Kabanata 4
Mga Elemento ng Pagsamba
Dalangin ko na magkaroon tayo ng lakas na mamuhay sa paraan na magiging marapat tayo sa banal na patnubay at inspirasyon; na sa pagsamba, meditasyon, pakikipag-ugnayan, at paggalang ay madama nating totoong kaya nating maging malapit sa ating Ama sa langit. Nagpapatotoo ako sa inyo na ito’y totoo; na maaari tayong makipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit.1
Panimula
Noong bata pa siya nadama ni David O. McKay ang kapayapaan na dumarating sa pakikipag-ugnayan sa Diyos. “Gabi noon at habang [nakahiga] ako, ” paggunita niya, “ay nanginginig ako sa takot. Dahil bata pa ay talagang takot ako noon sa dilim, at madalas habang nakahiga ako’y naiisip ko na baka may mga magnanakaw, may ‘mumo, ’ at mga di nakikitang impluwensya. Kaya’t takot na takot akong nahiga ng gabing iyon; ngunit naituro sa akin na sinasagot ng Diyos ang dasal. Nilakasan ko ang loob ko at nagbangon mula sa higaan, lumuhod sa gitna ng kadiliman, at nagdasal sa Diyos na alisin ang takot na nadarama ko; at malinaw kong narinig, tulad ng pagkarinig ninyo sa akin ngayong hapon, “Huwag kang matakot; walang mananakit sa iyo.’ Maaaring sabihin ng ilan na—‘imahinasyon ko lang iyon.’ Kahit ano pa ang sabihin ninyo, alam kong nadama ng kaluluwa ko ang matamis na kapayapaang dulot ng nasagot na dalangin ng isang bata. Iyan ang pananampalatayang nakakintal sa isipan ng [mga bata] sa bawat tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa buong lupain. Sa tingin ko kapag ang mga bata ay pinalaking malapit sa ating Ama sa Langit ay hindi gaano ang kasalanan at kasamaan sa tahanang iyon.”2
Bilang dagdag sa hangaring “makipag-ugnayan sa Diyos”3 noong nag-iisa siya’y nagagalak si Pangulong McKay sa pagsamba kasama ang iba pang mga Banal sa mga Huling Araw. Ikinuwento niya ang isang karanasang di malilimutan sa isang pulong ng Simbahan:
“Isa sa mga di ko malilimot na serbisyong dinaluhan ko ay sa grupo ng mahigit walong daang katao na tumanggap ng sakrament, at habang idinaraos ito ay walang maririnig na ingay maliban sa pag-tik-tak ng relo—walong daang kaluluwa, na bawat isa kahit paano’y nagkaroon ng pagkakataong makipag-ugnayan sa Panginoon. Walang panggagambala, walang orkestra, walang awitan, walang nagsasalita. Bawat isa ay nagkaroon ng pagkakataong suriing mabuti ang kanyang sarili at tingnan kung karapat-dapat siya o hindi na makibahagi ng sakrament. Nagkaroon siya ng pribilehiyong mapalapit sa kanyang Ama sa langit. Napakaganda!”4
Hinimok ni Pangulong McKay ang lahat ng Banal sa mga Huling Araw na ipagpatuloy ito sa kanilang serbisyo ng pagsamba at sa personal nilang buhay. Sabi niya, “Ang pakikipag-ugnayan sa Diyos, sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu, ang isa sa mga pinakadakilang mithiin ng buhay.”5
Mga Turo ni David O. McKay
Ang pagpipitagan ay matinding paggalang na may kahalong pagmamahal.
Ang bagay na hindi mawawala sa pagtanggap na buhay ang Diyos ay ang pagpipitagan, na gusto kong bigyang pansin ngayon ng buong Simbahan. Ang pinakadakilang pagpapamalas ng espirituwalidad ay ang pagpipitagan; katunayan, ang pagpipitagan ay espirituwalidad. Ang pagpipitagan ay matinding paggalang na may kahalong pagmamahal. Ito’y “mahirap unawaing emosyon na binubuo ng sari-saring damdamin ng kaluluwa.” Sinabi ng [isang manunulat] na ito “ang pinakamataas na damdamin ng tao.” Nasabi ko na sa lahat ng dako na kung pagpipitagan ang pinakamataas, ibig sabihin ang kawalang pitagan ang pinakamababang antas na maaaring ipamuhay ng tao sa daigdig. …
Kasama sa pagpipitagan ang pagbibigay pansin, pag-ayon, paggalang, at pagpapahalaga. Samakatwid, kung wala kahit katiting nito ay wala ring paggalang, walang kabutihang-asal, walang konsiderasyon sa damdamin ng iba, o sa karapatan ng iba. Ang pagpipitagan ay mahalagang katangian sa relihiyon. Ito’y “isa sa mga tanda ng kalakasan; ang kawalang pitagan ay isa sa mga pinakatiyak na pahiwatig ng kahinaan. Hindi uunlad ang sinuman, ” sabi ng isang tao, “na kumukutya sa mga sagradong bagay. Ang mga katapatan sa buhay, ” sabi pa niya, “ay kailangang pagpitaganan dahil kung hindi ay tatanggihan ang mga ito sa araw ng paglilitis.”
Mga magulang, ang Pagpipitagan, tulad ng pagmamahal sa kapwa, ay nagsisimula sa tahanan. Sa musmos na gulang ay dapat nang turuan ang mga bata na maging mapitagan—magalang sa bawat isa, sa mga dayuhan at bisita—magalang sa mga may-edad na at may kapansanan—mapitagan sa mga sagradong bagay, sa mga magulang at sa pagmamahal ng magulang.
Tatlong impluwensya sa buhay sa tahanan ang pumupukaw sa pagiging mapitagan ng mga bata at tumutulong sa pag-unlad ng kanilang kaluluwa. Ito ay: una, matatag ngunit Magiliw na Pagpatnubay; pangalawa, Paggalang na ipinakikita ng mga magulang sa bawat isa, at sa mga anak; at pangatlo, Panalangin kung saan kasama ang mga bata. Sa bawat tahanan sa Simbahang ito ay dapat sikapin ng mga magulang na kumilos sa matalinong paraan sa pagkikintal ng tatlong mahahalagang bagay na ito sa isipan ng kanilang mga anak.6
Pagpipitagan ang nagtutuon ng isipan sa Diyos. Kung wala nito ay walang relihiyon.7
Para sa akin ang pagpipitagan ay isa sa mga pinakamainam na katangian ng kaluluwa. Ang taong walang pitagan ay taong walang pinaniniwalaan. …
Ang pagpipitagan ay nagpapahiwatig ng mataas na kultura, at totoong pananampalataya sa Maykapal at sa kanyang kabutihan.8
Dama kong pagpipitagan ang susunod sa pagmamahal. Una itong binanggit ni Jesus sa panalangin ng Panginoon: “Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo. … ” [Mateo 6:9.] Sambahin—gawing banal—pagpitaganan.9
Kung may dagdag na pitagan sa puso ng mga tao, mababawasan na ang kasalanan at pighati at madaragdagan ang kagalakan at kaligayahan. Upang lalong mapamahal, lalong maangkop, maging mas nakaaakit, ang hiyas na ito sa gitna ng nagniningning na kabutihan ay proyektong karapat-dapat sa lubos na nagkakaisa at puno ng panalanging pagsisikap ng bawat opisyal, magulang, at miyembro ng Simbahan.10
Ang meditasyon ay humahantong sa espirituwal na pakikipag-ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
Hindi natin masyadong pansin ang kahalagahan ng meditasyon, isang prinsipyo ng katapatan. May dalawang elemento ang ating pagsamba: Ang isa ay ang espirituwal na pakikipag-ugnayan na nagmumula sa ating sariling meditasyon; ang isa pa ay pagtuturo ng iba, lalo na ng mga may awtoridad na umakay at magturo sa atin. Sa dalawang ito, ang mas kapaki-pakinabang sa ating pagkatao ay ang meditasyon. Meditasyon ang lengguwahe ng kaluluwa. Ito’y isang “uri ng debosyon ng isang tao, o espirituwal na gawain, na kinapapalooban ng malalim at patuloy na pagmumuni sa isang paksa ukol sa relihiyon.” Ang meditasyon ay isang uri ng panalangin. …
Ang meditasyon ay isa sa mga pinakalihim, pinakasagradong pintuan na dinaraanan natin papunta sa kinaroroonan ng Panginoon. Ipinakita sa atin ni Jesus ang halimbawa. Matapos Siyang mabinyagan at matanggap ang pahintulot ng Ama, “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan, ” [Mateo 3:17] si Jesus ay [nagpunta] sa tinatawag ngayon na bundok ng tukso. Gusto kong isipin na ito ang bundok ng meditasyon kung saan, sa loob ng apatnapung araw ng pag-aayuno ay nakipagugnayan siya sa kanyang sarili at sa kanyang Ama, at inisip nang mabuti ang responsibilidad ng kanyang dakilang misyon. Ang isang bunga ng ganitong espirituwal na pakikipag-ugnayan ay ang lakas na nagbigay-daan para masabi niya sa manunukso:
“… Humayo ka, Satanas: sapagka’t nasusulat, Sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.” (Mat. 4:10.)
Bago niya ibigay … ang magandang sermon sa bundok, siya’y mag-isang nakipag-ugnayan. Gayundin ang ginawa niya matapos ang abalang araw na iyon ng Sabbath, nang maaga siyang gumising, matapos siyang maging bisita ni Pedro. Walang-dudang nakita ni Pedro na wala ng tao sa silid, at nang hanapin nila si [Jesus] nakita nila siyang nag-iisa. Nang umagang iyon sinabi ni Pedro na:
“… Hinahanap ka ng lahat.” (Marcos 1:37.)
Muli, matapos pakainin ni Jesus ang limang libo ay sinabi niya sa Labindalawa na pauwiin na ang mga tao, at nagpunta si Jesus sa bundok para mapag-isa. Sinabi ng mananalaysay, “nang gumabi na, ay siya’y nagiisa doon.” (Mat. 14:23.) Meditasyon! Panalangin!11
Gawin nating sentro ng ating buhay ang Diyos. … Ang pakikipag-ugnayan sa Diyos, sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu, ang isa sa mga pinakadakilang mithiin ng buhay. Kapag ang kapayapaan at pag-ibig ng Diyos ay pumasok sa kaluluwa habang naglilingkod tayo, ito’y nagiging panghikayat sa buhay at pag-iral ng tao.12
Nagpupunta tayo sa bahay ng Panginoon para makipag-ugnayan sa Kanya sa espiritu.
Pumapasok tayo sa kapilya para sambahin ang Panginoon. Gusto nating makabahagi ng kanyang Espiritu, at sa pakikibahagi ng kanyang Espiritu ay nagkakaroon tayo ng espirituwal na kalakasan.13
Ang mga simbahan ay inilalaan at itinatalaga bilang mga sambahan. Siyempre ibig sabihin nito ang lahat ng papasok dito ay sasamba, o kahit paano ay magkukunwaring sumasamba, sa layon na lalong mapalapit sa kinaroroonan ng Panginoon kaysa kapag sila’y nasa lansangan o nababagabag ng mga gawain sa araw-araw. Sa madaling salita, nagpupunta tayo sa bahay ng Panginoon para makipagkita sa kanya at makipag-ugnayan sa kanya sa espiritu. Dahil dito ang gayong tagpuan ay dapat maging akma at angkop sa lahat ng aspeto, kahit ang Diyos ang siyang itinuturing na bisita, o kaya’y ang taong sumasamba ang kanyang bisita.
Kung ang tagpuan man ay sa simpleng kapilya o kaya’y sa “napakagandang gusali” na yari sa puting marmol na nalalatagan ng mga mamahaling bato, hindi na ito mahalaga pa sa paglapit o pakikitungo natin sa Diyos na Walang Hanggan. Ang malaman na naroon ang Diyos ay dapat sapat na para magtulak sa atin na maging maayos at mapitagan sa ating mga kilos.
Hinggil dito, bilang mga miyembro ng Simbahan sa ating pulong sa pagsamba, ay marami pa tayong dapat pagbutihin. Ang mga namumunong awtoridad sa stake, ward, at mga pulong ng korum, at lalo na ang mga guro sa klase, ay dapat magsikap na mabuti para manatili ang kaayusan at maging mas mapitagan ang mga oras ng pagsamba at pag-aaral. Ang hindi pag-uusap ng mga nakaupo sa harapan ay magiging kapaki-pakinabang sa kongregasyon. Sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin, dapat ikintal sa isip ng mga bata na hindi angkop ang pagkalito at kaguluhan sa sumasambang kongregasyon. Dapat ikintal sa isip nila habang bata pa, at bigyang-diin ito sa mga kabataan, na kawalang-galang ang magsalita o kahit bumulong man lamang kapag may nagsesermon, at ito’y kabastusan, maliban kung hindi maiiwasan, ang lumabas nang hindi pa ito natatapos.14
May dalawang layunin sa pagtatayo ng bawat kapilya: una, upang maging lugar ito kung saan lahat ay sasanayin sa paraan ng Diyos, at pangalawa, upang dito ay luwalhatiin ng lahat ang ating Ama sa langit na walang ibang hiling sa kanyang mga anak maliban sa sila’y maging mga kalalakihan at kababaihang may mararangal na pagkatao upang makabalik sa kanyang piling.15
Kapag pumapasok kayo sa isang gusali ng Simbahan, pumapasok kayo sa kinaroroonan ng ating Ama sa langit; at dapat na sapat nang dahilan para sa inyo ang kaisipang iyan upang ihanda ang inyong puso, isipan, at maging ang inyong pananamit, upang kayo ay maging akma at angkop na umupo sa kanyang kinaroroonan.16
Huwag nating gawing pista-opisyal ang Linggo. Banal ang araw na ito, at sa araw na ito ay dapat tayong pumunta sa bahay ng dalanginan at hanapin ang ating Diyos. Kung hahanapin natin siya sa araw ng Sabbath, makakapiling natin siya sa araw na iyon, hindi na tayo mahihirapan pang makapiling siya sa mga susunod na araw ng linggo.17
Ang sakrament ay nagbibigay ng pagkakataon para makipag-ugnayan sa Panginoon.
Ang pinakamalaking kapanatagan sa buhay na ito ay ang katiyakan na malapit tayo sa Diyos. … Ang oras ng sakrament ay dapat isa sa mga pampukaw sa ganitong uri ng ugnayan.
“ … ang Panginoong Jesus nang gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay:
“At nang siya’y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at sinabi, Ito’y aking katawan na pinagputolputol dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.
“At gayon din naman hinawakan ang saro pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito’y siyang bagong tipan sa aking dugo: gawin ninyo ito sa tuwing kayo’y magsisiinom, sa pagaalaala sa akin.
“Sapagka’t sa tuwing kanin ninyo ang tinapay na ito, at inuman ninyo ang saro, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating siya.
“Kaya’t ang sinomang kumain ng tinapay, o uminom sa saro ng Panginoon, na di nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon.
“Datapuwa’t siyasatin ng tao ang kaniyang sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa saro.” [I Mga Taga Corinto 11:23–28.]
Walang ibang sagradong ordenansa na pinangangasiwaan sa Simbahan ni Cristo maliban sa pangangasiwa ng sakrament. …
May tatlong bagay na napakahalaga na may kaugnayan sa pangangasiwa ng sakrament. Ang una ay ang pag-unawa sa sarili. Ito’y pagsusuri ng kaisipan at damdamin. “Gawin ito bilang pagalaala sa akin, ” ngunit dapat marapat tayong makibahagi, suriin ang sarili na isinasaalang-alang ang pagiging marapat nito.
Pangalawa, may pakikipagtipan; isang tipan na higit pa sa isang pangako. … Wala nang hihigit pa riyan sa buhay na ito. … Ang tipan, ang pangako, ay dapat maging sagrado tulad ng buhay. Ang alintunting iyan ay kasama tuwing Linggo kapag nakikibahagi tayo ng sakrament.
Pangatlo, may isa pang pagpapala, at iyan ay ang pagiging malapit sa Panginoon. May pagkakataong makipag-ugnayan sa sarili at sa Panginoon. Nagpupulong tayo sa bahay na inilaan sa kanya; ipinagkatiwala na natin ito sa kanya; tinatawag natin itong bahay niya. Makatitiyak kayong naroon siya para tayo’y bigyang inspirasyon kung makikipagkita tayo sa kanya nang may wastong saloobin. Hindi tayo handang makipagkita sa kanya kung dala natin sa silid na iyon ang kaisipan tungkol sa ating negosyo, gawain, at lalo na kung dala natin sa bahay-dalanginan ang damdamin ng pagkapoot sa ating kapwa, o galit at inggit sa mga Awtoridad ng Simbahan. Natitiyak kong walang sinumang taong makaaasa na lumapit sa Ama kung taglay niya ang gayong damdamin. Kabaligtaran ito ng pagsamba, lalo na ng pakikibahagi ng sakrament. …
Naniniwala ako na ang sandaling panahon ng pangangasiwa sa sakrament ay isa sa ating pinakamaiinam na pagkakataon para sa … meditasyon, at walang dapat makaagaw ng ating pansin sa sagradong oras na iyon mula sa layunin ng ordenansang iyon. …
… [Kailangan] nating dagdagan ang pagpipitagan at perpektong kaayusan sa sagradong ordenansang ito, para maisip na mabuti ng bawat dumarating sa bahay ng Diyos ang kanyang kabutihan at tahimik at mapanalanging magpakita ng pasasalamat sa kabutihan ng Diyos. Hayaan ang oras ng sakrament na maging karanasan sa maghapon kung saan sinisikap kahit paano ng sumasamba na tanggapin sa kanyang sarili na posible siyang makipag-ugnayan sa kanyang Diyos.
Nagaganap ang mga dakilang pangyayari sa Simbahang ito dahil sa gayong pakikipag-ugnayan, dahil sa pagtugon ng kaluluwa sa inspirasyon ng Makapangyarihan. Alam kong totoo ito. Taglay ni Pangulong Wilford Woodruff ang kaloob na ito. Nakatutugon siya; kilala niya ang “marahan at banayad na tinig” na dayuhan pa rin sa ilan. Makikita ninyo na kapag dumating sa inyo ang mga nagbibigay-inspirasyong sandaling ito, kayo’y nag-iisa at Diyos lamang ang inyong kasama. Marahil darating ito sa inyo kapag nahaharap kayo sa malaking pagsubok, kapag may pader sa inyong daanan, at tila napakahirap lampasan ang balakid, o kapag nabibigatan ang inyong puso dahil sa ilang trahedya sa inyong buhay. Inuulit ko, ang pinakadakilang kapanatagan na mapasasaatin sa buhay na ito ay ang malaman na nakikipag-ugnayan tayo sa Diyos. Dakila ang mga patotoong dumarating sa mga sandaling ito. …
… Kapag hindi na ninyo iniisip ang tungkol dito, makikita ninyo na sa pangangasiwa ng sakrament ay walang ibang mahalaga kundi ang alalahanin ang ating Panginoon at Tagapagligtas. Walang dapat pagtuunan ng pansin kundi ang kahalagahan ng pangakong ginagawa natin. Bakit tayo gagambalain ng anupaman? May hihigit pa ba rito? Pinatutunayan natin doon, sa harapan ng bawat isa, at sa kanya, na ating Ama, na handa tayong taglayin ang pangalan ni Cristo, na lagi natin siyang aalalahanin, tuwina, na susundin natin ang mga utos na ibinigay niya sa atin. Magagawa mo ba, o ng sinumang nabubuhay, na mag-iisip sandali, na magbigay sa atin ng anumang bagay na mas sagrado at mas tumatagal ang epekto sa ating buhay? Kung basta-basta lamang tayo tumatanggap nito, hindi tayo tapat, o sabihin nating, hinahayaan nating magambala ang ating kaisipan sa napakasagradong ordenansa. …
… Gawin natin ang oras ng sakrament na isa sa mga makapukaw-damdaming paraan ng pakikipag-ugnayan sa espiritu ng Diyos. Hayaan nating ang Espiritu Santo, na kaloob sa atin, ang umakay sa atin patungo sa kanyang piling, at nawa’y madama natin na malapit tayo, at mag-alay ng panalangin sa ating puso na kanyang diringgin.18
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Ano ang ibig sabihin ng “pagpipitagan”? (Tingnan sa mga pahina 35–37.) Sa paanong paraan higit pa sa pagiging tahimik ang pagpipitagan? Paano tayo magkakaroon ng ganitong “matinding paggalang na may kahalong pagmamahal”?
-
Paano natin maituturo ang alituntunin ng pagpipitagan sa ating mga tahanan at sa simbahan? (Tingnan sa mga pahina 36, 38–39.)
-
Bakit mahirap kung minsan na humanap ng panahon para mapagnilay-nilay ang mga bagay na ukol sa Diyos? Ano ang magagawa natin para magkaroon ng panahon para sa meditasyon? Anu-anong pagpapala ang matatanggap natin bilang bunga ng ating meditasyon? (Tingnan sa mga pahina 35–37, 40–42.)
-
Ano ang magagawa natin upang maihanda ang ating sarili na “magpunta sa bahay ng Panginoon … [at] makipag-ugnayan sa kanya sa espiritu”? (Tingnan sa mga pahina 38–42.) Paano natin maihahanda ang ating sarili sa pakikibahagi ng sakrament? (Tingnan sa mga pahina 38–42.)
-
Sa paanong paraan natin matutulungan ang ating mga anak at ang iba na maging mas mapitagan sa loob ng templo, sa sakrament miting, at sa iba pang mga pulong ng Simbahan? (Tingnan sa mga pahina 36, 38–39].) Paanong nakagagambala sa pagpipitagan ang pagdating nang huli o maagang pag-alis sa mga pulong?
-
Ano ang kahalagahan ng sakrament sa iyong buhay?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Awit 89:5–7; D at T 20:75–79; 63:64; 76:19–24; 109:21; 138:1–11