2010–2019
Ihanda ang Daan
Abril 2017


NaN:NaN

Ihanda ang Daan

Bagaman pinagkalooban ng magkaibang misyon at awtoridad, ang Aaronic Priesthood at Melchizedek Priesthood ay di mapaghihiwalay na magkatuwang sa gawain ng kaligtasan.

Noong 30 taong gulang ako, nagsimula akong magtrabaho sa isang retail group sa France. Isang araw, pinapunta ako ng presidente ng kumpanya namin, na isang mabuting tao at miyembro ng ibang simbahan, sa kanyang opisina. Nagulat ako sa tanong niya: “Nalaman ko ngayon lang na isa ka palang pari sa simbahan ninyo. Totoo ba ito?”

Sumagot ako ng, “Opo, totoo po iyan. Taglay ko po ang priesthood.”

Halatang naintriga siya sa sagot ko, kaya nagtanong siya, “Nag-aral ka ba ng theological seminary?”

“Siyempre po,” sagot ko, “sa pagitan ng 14 at 18 taong-gulang, at nag-aral po ako ng mga lesson sa seminary nang halos araw-araw!” Halos mahulog siya sa kanyang upuan.

Nagulat ako talaga nang makalipas ang ilang linggo ay ipinatawag niya akong muli sa kanyang opisina para ialok sa akin ang posisyon ng managing director sa isa sa mga grupo ng kumpanya. Nabigla ako at sinabi ko na masyadong bata pa ako at walang karanasan para humawak ng gayon kalaking responsibilidad. Sa magiliw na ngiti, sinabi niyang, “Maaaring totoo iyan, pero hindi na mahalaga iyan. Alam ko ang mga prinsipyo mo, at alam ko ang natutuhan mo sa inyong simbahan. Kailangan kita.”

Tama siya tungkol sa natutuhan ko sa Simbahan. Ang sumunod na mga taon ay puno ng hamon, at siguro hindi ako nagtagumpay kung hindi dahil sa mga naging karanasan ko sa Simbahan simula noong binatilyo pa ako.

Mapalad akong lumaki sa isang maliit na branch. Dahil kakaunti lang kami, tinawag ang mga kabataan na aktibong makibahagi sa lahat ng gawain ng branch. Talagang naging abala ako at gustung-gusto ko na kapaki-pakinabang ako. Sa araw ng Linggo nangasiwa ako sa sacrament table, naglingkod sa aking priesthood quorum, at gumanap ng iba’t ibang tungkulin. Sa buong linggo madalas akong kasama ng tatay ko at ng iba pang matatandang priesthood holder sa pag-home teach sa mga miyembro, pagpanatag sa maysakit at may karamdaman, at pagtulong sa mga nangangailangan. Tila walang nakaisip na masyado pa akong bata para maglingkod o para mamuno. Para sa akin, lahat ng ito ay tila normal at natural lamang.

Ang paglilingkod na ibinigay ko noong binatilyo pa ako ay nakatulong para magkaroon ako ng patotoo at matatag na iayon ang buhay ko sa ebanghelyo. Napaligiran ako ng mabubuti at maawaing kalalakihan na nangakong gagamitin ang kanilang priesthood para pagpalain ang buhay ng iba. Nais ko silang tularan. Sa paglilingkod na kasama nila, higit sa natanto ko noong panahong iyon, natutuhan kong maging lider sa Simbahan at gayundin sa daigdig.

Marami tayong kabataang lalaki na dumadalo o nakikinig sa miting na ito ngayong gabi na nagtataglay ng Aaronic Priesthood. Habang tinitingnan ko kayong mga nagsidalo, nakikita ko ang marami sa inyo na may katabing matatanda na siguro ay mga tatay, lolo, kuya, o mga priesthood leader ninyo—lahat ay maytaglay ng Melchizedek Priesthood. Mahal nila kayo, at naparito sila ngayong gabi para makasama kayo.

Ang pagtitipon na ito ng mga henerasyon ay nagbibigay ng kagila-gilalas na pananaw ukol sa pagkakaisa at pagkakapatiran na umiiral sa pagitan ng dalawang priesthood ng Diyos. Bagaman pinagkalooban ng magkaibang misyon at awtoridad, ang Aaronic Priesthood at Melchizedek Priesthood ay di mapaghihiwalay na magkatuwang sa gawain ng kaligtasan. Magkatuwang ang mga ito at kailangang-kailangan nila ang bawat isa.

Ang perpektong huwaran ng malapit na ugnayan sa pagitan ng dalawang priesthood ay makikita sa ugnayan nina Jesus at Juan Bautista. Maiisip ba ng isang tao si Juan Bautista nang hindi iniisip si Jesus? Ano kaya ang nangyari sa misyon ng Tagapagligtas kung wala ang ginawang paghahanda ni Juan?

Ibinigay kay Juan Bautista ang isa sa mga pinakamaringal na misyon: “[maghanda] ng daan para sa Panginoon,”1 binyagan Siya sa pamamagitan ng tubig, at ihanda ang mga tao na tanggapin Siya. Itong “lalaking matuwid at banal,”2 na inorden sa nakabababang priesthood, ay lubusang batid ang kahalagahan at limitasyon ng kanyang misyon at kanyang awtoridad.

Nagdagsaan ang mga tao kay Juan para pakinggan siya at magpabinyag sa kanya. Siya ay iginalang at pinagpitaganan bilang tao ng Diyos. Ngunit nang dumating si Jesus, nagpaubaya si Juan kay Jesus na mas dakila sa kanya at nagsabing, “Ako’y bumabautismo sa tubig: datapuwa’t sa gitna ninyo’y may isang nakatayo, … ang pumaparitong sumusunod sa akin, na sa kaniya’y hindi ako karapatdapat magkalag ng panali ng kaniyang pangyapak.”3

Sa Kanyang panig, si Jesus na Cristo, ang Bugtong na Anak ng Ama, na nagtaglay ng nakatataas na priesthood, ay buong pagpapakumbabang kinilala ang awtoridad ni Juan. Sinabi sa kanya ng Tagapagligtas, “Sa gitna ng mga ipinanganganak ng mga babae ay walang lumitaw na isang dakila kay sa kay Juan Bautista.”4

Isipin na lamang ang mangyayari sa ating mga priesthood quorum kung ang ugnayan sa pagitan ng mga maytaglay ng dalawang priesthood ay inspirado ng huwarang itinatag ni Jesus at ni Juan Bautista. Mga bata kong kapatid ng Aaronic Priesthood, tulad ni Juan, ang papel ninyo ay “ihanda ang daan”5 para sa dakilang gawain ng Melchizedek Priesthood. Ginagawa ninyo ito sa iba’t ibang paraan. Kayo ang nangangasiwa sa mga ordenansa ng binyag at ng sakramento. Inihahanda ninyo ang mga tao para sa Panginoon sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo, sa “[pagdalaw] sa bahay ng bawat kasapi,”6 at sa “[pangangalaga] sa simbahan.”7 Naglalaan kayo ng tulong sa mahihirap at nangangailangan sa pagkolekta ng mga handog-ayuno, at nakikibahagi kayo sa pangangalaga ng mga meetinghouse ng Simbahan at ng iba pang temporal na bagay. Ang inyong papel ay mahalaga, kailangan, at sagrado.

Mga kapatid kong nakatatanda, kayo man ay mga ama, bishop, mga Young Men adviser, o basta maytaglay ng Melchizedek Priesthood, matutularan ninyo ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pag-iisip sa inyong mga kapatid na maytaglay ng nakabababang priesthood at pag-anyaya sa kanila na makipagtulungan sa inyo. Sa katunayan, ang paanyayang ito ay mula sa Panginoon mismo. Sinabi Niya, “Kaya nga, isama ninyo yaong inordenan sa nakabababang pagkasaserdote, at isugo sila sa harapan ninyo upang gumawa ng mga tipanan at upang ihanda ang daan, at upang gampanan ang mga tipanan, na hindi ninyo kayang gampanan.”8

Sa pag-anyaya ninyo sa mas mga batang kapatid na “ihanda ang daan,” tinutulungan ninyo silang makilala at igalang ang sagradong awtoridad na hawak nila. Sa paggawa nito, tinutulungan ninyo silang ihanda ang sarili nilang daan sa paghahanda nila sa araw ng pagtanggap nila at paggamit ng nakatataas na priesthood.

Hayaang ibahagi ko sa inyo ang totoong kuwento ni Alex, isang tahimik, maalalahanin, at matalinong batang priest. Isang araw ng linggo nakita si Alex ng kanyang bishop na nag-iisa sa isang classroom na balisang-balisa. Ipinaliwanag ng binatilyo kung gaano kasakit at kahirap sa kanya na magsimba nang hindi kasama ang kanyang ama, na hindi miyembro. At umiiyak na sinabi niya na makabubuti siguro na umalis na siya sa Simbahan.

Dahil tunay ang pagmamalasakit sa binatilyong ito, kaagad pinakilos ng bishop ang ward council para tulungan si Alex. Simple lang ang plano niya: para mapanatiling aktibo si Alex at tulungan siyang magkaroon ng matinding patotoo sa ebanghelyo, kailangan nilang “palibutan siya ng mabubuting tao at bigyan siya ng mahahalagang bagay na gagawin.”

Kaagad nagtulung-tulong ang mga kapatid sa priesthood at lahat ng miyembro ng ward para tulungan si Alex at ipinakita ang kanilang pagmamahal at suporta. Ang high priests group leader, isang taong malaki ang pananampalataya at mapagmahal, ang napiling maging kompanyon niya sa home teaching. Personal siyang sinuportahan ng mga miyembro ng bishopric at naging napakalapit sa kanila.

Sinabi ng bishop: “Ginawa naming abala si Alex. Siya ang naging usher sa mga kasalan, sa mga libing, tinulungan ako sa paglalaan ng libingan, nagbinyag sa ilang bagong miyembro, nag-ordena ng mga kabataang lalaki sa mga katungkulan sa Aaronic Priesthood, nagturo ng mga lesson sa kabataan, nagturong kasama ng mga missionary, nagbukas ng gusali para sa mga kumperensya, at nagsasara ng gusali nang gabing-gabi na pagkatapos ng mga kumperensya. Gumawa siya ng mga service project, sinamahan ako sa mga pagbisita sa nakatatandang mga miyembro na nasa mga hospisyo, nagsalita sa sacrament meeting, nangasiwa ng sakramento sa maysakit na nasa hospital o sa kanilang mga tahanan, at naging isa sa mga taong lubusan kong maaasahan bilang bishop.”

Si Alex at kanyang bishop

Unti-unti, nagbago si Alex. Ang pananampalataya niya sa Panginoon ay nadagdagan. Nagkaroon siya ng tiwala sa kanyang sarili at sa kapangyarihan ng priesthood na taglay niya. Sa huli sinabi ng bishop: “Si Alex ay naging at palaging magiging isa sa mga pinakamalaking biyaya sa akin bilang bishop. Isang malaking pribilehiyo ang makasama siya. Talagang naniniwala ako na walang binatang nagmisyon na mas naihanda ng paglilingkod niya sa priesthood.”9

Mahal kong mga bishop, kasama sa inyong ordenasyon at pagka-set apart bilang bishop ng inyong ward, ang sagradong tungkulin na maglingkod bilang pangulo ng Aaronic Priesthood at ng priests quorum. Alam kong mabigat ang pasaning dinadala ninyo, ngunit dapat ninyong unahin ang iyong tungkulin sa mga kabataang ito. Hindi ninyo ito maaaring kaligtaan o ipagawa sa iba ang responsibilidad ninyong ito.

Inaanyayahan ko kayong pakaisipin ang bawat isa sa mga batang Aaronic Priesthood holder sa inyong ward. Hindi dapat madama ng sinuman sa kanila na hindi siya kasali o walang silbi. Mayroon bang isang binatilyong maaaring tulungan ninyo at ng iba pang mga kapatid sa priesthood? Anyayahan siyang maglingkod na kasama ninyo. Kadalasan sinisikap nating aliwin ang ating mga kabataan at ginagawa silang tagamasid lang, samantalang ang kanilang pananampalataya at pagmamahal sa ebanghelyo ay maaaring mapalakas pa sa paggamit nila ng kanilang priesthood. Sa aktibong pakikibahagi sa gawain ng kaligtasan, sila ay magkakaroon ng koneksyon sa langit at malalaman nila ang kanilang banal na potensiyal.

Ang Aaronic Priesthood ay hindi lamang grupo ng magkakaedad, isang programa ng pagtuturo o aktibidad, o katagang tumutukoy sa mga kabataang lalaki ng Simbahan. Ito ay kapangyarihan at awtoridad na makibahagi sa dakilang gawain ng pagliligtas ng mga kaluluwa—kapwa ang kaluluwa ng mga kabataang maytaglay nito at ang kaluluwa ng mga taong pinaglilingkuran nila. Dapat nating ilagay ang Aaronic Priesthood sa dapat nitong kalagyan, isang piling kalagayan— isang kalagayan ng paglilingkod, paghahanda, at pagkakamit para sa lahat ng kabataang lalaki ng Simbahan.

Mahal kong mga kapatid sa Melchizedek Priesthood, inaanyayahan ko kayong palakasin ang napakahalagang ugnayan na dahilan ng pagkakaisa ng dalawang priesthood ng Diyos. Bigyan ng kapangyarihan ang inyong mga kabataan sa Aaronic Priesthood para maihanda ang daan para sa inyo. Sabihin sa kanila nang may kumpiyansa na, “Kailangan ko kayo.” Sa inyong mga batang maytaglay ng Aaronic Priesthood, dalangin ko na sa paglilingkod ninyo sa nakatatanda ninyong mga kapatid sa simbahan ay marinig ninyo ang tinig ng Panginoon na nagsasabi sa inyong: “Ikaw ay pinagpala, sapagkat ikaw ay gagawa ng mahahalagang bagay. Masdan ikaw ay isinugo, maging katulad ni Juan, upang ihanda ang daan sa pagparito ko.”10 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.