Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 3: Ang Layunin ng Simbahan


Kabanata 3

Ang Layunin ng Simbahan

Ang Simbahan, kasama ang kumpletong organisasyon nito, ay nag-aalay ng serbisyo at inspirasyon sa lahat.1

Panimula

Mahal na mahal ni Pangulong David O. McKay ang Simbahan at malakas ang kanyang patotoo hinggil sa misyon nito na maghanda para sa huling pagtatatag ng kaharian ng Diyos. Habang naglilingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol, naalaala niya ang sumusunod na karanasan:

“Sa itaas ng pulpito sa bahay-pulungan na dinadaluhan ko kapag Linggo noong bata pa ako ay matagal nang nakasabit ang malaking retrato ng yumaong si Pangulong John Taylor, at sa ilalim nito ang katagang ito, na sa tingin ko’y mga gintong titik:

“ ‘Ang Kaharian ng Diyos at Wala nang Iba’

“Ang damdaming iyon ay nakintal sa akin na isang bata pa lamang noon, maraming taon bago ko pa maunawaan ang tunay na kahalagahan nito. Parang alam ko na noon na wala ng iba pang simbahan o organisasyon na halos perpekto o nagtataglay ng mga angking kabanalan ng simbahan ni Jesucristo. Bata pa ako’y ito na ang kutob ko; noong kabataan ko’y talagang kumbinsido ako ukol dito; at ngayon ito ang matibay na pinaniniwalaan ng aking kaluluwa. …

“Ang kabanalan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay makikita sa organisasyon nito gayundin sa mga turo nito. Ang pagiging Diyos, kapatiran, paglilingkod— ang tatlong gabay na alituntuning ito … ay laganap sa lahat ng aktibiti ng ating Simbahan.”2

Makikita sa pamumuno ni Pangulong McKay ang matatag niyang paniniwala. Noong siya pa ang Pangulo, napakalaki ng iniunlad at isinulong ng Simbahan sa buong daigdig, at nadagdagan ang mga miyembro mula sa tinatayang isang milyon hanggang sa halos tatlong milyon. Sa paglalarawan sa papel ni Pangulong McKay sa pag-unlad na ito, isinulat ng dalawang mananalaysay ang sumusunod:

“Noong bago pa lang sa kanyang panunungkulan, si Pangulong David O. McKay, na unang naglakbay nang malawakan bilang Pangulo ng Simbahan, ay naglibot sa mga misyon sa Europa, Latin America, Africa, at sa South Pacific. Inilaan niya ang dalawang lugar na pagtatayuan ng templo sa Europa at ibinalita na isang templo ang itatayo sa New Zealand. Noong 1955 sinabi niya na kailangang ‘sikapin ng Simbahan na gawin ang lahat sa abot ng makakaya nito na iparating sa mga miyembro sa malalayong misyong ito ang bawat … espirituwal na pribilehiyo na maipagkakaloob ng Simbahan’ [sa Conference Report, Abr. 1955, 25]. Ang pagtatayo ng mga templo, pagdami ng mga misyon, pagbuo ng mga stake sa buong daigdig, paghikayat sa mga Banal na itatag ang Sion sa sarili nilang bansa sa halip na dumayo sa Amerika, at sa huli’y mga tao mismo ng bawat bansa ang mamuno sa Simbahan, ay malalaking hakbang tungo sa pagsasakatuparan ng layuning iyon.”3

Ang pananampalataya ni Pangulong McKay sa banal na misyon at tadhana ng Simbahan ay nagpatuloy hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Sa mensahe sa pangkalahatang kumperensya halos isang taon bago siya mamatay ay itinuro niya: “Itinatag ng Diyos ang kanyang Simbahan at hindi na ito muling gigibain ni ibibigay sa ibang tao. At habang ang Diyos ay buhay at ang kanyang mga tao ay tapat sa kanya at sa isa’t isa, hindi natin dapat alalahanin ang pagtatagumpay sa huli ng katotohanan.” 4

Mga Turo ni David O. McKay

Ang misyon ng Simbahan ay maghanda para sa huling pagtatayo ng kaharian ng Diyos.

Ang misyon ng Simbahan ay ihanda ang daan para sa huling pagtatayo ng Kaharian ng Diyos sa lupa. Ang layunin nito ay, una, paunlarin sa buhay ng mga tao ang mga katangiang tulad ng kay Cristo; at, pangalawa, baguhin ang lipunan upang ang daigdig ay maging mas mainam at mapayapang lugar na titirhan.5

Ano ang [binigyang-diin] ng turo ni Cristo nang pumarito siya sa mga tao? Ang unang dakilang pahayag ay ang pagbabalita na malapit na ang kaharian ng Diyos. “Malapit na ang kaharian ng Dios: kayo’y mangagsisi.” [Tingnan sa Marcos 1:15.] Ipinangaral iyon ng sugong si Juan Bautista. Ipinangaral niya ang pagparito ng Panginoon. Ipinakita niya ang magiging katayuan ng Panginoon sa kahariang iyon at pinatotohanan ito ng Tagapagligtas at ipinangaral din ang gayon. At ano ang kaharian? Hindi ito alamat lamang kundi totoong kaharian; hindi lamang sa damdamin, kundi hayagang pagpapakita ng kabutihan. Iyon ay banal na pamahalaan sa kalipunan ng mga tao. Iyon ang nasa isip ng Tagapagligtas, ang pagtatayo ng banal na pamahalaan sa kalipunan ng mga tao.6

Ang salitang [kaharian ng Diyos] ay pahiwatig ng banal na pamumuno sa puso at isipan ng mga tao at sa lipunan. Kinikilala ng tao ang isang kapangyarihan at awtoridad na nakahihigit kaysa kanya. “Hindi ito sapilitang pamumuno ng isang malupit na Diyos, kundi ito’y batay sa kusang pagpapasailalim ng kalooban ng tao sa Diyos.” Minsan sinabi ni Jesus, “Ang kaharian ng Dios ay nasa loob ninyo.” [Lucas 17:21.] Totoo iyon, dahil sa puso ng tao nagmula ang pagiging miyembro sa panlabas na kaharian. … Tanging ang gayong grupo na nagkakaisang humihingi ng patnubay ng langit ang sa huli’y makapagpapabago sa lipunan ng tao.

Ang Kaharian ng Diyos ay nagpapahiwatig din ng pagkakapatiran sa buong mundo kung saan kinikilala ng lahat ng tao ang Diyos bilang kanilang Pinakamakapangyarihang Pinuno at pinahahalagahan ang hangaring sundin ang Kanyang banal na kalooban.7

May mga tao sa daigdig na nagsasabing ang pagseselos, poot, [at] kasakiman sa puso ng tao ay palaging nangyayari bago maitayo ang minimithing lipunan na kilala bilang Kaharian ng Diyos. Kahit ano pa ang sabihin ng mga mapag-alinlangan at mapanlibak, ang misyon ng Simbahan ni Cristo ay alisin ang kasalanan at kasamaan sa mga puso ng tao, at sa gayon ay baguhin ang lipunan upang manaig ang kapayapaan at kabutihan sa mundong ito.8

Ang mga korum ng Priesthood at mga organisasyong auxiliary ay nilayon para tumulong sa pagsasakatuparan ng misyon ng Simbahan.

Tingnan ninyo ang priesthood ng Simbahan. Isipin ang mga kalalakihan at batang lalaking binuo at nagtatrabaho nang bahabahagi o grupu-grupo, mula sa amang siyamnapung taong gulang, hanggang sa batang labindalawang taong gulang. Makikita ninyo sa mga grupong ito ang lahat ng hinahanap ng tao sa mga samahan at lipunan. Sa mga grupong ito ng korum ay may pagkakataong makipagkaibigan, makipagkapatiran, at maglingkod nang maayos. …

Ang mga aktibo ay nagtutulungan sa maayos na paraan para sa higit na ikabubuti ng bawat isa, para sa kapakanan ng mga miyembro at sa ikabubuti ng buong lipunan. Kahit ang korum na lamang ang ating tingnan, hindi ba’t ito’y kahanga-hangang larawan, kung saan ang matatanda at mga batang lalaki ay nagtitipun-tipon, nagkakaugnayan, nagkakasama-sama sa paglilingkod sa sangkatauhan, kung saan itinuturing na kapatid ang bawat tao? Sa korum na iyon ay katabi ng doktor sa upuan ang karpintero, at bawat isa’y interesado sa pinakadakilang mithiin—ang pagsamba sa Diyos at pagtulong upang makapaglingkod sa sangkatauhan!9

Ang tungkulin ng Relief Society ay tulungan ang priesthood sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos, sa pagbibigay ginhawa sa nagdurusa at pagkalinga sa mahihirap, at sa maraming paraan ay pagaambag sa kapayapaan at kaligayahan ng mundo. …

Isa sa mga pinaka-nakahihikayat na mga pangakong ibinigay sa mga taong gustung-gustong naglilingkod ay ang mga salitang ito ng Tagapagligtas, “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.” (Mat. 25:40.) … Binata na ako nang maunawaan ko ang kahalagahan ng paglilingkod na ginagawa ng ating mga kapatid na babae sa Simbahan.10

Dahil nauunawaan ng Simbahan na may iba pang impluwensya maliban sa tahanan sa paglaki ng bata bago siya makagawa ng sariling mga desisyon, ay nag-aalay ng kapaligirang makadiyos halos mula nang siya’y isilang. Ang Sunday School, Primary, [organisasyon ng Young Men at Young Women] ay nagsasagawa ng akmang tagubilin, libangan, at wastong patnubay mula pagkamusmos hanggang sa pagtanda.11

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay mga taong tunay na nagtutulungan sa makabuluhang buhay, sa buhay na humahantong sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ang kaligtasang ito ay hindi lamang lugar sa kabilang-buhay kung saan mapapawi ang lahat ng ating mga alalahanin at problema, kundi ang kaligtasan na angkop sa bawat tao, sa pamilya at sa lipunan dito at ngayon. Sa pamamagitan ng Ebanghelyo ni Jesucristo at sa perpektong organisasyon ng Simbahan na tulad ng inihayag sa dispensasyong ito kay Propetang Joseph Smith, tinutulungan natin ang bawat isa sa espirituwal na paraan sa pagsasamantala sa maraming pagkakataon na makapaglingkod sa Simbahan. Itinataguyod natin ang kapatiran sa pamamagitan ng aktibiti at pakikisalamuha sa mga korum ng priesthood, sa mga samahang auxiliary at sa ating mga pagtitipon.12

Habang isinasagawa ng Simbahan ang misyon nito, pinagpapala at ginagawa nitong perpekto ang mga tao.

Para sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang kahalagahan ng bawat tao ay may kakaibang kahulugan. Ang mga korum, auxiliary, ward, stake, maging ang Simbahan mismo ay binuo upang isulong ang kapakanan ng tao. Lahat ng ito ay paraan para makamtan ang mithiin, at ang mithiing ito’y ang kaligayahan at walang hanggang kapakanan ng bawat anak ng Diyos. Kung kaya sumasamo ako sa lahat ng miyembro ng Simbahan, at lalo na sa mga pangulo ng mga korum at sa mga opisyal ng lahat ng mga auxiliary, na magtulungtulong para maging lalong kanais-nais ang buhay ng mga tao.13

Taglay ng tao, hindi lamang ang likas na ugali kundi maging ang kabanalang pilit na nagtutulak sa kanya nang pasulong at pataas. Pangkaraniwan ito sa lahat ng tao at minsan sa kanyang buhay ay sadyang gusto niya itong makamtan.

May kaugnayan sa espirituwal na simbuyong ito ang tatlong malalaking pangangailangan na hindi pa rin nagbabago sa paglipas ng mga siglo: (1) Sabik ang bawat taong normal na malaman ang tungkol sa Diyos. Kung ano ang hitsura niya? Interesado ba siya sa sangkatauhan, o balewala sa kanya ang lahat ng ito? (2) Ano ang pinakamainam na uri ng pamumuhay sa mundong ito upang magtagumpay na mabuti at maging napakaligaya? (3) Ano ba itong di maiiwasang bagay na tinatawag na kamatayan? Ano ang nasa kabila nito?

Kung gusto ninyong malaman ang mga sagot sa mga inaasam na ito ng kaluluwa ng tao, kailangan kayong lumapit sa Simbahan para makuha ito. Tanging ang tunay na relihiyon ang makapagbibigay-kasiyahan sa nananabik na kaluluwa.14

Bakit tayo nagdaraos ng mga kumperensya at lahat ng iba pang mga pulong sa Simbahan? Ginaganap ang mga ito para sa ikabubuti ng tao—para sa inyong anak at sa anak ko. Sinabi ng Panginoon, “… kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!” [D at T 18:15.] …

Ang … layunin ng organisasyon ng dakilang Simbahang ito, na lubhang kumpleto, napakaperpekto, ay ang pagpalain ang bawat tao.15

Ang Simbahang ito ay itinayo sa tanging paraan ng pagtatayo ng Simbahan ni Cristo, gamit ang direktang awtoridad mula sa Diyos. Dahil sa ganitong saligan inaanyayahan nito ang buong mundo na lumapit sa Simbahang kinikilala ng Diyos mismo. Alok nito ang bawat bagay na makabubuti sa isipan ng tao, sa damdamin at hangarin na maiisip ng tao para sa ikatutupad ng misyon ng bawat isa dito sa lupa. “Ito’y lumalaganap at direktang nakaiimpluwensya ng tao, na sa huli’y nakatakdang magpabago sa lahat ng tao, upang sila tulad ni Jesus ay maging gaya ng Diyos.” Ang “Mormonismo, ” bilang tunay na Kristiyanismo, “ang lumulupig sa kasakiman, pumipigil sa silakbo ng damdamin, nagpapatalino, nagpapadakila sa damdamin. Itinataguyod nito ang kasipagan, katapatan, katotohanan, kadalisayan, kabaitan. Ibinababa nito ang palalo, dinadakila ang mababa ang kalooban, sinusunod ang batas, pinapanigan ang kalayaan, mahalaga ito rito, at pag-iisahin nito ang mga tao sa isang dakilang kapatiran.”16

Sa pagtupad ng Simbahan sa misyon nito ay nakatutulong ito sa kapakanan ng sangkatauhan.

Maraming mamamayan ang nababagabag sa paglaganap ng krimen, sa pagdami ng diborsyo at pagsisilang ng mga babaing hindi pa kasal, pagkalat ng nakahahawang sakit, katiwalian sa matataas na tanggapan, at iba pang mga sintomas ng palihim at lantarang panloloko.

Nawala na ba ang kagandahang-asal? May dapat bang ipangamba? Napalilibutan tayo ng kamunduhan, at ang estadistikang nababasa natin ay talagang nakakagulat, at ang mga ito’y mahahalagang babala. …

Ang misyon ng Simbahan ay bawasan at, kung maaari, alisin ang mga kasamaang ito sa daigdig. Kitang-kita na kailangan natin ng puwersa ng pagkakaisa para maalis ang mga kasamaang ito. Ang gayong puwersa ng pagkakaisa, ang gayong mithiin ay ang ebanghelyo ni Jesucristo, na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ipinaliliwanag nito ang buhay ng tao at ang layunin nito at taglay nito ang nakapagliligtas na mga elemento, magigiting na mithiin, at espirituwal na pag-angat na pinananabikan ng puso ng tao.

Hangad ng mga taong nasa wastong pag-iisip, ng mabubuting lalaki at babae saanmang dako na maalis sa ating lipunan ang masasamang elemento na patuloy na sumisira dito—ang problema sa alak at kalasingan dito, ang pagkalulong sa droga pati na ang mga kasamaang kaakibat nito, kahalayan, kahirapan, atpb. Hangad ng Simbahan na gawing mas mainam at maaliwalas kapwa ang kapaligiran sa tahanan at lipunan.17

Ipakita natin ngayon ang pasasalamat natin sa Simbahan ni Jesucristo pati na sa mga korum at auxiliary na binuo para lamang labanan ang mga kasamaang ito. Itinatag ito sa pamamagitan ng banal na paghahayag ng Diyos Ama at ng kanyang Anak na si Jesucristo. Ang maluwalhating misyon nito ay ipahayag ang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo; iangat ang lipunan upang lalong maging magkaibigan ang mga tao; lumikha sa ating lipunan ng kaiga-igayang kapaligiran kung saan makatatagpo ang ating mga anak ng lakas para labanan ang tukso at mahikayat na pagsikapang may marating sa kalinangan at espirituwal na bagay.18

Ang Simbahan, na itinatag sa pamamagitan ng banal na inspirasyong ibinigay sa hindi gaanong nakapag-aral na binatilyo, ay nag-aalok sa daigdig ng solusyon sa lahat ng problemang panlipunan. Matagumpay itong nakapasa sa pagsubok ng unang siglo. Sa gitna ng matatalinong konsepto ng tao sa ikadalawampung siglong ito, na matapat na naghahangad ng pagbabagong panlipunan at bulag na sumisilip sa hinaharap para basahin ang tadhana ng tao, ang Simbahan ay sumisikat na tulad ng araw sa kalangitan, na napalilibutan ng iba pang mga bagay sa kalawakan na mistulang mga satellite na di gaanoong mahalaga. Tunay na ang Simbahan ang lumikha at nangangalaga sa pinakamataas na pinahahalagahan ng tao. Ang tunay na gawain nito ay tubusin ang daigdig ng tao. “Ito ang liwanag ng katotohanan na sumisikat sa lahat ng dako ng mundo, at ang liwanag na ito’y tiyak na ihahayag sa tao, sa malao’t madali, ang mga banal na mithiing dapat ipamuhay ng tao.”19

Ang Simbahan, pati ang kumpletong organisasyon nito, ay nag-aalok ng serbisyo at inspirasyon sa lahat. … Sa halip na alisin ang mga tao sa daigdig, hangad nitong gawing perpekto at maka-Diyos ang mga tao sa gitna ng lipunan, at sa pamamagitan nila ay lutasin ang mga problema ng lipunan.20

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Batay sa mga turo ni Pangulong McKay, paano ninyo ilalarawan ang layunin ng Simbahan? (Tingnan sa mga pahina 26–27.) Bakit tayo nagdaraos ng mga pulong at kumperensya sa Simbahan? (Tingnan sa mga pahina 29–31.)

  • Paano tumutulong ang Simbahan sa paghahanda para sa huling pagtatayo ng kaharian ng Diyos? (Tingnan sa mga pahina 28–32.) Sa paanong paraan natutulad at inihahalimbawa ng Simbahan ang kaharian ng Diyos na itatayo pa lamang? (Tingnan sa mga pahina 26–27.)

  • Ano ang ibinibigay ng Simbahan na aakay sa matatapat na miyembro tungo sa buhay na walang hanggan? (Tingnan sa mga pahina 28–32.) Paano ninyo nakitang tumutulong ang Simbahan, pati ang mga korum at auxiliary nito, sa pagperpekto sa mga indibiduwal? (Tingnan din sa Mga Taga Efeso 4:11–13.)

  • Anu-ano ang ilan sa mga problemang nakakaharap ng lipunan sa ngayon? (Tingnan sa pahina 31.) Sa paanong paraan makatutulong ang pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa paglutas ng mga problemang ito? (Tingnan sa mga pahina 31–32.)

  • Sa paanong paraan pinagpala ang inyong buhay ng pagiging miyembro ng Simbahan? Ano ang magagawa ninyo at ng inyong pamilya para lalo pang makinabang sa iniaalay ng Simbahan?

  • Ano ang magagawa natin upang tulungan ang Simbahan na maisagawa ang mga tungkulin nito sa mga huling araw?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Taga Efeso 2:19–22; 4:11–15; Moroni 6:4–9; D at T 10:67–69; 65:1–6

Mga Tala

  1. Gospel Ideals (1953), 109.

  2. Cherished Experiences from the Writings of President David O. McKay, tinipon, Clare Middlemiss, binagong edisyon (1976), 15–16.

  3. James B. Allen at Richard O. Cowan, “History of the Church: C. 1945–1990, Post–World War II International Era Period, ” Encyclopedia of Mormonism, 4 na tomo (1992), 2:639.

  4. Sa Conference Report, Abr. 1969, 152.

  5. Sa Conference Report, Abr. 1941, 106.

  6. Sa Conference Report, Okt. 1919, 76.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1941, 106.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1941, 109.

  9. Sa Conference Report, Abr. 1963, 97.

  10. Gospel Ideals, 255–56.

  11. Sa Conference Report, Abr. 1941, 107.

  12. Sa Conference Report, Abr. 1915, 103.

  13. Sa Conference Report, Okt. 1969, 8.

  14. Sa Conference Report, Abr. 1968, 91–92.

  15. Sa Conference Report, Abr. 1965, 137.

  16. Sa Conference Report, Abr. 1927, 105.

  17. Sa Conference Report, Abr. 1967, 5–6.

  18. Sa Conference Report, Okt. 1948, 122.

  19. Sa Conference Report, Abr. 1930, 83.

  20. Gospel Ideals, 109–110.

President Mckay holding a sister

“Ang … layunin ng organisasyon ng dakilang Simbahang ito, na lubhang kumpleto, napakaperpekto, ay ang pagpalain ang bawat tao.”