Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 16: Ang Marangal na Tungkulin ng mga Magulang


Kabanata 16

Ang Marangal na Tungkulin ng mga Magulang

Protektahan ang inyong mga anak. Gabayan sila … sa pamamagitan ng halimbawa ng isang mabait na ama, isang mapagmahal na ina.1

Panimula

Madalas magpasalamat si Pangulong David O. McKay sa kanyang mga magulang at sa impluwensiya nila sa buhay niya: “Natuto ako [sa tatay ko] na magtrabaho at sumamba patungkol sa moral at espirituwal na mga aktibidad gayundin sa biglaan at temporal na mga bagay. Anuman ang ating tungkulin, anuman ang gawain, gawin natin ito, sa abot ng ating kaya.

“Ang magandang halimbawa ng nanay ko ay nanatili rin sa akin—ang kanyang kahinahunan at pasensiya at katapatan.”2

Bunga nito malakas ang impluwensiya ni Pangulong McKay bilang mapagmahal na ama. Noong bata pa si David Lawrence, isa sa mga anak niyang lalaki, sinamahan nito ang kanyang ama sa karetela. “Tinawid namin ang rumaragasang ilog sa gitna ng unos, ” paggunita ni David Lawrence, “at napagitna kami sa ilog at sa maagos na batis sa bundok. Akala ko’y katapusan na ng mundo, at umiyak ako. Yakap ako ni Itay sa kanyang kandungan buong gabi hanggang masagip kami kinaumagahan. Mahirap suwayin ang isang lalaking nagmamahal at yumayakap sa iyo.”3

Naalala ni David Lawrence na niliwanag nina David O. at Emma Ray McKay ang inaasahan nila sa kanilang mga anak at bilang mga magulang, “napakadisiplinado nila kaya hinding-hindi kami nalilito kapag nakikita namin silang kumikilos nang kakaiba sa dapat naming ikilos. … Ang pag-asa nilang ito ang nagturo sa amin ng landas na tatahakin, at dahil mahal namin sila, naganyak kaming tahakin ang landas na iyon. Natutuhan namin silang mahalin dahil una nila kaming minahal nang husto.”4

Ang halimbawa at payo ni Pangulong McKay sa mga magulang na Banal sa mga Huling Araw ay nagpakita ng kanyang pag-unawa sa kanilang mahalagang impluwensiya at nagbadya ng kanyang paniniwala na “walang ibang tagumpay na makakatumbas sa kabiguan sa tahanan.”5

Mga Turo ni David O. McKay

May banal na responsibilidad ang mga magulang na pangalagaan at gabayan ang kanilang mga anak.

Ang pinakawalang-kayang nilikha sa mundo ay ang bagong panganak. Ang pangangalaga ng magulang ay mahalaga sa kaligtasan, gayundin sa paglaki nito. … Mga anak natin ang pinakamahalagang pag-aari natin, ang kayamanan natin sa kawalang-hanggan. Karapat-dapat at dapat silang makatanggap ng pinakamahusay at patuloy na pangangalaga at gabay natin. …

Ang pagluluwal ng mga bata sa mundo ay may kaakibat ng malalaking responsibilidad at ipinakikita nito ang pinakamarangal na layunin ng buhay, ang pakikipagtuwang sa Diyos na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.” (Moises 1:39.)6

Ang Ama ng buong sangkatauhan ay umaasa sa mga magulang, bilang kanyang mga kinatawan, na tulungan siyang hubugin at gabayan ang mga tao at kaluluwang imortal. Iyan ang pinakamataas na tungkuling maibibigay ng Panginoon sa tao.7

Ang pagiging magulang … ay dapat ituring na sagradong obligasyon. May namamayani sa kaibuturan ng kaluluwa ng tao na naghihimagsik laban sa pabayang magulang. Itinanim ng Diyos sa kaibuturan ng kaluluwa ng mga magulang ang katotohanan na hindi nila matatakasan ang parusa sa pagpapabaya sa kanilang responsibilidad na protektahan ang mga bata at kabataan.

Tila lumalaganap ang tendensiya na ilipat ang responsibilidad na ito sa tahanan sa impluwensiya sa labas, tulad ng paaralan at simbahan. Mahalaga man ang mga impluwensiyang ito sa labas, hinding-hindi nila kayang tumbasan ang impluwensiya ng ama’t ina. Ang patuloy na pagsasanay, pangangalaga, pagsama, pagbabantay sa sarili nating mga anak ay kailangan para mapanatiling buo ang ating pamilya.8

Nakikita ang inspirasyon ng Diyos sa pag-uutos sa mga Banal sa mga Huling Araw na panatilihing buo ang kanilang pamilya at ituro sa mga anak nila ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. “At tuturuan din nila ang kanilang mga anak na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.” Ang utos na ito ng Panginoon, na ibinigay sa atin sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 68, talata 28, ay nagpapatunay sa responsibilidad ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak—responsibilidad na madalas ipabalikat sa Simbahan, mga paaralang pampubliko, at mga maykapangyarihan.9

Tatlong grupo ang nagdadala ng responsibilidad sa pagtuturo sa mga bata: Una, ang pamilya; ikalawa, ang Simbahan; ikatlo, ang gobyerno. Pinakamahalaga rito ang pamilya. Ipinabalikat ng banal na utos ng Panginoon ang responsibilidad sa mga magulang, una, ituro ang doktrina ng pagsisisi; ikalawa, pananampalataya kay Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay; ikatlo, pagbibinyag at kumpirmasyon; ikaapat, turuang magdasal ang mga bata; ikalima, turuang lumakad nang matwid ang mga bata sa harapan ng Panginoon [tingnan sa D at T 68:25–28]. Ang mga magulang na tatakas sa responsibilidad na ito ay mananagot sa kasalanang pagpapabaya.10

Ang pinakadakilang pagtitiwalang maibibigay sa lalaki o babae ay ang pag-aaruga sa isang batang paslit. Kung magpabaya ang taong pinagkatiwalaan ng pondo ng ibang tao, maging bangko man ito, o opisyal ng bayan o bansa, dinarakip siya at maaaring makulong. Kung ibunyag ng taong pinagkatiwalaan ang mga sekreto ng gobyerno, at ipagkanulo ang kanyang bansa, tinatawag siyang traydor. Ano kaya ang iniisip ng Panginoon, kung gayon, sa mga magulang na bigong mapalaki nang wasto ang kanilang mga anak dahil sa kapabayaan o labis na kasakiman, at sa gayo’y mapatunayang di tapat sa pinakadakilang pagtitiwalang ibinigay sa mga tao? Ang tugon ng Panginoon: “… ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang.” (D at T 68:25.)11

Walang pansamantala sa tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Gayundin sa relasyon ng pamilya. Sa Banal sa mga Huling Araw talagang pangunahing yunit ng lipunan ang tahanan; at ang pagiging magulang ay kasunod ng Pagkadiyos. Ang sekreto ng mabuting pagkamamamayan ay nasa tahanan. Ang sekreto ng pagkikintal ng pananampalataya sa Diyos, sa kanyang Anak, ang Manunubos ng mundo, pananalig sa mga organisasyon ng Simbahan, ay nasa tahanan. Doon ito nakasentro. Ipinagkatiwala ng Diyos sa mga magulang ang responsibilidad sa pagkikintal ng mga prinsipyong ito sa isipan ng mga bata. Lahat ng paaralan, organisasyon ng Simbahan, at ilang karapat-dapat na institusyon ng ating lipunan ay mga tulong sa pagpapalaki at paggabay sa mga kabataan, ngunit wala sa mga ito—dakila man at mahalaga sa buhay ng ating mga kabataan—ang makapapalit sa pagkapermanente at impluwensiya ng mga magulang sa tahanan.12

Maaaring maging makapangyarihang impluwensiya ang mga ina sa kabutihan ng kanilang mga anak.

Isa sa pinakamalaking kailangan ng mundo ngayon ay ang matalino at matapat na ina. …

Ang pagiging ina ang maaaring pinakamalaking impluwensiya sa buhay ng tao sa kabutihan man o sa kasamaan. Ang wangis ng ina ang unang nakikintal sa isip ng bata. Ang kanyang yakap ang unang gumigising sa kapanatagan; ang kanyang halik ang unang pagpapadama ng pagmamahal; ang kanyang awa at paggiliw ang unang patunay na may pag-ibig sa mundo.13

Pagiging ina ang pinakamarangal na katungkulan sa mundo. Ang tunay na pagiging ina ang pinakamaganda sa lahat ng sining, ang pinakadakila sa lahat ng propesyon. Siya na nakapipinta ng obra-maestra, o nakasusulat ng aklat na iimpluwensiya sa milyun-milyon, ay karapat-dapat hangaan at purihin ng sangkatauhan; ngunit siya na tagumpay na nakapagpapalaki ng malulusog at magagandang anak, na ang mga kaluluwang imortal ay iimpluwensiya sa buong panahon kapag kumupas na ang mga ipininta, at anayin o masira ang mga aklat at estatuwa, ay karapatdapat sa pinakamataas na papuri ng tao, at sa pinakapiling mga biyaya ng Diyos.14

Ang mga ina ay nagtatanim ng mga binhi sa pagkabata na malaking basehan sa ani ng buhay sa pagtanda. Ang isang inang nagkikintal sa kaluluwa ng kanyang mga anak ng respeto sa isa’t isa at pagmamahal sa pagiging ina at ama, ay malaki ang serbisyo sa Simbahan at sa sangkatauhan. Ang mga batang lumaki sa gayong klaseng tahanan ay nagiging mabubuting mamamayan—mga mamamayang nagsisilbi tulad ng kanilang mga magulang, upang ipaglaban ang mga ipinaglaban ng kanilang mga magulang. …

Ang pagiging ina ang isang bagay sa buong mundo na tunay na naghahalimbawa ng mabubuting katangiang bigay ng Diyos sa paglikha at pagsasakripisyo. Bagama’t ibibingit nito ang babae sa kamatayan, ihahatid din siya ng pagkaina sa mismong kinaroroonan ng mga bukal ng buhay, at nagiging katuwang siya ng Maylikha sa pagbibigay sa mga espiritung walang hanggan ng pagkakataong mabuhay sa lupa.

Sa buong panahon ng pagiging sanggol, bata, at kabataan, oo, kahit maging magulang na ang kanyang mga anak, magiliw at mapagmahal pa ring nagsasakripisyo ang ina ng kanyang oras, kaginhawahan, kasiyahan, kailangang pahinga at paglilibang, at, kung kailangan, pati na kalusugan at mismong buhay niya para sa kanila. Walang salitang makapagpapahayag ng kapangyarihan at ganda at pagkauliran ng pag-ibig ng isang ina. …

… Kabilang sa pinakamahalagang yaman ng aking kaluluwa ang gunita ng mga dalangin ni Inay sa tabi ng higaan, ng kanyang mapagmahal na haplos habang kinukumutan niya kami ni kuya at hinahagkan bago matulog. Napakabata at pilyo pa namin noon para mapansin ang gayong katapatan, pero hindi na bata para malamang mahal kami ni Inay.

Ang tunay na pagmamahal ni Inay, at katapatan sa mga tagubilin ng ulirang ama, ang madalas na nagpaiwas sa akin sa kapusukan ng kabataan sa tukso.15

Walang mas marangal na gawain sa mundong ito na magagampanan ng sinumang ina kundi ang palakihin at mahalin ang mga batang kaloob ng Diyos sa kanya. Iyan ang tungkulin niya.16

Dapat makibahagi ang mga ama sa pagpapalaki sa kanilang mga anak.

Isang gabi, bandang alas-singko, apat na lalaking sakay ng kotse ang gumagaygay sa Main Street [sa Salt Lake City, Utah]. Paglagpas nila sa First South Street, nakarinig sila ng matinis na palahaw, “Papa! Papa! Papa! hintay.” Ama niya ang nagmamaneho, at nakilala nito ang tinig ng kanyang anak. Dagli niyang itinigil ang makina. Pagsilip nila sa labas, nakita nilang sumulpot mula sa nagkukumahog at nagtutulakang mga tao ang siyam-nataong-gulang na batang lalaki, kapos ng hininga, humihingal, umiiyak, sa paghabol sa kotse. …

Wika ng ama, “Aba, saan ka galing, anak ko?”

“Kanina ko pa kayo hinahanap.”

“E di, umalis ka sa pinagkasunduan nating tagpuan?”

“Opo, tiningnan ko kung saan kayo naroon.”

Akala ng bata magkikita sila sa harap ng Tabernakulo. Malinaw na gusto ng ama na magkita sila ng bata sa banda pa roon. Dahil sa di pagkakaunawaang ito nawalay ang anak sa kanyang magulang, at naipit ang batang paslit sa kakapalan ng tao, at napabayaan.

Naniniwala ako na ipinakikita niyan ang tema ng babala na madalas marinig. Mga ama, hindi ba kayo magkaunawaan ng inyong mga anak? May nasadlak ba sa mga kagipitan sa buhay, naliligiran ng lahat ng uri ng tukso, at umaasa kayong makita siya sa tagpuang hindi niya alam? Baka hindi siya makalabas sa kagipitang iyon at magpalahaw ng, “Itay, Itay!” at kung sakali, baka hindi ninyo siya marinig, dahil nakapako ang isipan ninyo sa mga problema sa buhay. Kaya baka malagpasan ninyo siya at maiwan siya sa gitna ng kasamaan, para umuwing mag-isa. Samahan ang inyong mga anak sa landas ng buhay na ito, para madala ninyo sila sa walang-hanggang tahanang iyon na may walang-hanggang kapayapaan at katiwasayan.17

Ang ama, na nakakaligtaang hatian sa responsibilidad ang kanyang asawa sa pagpapalaki ng kanyang mga anak dahil sa mga responsibilidad sa negosyo o pulitika o lipunan, ay hindi tapat sa mga obligasyon niya sa pag-aasawa. Siya ay negatibong elemento sa sana at dapat ay masayang kapaligiran sa tahanan, at posible itong pagsimulan ng hidwaan at masamang ugali.18

Dapat mapagmahal na ituro ng mga magulang ang pagsunod at pagpipitagan.

Dapat magsimula sa tahanan ang pagpipitagan at pagsunod sa batas. Tunay na nasa mga magulang ang responsibilidad na turuan ang kanilang mga anak na pagpitaganan ang Diyos sa lahat ng sagradong bagay, at igalang at sundin ang batas.19

Pagsunod ang unang batas sa langit, at ito ang batas sa tahanan. Walang tunay na kaligayahan sa tahanan kung walang pagsunod—pagsunod na natamo, hindi nang sapilitan, kundi dahil sa banal na elemento ng pag-ibig. Walang tahanan na walang pagmamahalan. Maaaring nakatira kayo sa palasyo pero wala namang tahanan, at maaaring yari sa kahoy ang bahay ninyo na sira ang bubong at sahig, at naroon ang pinakamaluwalhating tahanan sa buong mundo, kung sa apat na sulok ng bahay na iyon ay namamayani ang banal na prinsipyo ng pagmamahal, [na nagiging resulta] ng banal na pagsunod at pagtalima na nagbibigaykabuluhan sa buhay.20

Kumakalat ang kung anu-anong haka-haka tungkol sa kalayaang magdesisyon ng mga bata sa sarili, at pangangalaga sa kanilang pagkatao. Ilan sa mga nagpapalaganap nito ay naniniwala na ang mga bata ay dapat hayaang lutasin ang sarili nilang problema nang walang patnubay ng mga magulang. May kabutihan ito, ngunit higit ang kamaliang dulot nito. …

… Dapat malaman ng bata na may limitasyon ang kanyang mga kilos, na may mga batas na hindi niya puwedeng suwayin nang hindi napaparusahan. Ang pag-ayon sa mga kundisyon sa tahanan ay madaling makamtan sa kabaitan, ngunit may kahigpitan. “Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.” [Tingnan sa Mga Kawikaan 22:6.]21

[Kailangan] ng mga kabataan ng paggabay, patnubay, at wastong pagsaway. “Gawing unang leksyon ng inyong anak ang pagkamasunurin, at madali na niyang matututuhan ang iba pa, ” wika ni Benjamin Franklin. … Dapat malaman nang maaga ng bata na hindi nilikha ang mundo para lang sa kanya; na may obligasyon siya sa iba. …

Responsibilidad din ng mga magulang sa pagsasanay na ito na huwag galitin ang mga bata [tingnan sa Mga Taga Efeso 6:4]. Dapat nilang isiping huwag mang-inis sa kauutos o kasusumbat. Hangga’t maaari dapat silang magbigay ng lakas ng loob kaysa magreklamo o manumbat.22

Malakas ang epekto ng halimbawa ng magulang sa buhay ng mga bata.

May responsibilidad ang lahat, lalo na ang mga ama’t ina, na magpakita sa mga bata at kabataan ng mga halimbawang dapat tularan. Dapat maging tapat ang mga magulang sa pagsunod sa batas at sa priesthood sa kanilang tahanan, upang makita ng mga bata ang wastong halimbawa.23

Tungkulin ng mga magulang at ng Simbahan hindi lamang ang ituro kundi ipamalas din sa mga kabataan na ang pamumuhay sa katotohanan at kadalisayang-puri ay naghahatid ng galak at ligaya, samantalang ang paglabag sa batas ng kabutihang-asal at ng lipunan ay nauuwi lamang sa sama ng loob, lungkot, at, kung labis-labis, ay sa kapahamakan.24

Tungkulin nating matatanda at mga magulang [ng ating mga anak] na pakitaan sila ng wastong halimbawa sa tahanan at sa lipunan. Responsibilidad nating ipakita sa ating mga anak ang katapatan natin sa paniniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo. Kahit kailan ang mga magulang ay hindi dapat magturo ng isang bagay tungkol sa ebanghelyo na kaiba naman sa kanilang ginagawa. Madaling matutong manloko ang mga bata.25

Ang pamilya ang nagbibigay sa bata ng kanyang pangalan at katayuan sa komunidad. Gusto ng isang bata na maging maayos ang kanyang pamilya tulad ng sa kanyang mga kaibigan. Gusto niyang maipagmalaki ang kanyang ama, at laging magkaroon ng inspirasyon tuwing iisipin ang kanyang ina.26

Tulungan nawa tayo ng Diyos na ipagtanggol ang katotohanan—higit pa roon, na maipamuhay ito, na makita ito sa ating mga tahanan. … Bigyan nawa kayo ng Diyos ng lakas na taglayin ang impluwensiyang iyon, nang maging tapat ang inyong mga anak hanggang sa huli, hanggang kamatayan kung kailangan, sa katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo.27

Maging mas determinado nga tayong [paghusayin] ang ating mga tahanan, maging mas mababait na asawa, mas maalalahaning maybahay, mas uliran sa ating mga anak, at magpasiyang sa ating mga tahanan ay bahagya nating matikman ang langit dito sa lupa.28

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Anu-ano ang mga tungkulin ng mga magulang sa plano ng Diyos “na isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan” ng Kanyang mga anak? (Tingnan sa mga pahina 176–78.) Paano hinahati ng mga ama at ina ang responsibilidad sa pagpapalaki ng mga anak sa kabutihan? (Tingnan sa mga pahina 178–81.)

  • Bakit dapat unahin ng mga magulang ang kanilang mga anak at tahanan? Anong uri ng mga impluwensiya o gawain ang nag-uunahan sa oras ng pagsasama-sama ng pamilya? Paano mapananatili ng mga magulang sa tamang pamantayan ang mga aktibidad sa labas ng tahanan? Bakit mahalagang isama sa mga desisyong ito ang buong pamilya?

  • Anong espesyal na relasyon ang dapat umiral sa pagitan ng ina at kanyang mga anak? (Tingnan sa mga pahina 178–79.) Sa anu-anong kakaibang mga paraan maiimpluwensiya ng mga ina sa kabutihan ang kanilang mga anak?

  • Ano ang magagawa ng mga ama para makabahagi sa pagpapalaki ng kanilang mga anak? (Tingnan sa mga pahina 180–81.) Anong mga biyaya ang darating sa mga ama at anak sa mga oras na sila ay magkasama?

  • Ano ang ilang epektibong paraan para maturuan ng mga magulang ang mga anak na maging masunurin at mapitagan? (Tingnan sa mga pahina 181–82.) Bakit mahalagang bahagi ng pagsisikap na ito ang pagmamahal? Ano ang magagawa ng mga magulang kapag sumusuway at naliligaw ng landas ang mga anak?

  • Ano ang epekto sa mga anak ng magulang na “nagtuturo ng isang bagay tungkol sa ebanghelyo at iba ang ginagawa”? Ano ang nakita ninyong positibong impluwensiya ng halimbawa ng magulang sa mga anak? (Tingnan sa mga pahina 182–83.)

  • Paano natin matutulungan ang mga magulang na nag-iisa na nagpupunyaging palakihin ang kanilang mga anak sa kabutihan?

  • Sa palagay ninyo, bakit itinangi ng Panginoon ang mga responsibilidad ng magulang sa lahat ng iba pang responsibilidad? Bakit mahalagang maunawaan na ang tahanan ang pangunahing yunit ng Simbahan? Ano ang mga pagkakatulad na nakikita ninyo sa mga turo ni Pangulong McKay tungkol sa pamilya at sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Taga Colosas 3:20–21; 1 Nephi 1:1; 8:35–38; Enos 1:1–3; Alma 56:41–48

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Okt. 1967, 97.

  2. Secrets of a Happy Life, tinipon ni Llewelyn R. McKay (1960), xii.

  3. Sinipi sa Remembering the McKays (1970), ni John J Stewart, 30.

  4. David Lawrence McKay, My Father, David O. McKay (1989), 99; binago ang pagtatalata.

  5. Sinipi mula sa Home: The Savior of Civilization (1924), ni J. E. McCulloch, 42; sa Conference Report, Abr. 1935, 116.

  6. Sa Conference Report, Okt. 1954, 8–9.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1955, 27.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1969, 7.

  9. Sa Conference Report, Abr. 1966, 107.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1954, 8.

  11. Sa Conference Report, Abr. 1955, 25–26.

  12. Stepping Stones to an Abundant Life, tinipon ni Llewelyn R. McKay (1971), 358.

  13. True to the Faith: From the Sermons and Discourses of David O. McKay, tinipon ni Llewelyn R. McKay (1966), 167–68.

  14. Pathways to Happiness, tinipon ni Llewelyn R. McKay (1957), 116.

  15. Man May Know for Himself: Teachings of President David O. McKay, tinipon ni Clare Middlemiss (1967), 262–65.

  16. Sa Conference Report, Abr. 1951, 81.

  17. Gospel Ideals (1953), 489–90.

  18. Sa Conference Report, Abr. 1965, 7.

  19. Sa Conference Report, Abr. 1937, 30.

  20. Sa Conference Report, Hunyo 1919, 78.

  21. Sa Conference Report, Abr. 1955, 27.

  22. Sa Conference Report, Abr. 1959, 73.

  23. Sa Conference Report, Okt. 1927, 12.

  24. Sa Conference Report, Abr. 1967, 6.

  25. Sa Conference Report, Abr. 1960, 120.

  26. Sa Conference Report, Abr. 1945, 143.

  27. Sa Conference Report, Abr. 1969, 97.

  28. Sa Conference Report, Abr. 1952, 128.

Mckay family

“Maging mas determinado nga tayong [paghusayin] ang ating mga tahanan, … at magpasiyang sa ating mga tahanan ay bahagya nating matikman ang langit dito sa lupa.”