Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 5: Ang Biyaya ng Pagkakaisa


Kabanata 5

Ang Biyaya ng Pagkakaisa

Ang pagkakaisa at mga kasinghulugan nito—pagkakasundo, kabaitan, kapayapaan, kasunduan, pag-uunawaan—ay naglalarawan sa kalagayang patuloy na minimithi ng puso ng tao.1

Panimula

Mula Oktubre 1934 hanggang Abril 1951, sina Pangulong J. Reuben Clark Jr. at David O. McKay ay magkasamang naglingkod bilang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, una kay Pangulong Heber J. Grant at pagkatapos kay Pangulong George Albert Smith. Sa panahong ito si Pangulong Clark ang siyang unang tagapayo at si Pangulong McKay ang pangalawang tagapayo.

Noong ika-9 ng Abril 1951, limang araw pagkamatay ni Pangulong Smith, ay nagtipon ang mga Banal sa mga Huling Araw para sa pangkalahatang kumperensya at sinang-ayunan si Pangulong David O. McKay bilang Pangulo ng Simbahan. Doon nila nalaman na si Pangulong Clark, na matapat na naglingkod bilang unang tagapayo sa loob ng halos 17 taon, ay tinawag na maglingkod bilang pangalawang tagapayo. Si Pangulong Stephen L. Richards ang tinawag na unang tagapayo.

Dahil nadaramang magtatanong ang mga miyembro ng Simbahan tungkol sa pagbabagong ito, ipinaliwanag ni Pangulong McKay sa pangkalahatang kumperensya ang pagkatawag ng kanyang dalawang tagapayo. Sinabi niyang tinawag si Pangulong Richards na maging unang tagapayo dahil mas matagal ang kanyang paglilingkod kaysa kay Pangulong Clark sa pagkaapostol. Sa pagbibigay-diing ang gawaing ito ay hindi naman “estabilisadong patakaran, ” ay simpleng sinabi ni Pangulong McKay na “tila angkop ito” sa tungkulin nina Pangulong Richards at Clark.

Sa pagpapatuloy ni Pangulong McKay sa kanyang mensahe, binanggit niya ang pagkakaisang nadama niya sa kanyang mga tagapayo: “Hindi namin gustong isipin kahit sandali man lang ng sinumang miyembro ng Simbahang ito, ni ng sinumang lalaki o babae na nakikinig na nagkaroon ng anumang di-pagkakasundo sa pagitan ng dalawang tagapayo na sumang-ayon kay Pangulong Smith sa Korum ng Unang Panguluhan, at ni Pangulong Grant noong mga taon na kasa-kasama namin ang inspiradong lider na iyon. Ni hindi ninyo dapat madama na nagkaroon ng anumang pagbaba sa katungkulan. Kahanga-hangang tagapaglingkod si Pangulong Clark. …

“Dapat din ninyong maunawaan, na sa pagiging tagapayo sa Korum ng Unang Panguluhan ang dalawang lalaking ito ay pantay sa karapatan, sa pagmamahal, at pagtitiwala, sa kalayaan na magmungkahi, at magrekomenda, at sa kanilang responsibilidad hindi lamang sa Korum kundi maging sa Panginoong Jesucristo at sa lahat ng tao.

“Sila’y mga dakilang lalaki. Kapwa ko sila mahal, at pagpalain nawa sila ng Diyos, at tinitiyak ko sa inyo na magkakaroon ng pagkakasundo at pagmamahalan at pagtitiwala sa Korum ng Unang Panguluhan dahil sa pagsang-ayon ninyo sa kanila ngayon.”2

Kaagad pagkatapos ng pahayag na ito ni Pangulong McKay ay nagsalita si Pangulong Clark sa mga Banal. Nagpakita siya ng hangarin na makiisa sa paggawa sa kanyang kapwa mga tagapaglingkod: “Sa paglilingkod sa Panginoon, hindi mahalaga kung saan ka naglilingkod kundi kung paano. Sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ginagampanan ng isang tao ang tungkuling iniatas sa kanya, tungkuling di niya dapat hangarin ni tanggihan. Pangako ko kina Pangulong McKay at Pangulong Richards ang buong katapatan sa paglilingkod sa mga atas na ibibigay sa akin, sa abot ng aking lakas at kakayahan, at hangga’t kaya kong maisagawa ang mga ito, gaano man ang kakulangan ko.”3

Sa pangkalahatang kumperensya makaraan ang tatlong taon, muling nagsalita si Pangulong McKay tungkol sa pagkakaisang nadama niya sa iba pang mga lider ng Simbahan: “Sana’y nasulyapan ng lahat ng nakaririnig sa tinig ko ngayon, ng lahat ng may maling palagay sa kanilang puso, ang mga General Authority sa Bahay ng Panginoon noong Huwebes ng umaga. Sama-sama silang nagayuno at nanalangin para espirituwal na ihanda ang kanilang sarili sa mga responsibilidad na naghihintay sa kanila sa dakilang kumperensyang ito. Disin sana’y nasulyapan ninyo ang pagkakaisa ng Unang Panguluhan at sa komunikasyon ng puso sa puso, ng kaluluwa sa kaluluwa, ay nakita sana ninyo ang pagmamahal ko sa dalawang tagapayo [ko], sa kanilang malinaw na pananaw at mabuting paghatol at pasensya sa kanilang mga lider kapag kailangan. Nasulyapan sana ninyo ang pagkakaisa at pagmamahalan ng labindalawang kalalakihang ito [ng Korum ng Labindalawang Apostol], ng … Pitumpu, … at ng Presiding Bishopric. Dalangin namin na ang pagmamahalan at pagkakaisa sa miting na iyon ay makarating sa bawat stake presidency, mission presidency, bawat bishopric, bawat korum ng priesthood at auxiliary sa buong Simbahan. Sa gayong pagkakaisa at pagmamahalan ay walang kapangyarihan sa mundo ang makapipigil sa pagsulong ng gawaing ito ng Diyos.”4

Mga Turo ni David O. McKay

Nais ng Panginoon na magkaisa ang Kanyang mga tagasunod.

“Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin, upang sila’y maging isa, na gaya naman natin.

“Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga nagsisisampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita;

“Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako’y sa iyo, na sila nama’y sumaatin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako’y sinugo mo.” ( Juan 17:11, 20–21.)

Sa gayon, sa isa sa mga pinakadakilang panalanging inalay ng tao, ay ginawa ni Jesus na pinakamahalaga ang pagkakaisa ng kanyang mga tagasunod.

Ang pagkakaisa at mga kasinghulugan nito—pagkakasundo, kabaitan, kapayapaan, kasunduan, pag-uunawaan—ay naglalarawan sa kalagayang patuloy na minimithi ng puso ng tao. Ang kabaligtaran nito ay di-pagkakasundo, pagtatalo, alitan, pagkalito. …

Nawa ang samo ng ating Panginoon sa kanyang dalanging namamagitan ay matupad sa ating mga tahanan, ward at stake, at sa ating pagsuporta sa mga pangunahing alituntunin ng kalayaan.5

Ang pagkakaisa sa layunin, na paggawa ng lahat nang may pagkasundo, ay kailangan para maisakatuparan ang gawain ng Diyos. Sa paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith mga isang taon matapos maitatag ang Simbahan, ay malawakang ipinaalam ng Panginoon kung bakit ang kanyang dakilang gawain, na isasakatuparan, ay ipinanumbalik para sa kapakanan ng sangkatauhan at para ihanda ang daan para sa kanyang ikalawang pagparito. Sabi niya:

“At sa gayon ay ipinadala ko ang aking walang hanggang tipan sa daigdig, upang maging ilaw ng sanlibutan, at maging pinakawatawat para sa aking mga tao, at para sa mga Gentil upang hanapin ito, at maging sugo sa harapan ko upang ihanda ang daan para sa aking pagparito.” (D at T 45:9.)

Nakikita natin dito ang malaking obligasyon na nakaatang sa mga taong ito na tulungan ang Panginoon sa pagsasakatuparan ng mga bagay na ito sa lahat ng tao. Kailangan ng pagkakaisa at dedikasyon sa mga layunin nito. Ang Panginoon ay nagbabala hinggil sa pangangailangang ito:

“… Ang bawa’t kahariang nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay mawawasak; ang bawa’t bayan o bahay na nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay hindi mananatili.” (Mat. 12:25.)6

Kailangan nating iwasan ang mga pag-uugali at kilos na hahantong sa di-pagkakaisa.

Ang isa sa mga unang kondisyon na magdudulot ng di-pagkakaisa ay ang kasakiman; ang isa pa’y inggit: “Dinaanan lang ako ni ganito’t ganyan at wala namang sinabi tungkol dito.” “Pinili ng bishopric si ganito’t ganyan na maging organista, samantalang ni wala siya sa kalahati ko.” “Hindi na ako dadalo sa miting ng priesthood kasi si “kuwan” ang tinawag ng bishopric na gumanap bilang tagapayo ng mga priest.” “Pinili ng Sunday School si ganito’t ganyan na maging guro.” … “Hindi ako kailanman kinilala ng panguluhan ng stake, kaya masama ang loob ko.” “Lagi na lang di sang-ayon ang mga General Authority.” Hay! napakaraming maliliit na bagay tulad nito ang lilitaw—mumunting bagay, na di makabuluhan kung ihahambing sa mas malalaki at makatotohanang bagay ng buhay. Gayunman, batay sa karanasan alam kong pinalalaki ito ng kalaban at nagiging mga bundok sa ating buhay, at nagdaramdam tayo, at nagugutom ang ating espiritu dahil pinapansin natin ang ganitong mga damdamin.

May isa pang elemento—ang pamimintas—na kaugnay ng diwa ng pagkainggit. Pinipintasan natin ang isang kapitbahay. Sinisiraan natin ang bawat isa. Kapag ganito na ang nadarama, makabubuting awitin na lang ang simpleng munting himno [ng Simbahan] na, “Nay, Speak No Ill” (Huwag Manira).

“Huwag manira; di kailanman

Makasasakit ang mabuting salita;

At, o, ang magkuwento ng bawat narinig

Di sasagi sa mabuting isip.

Madalas mabuti ang naipupunla

Sa pagpili ng planong mas dakila,

Buti man ng iba’y di gaanong alam,

Bigkasin pa rin ang pinakamainam.

“Huwag manira, sa halip unawain

Pagkakamaling tulad ng sa atin.

Kung sa mali una kang nakakita,

Huwag naman ikaw ang unang magbalita,

Dahil buhay ay lilipas;

Itatagal nito’y walang nakatatalastas;

Kaya’t sa sandaling ating ilalagi,

Bigkasin ang pinakamabuti.”

[Mga Himno, blg. 233.]7

Nawa patuloy pa nating tulungan ang bawat isa sa paggawa ng tama, ipagtanggol ang Simbahan, huwag magsalita ng laban sa kapwa, ni laban sa mga awtoridad ng Simbahan, sa ating lugar, sa stake, o sa pangkalahatan. Iwasan nating magsalita ng masama; iwasan ang mga maling kuwento at tsismis tungkol sa iba. Lason ito sa kaluluwa ng gumagawa ng gayon. Higit ang pinsalang dulot ng pagsasalita ng masama sa taong naninira kaysa sa taong sinisiraan.8

May mga anay na sumisira sa mga tahanan, tulad din sa mga bahay, at ang ilan dito’y ang paninirang-puri, pagsasalita ng masama, pamimintas ng mga magulang o kaya ng mga anak. Ang paninirang-puri ay lason sa kaluluwa. “Ang paninirang-puri ay tulad ng mga langaw na dumaraan sa mabubuting bahagi ng tao para lamang ilawan ang kanyang mga sugat.” Sa huwarang tahanan, hindi sinisiraan o itinitsismis … ang mga guro sa paaralan, opisyal ng gobyerno, o opisyal ng Simbahan. Lalo ang pasasalamat ko ngayon sa tatay ko, na sa paglipas ng mga taon, ay taas-kamay na nagsabing, “Ngayon, wala nang pamimintas sa inyong guro o sa kahit kanino.”9

Sa pagkakaisa ng pamilya ang tahanan ay nagiging lugar ng kanlungan at proteksyon.

Karapatan ng isang bata na madamang ang tahanan niya’y kanlungan, lugar na ligtas sa mga panganib at kasamaan ng mundo sa labas. Ang pagkakaisa at integridad ng pamilya ay kailangan para matustusan ang pangangailangang ito.10

Iilan lang marahil, kung mayroon man, na mas di kanais-nais sa tahanan, maliban sa kawalan ng pagkakaisa at pagkakasundo. Sa kabilang banda, alam kong ang tahanan na may pagkakaisa, pagtutulungan, at pagmamahalan ay munting piraso ng langit sa lupa. Sa tingin ko halos lahat kayo’y makapagpapatunay sa matamis na pamumuhay sa tahanan na kinakikitaan ng mga katangiang ito. Buong pasasalamat at pagpapakumbaba kong pinahahalagahan ang alaala na noong bata pa ako ay hindi ko kailanman nakitang nagtalo ang aking ama at ina. Kabaitan at pagkakaunawaan ang bigkis na dahilan ng pagkakaisa ng mapapalad na grupo ng magkakapatid. Pagkakaisa, pagkakasundo, at kabutihan ang magagandang katangiang dapat itaguyod at pagyamanin sa bawat tahanan.11

Napakadalas umusbong sa mga tahanan ang pagtatalo dahil hangad ng mga asawang lalaki na maligtas sa kahihiyan at gawin ang mga bagay-bagay sa kanilang sariling paraan, na ipinatutupad ang sarili nilang kagustuhan. Ganoon din ang hangad ng mga asawang babae. Inaangkin naman ng iba ang pribilehiyo ng paggawa ng huling desisyon. Kung minsan mas hinahangad ng mga lalaki na mapasakanila ito kaysa sa mga babae. Talagang sinisikap ng bawat isa na iligtas ang kanyang sarili, at sa halip na magkaroon ng pagkakasundo at kapayapaan sa tahanan ay nagkakaroon ng pagtatalo. Sa halip na manatili ang pagkakasundo sa tahanan, nawawala ito, dahil lamang sa hangarin ninyong iligtas ang makasarili ninyong pamumuhay, o pagbigyan ang makasarili ninyong pamamaraan. Mas mainam na mawala ang hangaring iyon. Huwag na lang magsalita, at kapag nawala ang inyong hangarin at ang damdamin ng poot, ng pamumuno, ng pangingibabaw, ay wala kayong sasabihin, at magiging masigla ang inyong buhay sa tahanan.12

Pagpalain nawa kayo ng Diyos, at patnubayan at tulungan kayo upang manatili sa bawat tahanan ang kabutihan, pagkakasundo, at pagmamahalan ng isa’t isa.13

Ang pagkakaisa sa Simbahan ay humahantong sa pag-unlad at espirituwalidad.

Ang misyon ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay magtatag ng kapayapaan. Ang Buhay na Cristo ang pinuno nito. Sa ilalim ng Kanyang pamamahala libulibong kalalakihan sa Simbahan ang binigyang karapatan ng langit para maging kinatawan Niya sa iba’t ibang atas na tungkulin. Tungkulin ng mga kinatawan na ito na magpakita ng pagmamahal ng tulad ng sa kapatid, una sa isa’t isa, at pagkatapos sa buong sangkatauhan; na hangarin ang pagkakaisa, pagkakasundo, at kapayapaan sa mga organisasyon sa loob ng Simbahan, at sa alituntunin at halimbawa ay ipakita ang mabubuting katangiang ito sa buong mundo.14

Sa mga branch at ward ng Simbahan, wala ng katangian na mas nakahihikayat ng pag-unlad at espirituwalidad sa presensya ng alituntuning ito. Kapag pinalitan ng inggit, paninira, [at] pagsasalita ng masama ang pagtitiwala sa isa’t isa, pagkakaisa, at pagkakasundo, ang pag-unlad ng organisasyon ay nauudlot.…

Ang kahinaan sa loob ng Simbahan ay mas mapanganib at mas nakamamatay kaysa mga pagsalungat sa labas. Kung sakali man ay kaunti lang ang pinsalang dulot sa Simbahan ng pang-uusig at maling pagpaparatang na nagmumula sa ignorante, walang sapat na kaalaman, o may masasamang hangaring kaaway; ang mas malaking balakid ay nagmumula sa mga miyembrong mapanira, batugan, suwail sa kautusan, at tumalikod sa katotohanan.15

Alituntunin ng pagkakaisa ang dahilan ng pag-unlad ng mga ward, stake, branch, at misyon ng Simbahan; ito rin ang dahilan kung bakit naisasakatuparan ang mga layunin ng pagkakatatag ng Simbahan. Hindi sana ito nagawa kung ang gamit ay alitan at poot. May mga paghihirap. Bawat miyembro ng Simbahan ay may sariling mga ideya. Kung minsan hindi ito katulad ng sa bishopric, at sa panguluhan ng stake, at sa Panguluhan ng Simbahan; ngunit kailangang isuko ng bawat isa ang kanyang sariling mga ideya sa ikabubuti ng lahat, at sa nagkakaisang layuning iyon ay kagilagilalas ang nagawa natin.

Kapag naiisip ko ang hinaharap ng Simbahang ito at ang kapakanan ng mga kabataan, gayundin ng mga ina at ama, nadarama kong walang ibang pinakamahalagang mensaheng dapat ibigay kundi ang “magkaisa, ” at iwasan ang mga bagay na maaaring maging sanhi ng hidwaan sa mga miyembro. Alam kong wala nang mas malakas pang sandata ang kaaway laban sa alinmang grupo ng kalalakihan o kababaihan sa Simbahang ito maliban sa pagsusuksok ng sinsel ng di-pagkakaisa, pag-aalinlangan, at pagkapoot. …

Ang hamon ay nasa ating harapan; hindi tayo dapat mabigo sa mga banal na pangakong ibinigay sa atin bilang isang grupo ng mga tao. Ang pagkakaisa ng layunin, pati ang lahat ng pagsisikap nang may pagkakasundo sa loob ng istruktura ng organisasyon ng Simbahan gaya ng inihayag ng Panginoon, ang dapat na maging mithiin natin. Hayaang madama ng bawat miyembro, guro, at lider ang kahalagahan ng posisyon na hawak ng bawat isa. Lahat ay mahalaga sa matagumpay na pagsasakatuparan ng gawain ng Diyos, na siyang ating gawain.16

Ang pinakamalaking proteksiyon natin sa pagkakaisa at kalakasan sa Simbahan ay matatagpuan sa priesthood, sa paggalang at pagrespeto dito. O, mga kapatid ko—mga pangulo ng stake, bishop ng mga ward, at lahat ng mayhawak ng priesthood—basbasan kayo ng Diyos sa inyong pamumuno, sa inyong responsibilidad na gabayan, basbasan, aluin ang mga tao na inatas na pamunuan ninyo at dalawin. Akayin silang lumapit sa Panginoon at hangarin ang inspirasyon na mamuhay sa paraan na mangingibabaw sila sa mababa at masama, at mamumuhay sa espirituwal na kalagayan.

Kilalanin ang mga namumuno sa inyo at, kapag kinakailangan, hingin ang kanilang payo.17

Nawa ang [mga organisasyon sa] Simbahan ay mabasbasan ng diwa ng pagkakaisa at pagkakasundo. Nawa mapawi sa kanilang puso ang diwa ng pagkapoot, paninira, at masamang pananalita, at nawa taglayin nila sa kanilang puso ang katotohanang ipinamalas ni Jesus nang sabihin niyang, “… kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin.” (D at T 38:27.)18

Nawa ang diwa ng pagkakaisa na idinalangin ng ating Panginoon at Tagapagligtas noong gabi na ipagkanulo siya, ang maging katangian ng Simbahang ito: Amang Banal, ingatan mo sila … upang sila’y maging isa, na gaya naman natin [tingnan sa Juan 17:11].19

Ang pagtupad sa mga huwaran ng ebanghelyo ang pinakatiyak na landas tungo sa pagkakaisa.

Isang nangungunang manunulat … [ang nagsabing]: “Maraming mabubuting tao sa mundo ngayon, na mas handang maniwala kaysa noon, pero walang huwaran ng pagkakaisa ang mga taong ito, walang batayang prinsipyo, walang pagkakatugma sa pananaw sa buhay, walang magkakaugnay na programa ng gagawing hakbang. Ang lipunan ay masyadong nakatuon sa kanyang sarili, at napapansin na nito ang mga problema at pangangailangan, ngunit walang malinaw na diwa ng patutunguhan, walang pagkukusang bumuo, walang mga mithiin na para sa lahat, walang pagkukusa. … Mayroon bang anumang bagay na magiging sanhi ng ating pagkakaisa; na makikilala ng ating lahi ang kapatiran nito, na maisasaayos ng sangkatauhan ang mga gawain nito sa kabuuan?”

Sagot nati’y, oo—ang puwersang magiging sanhi ng pagkakaisa, ang gayong uri ng huwaran ay ang Ebanghelyo ni Jesucristo na ibinalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ipinaliliwanag nito ang buhay at layunin ng tao, at nakapaloob dito ang mahahalagang elementong nakapagliligtas, mararangal na huwaran, at espirituwal na kasiglahan na inaasam ng puso ng tao sa ngayon.20

“Mabubuting balita ng malaking kagalakan” [Lucas 2:10]—Ang Ebanghelyo ni Jesucristo ang mabubuting balitang iyon. Ang ibig sabihin talaga ng “Ebanghelyo, ” ay “mabubuting balita, ” at ito ang balitang nagmumula sa itaas. … Sa bawat dispensasyon ay laging mayroong mga pagkakataon ang tao na tanggapin ang mabubuting balitang iyon, at ang mga propetang ito na namumuhay nang naaayon sa Walang Hanggan at una at direktang nakarinig sa mabubuting balita, ang nagkusang taglayin ang responsibilidad na iparating ang mabubuting balita sa kanilang kapwa-tao, upang sila na nag-aalala sa mga bagay ng daigdig ay maaaring makatanggap ng masayang mensahe at maibalik sa kapaligiran ng kapayapaan, pagkakasundo, at kabutihan.21

Maging sa mga isla man ng dagat, sa Japan, sa Syria, sa mga bansang Scandinavia, sa England, Germany, France, Holland— saan man makatagpo ang isang tao ng grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw na di-natitinag ang pananampalataya sa ebanghelyo ni Jesucristo, ay matatagpuan niya ang diwa ng pagkakaisa, ang diwa ng pag-ibig, ang diwa ng kahandaang magsakripisyo para sa ikabubuti ng sangkatauhan. Pagpalain ng Diyos ang mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo upang magpatuloy sila sa gayong diwa.22

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Paanong iisa ang Diyos Ama at si Jesucristo? Ano ang ilang tiyak na paraan upang magkaisa tayo bilang isang Simbahan? bilang pamilya? bilang mga miyembro ng komunidad? (Tingnan sa mga pahina 52–54.) Anu-anong kapakinabangan ang maaaring magmula sa gayong uri ng pagkakaisa?

  • Anu-ano ang ilang pag-uugali at kilos na naghahatid ng di-pagkakasundo sa ating mga tahanan at mga ward? (Tingnan sa mga pahina 49–54.) Ano ang maaari nating gawin para madagdagan ang pagkakasundo at pagkakaisa? Paano natin maisasagawa ang sinabi ni Pangulong Clark (“Sa paglilingkod sa Panginoon, hindi mahalaga kung saan ka naglilingkod kundi kung paano ka naglilingkod”) habang sinisikap nating dagdagan ang pagkakaisa sa ating mga tahanan at ward?

  • Paano maiimpluwensiyahan ang mga bata kapag nagsalita ng di maganda ang kanilang mga magulang tungkol sa mga lider at guro? Bakit napipinsala ng masamang pagsasalita “ang naninira kaysa sinisiraan”? (Tingnan sa pahina 51.)

  • Sa paanong mga paraan maisasakatuparan ng ebanghelyo ang minimithing pagkakaisa at pagkakasundo ng mga tao? (Tingnan sa mga pahina 54–55.) Bakit kailangan ang pagkakaisa upang maisakatuparan ang mga walang hanggang layunin ng Panginoon sa lupa?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: I Mga Taga Corinto 1:9–10; Mosias 18:21; 3 Nephi 11:29–30; 4 Nephi 1:2, 15–17; D at T 38:23–27; 105:3–5; Moises 7:18

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Okt. 1967, 7.

  2. Tingnan sa Conference Report, Abr. 1951, 150–51.

  3. Sa Conference Report, Abr. 1951, 154.

  4. Sa Conference Report, Okt. 1954, 132–33.

  5. “Unity in the Home—the Church— the Nation, ” Improvement Era, Peb. 1954, 77–78.

  6. Sa Conference Report, Okt. 1967, 6.

  7. Sa Conference Report, Okt. 1967, 7.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1969, 95–96.

  9. Sa Conference Report, Abr. 1953, 16.

  10. Sa Conference Report, Abr. 1945, 144.

  11. Sa Conference Report, Okt. 1967, 7.

  12. Sa Conference Report, Abr. 1954, 142.

  13. Sa Conference Report, Okt. 1969, 137.

  14. Sa Conference Report, Okt. 1964, 5.

  15. “Unity in the Home—the Church— the Nation, ” Improvement Era, Peb. 1954, 77.

  16. Sa Conference Report, Okt. 1967, 5–6.

  17. Sa Conference Report, Okt. 1967, 6.

  18. Sa Conference Report, Abr. 1967, 87–88.

  19. Sa Conference Report, Okt. 1934, 91.

  20. Sa Conference Report, Abr. 1941, 108; binago ang pagtatalata.

  21. Sa Conference Report, Abr. 1910, 106.

  22. In Conference Report, Apr. 1925, 11.

First Presidency

Si Pangulong McKay kasama ang kanyang mga tagapayo, sina Pangulong Stephen L Richards (kaliwa) at Pangulong J. Reuben Clark Jr. (kanan). Sinabi ni Pangulong McKay na hangad niyang ang mga miyembro ng Simbahan ay “masulyapan ang pagkakaisa ng Unang Panguluhan.”