Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 8: Ang Bisa ng Panalangin


Kabanata 8

Ang Bisa ng Panalangin

Paroroon ang Diyos para gabayan at turuan ang taong “magsasaliksik sa Kanya nang may pananampalataya nang buo niyang lakas at buong kaluluwa.”1

Panimula

Noong tagsibol ng 1921, dinalaw nina Elder David O. McKay at Brother Hugh J. Cannon ang New Zealand bilang bahagi ng kanilang paglalakbay sa buong daigdig sa mga misyon ng Simbahan. Isang araw ng Linggo, nakatakdang magsalita si Elder McKay sa isang kumperensya ng mga Banal sa hapon. Subalit, paggising niya nang umagang iyon ay masama ang pakiramdam niya at namamalat na halos pabulong lang kung magsalita siya. Sa kabila nito’y dumalo siya sa kumperensya nang may pananampalatayang maihahatid ang kanyang mensahe. Itinala niya sa dakong huli:

“Libong tao … ang nagtipon para sa panghapong serbisyo. Nagpunta sila para mag-usisa at umaasa silang mabuti. Tungkulin kong ibigay sa kanila ang mensahe, ngunit bukod sa namamalat ako at hindi marinig ng mga tao, ay may sakit ako.

“Gayunman, sa marubdob na pagsamo sa aking puso para humingi ng tulong at patnubay mula sa langit, ako’y nagbangon para gampanan ang aking tungkulin. Ipit ang boses ko at namamalat. …

“At nangyari ang hindi pa kailanman nangyari sa akin. Sinimulan ko ang aking paksa nang buong katapatan at sidhi sa abot-kaya ko at nagsalita nang malakas. Nadama kong luminaw ang tinig ko at naging lalong matunog, kaya nalimutan kong may lumalabas nang boses at ang naisip ko na lamang ay ang katotohanan na gusto kong maunawaan at tanggapin ng mga nakikinig. Tuluy-tuloy kong ibinahagi ang aking mensahe sa loob ng apatnapung minuto at nang matatapos na ako, matunog at malinaw pa rin ang tinig ko na tulad ng dati. …

“Nang sabihin ko kay Brother Cannon at sa iba pang mga kapatid kung gaano kataimtim ako nagdasal para sa biyayang natanggap ko, sinabi niyang, ‘Nagdasal din ako—noon lang ako nagdasal nang ganoon kataimtim para sa isang magsasalita.’ ”2

Mga Turo ni David O. McKay

Ang Diyos ay personal na Katauhan na maaari nating lapitan sa panalangin.

Mula pagkabata ay mahal ko na ang katotohanan na ang Diyos ay personal na katauhan, at Siya’y tunay na ating Ama na malalapitan natin sa panalangin at makatatanggap tayo ng sagot mula sa Kanya. Itinuturing kong isa sa mga pinakamahalagang karanasan ng buhay ang malaman na dinirinig ng Diyos ang dalangin ng pananampalataya. Totoong ang mga sagot sa ating mga dalangin ay hindi palaging darating nang tuwiran at tumpak sa oras, ni sa paraan, na inaasahan natin; ngunit dumarating ang mga ito, sa oras at sa paraan na pinakamainam para sa ikabubuti ng taong nag-alay ng panalangin.

Gayunman may mga pagkakataon na nakatanggap ako ng tuwiran at agad na katiyakan na ang dalangin ko’y pinagbigyan. Minsan ay napakalinaw ng sagot na tila nasa tabi ko lamang ang Ama sa Langit at nagsasalita. Ang mga karanasang ito’y bahagi ng aking pagkatao at mananatili hangga’t ako’y may alaala at talino. Tila tunay na tunay at napakalapit sa akin ng Tagapagligtas ng daigdig.

Noon ko lang nadama na ang Diyos ay aking Ama. Hindi lamang Siya kapangyarihan na di-nakikita, o puwersa ng kabutihang-asal sa daigdig, kundi isang personal na Diyos na may kapangyarihang lumikha, ang tagapamahala ng daigdig, at ng ating mga kaluluwa. Nais ko sanang lahat ng lalaki, at lalo na ang mga kabataan ng Simbahan, na maging napakalapit sa ating Ama sa langit para araw-araw manalangin sa Kanya—hindi lamang lantaran, kundi nang sarilinan. Kung tataglayin ng ating mga tao ang pananampalatayang ito, maraming biyaya ang darating sa kanila. Mapupuno ang kanilang kaluluwa ng pasasalamat sa mga bagay na ginawa ng Diyos para sa kanila; makikita nilang mayaman sila sa mga kahilingang ipinagkaloob. Hindi guni-guni lang ang makalapit sa Diyos at makatanggap ng liwanag at patnubay mula sa Kanya, at pagkatapos ay maliwanagan ang ating isipan at mapuspos ng Kanyang Espiritu ang ating mga kaluluwa.3

Kapag nakaluhod kayong dumadalangin sa gabi, nadarama ba ninyong malapit siya, na naririnig niya kayo, nadarama ba ninyo ang kapangyarihang kumikilos na tulad ng radyo o mas matinding kapangyarihan kung kaya dama ninyong nakikipag-ugnayan kayo sa kanya?4

Gusto kong maging malapit nang husto ang mga binatilyo ng Israel sa [Diyos] upang malapitan nila Siya araw-araw, hindi lamang sa publiko, kundi nang sarilinan. Sana’y magtiwala sila sa Kanya tulad ng batang babaing bulag sa kanyang ama. Nakaupo siya sa kandungan ng ama habang nakasakay sa tren, at isang kaibigan na katabi sa upuan ang nagsabing: “Pahinga ka muna, ako naman ang kakandong sa kanya, ” at kinuha niya ang bata at iniupo sa kanyang kandungan. Sinabi ng ama sa bata: “Kilala mo ba ang mayhawak sa iyo?” “Hindi po, ” sagot ng bata, “pero kilala n’yo siya.” O, napakalaki ng tiwala ng bata sa kanyang ama. … Gayon din ang tiwalang dapat ipakita ng mga batang Banal sa mga Huling Araw sa kanilang Ama sa langit.5

Mabuting malaman ng mga batang lalaki at babae na makalalapit sila sa Diyos sa panalangin. Malalaman ninyong mga estudyante sa unibersidad, gaya ng dapat malaman ng ibang mga estudyante sa bawat eskuwelahan, na kapag nahihirapan kayo ay makatatanggap kayo ng tulong at patnubay kung taos-puso ninyong hahangarin ito. Marahil tatayo kayo tulad ng ginawa ng ilan sa amin noon at madarama na hindi nasagot ang inyong dalangin, ngunit balang-araw matatanto ninyo na sinagot ng Diyos ang inyong mga dalangin tulad ng gagawin ng matalinong magulang. Isa sa mga pinakamalaking ari-arian ng kabataan ang madama na makalalapit kayo sa ating Ama at maibubuhos ang nilalaman ng inyong puso sa Kanya.6

Ang panalangin ay higit pa sa mga salita; kailangan nito ng pananampalataya, pagsisikap, at wastong pag-uugali.

Ang panalangin ay pintig ng sumasamo at mapagmahal na puso na nakaayon sa Walang Hanggan. Ito ang mensahe ng kaluluwa na tuwirang ipinararating sa mapagmahal na Ama. Ang wika ay hindi lamang mga salita. …

Ang una at pinakamahalagang katangian ng mabisang panalangin ay pananampalataya. Ang paniniwala sa Diyos ay nagdudulot ng kapayapaan sa kaluluwa. Ang katiyakan na ang Diyos ay ating Ama, na malalapitan natin para sa kapanatagan at patnubay, ay pinagmumulan sa tuwina ng aliw.

Ang isa pang mahalagang katangian ay pagpipitagan. Ang katangiang ito’y ipinakita sa huwarang dalangin na ibinigay ng Tagapagligtas sa mga salitang “Sambahin nawa ang pangalan mo.” [Mateo 6:9.] Ang alituntuning ito’y dapat ipakita sa mga silid-aralan, at lalo na sa ating mga bahay-dalanginan.

Ang ikatlong mahalagang elemento ay kataimtiman. Ang panalangin ay pagsamo ng espiritu. Ang taimtim na pananalangin ay nangangahulugan na kapag humiling tayo ng anumang mabuting katangian o pagpapala ay dapat tayong gumawa para makamtan ang biyaya at linangin ang mabuting katangian.

Ang susunod na mahalagang katangian ay katapatan. Bakit mo idadalangin na dumating ang Kaharian ng Diyos kung hindi naman ito ang hangarin ng puso mo at hindi ka handang tumulong sa pagtatatag nito? Ang pagdalangin na matupad nawa ang Kanyang kalooban at pagkatapos ay hindi naman ito susundin, ay nagbibigay kaagad ng negatibong sagot. Hindi mo ipagkakaloob ang isang bagay sa isang bata na hindi naman bibigyang halaga ang hinihiling niya sa iyo. Kung idadalangin natin ang tagumpay ng ilang layunin o negosyo, maliwanag na may simpatiya tayo rito. Kawalang pitagan ang manalangin na masunod nawa ang kalooban ng Diyos at pagkatapos ay mabigong iayon ang ating buhay sa kaloobang iyon.

Ang huling mahalagang katangian ay ang kababaang-loob. … Ang alituntunin ng kababaang-loob at panalangin ang umaakay sa tao para madama ang banal na patnubay. Ang pag-asa sa sariling kakayahan ay mabuting katangian, ngunit dapat ay alam ng tao na kailangan ng tulong mula sa kaitaasan—ng kaalaman na habang matatag kang lumalakad sa landas ng tungkulin, ay may posibilidad na magkamali ka ng hakbang; at kasama ng kaalamang iyan ang dalangin, ang pagsamo na bigyang-inspirasyon ka ng Diyos upang maiwasan ang maling hakbang.7

Ang panalangin sa tahanan ay nagtuturo sa mga bata ng pananampalataya sa Diyos.

Kung tatanungin ninyo ako kung saan ko natanggap ang pananampalataya kong di-natitinag ukol sa pag-iral ng Diyos, ang sagot ko’y: sa tahanan noong aking kabataan—kapag tinitipon nina Itay at Inay ang kanilang mga anak sa umaga at sa gabi at hinihingi ang basbas ng Diyos sa sambahayan at sa buong sangkatauhan. May katapatan sa tinig ng mabuting patriarch na iyon na nag-iwan ng di-malilimot na impresyon sa kaluluwa ng kanyang mga anak, at ang mga dalangin ni Inay ay gayon din kasidhi. Hiling ko ngayong gabi sa bawat ama sa Simbahan na buong pusong tiyakin na makikintal sa kanyang mga anak ang katunayan ng pag-iral ng Diyos at ang katunayan na gagabayan at pangangalagaan ng Diyos ang kanyang mga anak. Iyan ay tungkulin ninyo. Ang tahanan ay isa sa mga yunit—ang pangunahing yunit—ng lipunan. Bago ko narinig na nagpatotoo ang aking ama na narinig niya ang tinig mula sa langit, alam ko na na nabuhay siyang malapit sa kanyang Manlilikha.8

Naturuan ang mga batang Banal sa mga Huling Araw na kilalanin ang [Diyos], at manalangin sa kanya bilang isang taong nakakarinig at dumirinig at nakadarama na tulad ng ama sa lupa na nakakarinig, dumirinig at nakadarama. Naging sangkap na ng kanilang pagkatao, mula sa kanilang mga ama’t ina, ang tunay na patotoo na ang personal na Diyos na ito ay nagsalita sa dispensasyong ito. May katotohanan ito.9

Naniniwala ako na kapag ang mga bata ay pinalaking malapit sa ating Amang Walang Hanggan ay hindi gaano ang kasalanan o kasamaan sa tahanang iyon. Kapag ang batang paslit na nahihirapan dahil inaapoy ng lagnat, at umasa sa kanyang ama at sa simpleng pananalig ay nagsabing, “Papa, basbasan n’yo po ako, ” gusto kong sabihin sa inyo na mula sa gayong mga tahanan nagmumula ang kalakasan at kaluwalhatian ng alinmang bansa. Gayon ang mga tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw.10

“Panginoon, turuan mo kaming manalangin” ang mapitagang samo ng mga disipulo sa Guro [tingnan sa Lucas 11:1]. Tulad ng mapagpakumbabang mga bata naghangad sila ng angkop na patnubay, at ang kanilang samo ay hindi nabigo.

Kung paanong madaling makaramdam ang mga disipulo, gayundin na minsan ay maaaring madama ng mga bata na kailangan ng banal na patnubay at kapanatagan, ngunit hindi nabibigkas ang kanilang inaasam na kahilingan. Dahil dito’y ibinigay ng Panginoon na tungkulin ng mga magulang ang “[turuan] ang kanilang mga anak na manalangin.” [D at T 68:28.]

Ang mga alalahanin, kalituhan, at kalungkutan ay umiiral kapwa sa buhay ng maliit na bata at sa mundo ng matatanda, at karapatan ng mga bata na tumanggap ng kapanatagan, aliw, at patnubay na nagmumula sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin.

Hindi lamang iyan, kundi mula sa punto ng pananampalataya, katapatan, at patuloy na pagtitiwala, ang dasal ng inosenteng bata ay tiyak na tatanggap kaagad ng sagot mula sa mapagmahal na Ama.11

Ang inspirasyon ng Diyos ay nakikita sa paghiling sa mga Banal sa mga Huling Araw na panatilihing buo ang kanilang mga tahanan, at turuan ang kanilang mga anak ng mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ngayon, hindi ibig sabihin na gagawin nating pormal ang gayong pagtuturo o kaya’y nakayayamot sa anumang paraan. Ang ibig kong sabihin ay dapat mabanaag ang ebanghelyo ni Jesucristo sa bawat tahanan; na ang dalangin sa umaga at gabi ay dapat iaalay nang taos-puso; na maunawaan ng mga bata sa araw-araw na nais nating lumagi sa ating tahanan ang presensya ng Diyos. Kung maaanyayahan natin doon ang Tagapagligtas, malalaman natin na ang mga anghel ay hindi lamang handa kundi sabik na protektahan ang ating mga anak. Naniniwala ako na sa karamihan ng mga tahanan ang mga bata ay tinuturuang manalangin bago matulog sa gabi. Gayunman naniniwala ako na karaniwang napapabayaan ang mga dasal sa umaga. Bagamat kung iisipin natin ay higit na kailangan ng ating mga anak sa oras na gising sila ang proteksyon ng Diyos, at ang patnubay ng kanyang Banal na Espiritu, kaysa kapag sila’y natutulog.12

Sinusunod ba ninyo ang payo ni Cristo na manalangin sa Ama at turuan ang inyong mga anak na manalangin, upang ang kabanalan, paggalang sa Diyos at sa kanyang gawain, sa araw-araw ay makintal sa puso ng inyong mga anak? Dapat sa tahanan gawin iyan. Huwag lamang ipagdasal ang inyong sarili, kundi ipagdasal din ang inyong mga kaaway.13

Mga magulang, kung wala na kayong ibang gagawin, lumuhod sa umaga kasama ng inyong mga anak. Alam kong abala kayo kapag umaga, … ngunit humanap kayo ng oras para lumuhod at anyayahan ang Diyos sa inyong tahanan. Ang panalangin ay makapangyarihang puwersa.14

Sa pamamagitan ng panalangin ng pamilya ay hayaang makapunta sa kinaroroonan ng Diyos ang mga magulang at mga anak.15

Ang panalangin ay nagdudulot ng maraming malalaking biyaya.

Ang kapangyarihan ng … mga panalangin sa buong Simbahan ay dumating sa akin kahapon nang matanggap ko ang isang liham mula sa isang kapitbahay sa bayan kong sinilangan. Ginagatasan niya ang kanyang mga baka nang marinig niya sa radyo na nasa kanyang kamalig ang balitang yumao na si Pangulong [George Albert] Smith. Nadama niya kung ano ang ibig sabihin nito sa kanyang dating kababayan, at iniwan niya ang kanyang kamalig at umuwi at sinabi sa kanyang asawa. Kaagad nilang tinawag ang maliliit nilang anak, at sa abang tahanang iyon, tumigil sila sa pagtatrabaho, at lumuhod bilang isang pamilya at nag-alay ng panalangin. Kayo na ang bahalang umunawa sa kahalagahan ng tagpong iyon. Gawin ninyo iyang daang libo, dalawang daang libo, kalahating milyong mga tahanan, at masdan ang kapangyarihan sa pagkakaisa at mga panalangin, at sa nagtataguyod na impluwensya sa buong Simbahan.16

Kung magkakaroon lamang ang ating mga kabataan ng … pananampalataya at palihim nilang lalapitan ang kanilang Diyos, kahit paano’y may apat na biyayang darating sa kanila ngayon din. Ang una’y pasasalamat—pasasalamat sa mga biyayang di nila nakamtan noon. Mapupuspos ang kanilang kaluluwa ng pasasalamat sa nagawa ng Diyos para sa kanila. Makikita nilang sagana sila sa mga kahilingang ipinagkaloob. Ang binatang nagsasara ng pintuan at humihila sa mga kurtina at doon ay sumasamo ng tulong sa Diyos, ay dapat munang taimtim na magpasalamat para sa kalusugan, mga kaibigan, mga mahal sa buhay, ebanghelyo, at katotohanan ng Diyos, gaya ng nakikita sa mga bato at mga puno at mga bulaklak, at lahat ng bagay sa kanyang paligid. Dapat muna niyang bilangin ang kanyang mga pagpapala, at mamamangha siya sa kaloob ng Panginoon [tingnan sa “Mga Pagpapala ay Bilangin, ” Mga Himno, blg. 147].

Ang pangalawang biyaya ng panalangin ay patnubay. Hindi ko inaakalang maliligaw ang isang binatilyong lumuluhod sa tabi ng kanyang kama sa umaga at nagdarasal sa Diyos na tulungan siyang panatilihing walang bahid ng mga kasalanan ng daigdig. Palagay ko ay hindi magkakamali ang isang dalagitang luluhod sa umaga at dadalangin na panatilihin siyang dalisay at walang bahid-dungis sa maghapon. Hindi ko inaakalang magkakaroon ng poot sa puso ng Banal sa mga Huling Araw kung taos-puso at lihim siyang mananalangin sa Diyos na pawiin ang damdamin ng pagkainggit at maruming pag-iisip sa kanyang kapwa. Patnubay? Oo, paroroon ang Diyos para gabayan at turuan ang taong “magsasaliksik sa Kanya nang may pananampalataya nang buo niyang lakas at buong kaluluwa.”

Ang ikatlong biyaya ay pagtitiwala. Sa buong lupaing ito’y libulibo at laksa-laksa ang mga estudyanteng nagsisikap na makapagaral. Turuan natin ang mga estudyanteng ito na kung gusto nilang magtagumpay sa kanilang mga aralin, dapat nilang saliksikin ang kanilang Diyos, upang ang pinakadakilang guro na kilala sa buong mundo ay tumayo sa tabi nila at akayin sila. Minsang madama ng estudyante na malalapitan niya ang Panginoon sa pamamagitan ng panalangin, magkakaroon na siya ng tiwala na matututuhan niya ang mga aralin, na maisusulat niya ang kanyang talumpati, na makatatayo siya sa harap ng kanyang kapwa mga estudyante at maihahatid ang kanyang mensahe nang walang takot na mabigo. Ang pagtitiwala ay dumarating sa taos na panalangin.

Sa huli’y makatatanggap siya ng inspirasyon. Hindi guni-guni lang ang makalapit sa Diyos at makatanggap ng liwanag at patnubay mula sa Kanya, at pagkatapos ay maliwanagan ang ating isipan at mapuspos ng Kanyang Espiritu ang ating mga kaluluwa. … Alam ito ni Joseph Smith; at ang patotoo, ang ebidensya ng inspirasyong natanggap ni Propetang Joseph ay makikita ng lahat na magmumulat ng kanilang mata upang makakita at ng kanilang puso upang makaunawa.17

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Paanong napalakas ng panalangin ang inyong kaugnayan sa Diyos? Bakit mahalagang malaman na nagdarasal kayo sa inyong Ama sa Langit, na kung kaninong wangis kayo ay nilikha? (Tingnan sa mga pahina 83–84.)

  • Ano ang ilang paraan na sinasagot ng Diyos ang mga panalangin? (Tingnan sa mga pahina 83–84.) Bakit tila hindi nasasagot kaagad ang ilang panalangin? Ano ang mga natanggap ninyong pagpapala sa mga sinagot na panalangin?

  • Anong mga katangian o pag-uugali ang maaari nating taglayin na makatutulong para maging mas taimtim at makabuluhan ang ating mga dalangin? (Tingnan sa mga pahina 84–86.) Paano natin espirituwal na maihahanda ang ating sarili bago mag-alay ng panalangin?

  • Paano matuturuan ng mga magulang ang mga anak na manalangin? (Tingnan sa mga pahina 86–88.) Sa paanong paraan makaiimpluwensya sa buhay ng mga bata ang pansarili at pampamilyang panalangin? (Tingnan sa mga pahina 86–88.) Bakit mahalagang bahagi ng pagpapatatag at pagkakaisa ng mga pamilya ang araw-araw na panalangin?

  • Ano ang ilang mga biyayang nagmumula sa regular na panalangin? (Tingnan sa mga pahina 88–90.) Ano ang magagawa natin para gawing mas makabuluhan at hindi paulit-ulit o mekanikal ang ating mga panalangin?

  • Paano makatutulong ang taos at taimtim na panalangin para maalis sa ating kaluluwa ang kalupitan o masamang iniisip sa ibang tao?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mateo 21:22; Santiago 5:16; 2 Nephi 32:8–9; Alma 17:3; 34:17–28; 3 Nephi 18:18–21; D at T 19:38

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Abr. 1922, 65.

  2. Cherished Experiences from the Writings of President David O. McKay, tinipon ni Clare Middlemiss, binagong edisyon (1976), 58–59.

  3. Sa Conference Report, Abr. 1969, 152–53; binago ang pagtatalata.

  4. Sa Conference Report, Okt. 1954, 84.

  5. Sa Conference Report, Abr. 1922, 64; binago ang pagtatalata.

  6. Stepping Stones to an Abundant Life, tinipon ni Llewelyn R. McKay (1971), 42.

  7. Pathways to Happiness, tinipon ni Llewelyn R. McKay (1957), 225–26.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1966, 107.

  9. Sa Conference Report, Abr. 1934, 23.

  10. Sa Conference Report, Abr. 1912, 52–53.

  11. True to the Faith: From the Sermons and Discourses of David O. McKay, tinipon ni Llewelyn R. McKay (1966), 210–11.

  12. Sa Conference Report, Okt. 1917, 57–58.

  13. Sa Conference Report, Okt. 1919, 78.

  14. Man May Know for Himself: Teachings of President David O. McKay, tinipon ni Clare Middlemiss (1967), 300.

  15. Stepping Stones to an Abundant Life, 281.

  16. Sa Conference Report, Abr. 1951, 158.

  17. Sa Conference Report, Abr. 1922, 64–65.

man praying

“Itinuturing kong isa sa mga pinakamahalagang karanasan ng buhay ang malaman na dinirinig ng Diyos ang dalangin ng pananampalataya.”

family praying

“Sinusunod ba ninyo ang payo ni Cristo na manalangin sa Ama at turuan ang inyong mga anak na manalangin?”