na tagumpay ay nasa tunay na himala: sapagkat sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng sangkatauhan, ibinangon ng isang patay ang kanyang sarili upang mabuhay at hindi na tumikim ng kamatayan. Siya ang Anak ng Diyos, ang Anak ng ating walang-kamatayang Ama sa Langit, at ang tagumpay niya laban sa pisikal at espirituwal na kamatayan ang mabuting balitang dapat ipagsabi ng bawat Kristiyano.

Ang walang-hanggang katotohanan ay na si Jesucristo ay nagbangon mula sa libingan at siyang naging pangunahing bunga ng Pagkabuhay na Mag-uli. (Tingnan sa I Cor. 15:23.) Ang mga saksi sa napakagandang pangyayaring ito ay hindi maitatatwa.

Kasama sa mga piling saksi ang mga Apostol ng Panginoon. Tunay ngang ang tungkulin ng banal na pagkaapostol ay maging saksi sa mundo sa kabanalan ng Panginoong Jesucristo. Sabi ni Joseph Smith, “Ang mga saligang alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit: at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.” (History of the Church, 3:30.) …

Sa pagtuturo sa kanyang mga Apostol, ipinaalam sa kanila ni Cristo “ang Anak ng tao ay kinakailangang magbata na maraming mga bagay, at itakuwil ng matatanda, at ng mga pangulong saserdote, at ng mga eskriba, at patayin, at pagkaraan ng tatlong araw ay muling magbangon.” (Marcos 8:31.) At nangyari nga. Siya ay ipinako sa krus at inilagak sa libingan. Sa ikatlong araw, nagbangon nga siya upang mabuhay na muli—ang Tagapagligtas ng buong sangkatauhan at pangunahing bunga ng Pagbabayad-sala. Sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyong ito, lahat ng tao ay maliligtas mula sa kamatayan at mabubuhay na muli. Ito palagi ang patotoo ng mga Apostol, na daragdagan ko ng aking patotoo.9

Larawan
Si Cristo at si Maria Magdalena

Nagpakita si Jesucristo kay Maria Magdalena matapos Siyang mabuhay na mag-uli (tingnan sa Juan 20:1–18).

4

Nagpakita si Jesus sa marami matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.

Sa mga araw matapos siyang mabuhay na mag-uli, nagpakita ang Panginoon sa marami. Ipinakita niya ang kanyang limang espesyal na sugat sa kanila. Naglakad siya na kasama nila at nakipag-usap sa kanila at kumain na kasama sila, na parang gustong patunayan nang walang alinlangan na ang isang nabuhay na mag-uling katawan ay tunay na isang pisikal na katawan na may laman at mga buto. Kalaunan ay naglingkod siya sa mga Nephita, na inutusan niya na “bumangon at lumapit sa akin, upang inyong maihipo ang inyong mga kamay sa aking tagiliran, at upang inyo ring masalat ang bakas ng pako sa aking mga kamay at aking mga paa, upang inyong malaman na ako nga ang Diyos ng Israel, at ang Diyos ng buong sangkatauhan, at pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

“At … ang maraming tao ay lumapit, at inihipo ang kanilang mga kamay sa kanyang tagiliran, at sinalat ang bakas ng pako sa kanyang mga kamay at kanyang mga paa; at ito ay ginawa nila, isa-isang nagsilapit hanggang sa ang lahat ay makalapit, at nakita ng kanilang mga mata at nadama ng kanilang mga kamay, at nalaman nang may katiyakan at nagpatotoo, na ito ay siya nga, na siyang isinulat ng mga propeta, na paparito” (3 Nephi 11:14–15).

Responsibilidad at kagalakan ng lahat ng lalaki at babae sa lahat ng dako na “hanapin ang Jesus na ito na siyang [pinatotohanan] ng mga propeta at apostol” (Eter 12:41) at magkaroon ng espirituwal na patotoo tungkol sa kanyang kabanalan. Karapatan at pagpapala ng lahat na mapagpakumbabang naghahanap, na marinig ang tinig ng Banal na Espiritu, na sumasaksi sa Ama at sa kanyang nabuhay na mag-uling Anak.10

Ang patotoo ng mga nakakita [kay Jesus] na siya ay nabuhay matapos mamatay ay hindi kailanman pinabulaanan. Nagpakita siya nang di-kukulangin sa sampu o labing-isang beses: kay Maria Magdalena at sa iba pang mga babae sa halamanan, sa dalawang disipulo sa daan patungong Emaus, sa mga apostol noong wala si Tomas at muli noong siya ay naroon, sa mga apostol sa Dagat ng Galilea, at sa isang bundok sa mahigit 500 kapatid nang sabay-sabay, kay Santiago na kapatid ng Panginoon, at sa mga apostol noong paakyat na siya sa langit.11

Bilang isang tinawag at inorden na sumaksi sa pangalan ni Jesucristo sa buong mundo, pinatototohanan ko sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay na siya ay buhay. Siya ay may niluwalhati at imortal na katawan na may laman at buto. Siya ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman. Siya ang Tagapagligtas, ang Ilaw at Buhay ng sanlibutan. Kasunod ng pagpapako sa kanya sa krus at ng kanyang kamatayan, nagpakita siya bilang isang nabuhay na mag-uling nilalang kina Maria, Pedro, Pablo, at sa marami pang iba. Ipinakita niya ang kanyang sarili sa mga Nephita. Ipinakita niya ang kanyang sarili kay Joseph Smith, ang batang propeta, at sa marami pang iba sa ating dispensasyon.12

5

Babangon tayo mula sa kamatayan at magkakaroon ng buhay na walang hanggan.

Ang Pasko ng Pagkabuhay ang pagdiriwang ng libreng kaloob na imortalidad na ibinigay sa lahat ng tao, na nagpapanumbalik ng buhay at nagpapagaling ng lahat ng sugat. Bagaman lahat tayo ay mamamatay bilang bahagi ng walang-hanggang plano ng paglago at pag-unlad, gayunman makasusumpong tayong lahat ng kapanatagan sa pahayag ng Mang-aawit, “Pagiyak ay magtatagal [na]ng magdamag nguni’t kagalakan ay dumarating sa kinaumagahan.” (Mga Awit 30:5.)

Si Job ang nagpahayag sa matatawag na tanong ng siglo: “Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?” (Job 14:14.) Ang sagot ni Cristo ay naririnig pa rin hanggang sa oras na ito mismo: “Sapagka’t ako’y nabubuhay, ay mangabubuhay rin naman kayo.” (Juan 14:19.)13

Naghihiwalay ang espiritu at ang katawan sa oras ng kamatayan. Ang pagkabuhay na mag-uli ay muling iuugnay ang espiritu sa katawan, at ang katawan ay nagiging isang espirituwal na katawan, na may laman at mga buto ngunit pinakikilos ng espiritu sa halip ng dugo. Sa gayon, ang ating mga katawan matapos mabuhay na mag-uli, na pinakikilos ng espiritu, ay magiging imortal at hinding-hindi na mamamatay. Ito ang kahulugan ng mga pahayag ni Pablo na “kung may katawang ukol sa lupa ay may katawang ukol sa espiritu” at “ang laman at ang dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Dios” [tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:44, 50]. Ang katawang ukol sa lupa ay laman at dugo, ngunit kapag pinakikilos ito ng espiritu sa halip ng dugo, makakapasok at papasok ito sa kaharian. …

Alam ko nang buong puso na ang Diyos ay buhay at na si Jesus ang Cristo. Tulad noong magpatotoo sa mga banal ng Corinto si Pablo sa kanyang sulat sa panahong iyon ng Pasko ng Pagkabuhay maraming taon na ang nakalilipas, idinaragdag ko ang aking patotoo na tayo ay babangon mula sa mortal na kamatayan tungo sa buhay na walang hanggan, dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo at pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas. Nakikinita ko siya sa aking isipan na nakaunat ang mga bisig sa lahat ng makikinig:

“… Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya;

“At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man.” (Juan 11:25–26.)14

Ang pagkabuhay na mag-uli ni Cristo ay nagpapasimula sa biyaya ng imortalidad at sa posibilidad na mabuhay nang walang hanggan. Ang kanyang libingan na walang laman ay nagpapahayag sa buong mundo, “Wala siya rito, datapuwa’t nagbangon.” (Lucas 24:6.) Nasa mga salitang ito ang lahat ng pag-asa, katiyakan, at paniniwalang kailangan upang palakasin tayo sa ating buhay na puno ng hamon at kung minsa’y puno ng kalungkutan.15

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Paano ipinamamalas ng Pagbabayad-sala ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa atin? (Tingnan sa bahagi 1.) Paano tayo magpapakita ng pasasalamat sa kaloob na pagmamahal na ito? (Tingnan sa D at T 42:29.)

  • Kapag nirepaso ninyo ang bahagi 2, humanap ng maraming paraan na pinagpapala tayo ng Pagbabayad-sala. Paano pinag-iibayo ng mga turo ni Pangulong Hunter at paggamit ng mga banal na kasulatan ang pag-unawa ninyo sa Pagbabayad-sala? Anong mga karanasan ang nagpalakas sa inyong patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala? Paano kayo mapapalakas ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa oras ng inyong mga pagsubok?

  • Ano ang pakiramdam ninyo nang pag-aralan ninyo ang mga turo ni Pangulong Hunter tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli? (Tingnan sa bahagi 3.) Paano natin mas mapapasalamatan ang kahalagahan ng Pagkabuhay na Mag-uli?

  • Repasuhin ang bahagi 4, kung saan idinetalye ni Pangulong Hunter ang maraming pagsaksi tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Bakit mahalaga ang patotoo ng mga saksing ito?

  • Isipin ang turo ni Pangulong Hunter na ang Pagbabayad-sala ang naglalaan ng “lahat ng pag-asa, katiyakan, at paniniwalang kailangan upang palakasin tayo sa ating buhay na puno ng hamon at kung minsa’y puno ng kalungkutan” (bahagi 5). Paano kayo binibigyan ng Pagkabuhay na Mag-uli ng pag-asa at aliw? Paano napayaman ng isang patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ang inyong buhay?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Juan 10:17–18; 2 Nephi 2:6–9, 22–27; 9:19–25; 3 Nephi 27:13–16; D at T 18:10–16; 19:15–20; Moises 6:59–60

Tulong sa Pag-aaral

“Magplano ng mga aktibi[dad] sa pag-aaral na magpapatatag ng iyong pananampalataya sa Tagapagligtas” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 24). Halimbawa, habang nag-aaral kayo maaari ninyong itanong sa inyong sarili ang mga sumusunod: “Paano ako matutulungan ng mga turong ito na maragdagan ang pang-unawa ko tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Paano ako matutulungan ng mga turong ito na maging higit na katulad ng Tagapagligtas?”

Mga Tala

  1. Sa Eleanor Knowles, Howard W. Hunter (1994), 88; tingnan din sa 86–87.

  2. Sa Conference Report, Okt. 1968, 139.

  3. “Evidences of the Resurrection,” Ensign, Mayo 1983, 16.

  4. “The Atonement of Jesus Christ” (mensaheng ibinigay sa mission presidents’ seminar, Hunyo 24, 1988), 2–3, 7, Church History Library, Salt Lake City; tingnan din sa The Teachings of Howard W. Hunter, inedit ni Clyde J. Williams (1997), 8–9.

  5. “He Is Risen,” Ensign, Mayo 1988, 16–17.

  6. “The Golden Thread of Choice,” Ensign, Nob. 1989, 18.

  7. “He Is Risen,” 16–17.

  8. “He Is Risen,” 16.

  9. “An Apostle’s Witness of the Resurrection,” Ensign, Mayo 1986, 16–17.

  10. “He Is Risen,” 17.

  11. Sa Conference Report, Abr. 1963, 106.

  12. “He Is Risen,” 17.

  13. “An Apostle’s Witness of the Resurrection,” 16.

  14. Sa Conference Report, Abr. 1969, 138–39.

  15. “An Apostle’s Witness of the Resurrection,” 15–16.

Print