Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 5: Joseph Smith, Propeta ng Panunumbalik


Kabanata 5

Joseph Smith: Propeta ng Panunumbalik

“Taimtim kong pinatototohanan na si Propetang Joseph Smith ay hinirang na lingkod ng Panginoon sa mga huling araw na ito.”

Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter

Si Nancy Nowell, na isa sa mga kalola-lolahan ni Howard W. Hunter sa panig ng kanyang ama, ay lumipat sa Lapeer, Michigan, noong kalagitnaan ng 1830s. Noong 1842 isang missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang dumating sa Lapeer mula sa Nauvoo, Illinois. Nakinig si Nancy sa kanyang mensahe, ipinagdasal niya ito, at tumanggap ng patotoo na katotohanan ang itinuturo ng missionary. Nagpunta siya sa Nauvoo para alamin ang iba pa tungkol sa Simbahan, at itinala niya sa kanyang journal ang kanyang karanasan:

“Lumabas ako para makinig sa mangangaral na Mormon [na si Joseph Smith] nang may malaking pag-iingat, at pag-asang hindi malinlang. Ang kanyang paksa ay ang ikalawang pagparito ni Cristo. Nagkaroon ako ng patotoo na katotohanan ang sinasabi niya, at na si Joseph Smith ay isang tunay na propeta, na tinawag at inorden ng Diyos para gawin ang isang dakilang gawain, dahil inilabas niya ang katotohanan ayon sa pagkaturo dito ni Jesucristo. Hiniling kong mabinyagan ako.”1

Gaya ng kanyang kalola-lolahang si Nancy Nowell, si Howard W. Hunter ay nagkaroon ng patotoo tungkol sa misyon ni Joseph Smith bilang propeta. Tatlong linggo pagkatapos maging Pangulo ng Simbahan, naglakbay siya papuntang Nauvoo upang gunitain ang ika-150 taong anibersaryo ng pagiging martir nina Joseph at Hyrum Smith. Sa isang pulong na ginanap sa kinatatayuan ng Nauvoo Temple, sinabi ni Pangulong Hunter:

“Ang responsibilidad na nadarama ko para sa gawaing pinasimulan ni Propetang Joseph ay pinupuspos ako ng determinasyong gawin ang lahat ng makakaya ko sa oras at panahong ibinigay sa akin. Tiyak na si Joseph ay tapat at totoo sa kanyang oras at panahon! … Taimtim kong pinatototohanan na si Propetang Joseph Smith ang hinirang na lingkod ng Panginoon sa mga huling araw na ito. Sa kanyang patotoo sa kabanalan at katunayan ni Jesucristo idinaragdag ko ang sarili kong patotoo.”2

Kalaunan nang araw na iyon, sa isang pulong na ginanap sa tabi ng Carthage Jail, nagpatotoo si Pangulong Hunter, “Si Joseph Smith, na nagbuwis ng kanyang buhay sa lugar na ito, ang kinasangkapan ng Panginoon upang ipanumbalik ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo at awtoridad ng Kanyang priesthood.”3

Joseph Smith

“Si Joseph Smith ay hindi lamang isang dakilang tao, kundi isang inspiradong lingkod ng Panginoon, isang propeta ng Diyos.”

Mga Turo ni Howard W. Hunter

1

Nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith para pasimulan ang Panunumbalik.

Ang ebanghelyo [ay] maraming beses nang naibigay sa mundo sa pamamagitan ng mga propeta, at sa bawat pagkakataon [ito ay] nawala dahil sa pagsuway. Sa taong 1820 nabasag ang katahimikan, at muling nagpakita ang Panginoon sa isang propeta. Ang propetang ito, si Joseph Smith, ay mapapatotohanan ang kanyang sariling tiyak na kaalaman na ang Diyos ay buhay, na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, isang Nabuhay Mag-uling Nilalang, na hiwalay at bukod sa Ama. Hindi niya pinatotohanan ang pinaniwalaan niya o ang inakala o haka-haka niya o ng iba, kundi ang nalaman niya. Natamo niya ang kaalamang ito dahil personal na nagpakita at nangusap sa kanya ang Diyos Ama at ang Anak.4

Inihayag ng Diyos … ang kanyang sarili [kay Joseph Smith] bilang isang personal na nilalang. Bukod pa rito, ipinakita ng Ama at ng Anak ang di-maitatatwang katotohanan na sila ay magkahiwalay at magkaibang personahe. Tunay na ang ugnayan ng Ama at ng Anak ay lalong pinagtibay ng banal na pagpapakilala sa batang propeta, “Ito ang Sinisinta Kong Anak. Pakinggan Siya!” [Joseph Smith—Kasaysayan 1:17].5

Nang marinig ng mga tao na iginigiit ng batang si Joseph Smith na nagpakita ang Diyos mismo sa bata, nilibak nila siya at tinalikuran, tulad noong panahon ng Kristiyanismo kung kailan tinalikuran ng matatalino at may-kakayahang mga tao sa Athens ang isang taong naglingkod sa kanilang kalipunan. Subalit totoo pa rin na si Pablo, sa naunang karanasang iyon, ang tanging tao sa malaking lunsod na iyon ng karunungan na nakaalam na ang isang tao ay maaaring mamatay at mabuhay na muli. Siya lang ang tao sa Athens na malinaw na nakauunawa sa kaibhan ng pormalidad ng pagsamba sa diyus-diyusan at sa taos-pusong pagsamba sa tanging tunay at buhay na Diyos. [Tingnan sa Mga Gawa 17:19–20, 22–23.]6

Sinabi ng mga tumanggi sa Tagapagligtas tungkol sa kanya nang pumarito siya sa lupa at nagpahayag na siya ang Anak ng Diyos : “Hindi baga ito ang anak ng anluwagi?” (Mateo 13:55.) Nang ipaalam ni Joseph na nakakita siya ng isang pangitain at nakita niya ang Ama at ang Anak, naitanong ng mga kapitbahay, ministro, at taong-bayan sa kanilang isipan at sa isa’t isa na: “Hindi baga ito ang anak ng magsasaka?” Si Cristo ay inusig at pinatay, ngunit panahon ang naging kanyang tagapagtanggol. Tulad sa anak ng anluwagi, gayundin ang nangyari sa anak ng magsasaka.7

Si Joseph Smith ay hindi lamang isang dakilang tao, kundi isang inspiradong lingkod ng Panginoon, isang propeta ng Diyos. Ang kanyang kadakilaan ay nakasalalay sa isang bagay—ang katotohanan ng kanyang pahayag na nakita niya ang Ama at ang Anak at na tumugon siya sa katunayan ng banal na pahayag na iyon. …

Pinatototohanan ko … na ang Ama at ang Anak ay talagang nagpakita kay Propetang Joseph Smith upang pasimulan ang dakilang pagpapalaganap na ito ng gawain sa mga huling araw sa ating panahon.

Nagpapatotoo ako na ang batang propeta, na sa maraming paraan ay nananatiling pinakamalaking himala … na naranasan ng simbahang ito, ang buhay na patunay na, sa mga kamay ng Diyos at sa ilalim ng patnubay ng Tagapagligtas ng sangkatauhan, dapat lumabas at durugin ng mahihina at mga simpleng bagay ang mga makapangyarihan at malalakas.8

2

Muling itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.

Noong ikaanim ng Abril, 1830, … isang grupo ng kalalakihan at kababaihan, na sumunod sa utos ng Diyos, ang nagtipon sa bahay ni Mr. Peter Whitmer [Sr.] upang iorganisa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. … Walang isa man sa kanila ang nagkaroon ng espesyal na karunungan o naging mataas na pinuno. Sila ay mararangal na tao at kagalang-galang na mga mamamayan, ngunit halos walang nakakakilala sa kanila maliban sa mga tao sa sarili nilang pamayanan. …

Ang mapagpakumbaba at ordinaryong kalalakihang ito ay nagtipon dahil isa sa kanila, si Joseph Smith, Jr., na napakabata pa, ang nagpahayag ng isang napakapambihirang karanasan. Ipinahayag niya sa kanila at sa lahat ng iba pang handang makinig na nakatanggap siya ng masidhi at paulit-ulit na pakikipag-ugnayan mula sa langit, kasama na ang isang hayag na pangitain tungkol sa Diyos Ama at sa kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Bunga ng mga karanasang ito sa paghahayag, nailathala ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon, isang talaan ng mga pakikitungo ni Cristo sa mga sinaunang tao na nanirahan sa Amerika. Bukod pa rito, inutusan ng Panginoon ang binatang ito, na dalawampu’t apat na taong gulang lamang noon, na muling itatag ang Simbahang umiral noong panahon ng Bagong Tipan at sa ipinanumbalik na kadalisayan nito ay dapat itakdang muli ang pangalan ng punong batong-panulok at walang-hanggang pinuno nito, ang Panginoong Jesucristo mismo.

Sa gayon, mapagpakumbaba ngunit napakahalaga na nabuksan ang unang tagpo sa dakilang kasaysayan ng Simbahan na kalaunan ay aapekto hindi lamang sa henerasyong iyon ng mga tao kundi sa buong sangkatauhan. … Abang panimula iyon, oo, ngunit ang sabihing nangusap ang Diyos, na muling inorganisa ang Simbahan ni Cristo at muling pinagtibay ang mga doktrina nito sa banal na paghahayag, ang namumukod na pahayag na ginawa sa mundo simula noong panahon ng Tagapagligtas mismo nang lumakad siya sa mga landas ng Judea at sa mga burol ng Galilea.9

Bahagi ng banal na paghahayag [na natanggap ni Joseph Smith] ang tagubilin na muling itatag ang tunay at buhay na Simbahan, na ipinanumbalik sa makabagong panahong ito ayon sa pagkakatatag nito noong panahon mismo ng mortal na ministeryo ng Tagapagligtas. Sinabi ni Propetang Joseph Smith na ang Simbahan ni Jesucristo ay “inorganisa ayon sa mga utos at paghahayag na ibinigay Niya sa amin sa mga huling araw na ito, gayundin ayon sa kaayusan ng Simbahan na nakatala sa Bagong Tipan” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 161]. …

… Yaong mga nabinyagan sa Simbahan noong ikaanim ng Abril, 1830, ay naniwala sa pag-iral ng isang personal na Diyos; naniwala sila na ang pagiging totoo niya at ng kanyang Anak na si Jesucristo ang bumubuo sa walang-hanggang pundasyong kinasasaligan ng simbahang ito.10

Sa pamamagitan [ni Joseph Smith] at sa sumunod na mga pangyayari, ang priesthood at ang ebanghelyo ay minsan pang ipinanumbalik sa lupa, at hindi na kailanman aalisin [tingnan sa D at T 65:2]. Ang Simbahan ni Cristo, ang kaharian ng Diyos sa lupa, ay muling itinatag at nakatadhana, ayon sa banal na kasulatan, na gumulong at punuin ang buong mundo [tingnan sa Daniel 2:35].11

si Joseph Smith at ang eskriba

Ang buhay ni Propetang Joseph Smith ay “ginabayan sa pamamagitan ng paghahayag.”

3

Si Joseph Smith ay isang propeta, tagakita, at tagapaghayag.

Ang pagparito ni Propetang Joseph sa daigdig ang katuparan ng isang propesiyang sinambit ni Jose na ipinagbili sa Egipto maraming siglo na ang lumipas:

“Isang tagakita ang ibabangon ng Panginoon kong Diyos, na magiging piling tagakita sa bunga ng aking balakang. … At ang kanyang pangalan ay tatawagin sa pangalan ko; at ito ay isusunod sa pangalan ng kanyang ama” (2 Nephi 3:6, 15).

Ang pangalan ni Joseph Smith, Jr., ay isinunod sa pangalan ni Joseph na sinauna na dinalang bihag sa Egipto, at sa pangalan din ng kanyang amang si Joseph Smith, Sr., kaya natupad ang propesiyang ito. Kilala siya bilang si Propetang Joseph Smith at tinatawag na “Joseph na Tagakita.” Madalas siyang tukuyin bilang “propeta, tagakita, at tagapaghayag.”

Ang mga katagang “Propeta” at “Tagakita” at “Tagapaghayag” ay madalas pagpalit-palitin ng gamit at inaakala ng marami na iisa lang ang kahulugan ng mga ito. Gayunman, hindi sila magkakapareho, at ang tatlong katagang ito ay magkakahiwalay at magkakaiba ang kahulugan.

Inilarawan ni [Elder] John A. Widtsoe ang isang propeta bilang isang guro—isang taong nagpapaliwanag ng katotohanan. Siya ay nagtuturo ng katotohanan ayon sa inihayag ng Panginoon sa tao, at sa ilalim ng inspirasyon ay ipinaliwanag ito para maunawaan ng mga tao. Ang salitang “propeta” ay madalas tumukoy sa isang taong tumatanggap ng paghahayag at patnubay mula sa Panginoon. Naisip ng marami na ang propeta ay isang manghuhula ng mga magaganap at mangyayari sa hinaharap, ngunit isa lamang ito sa maraming tungkulin ng isang propeta. Siya ang tagapagsalita ng Panginoon.

Ang tagakita ay isang taong nakakakita. Hindi nito ibig sabihin na nakakakita siya gamit ang kanyang likas na mga mata kundi gamit ang espirituwal na mga mata. Ang kaloob na makakita ay isang di-pangkaraniwang kaloob. Si Joseph ay katulad ni Moises, ang sinaunang tagakita, at nakita ni Moises ang Diyos nang harapan, ngunit ipinaliwanag niya kung paano niya nakita ang Diyos sa mga salitang ito:

“Subalit ngayon ay namasdan ng sarili kong mga mata ang Diyos; subalit hindi ng aking mga likas na mata, kundi ng aking mga espirituwal na mata, sapagkat ang aking mga likas na mata ay hindi maaaring makamalas; sapagkat ako sana ay naluoy at namatay sa kanyang harapan; subalit ang kanyang kaluwalhatian ay napasaakin; at aking namasdan ang kanyang mukha, sapagkat ako ay nagbagong-anyo sa kanyang harapan” (Moises 1:11).

Hindi natin dapat isipin na ang makakita gamit ang espirituwal na mga mata ay hindi literal na pagkakita. Ang gayong pangitain ay hindi guniguni o likhang-isip. Talagang namamasdan ang bagay ngunit hindi sa pamamagitan ng likas na mga mata. Bawat isa sa atin ay may espirituwal na mga mata na kamukha ng ating likas na mga mata. Nilikha muna ang ating espiritu at pagkatapos ay nilikha ang ating katawan bilang panakip sa ating espiritu. Sinabihan tayo na sa una nating kalagayan ay nabuhay tayo ayon sa ating nakikita. Ito ay sa pamamagitan ng ating espirituwal na mga mata dahil hindi pa tayo nabigyan noon ng katawan na may likas na mga mata. Lahat ng tao ay may espirituwal na paningin ngunit hindi laging may pribilehiyong gamitin ang paninging iyon maliban kung pinasigla sila ng Espiritu ng Panginoon. …

Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang ilang tao, na isinugo sa lupa para sa layuning iyon, ay nakikita at namamasdan ang mga bagay na nauukol sa Diyos. Ang tagakita ay isang taong nakakakita at nakakaalam sa mga bagay na nakalipas na, at gayundin ng mga bagay na darating, at sa pamamagitan nito ay ihahayag ang lahat ng bagay (tingnan sa Mosias 8:15–17). Sa madaling salita, siya ay isang taong nakakakita, na namumuhay sa liwanag ng Panginoon gamit ang espirituwal na mga mata at pinasigla ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sina Moises, Samuel, Isaias, Ezekiel, at marami pang iba ay mga tagakita, dahil binigyan sila ng pribilehiyong makita nang malapitan ang banal na kaluwalhatian at kapangyarihan na hindi nagagawa ng iba pang mga mortal.

Ang paghahayag ay nagbubunyag ng isang bagay na hindi alam o dati nang alam ng tao at inalis sa kanyang alaala. Ang paghahayag ay palaging tungkol sa katotohanan, at lagi itong dumarating nang may pahintulot ng langit. Ang paghahayag ay natatanggap sa iba’t ibang paraan, ngunit lagi nitong ipinapalagay na ang tagapaghayag ay namumuhay at kumikilos ayon o alinsunod sa banal na diwa ng paghahayag, ang espiritu ng katotohanan, at samakatwid ay may kakayahan siyang tumanggap ng mga banal na mensahe.

Bilang pagbubuod masasabi natin na ang propeta ay isang guro ng banal na katotohanan, isang tagakita sa tunay na kahulugan ng salitang ito. Ang pagkakaroon [ni Joseph Smith] ng espirituwal na paningin ay pinasigla nang husto at ginawang espirituwal ng Espiritu Santo. Sa pamamagitan ng kaloob na ito niya namasdan ang Ama at ang Anak nang pumasok siya sa kakahuyan para manalangin. Kapag sinubaybayan natin ang kanyang buhay at mga gawa mula sa sandaling iyon, makikita natin na hindi siya nagtangkang magpatuloy sa sarili niyang kapangyarihan. Nakaasa siya sa Panginoon at dahil dito ay tumanggap siya ng kanyang tulong at tagubilin. Ang kanyang buhay ay ginabayan sa pamamagitan ng paghahayag.12

4

Purihin s’yang kaniig ni Jehova!

Kapag kinakanta natin ang “Purihin ang Propeta” (Mga Himno 2001, blg. 21) tungkol kay Joseph Smith, naaalala natin ang napakaraming bagay na kapuri-puri tungkol sa kanya.

Pinupuri natin siya sa kakayahan niyang makipag-usap hindi lamang kay Jehova kundi maging sa iba pang mga personahe sa langit. Napakaraming dumalaw, nagkaloob ng mga susi, at nagturo doon sa “piling tagakita” na lumaki sa mga huling araw (2 Ne. 3:6–7). Nang basbasan ni Tatay Smith ang batang si Joseph noong 1834, ipinahayag niya na nakita ni Jose na sinauna sa Egipto ang tagakitang ito sa mga huling araw. Nanangis ang sinaunang Jose nang matanto niya kung paano pagpapalain ng gawain ni Propetang Joseph ang napakaraming inapo ng naunang Jose.

Pinupuri din natin si Joseph Smith sa kanyang kasigasigan at kakayahang magsalin at tumanggap ng daan-daang pahina ng inihayag na banal na kasulatan. Siya ang daluyan ng paghahayag. Sa pamamagitan niya, tinataya na mas maraming kagila-gilalas na pahina ng mga banal na kasulatan ang natanggap kaysa sinumang iba pang tao sa kasaysayan.

Pinupuri natin si Joseph hindi lamang sa kakayahan niyang magtiis kundi “[magtiis na] mabuti” (D at T 121:8). Noong bata pa siya, may ginawang masakit na operasyon sa kanyang binti—na kung hindi naoperahan ay hindi niya magagawa kalaunan ang mahirap na paglalakad ng Kampo ng Sion mula Ohio hanggang Missouri. Si Joseph “kalimitan ay naglakad at nakaranas na magpaltos, magdugo at sumakit ang mga paa” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 335–36]. Gayundin, pinupuri natin siya at si Emma sa pagtitiis sa nakalulungkot na maagang pagkamatay ng anim sa kanilang sariling mga anak at ampon. Ang mga magulang na nawalan ng kahit isang anak lang ay napuspos ng pakikiramay.

Pinupuri natin si Joseph sa kakayahang tiisin ang pang-uusig, pati na ang mahaba at matinding pagkakulong niya sa Liberty Jail. Para sa napakarami, lahat noon ay tila wala nang pag-asa. Gayunman muling tiniyak ng Panginoon ng kalangitan sa nakakulong na si Joseph na “ang mga dulo ng mundo ay magtatanong tungkol sa iyong pangalan” (D at T 122:1). Nabubuhay tayo sa panahon na mas marami ang nagtatanong tungkol kay Joseph Smith at sa ipinanumbalik na ebanghelyo.

Matagal nang natupad ang pangarap ni Joseph na “mahatulan [siya] na kasimbuti” ng sinaunang mga Banal [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 268]. Makakanta na natin ngayon kung paano “[n]akamtan [ni Joseph ang] kanyang kaharian sa piling ng naunang [mga] propeta” (Mga Himno, 2001, blg. 21).

Pinupuri natin si Joseph sa pagtitiis ng mapait at paulit-ulit na mga pagkakanulo at kabiguan. Kaya, nagtungo siya sa Carthage na “gaya ng isang kordero sa katayan,” “mahinahon gaya ng isang umaga sa tag-araw,” at “walang kasalanan sa … lahat ng tao” (D at T 135:4). Hindi siya nagpunta sa Carthage na may sama ng loob. Hindi siya nagpunta sa Carthage na nagrereklamo. Kagila-gilalas na kakayahang makapagtiis na mabuti!

Alam ni Joseph kung saan siya nakaharap. Nakaharap siya sa Tagapagligtas na si Jesucristo na pinakinggan niya simula nang unang turuan ng ating Ama sa Langit ang batang si Joseph, na sinasabing, “Ito ang Sinisinta Kong Anak. Pakinggan Siya!” [Joseph Smith—Kasaysayan 1:17].13

5

Ang buhay at misyon ni Propetang Joseph Smith ay tumutulong sa atin na tahakin ang landas tungo sa buhay na walang hanggan.

Nagpapasalamat ako para sa taong ito, sa kanyang mga turo, sa kanyang mga paghahayag, sa iniwan niya para sa atin, dahil sa pamamagitan niya ipinanumbalik ang ebanghelyo sa lupa. Sa palagay ko wala nang mas magandang kuwento sa buong kasaysayan kaysa sa simple at magiliw na kuwento tungkol sa binatilyong nagpunta sa kakahuyan malapit sa kanyang tahanan, na lumuhod sa panalangin at tumanggap ng mga bisita mula sa langit.

Tingnan natin ngayon ang kanyang buhay at mga gawa. Marami nang nagsaliksik tungkol sa kanyang buhay at mga gawa para makita ang hiwaga kung paano niya naisulat at nailimbag ang mga salita sa aklat, ngunit wala namang hiwaga. … Ang naroon ay isang simpleng pananampalataya, ang pananampalataya ng isang batang lalaki na tuturuan tungkol sa mga bagay na nauukol sa Diyos. At sa paglipas ng panahon, ang binatang ito, na hindi naman naging iskolar at hindi nakapag-aral, ay tinuruan ng Panginoon tungkol sa mga bagay na darating.

Ngayon ay nabigyan tayo ng talino at isang isipan. Kailangan lang nating turuan at linangin ito gaya ng tagubilin ng Panginoon kay Joseph at magkaroon ng simpleng pananampalataya tulad niya at maging handang sundin ang mga simpleng tagubilin. Kapag ginawa natin ito at sinundan natin ang landas na gustong ipatahak sa atin [ng Panginoon] at natutuhan natin ang mga aral na gusto Niyang matutuhan natin, makikita natin na maaalis sa ating buhay ang lahat ng bagay na salungat sa mga layunin ng Diyos, at gayon ang nangyari kay Joseph. Siya ay naging halos perpektong tao, sapagkat nalinis niya ang kanyang kaluluwa at kanyang isipan at namuhay nang malapit sa Panginoon at nakakausap Siya at naririnig Siyang mangusap tungkol sa mga bagay na iniwan niya para sa atin sa pamamagitan ng kanyang mga paghahayag. Sa pamamagitan ng kanyang espirituwal na mga mata nakita niya ang nakalipas at ang hinaharap, at may patunay tayo tungkol sa katotohanan ng kanyang nakita. …

Nagpapasalamat ako na miyembro ako ng Simbahan, at ang patotoo ko sa kabanalan nito ay nakasalig sa simpleng kuwento ng binatilyo sa ilalim ng mga puno na nakaluhod at tumatanggap ng mga bisita mula sa langit—hindi isang Diyos, kundi dalawang magkahiwalay na personahe, ang Ama at ang Anak, na muling inihayag sa lupa ang mga personahe ng Panguluhang Diyos. Ang aking pananampalataya at patotoo ay nakasalig sa simpleng kuwentong ito, sapagkat kung hindi ito totoo, babagsak ang Mormonismo. Kung ito ay totoo—at pinatototohanan ko na ito ay totoo—isa ito sa mga pinakadakilang nag-iisang pangyayari sa buong kasaysayan.

Dalangin ko [na] sa paggunita natin sa dakilang propetang ito at pagninilay tungkol sa kanyang buhay, na pasalamatan natin sa ating puso ang mga bagay na dumating sa ating buhay dahil sa kanyang pagiging tagakita at sa kanyang paghahayag sa atin—isang piling tagakita, na ibinangon ng Panginoon upang gabayan tayo sa mga huling araw na ito, upang tahakin natin ang mga landas pabalik sa kadakilaan at buhay na walang hanggan.14

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Pagnilayan ang mga turo ni Pangulong Hunter tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph Smith (tingnan sa bahagi 1). Paano nakaimpluwensya sa iyo ang iyong patotoo tungkol sa Unang Pangitain? Bakit mahalaga sa mga Banal sa mga Huling Araw na magkaroon ng patotoo na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos?

  • Ano ang mga impresyon mo habang nirerepaso mo ang mga turo ni Pangulong Hunter tungkol sa organisasyon ng Simbahan? (Tingnan sa bahagi 2.) Anong mga pagpapala ang napasaiyo at sa iyong pamilya sa pamamagitan ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo?

  • Bakit makakatulong na maunawaan ang mga kahulugan ng mga titulong propeta, tagakita, at tagapaghayag? (Tingnan sa bahagi 3.) Paano ka napagpala ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag?

  • Sa bahagi 4, binalangkas ni Pangulong Hunter ang ilan sa mga dahilan kung bakit natin pinupuri si Joseph Smith. Paano nadaragdagan ng mga turong ito ang pagpapahalaga mo kay Propetang Joseph? Ano ang matututuhan mo sa halimbawa ni Joseph Smith?

  • Repasuhin ang mga turo ni Pangulong Hunter tungkol sa pananampalataya, espirituwal na pag-aaral, at pagsunod ni Joseph Smith (tingnan sa bahagi 5). Paano naaangkop sa atin ang mga aral na ito? Paano natin maipapakita ang pasasalamat sa mga pagpapalang napasaatin sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:25–33; Daniel 2:44; Mga Taga Efeso 2:19–22; 4:11–14; D at T 1:17–32; 5:9–10; 122:1–2; 135; Joseph Smith—Kasaysayan

Tulong sa Pag-aaral

“Sa nadarama mong galak na dulot ng pagkaunawa sa ebanghelyo, gugustuhin mong ipamuhay ang natututuhan mo. Sikaping mamuhay ayon sa iyong natutuhan. Sa paggawa nito, mapapalakas ang iyong pananampalataya, kaalaman, at patotoo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 21).

Mga Tala

  1. Sa Eleanor Knowles, Howard W. Hunter (1994), 7; tingnan din sa pahina 6.

  2. “The Temple of Nauvoo,” Ensign, Set. 1994, 63–64.

  3. “Come to the God of All Truth,” Ensign, Set. 1994, 73.

  4. Sa Conference Report, Okt. 1963, 100–101.

  5. “The Sixth Day of April, 1830,” Ensign, Mayo 1991, 64.

  6. “The Sixth Day of April, 1830,” 63.

  7. The Teachings of Howard W. Hunter, inedit ni Clyde J. Williams (1997), 228.

  8. “The Sixth Day of April, 1830,” 64–65.

  9. “The Sixth Day of April, 1830,” 63.

  10. “The Sixth Day of April, 1830,” 64.

  11. Sa Conference Report, Okt. 1963, 101.

  12. “Joseph Smith the Seer,” sa The Annual Joseph Smith Memorial Sermons, 2 tomo (1966), 2:193–94.

  13. “The Temple of Nauvoo,” 63–64.

  14. “Joseph Smith the Seer,” 2:197–98.