Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 1: Jesucristo: ‘Ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay’


Kabanata 1

Jesucristo: “Ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay”

Kung hahanapin ang tunay na layunin ng buhay, ang tao ay kailangang mabuhay para sa isang bagay na mas mataas kaysa sa sarili. Diringgin niya ang tinig ng Tagapagligtas na nagsasabing, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. … ” (Juan 14:6).1

Panimula

Noong ika-4 ng Disyembre 1920, sinimulan ni Elder David O. McKay at ng kasama niya sa paglalakbay na si Hugh J. Cannon, na stake president at patnugot ng magasin ng Simbahan na Improvement Era, ang atas mula sa Unang Panguluhan na dalawin at palakasin ang mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo. Tumagal ng isang taon ang kanilang paglalakbay na tinatayang mga 60, 000 milya, at mahigit sa kalahati ng layong iyon ang nalakbay sa tubig. Noong gabi ng ika-10 ng Mayo, 1921, habang naglalayag sila papunta sa tinatawag ngayong Western Samoa, ay ganito ang naging karanasan ni Elder McKay:

“Nang pagabi na, ang aninag ng magandang papalubog na araw ay lubhang kahanga-hanga! … Ginugunita ko pa rin ang magandang tanawing ito, habang nakahiga ako sa aking [kama] dakong alas diyes nang gabing iyon. … Nakatulog ako at nakita ko sa pangitain ang isang bagay na ubod nang banal. Sa di kalayuan ay nakakita ako ng magandang puting lungsod. Bagama’t malayo, tila batid ko na nagkalat doon ang mga punong-kahoy na may masasarap na bunga, mga palumpong na kulay berde ang mga dahon, at mga bulaklak na ubod nang gaganda. Tila naaaninag sa maaliwalas na kalangitan ang magagandang kulay na ito. Pagkatapos ay nakakita ako ng maraming tao na palapit sa lungsod. Bawat isa’y nadaramitan ng maluwag na puting bata at puting dekorasyon sa ulo. Walang anu-ano’y natuon ang pansin ko sa kanilang lider, at bagama’t naaaninag ko lamang ang kanyang anyo at pangangatawan, nalaman ko agad na siya ang aking Tagapagligtas! Ang kulay at liwanag ng kanyang anyo ay maluwalhating pagmasdan. Tila sukdulan ang kapayapaang nakapalibot sa kanya—iyon ay banal!

“Sa pagkaunawa ko, ang lungsod ay sa kanya. Iyon ang Walang Hanggang Lungsod; at ang mga taong sumusunod sa kanya ay mamumuhay doon sa kapayapaan at walang hanggang kaligayahan.

“Ngunit sino sila?

“Tila nabasa ng Tagapagligtas ang nasa isip ko, sumagot siya at itinuro ang hating-bilog na lumitaw sa kanilang uluhan, at doon ay nasusulat sa ginto ang mga salitang:

“Sila ang mga Taong Gumapi sa Daigdig—

Na Tunay na Isinilang na Muli!”2

Sa kanyang unang mensahe sa pangkalahatang kumperensya bilang Pangulo ng Simbahan, muling pinagtibay ni Pangulong McKay ang kanyang patotoo sa Tagapagligtas at sa mga biyayang dumarating sa mga sumusunod sa Kanya:

“Walang sinumang makapamumuno sa Simbahang ito nang hindi muna naaayon sa pinuno ng Simbahan, ang ating Panginoon at Tagapagligtas, na si Jesucristo. Siya ang ating pinuno. Sa kanya ang Simbahang ito. Kung wala ang kanyang banal na patnubay at inspirasyon sa tuwina, hindi tayo magtatagumpay. Sa pamamagitan ng kanyang patnubay, sa pamamagitan ng kanyang inspirasyon, hindi tayo mabibigo. …

“… Alam kong siya ay buhay, na handa niyang patnubayan at pamunuan ang lahat ng maglilingkod sa kanya.”3

Mga Turo ni David O. McKay

Si Cristo ang Liwanag ng sangkatauhan.

Si Cristo ang liwanag ng sangkatauhan. Sa liwanag na iyon ay makikitang mabuti ng tao ang kanyang daraanan; kapag tinanggihan ito, ang kaluluwa ng tao ay mangangapa sa dilim. Walang tao, walang grupo, walang bansa na magkakamit ng tunay na tagumpay kung hindi susunod sa kanya na nagsabing:

“Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.” ( Juan 8:12.)

Nakalulungkot kapag pinapatay ng mga tao at mga bansa ang liwanag na iyon—kapag si Cristo at ang kanyang ebanghelyo ay hinahalinhan ng marahas na puwersa at ng lakas ng tabak. Ang pangunahing trahedya sa mundo sa kasalukuyan ay ang kawalan ng paniniwala nito sa kabutihan ng Diyos at kakulangan nito ng pananampalataya sa mga turo at doktrina ng ebanghelyo.4

Naniniwala Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na inihayag ni Jesucristo sa kanyang buhay at mga turo ang pamantayan ng sariling pamumuhay at pakikipagkapwa. Kung ito’y lubusang susundin sa buhay ng tao at sa mga institusyon ng sangkatauhan, hindi lamang mababawasan ang problema ng lipunan sa ngayon, kundi magdudulot din ito ng kaligayahan at kapayapaan sa sangkatauhan.

Kung sakali mang … ang tinatawag na mga bansang Kristiyano ay mabigo sa pagkakamit ng gayong mithiin, masasabi natin na ang lahat ng kabiguang iyon ay dahil sa katotohanan na hindi nila naisagawa ang mga alituntunin at turo ng tunay na Kristiyanismo. …

… Ang buong sangkatauhan ay nagdusa sa di-mapigilang pagpapahiwatig at pagpapamalas ng kasakiman, poot, inggit, katakawan— mala-hayop na simbuyo ng damdamin na humantong sa digmaan, pagkawasak, salot, at kamatayan. Kung nasunod man lang sana kahit ang pinakasimpleng alituntunin ng mga turo ng Tagapagligtas, disin sana ay nabago ang kasaysayan.5

Kapag dumaloy sa puso ng mga Kristiyano sa buong daigdig ang pananampalatayang ito [kay Cristo], kapag nadama nila sa kanilang puso ang katapatan sa nabuhay na mag-uling Cristo, at sa mga alituntuning kaakibat nito, ay magagawa ng tao ang unang hakbang tungo sa tuluy-tuloy na kapayapaan na arawaraw nating ipinagdarasal: Tanggihan ninyo Siya at ang mundo ay mapupuno ng poot, at dadanak ang dugo sa paulit-ulit na mga digmaan.6

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang tunawan na lumulusaw sa poot, inggit, at katakawan samantalang ang mabuting hangarin, kabaitan, at pagmamahal ang nananatiling mithiin ng kalooban at sa pamamagitan nito ang tao ay tunay na nabubuhay at umuunlad.

Hayaang ituon ng bawat lalaki at babae ang kanilang mga mata sa kanya na habampanahong nagniningning bilang Liwanag sa buong daigdig—dahil si Cristo ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay, ang tanging ligtas na Giya tungo sa kanlungang iyon ng kapayapaan na taimtim na ipinagdarasal ng mga tao sa buong mundo.7

Itinuro at ipinakita ni Cristo sa ating kapwa-tao ang daan tungo sa huwarang pamumuhay.

“Paano natin malalaman ang daan?” tanong ni Tomas, habang nakaupo siyang kasama ng kapwa niya mga apostol at ng kanilang Panginoon sa mesa matapos ang hapunan sa di-malilimutang gabi ng pagtataksil; at ang banal na sagot ni Cristo ay: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. … ” ( Juan 14:5–6.) At siya gnga iyon! Siya ang pinagmumulan ng ating kapanatagan, ang inspirasyon natin sa buhay, ang may-akda ng ating kaligtasan. Kung gusto nating malaman ang ating kaugnayan sa Diyos, kay Jesucristo tayo lalapit. Kung gusto nating malaman kung totoong walang-kamatayan ang kaluluwa, ipinakita ito sa atin ng pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas.

Kung nais nating malaman ang huwarang pamumuhay na aakay sa ating kapwa-tao, makikita natin ang perpektong halimbawa sa buhay ni Jesus. Anuman ang ating mararangal na hangarin, ang matataas nating pangarap, ang ating mga mithiin sa alinmang yugto ng buhay, makatitingin tayo kay Cristo at makikita nating Siya’y perpekto. Kung kaya sa paghahanap ng pamantayan ng kagandahang-asal ng tao, ang kailangan lang nating gawin ay lumapit sa Lalaking taga-Nazaret at makikita nating taglay niyang lahat ang mga katangiang kailangan para maging perpekto ang tao.

Ang mabubuting katangian na pinagsama-sama para mabuo ang perpektong pagkataong ito ay ang pagiging makatotohanan, makatarungan, marunong, mabait, at mapagpigil sa sarili. Bawat kaisipan, salita at gawa Niya ay naaayon sa banal na batas at, dahil dito, ay totoo. Ang daluyan ng komunikasyon sa pagitan niya at ng Ama ay palaging nakabukas, kung kaya ang katotohanan, na nakabatay sa paghahayag, ay batid niya lagi.8

Tanggap ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na talagang totoo ang mga salita ni Jesus: “Ako’y naparito upang sila’y magkaroon ng buhay, at magkaroon ng kasaganaan nito.” ( Juan 10:10.) Gayunman, naniniwala tayo na ang saganang buhay na ito ay hindi lamang nakakamtan sa espirituwal na kadakilaan, kundi sa araw-araw na pagsasagawa ng mga alituntuning itinuro ni Jesus.

Ang mga alituntuning ito ay iilan lamang at simple, at kung nanaisin ay kaya itong gawin ng bawat normal na tao. Ang una sa mga ito, at dito nakasalalay ang tunay na lipunang Kristiyano, ay: “At iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo, at ng buong lakas mo. … ” (Marcos 12:30.) Ang pananalig sa Kataastaasang Nilikha na nabubuhay at nagmamahal sa kanyang mga anak—ay pananalig na nagbibigay kapangyarihan at lakas sa kaluluwa. Ang katiyakan na malalapitan Siya at mahihingan ng patnubay, at magpapakita Siya sa mga naghahanap sa Kanya.

Ang isa pa ay ang pagtanggap sa katotohanan na ang buhay ay kaloob ng Diyos at dahil dito, ito’y banal. Ang wastong paggamit ng kaloob na ito ang nagtutulak sa tao na maging amo, hindi alipin, ng kalikasan. Ang kanyang gana o hilig ay dapat kontrolin at gamitin para sa ikabubuti ng kanyang kalusugan at pagpapahaba ng buhay. Ang simbuyo ng kanyang damdamin ay kailangang masupil at makontrol para lumigaya at mabiyayaan ang iba at maipagpatuloy ang lahi ng tao.

Ang pangatlong alituntunin ay personal na integridad. Ang ibig kong sabihin dito ay ang simpleng katapatan sa araw-araw, kahinahunan, at paggalang sa karapatan ng iba, na makakukuha ng pagtitiwala ng iyong kapwa-tao. Ang pagkilalang ito ay angkop sa mga bansa gayundin sa mga indibiduwal. Kung paanong mali para sa isang bansa, na dahil sa kapangyarihan nito ay pagnanakawan at pahihirapan ang iba, gayundin naman na mali para sa isang tao ang pagnakawan at patayin ang kanyang kapitbahay.

Ang pang-apat na mahalaga ay ang pagmamalasakit sa sangkatauhan na nagpapamulat sa bawat tao sa katotohanan na tungkulin niya ang gawing mas mainam ang daigdig dahil sa siya’y nasa daigdig.9

Ang buhay ng Tagapagligtas ay pinatnubayan ng … Kadalisayan at Paglilingkod ng Bawat Tao. Nanatili Siyang walang- bahid-dungis, at inilaan ang kanyang buhay sa pagsasaalangalang sa iba, sa kaligtasan ng sangkatauhan. Palagi Niyang pinangangalagaan ang naaapi, inaalo ang maysakit, pinagagaling ang lumpo at may kapansanan, inaalay ang kanyang buhay para sa daigdig.10

Kailangan ng malaking pagbabago sa pakikitungo ng mga tao sa isa’t isa. Hindi pa kailanman nangyayari sa kasaysayan ng daigdig na higit na kinailangan ang pagbabago para sa lalong ikabubuti. At yamang ang pagtanggi sa mga turo ni Cristo ay nagdulot ng paulit-ulit na kapahamakan, na may pansamantalang ginhawa at kapayapaan at pag-unlad, bakit hindi gugustuhin ng taong matwid na palitan ng alituntunin ni Cristo ang labis na pagpapahalaga sa sarili. Magkaroon ng malasakit sa kapatid, ng patas na pakikitungo, ng pagpapahalaga at kasagraduhan ng buhay ng tao, ng kagalingan ng pagpapatawad, ng pagsumpa sa kasalanang pagpapaimbabaw at pag-iimbot, ng nagliligtas na kapangyarihan ng pag-ibig.11

Tungkulin ng mga miyembro ng Simbahan ni Cristo na gawing huwaran ang walang bahid-kasalanang Anak ng Tao. Siya ang nag-iisang Perpektong Nilalang na nabuhay sa lupa; ang pinadakilang halimbawa ng kadakilaan; likas na maka-Diyos; perpekto sa kanyang pagmamahal; ating Manunubos; ating Tagapagligtas; ang sakdal-linis na Anak ng ating Amang Walang Hanggan; ang Liwanag, ang Buhay, ang Daan.12

Tinatanggap ko si Jesucristo bilang ganap na halimbawa ng pagiging perpekto ng tao.13

Ang mga turo ni Cristo ay angkop sa pang-araw-araw na buhay.

Naniniwala ako sa bawat salitang binigkas ni Jesus, at para sa akin ang turo ay akma sa aking buhay at sa inyo. Laging isipin ang katotohanan na tayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit, na kapag inuuna nating hanapin ang kaharian ng Diyos, nagkakaroon tayo ng bagong layunin sa buhay. … Tanging sa lubusang pagsuko ng ating buhay madadaig natin ang makasarili at nakapandidiring hatak ng kalikasan. …

Sa loob ng halos dalawang libong taon, itinuring ng mga tao na hindi praktikal ang [mga turo ni Cristo]—napakaganda raw nito sabi nila, ngunit kung taos ang paniniwala natin sa kabanalan ni Cristo, na siya “ang daan, ang katotohanan, at ang buhay” (tingnan sa Juan 14:6), hindi natin pag-aalinlanganan na angkop nga ang kanyang mga turo sa pang-araw-araw na buhay.

Totoong may mabibigat na problemang kailangang lutasin— mga kasamaan sa slum area, ang paulit-ulit na pagtatalo sa pagitan ng trabaho at pamumuhunan, paglalasing, prostitusyon, alitan sa buong mundo, at daan-daan pang mga problema sa kasalukuyan. Ngunit kung susundin, ang pagsamo ni Cristo ukol sa personal na integridad, dangal, patas na pakikitungo, at pag-ibig ang siyang angkop na solusyon sa lahat ng kahirapang ito sa lipunan at kabuhayan.

Tiyak na bago pa makamit ng daigdig ang mga mithiing ito, kailangang magbago ang puso ng mga tao. Naparito sa mundo si Cristo para sa layuning iyon mismo. Ang pangunahing dahilan ng pangangaral ng ebanghelyo ay baguhin ang puso at buhay ng mga tao. … Ang mga napabalik-loob … ay maaaring magpatotoo kung paano napagbago ng pagbabalik-loob ang kanilang buhay. … Sa pamamagitan ng gayong pagbabalik-loob ay nagdudulot sila ng kapayapaan at kabutihan sa daigdig sa halip na alitan [at] pagdurusa.14

Bilang unang hakbang, … tiyaking gawin ang simpleng utos na ilagay ang sarili sa katayuan ng iba, ang pinakasiguradong paraan ng pag-aalis ng pait na makikita sa di-pagkakaunawaan.

Hindi tapatang masasabi ng taong nag-iisip na ang aplikasyon ng simpleng hakbang na ito, kung gagawin ng bawat tao at mga bansa, ay hindi makalilikha ng mas mabuting daigdig!

Gayundin ang bisa at kaangkupan ng Kanyang mga turo hinggil sa pagpapahalaga at kabanalan ng buhay ng tao. Itinuro din Niya na kailangang magpatawad at makitungo nang patas. Isinusumpa Niya ang kasalanan ng pagpapaimbabaw, at ng pagkainggit. Itinuro din Niya ang nakapagliligtas na kapangyarihan ng pag-ibig, at ng kawalang-kamatayan ng kaluluwa.15

Ang pagsunod sa mga turo ni Cristo ang magdadala sa atin sa tunay na kadakilaan at kaligayahan.

Walang taong taimtim na susunod sa araw-araw sa mga turo ni Jesus ng Nazaret ang hindi makadarama ng pagbabago sa kanyang pagkatao. Ang katagang “isinilang muli” ay may mas malalim na kahulugan kaysa inaakala ng mga tao. Ang pagbabagong ito’y maaaring hindi mailarawan, ngunit ito’y tunay.

Maligaya ang taong tunay na nadama ang nagbibigay-sigla at nagpapabagong kapangyarihan na bunga ng pagiging malapit sa Tagapagligtas, ng kaugnayang ito sa buhay na Cristo. Salamat at alam kong si Cristo ang aking Manunubos.16

Ang pinakamatayog sa lahat ng mga mithiin ay ang mga turo, lalo na ang buhay ni Jesus ng Nazaret, at tunay na pinakadakila ang tao na halos tulad na ni Cristo.

Ang taimtim na paniniwala ng puso ninyo tungkol kay Cristo ang magsasabi sa tunay ninyong pagkatao at kung ano ang gagawin ninyong hakbang. Walang taong nag-aaral sa banal na personalidad na ito ang makatatanggap sa kanyang mga turo nang hindi madarama ang nagbibigay-sigla at nakadadalisay na impluwensya nito sa kanyang sarili.17

Dahil ginawa natin siyang huwaran, uusbong sa ating sarili ang hangarin na maging tulad niya, na mapalapit sa kanya. Makikita natin ang buhay gaya ng nararapat at gaya ng maaaring mangyari.18

Wala siyang ipinangakong materyal na gantimpala, ngunit tunay na nangako siya ng perpekto at banal na pagkatao. … “Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.” [Tingnan sa Mateo 5:48.] At sa banal na pagkataong iyon nagmumula ang kaligayahan, ang tunay na kaligayahan.19

Ang ebanghelyo, ang masayang balita ng dakilang kagalakan, ang totoong gabay ng sangkatauhan; at pinakamaligaya at pinakapanatag ang lalaki o babae na sumusunod na mabuti sa mga turo nito. Kabaligtaran ito ng poot, pag-uusig, pagmamalupit, pangingibabaw, kawalang-katarungan—mga bagay na humihikayat ng kahirapan, kapahamakan, at kamatayan sa buong daigdig. Kung paanong papawiin ng araw sa bughaw na kalangitan ang taglamig na bumabalot sa nagpupumiglas na mundo, gayundin naman ang epektong dulot ng ebanghelyo ni Jesucristo sa nagdadalamhating mga kaluluwa na naghahangad ng mas mataas at mas mainam na buhay na di pa natatagpuan ng tao sa mundo.

Napakaluwalhati ng magiging kalagayan ng lumang daigdig na ito kapag buong katapatang masasabi nito kay Cristo, na Manunubos ng sangkatauhan, “Hinahanap ka ng lahat.” (Marcos 1:37.) Ang kasakiman, inggit, poot, pagsisinungaling, pagnanakaw, pandaraya, pagsuway, pag-aaway, at labanan sa pagitan ng mga bansa ay mapapawi sa oras na iyon!20

Ipinagdiriwang natin ang kanyang pagsilang na ang misyon sa lupa ay (1) lumuwalhati sa Diyos; (2) nangako ng kapayapaan sa mundo; (3) nagbigay-katiyakan sa lahat ng tao ng kabaitan ng Diyos sa kanila!

Kung bawat taong isisilang sa mundo ay matatanglawan sa buhay ng tatlong maluwalhating mithiing ito—magiging napakatamis at napakaligaya ng buhay! Sa gayong mithiin, hahangarin ng lahat ang dalisay, makatwiran, marangal, mabuti, at totoo—lahat ng hahantong sa pagiging perpekto. … Iiwasan niya ang bagay na marumi, kahiya-hiya, o masama. Kung hahangarin ng bawat tao na magpakita ng kabutihan sa kanyang kapwa at sisikaping ipakita ang hangaring iyon sa isang libong mabubuting salita at mumunting gawa na kakikitaan ng pagiging mapagbigay at pagsasakripisyo ng sarili, kaylaking kontribusyon ang magagawa ng bawat isa tungo sa kapayapaan ng buong mundo at kaligayahan ng sangkatauhan!21

Lalong magiging mas kaaya-aya ang mundong ito kung, halimbawa, sisikapin ng tao na isagawa ang payo ni Cristo: “[Kung ikaw ay] mayroong anomang laban sa [iyong kapatid], Makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid.” [Tingnan sa Mateo 5:23–24.] O kaya’y ang payo Niyang: “hanapin muna ninyo ang … kaharian [ng Diyos], at ang Kanyang katuwiran” [tingnan sa Mateo 6:33], na ang ibig lamang sabihin ay huwag masyadong mabahala sa makamundong mga bagay na mas pahahalagahan ang mga ito kaysa sa espirituwal na mithiin.22

Dama ko at alam ko na sa pamamagitan niya at tanging sa kanya, at sa pagsunod sa ebanghelyo ni Jesucristo, mahahanap natin ang kaligayahan at kaligtasan sa mundong ito at ang buhay na walang hanggan sa susunod na daigdig.23

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Anu-ano ang ilan sa mga pangunahing problema na kinakaharap ng sangkatauhan sa ngayon? Anu-anong partikular na alituntunin na itinuro ni Jesucristo ang makatutulong sa paglutas ng mga problemang ito? Paano makatutulong ang mga ito sa paglutas ng mga problema?

  • Bakit mahalaga ang pananampalataya kay Jesucristo sa pagpapabuti sa kalagayan ng mundo sa ngayon? Ano ang ibig sabihin sa inyo ng si Jesucristo “ang daan, ang katotohanan, at ang buhay”?

  • Anu-ano ang humahadlang sa mga tao ngayon sa pagsasagawa ng mga itinuro ng Tagapagligtas sa kanilang buhay? Sa paanong paraan natin maitataguyod bilang Simbahan at bilang indibiduwal ang Kanyang mga pamantayan sa daigdig?

  • Sinabi ni Jesucristo na naparito Siya sa mundo upang tayo’y “magkaroon ng buhay, at [tayo’y] magkaroon ng kasaganaan nito” (Juan 10:10; tingnan sa pahina 5). Sa paanong paraan kayo natulungan ng Tagapagligtas na magkaroon ng mas masaganang buhay?

  • Nagpatotoo si Pangulong McKay kay Jesucristo bilang “ganap na halimbawa ng pagiging perpekto ng tao” (pahina 7). Ano ang ilan sa mga katangian ni Jesucristo na dahilan kung bakit Siya ang halimbawa ng pagiging perpekto? (Tingnan sa mga pahina 6–7.) Sa paanong paraan natin makakayang kamtin ang mga katangiang ito sa ating buhay? Ano ang magagawa natin para gawing mas tulad ng kay Cristo ang buhay ng bawat isa sa atin?

  • Itinuro ni Pangulong McKay na ang mga nagsasagawa sa mga turo ng Tagapagligtas ay makadarama ng pagbabago sa kanilang sarili (tingnan sa pahina 8). Paano ninyo nakita na totoo ito sa inyong buhay o sa buhay ng iba? Ano ang kahulugan ng paggamit ni Pangulong McKay ng mga salitang “isinilang muli”? (Tingnan sa mga pahina 8–9.)

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Mateo 11:28–30; Juan 13:15–17; 3 Nephi 27:21–22, 27; D at T 84:49–54

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Okt. 1969, 8.

  2. Cherished Experiences from the Writings of President David O. McKay, tinipon, Clare Middlemiss, binagong edisyon (1976), 59–60; binago ang pagtatalata.

  3. Sa Conference Report, Abr. 1951, 157, 159.

  4. Treasures of Life, tinipon, Clare Middlemiss (1962), 203–4.

  5. “What Doth It Profit?” Improvement Era, Ene. 1970, 2.

  6. Sa Conference Report, Abr. 1944, 124–25.

  7. “Walk in the Light, ” Improvement Era, Abr. 1954, 222.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1968, 6–7.

  9. “What Doth It Profit?” Improvement Era, Ene. 1970, 3.

  10. Sa Conference Report, Abr. 1918, 81.

  11. “Walk in the Light, ” Improvement Era, Abr. 1954, 221–22.

  12. Treasures of Life, 210.

  13. Sa Conference Report, Okt. 1965, 144.

  14. Sa Conference Report, Okt. 1953, 10–11; binago ang pagtatalata.

  15. Sa Conference Report, Okt. 1942, 69–70.

  16. Sa Conference Report, Abr. 1944, 124.

  17. Sa Conference Report, Abr. 1951, 93.

  18. Sa Conference Report, Abr. 1951, 98.

  19. Sa Conference Report, Abr. 1953, 137–38.

  20. Sa Conference Report, Abr. 1968, 9.

  21. Gospel Ideals (1953), 36–37.

  22. Sa Conference Report, Abr. 1944, 124.

  23. Sa Conference Report, Okt. 1953, 9.

Christ

“Hayaang ituon ng bawat lalaki at babae ang kanilang mga mata sa kanya na habampanahong nagniningning bilang Liwanag sa buong daigdig— dahil si Cristo ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay.”