Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 14: Preparing for an Eternal Marriage and Family


Kabanata 14

Paghahanda para sa Walang Hanggang Kasal at Pamilya

Tunay na walang mas mataas na huwaran sa pag-aasawa na maitatangi ng mga kabataan kaysa sa pagturing dito bilang isang banal na institusyon.1

Panimula

Niyayang pakasal ni David O. McKay ang magiging asawa niyang si Emma Ray Riggs pagbungad ng Disyembre 1900 at nagtanong si Emma, “Sigurado kang ako ang para sa iyo?” Sinabi niyang sigurado siya. Sa sumunod na liham kay Dr. Obadiah H. Riggs, ama ni Emma Ray, inilarawan ni David O. McKay ang ilang katangiang nagustuhan niya kay Emma:

“Ang magiliw niyang disposisyon, ang angkin niyang dangal, talino, likas na di pagkamakasarili, sa madaling salita, ang kanyang perpektong mga katangian, ang umakit sa pagmamahal ko. Nang sabihin niyang gayundin ang nadarama niya, wala akong pagsidlan sa kaligayahan. … Niyaya ko nang pakasal ang inyong anak, at ngayo’y nais kong hilingin ang pahintulot ninyo na kanyang ama, Dr. Riggs. Pumayag na siya. … Wala akong maibibigay sa kanya liban sa tunay kong pag-ibig at puso at isipang ang tanging hangad ay paligayahin siya.”

Makikita sa mga liham ni David O. McKay kay Emma Ray noong magnobyo sila ang marangal nilang relasyon at mga katangian ni Emma na nagbigay-inspirasyon kay David. Sa isang liham noong 11 Disyembre 1900, isinulat niya: “Batid mo ba na mula nang tunay akong magmahal, mas nauunawaan ko kung bakit lagi nang may ipinaglalabang babaeng iniibig ang magigiting na kabalyero noong araw. Isipin lang na masisiyahan ito ay nagpapalakas na sa kanilang mga bisig, nagpapatalim sa kanilang mga espada, at nagpapawala ng kanilang takot. Sinisikap ng bawat isa na magkaroon ng sapat na lakas at siglang kaya niyang taglayin upang makamit niya ang pagsuyo ng kanyang sinisinta. Dangal din ng pagkatao ang itinatangi ng pinakamagiting na kabalyero, upang makapiling nila ang sa palagay nila ay nagaangkin ng pinakatapat at dalisay na kaluluwa.”2

Sa isa pang liham kay Emma Ray noong 22 Disyembre 1900, isinulat ni David O. McKay ang pinapangarap nilang pagbubuklod ng kanyang nobya: “Ang sabi mo’y magiging pangwalanghanggan ang ating pagbubuklod. Kawalang-hanggan lamang ang makasisiya sa pag-ibig na pinananabikan ko, at inihahandog. … Nalulumbay ako kapag wala ka, Ray, at inaasam kong darating ang panahon na lalagi ka sa aking tabi.”3 Dahil namuhay nang makatwiran at marangal at matinong pagsusuyuan, nakamtan nina Brother at Sister McKay ang kanilang mithiin. Sa kanyang ministeryo, madalas ituro ni Pangulong McKay ang paghahanda para sa walang hanggang kasal at pamilya.

Bagama’t nauukol sa mga kabataang naghahanda para sa kasal ang mga turo ni Pangulong McKay sa kabanatang ito, ang mga alituntunin nito ay makatutulong din sa mga taong kasal na, lalo na sa pagtuturo nila at pagpapayo sa kanilang mga anak at iba pang kabataan hinggil sa pakikipagdeyt at pagliligawan.

Mga Turo ni David O. McKay

Dapat ituro sa mga kabataan ang likas na kasagraduhan ng kasal at pagkamagulang.

Ituro sa mga kabataan na ang kasal ay hindi lang basta institusyong gawa ng tao, kundi inorden ng Diyos, at isang sagradong seremonya, at dapat tumanggap ng pinakaseryoso nilang pag-iisip bago pirmahan ang kontratang nasasangkot ang habambuhay nilang kaligayahan o kalungkutan. Dapat seryohin ang pag-aasawa … at hindi dapat humantong sa paghihiwalay sa unang maliit na problemang darating. Ang tanging magagawa ng mga kabataan ay lutasin ito nang may tapat na layuning magtatag ng tahanan na tutulong na mapatibay ang isang marangal na lipunan.4

Ang mga kabataan ay dapat turuan ng mga responsibilidad at huwaran sa pag-aasawa upang matanto nila na ang pag-aasawa ay may kaakibat na mga obligasyon at hindi isang kasunduang wawakasan kung kailan magustuhan. Dapat silang maturuan na ang dalisay na pag-ibig sa pagitan ng lalaki’t babae ay isa sa pinakamararangal na bagay sa daigdig at pagdadalantao at pagpapalaki sa mga anak ang pinakamataas na tungkulin ng tao. Patungkol dito, tungkulin ng mga magulang na maging halimbawa sa tahanan upang makita at maunawaan ng mga bata ang kasagraduhan ng buhay-pamilya at responsibilidad na kaakibat nito.5

[Ang layunin ng pag-aasawa] ay magkaanak at magpalaki ng isang pamilya. Tandaan natin iyan. Daan-daan ang nagsasabi ngayon, at daan-daan pa ang magsasabi—“Paano ko pakakasalan at susuportahan ang isang nobya sa paraang nakagawian niya? Paano ako makapag-aaral at makasusuporta ng isang pamilya? Ni wala nga akong matirhan.”

Ito ay mga praktikal na tanong. … Handa akong alamin ang mga ito at iba pang mga problema at tugunan ang mga ito, na tinatandaan ang sinabi ng Panginoon na “ang kasal ay inorden ng Diyos sa tao.” [Tingnan sa D at T 49:15.] At inuulit ko na ang tunay na layunin ng pag-aasawa ay magpalaki ng pamilya at hindi lang para masiyahan ang lalaki o babae.6

Sinasabi na ang pinakamaganda at pinakamarangal na buhay ay yaong may matataas na huwaran. Tunay na walang mas mataas na huwaran sa pag-aasawa na maitatangi ng mga kabataan kaysa sa pagturing dito bilang isang banal na institusyon. Sa isipan ng mga kabataan, isang proteksyon sa kanila ang gayong pamantayan sa pagliligawan, isang impluwensiyang lagi nang nag-uudyok sa kanila na iwasang gumawa ng anumang hahadlang sa pagpasok nila sa templo para gawing perpekto ang kanilang pag-iibigan sa tumatagal at walang hanggang pagbubuklod. Aakayin sila nitong hangarin ang banal na patnubay sa pagpili ng kanilang mapapangasawa, sa matalinong pagpili na magiging batayan ng kanilang kaligayahan sa buhay na ito at sa kabilang buhay. Pinadadalisay at pinabubuti nito ang kanilang puso; pinalalapit sila nito sa kanilang Ama sa langit. Ang gayong kagalakan ay kayang abutin ng maraming lalaki’t babae kung wastong naitaguyod at naitangi ang matataas na huwaran sa pag-aasawa at tahanan.7

Dapat paghandaan ng mga kabataan ang pag-aasawa at pagkamagulang sa pamamagitan ng malinis na pamumuhay.

Ang kalusugan ng mga anak, kung bibiyaan ng gayon ang magasawa, ay madalas na nakasalalay sa mga kilos ng mga magulang bago sila makasal. Sa mga pahayagan, mula sa pulpito, at lalo na sa tahanan, dapat marinig nang mas madalas ang mensahe na sa kanilang kabataan ang mga lalaki’t babae ay naglalatag ng pundasyon para sa kaligayahan o kalungkutan nila sa hinaharap. Bawat binata, lalo na, ay dapat maghanda para sa responsibilidad ng isang ama sa pamamagitan ng pagpapanatiling malinis ng katawan, upang makapasok siya sa responsibilidad na iyon hindi bilang isang duwag o manloloko, kundi bilang isang taong marangal at karapat-dapat magtatag ng tahanan. Ang binatang nagangkin ng responsibilidad ng isang ama nang di karapat-dapat, ay mas malala kaysa isang manloloko. Ang kaligayahan ng kanyang asawa at mga anak sa hinaharap ay nakasalalay sa buhay niya noong kanyang kabataan.

Ituro rin natin sa mga babae na ang pagiging ina ay banal, dahil kapag binanggit natin ang tungkol sa pagdadalantao, pinag-uusapan natin ang kabanalan. Mahalaga, samakatwid, na matanto sa pagkadalaga ang pangangailangang panatilihing malinis at dalisay ang kanilang katawan. … Walang karapatan ang sinumang ina na habambuhay na hadlangan ang anak na tila sa kabataan ay kasiyahan o karapatan nitong magpakalulong sa nakapipinsalang droga at iba pang makasalanang gawi.8

Hindi nagsisimula sa altar ang kaligayahan; nagsisimula ito sa panahon ng kabataan at pagliligawan. Ang mga binhing ito ng kaligayahan ay itinatanim ng inyong kakayahang pigilin ang udyok ng inyong kapusukan. Dapat mamayani ang kalinisang-puri sa mga kabataan—ang huwarang ayaw tanggapin ng mundo, at hindi paniniwalaan ng marami sa mundo na umiiral o itinatangi sa puso ng mga kabataan.9

Isang namamayaning kasamaan sa mundo ngayon ang kawalang-puri. … Ang lalaking nawalan ng puri sa kanyang kabataan ay hindi tapat sa pagtitiwala ng mga magulang ng babae; at ang babaeng nawalan ng puri sa kanyang kabataan ay hindi tapat sa kanyang magiging asawa at naglalatag ng pundasyon ng kalungkutan, pagdududa, at pag-aaway sa tahanan. … Tandaan lamang ang walang hanggang katotohanan na ang kalinisang-puri ay isang katangiang dapat itangi bilang isa sa pinakamararangal na tagumpay sa buhay. … Ito’y pangunahing dahilan ng isang maligayang tahanan. Hindi makasisira ng reputasyon ang marangal na pagsunod sa mga pamantayan ng Simbahan. Maaari kang “manatili” sa mundo at hindi maging “makamundo.” Itangi sa lahat ang kalinisang-puri! Iniutos ng Diyos na manatili tayong walang bahid-dungis.10

Sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw iisa lang ang pamantayan ng moralidad. Dalaga man o binata ay walang karapatang dungisan ang kanyang puri. Ang binatang hihingi ng rekomend para dalhin ang isang dalisay na dalaga sa altar ay inaasahang dalisay rin tulad ng babae.11

Kadalisayang-puri, hindi ang pagpapasasa bago ikasal, ang pinagmumulan ng pagkakasundo at kaligayahan sa tahanan, at pangunahing dahilan ng kalusugan at pagpapatuloy ng lahi. Katapatan, pagiging maaasahan, pananalig, pagtitiwala, pag-ibig sa Diyos, at di pagtataksil sa asawa ay inuugnay sa korona ng malinis na pagkababae at [matatag] na pagkalalaki. Ang salita ng Panginoon sa Kanyang Simbahan ay: “[Pag-ingatan] ang inyong sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan.” [Tingnan sa Santiago 1:27; D at T 59:9.]12

Pagpalain kayo ng Diyos na mapanatili ninyong malinis ang inyong buhay, upang makapanalangin kayo sa Diyos at mahilingan siya ng patnubay sa pagpili ng inyong mapapangasawa, at kapag nakapili, kapwa kayo mamuhay nang matwid upang makapasok sa bahay ng Diyos, at kung naroon siya at tanungin kayo tungkol sa inyong buhay, masasagot ninyo siya ng matapat na, “Opo, malinis kami.” Ang pag-aasawang nagsimula nang gayon ay humahantong sa kaligayahan, sa pinakamatamis na kagalakan sa buhay na ito, o sa buong kawalang-hanggan.13

Dapat makipagdeyt nang angkop ang mga kabataan at pag-aralang mabuti ang kanilang damdamin.

Ang mga kabataan, ang mga dalagitang nasa hayskul, ay [humahayo] araw-araw sa pakikipagligawan sa mga lalaking kaedad nila, sa mga dalagitang kaedad nila, sa kanilang kabataan, na nalilimutang mas may makikilala pa silang iba; at sa araw-araw na pakikipagligawang iyon sa murang edad, ay [nagiging] napakalapit para pagningasin ang kanilang kapusukan sa isang oras na kasiyahan, na naghahatid ng dalamhati sa buhay. At hindi iyan imahinasyon! Kayong mga kalalakihan sa mga Panguluhan ng Stake at mga Bishopric ng Ward, at kayong mga ama’t ina ng ilan sa kanila, dapat ninyong malaman na hindi iyan imahinasyon.14

Binata, laging tandaan na tuwing magsasama ka ng [isang] dalaga sa party na ipinagkatiwala siya sa iyo ng kanyang ama’t ina. Siya ang kanilang pinakamahalagang pag-aari. Kung ipinagkatiwala nila sa iyo ang isang libong dolyar, hindi mo iisiping sayangin ito o waldasin. Ipinagkakatiwala nila sa iyo ang isang bagay na hindi matutumbasan ng salapi, at napakasama mo kung hindi ka magiging tapat sa pagtitiwalang iyan. … Natatandaan ko ang payo ni Itay nang simulan kong manligaw sa isang dalagita noong tinedyer pa ako: “David, tratuhin mo ang dalagitang iyan tulad ng gusto mong pagtrato ng sinumang binata sa kapatid mong babae.” Mga binata, sundin ang payong iyan at mabubuhay kayong malinis ang budhi, at paglaon ay tapat ninyong masasabi na sa lahat ng pagkakamali ninyo, hinding-hindi kayo nagsamantala sa babae.15

Sa pagpili ng mapapangasawa, kailangang pag-aralan … ang taong iniisip ninyong makakasama sa buhay. Nakikita ninyo kung gaano kahalagang hanapin ang mga katangian ng pagiging matapat, maaasahan, malinis ang puri, at mapitagan. Ngunit kapag natagpuan ang mga ito—“Paano ninyo masasabi, ” itatanong ninyo, “kung magkakasundo kayo o hindi, para maging palagay man lang kayo sa isa’t isa?” “Mayroon bang gabay?” itatanong ninyo. Bagama’t hindi laging totoong gabay ang pag-ibig, lalo na kung hindi tinutugon ang pag-ibig na iyan o ipinagkaloob sa isang masamang tao, tiyak na walang kaligayahan kapag walang pag-ibig. “Teka, ” itatanong ninyo, “paano ko malalaman kung umiibig nga ako?” Napakahalagang tanong niyan. …

Sa harapan ng dalagang tunay mong iniibig hindi mo gugustuhing magmakaawa; hindi mo gugustuhing pagsamantalahan siya; nanaisin mong maging isang lalaking uliran [magiting], dahil bibigyang-inspirasyon ka niyang maging gayon. At hinihiling ko sa inyong mga dalaga na itangi ang gabay ring yaon. Ano ang binibigyang-inspirasyon niya sa inyo … ? Kapag sinamahan ka ng isang binata matapos ang isang miting, o makaraan ang isang sayawan, at nagpakita ng pagsasamantala para masiyahan o bilang kapalit, madarama mong hindi ka niya mahal.

Sa gayong mga kalagayan, gaano man kalaki ang inyong paghanga, mga kadalagahan, gaano man kayo kasiguradong iniibig ninyo siya, pangibabawin ang talino ninyo sa paghatol at pagaralan ang inyong damdamin. Maaari kayong malungkot sa hindi pagsunod sa nadarama ng inyong puso, ngunit mas mabuting masaktan kayo nang kaunti sa inyong kabataan kaysa magdusa kayo sa huli.16

Naghihintay ang mga dakilang biyaya sa mga naghahanda nang husto para sa walang hanggang kasal.

Makabubuti sa mga kabataang lalaki’t babaeng nais mamuhay nang maligaya na ihanda ang sarili nila na maging karapat-dapat sa uri ng pag-aasawang inorden ng Diyos—ang pagbubuklod ng isang lalaki at isang babaeng karapat-dapat na isagawa ang kasal sa templo ng Maykapal. Doon habang nakaluhod ang tunay na magsing-irog…, maitatangi ng bawat isa ang katiyakan ng mga sumusunod:

Una, na ang kanilang pag-aasawa ay nagsimula sa kadalisayan. Ang mga batang darating upang basbasan ang pagbubuklod ay nakatitiyak sa maharlikang pagsilang kung pag-uusapan ang pagtatamo ng malinis na katawan.

Ikalawa, na ang pananaw nila tungkol sa relihiyon ay magkapareho. Ang hirap ng wastong pagpapalaki sa anak ay lalong tumitindi kapag magkaiba ang pananaw ng Ama at Ina hinggil sa doktrina at simbahang sinasapian. …

Ikatlo, na ang kanilang mga sumpaan ay ginawa sa ideya ng walang hanggang pagbubuklod, na hindi dapat masira ng walang katuturang di pagkakaunawaan o problema.

Ikaapat, na ang pakikipagtipan sa Diyos na ibinuklod ng Banal na Priesthood ay higit na nagbibigkis kaysa anupamang sumpaan.

Ikalima, na ang pag-aasawang nagsimula nang gayon ay walang hanggan tulad ng pag-ibig, ang pinakabanal na katangian ng kaluluwa ng tao.

Ikaanim, na ang yunit ng pamilya ay mananatiling buo magpasawalang-hanggan.17

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Paano natin matutulungan ang mga kabataan na maunawaan ang mga sagradong responsibilidad na kaakibat ng pag-aasawa? (Tingnan sa mga pahina 156–58.) Ano ang magagawa natin para tulungan ang mga kabataan na mapaghandaan ang mga hamong tiyak na darating sa mag-asawa?

  • Bakit mahalaga ang kalinisang-puri sa paghahanda para sa walang hanggang kasal at pamilya? (Tingnan sa mga pahina 158–59.) Paano maaapektuhan ng pagkawala ng puri ang kakayahan ng isang tao na matalinong pumili ng mapapangasawa sa kawalang-hanggan? Anong proseso ang dapat pagdaanan ng isang tao para makapagsisi sa kawalan ng puri? Anu-ano ang ilang pagpapala ng pananatiling malinis?

  • Itinuro ni Pangulong McKay na ang mga bata ay madalas maapektuhan ng ikinikilos ng mga magulang bago makasal (tingnan sa mga pahina 158–59). Bukod sa pananatiling walang bahid-dungis, ano pa ang magagawa ng mga kabataan at magulang para mapanatiling dalisay ang kanilang buhay at maprotektahan ang kanilang magiging mga anak?

  • Sa anu-anong paraan nagtatangkang impluwensiyahan ng media ang ating mga pananaw sa pagliligawan at pag-aasawa? Bakit sa palagay ninyo nagbabala si Pangulong McKay laban sa pakikipagnobyo sa murang edad? Anu-anong iba pang pagiingat ang dapat gawin sa pakikipagdeyt? (Tingnan sa mga pahina 160–61.)

  • Anong payo ang ibibigay ninyo sa mga kabataang nag-iisip kung sila ay umiibig? (Tingnan sa mga pahina 161–62.) Anuano ang ilang katangiang mahalaga sa isang relasyon?

  • Ano ang layunin ng pag-aasawa? (Tingnan sa mga pahina 156–58.) Anu-ano ang mga panganib ng pag-aasawa nang maaga? Anu-ano ang panganib ng matagal na pagpapaliban ng pag-aasawa? Paano malalaman ng magkasintahan na oras na para magpakasal?

  • Itinuro ni Pangulong McKay na ang mga taong itinuturing ang pag-aasawa bilang isang “banal na institusyon” ay lumalakas at ginagabayan sa pagliligawan. Bakit ninyo iniisip na totoo ito? Paano ninyo nakitang pinagpala ang mga tao sa pamumuhay ng mga pamantayan ng ebanghelyo sa pagliligawan?

  • Anu-anong pagkakatulad ang nakikita ninyo sa mga turo ni Pangulong McKay sa mga kabataan at sa mga pamantayang matatagpuan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan? Paano ninyo matutulungan ang inyong mga anak na maunawaan ang mga pamantayang natutuhan ninyo ay katulad ng mga pamantayan para sa kanila?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Jacob 2:28; Alma 37:37; 39:3–5; D at T 132:15–19

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Abr. 1969, 7.

  2. Sinipi sa My Father, David O. McKay (1989), ni David Lawrence McKay, 7–8; binago ang pagtatalata.

  3. Sinipi sa My Father, David O. McKay, 8–9; binago ang pagtatalata.

  4. Sa Conference Report, Okt. 1943, 32.

  5. Sa Conference Report, Abr. 1964, 6.

  6. Gospel Ideals (1953), 466–67.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1969, 7.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1969, 6.

  9. “As Youth Contemplates an Eternal Partnership, ” Improvement Era, Mar. 1938, 139.

  10. Sa Conference Report, Abr. 1969, 6.

  11. Sa Conference Report, Abr. 1969, 9.

  12. Sa Conference Report, Abr. 1964, 6.

  13. Gospel Ideals, 465–66; binago ang pagtatalata.

  14. Sa Conference Report, Abr. 1958, 90.

  15. Improvement Era, Mar. 1938, 191.

  16. Gospel Ideals, 459–60; binago ang pagtatalata.

  17. Gospel Ideals, 465.

couple in front of temple

“Makabubuti sa mga kabataang lalaki at babaeng nais mamuhay nang maligaya na ihanda ang sarili na maging karapat-dapat sa uri ng pag-aasawang inorden ng Diyos.”