Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 11: Pamumuhay ng Word of Wisdom


Kabanata 11

Pamumuhay ng Word of Wisdom

Ang Word of Wisdom ay mahalagang bahagi ng ebanghelyo, na siyang “kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan”—ang pisikal at maging ang espirituwal na kaligtasan.1

Panimula

Itinuro at pinatotohanan ni Pangulong McKay na ang Word of Wisdom ay isang utos na ibinigay ng Panginoon upang pagpalain tayo kapwa sa pisikal at sa espirituwal. Sa kanyang mga turo at maging sa kanyang mga kilos, mahigpit niyang sinunod ang utos na ito. Nang bisitahin nila ang reyna ng Netherlands noong 1952, nakatutuwa ang naging karanasan nina Pangulo at Sister McKay. Nag-iskedyul ng 30 minuto ang reyna para sa kanila. Binantayang mabuti ni Pangulong McKay ang oras, at paglagpas ng kalahating oras, magalang siyang nagpasalamat sa reyna at naghandang umalis. “G. McKay, ” wika nito, “umupo ka! Nagalak ako sa tatlumpung minutong ito nang higit sa anupamang tatlumpung minuto sa napakatagal na panahon. Huwag muna sana kayong umalis.” Muli siyang umupo. Ipinasok ang meryenda, at nagbuhos ang reyna ng tatlong tasang tsaa, ibinigay ang isa kay Pangulong McKay, isa kay Sister McKay, at isa sa kanya. Nang mapansin ng reyna na hindi uminom ng tsaa ang dalawa, nagtanong siya, “Ayaw ba ninyong uminom ng tsaa kasabay ng Reyna?” Paliwanag ni Pangulong McKay, “Kailangan kong sabihin sa inyo na hindi naniniwala ang aming mga tao sa pag-inom ng pampainit, at palagay nami’y isa na riyan ang tsaa.” Wika nito, “Ako ang Reyna ng Netherlands. Ibig mo bang sabihi’y hindi mo sasabayan ng inom ng tsaa, kahit ang Reyna ng Netherlands?” Tugon ni Pangulong McKay, “Hihilingan ba ng Reyna ng Netherlands ang lider ng isang milyon, tatlong daang libong katao na gawin ang isang bagay na itinuturo niyang huwag gawin ng kanyang mga tao?” “Dakila kang tao, Pangulong McKay, ” sabi nito. “Hindi ko hihilinging gawin mo iyon.”2

Mga Turo ni David O. McKay

Ang Word of Wisdom ay malinaw na utos na ipinahayag ng Panginoon.

Noong ika-27 ng Pebrero, 1833, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang pahayag na itinala sa ika-89 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan. … Nais kong basahin ang ilang [talata] mula sa bahaging iyon:

“Masdan, katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa inyo: Dahil sa masasama at mga pakana na umiiral at iiral sa mga puso ng mga nagsasabwatang tao sa mga huling araw, binigyangbabala ko kayo, at binabalaan kayo, sa pamamagitan ng pagbibigay sa inyo nitong salita ng karunungan sa pamamagitan ng paghahayag—

“Na yayamang ang sinumang tao ay umiinom ng alak o matapang na inumin sa inyo, masdan ito ay hindi mabuti, ni nararapat sa paningin ng inyong Ama, tanging sa sama-samang pagtitipon lamang ng inyong sarili upang mag-alay ng inyong mga sakramento sa harapan niya.

“At, masdan, ito ay nararapat na alak, oo, purong alak ng ubas ng sanga, na sarili ninyong gawa.” ( D at T 89:4–6.]…

Ang partikular na pahayag na nais kong pabigyan ng pansin ay ito: “Yayamang ang sinumang tao ay umiinom ng alak o matapang na inumin … masdan ito ay hindi mabuti, ni nararapat sa paningin ng inyong Ama.” Iyan ang salita ng Diyos sa mga tao ng henerasyong ito. Ang puwersa nito ay sinlakas ng mga salita ng Tagapagligtas, “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili.” [Juan 7:17.] Mga Banal sa mga Huling Araw, batid ninyong totoo ang sinabing ito ng Tagapagligtas; pinatototohanan natin na kung gagawin ng sinumang tao ang kalooban ng Diyos magkakaroon siya ng patotoo, sa kanyang puso at sa kanyang buhay, na ang Ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo. Tinatanggap natin ang mga salita ng Tagapagligtas, “Malibang kayo’y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan.” [Lucas 13:3.] Ang mga walang hanggang katotohanang iyon, na ipinahayag nang malinaw, ay tinatanggap nating totoo. Maaaring hindi natin lubos na maipamuhay ang mga ito, ngunit bilang isang grupo ng mga tao tinatanggap natin ang mga ito, dahil ang mga ito’y salita ng Diyos. Talagang napakalakas, napakawalang hanggan ng katotohanang ito …, “[Ang] matatapang na inumin ay hindi mabuti para sa tao.” [Tingnan sa D at T 89:7.] Subalit [maraming taon] ang lumipas, at sa panahong iyon ipinangaral ang doktrinang ito linggu-linggo, kung hindi man araw-araw, sa ilang kongregasyon ng Israel, at naririnig pa rin natin ang ilan sa ating paligid na nagsasabi, sa kanilang mga kilos, na mabuti ito sa tao.

Natutuwa akong malaman tuwing pag-aaralan ko ang talatang ito, na hindi sinabi ng Panginoon na, “Hindi mabuti sa tao ang sobrang pag-inom ng matapang na inumin;” ni “Hindi mabuti ang paglalasing.” Ipaghalimbawa nang binago niya ang pahayag na iyon sa pagsasabing, “Ang sobrang pag-inom ng matapang na inumin, o pag-inom nang maramihan, ay hindi mabuti, ” napakadali nating pangatwiranan ang pag-inom nang kaunti. Ngunit gaya ng ibang walang hanggang katotohanan hindi pa rin ito nararapat; hindi mabuti ang matapang na inumin.3

Palagay ko’y bisyo ang paninigarilyo na dapat iwasang parang tuklaw ng makamandag na ahas. … Sinabi ng Panginoon na hindi mabuti sa tao ang tabako. Dapat ay sapat na iyan para sa mga Banal sa mga Huling Araw.4

Ang mga miyembro ng Simbahan na nakagawian na ang paninigarilyo o pag-inom ng tsaa at kape, o pareho, ay malamang na pangatwiranan ang kanilang pagkalulong sa mga bagay na malinaw na sinabi ng Panginoon na hindi mabuti sa tao. Tuwing gagawin nila ito, ipinangangalandakan lang nila ang kahinaan ng kanilang pananampalataya sa mga salita ng Panginoon, na ibinigay bilang payo at “karunungan, ” na kung susundin ay magdudulot ng biyayang sintiyak ng utos niyang, “Huwag ninyong gagawin.”5

Nagdudulot ng kapahamakang pisikal at espirituwal ang pagsuway sa Word of Wisdom.

May sangkap sa tsaa at kape na kapag pumasok sa katawan ng tao, ay nagpapabilis sa tibok ng puso; na nagpapabilis ng daloy ng dugo at paghinga. Lalo nitong pinag-iinit at pinasisigla ang katawan. Gayunman, pagkaraan ay lumilipas din ang pansamantalang siglang ito, at mas nangangailangan ng pahinga at pagpapalakas ang katawan kaysa bago uminom nito. Ang mga pampainit sa katawan ay parang hagupit sa napapagal na kabayo—nagpapaliksi ito ngunit hindi nagbibigay ng permanenteng lakas o likas na sustansya. Kadalasan sa paulit-ulit na paghagupit ay lalo lang tinatamad ang kabayo; at ang palagiang paggamit ng matapang na inumin, tabako, tsaa, at kape, ay lalo lang nagpapahina sa katawan at lalo itong nalululong sa mga pampainit.

Sinabi ng Panginoon sa di maipagkakamaling mga salita na ang mga bagay na ito ay hindi mabuti sa tao. Gayon din ang pahayag ng siyensya. Dapat ay sapat na ang salita ng Diyos para sa tunay na Banal sa mga Huling Araw.6

Ang reaksyon ng isang tao sa kanyang hilig at kapusukan kapag napukaw ang mga ito ang nagiging sukatan ng kanyang pagkatao. Sa gayong mga reaksyon nahahayag ang kapangyarihan ng tao na mamahala, o ang pilit niyang paglilingkod. Ang bahaging iyon ng Word of Wisdom, kung gayon, na tumutukoy sa alak, droga, at pampainit, ay higit pa sa masasamang epekto sa katawan, at umaatake sa pinakaugat ng pagbubuo ng pagkatao mismo. …

Sa nagdaang sandaang taon, ginawang posible ng kamanghamanghang pag-unlad ng siyensya na malaman ng tao sa pamamagitan ng eksperimento ang masamang epekto ng alak at droga sa mga ugat at himaymay ng katawan ng tao. Ipinamalas ng pagmamasid at eksperimento ang mga epekto nito sa pagkatao. Lahat ng gayong eksperimento at pagmamasid ay nagpatunay sa katotohanan ng … pahayag: “Ang matapang na inumin at tabako ay hindi mabuti sa tao.”7

Sa paggunita ko sa mga impluwensiya sa aking kabataan, naniniwala ako na ang pinakadakila ay ang pagsasaulo ng mahalagang kasabihang iyon: “Hindi mananahanan ang aking espiritu sa maruming tabernakulo.”

At may … iba pa, at lahat ng ito ay puro mga babala. Dumating sa akin ang una noong bata pa ako habang nakaupo sa upuang kutson sa tabi ng tatay ko habang nakasakay kami sa bagon patungong Ogden. Noong patawid na kami sa tulay ng Ogden River, lumabas ang isang lalaki mula sa isang bar, sa may hilagang baybay ng ilog. Nakilala ko siya. Gusto ko siya dahil nakita ko na siyang gumanap sa lokal na entablado. Ngunit noo’y lasing siya, at palagay ko’y ilang araw na siyang ganoon.

Hindi ko pa alam … na lasing siya, ngunit nang magwala siya at umiyak at humingi ng singkuwenta sa tatay para bumalik sa bar, nakita ko siyang pasuray-suray na lumayo. Habang patawid ng tulay sinabi ni Itay: “David, dati’y magkasama kaming maghome teach.”

Iyon lang ang sinabi niya, ngunit babala na iyon sa akin na hinding-hindi ko nalimutan, tungkol sa epekto ng pagkalango [o paglalasing].

Di naglaon, ipinabasa sa amin ng isang guro ang kuwento tungkol sa isang grupo ng mga kabataang naglalayag sa St. Lawrence River. … Hindi ko babanggitin ang ngalan ng awtor, ni ang pamagat, ngunit sasabihin ko ang gunitang nanatili sa akin, tungkol sa mga kabataang iyon na nag-iinuman at naglalasingan at nagkakatuwaan sa bangkang bumabagtas sa kilalang ilog na iyon. Subalit isang lalaki sa pampang, na nakikita at nalalaman ang panganib na nakaamba sa kanila, ang humiyaw: “Hoy, kayo riyan, matulin na ang agos sa babagsakan ninyo.”

Ngunit hindi nila pinansin ang kanyang babala, hindi sila nakinig. “Okey lang kami, ” at nagpatuloy sa kanilang biruan at inuman. Muli’y sumigaw ang lalaki: “Matuling agos na ‘yan, ” at muli’y hindi sila nakinig.

Sa isang iglap naroon na sila sa matuling agos. Agad silang sumagwan papuntang pampang, ngunit huli na ang lahat. Wala akong maalala liban sa mga kataga ng huling talata, na puro pagmumura, pagsisigawan, sa matuling agos, hanggang pagbagsak nila sa talon.

Pangit? Tama. Pero sasabihin ko sa inyo na maraming sumasagwan sa batis ng buhay nang gayon. Hinding-hindi ko nalimutan ang kuwentong iyon.8

Dapat tayong mag-ingat laban sa “mga kasamaan at pakana ng mga nagsasabwatang tao.”

Isa sa mga pinakamakabuluhang pahayag sa Doktrina at mga Tipan, na nagtataglay ng katibayan ng inspirasyon ni Propetang Joseph Smith, ang matatagpuan sa ika-89 na Bahagi …:

“Dahil sa masasama at mga pakana na umiiral at iiral sa mga puso ng mga nagsasabwatang tao sa mga huling araw, binigyangbabala ko kayo, at binabalaan kayo, sa pamamagitan ng pagbibigay sa inyo nitong salita ng karunungan sa pamamagitan ng paghahayag …” (D at T 89:4.)

“Masasama at mga pakana na umiiral at iiral sa mga puso ng mga nagsasabwatang tao. … ” Humanga ako sa kabuluhan nito noong 1920s at 1930s. Hinihiling ko lang sa inyo … na alalahaning muli ang mga paraang ginamit ng ilang kumpanya ng tabako para ganyaking manigarilyo ang mga babae.

Naaalala ninyo kung gaano katuso nilang inilunsad ang kanilang plano. Una, sa pagsasabing makabababa ito ng timbang. May sawikain sila: “Manigarilyo kaysa kumain ng matamis.”

Nang lumaon, ilan sa atin na mahilig magsine ang nakapansin na ipinapalabas nila ang isang dalagang nagsisindi ng sigarilyo ng isang ginoo. Kasunod nito ay makikitang nakapaskil ang kamay ng isang babaeng nagsisindi o may hawak ng sigarilyo. Isa o dalawang taon pa ang lumipas at walang pakundangang ipinakita ang babae sa sine o paskil na naninigarilyo. …

Maaaring mali ako, pero parang nahiwatigan ko kamakailan na may masamang pakana na ngayon ang mga nagsasabwatang tao sa ating mga kabataan. Magmasid kayo at makinig.9

Tungkulin ng mga miyembro sa kanilang sarili at sa Simbahan na ipamuhay at ituro ang Word of Wisdom.

Bawat lalaki, bawat babae, ay dapat makibahagi sa responsibilidad ng Simbahang ito. … Saanman tayo naroroon, … saanman tayo papuntahin, sa bangin man o kung saan, at tinukso tayo, isang malamig na umaga, na labagin ang Word of Wisdom sa paginom ng dalawa o tatlong tasang tsaa o kape, damhin natin ang responsibilidad na gawin ang tama.

Sabihin natin sa ating sarili, “Ang responsibilidad ng pagiging miyembro sa Simbahan ay nasasaakin; hindi ako bibigay. Kahit walang nakakakita sa akin, batid ko at alam ng Diyos na kapag bumigay ako, at tuwing bibigay ako sa isang kahinaan humihina ako at nawawalan ng respeto sa sarili.” Kung negosyante kayo, at sinabi ng mga kasamahan ninyo na, “Tara, pasok tayo at magpakasawa sa bagsak-presyong ito, ” sumagot ng, Naku, ayoko! Kahit na uhaw kayo rito, magpakalalaki, magpakabanal, at sabihing, “Ayoko; ang responsibilidad ng pagiging miyembro sa Simbahan ay nasasaakin.”10

Lubos ang katapatan ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa doktrina na hindi mabuti sa tao ang tsaa, kape, tabako, at alak. Ang tunay na Banal sa mga Huling Araw ay umiiwas na malulong sa tabako at pag-inom, ng mga pampainit o alak, at tinuturuan ang iba sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin na gawin din ang gayon.11

Ang pagsunod sa Word of Wisdom ay nagpapalakas sa pagkatao at nagdudulot ng kaligayahan.

Hinihimok ng Simbahan ang mga tao na supilin ang sarili upang makontrol nila ang kanilang mga hilig, damdamin, at pagsasalita. Hindi mainam sa tao na alipinin siya ng kung anong pag-uugali. Hindi mainam sa tao na mabuhay lang para bigyang-kasiyahan ang kanyang mga kapusukan. Isang dahilan iyan kung bakit inihayag ng Panginoon ang Word of Wisdom sa Simbahan nang sa gayon, maging mula pa sa pagkabata, ay matuto na ang mga kabataan na magpigil sa kanilang sarili. Hindi laging madali iyan. Ang mga kabataan ngayon ay nahaharap sa mga kaaway—mga maling ideolohiya at mahahalay na kagawian. … Mabuting paghahanda ang kailangan upang harapin at magapi ang mga kaaway na ito.12

Bawat binatilyo sa buong Sion, pag-ahon niya mula sa tubig ng binyag, ay dapat malaman na bahagi ng kanyang tungkulin na tanggihan ang paninigarilyo, saanman siya naroroon. Bawat kabataan sa Simbahan ay dapat turuan, pag-ahon niya mula sa tubig ng binyag, na dapat niyang tanggihan ang alak kapag inaalok sa mga pagtitipon. Bawat kabataang miyembro ng Simbahang ito ay dapat malaman na ang tabako sa anumang anyo ay hindi dapat gamitin. Dapat niyang tanggihan ang lahat ng nakaugaliang ito, hindi lang dahil sa kaakibat na biyayang pangako ng ating Ama rito, kundi dahil din sa lakas na natatamo upang mapaglabanan ang mas matitinding tukso.13

Isa sa pinakapraktikal na mga turo ng Simbahan hinggil sa [pagpipigil sa sarili] ang Word of Wisdom. Totoo ito. Nauukol ito lalo na sa hilig. Pakitaan mo ako ng isang lalaking lubos na napipigil ang kanyang hilig, na nalalabanan ang lahat ng tuksong malulong sa mga pampainit, alak, tabako, marijuana, at iba pang bisyong droga, at pakikitaan kita ng isang binatilyo o lalaking nagkaroon ng kapangyarihang pigilin ang kanyang mga kapusukan at pagnanasa.14

Kailanma’y hindi kalabisang marinig lagi ng Simbahan at ng buong mundo ang tungkol sa Word of Wisdom. Ito’y doktrinang bigay sa tao para sa kanyang kaligayahan at kapakinabangan. Bahagi ito ng pilosopiya sa buhay. … Siya na bigong ipamuhay ito ay ninanakawan ang sarili ng lakas ng katawan at pagkataong karapatan niyang taglayin. Ang katotohanan ay katapatan sa tama ayon sa pagkaunawa natin dito; ito’y matapang na pamumuhay ayon sa ating mga huwaran; ito’y lagi nang kapangyarihan.15

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Paanong nauna sa kanyang panahon ang Word of Wisdom?

  • Bakit kung minsan ay sinisikap pangatwiranan ng mga tao ang paggamit ng mga sangkap na ipinagbabawal sa Word of Wisdom? Anu-ano ang ilang panganib sa ganitong uri ng pagiisip? (Tingnan sa mga pahina 121–23.)

  • Bakit mahalagang pangalagaan ang ating katawan? Anu-ano ang ilang negatibong epekto sa katawan ng paglabag sa Word of Wisdom? (Tingnan sa mga pahina 121–23.) Paano naaapektuhan ng pagsuway sa utos na ito ang ating espirituwalidad? (Tingnan sa mga pahina 121–23.)

  • Binanggit ni Pangulong McKay ang mga taktika sa anunsyo ng tabako na ginamit noong 1930s (tingnan sa pahina 123). Anuanong mga halimbawa ng “kasamaan at mga nagsasabwatang tao” ang nakikita natin ngayon na tumatangkilik sa paggamit ng nakapipinsalang mga sangkap? Paano natin matutulungan ang mga kabataan na maunawaan ang mga pakinabang ng pagsunod sa Word of Wisdom?

  • Paano naging kapwa pisikal at espirituwal na utos ang Word of Wisdom? (Tingnan sa mga pahina 121–23, 124–25.) Anuanong biyaya ang ipinangako sa mga susunod sa utos na ito? (Tingnan sa D at T 89:18–21.) Ano ang pinakamahahalagang biyayang natanggap ninyo o ng inyong pamilya sa pagsunod sa Word of Wisdom?

  • Ano ang magagawa natin upang pag-ibayuhin ang lakas nating paglabanan ang mga tuksong labagin ang Word of Wisdom? Paano makatutulong ang pagsunod sa Word of Wisdom sa pagpoprotekta at pagpapalakas ng pagkatao? (Tingnan sa mga pahina 124–25.)

  • Anu-anong nakapipinsala at nakalululong na sangkap ang mayroon ngayon na hindi partikular na binanggit sa D at T 89? Paano makatutulong ang mga turo sa D at T 89 at ang mga salita ng mga propeta sa mga huling araw sa paggabay at pagpapalakas sa atin laban sa mga sangkap na ito?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Daniel 1:3–20; I Mga Taga Corinto 3:16–17; D at T 89:1–21

Mga Tala

  1. Gospel Ideals (1953), 379.

  2. Tingnan sa People of Faith, ni Carl W. Buehner, Brigham Young University Speeches of the Year (14 Ene. 1953), 2.

  3. Sa Conference Report, Abr. 1911, 61–62; binago ang pagtatalata.

  4. Sa Conference Report, Okt. 1949, 188.

  5. Gospel Ideals, 375–76.

  6. Gospel Ideals, 376–77.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1964, 4.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1949, 180.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1949, 185–86.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1906, 115; binago ang pagtatalata.

  11. Gospel Ideals, 379.

  12. Sa Conference Report, Okt. 1969, 7–8.

  13. Sa Conference Report, Abr. 1960, 28.

  14. Sa Conference Report, Abr. 1968, 8.

  15. Gospel Ideals, 377.

President McKay

Sa pamamagitan ng kanyang mga turo at halimbawa, ipinamalas ni Pangulong McKay ang mga biyaya ng pagsunod sa Word of Wisdom.

mother and son blessing food

Hinikayat ni Pangulong McKay ang mga Banal sa mga Huling Araw na ituro sa kanilang mga anak at iba pa ang Word of Wisdom “sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin.”