Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 9: Paglaban sa Tukso


Kabanata 9

Paglaban sa Tukso

Magsisalangsang kayo sa diablo, at tatakas siya sa inyo. Ligawan ninyo siya at di magtatagal ay may tanikala na kayo, hindi sa pulso, kundi sa inyong kaluluwa.1

Panimula

Bilang batang misyonero sa Scotland, dumalo si David O. McKay sa isang pulong na pinangasiwaan ni James L. McMurrin, isang tagapayo sa panguluhan ng European Mission. Habang nagpupulong ay nasaksihan ng mga dumalo ang ilang pagpapamalas ng mga kaloob ng Espiritu. Makalipas ang mga 70 taon, sa isang pulong ng priesthood, nagunita ni Pangulong McKay: “Naalaala ko pa, parang kahapon lamang, ang tindi ng inspirasyon sa pagkakataong iyon. Nadama ng bawat isa ang saganang pagbuhos ng Espiritu ng Panginoon. Lahat ng naroon ay tunay na iisa ang puso at iisa ang isipan. Hindi ko pa nadama ang gayon noon. …

“Gayon ang ibinigay na paglalarawan ni James L. McMurrin sa napatunayan na isang propesiya. Nalaman ko sa pagiging malapit ko sa kanya na si James McMurrin ay totoo at magiting na tao. Ganap ang pananampalataya niya sa ebanghelyo. Wala nang totoong tao, o mas tapat sa inaakala niyang tama ang nabuhay noon. Kaya’t nang bumaling siya sa akin at ibigay ang inakala ko noon na babala sa halip na pangako, ay nakintal na mabuti sa akin ang kanyang mga salita. Sa ibang pakahulugan ng mga salita ng Tagapagligtas kay Pedro, sinabi ni Brother McMurrin: ‘Sinasabi ko sa iyo, Brother David, hiningi ka ni Satanas upang ikaw ay maliglig niyang gaya ng trigo, datapuwa’t mahal ka ng Diyos.’ [Tingnan sa Lucas 22:31.] …

“Nang sandaling iyon ay pumasok sa isipan ko ang mga tuksong napagdaanan ko, at natanto ko nang higit pa kay Pangulong McMurrin, o ng sino pa mang tao, na talagang nagsabi siyang, ‘Hinihingi ka ni Satanas.’ Nang magpasiya ako nang sandali ding iyon na panatilihin ang pananampalataya ay umusbong ang hangarin na maglingkod sa aking kapwa; at kaakibat nito’y natanto ko, kahit paano, ang utang-na-loob ko sa elder na unang naghatid ng mensahe ng pinanumbalik na ebanghelyo sa aking lolo’t lola, na tumanggap sa mensahe noon sa hilagang Scotland at sa South Wales.”

Tinapos ni Pangulong McKay ang kuwentong ito para sa mga binatilyo ng Simbahan sa pamamagitan ng payo na angkop para sa lahat: “Hiling ko na patuloy kayong pagpalain ng Diyos. … Huwag hayaang iligaw kayo ng tukso.”2

Mga Turo ni David O. McKay

Kailangan nating bantayan ang ating sarili at ating mga pamilya laban sa impluwensya ng kaaway.

Ang mga puno na nananatiling nakatayo sa gitna ng buhawi ay kadalasang napapabagsak ng mapanirang mga insekto na halos di natin makita sa mikroskopyo. Gayundin naman na ang pinakamalaking kalaban ng sangkatauhan ngayon ay ang di-kapansinpansin at kung minsan ay di-nakikitang impluwensyang kumikilos sa lipunan na nagpapahina sa kalalakihan at kababaihan sa ngayon. Sa kabila ng lahat, ang pagsubok sa katapatan at pagiging epektibo ng mga tao ng Diyos ay pansarili. Ano ang ginagawa ng indibiduwal?

Bawat tuksong dumarating sa inyo at sa akin ay dumarating sa isa sa tatlong uri:

  1. Tukso sa hilig o silakbo ng damdamin;

  2. Pagbibigay-daan sa kapalaluan, moda o uso;

  3. Paghahangad sa mga yaman o kapangyarihan ng mundo at pamumuno sa mga lupain o sa makalupang ari-arian ng mga tao.

Ang gayong mga tukso ay dumarating sa atin sa mga panlipunang pagtitipon; dumarating ito sa ating pagsisikap ukol sa pulitika; dumarating ito sa atin sa mga pakikipagnegosyo, sa bukid, sa mga pamilihan; sa pakikitungo natin sa lahat ng kalakaran ng buhay ay nakikita nating kumikilos ang mga mapaminsalang impluwensya. Kapag nakikita na ang mga ito na ginagawa ng bawat indibiduwal ay dapat nang pairalin ang pagtatanggol mismo sa katotohanan.

Itinuturo ng Simbahan na ang buhay dito sa lupa ay isang pagsubok lamang. Tungkulin ng tao na maging panginoon, hindi alipin ng kalikasan. Ang kanyang gana o hilig ay dapat makontrol at magamit para sa ikabubuti ng kanyang kalusugan at pagpapahaba ng kanyang buhay—ang simbuyo ng kanyang damdamin ay dapat mapasunod at makontrol para lumigaya at mapagpala ang iba. …

Kung mamumuhay kayo nang tapat sa mga bulong ng Banal na Espiritu, at patuloy na gagawin ang gayon, mapupuspos ng ligaya ang inyong kaluluwa. Kung hindi ninyo ito gagawin at lagi na lang iisipin na hindi ninyo nagawa ang alam ninyong tama, kayo’y magiging malungkot kahit na nasa inyo ang kayamanan ng mundo. …

Sa paghahanap nila ng kasayahan, ang mga kabataan ay madalas matuksong magpasasa sa mga bagay na nakaaakit lamang sa mababang panig ng pagkatao, lima sa pinakakaraniwan ang: una, kabastusan at kahalayan; ikalawa, pag-inom ng alak at paghihipuan; ikatlo, kasiraan ng puri; ikapat, kawalang katapatan; at ikalima, kawalang pitagan.

Kabastusan ang kadalasang unang hakbang pababa sa landas ng pagpapasasa. Ang pagiging bastos ay pagkalaban sa mabuting panlasa o pinong damdamin o pagkatao.

Isang hakbang lamang mula sa kabastusan tungo sa kahalayan. Tama lamang, sa katunayan ay mahalaga, sa kaligayahan ng ating mga kabataan ang magkikita sa mga parti, ngunit palatandaan ito ng mababang moralidad kapag bilang libangan ay babaling sila sa pagpukaw ng damdamin at pagpapababa ng pagkatao. Ang mga party na puno ng pag-iinuman at paghihipuan ay lumilikha ng kapaligirang nagpapahina sa kabutihang-asal, at kumakawala ang di-mapigilang kapusukan. Kasunod nito’y madali nang humakbang pababa at bumulusok sa kawalang-kahihiyan.

Kapag, sa halip na piliin ang mataas na mga alituntunin ng kabutihang-asal ay pinili ang buhay ng pagbibigay-layaw sa kahalayan, at bumaba na ang pagkatao ng babae o lalaki, ang kataksilan ay tiyak na magiging bahagi ng kanyang pagkatao. Nasisira ang katapatan sa mga magulang; tinatalikuran na ang pagsunod sa kanilang mga turo at mithiin; naglalaho ang katapatan sa asawa at sa mga anak para bigyang-kasiyahan ang hilig ng katawan; imposible nang maging tapat pa sa Simbahan, at kadalasan ay napapalitan ng panunuya sa mga turo nito.3

Ang tukso ay kadalasang dumarating sa tahimik na paraan. Marahil ang pagpapatangay dito ay hindi alam ng kahit sino maliban ng taong napatukso at ng kanyang Diyos, ngunit kung napatukso nga siya, siya’y nagiging mahina, at nadudungisan ng kasamaan ng mundo.4

Itinaboy si Satanas dahil sinubukan niyang palitan ang Lumikha. Ngunit naipapamalas pa rin ang kanyang kapangyarihan. Siya’y aktibo at sa sandaling ito’y itinatatwa ang pag-iral ng Diyos, ng pag-iral ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, at ikinakaila ang bisa ng ebanghelyo ni Jesucristo.5

Aktibo ang kaaway. Siya’y tuso at mapanlinlang, at naghahanap ng pagkakataon upang pahinain ang pundasyon ng Simbahan, at sumasalakay sa tuwing posibleng pahinain o wasakin ito. … Ibinigay ng Diyos ang kalayaan sa pagpili. Ang pagunlad ng ating pagkatao at espiritu ay batay sa paggamit natin sa kalayaang iyon.6

Determinado pa rin si Satanas na ipagpilitan ang gusto niya, at binigyan niya ng kapangyarihan ang kanyang mga sugo ngayon nang mas matindi kaysa noong nakaraang mga siglo. Maghandang harapin ang matitinding kalagayan, ang mga pilosopiya na tila makatwiran ngunit masama. Upang mapaglabanan ang puwersang ito, kailangan tayong umasa sa mga bulong ng Espiritu Santo, na karapatan ninyong tanggapin. Tunay ang mga ito.

Ginagabayan ng Diyos ang simbahang ito. Maging tunay at tapat dito. Maging tapat sa inyong mga pamilya. Pangalagaan ang inyong mga anak. Gabayan sila, hindi sa malupit na paraan, kundi sa mabuting halimbawa ng isang ama, at sa gayon ay magdagdag ng lakas sa Simbahan sa pamamagitan ng paggamit ng inyong priesthood sa inyong tahanan at sa inyong buhay.7

Kaakibat ng pagiging miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang responsibilidad na mapaglabanan ang mga tukso, na maiwasan ang pagkakamali, mapagbuti ang kaisipan, at patatagin ang espiritu hanggang sa marating nito ang sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo.8

Sinisikap ng kaaway na tirahin ang ating kahinaan, ngunit lumalakas tayo kapag nilalabanan natin siya.

Hindi kayo maaaring makipaglaro kay Satanas. Labanan ang tukso, labanan ang Diyablo at lalayo siya sa inyo. [Tingnan sa Santiago 4:7.]

Ang Tagapagligtas na nasa bundok ang nagbigay ng pinakadakilang halimbawa sa buong daigdig. … Kaagad pagkatapos ng binyag ng Tagapagligtas, siya’y dinala sa bundok na kilala ngayon bilang Bundok ng Tukso. Hindi ko alam kung doon siya tumayo, kung doon siya nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw, o hindi. Pero sa isang bundok siya nagpunta, at makaraan … ang apatnapung araw, ay nilapitan siya ng Manunukso, gaya ng sabi sa atin, at gaya ng palaging ginagawa ng Manunukso, tinira siya ng Manunukso sa inaakala nitong pinakamahinang bahagi ng Kanyang pagkatao.

Matapos mag-ayuno [si Jesus], inakala ng Manunukso na gutom siya, at ang unang tukso, kung natatandaan ninyo, ay, “Kung, ” at sinabi niya nang may panunuya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, ay ipagutos mo na ang batong ito ay maging mga tinapay.” At may isang bato sa lugar na iyon na katulad ng wheat-loaf ng mga Judio, para lalong maging kaakit-akit ang tukso. Ang sagot ni Cristo ay: “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa’t salitang lumalabas sa bibig ng Dios.” (Mat. 4:3–4.)

Ang sumunod na tukso ay hango rin sa banal na kasulatan. “Ito’y pang-aakit ng kayabangan, pang-aakit na makalamang sa ating kapwa-tao: “Kung ikaw ang Anak ng Dios, ay magpatihulog ka …” (mula sa tuktok ng templo) “… sapagka’t nasusulat …” (at kayang bumanggit ng banal na kasulatan ang Diyablo para sa kanyang layunin) “… sapagka’t nasusulat, Siya’y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo: at aalalayan ka ng kanilang mga kamay, baka matisod ka ng iyong paa sa isang bato.” At ang sagot ay, “Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Dios.” (Mat. 4:6–7.)

Ang pangatlong tukso ay ukol sa pag-ibig sa yaman at kapangyarihan. Dinala ng manunukso si Jesus sa mataas na bundok at ipinakita sa kanya ang mga bagay ng daigdig at ang kapangyarihan nito. Hindi siya nanunuya sa tuksong ito. Siya’y sumasamo, dahil napahina ng paglaban ng Tagapagligtas ang mga kapangyarihan ng Manunukso. Ipinakita niya kay Jesus ang mga bagay ng daigdig. “Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sasambahin mo ako.” Sa pagbangon sa karingalan ng kanyang kabanalan, sinabi ni Jesus: “Humayo ka, Satanas: sapagka’t nasusulat, Sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.” At tumalilis papalayo ang Manunukso. [Tingnan sa Mateo 4:8–11.] …

Iyan ang kuwento tungkol sa iyo. … Sa pinakamahinang bahagi ninyo kayo titirahin ng Diyablo, sisikapin niyang makuha kayo, at kung pinahina ninyo ito bago pa man kayo maglingkod sa Panginoon, daragdagan niya ang kahinaang iyon. Labanan ninyo siya at magkakaroon kayo ng lakas. Tutuksuhin niya kayo sa ibang punto. Labanan ninyo siya at siya’y manghihina at kayo’y lalong lalakas, hanggang sa masabi ninyo, anuman ang nakapaligid sa inyo na, “[Humayo ka Satanas]: nasusulat, Sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.” (Lucas 4:8.)9

Sa kanyang mga disipulo sa Getsemani, … sinabi [ni Jesus], “At wala na ako sa sanglibutan, at ang mga ito ay nasa sanglibutan, …

“Hindi ko idinadalangin na alisin mo sila sa sanglibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama.” ( Juan 17:11, 15.)

Iyan ang aral sa inyo. … Nasa gitna kayo ng tukso, pero kayo, tulad ni Cristo sa Bundok ng Tukso, ay maaaring mangibabaw rito.10

Habang ipinamumuhay natin ang ebanghelyo at nagpipigil sa sarili, nakatatanggap tayo ng kagalakan at kapayapaan.

Hangga’t malaya ang Kaaway ng katotohanan na magkaroon ng kapangyarihan sa mundong ito, tayo’y maaaring masalakay, at ang tanging paraan para harapin ang mga pagsalakay na ito ay sa pamamagitan ng pamumuhay ng Ebanghelyo.11

Binibigyan tayo ng pagkakataon ng ebanghelyo na mamuhay sa ibabaw ng mundong ito at sa mga tuksong narito at, sa pamamagitan ng pagpipigil sa sarili at lubos na pagkakilala sa sarili (self-mastery), ay mamuhay sa espiritu, at iyan ang tunay na buhay dito at sa kabila.12

Nawa’y matanto natin nang higit kaysa noon na ang lubos na pagkilala sa personal na mga naisin ang siyang diwa ng relihiyong Kristiyano at ng lahat ng mga relihiyon. Likas na makasarili ang tao at may tendensiyang sumunod sa kung ano ang bigla niyang maisipan. Kailangan ng relihiyon, o ng isang bagay na mas mataas kaysa sa tao o kaya’y kalipunan ng mga tao, para mapaglabanan ang pagkamakasarili ng likas na tao. … Ang lubos na pagkakilala sa sarili ay dumarating sa pamamagitan ng pagkakait ng mumunting bagay sa ating sarili. Sinabi ni Cristo sa mga salitang ito: “ … sinomang mag-ibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon.” (Mat. 16:25.)

Sa tuwing kalilimutan ninyo ang inyong sarili at magsisikap para sa ikabubuti ng iba, at para sa isang bagay na mas mataas at mas mainam, kayo ay umaangat sa espirituwal na antas. Kung, sa sandali ng pagtatalo, sa sandali ng tukso na hanapan ng mali ang isa’t isa, ay mawala ang ating pagkamakasarili para sa ikabubuti ng Simbahan kung saan tayo kasapi, para sa kapakanan ng komunidad, at lalo na para sa ikasusulong ng ebanghelyo ni Jesucristo, tayo ay espirituwal na pagpapalain, at kaligayahan ang ating magiging gantimpala.

“Ano nga ba ang buti kung kaaway ko’y magapi,

At magkamal ng yaman na ubod nang dami!

Ako’y mahinang klaseng manlulupig

Hangga’t di ko kayang lupigin ang aking sarili.”

[Di-kilala ang may-akda.]13

Ang taong nagbibigay-layaw sa kanyang mga hilig, palihim man o hindi, ay may pag-uugaling hindi makatutulong sa kanya kapag natukso na siyang bigyang-layaw ang kanyang pagnanasa.14

Ang patuloy na iniisip ng tao ang siyang batayan ng hakbang na gagawin niya sa panahon ng kaluwagan at paghihirap. Ang reaksiyon ng tao sa kanyang mga hilig at bugso ng damdamin ang sumusukat sa uri ng kanyang pagkatao. Sa mga reaksiyong ito nahahayag ang kapangyarihan ng tao na mangibabaw o kanyang puwersahang pagpapaalipin.15

Ang mga hakbang na naaayon sa batas ng langit at mga batas ng kalikasan ay magdudulot ng kaligayahan, at ang mga salungat sa banal na katotohanan ay nagdudulot ng kalungkutan. Ang tao’y mananagot hindi lamang sa bawat gawa, kundi maging sa bawat masamang salita o kaisipan. Sinabi ng Tagapagligtas:

“… bawa’t salitang walang kabuluhang sabihin ng mga tao ay ipagsusulit nila sa araw ng paghuhukom.” (Mateo 12:36.)16

Lahat ng mabubuting bagay ay nangangailangan ng pagsisikap. Ang bagay na karapat-dapat na makamtan ay mangangahulugan ng bahagi ng iyong pisikal na pagkatao, ng kapangyarihan ng iyong isipan, at ng iyong kaluluwa—“Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan.” (Mat. 7:7.) Ngunit kailangan ninyong maghanap, kailangan ninyong kumatok. Sa kabilang banda, magsusumiksik sa inyo ang kasalanan. Kasabay ninyo itong lumalakad, tinutukso kayo nito, nang-aakit, bumibighani. Hindi ninyo kailangang magsikap. … Katulad ito ng patalastas sa malalaking karatula na umaakit sa inyo na uminom at manigarilyo. Katulad ito ng mensahe na dumarating sa inyong mga tahanan sa pamamagitan ng telebisyon at radyo. … Pilit kayong hinahanap ng kasamaan, at kailangan ng pagsisikap at tatag upang mapaglabanan ito. Ngunit ang katotohanan at karunungan ay nakakamtan lamang sa pamamagitan ng paghahanap, pananalangin, at pagsisikap.17

Palaging isipin na nasa ating kamay mismo ang kahihinatnan ng ating buhay, at nilinaw na mabuti ng Tagapagligtas ng mga tao kung paanong makakamtan ang kagalakan at kapayapaan. Ito’y nasa ebanghelyo ni Jesucristo at sa pagsunod dito.18

Nawa’y itulot ng Diyos na habang patuloy nating itinatatag ang kaharian ng Diyos ay maturuan natin ang ating mga kabataan, at ang mga miyembro ng Simbahan sa lahat ng dako, na labanan ang mga tukso na nagpapahina sa katawan, na sumisira sa kaluluwa, upang tunay tayong makapagsisi gaya noong ilubog tayo sa mga tubig ng pagbibinyag. Nawa’y mapanibago tayo sa tunay na diwa ng salita, na muli tayong isilang; upang ang ating mga kaluluwa ay mapainit ng liwanag ng Banal na Espiritu, at patuloy na maging matatapat na miyembro ng Simbahan ni Jesucristo hanggang sa makumpleto ang ating misyon sa lupa.19

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Ginamit ni Pangulong McKay ang pagkakatulad ng matatatag na puno na nanatiling nakatayo sa kabila ng malalakas na bagyo ngunit nagawang sirain ng mga pesteng ubod nang liliit na pumasok dito (tingnan sa pahina 94). Sa paanong paraan naaangkop ang pagtutulad na ito sa ating mga pakikibaka laban sa tukso? (Tingnan sa mga pahina 97–98.) Ano ang maaari nating gawin para maiwasang imbitahin ang tukso sa ating buhay? Paano natin mapatatatag ang mga bata at kabataan laban sa mas dumaraming mga tukso sa daigdig?

  • Sa paanong paraan maaaring magkaiba-iba ang mga tukso, batay sa situwasyon ng bawat tao? Ano ang maaari nating gawin para matulungan ang bawat isa na labanan ang tukso?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa kuwento tungkol sa paglaban ng Tagapagligtas sa mga tukso ni Satanas? (Tingnan sa Mateo 4:1–11 at Lucas 4:1–13, kasama ang mga talababa na hango mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith; tingnan din sa D at T 20:22.)

  • Sa paanong paraan kaiba ang kasiyahang dulot ng pagpapailalim sa tukso sa kaligayahang dulot ng pagsunod sa Tagapagligtas?

  • Paano sinisikap ni Satanas na gamitin ang ating mga kahinaan? (Tingnan sa mga pahina 97–98.) Paano natin magagapi ang ating mga kahinaan sa pamamagitan ni Jesucristo? (Tingnan din sa Eter 12:27.)

  • Ano ang maaari ninyong gawin para mapaglabanan at magapi ang mga tukso na madalas na nakapaligid sa inyo? Bakit mahalagang bumuo na ng pasiya o pinahahalagahan bago natin matagpuan ang ating sarili sa nakatutuksong situwasyon?

  • Sa ating pagsisikap na sundin ang Tagapagligtas at labanan ang tukso, paano makatutulong ang pag-alaala na “sinoma’y hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon”? (Mateo 6:24).

  • Paano nakatutulong sa atin ang mabubuti at makabuluhang kaisipan sa paglaban sa tukso? Ano ang magagawa natin para magkaroon ng lubos na pagkakilala sa sarili at pagpipigil sa sarili na madalas banggitin ni Pangulong McKay? (Tingnan sa mga pahina 98–101.)

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: I Mga Taga Corinto 10:13; Santiago 1:12–17; 2 Ni Peter 2:9; 1 Nephi 12:17; 15:23–24; Helaman 5:12; 3 Nephi 18:18–19; D at T 10:5

Mga Tala

  1. Gospel Ideals (1953), 352.

  2. Sa Conference Report, Okt. 1968, 86.

  3. Sa Conference Report, Okt. 1963, 7–8.

  4. Sa Conference Report, Okt. 1911, 59.

  5. Sa Conference Report, Okt. 1965, 9.

  6. Sa Conference Report, Abr. 1967, 6.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1969, 97.

  8. Gospel Ideals, 503.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1959, 88.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1953, 11.

  11. Sa Conference Report, Okt. 1955, 90.

  12. Sa Conference Report, Abr. 1969, 153.

  13. Sa Conference Report, Abr. 1967, 133; binago ang pagtatalata.

  14. Sa Conference Report, Abr. 1968, 8.

  15. Sa Conference Report, Abr. 1967, 8.

  16. Sa Conference Report, Abr. 1950, 33.

  17. Sa Conference Report, Okt. 1965, 144–45.

  18. Sa Conference Report, Okt. 1963, 9.

  19. Sa Conference Report, Abr. 1960, 29.

Christ overcoming temptation

“Nasa gitna kayo ng tukso, pero kayo, tulad ni Cristo sa Bundok ng Tukso, ay maaaring mangibabaw rito.”