Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 10: Ang Banal na Pagtawag kay Propetang Joseph Smith


Kabanata 10

Ang Banal na Pagtawag kay Propetang Joseph Smith

Ako’y may buhay na patotoo na nagpakita ang Ama at ang Anak kay Propetang Joseph Smith at inihayag sa pamamagitan niya ang ebanghelyo ni Jesucristo, na tunay na, “siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas [ng tao].” [Mga Taga Roma 1:16.]1

Panimula

Sinabi ni Pangulong David O. McKay, “Simula pagkabata ay napakadali para sa akin ang paniwalaan ang katunayan ng mga pangitain ni Propetang Joseph Smith.”2 Sinabi niyang lalong lumakas ang patotoo niya kay Propetang Joseph nang marinig niya ang karanasan ng kanyang ama noong misyonero pa ito sa Scotland:

“Nang magsimulang mangaral ang [aking ama] sa kanyang lupang sinilangan at nagbigay patotoo sa panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, napansin niyang nilayuan siya ng mga tao. Mapait ang pakikitungo nila sa anumang bagay [na may kaugnayan sa Simbahan], at ang pangalang Joseph Smith ay tila pumukaw ng galit sa kanilang mga puso. Isang araw naisip niya na ang pinakamainam na paraan para matulungan ang mga taong ito ay ang ipangaral ang mga simpleng alituntunin, tulad ng pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo, mga unang alituntunin ng ebanghelyo, at huwag magpatotoo hinggil sa panunumbalik. Sa loob ng isang buwan o mahigit pa siya’y binagabag ng napakalungkot na damdamin, at hindi niya madama ang diwa ng kanyang gawain. Hindi niya alam kung ano ang dahilan, ngunit tila hinadlangan ang kanyang kaisipan; nalumbay ang kanyang espiritu; nalungkot siya at hindi makasulong sa ginagawa; at ang kalungkutang iyon ay nagpatuloy hanggang sa lubha na siyang mabigatan kung kaya lumapit siya sa Panginoon at nagsabing, ‘Kung hindi mawawala ang damdaming ito’y uuwi na lang ako. Hindi maaaring patuloy na may humadlang sa pagtatrabaho ko.”

“Nagpatuloy pa rin ang panghihina ng kanyang loob matapos iyon, nang, isang umaga bago magliwanag, matapos di makatulog sa magdamag, ay nagpasiya siyang magpunta sa isang yungib, malapit sa dagat, kung saan alam niyang malalayo siya sa mundo. Doon niya ibinuhos ang kanyang kaluluwa sa Diyos at nagtanong kung bakit binabagabag siya ng damdaming iyon, ano ba ang nagawa niya, at ano ang magagawa niya para mawala iyon at makapagpatuloy sa kanyang trabaho. Madilim pa nang magsimula siyang maglakad papunta sa yungib. Masyado siyang nasabik na pumasok kung kaya tumakbo pa siya papunta roon. Habang palabas na siya nang bayan ay kinausap pa siya ng isang pulis na gustong malaman kung ano ang nangyayari. Ayos naman ang kanyang naging sagot kaya pinayagan na siyang humayo. Parang may nagtutulak sa kanya; kailangan niyang magkaroon ng kapanatagan. Pumasok siya sa yungib o sa kanlungang bukana, at nagsabing, ‘O, Ama, ano po ang dapat kong gawin para maalis ang damdaming ito? Kailangan po itong maalis dahil hindi ako makapagtatrabaho kung ganito’; at narinig niya ang tinig, na singlinaw ng pagbigkas ko ngayon na, ‘Magpatotoo ka na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos.’ Noon niya naalala ang lihim niyang naisip mga anim na linggo na ang nakararaan, at nang mapuspos ng ideyang iyon, ay naunawaan niya na naroon siya para sa natatanging misyon, at hindi niya napag-ukulan ng wastong pansin ang natatanging misyon na iyon. At napaiyak siya at sinabing, ‘Panginoon, tama na po, ’ at lumabas na mula sa yungib.”

Nagunita ni Pangulong McKay na, “Noong bata pa ako ay nakinig ako sa patotoong iyon mula sa taong hinahangaan at iginagalang ko nang higit kaysa kanino man sa mundong ito, at ang katiyakang iyon ay nakintal sa kaluluwa ko bagamat bata pa ako noon.”3

Mga Turo ni David O. McKay

Ang Unang Pangitain ni Joseph Smith ay naghayag ng maluwalhating mga katotohanan tungkol sa Ama at kay Jesucristo.

Malawakan at makabuluhan ang kahanga-hangang mga pagtuklas at imbensyon ng huling bahagi ng [ikalabingsiyam na] siglo kung kaya napuspos tayo ng mga ito. … Ngunit wala ni isa sa mga ito ang nakatugon sa pinakadakilang kailangan at hangarin ng tao. Wala pang nakapaghayag ng bagay na matagal nang hinahanap ng tao. Ang pangangailangang iyon—na laging nasa puso ng tao—ay ang makilala ang Diyos, at ang kaugnayan ng tao sa kanya. … Iisang pangyayari lamang noong ikalabingsiyam na siglo ang nagsabing maibibigay sa tao ang sagot dito. Kung sa pangyayaring iyon ay matagpuan ng tao ang katotohanan na matagal nang hinahanap ng sangkatauhan, ibig sabihin nararapat lamang itong parangalan bilang pinakadakilang pangyayari noong ikalabingsiyam na siglo!

Ang pangyayaring ito’y ang pagpapakita ng makalangit na mga Nilalang sa batang si Joseph Smith, na naghayag sa personal na katauhan ng Diyos Amang Walang Hanggan at ng kanyang Anak na si Jesucristo.4

Labingwalong daang taon matapos ang pagkamatay ni Jesus sa krus ay ipinahayag ni Propetang Joseph Smith na nagpakita sa kanya ang nagbangong Panginoon. [Sabi niya]: “ … Nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” [Joseph Smith—Kasaysayan 1:17.]5

Ang pahayag niya’y simple lamang ngunit positibo; at nagulat siya nang pagdudahan ng mga tao ang katotohanan nito. Para sa kanya ang pagsasabing iyon ay pahayag lamang ng simpleng katotohanan; para sa mga Kristiyano ito’y tila kidlat na, sa pagtama, ay nagpahina sa istruktura ng kanilang relihiyon mula sa tuktok hanggang sa pundasyon nito.

Ito ang dalawang mahahalagang elemento sa kanyang unang mensahe: una, na ang Diyos ay personal na Nilalang, at ipinaaalam Niya ang Kanyang kalooban sa tao; at pangalawa, na walang doktrina sa Sangkakristiyanuhan na nagtaglay ng tunay na plano ng kaligtasan.6

Ang pagpapakita ng Ama at ang Anak kay Joseph Smith ang pundasyon ng Simbahang ito. Dito nakasalalay ang sikreto ng kalakasan at katatagan nito. Ito’y totoo at saksi ako rito. Ang isang paghahayag na iyon ang sumagot sa lahat ng tanong ng siyensya hinggil sa Diyos at sa kanyang banal na katauhan. Hindi ba ninyo nakikita ang kahulugan nito? Nasagot kung ano ang Diyos. Malinaw ang kaugnayan Niya sa kanyang mga anak. Maliwanag na may malasakit Siya sa sangkatauhan dahil sa awtoridad na ipinagkatiwala sa tao. Tiyak ang patutunguhan ng gawain. Ito at ang iba pang maluwalhating mga katotohanan ay nilinaw ng maluwalhating unang pangitain na iyon.7

Hindi pa rin nauunawaan ng daigdig ang kahalagahan nito; ngunit bilang dagdag sa kaalaman ng tao hinggil sa kanyang kaugnayan sa Maykapal at sa kanyang katayuan sa sansinukob; bilang paraan ng pagbuo ng wastong kaugnayan ng mga tao sa isa’t isa at mga grupo ng tao sa mga bansa; bilang paghahayag na nagtuturo ng daan tungo sa kaligayahan ng tao at kapayapaan sa mundo gaya ng sa darating na kawalang-hanggan, ang pagpapakita ng Ama at ng Anak kay Joseph Smith at ang kasunod nitong panunumbalik ng priesthood at pagtatayo ng Simbahan ni Jesucristo sa kaganapan nito, ay kikilalanin pa hindi lamang bilang isa sa mga pinakadakilang pangyayari ng ikalabingsiyam na siglo, kundi bilang pinakadakila sa lahat ng mga panahon.8

Ipinanumbalik ng Panginoon ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.

Dahil kay Joseph Smith na di lamang dakilang lalaki, kundi isa ring lingkod ng Panginoon na may inspirasyon kung kaya gusto kong magsalita. … Tunay na ang kadakilaan ni Joseph Smith ay kinapapalooban ng banal na inspirasyon. …

Hindi maaaring pag-aralan ng tao nang buong husay at talino ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo nang hindi humahanga sa kaangkupan ng mga turo nito sa mga ibinigay mismo ng Panginoon at Tagapagligtas noong narito pa Siya sa lupa kapiling ng Kanyang mga disipulo. Halimbawa, tingnan ang paghahayag ng Propeta hinggil sa Manlilikha—Ang Diyos bilang matalinong Nilalang, na ayon sa turo ni Jesus ay “Ama [natin] na nasa langit.” [Tingnan sa Mateo 6:9.] …

Ang doktrina ni Joseph Smith na si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Ama, ang Tagapagligtas ng mundo, ay katulad ng mga turo Mismo ni Jesus at ng Kanyang mga apostol.

Gayundin naman ang kanyang doktrina ukol sa pag-iral ng personalidad matapos ang kamatayan. …

Ang gayong pag-ayon ay matatagpuan sa mga turo ng iba pang mga alituntunin ng ebanghelyo tulad ng pananampalataya, pagsisisi, pagbibinyag, pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo, ordenasyon sa priesthood, kanyang mga turo hinggil sa “kaalaman, kahinahunan, kabanalan, kabaitang pangkapatid, pag-ibig sa kapwa-tao, ” atbp. [Tingnan sa II Ni Pedro 1:5–7; D at T 4:6.] …

… Ang mga tagapagtaguyod ng binyag ng sanggol ay nagturo ng ganito hinggil sa maliliit na bata: “Ang mga sanggol na dumarating sa mundo ay hindi lamang walang kaalaman, kabutihan, at kabanalan, kundi mayroon silang likas na tendensiya sa masama at tanging sa kasamaan.”

… Magiting at walang takot na nagsalita ang Propeta bilang tao na may katiyakan na siya’y nasa wasto: “Ang maliliit na bata ay banal, [at] pinabanal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo.” [Tingnan sa D at T 74:7.]9

Makikita ang banal na inspirasyon … sa maluwalhating balita [ni Joseph Smith] tungkol sa likas na kawalang-hanggan ng mga tipan at seremonya at oportunidad ng kaligtasan para sa bawat tao. Ang Simbahan ay hindi nagtatangi kundi sakop nito ang bawat kaluluwang tatanggap sa mga alituntunin nito. … Ang buong sangkatauhan ay maliligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo. Kahit sila na nangamatay nang walang batas ay hahatulan. Dahil dito kung kaya inihahayag ang ordenansa ng kaligtasan para sa mga patay.

Ang kawalang-hanggan ng tipan ng kasal ay maluwalhating paghahayag, na nagbibigay katiyakan sa mga pusong pinagsama ng ginintuang bigkis ng pag-ibig at pinagbuklod ng awtoridad ng banal na Priesthood upang maging walang hanggan ang kanilang pagsasama.

Ang iba pang mga tipan ay patuloy pa rin na sumusulong sa mga kawalang-hanggan.

Hindi sana naisagawa ni Joseph Smith ang lahat ng ito kung sa sarili lamang niyang kaalaman, talino, at impluwensya. Hindi niya sana ito nagawa.10

Inihayag ng Panginoon sa panahong ito ang Plano ng Kaligtasan, na humigit-kumulang ay siyang daan tungo sa espirituwal na kalagayan sa pamamagitan ng pagbuo ng pagkatao na karapat-dapat pumasok sa kanyang kaharian. Ang Plano ay ang ebanghelyo ni Jesucristo na ipinanumbalik kay Propetang Joseph Smith, at ito’y napakainam at malawak ang nasasaklaw.11

Ang ipinumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay patunay ng banal na inspirasyong taglay ng Propetang Joseph.

Noong mga 1820, ang kaguluhan sa relihiyon ang umakay kay Joseph Smith para hanapin ang tamang simbahan, ang wastong paraan ng pagsamba, ang tamang paraan ng pamumuhay. Ang paghahangad na malaman ang nagtulak sa binatilyo na hanapin ang Panginoon sa taimtim na panalangin. Isang bunga ng sagot sa kanyang dalangin ay ang pagkatatag ng Simbahan sa tahanan ni Peter Whitmer noong … Abril 6, 1830. Sa organisasyon na iyon matatagpuan ang lawak ng nasasakupan ng buong plano ukol sa kaligtasan ng tao.

Ngayon gusto kong ituring ang organisasyon na iyon bilang isang ebidensya ng kanyang inspirasyon. … Nalampasan [nito] ang problema sa pananalapi, kaguluhan sa lipunan, at pagtatalutalo ng mga relihiyon; at ngayon ito ang paraan ng pagtugon sa pinakamahahalagang pangangailangan ng sangkatauhan. …

… “Ang Simbahan ni Jesucristo ay itinatag ayon sa kaayusan ng Simbahan gaya ng nakatala sa Bagong Tipan, ” sabi ni Joseph Smith [tingnan sa History of the Church, 1:79]. Ang praktikal at mapagbigay na gawain ng organisasyong ito ang nagpapatunay sa kabanalan nito.12

Maraming taon na ang nakalilipas sinabi ni Joseph Smith, na isang bata sa pagitan ng labing-apat at labinlimang taong gulang, na bilang sagot sa dalangin, ay nakatanggap siya ng paghahayag mula sa Diyos. … Ang bunga ng pahayag na ito ay ang kaagad na pagtatakwil sa kanya ng daigdig ng mga relihiyon. Sa maikling panahon ay nakita niyang nag-iisa siyang naninindigan.

Nag-iisa—at walang alam sa karunungan at pilosopiya ng kanyang kapanahunan!

Nag-iisa—at hindi nakapag-aral ng sining at siyensya!

Nag-iisa—walang pilosopong magtuturo sa kanya, walang ministrong gagabay sa kanya! Sa simpleng paraan at kabaitan ay nagmamadali niyang inihatid sa kanila ang maluwalhating mensahe; may panlalait at pagkutya nilang tinalikuran siya na nagsasabing lahat ng iyon ay sa diyablo; na wala ng mga pangitain o paghahayag sa panahong ito; na lahat ng iyon ay lumipas na kasama ng mga Apostol; at kailanman ay hindi na magkakaroon ng mga gayong bagay [tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:21].

Kaya’t naiwan siyang nag-iisa sa paglalayag sa karagatan ng kaisipan ukol sa relihiyon. Tinanggihan niya ang bawat kilalang barkong naglalayag at hindi pa siya nakagawa ng barko o kaya’y nakita man lang ang paggawa nito. Kung isa siyang impostor, ang barkong magagawa niya’y tiyak na marupok.

Sa kabilang banda, kung ang gagawin niya [na barko] ay napakainam at napakahusay ng pagkagawa kaysa sa naihandog ng mga edukadong propesor at pilosopo sa mundo noong nakaraang mga siglo, kahit paano ay mapipilitan ang mga tao na magulat at magsabing, saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan!

Sa gayon ay lilitaw na bagama’t tila nag-iisa siya, ang pag-iisa niya’y tulad lamang ng kay Moises noon sa Sinai; tulad ni Jesus sa Bundok ng mga Olivo. Kung paano sa Guro, gayundin naman sa propeta, ang kanyang mga instruksyon ay hindi nagmula sa tao kundi direktang galing sa Diyos, na pinagmumulan ng lahat ng katalinuhan. Ang sabi niya: “Ako’y batong magaspang. Ang tunog ng martilyo at pait ay di kailanman narinig sa akin hanggang sa hubugin ako ng Panginoon. Ang tanging nais ko’y ang kaalaman at karunungan ng langit.” [History of the Church, 5:423.] …

Kung mapatutunayan ang pag-angkin niya sa paghahayag mula sa Diyos ay di na pagdududahan pa ang kanyang awtoridad na itayo ang Simbahan ni Jesucristo sa lupa, at mangasiwa nang may awtoridad sa mga alituntunin at ordenansa nito. Kung kaya sa pinakasimula ng dakilang gawaing ito sa mga huling araw ay itinatag ang di-natitinag na batong panulok ng Simbahan ni Cristo sa dispensasyong ito, [alalaong baga’y], ang awtoridad na mangasiwa sa pangalan ni Jesucristo sa mga bagay na may kaugnayan sa kanyang Simbahan.13

Kung titingnan natin ang kakaibang nagawa [ni Joseph Smith] sa maikling panahon ng labing-apat na taon mula nang itatag ang Simbahan hanggang sa siya’y patayin; habang iniisip nating mabuti ang perpektong pagkakatugma ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa sinaunang simbahan na itinayo ni Jesus at ng Kanyang mga apostol; habang napapansin natin ang kanyang malalim na pananaw sa mga alituntunin at ordenansa; at habang nakikita natin ang walang-katulad na plano at kagalingan ng Simbahang itinatag sa pamamagitan ng inspirasyon ni Cristo na siyang pangalan na taglay nito—ang sagot sa tanong na, saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan? ay nakasaad sa nakaaantig na talata:

Purihin s’yang kaniig ni Jehova!

Hinirang ni Cristo na propeta”—

Huling dispensasyon, sinimulan n’ya;

Mga hari’y pupuri sa kanya.

[Tingnan sa Mga Himno, blg. 21]14

Ang Propetang si Joseph ay nabuhay at namatay sa pagtatanggol sa mga katotohanang inihayag sa kanya.

Ang mga dakilang tao ay may kakayahang makitang mabuti ang pinakasentro ng mga bagay-bagay. Nalalaman nila ang katotohanan. Malaya silang nakapag-iisip. Magiting silang kumilos. Naiimpluwensyahan nila ang matatatag na tao para sumunod sa kanila. Kinukutya sila ng mga taong di naman tanyag, binabatikos sila, pinag-uusig sila, ngunit ang mga kritiko ay namamatay at nalilimutan na, at ang mga dakilang tao ay nananatiling buhay magpakailanman.

Ang ilan sa mga kasabayan ni Joseph Smith ay nangungutya sa kanya; ang iba naman ay humanga sa kanya; iginalang naman siya ng kanyang mga tagasunod. …

Kapag patas ang isang tao sa kanyang paghatol, hindi niya mapag-aaralan ang buhay ng lider na ito ng relihiyon nang hindi humahanga sa katotohanan na sagana siya sa mga katangian ng tunay na kagitingan, at ang pinagmumulan nito’y matatagpuan sa pagnanais na malaman ang kalooban ng Diyos, at sa determinasyong sundin ito kapag natagpuan na.15

Sa lahat ng mga panahon ay kaunti lamang ang mga pinunong nakaunawa sa katotohanan, at sa pagtatanggol dito’y kadalasang nabubuwis ang kanilang buhay. Ang pagsulong ng sangkatauhan ay dahil sa malinaw na pagkaunawa at lakas ng loob ng matatapang na pinunong ito. Sa isang banda, kailangan nilang pumili, kung itatatwa ba, babaguhin, o ipagtatanggol ang katotohanan— isang pagpili sa pagitan ng personal na kaginhawahan at priyoridad, o paglayo sa lipunan, parusa, o maging kamatayan. Ang ganitong pagpili ay dinanas nina Pedro at Juan nang maging bilanggo sila’t tumayo sa harap ni Anas, na mataas na saserdote. Kinailangan nila ng lakas ng loob nang magbigay sila ng patotoo hinggil kay Cristo sa harapan ng mga tao na mismong humatol na siya’y patayin. [Tingnan sa Mga Gawa 4.]

Kinailangan ng lakas ng loob ni Pablo, ang nakatanikalang bilanggo sa harapan ni Haring Agripa at ng kanyang tapat na mga kasama, para magbigay patotoo na si Cristo’y nagdusa, at siya ang unang magbabangon mula sa mga patay, at magtuturo ng liwanag sa mga tao, at sa mga gentil. [Tingnan sa Mga Gawa 26.]

Kinailangan ng lakas ng loob ni Joseph Smith para patotohanan sa di-naniniwala at malupit na daigdig ang katotohanan na ang Diyos at ang kanyang Minamahal na Anak ay nagpakita sa kanya sa isang pangitain.16

Lahat ng tao na nakagawa ng pagbabago sa daigdig ay mga taong mananatiling tapat sa kanilang konsiyensya—mga taong tulad nina Pedro, Santiago, at Pablo, at ang kanilang mga kapatid na apostol noong una, at ang iba pa. Nang kalabanin ng mga lider ng relihiyon sa Palmyra, New York si Joseph Smith dahil sa nakita at narinig niya sa Sagradong Kakahuyan, sinabi niya sa kanyang puso, na may patotoo sa Panginoong Jesus: “Nakakita ako ng pangitain; ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila, ni tangkain kong gawin ito. …” [Joseph Smith—Kasaysayan 1:25.]

Si Joseph Smith ay tapat sa kanyang patotoo hanggang sa huling sandali.17

Ang resulta ng banal na patnubay [ni Joseph Smith] ay katiyakan ng kabutihan ng kanyang itinuro at kawalang-takot sa pagpapahayag nito. Kapag nagtuturo si Joseph Smith ng isang doktrina, itinuturo niya ito nang may kapangyarihan. Hindi na niya dapat isipin pa kung naaayon ito sa kaisipan ng tao o hindi, kung tugma ba ito sa mga nakaugaliang turo ng mga simbahan o kung ito ba’y salungat. Kung ano ang ibinigay sa kanya ay iyon din ang ibinigay niya sa mundo sang-ayon man ito o hindi, tugma man ito o hindi sa paniniwala ng mga simbahan, o sa umiiral na mga pamantayan ng sangkatauhan; at ngayon, kung babalikan natin ang kasaysayan mahigit isandaang taon na ang nakalilipas, magandang pagkakataon na ito para mahusgahan natin ang kabutihan ng kanyang mga turo, at masasabi na natin kung saan galing ang kanyang mga instruksyon. …

Hindi lamang siya tumanggap ng instruksyon mula sa Itaas, kundi, nang matanggap ay ipinagtanggol ito nang buong katatagan.18

Sa kabila ng mga pambabatikos, panunuya, pag-aresto, pagkabilanggo, pagtuligsa na humantong sa kamatayan, si Joseph Smith tulad nina Pedro at Pablo na nauna sa kanya, ay palaging nagsisikap sa abot ng kanyang makakaya na sumunod sa liwanag na naging daan upang siya’y “nakabahagi sa kabanalang mula sa Dios.” [Tingnan sa II Ni Pedro 1:4.]19

Ang pinakamainam na dugo ng bansang ito’y nabuhos sa kawalang- malay. Alam ni [Propetang Joseph] na siya’y inosente. Alam niya ang mga karapatan niya. Gayundin ang kapatid niyang si Hyrum, sina John Taylor at Willard Richards na kasama niya noon. Ngunit dahil sa kasinungalingan, na maitim at kasumpasumpa, ang Propetang Joseph at ang kapatid niyang si Hyrum ay pinatay.

… Sa gitna ng lahat ng ito ano ang ugaling ipinakita ng Propeta? Mahinahon na ugaling tulad ng kay Cristo. Sabi niya, nang papunta na siya sa Carthage nang gabing iyon:

“Ako ay patutungong gaya ng isang kordero sa katayan; subalit ako ay mahinahon gaya ng isang umaga sa tag-araw. Ako ay may budhi na walang kasalanan sa harapan ng Diyos, at sa lahat ng tao. Ako ay mamamatay na walang kasalanan, at ito ang masasabi tungkol sa akin, siya ay pinaslang nang walang habag.” [Tingnan sa D at T 135:4.]20

Ang buhay ng Propeta, ng kanyang kapatid na si Hyrum, ang patriarch, at ng daan-daang libong iba pa na tumanggap sa katotohanan ng [Unang Pangitain] ay patunay na ang plano ng kaligtasan, na sinasabing inihayag ni Jesucristo, ay tiyak na aakay tungo sa pagkakaroon ng katangiang tulad ng kay Cristo. Talagang tunay ang paghahayag sa Propeta at sa kanyang kapatid na si Hyrum, kung kaya hindi sila nag-atubiling tatakan ng kanilang dugo ang kanilang patotoo.21

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Ikinuwento ni Pangulong McKay ang naging karanasan ng kanyang ama sa misyon na kailangang magpatotoo hinggil kay Joseph Smith (tingnan sa mga pahina 103–105). Bakit mahalaga sa atin ngayon ang sagot na natanggap ng kanyang ama?

  • Bakit kinailangan ng Panginoon na tumawag ng isang propeta sa mga huling araw? (Tingnan sa mga pahina 106–107.) Bakit mahalagang bahagi ng patotoo sa ebanghelyo ang patotoo tungkol kay Joseph Smith? Sa paanong paraan naging “pundasyon ng Simbahang ito” ang pagpapakita ng Ama at ng Anak kay Joseph Smith?

  • Ano ang ilang katotohanan na inihayag sa pamamagitan ng Unang Pangitain? (Tingnan sa mga pahina 106–107.) Sa paanong paraan naimpluwensyahan ng inyong kaalaman hinggil sa Unang Pangitain ang inyong patotoo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Ano ang iba pang mga doktrina na inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ng Propetang si Joseph Smith? (Tingnan sa mga pahina 107–109.) Paano kayong napagpala sa pag-aaral at pamumuhay ng mga doktrinang ito?

  • Sa paanong paraan naging saksi ang Simbahan at ang mga turo nito na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos? (Tingnan sa mga pahina 109–112.)

  • Ano ang ilang katangiang tulad ng kay Cristo na ipinakita ni Propetang Joseph Smith? (Tingnan sa mga pahina 112–115.) Ano ang maaari ninyong gawin para masundan ang kanyang halimbawa?

  • Ano ang mga pananagutan natin kapag mayroon tayong patotoo hinggil kay Propetang Joseph Smith at sa ipinanumbalik na ebanghelyo?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Amos 3:7; 2 Nephi 3:6–15; D at T 135; Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–75

Mga Tala

  1. Cherished Experiences from the Writings of President David O. McKay, tinipon ni Clare Middlemiss, binagong edisyon (1976), 16.

  2. Gospel Ideals (1953), 524.

  3. Cherished Experiences, 11–12.

  4. Gospel Ideals, 79–80; binago ang pagtatalata.

  5. Sa Conference Report, Abr. 1966, 58.

  6. Gospel Ideals, 80.

  7. Gospel Ideals, 85.

  8. Treasures of Life, tinipon ni Clare Middlemiss (1962), 227.

  9. “The Prophet Joseph Smith—On Doctrine and Organization, ” Improvement Era, Ene. 1945, 14–15; binago ang pagtatalata.

  10. “Joseph Smith—Prophet, Seer, and Revelator, ” Improvement Era, Ene. 1942, 55.

  11. Treasures of Life, 420.

  12. Improvement Era, Ene. 1942, 13, 54.

  13. Gospel Ideals, 80–82; binago ang pagtatalata.

  14. Improvement Era, Ene. 1945, 47.

  15. Pathways to Happiness, tinipon ni Llewelyn R. McKay (1957), 284–85.

  16. Treasures of Life, 376–77.

  17. Sa Conference Report, Abr. 1969, 151.

  18. Gospel Ideals, 81–82.

  19. Sa Conference Report, Abr. 1951, 95.

  20. Sa Conference Report, Okt. 1931, 12–13.

  21. Treasures of Life, 226–27.

First Vision

“Ang pagpapakita ng Ama at ng Anak kay Joseph Smith ang pundasyon ng Simbahang ito. Dito nakasalalay ang sikreto ng lakas at katatagan nito.”

Joseph Smith

“Ang resulta ng banal na patnubay [ni Joseph Smith] ay katiyakan ng kabutihan ng kanyang itinuro at kawalang-takot sa pagpapahayag nito.”