Kabanata 22
Pagtuturo ng Ebanghelyo
“Ang layunin ng pagtuturo … [ay] maging kasangkapan tayo sa mga kamay ng Panginoon sa pagbabago ng puso ng isang tao.”
Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter
Noong pangkalahatang kumperensya ng Abril 1972, si Elder Howard W. Hunter, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay isa sa mga huling tagapagsalita sa isa sa mga sesyon. May inihanda siyang mensahe, ngunit kulang na ang natitirang oras sa sesyon para maibigay niya ito. “Nang tingnan ko ang orasan at natantong kulang na ang oras,” sabi ni Elder Hunter, “itiniklop ko ang mensaheng inihanda ko at ibinulsa ito. Gayunpaman, hayaan ninyong ikuwento ko sandali ang isang maliit na pangyayaring nakintal sa isipan ko noong bata pa ako. Naalala ko ito nang mabanggit na kasama natin ngayong hapon ang isang malaking grupo ng matatapat na tao na nagtuturo sa ating mga kabataan.
“Nangyari ito noong isang umaga ng panahon ng tag-init. Nakatayo ako malapit sa bintana. Naharangan ako ng mga kurtina sa pagtanaw ko sa dalawang maliliit na nilalang na nasa damuhan. Ang isa ay malaking ibon at ang isa ay maliit na ibon, na halatang kaaalis lang sa pugad. Nakita kong lumukso ang malaking ibon sa damuhan, pagkatapos ay ikinahig ang paa nito at itinaas ang kanyang ulo. Nakakuha siya ng malaki at matabang uod sa damuhan at paluksu-luksong bumalik. Ibinuka nang malaki ng maliit na ibon ang kanyang tuka, ngunit nilulon ng malaking ibon ang uod.
“Pagkatapos ay nakita ko na lumipad ang malaking ibon sa isang puno. Tinuka-tuka nito ang puno nang ilang sandali at bumalik na may malaking kulisap sa kanyang bibig. Ibinuka nang malaki ng maliit na ibon ang kanyang tuka, ngunit nilulon ng malaking ibon ang kulisap. Sumisiyap-siyap na nagreklamo ang munting ibon.
“Ang malaking ibon ay lumipad palayo, at hindi ko na nakitang muli, ngunit minasdan ko ang maliit na ibon. Maya-maya pa, ang maliit na ibon ay lumukso sa damuhan, ikinahig ang kanyang paa sa lupa, itinaas ang kanyang ulo, at nakakuha ng isang malaking uod sa damuhan.
“Pinagpapala ng Diyos ang mabubuting tao na nagtuturo sa ating mga anak at kabataan.”
Ang maikling mensahe ni Elder Hunter ay nailathala kalaunan at may pamagat na “A Teacher.”1
Madalas bigyang-diin ni Howard W. Hunter ang kahalagahan ng mahusay na pagtuturo sa Simbahan. Inilahad niya ang mga alituntunin—tulad ng kahalagahan ng pagtuturo sa pamamagitan ng halimbawa, na inilarawan ng kuwento tungkol sa mga ibon—na makatutulong sa mga guro na maging mas epektibo sa pagpapala sa buhay ng kanilang mga tinuturuan. Madalas siyang magsalita sa mga guro ng mga bata at kabataan, tinutulungan sila na maunawaan ang kanilang sagradong responsibilidad sa bagong henerasyon. Sa isa sa gayong pagsasalita, sinabi niya:
“Sa harapan ko ngayon ay nakikita ko ang ilang piling espiritu ng mundo. … Sinisikap kong ilarawan sa isipan ko ang bawat isa [sa inyong mga guro] na ginagawa ang inyong sariling tungkulin. Iniisip ko kung anong uri ng bunga ang magiging resulta ng inyong gawain. Masisira ba ang ilan sa mga bungang iyon dahil hindi ninyo binungkal o nilinang ang lupa na ipinagkatiwala sa inyong pangangalaga; o lilinangin ba ninyo ang lupa upang ito ay magbunga ng maraming mabubuting bunga?
“Sa inyu-inyong ward at stake … naroon ang maraming anak ng ating Ama sa Langit. Tulad ninyo, sila ay hinirang sa kanyang harapan; ngunit, hindi tulad ninyo, marami sa kanila ang wala pang alam at marami ang bago pa sa ebanghelyo. Talagang napakalaki ng responsibilidad ninyo sa kanila. Ang kanilang buhay ay madaling maimpluwensiyahan, madaling mabaluktot, madaling mahubog, madaling maakay, kung inyong makukuha ang kanilang tiwala at kanilang puso. Kayo ang kanilang ‘pastol.’ Dapat ninyo silang akayin sa ‘sariwang pastulan.’ …
“Isang malaking hamon, isang masayang gawain, isang sagradong responsibilidad ang nasa inyo ngayon! … Kayo ay kailangang maging maalalahanin, maunawain, mabait, magiliw, may dalisay na puso, nagtataglay ng di-makasariling pagmamahal tulad ng taglay ng ating Panginoon, mapagpakumbaba, madasalin sa pagtupad sa inyong gawain na pakainin ang mga kordero na siyang ipinagagawa sa inyo ng Panginoon!”2
Mga Turo ni Howard W. Hunter
1
Tulungan ang iba na magkaroon ng tiwala sa mga banal na kasulatan.
Hinihikayat ko kayong gamitin ang mga banal na kasulatan sa inyong pagtuturo at gawin ang lahat sa abot ng inyong makakaya na tulungan ang mga estudyante na gamitin at makasanayan ang mga ito. Nais kong magkaroon ng tiwala ang ating mga kabataan sa mga banal na kasulatan, at gusto kong maunawaan ninyo ang mga katagang iyan sa dalawang paraan.
Una, nais naming magkaroon ng tiwala ang mga estudyante sa lakas at katotohanan ng mga banal na kasulatan, tiwala na ang kanilang Ama sa Langit ay talagang nangungusap sa kanila sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, at tiwala na maaari silang bumaling sa mga banal na kasulatan at mahanap ang mga sagot sa kanilang mga problema at mga panalangin. Iyan ay isang uri ng tiwala na umaasa akong maibibigay ninyo sa inyong mga estudyante, at maibibigay ninyo ito sa kanila kung ipapakita ninyo sa kanila sa araw-araw, oras-oras, na nagtitiwala kayo sa mga banal na kasulatan sa gayong tumpak na paraan. Ipakita sa kanila na kayo mismo ay nagtitiwala na ang mga banal na kasulatan ay may mga sagot sa marami—sa katunayan sa halos lahat—ng mga problema sa buhay. Kaya kapag nagturo kayo, magturo mula sa mga banal na kasulatan.
[Ang pangalawang] kahulugan na ipinapahiwatig sa mga katagang “tiwala sa mga banal na kasulatan” ay ang ituro nang lubusan sa mga estudyante ang mga pamantayang aklat ng mga banal na kasulatan nang sa gayon ay tiwala nilang babasahin ito, natututuhan ang mahahalagang talata at mga sermon at teksto na nakapaloob sa mga ito. Umaasa kami na walang sinuman sa inyong mga estudyante ang lalabas ng klase nang takot o napahiya o nahihiya na hindi nila mahanap ang tulong na kailangan nila dahil hindi sapat ang kaalaman nila sa mga banal na kasulatan para makita ang angkop na mga talata. Bigyan ang mga kabataang ito ng sapat na kaalaman sa Biblia, sa Aklat ni Mormon, sa Doktrina at mga Tipan, at sa Mahalagang Perlas upang magkaroon sila ng dalawang uri ng tiwala na kababanggit ko pa lamang.
Madalas kong maisip na ang ating mga kabataan sa Simbahan ay halos magiging katulad lang ng mga kabataan sa labas ng Simbahan kung hindi sila magtataglay ng sapat na kasanayan at kahusayan sa paggamit ng mga pamantayang aklat ng mga banal na kasulatan. Naaalala nating lahat ang mga talatang isinulat ni Propetang Joseph noong nakakulong siya sa Liberty Jail. Kabilang sa mga isinulat niya, “Sapagkat marami pa sa mundo sa lahat ng pangkat, grupo, at sekta, na binubulag ng pandaraya ng mga tao, kung saan sila ay naghihintay upang manlinlang, at na napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan” (D at T 123:12; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Malaki ang responsibilidad natin bilang [mga guro] sa Simbahan na tiyakin na ang ating sariling mga miyembro at sariling mga kabataan, ay hindi mapabilang sa di-magandang kategoryang iyon ng pagiging bulag, ng pagiging mabubuti, mahuhusay, at mararapat na mga kabataang lalaki at babae na napagkaitan ng mga katotohanan ng mga banal na kasulatan dahil hindi nila alam kung saan matatagpuan ang mga katotohanang iyon at dahil wala silang tiwala [na gamitin] ang kanilang mga pamantayang aklat ng mga banal na kasulatan.3
2
Magturo sa pamamagitan ng Espiritu.
Maghanda at mamuhay sa paraang mapapasainyo ang Espiritu ng Panginoon sa inyong pagtuturo. Napakaraming bagay sa ating mundo ang sumisira sa damdaming dulot ng Espiritu at napakaraming hadlang para mapasaatin ang Espiritu. Kailangan nating gawin ang lahat para sa mga kabataang ito na patuloy na nalalantad sa kamunduhang nakapaligid sa kanila. Kailangan nating gawin ang lahat para madama nila ang magiliw, at pumapanatag na presensya ng Espiritu ng Panginoon. …
Sa isa sa pinakamahahalagang paghahayag sa dispensasyong ito, sinabi ng Panginoon, “At ang Espiritu ay ibibigay sa inyo sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya; at kung hindi ninyo natanggap ang Espiritu kayo ay hindi magtuturo” (D at T 42:14).
Naunawaan ko na ang ibig sabihin ng talatang ito ay hindi lamang tayo hindi magtuturo nang walang Espiritu, kundi talagang hindi tayo maaaring magturo nang wala ito. Ang pag-aaral lamang ng mga espirituwal na bagay ay hindi mangyayari kung wala ang nagtuturo at nagpapatibay na presensya ng Espiritu ng Panginoon. Tila sang-ayon dito si Joseph Smith: “Dapat ipangaral ng lahat ang Ebanghelyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan at impluwenisya ng Espiritu Santo; at hindi maipangangaral ninuman ang Ebanghelyo kung wala ang Espiritu Santo” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, (2007), 389).
… Nababahala ako kapag ang matinding damdamin o pagdaloy ng luha ay itinuturing na presensya ng Espiritu. Totoong ang Espiritu ng Panginoon ay maaaring magdulot ng matitinding damdamin, kasama na ang pagluha, ngunit hindi dapat ipagkamali ang panlabas na manipestasyong iyon sa presensya mismo ng Espiritu.
Namasdan ko ang marami sa aking mga kapatid sa nakalipas na mga taon at magkasama naming naranasan ang ilang pambihira at hindi mailarawang espirituwal na karanasan. Ang mga karanasang iyon ay iba-iba, bawat isa ay namumukod-tangi sa sarili nitong paraan, at ang gayong mga sagradong sandali kung minsan ay may pagluha o kung minsan ay wala. Madalas na ganoon, ngunit kung minsan ang mga ito ay lubos na katahimikan lamang. Kung minsan naman may kasamang kagalakan ang mga ito. Palaging kasama ng mga ito ang dakilang pagpapakita ng katotohanan, ng paghahayag sa puso.
Ibigay sa inyong mga estudyante ang katotohanan ng ebanghelyo na mahusay na naituro; iyan ang paraan para mabigyan sila ng espirituwal na karanasan. Hayaan itong kusang dumating, marahil nang may pagluha, ngunit marahil ay hindi rin. Kung ang sinasabi ninyo ay katotohanan, at sinasabi ninyo ito nang dalisay at nang may matibay na pananalig, madarama ng mga estudyanteng iyon ang katotohanan na itinuro sa kanila at makikilala ang inspirasyon at paghahayag na iyon na dumating sa kanilang mga puso. Ganyan tayo nagpapalakas ng pananampalataya. Ganyan tayo nagpapalakas ng mga patotoo—sa pamamagitan ng kapangyarihan ng salita ng Diyos na itinuro sa kadalisayan at nang may pananalig.
Makinig sa katotohanan, pakinggan ang doktrina, at hayaang dumating ang patunay ng Espiritu sa marami at iba’t ibang uri nito. Manatili sa totoong mga alituntunin; magturo mula sa dalisay na puso. Sa gayon ang Espiritu ay papasok sa inyong isipan at puso at sa bawat isipan at puso ng inyong mga estudyante.4
3
Anyayahan ang mga estudyante na tuwirang hanapin ang Diyos Ama at si Jesucristo.
Tiyak ko na natatanto ninyo ang maaaring panganib ng … katapatan sa inyo ng inyong mga estudyante sa halip na sa ebanghelyo. … Kaya kailangang anyayahan ninyo ang inyong mga estudyante na saliksikin mismo ang mga banal na kasulatan, hindi lamang ipaliwanag at ilahad ang mga ito sa kanila. Kaya kailangang anyayahan ninyo ang inyong mga estudyante na damhin ang Espiritu ng Panginoon, hindi lamang ibigay sa kanila ang inyong sariling pagkaunawa rito. Kaya, ang pinakamahalaga, kailangang anyayahan ninyo ang inyong mga estudyante na lumapit kay Cristo, hindi lamang sa nagtuturo ng kanyang mga doktrina, gaano man siya kahusay. Hindi kayo palaging nariyan para sa mga estudyanteng ito. …
Ang ating malaking tungkulin ay bigyan ang mga estudyanteng ito ng kaalaman na maaaring magamit nila sa buong buhay nila, na maghahatid sa kanila sa kanya na nagmamahal sa kanila at gagabay sa kanila sa mga lugar na walang sinuman sa atin ang makapupunta. Mangyaring tiyakin na ang katapatan ng mga estudyanteng ito ay sa mga banal na kasulatan at sa Panginoon at sa mga doktrina ng ipinanumbalik na Simbahan. Ilapit sila sa Diyos Ama at sa Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo, at sa pamunuan ng totoong Simbahan. … Bigyan sila ng mga kaloob na magpapatatag sa kanila kapag kailangan nilang manindigang mag-isa. Kapag ginawa ninyo ito, ang buong Simbahan ay pagpapalain sa mga henerasyong darating.5
4
Sikaping matulungan ang indibiduwal.
Namamangha ako sa tuwina na ang Panginoon ay nakikipag-ugnayan sa atin nang personal at indibiduwal. Marami tayong ginagawa sa Simbahan bilang mga grupo, at kailangan natin ng sapat na organisasyon upang mapangasiwaan natin nang mabuti ang Simbahan, ngunit sa napakaraming mahahalagang bagay na ito—ang pinakamahahalagang bagay—ay ginagawa nang paisa-isa. Binabasbasan natin ang mga sanggol nang paisa-isa, sila man ay kambal o triplet. Binibinyagan at kinukumpirma natin ang mga bata nang paisa-isa. Nakikibahagi tayo ng sakramento, inoorden sa priesthood, o tumatanggap ng mga ordenansa sa templo bilang mga indibiduwal—bilang isang tao na nagkakaroon ng ugnayan sa ating Ama sa Langit. Maaaring nangyari na ito sa iba na malapit sa atin, tulad ng iba pa sa inyong klase, ngunit ang langit ay nakatuon sa bawat indibiduwal, sa bawat tao.
Nang magpakita si Cristo sa mga Nephita, sinabi Niya:
“Bumangon at lumapit sa akin, upang inyong maihipo ang inyong mga kamay sa aking tagiliran, at upang inyo ring masalat ang bakas ng pako sa aking mga kamay at aking mga paa. …
“At ito ay nangyari na, na ang maraming tao ay lumapit, at inihipo ang kanilang mga kamay sa kanyang tagiliran, at sinalat ang bakas ng pako sa kanyang mga kamay at kanyang mga paa; at ito ay ginawa nila, isa-isang nagsilapit hanggang sa ang lahat ay makalapit, at nakita ng kanilang mga mata at nadama ng kanilang mga kamay, at nalaman nang may katiyakan at nagpatotoo” (3 Nephi 11:14–15; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Mahabang panahon ang hinintay para sa karanasang iyon, ngunit ang mahalaga ay naranasan iyon ng bawat isa, na ang mga mata at kamay ng bawat isa ay nagkaroon ng matibay, at sariling patotoo. Kalaunan gayon din ang ginawa ni Cristo sa mga bata. “Kinuha ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila” (3 Nephi 17:21; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Magiging mahirap para sa inyo na ibigay ang lahat ng inyong personal na atensyon na kinakailangan ng ilan sa inyong mga estudyante, ngunit gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya na isa-isang isipin sila, na ipadama sa kanila ang personal at espesyal na pagmamalasakit ninyo, na kanilang guro. Manalangin na malaman kung sinong estudyante ang nangangailangan ng tulong, at manatiling madaling makahiwatig sa mga paramdam na iyon kapag dumating ang mga iyon. … Alalahanin na ang pinakamahusay na pagtuturo ay nagagawa nang paisa-isa at kadalasang nangyayari sa labas ng silid-aralan. …
Sa inyong paghahangad na maturuan ang bawat estudyante, tiyak na matutuklasan ninyo na ang ilan ay hindi kasinghusay ng iba at ang ilan ay hindi kailanman pumapasok sa klase. Personal na pagtuunan ng pansin ang ganitong mga estudyante; dagdagan ang pagsisikap na anyayahan at tulungan ang mga nawawalang tupa pabalik sa kawan. “Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos” (D at T 18:10). Hindi matutumbasan ang ginawa ng ating Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin, at tungkulin natin na gawin ang lahat para tulungan Siya sa kanyang gawain. Tungkulin nating tiyakin na ang kaloob na Pagbabayad-sala ay naipapaabot sa bawat kabataang lalaki o babae na responsibilidad natin. Sa sitwasyon ninyo, ang ibig sabihin nito ay mapanatili silang aktibo at laging dumadalo sa inyong klase.
Pagtuunan ng pansin lalo na ang mga maaaring nahihirapan, at humayo kung kinakailangan para hanapin ang nawawalang tupa. Ang isang sinulatang postcard, isang tawag sa telepono, o, hangga’t maaari, ay personal na pagbisita sa bahay ay magbubunga ng maganda sa maraming sitwasyon. Ang personal na pagtutuon ng pansin sa isang kabataan na nagsisimula pa lamang malihis ay makababawas sa maraming oras—sa katunayan, sa maraming taon—ng pagsisikap nating ibalik sa pagiging aktibo ang taong iyon. Gawin ang lahat ng makakaya ninyo para patatagin pa ang malalakas na at matulungang lumakas ang mga nalilihis sa panahong ito.6
5
Magturo sa pamamagitan ng halimbawa.
Talagang kinakailangan natin [bilang mga guro] na magpakita ng mabuting halimbawa, maging masigasig at maingat sa ating sariling buhay, panatilihing banal ang Araw ng Sabbath, igalang ang mga lider ng ward, stake, at ang Simbahan. Kailangang walang anumang masamang salita ang mamutawi sa ating labi na magbibigay sa sinumang bata ng karapatan o pribilehiyo na gumawa ng mali. Kung may mali tayong nasabi o nagawa, tiyak na ang mga bata ay magkakaroon ng karapatang gawin din ang gayon.
Ang pagpapakita ng mabuting halimbawa ay may mas matinding impluwensya kaysa sa pagtuturo lamang. Siya na maghihikayat sa iba na gawin ang tama ay dapat ding gawin niya mismo ang tama. Talagang totoo na siya na gumagawa ng mabuti dahil ang mga ito ay mabuti at hindi nagpapaimpluwensiya sa masasamang pag-uugali ng iba ay higit na gagantimpalaan kaysa sa isang taong nagtuturo nito ngunit hindi ito ginagawa. … Ginagaya ng mga bata ang mga taong pinagkakatiwalaan nila. Kung higit silang nagtitiwala, mas madali silang naiimpluwensiyahan sa kabutihan o kasamaan. Iginagalang ng lahat ng mabubuting Banal ang tunay na kabutihan saanman ito makita at sisikaping tularan ang lahat ng mabubuting halimbawa.7
Ang pormula para sa isang mahusay na guro ay hindi lamang pagsunod at pagtataguyod sa mga kautusan ng Panginoon, kundi pagtatamo ng espiritu sa pagtuturo sa pamamagitan ng panalangin. Kapag nasa atin ang espiritung iyan at sinusunod natin ang mga kautusan ng Panginoon, at sumunod tayo sa Kanya, sa gayon ang buhay ng mga taong naimpluwensiyahan natin ay magbabago at sila ay mahihikayat na mamuhay nang matuwid.8
Kailangang magkaroon ang lahat ng guro ng personal na patotoo na ang Diyos ay buhay, ng patotoo sa banal na misyon ni Jesucristo, at na ang pagpapakita kay Joseph Smith ng Ama at Anak ay totoo. Hindi lamang siya kailangang magkaroon ng kaalaman at patotoo, kundi dapat din siyang maging masigasig sa pagpapahayag ng kanyang paniniwala nang walang pag-aatubili sa mga taong nagnanais matuto.9
6
Maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon sa pagtulong sa mga estudyante na maranasan ang mahimalang pagbabago ng puso.
Kapag nagturo ang guro ayon sa layon ng Panginoon, isang malaking himala ang nagaganap. Ang himala ng Simbahan ngayon ay hindi ang pagpapagaling na napakarami na, hindi ang pagpapalakad ng pilay, pagbibigay ng paningin sa mga bulag, ng pandinig sa mga bingi, o pagpapagaling sa mga maysakit. Ang pinakamalaking himala ng Simbahan at kaharian ng Diyos sa ating mga araw at panahon ay ang pagbabago ng kaluluwa ng tao. Sa pagpunta namin sa mga stake at mission ng Simbahan, ito ang nakikita namin—ang pagbabago ng kaluluwa ng tao dahil may taong nagturo ng mga alituntunin ng katotohanan.
Tulad ito ng ipinahayag ni Alma, sa kanyang kapanahunan sa pagtuturo sa mga tao, nang sabihin niya: “At ngayon masdan, itinatanong ko sa inyo, aking mga kapatid [na lalaki at babae] sa simbahan, kayo ba ay espirituwal na isinilang sa Diyos? Inyo bang tinanggap ang kanyang larawan sa inyong mga mukha? Inyo bang naranasan ang malaking pagbabagong ito sa inyong mga puso?” (Alma 5:14.) Ito ang layunin ng pagtuturo. Ito ang dahilan kung bakit tayo masigasig na gumagawa, naghahangad ng Espiritu, at inihahanda ang ating isipan sa mabubuting bagay gaya ng iniutos ng Panginoon, upang tayo ay maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon sa pagbabago ng puso ng isang tao. Ang ating mithiin ay maitimo sa puso ng mga bata ang hangaring maging mabuti, ang hangaring maging matuwid, ang hangaring sundin ang mga utos ng Panginoon, ang hangaring lumakad nang may pagpapakumbaba sa harapan Niya. Kung magiging kasangkapan tayo sa mga kamay ng Panginoon sa pagsasakatuparan ng malaking pagbabagong ito sa puso ng mga bata, kung gayon nakagawa na tayo ng malaking himala bilang guro. At talagang isang himala ito. Hindi natin nauunawaan kung paano binabago ng Panginoon ang puso ng tao, ngunit Siya lamang ang nakakaalam nito. …
Pinatototohanan ko sa inyo ang nagpapabagong kapangyarihan ng Espiritu sa buhay ng mga miyembro ng Simbahan. Hinihiling ko sa inyo … na patuloy na gumawa nang may kabutihan at kabanalan sa harapan ng Panginoon sa pagsasakatuparan ng gawaing iniatas niya sa inyo.”10
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
Paalala: Maaari ninyong talakayin ang ilan sa mga sumusunod na tanong mula sa pananaw ng mga magulang na nagtuturo sa kanilang mga anak.
-
Hinihikayat ni Pangulong Hunter ang mga guro na tulungan ang mga estudyante na magkaroon ng “tiwala sa mga banal na kasulatan” (bahagi 1). Kailan nakatulong sa inyong sariling buhay ang mga banal na kasulatan? Kailan kayo nakahanap ng mga sagot sa mga tanong ninyo sa mga banal na kasulatan? Paano natin matutulungan ang iba, kabilang na ang mga kasama natin sa ating tahanan, na matutuhang mahalin ang mga banal na kasulatan at makinabang sa kapangyarihan ng mga ito?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa bahagi 2 tungkol sa pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu? Ano ang mga karanasan ninyo sa pagtuturo at pagkatuto sa pamamagitan ng Espiritu? Ano ang ilang bagay na magagawa ninyo para matulungan kayo na magturo sa pamamagitan ng Espiritu?
-
Paano matutulungan ng isang guro ang mga estudyante na maging tapat sa mga banal na kasulatan at ebanghelyo, at hindi sa kanyang sarili? (Tingnan sa bahagi 3.) Paano makakatulong ang guro na mailapit ang mga estudyante sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Paano matutulungan ng isang guro ang mga estudyante na maging maalam sa ebanghelyo para manatili silang matatag “kapag kailangan nilang manindigang mag-isa”?
-
Pagnilayan ang mga turo ni Pangulong Hunter tungkol sa kahalagahan ng bawat tao (tingnan sa bahagi 4). Paano ninyo matutulungan ang inyong mga tinuturuan na magkaroon ng patotoo na kilala at mahal ng Diyos ang bawat isa sa kanila? Isipin kung ano ang magagawa ninyo, bilang guro, para matulungan ang bawat isa sa tinuturuan ninyo.
-
Binigyang-diin ni Pangulong Hunter ang kahalagahan ng pagtuturo sa pamamagitan ng mabuting halimbawa (tingnan sa bahagi 5). Bakit mas nakakaimpluwensya ang ating halimbawa kaysa sa ating salita? Paano nakatulong sa inyo ang mabuting halimbawa ng isang guro? Paano nagtuturo ang halimbawa ng mga magulang sa kanilang mga anak?
-
Kailan ninyo naranasan ang “malaking himala” na inilarawan ni Pangulong Hunter sa bahagi 6, bilang guro o mag-aaral man? Isipin ang ilang guro na naging mabuting impluwensya sa inyong buhay. Paano sila naging mabuting impluwensya? Paano natin maituturo ang ebanghelyo nang mas mabisa—maging sa tahanan man, sa silid-aralan, o sa ibang lugar?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Juan 21:15–17; I Mga Taga Corinto 12:28; II Kay Timoteo 3:14–17; 2 Nephi 33:1; Alma 17:2–3; 31:5; D at T 11:21–22; 50:17–22; 88:77–80
Tulong sa Pagtuturo
Sa mga piraso ng papel, isulat ang mga tanong na nasa hulihan ng kabanata o iba pang mga tanong na may kaugnayan sa kabanata. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pumili ng isang tanong at hanapin sa kabanata ang mga turo na tutulong para masagot ito. Ipabahagi sa kanila ang kanilang natutuhan.