Mga Turo ng mga Pangulo
Ang Buhay at Ministeryo ni David O. McKay


Ang Buhay at Ministeryo ni David O. McKay

Noong Abril 1951, sa edad na 77, si David Oman McKay ay naging ikasiyam na Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa loob ng halos 20 taon siya’y naglingkod bilang Pangulo, iginalang siya ng mga miyembro ng Simbahan at ng maraming tao sa buong daigdig bilang propeta ng Diyos. Sa paghimok niya sa mga miyembro ng Simbahan na taglayin ang katangiang tulad ng kay Cristo at ibahagi ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pagtuturo at halimbawa, ang Simbahan ay mabilis na lumago sa buong mundo. Bilang karagdagan sa kanyang mga turo, ang kanyang pisikal na kaanyuan ay nagdulot ng mabisang impresyon. Pagkakita sa kanya, maraming tao ang nagsabing hindi lamang siya nagsalita at kumilos na tulad ng isang propeta, kundi talagang mukha siyang propeta. Maging noong siya’y matanda na, siya’y matangkad, makisig, at makapal at alun-alon ang kanyang maputing buhok. Mababanaag sa kanyang anyo ang matuwid niyang pamumuhay.

Isang Pamana at Pagkabata na may Ulirang Mithiin

Sa kanyang mga turo bilang General Authority, madalas banggitin nang may pasasalamat ni David O. McKay ang pamana at halimbawang natanggap niya mula sa kanyang mga magulang. Ang pamilya ng kanyang ama, na si David McKay, ay sumapi sa Simbahan sa Thurso, Scotland, noong 1850. Noong 1856, naglakbay ang pamilya patungong Amerika at, matapos magtrabaho at mag-impok ng pera sa loob ng tatlong taon, tinawid nila ang kapatagan ng Utah, at dumating sa Salt Lake City noong Agosto 1859.1

Kasabay ng taon ng pagsapi ng mga McKay sa Simbahan sa Scotland (1850), tinanggap ng pamilya ng ina ni David O. McKay, na si Jennette Evans, ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa kalapit na lugar ng Merthyr Tydfil sa South Wales. Tulad ng pamilyang McKay, ang pamilyang Evans ay naglayag papuntang Amerika noong 1856 at dumating sa Utah noong 1859. Di nagtagal kapwa nanirahan ang dalawang pamilya sa Ogden, Utah, kung saan nagkakilala sina David McKay at Jennette Evans at umibig sa isa’t isa. Ikinasal sila ni Elder Wilford Woodruff sa Endowment House noong ika-9 ng Abril, 1867.2

Noong ika-8 ng Setyembre, 1873, isinilang sa maliit na bayan ng Huntsville sa Utah si David O. McKay—ang ikatlong anak at panganay na lalaki nina David at Jennette Evans McKay. Masaya ang kanyang kabataan ngunit may mga pagsubok din. Noong 1880, ang sunud-sunod na mga pangyayari ang sumubok at nagpatunay sa pananampalataya ng pamilya at maagang nagkaisip ang batang si David O. McKay. Ang dalawa niyang ate, sina Margaret at Ellena, ay magkasunod na namatay, ang isa’y dahil sa matinding lagnat at ang isa’y dahil sa pulmonya. Makalipas ang isang taon, nakatanggap ang kanyang ama ng tawag na magmisyon sa Scotland. Medyo atubili si David McKay sa pagtanggap sa tawag dahil ibig sabihin nito’y iiwan niyang mag-isa ang kanyang asawa (na malapit nang manganak) sa mga responsibilidad sa pamilya at sa bukirin. Gayunman, nang marinig ang tawag, matatag ang naging sagot ni Jennette: “Siyempre kailangan mong tanggapin; huwag mo akong alalahanin. Kaya namin ito ni David O.!”3 Sa panghihimok na ito at sa tulong ng mga kapitbahay at kamag-anak, tinanggap ni David McKay ang tawag. Ang mga salita niya ng pamamaalam sa pitong taong gulang na anak na si David O. ay “alagaan mo si Mama.”4

Dahil sa matalinong pangangasiwa ni Jennette McKay, sa sipag ng marami, at sa pagpapala ng Panginoon, ang bukirin ng mga McKay ay umunlad sa kabila ng dalawang taong pagkawala ni David McKay. Sa panahong ito, at sa buong buhay niya, maingat na binantayan ni Jennette McKay ang espirituwal na kapakanan ng mga bata: “Palaging may panalangin ng pamilya sa tahanan ng mga McKay, at nang maiwang mag-isa si Jennette kasama ng kanyang munting pamilya ay lalo itong naging mahalagang bahagi ng gawain sa araw-araw. Tinuruan si David [O.] na manalangin sa araw at gabi at nalaman niya ang kahalagahan ng mga pagpapala ng langit sa tahanan.”5

Palaging binabanggit ni Pangulong McKay ang kanyang ina bilang halimbawa na karapat-dapat pamarisan. Minsan ay sinabi niya: “Wala akong maisip na katangian ng babae na hindi tinaglay ng aking ina. … Para sa kanyang mga anak, at sa iba pang nakakakilala sa kanya nang lubos, siya’y maganda at kagalang-galang. Bagama’t matapang, siya’y mahinahon at mapagtimpi. Ang kanyang mga matang kulay tsokolate ay kaagad na nagpapahiwatig ng pagsilakbo ng damdamin na palagi naman niyang nakokontrol. … Sa magiliw, mapag-aruga, matiyagang pagmamahal, at katapatan sa tahanan at sa kawastuhan, para sa akin siya’y tila ubod [nang galing], kahit noong aking kabataan, at magpahanggang sa ngayon.”6

Nang tanungin si David O. McKay kung sino ang pinakadakilang taong nakilala niya, walang pag-aatubili ang sagot niyang, “Ang aking ama.”7 Nang makabalik galing sa misyon, ang kanyang ama ay naging bishop ng Eden Ward at ng Huntsville Ward mula 1883 hanggang 1905.8 Ibinahagi ni David McKay Sr. ang marami niyang karanasan at patotoo sa kanyang batang anak. Naalala pa ni Pangulong McKay: “Noong bata pa ako, naupo ako at nakinig sa patotoong iyon mula sa taong pinahalagahan at iginalang ko nang higit kanino pa man sa mundo, at ang katiyakang iyon ay nakintal sa aking murang isipan.”9 Ang kalakasan ng halimbawa at patotoo ng kanyang ama ang gumabay sa kanya habang nadaragdagan ang kanyang kaalaman sa katotohanan.

Sa pang-araw-araw na buhay, tinuruan si Pangulong McKay ng kanyang ama ng mga aral na nagpalakas sa kanya at naging bahagi ng kanyang mga turo bilang Apostol. Ikinuwento niya nang minsang nangunguha siya ng dayami kasama ng kanyang mga kapatid na lalaki. Ang ikasampung hakot ay ibibigay bilang alay na ikapu sa Simbahan. Sinabi ng ama ni David O. McKay sa kanyang mga anak na kunin ang ikasampung hakot sa mas mainam na lugar kaysa sa nauna nilang pinagkunan. Sabi ng kanyang ama, “Iyan ang ikasampung hakot, at dapat lang na pinakamainam ang para sa Diyos.” Makaraan ang maraming taon, sinabi ni David O. McKay na iyon ang “pinakamabisang sermon sa ikapu na narinig niya sa buong buhay niya.”10 Tinuruan din siya ng kanyang ama na igalang ang kababaihan. Sinabihan ni Pangulong McKay ang mga kabataan, “Naaalala ko pa ang payo ng aking ama noong binatilyo ako’t nagsisimula nang manligaw sa isang dalagita: ‘David, pakitunguhan mo ang dalagitang iyan gaya ng gusto mong maging pakikitungo ng sinumang binatilyo sa iyong kapatid.’ ”11

Sa dakong huli, habang naglilingkod bilang Pangulo ng Simbahan, ibinigay niya ang papugay na ito sa kanyang mga magulang: “Nagpapasalamat ako sa matalino at maingat na pag-aaruga at pagpapalaki ng dakilang mga magulang … pag-aarugang naglayo sa akin sa mga landas na maaaring nagbigay-daan sana sa kakaibang uri ng pamumuhay! Taun-taon ay nadaragdagan ang pasasalamat ko at pagmamahal sa malingap at itinatangi kong ina at dakila kong ama.”12

Kabataan

Noong siya’y binatilyo, tinawag si David O. McKay na maglingkod sa panguluhan ng korum ng mga deacon. Noong panahong iyon, tungkulin ng mga deacon sa ward na panatilihing malinis ang kapilya, magsibak ng kahoy para sa mga kalan ng kapilya, at tiyaking palaging may panggatong ang mga balo sa ward.13 Sinabi niya sa mga miyembro ng korum na “dama niyang hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin kapag nakakakita siya ng ibang mas may kakayahang gumanap dito, … [pero] nadama niyang kailangan niyang magpatuloy sa tulong ng Panginoon.”14 Ang ganitong pag-uugali ay tipikal sa kababaangloob na taglay niya sa pagtanggap ng mga tungkulin sa buong buhay niya.

Bilang anak ng bishop, nagkaroon siya ng pagkakataon na makilala ang mga lider ng Simbahan na dumadalaw sa tahanan ng pamilya. Minsan, noong Hulyo 1887, dumalaw si Patriarch John Smith at ibinigay sa kanya ang kanyang patriarchal blessing (13 taon noon si David O.). Pagkatapos ng basbas, inakbayan ni Patriarch Smith ang binatilyo at sinabing, “Anak, may gagawin ka pa maliban sa paglalaro ng holen.” Pagkaraan ay nagpunta si David sa kusina at sinabi sa kanyang ina, “Kung inaakala niyang titigil ako sa paglalaro ng holen, nagkakamali siya.” Itinabi ng ina ang kanyang ginagawa at sinikap na ipaliwanag ang ibig sabihin ni Brother Smith. Bagama’t hindi lubos na nauunawaan ni David O. McKay ni ng kanyang ina ang mangyayari sa hinaharap, ipinakita ng karanasang iyon na may nakalaang mas malaking gawain ang Panginoon para sa binatilyo.15

Sa kanyang buhay tinedyer, nanatili siyang aktibo sa paglilingkod sa Simbahan at patuloy na nadagdagan ang kaalaman at karanasan. Noong 1889, sa edad na 15, natawag siyang kalihim ng Sunday School sa Huntsville Ward, isang katungkulan na hinawakan niya hanggang 1893, nang tawagin siyang maging guro sa Sunday School.16 Ang kanyang dakilang pagmamahal sa Sunday School at sa pagtuturo ay magpapatuloy sa kanya habambuhay.

Edukasyon, Pagmimisyon, at Pag-aasawa

Minsan ay isinulat ni David O. McKay, “May tatlong dakilang kapanahunan sa buhay ng tao sa mundo, kung saan nakabatay ang kaligayahan niya dito at sa kawalang hanggan, [at ito’y ang], kanyang pagsilang, pag-aasawa, at pagpili ng trabaho.”17 Palibhasa’y mapalad na isinilang at lumaki sa mabuting pamilya, patuloy siyang nakinabang sa matatalinong desisyon na may kaugnayan sa kanyang edukasyon, propesyon, at sa huli’y sa pag-aasawa.

Nang makatapos siya ng ikawalong grado sa Huntsville, nagaral siya sa Weber Stake Academy sa Ogden sa loob ng dalawang taon. Pagkatapos noong pasukan ng taong 1893–94, sa edad na 20, nagbalik siya sa Huntsville at nagtrabaho bilang guro sa paaralang elementarya ng bayan. Sa panahong ito, nagregalo ang kanyang Lola Evans ng tig-$2, 500 sa bawat isa sa kanyang nabubuhay na mga anak. Kapos sa pera ang pamilyang McKay, at iminungkahi ng mga kapitbahay sa ina ni David O. McKay na si Jennette, na ipuhunan ang pera sa stocks. Gayunman, matatag niyang sinabi, “Bawat sentimo nito’y mapupunta sa pag-aaral ng aming mga anak.”18 Kung kaya’t noong taglagas ng 1894, siya at tatlo sa kanyang mga kapatid (Thomas E., Jeanette, at Annie) ay naglakbay papuntang Salt Lake City sakay ng bagon para magaral sa University of Utah. Ang bagon ay puno ng harina at mga garapon ng prutas at may hilang baka na ginagatasan.19

Ganito ang isinulat ng kanyang anak na si Llewelyn tungkol sa karanasan ni David O. McKay sa unibersidad: “Mahalaga ang pagaaral. Mabilis na natutuhang mahalin ang pag-aaral; nabuo ang matalik na mga pagkakaibigan; at lalong naragdagan ang kanyang pagpapahalaga. Naging pangulo siya ng kanyang klase at napiling valedictorian. … Masiglang nakisali sa mga palaro, naging right guard siya sa unang football team ng unibersidad. Ang pinakamagandang pangyayari sa panahong ito ay ang pagkikilala nila ni Emma Ray Riggs.”20

Sa ikalawang taon ng pag-aaral nila sa unibersidad, nangupahan ang mga estudyanteng McKay sa bahay ni Emma Robbins Riggs, ang ina ni Emma Ray Riggs. Isang araw, nakatayo sa may bintana ang mag-ina habang minamasdan ang pagdating nina David O. at Thomas E. McKay kasama ang kanilang ina. Nasabi ng ina ni Emma Ray na: “Hayan ang dalawang binata na magiging mabubuting asawa sa mapapalad na babae. Tingnan mo kung paano nila asikasuhin ang kanilang ina.” At ganito ang sinabi ni Emma Ray, “Gusto ko iyong kayumanggi, ” na si David O. McKay. Bagama’t paminsan-minsa’y nagkikita sila ni Emma Ray Riggs, mga ilang taon pa ang lumipas bago sila nagkaroon ng seryosong relasyon.21

Nang makatapos na siya ng pag-aaral sa unibersidad noong tagsibol ng 1897, si David O. McKay ay inalok na maging guro sa Salt Lake County. Natuwa siya sa trabahong iyon at gusto nang magsimulang kumita para makatulong sa kanyang pamilya. Gayunman, sa panahong ito niya natanggap ang tawag na magmisyon sa Great Britain.

Noong ika-1 ng Agosto 1897, siya’y itinalaga ni Pangulong Seymour B. Young para maglingkod bilang misyonero sa British Isles. Ang unang bahagi ng kanyang misyon ay ginugol sa Stirling, Scotland, kung saan mabagal at mahirap ang gawain. Masigasig niyang ginampanan ang kanyang trabaho at noong ika-9 ng Hunyo 1898, siya’y tinawag na mamuno sa mga misyonero sa Scotland. Pagkatanggap ng tawag, lumapit siya sa Panginoon para humingi ng tulong. Ang mga responsibilidad niya sa tungkuling ito ang nagpahusto sa kanyang kaisipan at nagbigay karanasan sa kanya at naghanda sa kanya para sa paglilingkod sa hinaharap.

Isa pang mahalagang pangyayari ang naganap mga tatlong buwan bago siya umuwi. Noong kanyang kabataan, madalas niyang ipinagdarasal na espirituwal na pagtibayin ang kanyang patotoo. Noong ika-29 ng Mayo 1899, dumalo siya sa di-malilimot na miting ng mga misyonero. Paggunita niya: “Tandang-tanda ko pa, parang kahapon lang, na napakalakas ng inspirasyon sa pagkakataong iyon. Nadama ng lahat ang saganang pagbuhos ng Espiritu ng Panginoon. Lahat ng naroon ay tunay na iisa ang puso at isipan. Noon lang ako nakadama nang gayon. Dahil nagdududa ako noong aking kabataan, iyo’y pagpapamalas na lihim kong idinarasal nang taimtim sa tabi ng burol at sa parang. Iyo’y katiyakan sa akin na ang taimtim na dalangin ay sasagutin balang araw, saan man.’ Sa pagpapatuloy ng miting, kusang tumayo ang isang elder at nagsabi, ‘Mga Kapatid, may mga anghel sa silid na ito.’ Bagama’t nakapagtataka, hindi nakakagulat ang sinabing iyon; sa katunayan, tila angkop nga iyon, bagama’t hindi ko naisip na may mga banal na nilikha roon nang sandaling iyon. Ang tanging alam ko’y nag-uumapaw ang aking pasasalamat sa presensya ng Banal na Espiritu.”22 Marangal na natapos ni Elder McKay ang kanyang misyon at ini-release siya noong Agosto 1899.

Habang nasa misyon ay nakipagsulatan siya kay Emma Ray Riggs, o “Ray, ” na magiliw na tawag niya rito (ito ang tawag sa kanya ng mga magulang dahil siya’y tila sinag ng araw). Nagsimula ang kanilang pagliligawan sa pagsusulatan mula sa Scotland at Salt Lake City. Natagpuan niya kay Emma ang taong kapantay niya sa lahat ng bagay, pati na sa talino, pino ng paguugali, at espirituwal na katangian.

Nagpatuloy siya sa pag-aaral habang nasa misyon si David O. McKay, at nang makatapos ng B.A. sa edukasyon, nagturo siya sa Madison School sa Ogden, Utah.23 Sa taglagas din ng taong 1899, naging guro siya sa Weber Stake Academy. Noong taong iyon, madalas silang magkita sa isang parke sa pagitan ng kanilang mga paaralan. Sa lugar na iyon, noong Disyembre 1900, niyaya niya si Emma na pakasal. Tanong ni Emma, “Sigurado kang ako ang para sa iyo?” Sinabi niyang sigurado siya.24 Noong ika-2 ng Enero 1901, sina Emma Ray Riggs at David O. McKay ang siyang unang magkasintahan sa ika-20 siglo na ikinasal sa Salt Lake Temple.

Isang Tanyag na Guro

Noong 1902, sa edad na 28, siya’y naging prinsipal ng Weber Stake Academy. Sa kabila ng maraming tungkuling administratibo, patuloy siyang naging aktibo sa pagtuturo sa mga estudyante. Nanatili siyang tapat sa pagtuturo sa buong buhay niya, naniniwala na “hindi lamang ginagawang magagaling na mathematician, linguistiko, siyentipiko, o manunulat at makata ng tunay na edukasyon ang mga lalaki’t babae, kundi ginagawa rin sila nitong matatapat, mabubuti, mapagtimpi, at mapagmahal na mga tao. Hangad din nitong gawing pinakapiling yaman ng matagumpay na buhay ang mga lalaki at babae na nagpapahalaga sa katotohanan, katarungan, karunungan, kabaitan, at kontrol sa sarili.”25

Naniniwala siya na mahalaga sa bawat isa ang edukasyon. Naglingkod siya bilang prinsipal noong kakaunting babae ang nakakatapos ng hayskul. Sa pagtalakay sa mahalagang papel na ginagampanan ng kababaihan, isinulat niya ang sumusunod: “Hindi masyadong binibigyang-diin ang papel na ginagampanan ng kababaihan sa paninirahan sa Western Empire. Dahil dito’y sinusunod lamang natin ang karaniwang nakaugalian ng mga tao sa lahat ng panahon. Mga babae ang bumabalikat sa mga gawaing-bahay, nagpapasan sa karamihan sa responsibilidad ng pagpapalaki ng pamilya, nagbibigay-sigla sa kanilang asawa at mga anak na lalaki para magtagumpay; at habang pinupuri ng publiko ang mga lalaki, ang mga asawang babae at ina na siyang dapat tumanggap ng papuri at parangal ay kuntento nang nakangiti sa nagawa nilang hindi naibabalita.”26 Habang nagtatrabaho sa Weber Stake Academy, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng edukasyon sa kalalakihan at kababaihan, at dumami ang mga babaing estudyante na nag-enrol noong kanyang panunungkulan.

Sa mga taon ng kanyang paglilingkod bilang propesyonal na guro at administrador sa Weber Stake Academy, naglingkod din siya sa panguluhan ng Sunday School sa Weber Stake, kung saan bumuo siya ng mga bagong programa. Nang tawagin siya sa panguluhan ng Sunday School, kaunti lamang ang utos na natatanggap ng organisasyon mula sa pangkalahatang pamunuan ng Simbahan. Bilang pangalawang assistant superintendent—na naatasan ng mga gawain sa klase—kaagad kumilos si David O. McKay para pagbutihin ang pagtuturo at pagkatuto sa klase sa pamamagitan ng paggamit ng mga paraan na natutuhan niya bilang propesyonal na guro. Ganito ang paglalarawan ng isang lider sa Sunday School tungkol sa kanyang gawain:

“Una’y tumawag siya ng mga lingguhang miting ng mga miyembro ng stake board. Sinanay niya ang mga miyembro sa pagbalangkas ng mga aralin at pagpili ng layunin (na tinatawag ngayong layunin) para sa bawat aralin. Sinanay niya sila sa pagbuo at paglalarawan ng layunin. Binigyang-diin niya ang paglalahad ng aralin at aplikasyon ng layunin sa buhay ng bawat bata. Ito’y sinundan ng buwanang … miting kung saan pinadadalo lahat ang mga guro at pinuno ng Sunday School sa ward, na nagbasa na ng mga araling ituturo. … Bilang resulta ng mga… miting na ito, umuuwi ang mga guro na ‘puno ng tala’ tungkol sa apat na aralin para sa darating na buwan. … Ang mga pulong [na ito] ay naging tanyag at mga 90 hanggang 100 porsiyento ang dumadalo sa bawat isa sa mga ito.”27

Mabilis kumalat ang balita tungkol sa malaking tagumpay ng Weber Stake Sunday School. Si Pangulong Joseph F. Smith, na noo’y naglilingkod din bilang pangkalahatang superintendent ng mga Sunday School, ay humanga sa mga bagong ideya ni David O. McKay hinggil sa pagtuturo at inimbitahan siyang sumulat ng lathalain para sa Juvenile Instructor, isang magasin sa Sunday School.28

Apostol ng Panginoon

Pagbibigay-diin sa Pagtuturo at Pagkatuto

Noong ika-9 ng Abril 1906, matapos maglingkod nang anim na taon sa Weber Stake Sunday School, siya’y inorden na Apostol sa edad na 32. Kaagad pagkatapos niyon, sinang-ayunan siya bilang pangalawang assistant sa General Sunday School superintendency. Kasunod niyon ay naging unang assistant siya noong 1909, at pangkalahatang superintendent mula 1918 hanggang 1934. Ang mga ideya ring ginamit niya sa Weber Stake Sunday School ang kaagad na ginamit ng buong Simbahan. Nang makitang kailangan ng magkakaparehong aralin, isinulat niya ang aklat na Ancient Apostles, na inihanda bilang isa sa mga unang manwal ng aralin sa Sunday School.

Ang pangalan ni Elder McKay ay naiugnay sa Sunday School noong naglilingkod pa siya sa Korum ng Labindalawa, at nagsusulat pa rin siya ng mga aralin para sa Sunday School nang siya’y maging Pangulo ng Simbahan. Sa pagsisikap na pagbutihin ang pagtuturo ng ebanghelyo, madalas siyang magtuon sa mga bata. Sa kanyang mga salita, ang mga bata ay “mula sa Ama na dalisay at walang-bahid-dungis, walang likas na kapintasan mula sa pagsilang o kahinaan. … Ang kanilang mga kaluluwa ay kasing-linis ng puting papel na sulatan ng mga mithiin o mga nakamtan sa buhay na ito.”29 Nakita niya na malaki ang papel ng Sunday School sa pagtuturo at paghubog ng pag-uugali ng mga bata at kabataan.

Paglalakbay sa Daigdig at Mission President ng Europa

Inihanda ng iba pang mga karanasan si David O. McKay para sa huli’y mamuno sa Simbahan sa buong daigdig. Noong Disyembre 1920, sila ni Elder Hugh J. Cannon, patnugot ng Improvement Era, ay itinalaga ni Pangulong Heber J. Grant at ng kanyang unang tagapayo, si Pangulong Anthon H. Lund, para maglibot sa lahat ng mga misyon at paaralan ng Simbahan sa buong daigdig. Sa paglilibot, na tumagal ng isang taon, tinatayang nalakbay nila ang 60, 000 milya (mahigit sa doble ng circumference ng mundo), na nagtuturo at nagpapala sa mga miyembro ng Simbahan sa buong daigdig. Sa kabila ng hirap gaya ng pagkahilo sa paglalakbay, pangungulila sa tahanan, at iba pang mga hamon sa paglalakbay, naging matagumpay ang misyon nila at nakauwi noong Bisperas ng Pasko ng 1921. Nang mga sumunod na araw pagdating nila, nag-ulat sila nang buong-buo kay Pangulong Grant at sila’y marangal na ini-release.30 Sa unang pangkalahatang kumperensya matapos silang makabalik, sinabi ni Pangulong Grant:

“Nagagalak ako na kapiling natin ngayon si Brother McKay. Nalibot ni Brother McKay ang buong daigdig simula noong huling kumperensya. Nabisita niya halos lahat ng misyon sa bawat panig ng mundo, at nakabalik, tulad ng ibang nakabalik na mga misyonero na humayo para ipangaral ang ebanghelyong ito at nakisalamuha sa mga tao ng daigdig at iba’t ibang relihiyon ng daigdig, na may dagdag na liwanag, kaalaman at patotoo sa kabanalan ng gawaing kinabibilangan natin.”31

Noong si Elder McKay na ang magsasalita sa kumperensya, ibinuod niya ang kanyang paglalakbay nang may malakas na patotoo: “Noong umalis kami ng tahanan, … naisip namin ang maraming problema at nag-alalang mabuti sa gagawin naming paglalakbay. … Ang bigat ng aming responsibilidad, na sapat na dahilan para isagawa ang hangarin ni Pangulong Grant at ng kanyang mga tagapayo at ng Labindalawa, na nagbigay dangal sa amin sa tungkuling iyon, ang nagtulak sa amin para magsumamo sa Panginoon higit kailanman sa aking buhay. Gusto kong sabihin ngayong hapon na ang mga pangakong ginawa ni Moises sa mga anak ni Israel bago sila tumawid ng Ilog Jordan patungo sa Lupang Pangako, ay natupad sa aming mga karanasan. Sa pagsamo namin sa Panginoon nang buong kaluluwa ay pinatnubayan at tinulungan Niya kami.”32

Pagkabalik na pagkabalik niya mula sa paglilibot sa daigdig, siya’y naging pangulo ng European Mission. Umalis siya papuntang Liverpool noong Nobyembre ng 1922. Sa tungkuling ito niya sinimulang ituro ang konseptong “bawat miyembro ay misyonero, ” na patuloy niyang binigyang-diin bilang Pangulo ng Simbahan. Bilang mission president, pinangkat niya ang mga misyonero, ang ilan sa mga ito ay naglalakbay na mga elder na tumutulong sa pagsasanay sa iba pang mga misyonero sa mas mahuhusay na paraan ng pagtuturo. Isa sa pinakamalalaki niyang hamon ang pagsagot sa mga negatibong ulat sa pahayagan. Personal siyang nakipag-ugnayan sa mga patnugot o editor at nakipagpaliwanagan sa kanila, humihiling ng patas na pagkakataon para mailahad ang katotohanan tungkol sa Simbahan. Tinanggihan ng ilang patnugot ang kanyang mga kahilingan, ngunit marami ang madaling tumanggap sa kanya.33 Ang galing niya sa pakikipag-ugnayan sa publiko ay naging malaking pagpapala sa Simbahan noong mission president pa siya at sa kanyang buong ministeryo.

Sinang-ayunan sa Unang Panguluhan

Noong taglagas ng 1934, siya’y sinang-ayunan bilang pangalawang tagapayo kay Pangulong Heber J. Grant. Si Pangulong J. Reuben Clark Jr., na naglilingkod bilang pangalawang tagapayo ni Pangulong Grant, ang naging unang tagapayo. Bagama’t matatag na sa kaalaman sa Simbahan si Pangulong McKay noong mapunta siya sa Unang Panguluhan, mapagpakumbaba pa rin siya nang sang-ayunan siya sa katungkulang iyon. Sinabi niya: “Hindi ko na kailangang sabihin na napakalaking responsibilidad nito. Nitong mga nakaraang araw ay hirap akong payapain ang aking kaisipan at damdamin. Ang kaligayahan, ang mabuting damdamin na dapat sana’y kaakibat ng mataas na katungkulang ito na dumating sa akin ay tila nadaraig ng kabigatang dulot ng kaalaman na malaking responsibilidad ang matawag sa Unang Panguluhan.”34 Sa kabila ng maraming taong paglilingkod bilang General Authority, inamin niya na “palagi akong nahihirapang magsalita sa maraming tao, ” dahil alam niya ang bigat ng kanyang mga responsibilidad.35

Sa mga unang taon ni Pangulong McKay sa Unang Panguluhan ay naranasan ng mga miyembro ang Malaking Kahirapan (Great Depression). Noong 1936, opisyal na ipinahayag ng Unang Panguluhan ang Church Security Program, na sa huli’y naging Church Welfare Program. Bilang malakas na tagapagtaguyod ng kapakanan, binigyang-diin ni Pangulong McKay na magkasing kahulugan ang espirituwalidad at kapakanan: “Mahalagang damitan ang mga nangangailangan ng kasuotan, bigyan ng sapat na pagkain ang mga taong halos walang makain, at bigyan ng magagawa ang mga nakikibaka sa kalungkutang dulot ng kawalan ng trabaho. Ngunit sa dakong huli, ang pinakadakilang pagpapala na manggagaling sa Church Security Plan ay espirituwal. Higit ang espirituwalidad na naipapakita sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap. Ang pinakamalaking espirituwal na pagpapala ay nagmumula sa pagtutulungan.”36

Nang mamatay si Pangulong Grant noong 1945, si George Albert Smith ang naging Pangulo ng Simbahan at tinawag si Pangulong McKay bilang kanyang pangalawang tagapayo. Nagpatuloy pa rin ang kanyang mga tungkulin tulad ng dati, na palaging may kasamang mga bagong oportunidad at hamon. Isa sa mga pinakamalaking proyektong ginawa niya ay ang pagkahirang bilang chairman ng ikasandaang taong pagdiriwang ng Utah, na kinapalooban ng maraming buwan ng pagpaplano sa kabila ng mabibigat niyang gawain. Ang pagdiriwang sa buong estado, na natapos noong Hulyo 1947, ay itinuring na napakalaking tagumpay. Narito ang ulat ng isang lokal na pahayagan:

“Si Rodney C. Richardson, Coordinator ng ikasandaang pagdiriwang ng California, ay dumating sa Salt Lake City para pag-aralan ang Utah Centennial, na, ayon sa kanya’y may pinakamainam na pagpaplano sa bansa. Ang kawalan ng pangangalakal para samantalahin ang pagdiriwang ay isa sa pinakatampok ng Utah Centennial. Ito’y tunay na naging makasaysayang pagdiriwang.’ ” Bilang dagdag sa papuring mula sa California, sumulat ang iba pang mga estado at humiling ng mga plano at iba pang literaturang may kaugnayan sa pagdiriwang.37

Nang magsimulang manghina si Pangulong George Albert Smith, nadagdagan ang mga responsibilidad ng kanyang dalawang tagapayo. Sa tagsibol ng 1951, nagpasiya si Pangulong McKay at ang kabiyak niyang si Emma Ray na magbiyahe mula Salt Lake City papuntang California dahil kailangan nilang magbakasyon. Nang tumigil sila sa St. George, Utah sa unang gabi, nagising si Pangulong McKay at malinaw na nadamang dapat siyang magbalik sa Salt Lake City. Makalipas ang ilang araw inatake sa puso si Pangulong George Albert Smith at namatay noong ika-4 ng Abril 1951.

Propeta ng Pandaigdigang Simbahan

Gawaing Misyonero at Paglago ng Simbahan

Matapos maglingkod sa loob ng 45 taon bilang Apostol, si David O. McKay ang naging pang-siyam na Pangulo ng Simbahan noong ika-9 ng Abril 1951, kasama sina Stephen L. Richards at J. Reuben Clark Jr. bilang mga tagapayo. Noong 1952, ipinaalam ng Unang Panguluhan ang unang opisyal na plano ng proselyting para sa mga full-time na misyonero. Layon ng programa na dagdagan ang pagiging epektibo ng mga full-time na misyonero sa pamamagitan ng pagbibigay ng standard outline (huwarang balangkas) ng mga talakayan na gagamitin sa pagtuturo ng mga investigator. Ang balangkas ay kinabibilangan ng limang talakayan na pinamagatang “The Book of Mormon, ” “Historical Basis for the Restoration, ” “Distinctive Doctrines of the Church, ” “Responsibilities of Church Membership, ” at “Becoming a Member of the Church.”38

Makaraan ang siyam na taon, noong 1961, idinaos niya ang unang seminar para sa lahat ng pangulo ng misyon. Tinuruan silang himukin ang mga pamilya, na kaibiganin o i-fellowship ang kanilang mga kaibigan at kapitbahay at pagkatapos ay paturuan ang mga taong ito sa mga misyonero sa kanilang mga tahanan.39 Sa pagbibigay-diin sa konseptong “bawat miyembro ay misyonero, ” hinikayat niya ang bawat miyembro na mangakong magdadala ng kahit isang bagong miyembro sa Simbahan bawat taon. Isang institute sa pagsasanay sa wika para sa bagong tawag na mga misyonero ang itinayo rin nang taong iyon. Dahil sa mga bagong pagkukusang ito, ang bilang ng mga miyembro ng Simbahan at ng mga full-time na misyonero ay mabilis na nadagdagan. Sa ilalim ng kanyang pangangasiwa, ang bilang ng mga stake ay mahigit pa sa doble (mga 500 marahil) nang mabuo ang mga bagong stake sa buong daigdig sa mga bansang tulad ng Argentina, Australia, Brazil, England, Germany, Guatemala, Mexico, sa Netherlands, Samoa, Scotland, Switzerland, Tonga, at Uruguay. Noon ding 1961, para maipagpatuloy ang malaking pagunlad na ito, ang mga miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu ay ginawang mga high priest upang sila ang mamuno sa mga kumperensya ng stake, at ang bagong katungkulan ng mga regional representative (kinatawan ng rehiyon) ng Labindalawa ay binuo noong 1967.

Mga Paglalakbay Bilang Pangulo

Mas malayo ang nalakbay ni Pangulong McKay kahit pagsamahin pa ang nalakbay ng mga nauna sa kanya. Noong 1952, sinimulan niya ang ilan sa mahahalagang biyahe—siyam-na-linggong biyahe papuntang Europa, kung saan dumalaw siya sa siyam na bansa at ilang misyon. Sa pagtigil sa Scotland, inilaan niya ang unang kapilya sa bansang iyon, na nasa Glasgow. Sa nalalabing biyahe ay nagdaos siya ng mga 50 pulong kasama ang mga miyembro ng Simbahan, nag-interbyu ng marami, at nakipag-usap sa mga opisyal ng maraming bansa.40 Noong 1954, naglakbay siya sa hiwalay na misyon sa South Africa, siya ang unang General Authority na dumalaw sa lugar na iyon. Sa ikalawang bahagi ng kanyang paglalakbay, dinalaw niya ang mga miyembro ng Simbahan sa South America. Noong 1955, dinalaw niya ang South Pacific, at sa tag-araw ng taon ding iyon, nagbalik siya sa Europa kasama ang Tabernacle Choir.

Dama niya na dahil sa paglalakbay niya’y “mas naunawaan ng mga miyembro ng Simbahan na hindi sila hiwalay na bahagi kundi sa katunayan ay bahagi ng Simbahan sa kabuuan.”41 Sa unang pagkakataon ay naging pandaigdigan ang Simbahan. Sinabi ni Pangulong McKay: “Pagpalain nawa ng Diyos ang Simbahan. Ito’y laganap sa buong daigdig. Dapat madama ng lahat ng bansa ang impluwensya nito. Nawa’y maimpluwensyahan ng kanyang diwa ang mga tao sa lahat ng dako at ituon ang kanilang puso sa mabuting hangarin at kapayapaan.”42

Dagdag na mga Templo

Habang nasa Europa noong 1952, nakipag-ayos siya para magtayo ng mga bagong templo, ang unang itatayo sa labas ng Estados Unidos at Canada. Ang Bern Switzerland Temple ay inilaan noong 1955, at ang London England Temple naman ay noong 1958. Noong siya pa ang pangulo ay nailaan din ang Los Angeles California Temple (1956), ang Hamilton New Zealand Temple (1958), at Oakland California Temple (1964). Sa ilalim ng kanyang pamamahala, pelikula ang ginamit sa mga endowment sa templo, kaya’t naging posible na matanggap ang ordenansa sa iba’t ibang wika.

Koordinasyon at Konsolidasyon

Noong 1960, inatasan ng Unang Panguluhan si Elder Harold B. Lee na bumuo ng Church Correlation, sa layon na pagtugmatugmain at pagsama-samahin ang mga programa ng Simbahan, bawasan ang pagtuturo ng iisang bagay sa magkakaibang programa, at dagdagan ang kahusayan at pagiging epektibo. Sa mensahe sa pangkalahatang kumperensya na nagbabalita tungkol sa hakbanging ito, sinabi ni Elder Lee: “Ito’y hakbang, na … nasa isipan ni Pangulong McKay at ngayon ay inuutusan tayo ng Pangulo ng Simbahan na sumulong, maging matatag, para maging mas mabisa at epektibo ang gawain ng priesthood, mga auxiliary, at iba pang yunit nang sa gayo’y makatipid tayo sa oras, lakas, at pagsisikap tungo sa pangunahing layunin ng pagkatatag ng Simbahan mismo.”43

Sugo ng Simbahan

Sa mga taong iba ang pananampalataya, si Pangulong McKay ay itinuring na mahalagang espirituwal na lider. Palagi siyang nakikipag-usap sa mga lider ng daigdig at mga opisyal ng lokal na pamahalaan. Dinalaw rin siya ng mga pangulo ng Estados Unidos, tulad nina Harry S. Truman, John F. Kennedy, at Dwight D. Eisenhower. Minsan, ang Pangulo ng Estados Unidos na si Lyndon B. Johnson, na madalas tumawag kay Pangulong McKay, ay inimbita siya sa Washington, D.C., para humingi ng personal na payo tungkol sa ilang isyu na bumabagabag sa kanya. Sa pagbisitang iyon, sinabi sa kanya ni Pangulong McKay: “Hayaan mong gabayan ka ng iyong konsiyensya. Ipakita mo sa mga tao na ikaw ay tapat, at susunod sila sa iyo.”44

Minamahal na Tagapagsalita at Lider

Simula pagkabata at sa buong buhay niya, pinag-aralan ni Pangulong McKay ang mga salita ng mga dakilang manunulat at madalas na nagtuturo mula sa mga talatang isinaulo niya. Halimbawa, sinabihan niya ang mga miyembro ng Simbahan: “Lumukso sa tuwa ang puso ni Wordsworth nang makakita siya ng bahaghari sa langit. Nagdugo ang puso ni Burns nang maararo niya ang isang daisy. Nakapipitas si Tennyson ng bulaklak mula sa mga ‘bitak sa pader, ’ at tinitingnan kung mababasa niya rito ang misteryo ng, ‘lahat ng kung ano ang Diyos at ang tao.’ Ipinakita nilang lahat sa atin, at ng iba pang mga dakilang tao, sa mga gawa ng kalikasan, ang gawa ng kamay ng Diyos.”45

Gustung-gustong naririnig ng mga miyembro ng Simbahan na nagsasalita si Pangulong McKay. Ang mga talumpati niya’y madalas kabilangan ng nagbibigay-siglang mga kuwento mula sa marami niyang mga karanasan, at palagi siyang nagpapatawa. Madalas niyang ikuwento ang delivery boy na nakipagkamay sa kanya bago siya sumakay sa elevator. Mabilis na tumakbong paakyat ang bata para batiin ang may-edad na propeta habang palabas siya sa kasunod na palapag. Sabi ng bata, “Gusto ko lang po kayong kamayan minsan pa bago kayo mamatay.”46

Binibigyang-diin ng kanyang mga pananalita sa pangkalahatang kumperensya ang kahalagahan ng tahanan at pamilya na siyang pinagmumulan ng kaligayahan at pinakatiyak na depensa laban sa mga pagsubok at tukso. Ang katagang, “walang ibang tagumpay na makahahalili sa kabiguan sa tahanan” ay madalas maulit kapag sinasabihan niya ang mga magulang na mag-ukol pa ng dagdag na oras sa kanilang mga anak at turuan sila ng tamang pag-uugali at integridad. Itinuro niya, “Ang mga dalisay na puso sa dalisay na tahanan ay isang bulong lamang ang layo sa langit.”47 Tinawag niya ang tahanan na “pangunahing yunit ng lipunan” at ipinahayag na “ang pagiging magulang ay kasunod ng pagiging Diyos.”48

Nagsalita siya tungkol sa kabanalan ng kasal at madalas tukuyin ang pagmamahal na nadarama niya para sa kanyang pamilya at sa asawa niyang si Emma Ray. Ang pagsasama nila nang mahigit 60 taon ay naging huwarang pagsasama sa kasunod na mga salinlahi ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nagpayo siyang, “Turuan natin ang kabataan na ang ugnayang mag-asawa ang pinakasagradong obligasyon ng tao, o na magagawa ng tao.”49

Nang magsimula siyang manghina sa kalagitnaan ng 1960s, madalas na siyang naka-wheelchair at tumawag ng karagdagang mga tagapayo sa Unang Panguluhan. Kahit mahina na ang kanyang katawan, patuloy niyang pinangasiwaan ang mga gawain ng Simbahan at nagturo, namuno, at nagbigay-inspirasyon. Hindi nagtagal bago siya namatay, nagsalita siya sa isang pulong sa Salt Lake Temple kasama ang mga General Authority ng Simbahan. Ganito ang paggunita ni Elder Boyd K. Packer, na naroon sa pulong:

“Nagsalita si [Pangulong McKay] tungkol sa mga ordenansa ng templo at kalaunan ay binanggit ang mga seremonya. Ipinaliwanag niya sa amin ang mga ito. (Tama lang ito, dahil nasa loob naman kami ng templo.) Pagkatapos niyang magsalita, tumigil siya at nakatayong nakatitig sa kisame habang nagiisip na mabuti.

“Naaalala ko na magkahawak nang mahigpit ang malalaki niyang kamay sa kanyang harapan. Nakatayo siyang nakatitig na gaya ng ibang tao kung minsan habang nag-iisip nang malalim. Pagkatapos ay nagsalita siya: ‘Mga Kapatid, sa tingin ko’y nauunawaan ko na rin sa wakas.’

“Narito siya, ang propeta—isang Apostol sa loob ng mahigit kalahating siglo at kahit gayon ay natututo pa rin siya, umuunlad. Ang salita niyang ‘sa tingin ko’y nauunawaan ko na rin sa wakas, ’ ay nagbibigay kapanatagan sa akin.”50 Kahit malawak ang pang-unawa niya sa ebanghelyo at karanasan niya sa Simbahan, mapagpakumbabang naunawaan ni Pangulong McKay na maaari pa rin siyang matuto at makatutuklas pa ng mas malalalim na kahulugan.

Matapos maglingkod bilang propeta ng Panginoon sa loob ng halos 20 taon, si Pangulong David O. McKay ay namatay noong ika-18 ng Enero 1970 sa Salt Lake City, Utah, at nasa tabi ng kanyang higaan ang kanyang asawang si Emma Ray, at ang lima sa kanyang mga anak. Sa isang parangal sa kanya, sinabi ni Pangulong Harold B. Lee na naiwan niyang “mas mayaman ang daigdig at mas maluwalhati ang langit dahil sa mga kayamanang naidulot niya sa mga ito.”51 Tungkol sa pamanang iniwan ni David O. McKay, sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith, na humalili sa kanya, na: “Siya’y taong napakalakas sa espirituwal, sadyang isinilang upang maging lider ng mga tao, at mahal na mahal ng kanyang mga tao at iginagalang ng daigdig. Sa mga darating pang panahon ay titindig ang mga tao at pagpapalain ang kanyang pangalan.”52

Mga Tala

  1. Tingnan sa Jeanette McKay Morrell, Highlights in the Life of President David O. McKay (1966), 6–8.

  2. Tingnan sa Highlights in the Life of President David O. McKay, 8–10.

  3. Llewelyn R. McKay, Home Memories of President David O. McKay (1956), 6.

  4. Tingnan sa Highlights in the Life of President David O. McKay, 22–23.

  5. Tingnan sa Highlights in the Life of President David O. McKay, 24–25.

  6. Bryant S. Hinckley, “Greatness in Men: David O. McKay, ” Improvement Era, Mayo 1932, 391; binago ang pagtatalata.

  7. Jay M. Todd at Albert L. Zobell Jr., “David O. McKay, 1873–1970, ” Improvement Era, Peb. 1970, 12.

  8. Tingnan sa Francis M. Gibbons, David O. McKay: Apostle to the World, Prophet of God (1986), 12–13.

  9. “Peace through the Gospel of Christ, ” Improvement Era, Mar. 1921, 405–6.

  10. Tingnan sa Cherished Experiences from the Writings of President David O. McKay, tinipon, Clare Middlemiss, binagong edisyon (1976), 8–9.

  11. Gospel Ideals (1953), 459.

  12. “Expressions of Gratitude and the Importance and Necessity for the Conservation and Training of Youth, ” The Instructor, Nob. 1966, 413.

  13. Tingnan sa Highlights in the Life of President David O. McKay, 28.

  14. Leland H. Monson, “David O. McKay Was a Deacon, Too, ” Instructor, Set. 1962, 299.

  15. Tingnan sa Highlights in the Life of President David O. McKay, 26.

  16. Tingnan sa Highlights in the Life of President David O. McKay, 28.

  17. David Lawrence McKay, My Father, David O. McKay (1989), 120.

  18. Tingnan sa Highlights in the Life of President David O. McKay, 31.

  19. Tingnan sa Home Memories of President David O. McKay, 8–9.

  20. Home Memories of President David O. McKay, 9.

  21. Tingnan sa My Father, David O. McKay, 1–2.

  22. Tingnan sa Cherished Experiences from the Writings of President David O. McKay, 4–5; binago ang pagtatalata.

  23. Tingnan sa Home Memories of President David O. McKay, 171.

  24. Tingnan sa My Father, David O. McKay, 4–6.

  25. Treasures of Life, tinipon, Clare Middlemiss (1962), 472.

  26. “Pioneer Women, Heroines of the World, ” Instructor, Hulyo 1961, 217.

  27. George R. Hill, “President David O. McKay … Father of the Modern Sunday School, ” Instructor, Set. 1960, 314; binago ang pagtatalata.

  28. Tingnan sa Instructor, Set. 1960, 314; tingnan din sa “The Lesson Aim: How to Select It; How to Develop It; How to Apply It, ” Juvenile Instructor, Abr. 1905, 242–45.

  29. “The Sunday School Looks Forward, ” Improvement Era, Dis. 1949, 804.

  30. Tingnan sa Highlights in the Life of President David O. McKay, 66–72.

  31. Sa Conference Report, Abr. 1922, 16.

  32. Sa Conference Report, Abr. 1922, 63.

  33. Tingnan sa Keith Terry, David O. McKay: Prophet of Love (1980), 89–93.

  34. Sa Conference Report, Okt. 1934, 89–90.

  35. Sa Conference Report, Okt. 1949, 116.

  36. Pathways to Happiness, tinipon, Llewelyn R. McKay (1957), 377; binago ang pagtatalata.

  37. Tingnan sa Highlights in the Life of President David O. McKay, 95–96.

  38. Tingnan sa Deseret News, bahaging Church, ika-9 ng Abr. 1952, 9.

  39. Tingnan sa “Every Member a Missionary, ” Improvement Era, Okt. 1961, 709–11, 730–31.

  40. Tingnan sa My Father, David O. McKay, 217–37.

  41. Gospel Ideals (1953), 579.

  42. Sa Conference Report, Okt. 1952, 12.

  43. Sa Conference Report, Okt. 1961, 81.

  44. Tingnan sa Highlights in the Life of President David O. McKay, 262–66.

  45. Sa Conference Report, Okt. 1908, 108.

  46. Tingnan sa David O. McKay: Apostle to the World, Prophet of God, 232–33.

  47. Sa Conference Report, Abr. 1964, 5.

  48. Pathways to Happiness, 117.

  49. Pathways to Happiness, 113.

  50. The Holy Temple (1980), 263.

  51. Stand Ye in Holy Places: Selected Sermons and Writings of President Harold B. Lee (1975), 178.

  52. Sa Conference Report, Abr. 1970, 4.

Emma McKay

Ang relasyon sa pagitan nina Pangulong McKay at ng kanyang asawang si Emma Ray Riggs McKay (nakapakita sa itaas), ay nagsilbing huwaran na maaaring pamarisan ng mga miyembro ng Simbahan.