Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 19: Ang Likas na Kabanalan ng Paglilingkod


Kabanata 19

Ang Likas na Kabanalan ng Paglilingkod

Ang pinakamarangal na layunin sa buhay ay ang magpursiging mabuhay para higit na mapabuti at mapaligaya ang iba.1

Panimula

Madalas ituro ni Pangulong David O. McKay na naghahatid ng tunay na kaligayahan ang paglilingkod sa iba at ginagabayan at pinagpapala ng Panginoon ang mga naglilingkod. Isang halimbawa nito ang naganap noong 1921, nang minsa’y ginabayan ng Panginoon sa pagtupad ng tungkuling bigay ng Unang Panguluhan sa mga tagapaglingkod Niyang sina Elder David O. McKay at Brother Hugh J. Cannon na bisitahin ang mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo. Bahagi ng ipinagagawa sa kanila ay bisitahin ang mga miyembro ng Simbahan sa Armenia. Dahil sa epekto ng Unang Digmaang Pandaigdig at mahirap na kalagayan sa rehiyon, kakatiting ang balita tungkol sa kalagayan ng mga miyembro ng Simbahan doon. Itinala ni Elder McKay:

“Noong Marso 1921, nalaman namin na sa isang espesyal na araw ng ayuno, ilang libong dolyar ang iniambag para makaraos sa hirap ang mga dukha sa Europa at mga nagdurusang tagaArmenia sa Asya. Nalaman din namin na naisip ng Unang Panguluhan na magpadala ng espesyal na mensahero sa Syria upang personal na tumulong sa mga Banal sa Armenia.”

Dahil hindi nakatakdang bumisita sina Elder McKay at Brother Cannon sa mga miyembro ng Simbahan sa Armenia hanggang sa bandang huli ng biyahe nila, patuloy silang naglakbay, at binisita ang Australia, New Zealand, at maraming pulo. Ilang buwan silang walang balita tungkol sa kalagayan sa Armenia o kung may naghatid na ng tulong. Sa wakas, noong ika-2 ng Nobyembre 1921, habang nasa Jerusalem, nabalitaan nila na isang lalaking nagngangalang J. Wilford Booth ang ipinadala ng headquarters ng Simbahan upang salubungin sila. Gayunman, walang nakaaalam ng iskedyul o kinaroroonan nito. Noong araw na iyon, itinala ni Elder McKay sa talaarawan niya, “Hindi namin alam kung nasaan siya, pero lilisanin namin ang Jerusalem patungong Haifa, papuntang Aleppo [Syria], bukas ng umaga. Ipinasiya naming libutin ang Samaria sakay ng kotse, at bisitahin ang mga lugar sa Biblia.” Bago lumisan, umakyat ng Bundok ng Olibo sina Elder McKay at Brother Cannon, pumili ng tagong lugar, at nanalangin sa Panginoon na gabayan sila sa kanilang biyahe.

Matapos manalangin, nagunita ni Elder McKay, “Pagbalik sa otel, malakas ang pakiramdaman kong mag-tren sa halip na magkotse patungong Haifa.” Sumang-ayon si Brother Cannon, at tumuloy sila sa Haifa, sa pag-asang matagpuan doon si Elder Booth. Itinala ni Elder McKay: “Pinakahangad naming makilala si Elder Booth habang papatapos na ang misyong ito. Talagang mawawalan ng kabuluhan ang biyahe namin sa Syria kung hindi namin siya makikita. Hindi kami magkakilala. Wala kaming kakilala. … May ilan kaming mga pangalan at address; pero hindi namin mabasa ang mga ito, dahil nakasulat ito sa wikang Turkish.”

Pagdating nina Elder McKay at Brother Cannon sa istasyon ng tren, nahuli sila sa pag-alis sa istasyon nang tangkain nilang magtanong kung saan may maayos na otel. Matapos maantala, lumapit si Elder McKay sa pintuan ng istasyon tulad ng ginagawa ng iba pang biyahero. Tinapik siya ng lalaki sa balikat at sinabi, “Ikaw ba si Brother McKay?”

Itinala ni Elder McKay ang mga resulta ng pagkikita nang ganito: “Nabigla sa gayong tawag sa isang di kilalang bayan, bumaling ako, at nakilala si Elder Wilford Booth, isang lalaking bukod-tangi sa lahat na gustung-gusto naming makita. Nakita rin namin siya sa pinakamagandang oras at lugar. … Hindi mangyayari ito kung nagplano kami nang ilang linggo! Habang ginugunita namin sa isa’t isa ang mga karanasan namin, wala kaming duda na nagkita kami dahil sa banal na tulong. … Tunay, kung hindi kami nagkita sa Haifa, ayon sa karunungan ng tao ay nawalan sana ng saysay ang biyahe namin sa Armenian Mission. Dahil doon, bukod pa sa maraming tungkulin at karanasan, binuo namin ang Armenian Mission.”2

Mga Turo ni David O. McKay

Kalooban ng Panginoon na paglingkuran natin ang isa’t isa.

Kalooban ng Diyos na paglingkuran [ninyo] ang inyong kapwa, paginhawahin sila, at pagandahin ang mundo dahil namumuhay kayo rito. Ibinigay ni Cristo ang lahat-lahat para ituro sa atin ang prinsipyong iyon. At sinabi niya: “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.” (Mat. 25:40.) Ito ang mensaheng bigay ng Diyos sa atin. Ang Simbahang ito ay Simbahan ng Diyos, na perpekto ang pagkakagawa upang bawat lalaki at babae, bawat bata, ay magkaroon ng pagkakataong gumawa ng mabuti para sa iba. Obligasyon ng ating mga miyembro ng priesthood, responsibilidad ng mga organisasyon sa auxiliary at ng bawat miyembro na maglingkod at gawin ang kalooban ng Diyos. Sa gayon, kung higit natin itong gagawin, mas makukumbinsi pa tayo na ito ang gawain ng Diyos, dahil sinusubukan natin ito. At, sa paggawa ng kalooban ng Diyos, nakikilala natin siya at napapalapit tayo sa kanya at nadaramang ang buhay na walang hanggang iyon ay atin. Gugustuhin nating mahalin ang sangkatauhan saanman, at makahihiyaw tayong kasabay ng mga sinaunang apostol, “Nalalaman nating tayo’y nangalipat na sa buhay mula sa kamatayan, sapagka’t tayo’y nagsisiibig sa mga kapatid.” (I Juan 3:14.)3

May nagsabi na “ang lahi ng sangkatauhan ay mapapahamak kung titigil sila sa pagtutulungan.” Isang lalaking pinagkunan ko ng sipi ang nagsabing “mula sa pagbabalot ng ina sa ulo ng bata hanggang sa taong tumulong na punasan ang pawis sa noo ng naghihingalo, hindi tayo mabubuhay nang walang pagtutulungan.” … Ang Simbahan, pati na lahat ng korum at organisasyon nito, ay plano ng Diyos para makapagtulungan.4

May naiisip akong ilan … na nais kong pasalamatan. … Sila ang kalalakihan at kababaihan sa buong Simbahan na nag-ukol ng kanilang oras at kabuhayan para maisulong ang katotohanan—hindi lang sa pagtuturo, kundi sa tunay na paglilingkod sa maraming paraan. Ilan sa kanila ay nagpupunyaging kumita. Ang ilan ay mayayaman na nagretiro na at nagbibilang ng milyunmilyon nilang kayamanan. … Pagpalain ng Diyos ang mga naglilingkod nang gayon, at pagpalain kayong lahat, dahil sa palagay ko’y masasabi ko para sa Simbahan, “Sinisikap naming maging isa, Ama, tulad ng Kayo ng Inyong Anak ay iisa.”5

Handa ba kayong maglingkod? May pangitain ba kayong tulad ni Haring Benjamin na nagwikang, “… kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos”? (Mosias 2:17.) Ang pagiging tunay na Kristiyano ay pag-ibig na kumikilos. Wala nang ibang mas mabuting paraan para ipamalas ang pag-ibig sa Diyos kaysa sa pagpapakita ng di-sakim na pagmamahal sa kapwa-tao. …

… Sa pananampalataya, sa kabaitan, puspusin ang inyong puso ng hangaring maglingkod sa buong sangkatauhan. Ang diwa ng ebanghelyo ay dumarating sa paglilingkod sa kabutihan ng iba.6

Ang paglilingkod ay naghahatid ng kaligayahan sa nagbibigay at sa tumatanggap.

Talaga namang kaligayahan ang mithiin natin sa buhay. Dumarating ang kaligayahang iyan sa paglilingkod sa ating kapwa.7

Lahat ng tao ay gustong lumigaya. Marami ring tapat na nagpupunyaging gawin ang pinakamabuti nila. Gayunma’y nakakagulat na iilan ang nakaaalam na ang tiyak na gabay para magtagumpay ay matatagpuan sa sumusunod na deklarasyon ni Jesus ng Nasaret: “Ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpung niyaon.” [Mateo 16:25.] Ang mahalagang talatang ito ay naglalaman ng sekretong mas karapat-dapat angkinin kaysa katanyagan o kapangyarihan, isang bagay na mas mahalaga kaysa lahat ng kayamanan ng mundo.

Ito’y isang prinsipyo na kung ipamumuhay ay may pangakong papalitan ng pag-asa at kagalakan ang panghihina ng loob at kalungkutan; pupuspusin ang buhay ng walang-hanggang kapanatagan at kapayapaan. Dahil totoo ito malaking pakinabang ngayon kung tatanggapin ito ng mundong lito at puno ng kapighatian. Kung gayon bakit binabalewala ng mga tao at bansa ang isang bagay na napakahalaga?

Napakahirap bang unawain ang katotohanan sa kakatwang pahayag na, ang mawalan ng buhay ay makasusumpong niyaon, na hindi ito maintindihan ng tao? O salungat ito sa pagpupunyaging mabuhay kaya akala ng tao ay hindi ito mangyayari?

Magkagayunman, totoo pa rin na Siya na “Ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay” [tingnan sa Juan 14:6] ay nagtakda ng isang di-nababagong batas. …

Malinaw sa batas na ito na, “Kumpleto ang buhay natin kapag nagpupunyagi tayong mas pagandahin at pasayahin ang mundo.” Ang batas ng purong kalikasan, matira ang matibay, ay pagliligtas sa sarili kaysa iba; ngunit taliwas sa batas na ito ang tunay na espirituwal na buhay ay, paglimot sa sarili para sa kapakanan ng iba. …

Sa layuning ito, [libu-libong] kalalakihan at kababaihan, na kusang naglilingkod nang walang bayad, ang nagtuturo at gumagabay linggu-linggo sa [libu-libong] mga bata at kabataan sa paghubog ng pagkatao at espirituwal na pag-unlad. Dagdag pa sa grupong ito ng mga opisyal at guro, … mga lalaking naorden sa priesthood ang tumanggap ng obligasyon na maglaan ng oras at talino hanggang kaya sa pagbabahagi ng ligaya, galak, at kapayapaan sa kanilang kapwa.8

Higit na espirituwalidad ang nahahayag sa pagbibigay kaysa pagtanggap. Ang pinakadakilang espirituwal na pagpapala ay nagmumula sa pagtulong sa iba. Kung gusto mong maging miserable, magtanim ka ng galit sa kapwa, at kung gusto mong magalit, saktan mo lang ang kapwa mo. Pero kung gusto mong lumigaya, maglingkod ka, pasayahin mo ang ibang tao.9

Magkaisa ang matatapat na lalaki at babae sa buong mundo sa taimtim na pagsisikap na palitan ang damdaming makasarili, galit, poot, sakim, ng batas ng paglilingkod sa iba, nang sa gayo’y lumaganap ang kapayapaan at kaligayahan ng sangkatauhan.10

Kailangan nating sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paglilingkod.

Nang lilisanin na ng Tagapagligtas ang kanyang mga Apostol, binigyan niya sila ng dakilang halimbawa ng paglilingkod. Alalahanin ninyo na nagtapi siya ng tuwalya at hinugasan ang mga paa ng kanyang mga disipulo. Si Pedro, na akala’y trabaho iyon ng alipin, ay nagsabi, “… huhugasan mo baga ang aking mga paa?… Huwag mong huhugasan ang aking mga paa kailan man.”

Sumagot ang Tagapagligtas “Kung hindi kita huhugasan, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin.”

“[Kung gayon], ” wika ng punong Apostol, “Hindi ang aking mga paa lamang, kundi pati ng aking mga kamay at ang aking ulo.”

“Ang napaliguan na ay walang kailangang hugasan maliban ang kaniyang mga paa, sapagka’t malinis nang lubos.

“Ang ginagawa ko’y hindi mo nalalaman ngayon; datapuwa’t mauunawa mo pagkatapos.” [Tingnan sa Juan 13:6–10.]

At hinugasan niya ang mga paa nito, at ng iba rin. Pagkabalik ng palanggana sa tabi ng pintuan, nag-alis siya ng tapi, at nagsuot ng bata, at bumalik sa lugar niya sa Labindalawa, at sinabi:

“Tinatawag ninyo akong Guro, at Panginoon: at mabuti ang inyong sinasabi; sapagka’t ako nga.

“Kung ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo naman ay nararapat ding mangaghugasan ng mga paa ng isa’t isa.” [Juan 13:13–14.]

Napakagandang halimbawa ng paglilingkod sa mga dakilang tagapaglingkod na iyon, na mga tagasunod ni Cristo! Siyang pinakadakila sa inyo, hayaang siya ang magpakaaba. Kaya may obligasyon tayong higit na paglingkuran ang mga miyembro ng Simbahan, na ilaan ang buhay natin para isulong ang kaharian ng Diyos sa lupa.11

Isipin ninyo! Ang tanging dahilan kung bakit may alam ang mundo tungkol sa kanila [mga Apostol ni Jesus] ay dahil nakilala nila ang Tagapagligtas, ginawa nila Siyang gabay sa buhay. Kung hindi, walang makaaalam ngayon na nabuhay ang mga taong iyon noon. Nabuhay sana sila at namatay at nalimutan tulad ng libu-libong iba pa sa panahon nila na nabuhay at namatay at walang nakaaalam o pakialam sa kanila; tulad ng libu-libong nabubuhay ngayon, na nagsasayang ng oras at lakas nila sa walangkabuluhang pamumuhay, na pinipili ang mga maling uri ng tao bilang huwaran, ibinabaling ang kanilang mga hakbang sa landas ng Kasiyahan at Layaw sa halip na sa landas ng Paglilingkod. Di maglalaon aabot sila sa hangganan ng buhay, at walang makapagsasabing gumanda ang mundo dahil nabuhay sila rito. Sa pagwawakas ng bawat araw iniiwan ng mga taong yaon ang landas nila na sintigang tulad nang datnan nila ito—hindi sila natanim ng mga punong magbibigay-lilim sa iba, ni palumpong ng rosas upang pagandahin at pasayahin ang mundo ng mga susunod—walang mabuting gawa, walang marangal na paglilingkod—tigang, walang bunga, parang disyertong dinaraanan lang, na nakakalatan marahil ng mga tinik at dawag.

Hindi gayon sa mga disipulong pinili si Jesus bilang Gabay. Ang buhay nila ay parang hardin ng mga rosas na mapipitasan ng daigdig ng magagandang bulaklak magpakailanman.12

Ang pinakamatwid na tungkulin sa buhay … ay iyong mapaglilingkuran nang husto ng tao ang kanyang kapwa. … Ang pinakamarangal na layunin sa buhay ay ang magpursiging mabuhay para higit na mapabuti at mapaligaya ang iba.13

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Bakit tayo inuutusan ng Panginoon na maglingkod sa isa’t isa? (Tingnan sa mga pahina 207–208.) Ano ang ilang pagkakataon natin para makapaglingkod sa Simbahan? Anong mga uri ng paglilingkod ang maibibigay natin liban sa mga katungkulan natin sa Simbahan?

  • Itinuro ng Panginoon na “ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon” (Mateo 16:25). Ano ang kinalaman ng banal na kasulatang ito sa paglilingkod? Anong walang hanggang pagpapala ang hatid ng di-makasariling paglilingkod sa iba? Ano ang pagkakaiba ng paglilingkod dahil inutusan tayo at paglilingkod dahil gusto natin? (Tingnan din sa D at T 58:26.)

  • Ano ang naranasan ninyo sa pag-uukol ng inyong sarili sa paglilingkod sa iba? Paano nagkakaugnay ang kaligayahan at paglilingkod? Paano tayo tinutulungan ng paglilingkod na mapaglabanan ang damdamin ng pagkamakasarili, kalungkutan, o depresyon? (Tingnan sa mga pahina 208–209.) Paano makatutulong sa atin ang paglilingkod sa iba para mapaglabanan ang masasamang saloobin sa kanila?

  • Ano ang hinangaan ninyo sa maraming halimbawa ng paglilingkod ni Jesus? (Tingnan sa mga pahina 210–211.) Ano ang matututuhan natin sa Kanya sa pagpupunyagi nating maglingkod sa iba? Bakit mahalagang hangarin ang banal na gabay sa ating paglilingkod?

  • Bakit kung minsan ay mahirap hayaan ang iba na paglingkuran tayo? Bakit mahalagang magiliw na tanggapin ang paglilingkod? Paano kayo nabiyayaan o ang pamilya ninyo sa paglilingkod sa iba?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Mateo 25:40; Marcos 8:35; Mga Taga Galacia 5:13; Mosias 4:15; D at T 18:10, 15–16

Mga Tala

  1. Two Contending Forces, Brigham Young University Speeches of the Year (18 Mayo 1960), 7.

  2. Tingnan sa Cherished Experiences from the Writings of President David O. McKay, tinipon ni Clare Middlemiss, binagong edisyon (1976), 101–4; binago ang pagtatalata.

  3. Sa Conference Report, Okt. 1966, 137.

  4. Sa Conference Report, Okt. 1962, 119.

  5. Sa Conference Report, Okt. 1968, 143.

  6. Sa Conference Report, Okt. 1969, 88–89.

  7. Sa Conference Report, Okt. 1953, 132.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1936, 45–46; binago ang pagtatalata.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1936, 104–5.

  10. Sa Conference Report, Abr. 1936, 46.

  11. Sa Conference Report, Abr. 1951, 158–59.

  12. Ancient Apostles (1918), 5–6.

  13. Two Contending Forces, 7.

sister helping a senior

“Ang pagiging tunay na Kristiyano ay pag-ibig na kumikilos. … Sa pananampalataya, sa kabaitan, puspusin ang inyong puso ng hangaring maglingkod sa buong sangkatauhan. Ang diwa ng ebanghelyo ay dumarating sa paglilingkod sa kabutihan ng iba.”