Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 15: Ang Sakramento ng Hapunan ng Panginoon


Kabanata 15

Ang Sakramento ng Hapunan ng Panginoon

“Nang kunin [ni Jesus] ang tinapay at putul-putulin ito, at kunin ang saro at basbasan ito, nagpapakilala siya bilang ang Kordero ng Diyos na maglalaan ng espirituwal na pagkain at walang-hanggang kaligtasan.”

Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter

Lumaki si Howard W. Hunter sa isang aktibong ina na Banal sa mga Huling Araw at isang butihing ama na hindi pa miyembro ng anumang simbahan noon. Hindi tumutol ang kanyang ama sa pakikilahok ng pamilya sa Simbahan—sumasama pa nga siya sa kanila sa mga sacrament meeting paminsan-minsan—ngunit ayaw niyang pabinyagan ang kanyang mga anak noong 8 taong gulang na sila. Nadama niya na dapat lang silang magdesisyon tungkol doon kapag mas matanda na sila. Nang mag-12 taong gulang si Howard, hindi siya puwedeng tumanggap ng Aaronic Priesthood at maorden bilang deacon dahil hindi pa siya nabinyagan. Kahit nakasali siya sa mga binatilyo sa iba pang mga aktibidad, lubos na nalungkot si Howard na hindi siya makapagpasa ng sakramento na kasama nila.

“Katabi ko sa mga sacrament meeting ang iba pang mga binatilyo,” paggunita niya. “Kapag oras na para ipasa nila ang sakramento, nakaupo lang ako sa upuan ko. Pakiramdam ko hindi ako kabilang. Gusto kong magpasa ng sakramento, pero hindi puwede dahil hindi pa ako nabinyagan.”1

Halos limang buwan pagkaraan ng kanyang ika-12 kaarawan, kinumbinsi ni Howard ang kanyang ama na payagan siyang mabinyagan. Hindi nagtagal pagkaraan niyon, naorden siyang deacon. “Naaalala ko noong una akong magpasa ng sakramento,” sabi niya. “Kinabahan ako, pero natuwa ako sa pagkakaroon ng pribilehiyo. Matapos ang pulong pinuri ako ng bishop sa paraan ng pagdadala ko sa aking sarili.”2

Nang tawagin si Howard W. Hunter bilang Apostol, regular siyang nakilahok sa ordenansa ng sakramento kasama ang iba pang mga General Authority sa Salt Lake Temple. Inilarawan ni Elder David B. Haight, na naglingkod na kasabay ni Elder Hunter sa Korum ng Labindalawa, ang karanasan na marinig siyang magbasbas ng sakramento:

“Sana magkaroon din ng oportunidad ang mga binatilyo sa Aaronic Priesthood sa buong Simbahan na marinig si Elder Howard W. Hunter na magbasbas ng sakramento tulad ng naranasan namin sa templo. Siya ay isang natatanging saksi ni Cristo. Nang mapakinggan ko ang paghiling niya sa ating Ama sa Langit na basbasan ang sakramento, nadama ko ang malalim na espirituwalidad sa kanyang kaluluwa. Bawat kataga ay malinaw at makahulugan. Hindi siya nagmadali, hindi nag-apura. Siya ang tagapagsalita para sa lahat ng Apostol sa pakikipag-usap sa ating Ama sa Langit.”3

Inilalarawan ng mga kuwentong ito ang habambuhay na pagpipitagan ni Pangulong Hunter sa mga sagradong simbolo ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Cristo.

Tulad ng ipinapakita ng mga turo sa kabanatang ito, ang isang paraan na hinangad ni Pangulong Hunter na ipaunawa sa mga miyembro ang kahalagahan ng sakramento ay sa pagpapaliwanag sa kaugnayan nito sa sinaunang pagdiriwang ng Paskua at pagrepaso sa pagpapasimula ng Tagapagligtas sa ordenansang ito sa hapunan ng Paskua kasama ang Kanyang mga disipulo.

si Cristo sa Huling Hapunan

“Gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin” (Lucas 22:19).

Mga Turo ni Howard W. Hunter

1

Ipinapahayag ng Paskua na ang kamatayan ay walang permanenteng kapangyarihan sa atin.

[Ang Paskua] ang pinakaluma sa mga pagdiriwang ng mga Judio, pagdiriwang ng isang kaganapang nangyari nang tanggapin ang tradisyonal na Batas ni Moises. Ipinapaalala nito sa bawat henerasyon ang pagbabalik ng mga anak ni Israel sa lupang pangako at ang mga paghihirap nila sa Egipto bago iyon. Ginugunita nito ang pagdanas ng isang lahi ng pang-aapi at pagkaalipin tungo sa paglaya at pagkaligtas. Iyon ang pagdiriwang ng tagsibol sa Lumang Tipan kung kailan ang kalikasan ay napupukaw sa buhay, paglago, at pamumunga.

Ang Paskua ay nauugnay sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay ng mga Kristiyano. … Ang Paskua [at Pasko ng Pagkabuhay] ay nagpapatotoo sa dakilang kaloob na ibinigay ng Diyos at sa sakripisyong kaakibat ng pagkakaloob nito. Ipinapahayag ng malawakang paggunitang ito ng mga relihiyoso na “lalampasan” tayo ng kamatayan at hindi ito maaaring magkaroon ng permanenteng bisa sa atin, at na ang libingan ay hindi magtatagumpay.

Sa pagliligtas sa mga anak ni Israel palabas ng Egipto, kinausap mismo ni Jehova si Moises mula sa nagliliyab na palumpong sa Sinai at sinabing:

“Akin ngang nakita ang kadalamhatian ng aking bayan na nasa Egipto, at aking dininig ang kanilang daing dahil sa mga tagapagpaatag sa kanila; sapagka’t talastas ko ang kanilang kapanglawan. …

“Halika nga ngayon, at ikaw ay aking susuguin kay Faraon, upang iyong ilabas sa Egipto ang aking bayan na mga anak ni Israel.” (Ex. 3:7, 10.)

Dahil matigas ang ulo ni Faraon, maraming ipinadalang salot sa Egipto, ngunit sa kabila nito “ang puso ni Farao’y nagmatigas, at hindi niya pinayaon ang mga anak ni Israel.” (Ex. 9:35.)

Bilang tugon sa pagtangging iyon ni Faraon, sinabi ng Panginoon, “At lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto ay mamamatay, mula sa panganay ni Faraon, na nakaluklok sa kaniyang luklukan, hanggang sa panganay ng aliping babaing nasa likuran ng gilingan; at ang lahat ng mga panganay sa mga hayop.” (Ex. 11:5.)

Bilang proteksyon laban sa huli at napakalupit na parusang ipinataw sa mga taga-Egipto, inutusan ng Panginoon si Moises na pakuhanin ang bawat anak ni Israel ng isang korderong walang bahid-dungis.

“At kukuha sila ng dugo niyan, at ilalagay sa dalawang haligi ng pinto at sa itaas ng pintuan, sa mga bahay na kanilang kakainan.

“At kanilang kakanin ang laman sa gabing yaon, na inihaw sa apoy, at tinapay na walang lebadura, kakanin nilang kaulam ng mapapait na gulay. …

At ganito ninyo kakanin; may bigkis ang inyong baywang, ang inyong mga pangyapak ay nakasuot sa inyong mga paa, at ang inyong tungkod ay tangnan ninyo sa inyong kamay; at inyong kakaning dalidali; siyang paskua ng Panginoon. …

“At mangyayaring pagsasabi sa inyo ng inyong mga anak: Anong ibig ninyong sabihin sa paglilingkod na ito?

“Na inyong sasabihin: Siyang paghahain sa paskua ng Panginoon, na kaniyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Egipto.” (Ex. 12:7–8, 11, 26–27.)

Nang makatakas ang mga Israelita mula sa mga kamay ni Faraon at mamatay ang mga panganay ng mga taga-Egipto, tinawid ng mga Israelita ang Jordan sa wakas. Nakatala na “ang mga anak ni Israel ay humantong sa Gilgal; at kanilang ipinagdiwang ang paskua nang ikalabing apat na araw ng buwan sa kinahapunan sa mga kapatagan ng Jerico.” (Jos. 5:10.) Kaya gayon ang ginawa ng mga pamilyang Judio taun-taon simula noon, pati na ng pamilya nina Jose at Maria at ng batang si Jesus.4

2

Sa isang pagdiriwang ng paggunita sa Paskua, pinasimulan ng Tagapagligtas ang ordenansa ng sakramento.

Tulad ng paliwanag sa Evangelio ni Juan, ang pagdiriwang ng Paskua ay tanda ng mahalagang pangyayari sa ministeryo ni Cristo sa lupa. Sa unang Paskua sa kanyang ministeryo, ipinaalam ni Jesus ang kanyang misyon nang linisin niya ang templo noong itaboy niya mula sa bakuran nito ang mga nagpapalit ng pera at nagbebenta ng mga hayop. Sa ikalawang Paskua ipinakita ni Jesus ang kanyang kapangyarihan sa himala ng tinapay at mga isda. Dito pinasimulan ni Cristo ang mga simbolo na kalaunan ay magkakaroon ng mas malaking kahulugan sa Silid sa Itaas. “Ako ang tinapay ng kabuhayan,” wika niya. “Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin kailan ma’y hindi mauuhaw.” (Juan 6:35.)

Mangyari pa, ito ang magiging pagdiriwang ng kanyang huling Paskua na lubos na kakatawan sa sinaunang pagdiriwang na ito. Pagsapit ng huling linggo ng kanyang ministeryo sa lupa, naging malinaw kay Jesus kung ano ang magiging kahulugan ng partikular na Paskuang ito sa kanya. May kaguluhan na noon sa paligid. Itinala ni Mateo:

“Nang matapos ni Jesus ang lahat ng mga salitang ito, ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad,

“Nalalaman ninyo na pagkaraan ng dalawang araw ay darating ang paskua, at ibibigay ang Anak ng tao upang ipako sa krus.” (Mat. 26:1–2.)

Lubos na alam kung ano ang mangyayari sa kanya, inutusan ni Jesus sina Pedro at Juan na maghanda ng hapunan sa paskua. Sinabi niya sa kanila na sabihin sa puno ng sambahayan, “Saan naroon ang tuluyang aking makakanan ng kordero ng paskua na kasalo ng aking mga alagad?” (Lucas 22:11.)

Ang kalumbayan ng kanyang pagsilang, sa isang banda, ay mauulit sa kalumbayan ng kanyang kamatayan. May mga lungga ang mga zorra at may mga pugad ang mga ibon, ngunit ang Anak ng Tao ay walang mahiligan ng kanyang ulo noong siya ay isilang o sa mga huling sandali ng kanyang buhay [tingnan sa Mateo 8:20].

Sa wakas, kumpleto na ang mga paghahanda para sa Paskua, bilang pagsunod sa halos labinlimang daang taon ng tradisyon. Naupo si Jesus sa tabi ng kanyang mga disipulo at, matapos kumain ng korderong isinakripisyo at ng tinapay at alak ng sinaunang pagdiriwang na ito, itinuro niya sa kanila ang mas bago at mas banal na kahulugan ng sinaunang pagpapalang iyon mula sa Diyos.

Kinuha niya ang isa sa makinis at bilog na tinapay na walang lebadura, binasbasan ito, at pinagputul-putol na ipinamahagi niya sa mga Apostol, na sinasabing: “Ito’y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.” (Lucas 22:19.)

Nang ibuhos ang laman ng saro, kinuha niya ito at inanyayahan sila, matapos magpasalamat, na inumin ito, na sinasabing, “Ito’y ang bagong tipan sa aking dugo, na nabubuhos nang dahil sa inyo.” (Lucas 22:20.) Sinabi ni Pablo tungkol dito: “Sapagka’t sa tuwing kanin ninyo ang tinapay na ito, at inuman ninyo ang saro, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating siya.” (I Cor. 11:26.)

Ang tinapay at alak, sa halip na mga hayop at gulay, ay magiging mga sagisag ng dakilang katawan at dugo ng Kordero, mga sagisag na kakainin at iinumin nang mapitagan at bilang pag-alaala sa kanya magpakailanman.

Sa simple ngunit kahanga-hangang paraang ito pinasimulan ng Tagapagligtas ang ordenansang tinatawag ngayon na sakramento ng Hapunan ng Panginoon. Sa pagdurusa sa Getsemani, sakripisyo sa Kalbaryo, at pagkabuhay na mag-uli mula sa libingan sa halamanan, tinupad ni Jesus ang sinaunang batas at pinasimulan ang bagong dispensasyon batay sa mas mataas at mas banal na pag-unawa sa batas ng sakripisyo. Hindi na kailangan ng mga tao na mag-alay ng panganay na kordero mula sa kanilang kawan, dahil pumarito ang Panganay ng Diyos upang ialay ang kanyang sarili bilang “walang katapusan at walang hanggang hain.”

Ito ang karingalan ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, na hindi lamang isang paglagpas sa kamatayan, kundi isang kaloob na buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng isang walang-katapusang sakripisyo.5

Angkop lamang bilang pagsunod sa sinaunang tipang ito ng proteksyon [ang hapunan sa Paskua] na dapat pasimulan ni Jesus ang mga sagisag ng bagong tipan ng kaligtasan—ang mga sagisag ng sarili niyang katawan at dugo. Nang kunin niya ang tinapay at putul-putulin ito, at kunin niya ang saro at basbasan ito, ipinakilala niya ang kanyang sarili bilang ang Kordero ng Diyos na maglalaan ng espirituwal na pagkain at walang-hanggang kaligtasan.6

si Cristo na may hawak na tinapay

“Nang kunin niya ang tinapay at putul-putulin ito, at kunin niya ang saro at basbasan ito, ipinakilala niya ang kanyang sarili bilang ang Kordero ng Diyos.”

3

Ang ating pakikibahagi sa sakramento ay isang pagkakataon upang pag-aralan ang ating buhay at panibaguhin ang ating mga tipan.

Hindi pa natatagalan ako ay … [nagkaroon] ng pribiliheyong dumalo sa sacrament service sa aming home ward. … Habang inihahanda ng mga priest ang sakramento, pinamunuan kami sa pagkanta ng:

Ama namin, kami’y dinggin;

At ngayon ay pagpalain.

Sa pagtanggap ng sagisag,

Dama ang kay Cristong pagliyag.

[Mga Himno, blg. 101]

Lumuhod ang isang priest para basbasan ang putul-putol na tinapay at nanalangin: “Nang sila ay makakain bilang pag-alaala sa katawan ng inyong Anak, at patunayan sa inyo, O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na sila ay pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng inyong Anak, at lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan.” (D at T 20:77.) Naghiwa-hiwalay ang mga deacon sa buong chapel para ipamahagi ang putul-putol na tinapay. Isa sa kanila ang lumapit sa hanay namin at hinawakan ang silver tray habang nakikibahagi ako. Pagkatapos ay hinawakan ko ang tray para makabahagi si Sister Hunter, at hinawakan niya ito para sa katabi niya. Ipinasa ang tray sa hanay sa gayong paraan, na bawat isa ay nag-aabot at inaabutan.

Naalala ko ang mga pangyayaring naganap noong gabing iyon halos dalawang libong taon na ang nakararaan nang ipagkanulo si Jesus. … Ang sakramento ng Hapunan ng Panginoon [ay] pinasimulan upang halinhan ang pagsasakripisyo [ng hayop] at maging paalala sa lahat ng nakikibahagi na tunay ngang Siya ay nagsakripisyo para sa kanila; at upang maging dagdag na paalala ng mga tipang ginawa nila na sundin Siya, sundin ang Kanyang mga utos, at maging tapat hanggang wakas.

Habang nag-iisip [ako] tungkol dito, naisip ko ang paalala ni Pablo sa kanyang sulat sa simbahan sa Corinto. Sabi niya: “Kaya’t ang sinomang kumain ng tinapay, o uminom sa saro ng Panginoon, na di nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon.

“Datapuwa’t siyasatin ng tao ang kaniyang sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa saro.

“Sapagka’t ang kumakain at umiinom, ay kumakain at umiinom ng hatol sa kaniyang sarili, kung hindi niya kinikilala ang katawan ng Panginoon.” (I Cor. 11:27–29.)

Nag-alala ako. Itinanong ko ito sa aking sarili: “Inuuna ko ba ang Diyos sa lahat ng iba pang bagay at sinusunod ang lahat ng Kanyang utos?” Pagkatapos ay nagmuni-muni ako at nagpasiya. Ang makipagtipan sa Panginoon na laging sundin ang kanyang mga kautusan ay mabigat na obligasyon, at mabigat din ang pagpapanibago ng tipang iyon sa pakikibahagi ng sakramento. Ang mga taimtim na sandali ng pagninilay habang ipinapasa ang sakramento ay may malaking kahalagahan. Ito ang mga sandali ng pagsusuri sa sarili, pagsisiyasat sa sarili, pagkilala sa sarili—isang panahon ng pagninilay at pagpapasiya.

Sa pagkakataong ito isa pang priest ang nakaluhod sa harap ng mesa, na nananalangin na lahat ng iinom ay “magawa [ito] bilang pag-alaala sa dugo ng inyong Anak, na nabuhos alang-alang sa kanila; … na sila sa tuwina ay alalahanin siya, nang mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila.” (D at T 20:79.)

May tahimik na pagninilay, ang katahimikan ay binasag lamang ng tinig ng isang munting sanggol na mabilis na niyakap ng ina. Anumang bumabasag sa katahimikan sa oras ng sagradong ordenansang ito ay tila wala sa lugar; ngunit tiyak na hindi magagalit ang Panginoon sa tinig ng isang munting sanggol. Siya man ay idinuyan ng isang mapagmahal na ina nang magsimula ang kanyang buhay sa mundo sa Betlehem at magwakas sa krus sa Kalbaryo.

Tinapos ng mga binatilyo ang pagpapasa ng sakramento. Pagkatapos ay sumunod ang mga kataga ng panghihikayat at tagubilin, isang pangwakas na himno at panalangin; at nagwakas ang sagradong mga sandali na “malaya sa hapis” [tingnan sa “Dalanging Taimtim,” Mga Himno, blg. 86]. Sa daan pauwi … pumasok ito sa aking isipan: Napakaganda sana kung nauunawaan ng lahat ng tao ang layunin ng binyag at handang tanggapin ito; hinahangad na tuparin ang mga tipang ginawa sa ordenansang iyon na paglingkuran ang Panginoon at sundin ang Kanyang mga kautusan; at, bukod pa rito, hinahangad na makibahagi ng sakramento sa araw ng Sabbath upang panibaguhin ang mga tipang iyon na paglingkuran Siya at maging tapat hanggang wakas. …

Naging mas makabuluhan ang araw dahil nakadalo ako sa sacrament meeting at nakibahagi ng sakramento, at nadama ko na mas naunawaan ko ang dahilan kaya sinabi ng Panginoon na, “At upang lalo pa ninyong mapag-ingatan ang inyong sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan, kayo ay magtungo sa panalanginan at ihandog ang inyong sakramento sa aking banal na araw;

“Sapagkat katotohanang ito ay araw na itinakda sa inyo upang magpahinga mula sa inyong mga gawain, at iukol ang inyong mga pananalangin sa Kataas-taasan.” (D at T 59:9–10.)7

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Repasuhin ang mga turo ni Pangulong Hunter tungkol sa mga Paskua sa sinaunang Israel (tingnan sa bahagi 1). Ano ang matututuhan natin mula sa Paskua? Paano nauugnay ang Paskua sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay?

  • Repasuhin ang salaysay ni Pangulong Hunter tungkol sa pagpapasimula ng Tagapagligtas sa sakramento (tingnan sa bahagi 2). Bakit mahalaga ang kaganapang ito sa inyo? Sa anong mga paraan naging isang “tipan ng kaligtasan” ang sakramento para sa atin?

  • Ano ang hinahangaan ninyo sa salaysay ni Pangulong Hunter tungkol sa pakikibahagi ng sakramento sa bahagi 3? Ano ang matututuhan natin mula sa salaysay na ito para magawa nating mas makabuluhan ang sakramento? Paano naging isang pagpapala sa inyo ang pakikibahagi ng sakramento?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

1 Mga Taga Corinto 5:7–8; 11:23–29; 3 Nephi 18:3–14; 20:8–9; Moroni 6:5–6; D at T 20:75–79; 27:1–2

Tulong sa Pagtuturo

“Habang nagtuturo tayo ng ebanghelyo, dapat nating kilalanin nang may pagpapakumbaba na ang Espiritu Santo ang totoong guro. Ang ating pribilehiyo ay magsilbing mga instrumento kung saan ang Espiritu Santo ay makapagtuturo, makapagpapatotoo, makapagbibigay-kapanatagan, at inspirasyon” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 51).

Mga Tala

  1. Sa Gerry Avant, “Elder Hunter—Packed Away Musician’s Career for Marriage,” Church News, Mayo 19, 1985, 4.

  2. Sa J M. Heslop, “He Found Pleasure in Work,” Church News, Nob. 16, 1974, 4.

  3. David B. Haight, “The Sacrament,” Ensign, Mayo 1983, 13.

  4. “Christ, Our Passover,” Ensign, Mayo 1985, 17–18.

  5. “Christ, Our Passover,” 18–19.

  6. “His Final Hours,” Ensign, Mayo 1974, 18.

  7. “Thoughts on the Sacrament,” Ensign, Mayo 1977, 24–25.