Pagdaig sa Sanlibutan
Ang pagdaig sa sanlibutan ay hindi nangyayari sa isang mahalagang sandali sa buhay, kundi sa maraming sandali na nagtatakda ng inyong walang hanggang tadhana.
Maraming taon na ang nakararaan, ikinuwento ni Pangulong David O. McKay ang magandang karanasan niya habang sakay ng isang yate patungong Samoa. Nang makatulog siya, “nakita [niya] sa pangitain ang isang bagay na ubod [ng] banal. Sa di kalayuan,” wika niya, “ay nakakita ako ng magandang puting lungsod. … Nagkalat doon ang mga punong-kahoy na may masasarap na bunga … at mga bulaklak na ubod [ng] gaganda. … [M]araming tao [ang] palapit sa lungsod. Bawat isa’y nadaramitan ng maluwag na puting bata. … Walang anu-ano’y natuon ang pansin ko sa kanilang lider, at bagama’t naaaninag ko lamang ang kanyang anyo … , nalaman ko agad na siya ang aking Tagapagligtas! Ang … liwanag ng kanyang anyo ay maluwalhating pagmasdan. … [A]ng kapayapaang nakapalibot sa kanya … ay banal!”
Sabi pa ni Pangulong McKay, “Ang lungsod ay sa kanya … ang Walang Hanggang Lungsod; at ang mga taong sumusunod sa kanya ay mamumuhay doon sa kapayapaan at walang hanggang kaligayahan.”
Naisip ni Pangulong McKay, “Sino sila? [Sino ang mga taong ito?]
Ipinaliwanag niya ang sumunod na nangyari:
“Tila nabasa ng Tagapagligtas ang nasa isip ko, sumagot siya at itinuro ang [mga salita sa] hating-bilog na lumitaw sa … uluhan [ng mga tao], … [na] nasusulat sa ginto … :
“‘Sila ang mga Taong [Dumaig sa Sanlibutan]—
“Na Tunay na Isinilang na Muli!’”1
Sa loob ng maraming taon, naalala ko ang mga salitang: “Sila ang mga taong [dumaig sa sanlibutan].”
Ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon sa mga taong dumaig sa sanlibutan ay kahanga-hanga. Sila ay “daramtang gayon ng mga mapuputing damit … at [malalagay ang] pangalan sa aklat ng buhay.” “Ipapahayag [ng Panginoon] ang [kanilang] pangalan sa harapan [ng] Ama, at sa harapan ng kaniyang mga anghel.”2 Bawat isa ay magkakaroon ng “bahagi sa unang pagkabuhay na mag-uli,”3 tatanggap ng buhay na walang hanggan,4 at “hindi na lalabas pa”5 mula sa kinaroroonan ng Diyos.
Posible bang madaig ang sanlibutan at matanggap ang mga pagpapalang ito? Oo naman.
Pagmamahal para sa Tagapagligtas
Yaong mga dumaig sa sanlibutan ay nagkakaroon ng lubos na pagmamahal sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.
Tiniyak ng Kanyang banal na pagsilang, Kanyang perpektong buhay, Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala sa Getsemani at sa Golgota ang Pagkabuhay na Mag-uli ng bawat isa sa atin. At sa taos-puso nating pagsisisi, Siya lamang ang may kakayahang linisin tayo mula sa ating mga kasalanan, para makabalik tayo sa kinaroroonan ng Diyos. “Tayo’y nagsisiibig, sapagka’t siya’y unang umibig sa atin.”6
Sinabi ni Jesus, “Laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.”7
Kalauna’y idinagdag Niya, “Aking kalooban na madaig ninyo ang sanlibutan.”8
Ang pagdaig sa sanlibutan ay hindi nangyayari sa isang mahalagang sandali sa buhay, kundi sa maraming sandali na nagtatakda ng inyong walang hanggang tadhana.
Maaari itong magsimula kapag natutong magdasal ang isang bata at mapitagang inaawit ang, “Sinisikap kong tularan si Jesus.”9 Nagpapatuloy ito kapag pinag-aralan ng isang tao ang buhay ng Tagapagligtas sa Bagong Tipan at pinagninilayan ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa Aklat ni Mormon.
Sa pagdarasal, pagsisisi, pagsunod sa Tagapagligtas, at pagtanggap ng Kanyang biyaya, mas nauunawaan natin kung bakit tayo narito at ano ang kahihinatnan natin.
Inilarawan ito ni Alma nang ganito: “[Isang] malaking pagbabago ang nangyari sa kanilang mga puso, at sila ay nagpakumbaba ng kanilang sarili at ibinigay ang kanilang pagtitiwala sa totoo at buhay na Diyos … [at nanatiling] matatapat hanggang wakas.”10
Alam ng mga dumadaig sa sanlibutan na mananagot sila sa kanilang Ama sa Langit. Ang taos-pusong pagbabago at pagsisisi sa mga kasalanan ay hindi na nakakapigil kundi nagpapalaya, dahil ang “mga kasalanan [na] mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe.”11
Pananagutan sa Diyos
Ang mga makamundo ay nahihirapang managot sa Diyos—gaya ng isang anak na nagpa-party sa bahay habang wala ang kanyang mga magulang, masaya sa pag-iingay, at ayaw isipin ang mangyayari kapag umuwi ang mga magulang pagkaraan ng 24 oras.
Ang mundo ay mas interesadong bigyang-kasiyahan ang likas na tao kaysa supilin ito.
Ang pagdaig sa sanlibutan ay hindi paglaban sa buong daigdig kundi isang pribado at personal na laban, na nangangailangan ng personal na pakikipaglaban sa tukso at sa ating sarili.
Ang pagdaig sa sanlibutan ay pagpapahalaga sa pinakadakilang utos: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo, at ng buong lakas mo.”12
Ganito ang paliwanag ng Kristiyanong manunulat na si C. S. Lewis: “Sinabi ni Cristo na ‘Ibigay ninyo sa akin ang Lahat. Hindi ko hinihingi ang lahat ng inyong panahon at pera at pagsisikap: Kayo ang gusto ko.’”13
Ang pagdaig sa sanlibutan ay pagtupad sa ating mga pangako sa Diyos—sa ating mga tipan sa binyag at sa templo at sa sumpa na magiging tapat tayo sa ating walang-hanggang kabiyak. Ang pagdaig sa sanlibutan ay inaakay tayong magpakumbaba sa hapag ng sakramento bawat linggo, humingi ng kapatawaran at mangakong “aalalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan” upang “sa tuwina ay mapasa[atin] ang kanyang Espiritu.”14
Ang pagmamahal natin para sa araw ng Sabbath ay hindi nagwawakas sa pagsasara ng mga pintuan ng chapel kundi nagbubukas ito ng mga pintuan para sa isang magandang araw ng pahinga mula sa araw-araw na gawain, pag-aaral, pagdarasal, at pagtulong sa pamilya at sa ibang nangangailangan ng ating pansin. Sa halip na huminga nang maluwag kapag tapos na ang pagsisimba at magmadaling manood sa telebisyon bago magsimula ang football game, ituon pa rin natin ang ating isipan sa Tagapagligtas at sa Kanyang banal na araw.
Ang mundo ay patuloy na iniimpluwensyahan ng napakarami at laganap na tinig na nang-uudyok at nang-aakit.15
Ang pagdaig sa sanlibutan ay pagtitiwala sa isang tinig na nagbibigay ng babala, kapanatagan, kalinawan, at naghahatid ng kapayapaan “hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan.”16
Pagiging Di-makasarili
Ang pagdaig sa sanlibutan ay pagtutuon sa iba sa halip na sa ating sarili, na inaalaala ang pangalawang utos17: “Ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo.”18 Ang kaligayahan ng ating asawa ay mas mahalaga kaysa ating sariling kasiyahan. Ang pagtulong sa ating mga anak na mahalin ang Diyos at sundin ang Kanyang mga kautusan ay pangunahing prayoridad natin. Kusa nating ibinabahagi ang ating mga materyal na biyaya sa pamamagitan ng ikapu, mga handog-ayuno, at pagbibigay sa mga nangangailangan. At kapag patuloy nating hinangad at sinunod ang patnubay ng langit, gagabayan tayo ng Panginoon sa mga maaari nating tulungan.
Ang makamundong tao ay iniisip lamang ang kanyang sarili, na sinasabi nang may pagmamalaki: “Iba ako sa kapitbahay ko! Tingnan mo ang narating ko! Tingnan mo kung gaano ako kaimportante!”
Ang sanlibutan ay madaling mainis, walang pakialam, at utos nang utos, at gusto ang paghanga ng madla, samantalang ang pagdaig sa sanlibutan ay naghihikayat ng pagpapakumbaba, pagdamay, pagtitiis, at pagkahabag para sa mga taong naiiba sa inyo.
Kaligtasan sa Pagsunod sa mga Propeta
Ang pagdaig sa sanlibutan ay laging mangangahulugan na magkakaroon tayo ng ilang paniniwala na nililibak ng mundo. Sinabi ng Tagapagligtas:
“Kung kayo’y kinapopootan ng sanglibutan, ay inyong talastas na ako muna ang kinapootan bago kayo.
“Kung kayo’y taga sanglibutan, ay iibigin ng sanglibutan ang kaniyang sarili.”19
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson kaninang umaga, “Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo ay handang mamukod-tangi, magsalita, at maging kaiba sa mga tao sa mundo.”20
Ang disipulo ni Cristo ay hindi nababahala kung hindi umabot sa 1,000 likes o kahit ilang emoji ang isang post niya tungkol sa kanyang pananampalataya.
Ang pagdaig sa sanlibutan ay di-gaanong pag-aalala sa pakikipag-ugnayan natin sa mga tao online kundi higit na pag-aalala sa pakikipag-ugnayan natin sa Diyos.
Inililigtas tayo ng Panginoon kapag pinakikinggan natin ang payo ng Kanyang mga buhay na propeta at apostol.
Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Ang mundo ay puno ng hamon. … [Kapag nagpupunta tayo sa templo], … mas makakaya nating tiisin ang bawat pagsubok at daigin ang bawat tukso. … Mapapanibago ang ating lakas at titibay [tayo].”21
Sa dumaraming mga tukso, panggagambala, at kasinungalingan, tinatangkang hikayatin ng mundo ang matatapat na balewalain ang magagandang espirituwal na karanasan ng kanilang nakaraan, at kinukumbinsi sila na kalokohan ang mga ito.
Ang pagdaig sa sanlibutan ay pag-alaala, kahit dismayado tayo, sa mga pagkakataon na nadama natin ang pag-ibig at liwanag ng Tagapagligtas. Ganito ipinaliwanag ni Elder Neal A. Maxwell ang isa sa mga karanasang ito: “Napagpala ako, at alam ko na alam ng Diyos na alam ko na napagpala ako.”22 Bagama’t maaaring kung minsan ay nadarama nating nalimutan tayo, hindi tayo nakakalimot.
Ang pagdaig sa sanlibutan ay hindi nangangahulugan na nabubuhay tayo nang patago, nang protektado mula sa kawalang-katarungan at hirap ng buhay sa mundo. Sa halip, nagbubukas ito ng mas malawak na pananaw tungkol sa pananampalataya, na naglalapit sa atin sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga pangako.
Bagama’t hindi lubos ang pagiging perpekto sa buhay na ito, ang pagdaig sa sanlibutan ay patuloy na pinagniningas ang ating pag-asa na balang-araw ay “tatayo [tayo] sa harapan [ng ating Manunubos]; [at] makikita [natin] ang kanyang mukha nang may katuwaan,“23 at maririnig ang Kanyang tinig: “Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo.”24
Ang Halimbawa ni Elder Bruce D. Porter
Noong Disyembre 28 nitong nakaraang taon, pumanaw ang kaibigan at minamahal nating General Authority na si Elder Bruce D. Porter. Siya ay 64 na taong gulang.
Una kong nakilala si Bruce noong estudyante kami sa Brigham Young University. Isa siya sa pinakamagagaling at pinakamatatalino. Matapos matanggap ang kanyang doctoral degree mula sa Harvard University, na ang pokus ng pag-aaral ay tungkol sa pulitika at kasaysayan ng mga taga Russia, ang katalinuhan at husay sa pagsulat ni Bruce ay naghatid ng katanyagan sa kanya na maaari sanang maglihis sa kanya, ngunit hindi nakahadlang ang yaman at papuri ng mundo sa kanyang pananaw.25 Ang kanyang katapatan ay nasa kanyang Tagapagligtas na si Jesucristo; sa kanyang walang-hanggang kabiyak na si Susan; sa kanyang mga anak at mga apo.
Si Bruce ay ipinanganak na may sakit sa bato o kidney. Naoperahan siya, ngunit sa paglipas ng panahon ay patuloy na lumala ang kanyang sakit.
Di-nagtagal matapos matawag si Bruce bilang General Authority noong 1995, naglingkod kami na kasama ang aming mga pamilya sa Frankfurt, Germany, kung saan nakasentro ang kanyang gawain sa Russia at Eastern Europe.
Lubos na nagbago ang buhay ni Elder Porter noong 1997 nang lumala ang sakit niya sa bato at bumagsak ang kanyang kalusugan. Bumalik ang pamilya Porter sa Salt Lake City.
Sa halos 22 taon ng kanyang paglilingkod bilang miyembro ng Pitumpu, ilang beses naospital si Bruce, kasama na ang 10 operasyon. Sinabi ng mga doktor kay Susan sa dalawang okasyon na hindi aabutin ng magdamag ang buhay ni Bruce, ngunit nabuhay siya.
Sa loob ng mahigit 12 taon ng kanyang paglilingkod bilang General Authority, si Bruce ay nagda-dialysis para linisin ang kanyang dugo. Karaniwan, bawat dialysis ay inaabot noon nang limang gabi sa isang linggo sa loob ng apat na oras para makapaglingkod siya sa kanyang tungkulin sa maghapon at tumanggap ng mga conference assignment sa katapusan ng linggo. Nang hindi gumanda ang kanyang kalusugan matapos ang ilang pagbabasbas ng priesthood, nagtaka si Bruce, ngunit alam niya kung kanino siya nagtitiwala.26
Noong 2010, tumanggap ng isang bato si Bruce mula sa kanyang anak na si David. Sa pagkakataong ito ay tinanggap ng kanyang katawan ang transplant. Himala iyon, na naghatid ng panibagong kalusugan, at kalaunan ay nakabalik siya sa Russia, kasama si Susan para maglingkod sa Area Presidency.
Disyembre 26 noong isang taon, matapos ang patuloy na paglaban sa mga impeksyon sa isang ospital sa Salt Lake City, hiniling niya sa mga doktor na lumabas ang mga ito ng silid. Sinabi ni Bruce kay Susan “na nalaman niya sa pamamagitan ng Espiritu na wala nang magagawa ang mga doktor para iligtas ang buhay niya. Alam niya … na iuuwi na siya ng Ama sa Langit. Napuspos siya ng kapayapaan.”27
Noong Disyembre 28, umuwi si Bruce sa tahanan ng kanyang pamilya. Pagkaraan ng ilang oras, habang nakapaligid ang kanyang mga mahal sa buhay, payapa siyang nagbalik sa kanyang tahanan sa langit.
Ilang taon na ang nakararaan, isinulat ni Bruce Porter ang mga salitang ito sa kanyang mga anak:
“Ang patotoo ko tungkol sa katotohanan at pag-ibig ni Jesucristo ang naging gabay ko sa buhay. … Ito [ay] isang dalisay at nag-aalab na patotoo ng Espiritu na Siya ay buhay, na Siya ang aking Manunubos at Kaibigan sa bawat oras ng pangangailangan.”28
“Ang hamon sa atin … ay kilalanin [ang Tagapagligtas] … at, sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya, daigin ang mga pagsubok at tukso sa mundong ito.”29
“Maging tapat tayo at totoo, na nagtitiwala sa Kanya.”30
Nadaig ni Bruce Douglas Porter ang sanlibutan.
Nawa’y lalo pang magsumigasig ang bawat isa sa atin sa ating mga pagsisikap na daigin ang sanlibutan, nang hindi pinangangatwiranan ang mabibigat na kasalanan subalit nagpapaumanhin sa kaunting pagkakamali, sabik na pinabibilis ang espirituwal na pag-unlad at bukas-palad na tinutulungan ang iba. Kapag mas lubos kayong nagtitiwala sa Tagapagligtas, nangangako ako na mabibiyayaan kayo ng higit na kapayapaan sa buhay na ito at higit na katiyakan sa inyong walang-hanggang tadhana, sa pangalan ni Jesucristo, amen.