Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 12: Priesthood, ang Responsibilidad na Maging Kinatawan ng Diyos


Kabanata 12

Priesthood, ang Responsibilidad na Maging Kinatawan ng Diyos

Ang priesthood ay isang walang hanggang alituntunin na umiiral na kasabay ng Diyos mula pa sa simula at iiral magpasawalang-hanggan. Ang mga susing ibinigay para gamitin sa pamamagitan ng priesthood ay nagmula sa langit, at gumagana ngayon ang kapangyarihan ng priesthood na ito sa Simbahan habang patuloy itong lumalaganap sa lupa.1

Panimula

Sa pagsasalita sa isang sesyon sa priesthood ng pangkalahatang kumperensya, binanggit ni Pangulong McKay ang isang karanasan niya sa misyon sa Scotland noong 1898. May nadaanan sila ng kanyang kompanyon na si Elder Peter Johnston na isang gusaling umagaw ng kanilang pansin dahil sa arkong bato sa ibabaw ng pintuan sa harapan at sa nakaukit na mensahe rito. Paggunita ni Pangulong McKay:

“Sinabi ko sa aking kompanyon: ‘Pambihira iyon, a! Titingnan ko kung ano ang sinasabi roon.’ Paglapit ko, bumungad sa akin ang mensaheng ito, hindi lang sa bato, kundi para bagang ito’y nagmula sa Pinaglilingkuran namin:

“ ‘Maging Ano Ka Man, Gampanang Mabuti ang Iyong Tungkulin.’ …

“Tulungan nawa tayo ng Diyos na sundin ang sawikaing iyon. Ito’y isa lamang naiibang pagpapahayag ng mga salita ni Cristo: ‘Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili, ’ [tingnan sa Juan 7:17] at aakayin tayo sa buhay ng patotoong iyan sa patnubay ng Banal na Espiritu. Mapagpakumbaba kong idinadalangin na ang Priesthood na nagtitipon dito ngayong gabi … ay tataglayin sa kanilang sarili ang mga responsibilidad na iniatang ng Diyos sa kanila, at gagawin ang kanilang tungkulin saanman iyon.”2

Biniyayaan si Pangulong McKay sa kanyang buhay kapag matwid na ginagamit ng mga maytaglay ng priesthood ang kapangyarihan nito alang-alang sa kanya. Noong Marso 1916, umapaw ang Ogden River at gumewang ang tulay malapit sa bunganga ng bangin. Pagsasalaysay niya: “Kami [sila ng kanyang kapatid na si Thomas E.] ay sumakay sa isang maliit na kotseng Ford at sinugod namin ang ulan at putik. … Nakita ko ang tumpok ng bato doon sa tulay, at mukha namang buo pa rin ito tulad kahapon. Kaya [pabirong] sinabi ko, ‘Tatawirin ko ang tulay. Marunong ka bang lumangoy?’ Sa gayon tinapakan ko ang silinyador at rumagasa patawid ng tulay, nang marinig ko si Thomas E. na nagsabing, ‘Naku, tingnan mo! May lubid!’ Ang bantay na umalis nang alas siyete ay binatak ang lubid ng “derrick” paharang sa daan, at ang kapalit niyang bantay sa araw ay hindi dumating. Inagapan ko ang emergency brake pero huli na ang lahat. Humampas ang lubid sa bintana, tinuklap ang bubong, at tumama sa baba ko, na tumuklap sa aking labi. Nabunot ang ibabang ngipin ko, at basag ang panga ko. Yumuko si Thomas E. at hindi nasaktan, pero ako’y halos mawalan ng malay. …

“Mga alas nuwebe ng umagang iyon inoperahan ako. … Itinahi nila ang panga ko sa lugar at labing-apat na tahi ang ginawa sa ibabang labi ko at sa nahiwang pisngi. Sinabi ng isa sa mga attendant, ‘Kawawa naman; sira na ang mukha niya habambuhay.’ Tiyak na hindi ako makikilala. Nang ibalik ako sa aking silid sa ospital, isa sa mga narses ang magiliw na nagsabi, ‘Aba, Brother McKay, makakapagpatubo ka ng balbas, ’ na ibig sabihi’y maitatago ko ang mga pilat ko. … Tatlong matatalik kong kaibigan … ang dumalaw at nagbasbas sa akin. Sa pagpapatibay ng pagbabasbas, [isa sa kanila] ang nagsabi, ‘Binabasbasan ka namin na hindi masira ang mukha mo at hindi ka makadama ng sakit.’ …

“Sabado ng gabi dumalaw si Dr. William H. Petty para makita kung maililigtas pa ang mga ngiping natira sa itaas na bagang. Siya ang nagsabing, ‘Palagay ko’y labis kang nasasaktan ngayon.’ Sagot ko, ‘Hindi, wala akong nararamdamang anumang sakit.’… Linggo ng umaga dumalaw si Pangulong Heber J. Grant mula sa Salt Lake City. … Pumasok siya at sinabing, ‘David, huwag kang magsalita; babasbasan lang kita.’ …

“Nang sumunod na Oktubre, … nakaupo ako sa mesang malapit as kinauupuan ni Pangulong Grant. Napansin kong nakatitig siya sa akin, pagkatapos ay sinabi niya, ‘David, mula sa kinauupuan ko wala akong makitang pilat sa mukha mo!’ Sagot ko, ‘Wala nga, Pangulong Grant, walang mga pilat.’ ”3

Mga Turo ni David O. McKay

Ang priesthood ay kapangyarihan at awtoridad na katawanin ang Diyos.

Tuwing igagawad ang priesthood sa tao, iginagawad ito sa kanya hindi bilang personal na katangian, bagama’t nagiging gayon ito kung iginagalang niya, kundi bilang awtoridad na katawanin ang Diyos at obligasyong tulungan ang Panginoon sa pagsasakatuparan ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao [tingnan sa Moises 1:39].4

Kayo’y mga kalalakihang maytaglay ng priesthood ng Diyos, na taglay ang banal na awtoridad na katawanin ang Diyos sa anumang katungkulang iniatas sa inyo. Kapag ang lalaki, isang karaniwang lalaki ay itinalaga sa kanyang komunidad bilang isang sheriff, may nadagdag sa kanya. Kapag ang pulis sa mga lansangang ito, sa tawiran, ay nagtaas ng kamay, humihinto kayo. May taglay siyang higit pa sa kanyang pagkatao, may kapangyarihang ibinigay sa kanya. Gayundin sa buhay. Walang lalaking binigyan ng posisyon na hindi humusay. Totoo ito. Gayon din ang kapangyarihan ng priesthood.5

Likas ang priesthood sa Panguluhang Diyos. Ito ay awtoridad at kapangyarihang nanggagaling lamang sa Amang Walang Hanggan at sa kanyang Anak na si Jesucristo. …

Sa paghahanap ng pinagmulan ng priesthood, … wala tayong maiisip na kalagayang hindi nagmula sa Diyos mismo. Sa kanya ito nakasentro. Sa kanya ito dapat magmula. Dahil ang priesthood ay likas sa Ama, natural lang na siya lamang ang makapagbigay nito sa iba. Ang priesthood, kung gayon, na taglay ng tao, ay dapat laging italaga sa pamamagitan ng awtoridad. Walang nilalang sa mundo na may karapatang [angkinin] sa sarili niya ang kapangyarihan at awtoridad ng priesthood. May ilan na [umangkin] ng karapatang iyon sa kanilang sarili, ngunit hindi ito kinilala ng Panginoon. Tulad ng embahador ng anumang gobyerno na ginagamit lang ang awtoridad na bigay sa kanya ng kanyang gobyerno, gayundin ang taong binigyang-awtoridad na katawanin ang Diyos sa pamamagitan lamang ng bisa ng mga kapangyarihan at karapatang itinalaga sa kanya. Gayunman, kapag ibinigay ang gayong awtoridad, kaakibat nito, na may mga hangganan, ang lahat ng pribilehiyo ng isang kapangyarihan ng abogado (power of attorney), na ipinagkaloob ng isang tao sa ibang tao upang kumilos para sa kanya. Lahat ng opisyal na hakbang na isinagawa ayon sa gayong kapangyarihan ng abogado ay sintibay na parang ang taong iyon mismo ang nagsagawa nito. …

Batid ang katotohanang ang Maylikha ang walang hanggan at walang katapusang pinagmumulan ng kapangyarihang ito, na siya lamang ang tanging makapamamahala rito, at ang pagtataglay nito ay pagkakaroon ng karapatan, bilang awtorisadong kinatawan, na tuwirang makipag-ugnayan sa Diyos, makatwiran subalit banal ang mga pribilehiyo at biyayang matatamo sa pamamagitan ng pagtataglay ng kapangyarihan at awtoridad ng Melchizedek Priesthood—ang mga ito ang pinakamaluwalhating maiisip ng tao.

Ang lalaking nakikipag-ugnayan nang gayon sa kanyang Diyos ay malalaman na tumamis ang kanyang buhay, tumalas ang kanyang pang-unawa upang mabilis na makapagpasiya kung ano ang tama at mali, naging magiliw siya at maawain, subalit malakas at magiting ang kanyang espiritu sa pagtatanggol sa tama; malalaman niyang laging pagmumulan ng kaligayahan ang priesthood—isang balon ng buhay na tubig na sumisibol tungo sa buhay na walang hanggan.6

Naipapahayag ang kapangyarihan ng priesthood sa pamamagitan ng mga korum at mga tao.

Kung tutuusin, ang priesthood bilang itinalagang kapangyarihan ay natatamo nang bawat lalaki. Gayunpaman, sa pamamagitan ng banal na utos ang mga kalalakihang itinalagang maglingkod sa partikular na mga katungkulan sa priesthood ay nagkakaisa sa mga korum. Kung gayon, naipapahayag nang pangkatan at nang sarilinan ang kapangyarihang ito. Ang korum ang oportunidad upang magkakilala, magmahalan, at magtulungan ang mga kalalakihang iisa ang mga mithiin.7

Kung ang priesthood ay nangangahulugan lamang ng pansariling karangalan, pagpapala o pagiging angat ng isang tao, hindi na kailangan ng mga pangkat o korum. Ang mismong pagkakaroon ng mga ganitong pangkat na itinatag nang may banal na pahintulot ay nagpapahayag ng ating pangangailangan sa isa’t isa, ang hindi maisasantabing pangangailangan sa pagtutulungan at pagdadamayan. Tayo ay may banal na karapatang makisalamuha.8

Nabatid ng [Panginoon] na kailangan ng mga [maytaglay ng priesthood] na ito, ng pakikisama, pakikipagkaibigan, ng lakas ng grupo; kaya nagbuo siya ng mga korum at nagtalaga ng bilang sa bawat grupo mula sa deacon hanggang sa pitumpu.

Nagpupulong ang mga grupong ito, una, upang magturo at magpasigla, upang magpaibayo ng kaalaman sa pangkalahatan, at lalo na sa kaalaman sa moralidad at relihiyon, sa pananampalataya, sa kabanalan, gayundin para mapalakas ang isa’t isa, upang kumilos nang makatwiran. Inilalaan ng mga grupong ito ang pangangailangan ng buong sangkatauhan. … Mga korum ng priesthood … ang maglalaan sa bawat paghahangad sa pakikipagkaibigan, kapatiran, at paglilingkod kung gagawin lang ng mga kalalakihan ang kanilang tungkulin.9

Mga miyembro sa Aaronic priesthood, at sa mga korum sa Melchizedek priesthood, may tungkulin tayong patatagin ang ating mga korum; huwag natin silang wasakin sa pagliban sa mga miting [ng priesthood], o sa hindi paghahanda, o sa pagpapabaya sa tungkulin. Damhin nating lahat, … ang tungkuling gumawa ng anuman upang patatagin ang Simbahan, tulad ng tungkulin ng Simbahan na manindigan sa katotohanan at tubusin ang sangkatauhan sa kasalanan. Mga kalalakihan ng priesthood, magkaisa tayo sa pagtatatag na ito; maghatid tayo ng kabutihan; at huwag hayaan ang sinumang lalaki, mula high priest hanggang deacon, sa malaking kilusang ito ng priesthood …, na maghatid ng kasamaan o bumulung-bulong.10

Dapat ingatan ng maytaglay ng priesthood ang kanyang kilos at pananalita sa lahat ng sitwasyon.

Ang priesthood ay awtoridad para katawanin ang Diyos. Ang isang lalaking pinagkalooban ng priesthood ay awtorisadong kinatawan ng Panginoon sa anumang partikular na larangang pagtatalagahan sa kanya. Tungkulin ng kinatawan ng anumang grupo o organisasyon na pagsikapang katawanin ang grupo o organisasyong iyon nang buong dangal. Ang pinakamainam na paraan para maging marapat na mga kinatawan ay ang mamuhay nang gayon upang makasunod sa mga panghihikayat ng Panginoon na kanyang kinakatawan. Isipin ngayon ang kahulugan niyan patungkol sa makatwirang pamumuhay.

“… ang aking Espiritu ay hindi tuwinang papatnubay sa tao, ” (D at T 1:33) wika ng Panginoon. Lahat, kung gayon, na nagtataglay ng priesthood na ito ay dapat mamuhay na karapat-dapat sa inspirasyon ng Panginoon. Hayaan ninyong sabihin ko ukol dito na ang pakikipag-ugnayan sa Banal na Espiritu ay sintunay ng pakikinig ninyo sa di kilalang mga boses at musika sa radyo na pumupuno sa paligid. Nadarama iyon.

Gayon ang Espiritu ng Diyos. Lagi siyang handang pumatnubay at magturo sa mga nakikinig na matwid na namumuhay at tapat na naghahanap sa kanya. Inuulit ko, tungkulin ng bawat lalaking awtorisadong katawanin siya na mamuhay sa paraang tumutugon sa Espiritung iyon.11

Ang pagtataglay ng priesthood ng Diyos sa pamamagitan ng banal na awtoridad ay isa sa mga pinakadakilang kaloob na maaaring dumating sa tao, at pinakamahalaga ang maging karapatdapat. Ang pinakadiwa ng priesthood ay walang hanggan. Lubos na pinagpala ang taong nadarama ang responsibilidad ng pagiging kinatawan ng Diyos. Dapat niyang madama ang tindi ng pangangailangang maging maingat sa kanyang mga kilos at pananalita sa lahat ng sitwasyon. Dapat igalang ng lalaking maytaglay ng priesthood ang kanyang kabiyak. Hindi niya dapat kaligtaang basbasan ang kanyang pagkain o lumuhod kasama ng kanyang kabiyak at mga anak at humingi ng patnubay ng Diyos. Nababago ang tahanan dahil taglay at iginagalang ng isang lalaki ang priesthood. Hindi natin ito dapat gamitin para magdikta, dahil sinabi ng Panginoon na “kung ating tatangkaing pagtakpan ang ating mga kasalanan, o bigyang-kasiyahan ang ating kapalaluan, ang ating walang kabuluhang adhikain, o gumamit ng lakas o kapangyarihan o pamimilit sa mga kaluluwa ng mga anak ng tao, sa alinmang antas ng kasamaan, masdan, ang kalangitan ay lalayo; ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati; at kapag ito ay lumayo, Amen sa pagkasaserdote [priesthood] o sa kapangyarihan ng taong iyon.” (D at T 121:37.)

Ang pahayag na iyon, na ibinigay ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith, ay isa sa pinakamagagandang leksyong naibigay sa pagtuturo o sikolohiya at gobyerno, at dapat natin itong basahin nang paulit-ulit sa ika-121 bahagi ng Doktrina at mga Tipan.12

Walang miyembro ng Simbahang ito, walang asawa o ama, na may karapatang magmura sa kanyang tahanan, o magsalita nang masakit sa kanyang kabiyak o mga anak. Sa inyong ordenasyon at responsibilidad, hindi ninyo magagawa ito bilang maytaglay ng priesthood kung tapat kayo sa espiritung sumasainyo. Nakatutulong kayo sa ulirang tahanan sa inyong pag-uugali, pagpipigil sa kapusukan, galit, pag-iingat sa pananalita, dahil iyon ang makikita sa inyong tahanan, at mababanaag ito ng inyong mga kapitbahay. Gawin ninyo ang inyong magagawa upang magkaroon ng kapayapaan at pagkakasundo, kahit nahihirapan kayo.13

Dalangin kong madama natin … ang kahalagahan ng priesthood, at matanto ng bawat deacon sa Simbahang ito na kapag pinagkalooban siya ng Aaronic Priesthood, namumukod-tangi siya sa kanyang mga kasamahan, na kakaiba siya sa lahat. Hindi siya makapagmumura tulad ng ibang bata, hindi siya makikibahagi sa kapilyuhan ng ibang bata sa mga kapitbahay, bukod-tangi siya. Iyan ang kahulugan nito sa labindalawang-taong-gulang na batang lalaki, at, mga bishop, iyan ang dapat ninyong ipaliwanag sa kanila kapag pinili ninyo silang maging deacon. Huwag silang basta-basta tawagin at iorden, kundi kausapin sila at ipaalam sa kanila ang kahulugan ng mapagkalooban ng Aaronic Priesthood. Sa mga kabataang lalaki ang mga batang ito na pinili at tinuruan ay dapat sikaping maging impluwensiya sa kabutihan. …

… Kapag tinanggap natin ang priesthood tungkulin nating magpakita ng halimbawang dapat gayahin ng ating kapwa. Hindi sila maiimpluwensiya sa sinasabi natin, kundi sa ating ginagawa, sa ating buong pagkatao.14

Hangga’t tinatamo ng mga miyembro ng priesthood ang patnubay ni Cristo sa pamamagitan ng tapat at maingat na pakikitungo sa kanilang kapwa, sa paglaban sa anumang anyo ng kasamaan, sa tapat na pagganap ng tungkulin, walang kapangyarihan sa mundong ito na pipigil sa pag-unlad ng Simbahan ni Jesucristo.15

Kapaki-pakinabang ang kapangyarihan ng priesthood kapag ginamit ito sa paglilingkod sa iba.

Masasabi nating ang kapangyarihan ng priesthood ay umiiral na gaya ng malaking banga ng tubig. Ang gayong kapangyarihan ay nagiging masigla at kapaki-pakinabang lang para sa kabutihan kapag malaya itong dumadaloy sa mga lambak, parang, halamanan, at masasayang tahanan. Kaya ang priesthood, ayon sa kaugnayan nito sa tao, ay nagiging prinsipyo ng kapangyarihan lang kapag aktibo ito sa buhay ng mga tao, na ibinabaling ang kanilang puso at mga hangarin sa Diyos at naghihikayat ng paglilingkod sa kanilang kapwa.16

Ang ating buhay ay kaugnay ng buhay ng iba. Pinakamaligaya tayo kapag tumutulong sa buhay ng iba. Sinabi ko iyan dahil ang taglay ninyong priesthood ay nangangahulugan na dapat ninyong paglingkuran ang iba. Kinakatawan ninyo ang Diyos sa larangang kinaroroonan ninyo. “Ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpong niyaon.” (Mat. 16:25.)17

Siguro’y mayroon kayong elder na may karamdaman, at kailangang anihin ang kanyang tanim. Magsama-sama at anihin ito. Isa sa inyong mga miyembro ay may anak sa misyon, at paubos na ang pondo niya. Itanong lang kung may maitutulong kayo sa kanya. Hinding-hindi niya malilimutan ang pagkamaalalahanin ninyo. Gayong mga gawain ang nasa isip ng Tagapagligtas nang sabihin niyang, “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.” (Tingnan sa Mat. 25:40.) Wala nang iba pang paraan para mapaglingkuran si Cristo. Maaari kayong lumuhod at manalangin sa kanya, mabuti iyon. Maisasamo ninyo na patnubayan niya kayo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu—oo, ginagawa natin iyon at dapat lang. Kailangan nating gawin ito. Ngunit ang mga praktikal, araw-araw na pangyayaring ito sa buhay, ang pagpipigil sa ating dila, sa hindi pagsasalita ng masama tungkol sa isang kapatid, kundi pagsasalita ng maganda tungkol sa kanya, ang itinatakda ng Tagapagligtas bilang tunay na paglilingkod.18

“Maging ano ka man, gampanang mabuti ang iyong tungkulin.” Kung deacon ka, galingan mo ang pagiging deacon. Kung teacher ka, galingan mo ang pagiging teacher. Isang priest na bantay sa Simbahan, na dumadalaw na kasama nila—mga kabataang lalaki sa Simbahang ito, kung magagampanan lang natin ang mga tungkulin ng teacher at priest, na nagtuturo sa mga tao ng kanilang tungkulin, malaking kabutihan ang dulot nito sa mga kabataang lalaking labingwalong taong gulang, at labinsiyam. Hindi mahirap turuan, hindi mga taksil at duwag, kundi mga lider. Mga kapatid, walang napakamakapangyarihan sa mundo na gagabay sa mga kabataan na tulad ng pagpapaganap sa kanila nang mahusay sa tungkulin nila sa priesthood.19

Ang mga maytaglay ng priesthood ay may responsibilidad na katawanin ang Diyos bilang mga home teacher.

Sinasabi sa Mga Taga Efeso, ikaapat na kabanata, na binigyan ni Cristo ng mga apostol ang ilan at ang ilan ng mga propeta, ang ilan ng mga evangelista at ang ilan ng mga pastor at guro; “sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo.” [Mga Taga Efeso 4:12.] Nakasalalay sa mga [home] teacher, sa Simbahan, na nagtataglay ng banal na priesthood, ang malaking responsibilidad sa ikasasakdal ng mga Banal, at ikatitibay ng katawan ni Cristo; kung gayon, palagay ko’y hindi kalabisang sabihin na tungkulin nila, tungkulin nila, na dalhin sa bawat tahanan ang diwang gayon kabanal tulad ng naranasan natin dito sa mga sesyon ng kumperensya. Wala nang higit pang dakilang tungkulin na maaaring taglayin ninuman, kaysa maging isang guro ng mga anak ng Diyos.

… Nadarama ng ilan sa [mga home teacher] na napakaliit ng kahalagahan ng kanilang katungkulan, na hindi ito gaanong marangal, samantalang ang totoo, wala nang mas mahalagang gawain sa Simbahan. Hindi natin masasabing mas mahalaga ang isang katungkulan sa Simbahan kaysa sa iba, dahil lahat ay deboto sa pagpapaunlad, sa pagtuturo, sa kaligtasan ng mga anak ng Diyos. Gayundin sa katungkulan ng guro; ngunit kung may itatangi, dahil mas madali nilang maganyak ang mga taong ito tungo sa kaligtasan, mapupunta ito sa mga taong nagtataglay ng priesthood ng Diyos, na may tuwirang pakikipag-ugnayan sa mga miyembro ng Simbahan. …

Ang unang dapat gawin, mga kapatid ko, ay tingnan ang sarili ninyo, para malaman kung handa kayong magturo o hindi. Walang taong makapagtuturo ng bagay na hindi niya alam. Tungkulin ninyong ituro na si Jesucristo ang manunubos ng sanlibutan, na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos, at sa kanya sa huling dispensasyong ito ay nagpakita nang personal ang Diyos Ama at ang kanyang Anak. Naniniwala ba kayo rito? Nadarama ba ninyo ito? Nababanaag ba ang patotoong iyon sa inyong katauhan pagpasok ninyo sa tahanan? Kung gayon, ang banaag na iyon ay magbibigay-buhay sa mga taong tuturuan ninyo. Kung hindi, magkakaroon ng kasalatan, tagtuyot, kakulangan sa espirituwal na kapaligirang yaon na kinaroroonan ng mga Banal. …

… Mga kapatid, maaaring magkaiba ang mensahe, lalo na ang paglalahad nito sa isang taong ginugol ang kanyang buhay sa tapat na paglilingkod sa Simbahan, at sa mga taong kabibinyag. Dahil magkakaiba ang bawat pamilya …, gayundin ang ating mga mensahe at pamamaraan, lalo na ang ating pamamaraan sa paglalahad. Binanggit ko ito para lang ikintal sa ating isipan na tungkulin nating alamin kung sino ang ating tuturuan.20

Ang tungkulin ng [home] teacher ay hindi nagagampanan kapag minsan isang buwan lang siya nagtutungo sa bawat bahay. Naaalala ko nang pagampanan ng isang Bishop sa [home] teacher ang pagpunta sa bahay ng isang namatayan at alamin kung ano ang magagawa upang maalo ang mga nagdadalamhati at maisaayos ang paglilibing. Tungkulin ng [home] teacher na tiyakin na walang pangangailangan; kung mayroong maysakit doon, na pumunta at tumulong—na laging pangalagaan ang mga pamilyang iyon.21

Naniniwala ako na nasa [home] teaching ang isa sa mga pinakamalaking oportunidad sa buong mundo na gisingin ang mga pabaya, pinanghihinaan ng loob, naninimdim, at malungkot, na magbagong-buhay at hangaring bumalik sa pagiging aktibo sa Simbahan ni Jesucristo. Sa gayong aktibidad maaakay sila pabalik sa espirituwal na kapaligirang magpapasigla sa kanilang kaluluwa at magbibigay ng kapangyarihang labanan ang mga kahinaang gumugupo sa kanila.

Ang pagtulong, pagpapalakas ng loob, at pagbibigayinspirasyon sa bawat tao ay malaking responsibilidad at pribilehiyo ng mga [home] teacher.22

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Ano ang kapangyarihan ng priesthood? (Tingnan sa mga pahina 131–32.) Anu-ano ang layunin ng Panginoon sa pagtatalaga ng awtoridad ng priesthood sa tao? (Tingnan sa mga pahina 133–34, 137–38.) Ano ang kaibhan ng simpleng pagtanggap sa awtoridad ng priesthood sa pagkakaroon ng kapangyarihan sa priesthood?

  • Umisip ng isang karanasan na ginamit ang kapangyarihan ng priesthood alang-alang sa inyo. Ano ang epekto nito sa inyo o sa mga miyembro ng inyong pamilya? Paano natin magagamit ang gayong mga karanasan bilang “mga pagkakataong makapagturo” sa ating mga anak at apo?

  • Bakit kailangang mamuhay nang marapat ang maytaglay ng priesthood para magabayan ng Espiritu ng Panginoon? (Tingnan sa mga pahina 134–36.) Anu-anong biyaya ang ipinangako sa mga tapat sa mga tipan at obligasyon ng priesthood? (Tingnan sa D at T 84:33–34.)

  • Bakit napakahalaga ng home teaching sa Simbahan? (Tingnan sa mga pahina 138–40.) Ano ang magagawa natin para maging mas epektibong mga home teacher? Paano magagamit sa mga visiting teacher ang payo ni Pangulong McKay sa mga home teacher? Ano ang magagawa natin para madama ng ating mga home at visiting teacher ang init ng pagtanggap sa ating tahanan at maging epektibo sila sa kanilang tungkulin?

  • Paano tayo natutulungan ng pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagiging mas katulad ni Cristo sa pagbibigay-dangal sa priesthood? Sa anu-anong paraan maihahanda ng mga ama at ina ang kanilang mga anak na lalaki sa pagtanggap ng priesthood?

  • Paano nakikibahagi ang mga babae sa mga biyayang nagmumula sa kapangyarihan ng priesthood?

  • Ano ang layunin ng mga korum ng priesthood? (Tingnan sa mga pahina 133–34.) Anu-ano ang responsibilidad ng pagiging miyembro ng isang korum? (Tingnan sa mga pahina 133–34.)

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: I Ni Pedro 2:9; D at T 84:33–48; 121:34–46

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Okt. 1967, 94.

  2. Sa Conference Report, Okt. 1956, 91.

  3. Tingnan sa Cherished Experiences from the Writings of President David O. McKay, tinipon, Clare Middlemiss, binagong edisyon (1976), 138–40; binago ang pagtatalata.

  4. Gospel Ideals (1953), 168.

  5. Sa Conference Report, Okt. 1954, 83.

  6. Sa Conference Report, Okt. 1965, 103–4.

  7. Sa Conference Report, Okt. 1965, 104.

  8. Gospel Ideals, 168.

  9. Gospel Ideals, 180–81.

  10. Sa Conference Report, Abr. 1909, 68.

  11. Gospel Ideals, 180.

  12. Sa Conference Report, Okt. 1967, 97.

  13. Sa Conference Report, Abr. 1969, 150–51.

  14. Sa Conference Report, Okt. 1948, 174.

  15. Gospel Ideals, 167–68.

  16. Sa Conference Report, Okt. 1965, 103–4.

  17. Sa Conference Report, Okt. 1950, 112.

  18. Sa Conference Report, Okt. 1955, 129.

  19. Sa Conference Report, Okt. 1954, 84.

  20. Sa Conference Report, Okt. 1916, 57–60; binago ang pagtatalata.

  21. Sa Conference Report, Abr. 1956, 86–87.

  22. Gospel Ideals, 196.

motto stone in Scotland

Madalas hikayatin ni Pangulong McKay ang mga maytaglay ng priesthood na ipamuhay ang sawikaing nakaukit sa batong nasa Scotland: “Maging Ano Ka Man, Gampanang Mabuti ang Iyong Tungkulin.”

priesthood quorums

“Ang mga kalalakihang itinalagang maglingkod sa partikular na mga katungkulan sa priesthood ay nagsasama-sama sa mga korum.”