Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 20: Teaching, a Noble Work


Kabanata 20

Pagtuturo, Isang Marangal na Gawain

Tulungan nawa ng Diyos ang ating mga guro na madama ang responsibilidad na dumarating sa kanila, at maalala na ang responsibilidad ay hindi lamang nasusukat sa salita, kundi sa gawa. … Hay, kaylaki ng responsibilidad ng isang guro!1

Panimula

Halos buong buhay na nagturo si Pangulong David O. McKay. Ginampanan niya ang kanyang mga tungkulin bilang misyonero, guro sa paaralan, tagapamahala, Apostol, Pangulo ng Simbahan, at ama.

Sa mensaheng patungkol sa mga maytaglay ng priesthood, ikinuwento niya ang isang karanasang may kaugnayan sa lahat ng may pagkakataong magturo:

“Noong makalawa pagkakataon kong magmaneho sa kaparangan sa dati kong bayan. Dalawang bukid ang dinaanan ko malapit sa kanal ng bundok. Isa ang nakita kong napakaganda ng ani ng oats. Sa kabila ng tagtuyot at malamig na tagsibol, at iba pang di magagandang pangyayari, sagana pa rin ang [ani] ng magbubukid. Sa kabila lang ng bakod ay may isa pang bukid ng oats, ngunit hindi ito nagbungang tulad ng sa isa. Sinabi ko sa lalaki: ‘Bakit, ano’ng diperensya? Baka hindi maganda ang itinanim mong binhi.’

“ ‘Hindi, pareho lang ng binhing itinanim sa kabila.’

“ ‘Baka naman huli na nang itanim mo, at hindi sapat ang halumigmig (basa) ng lupa para tumubo ito.’

“ ‘Sabay kaming nagtanim nito.’

“Sa katatanong, nalaman ko na inararo ng unang lalaki ang sa kanya noong taglagas; tapos ay maingat itong binungkal noong tagsibol, at tinakpan ang ibabaw, at sa gayong paglilinang ay naimbak ang halumigmig ng taglamig. Ang katabing bukid naman, sa kabilang dako, ay nag-araro sa bandang huli ng tagsibol, hindi sinuyod ang dinaanan ng araro; nawala ang halumigmig. Kasunod ng pagtatanim ng binhi ang apat o anim na linggo ng [tagtuyot], at hindi sapat ang halumigmig para sumibol ang binhi. Ang unang lalaki ay naghanda, nang wasto, at kalikasan na ang nagpabunga. Ang ikalawang lalaki ay nagpakapagod, pero hindi nakapaghandang mabuti; talagang hindi sapat ang ginawa niyang paghahanda.”

Ginamit ni Pangulong McKay ang kuwentong ito upang ilarawan ang impluwensiya ng mga guro. Sabi niya: “Sa malaking hardin ng Diyos ay may mga tagamasid na tinatawag na mga guro, at inatasan silang arugain at bigyang-inspirasyon ang mga anak ng Diyos. Naisip ko na sa pagmamasid sa kanyang bukirin ay nakikita ng Dakilang Hardinero ang ilang nabubuhay sa mabuting gawain at ang iba ay salat dahil sa pagkatuyo ng kinaligtaang tungkulin, dahil sa maginaw na kapaligiran ng kahambugan, o dahil sa nakapapahamak na paglalasing. Bakit? Marahil dahil hindi nakapaghanda ang mga hardinero at tagamasid, o kaya’y hindi nagampanang mabuti ang kanilang tungkulin.”2

Patungkol man sa mga magulang, mga guro sa klase, o mga home teacher at visiting teacher, halos buong ministeryo ni Pangulong McKay ay inilaan niya sa pagtulong sa mga miyembro ng Simbahan na maunawaan ang malaking kahalagahan at impluwensiya ng epektibong pagtuturo.

Mga Turo ni David O. McKay

Sa Simbahan ay marami tayong pagkakataong turuan ang iba at palakasin ang sarili.

Tayo’y isang Simbahan ng mga guro. Sa tahanan ng Banal sa mga Huling Araw kailangang maging guro ng ebanghelyo ang mga ama at ina—na inutusan sa pahayag ng Panginoon. Bawat organisasyon ng auxiliary, bawat korum, ay binubuo ng mga kalalakihan at kababaihan … na sa tunay na kahulugan ng salita, ay mga guro.3

Nagpapasalamat ako sa pagiging miyembro ng Simbahan na ang relihiyon ay naghahanda sa mga tao para malabanan ang mga puwersa ng mundo at, tinutulungan silang manalo sa labanang ito. Isa sa mga paghahanda sa atin ay ang responsibilidad sa pagtuturo, at ang pagkakataon ng marami sa Simbahang ito na makihati sa responsibilidad na ito. …

Ngayon sa pagbibigay-oportunidad sa marami na umunlad dahil sa pagiging tunay na guro, isipin ninyo kung ano ang ginagawa ng Simbahan para tulungan ang grupong ito ng mga guro na lumakas sa digmaan laban sa mga puwersa ng mundo!

Una, binibigyan sila ng obligasyon na turuan ang kanilang kapwa sa pamamagitan ng halimbawa; at wala nang ibang mas makapangangalaga sa isang tapat na lalaki o babae.

Ikalawa, pinagtitibay nito ang banal na katangiang mahalin ang iba. Sinabi ni Jesus sa isa sa kanyang mga Apostol, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito? … Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita’y iniibig. … Pakanin mo ang aking mga kordero.” ( Juan 21:15.) Dapat pangunahan ng pagibig ang responsibilidad na pakainin ang mga korderong iyon. At ang libu-libong mga gurong ito ay dapat magkaroon ng pagmamahal sa pagtuturo, pagmamahal sa kapwa, at handang tanggapin ang responsibilidad na ito na may banal na katangiang magmahal.

At ang ikatlong kailangan ay: kadalisayan ng buhay. Hindi ko mawari ang sinumang narumihan ang kanyang sarili, na tagumpay na nagtuturo ng kadalisayan sa mga batang lalaki. Hindi ko mawari ang sinumang may duda sa kanyang isipan tungkol sa katotohanan ng Diyos, na mahusay na nagtuturo ng katotohanan ng isang Diyos sa mga kabataan. Hindi niya ito magagawa. Kung magiging ipokrito siya at magtatangkang magturo nang gayon, mas malakas ang dating ng kanyang pagkatao kaysa kanyang sinasabi—at iyan ang panganib ng pagkakaroon ng nagdududang guro sa inyong mga anak. Tumatagos ang lason, at hindi nila namamalayang nagkakasakit ang kanilang espiritu, dahil sa lason na itinanim ng taong pinagtiwalaan nila sa kanilang kaluluwa. Isipin lang ang mga gurong nagtatangkang turuan ng pananampalataya sa Diyos ang mga kabataan, samantalang wala sila noon, ay magkasalungat, kung hindi man imposible. Kaya ang ikatlong katangian ay kadalisayan ng buhay at pananampalataya sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Sa huli, binibigyan sila nito ng pagkakataong maglingkod sa kapwa, at gampanan ang tungkuling dumating sa kanila, at talagang patunayan na sila ay tunay na mga disipulo ni Cristo.4

Sa paghuhubog ng pagkatao at patnubay sa pagkabata, pinakamatindi ang impluwensiya ng magulang; kasunod nito ang sa guro. … “May tunay na karangalan sa kaluluwa ng taong matapat na naghahangad at nagpupunyaging akayin ang mga bata palayo sa nakahahawang mga impluwensiya tungo sa kapaligirang may matataas na pamantayan at matatayog na hangarin.”5

Ang epektibong mga guro ay naghahanda sa pamamagitan ng pag-aaral, pananampalataya, at panalangin.

Ang malaking obligasyon ng guro ay ang maging handa sa pagtuturo. Hindi maituturo ng guro sa iba ang isang bagay na hindi niya alam. Hindi niya maipadarama sa kanyang mga estudyante ang hindi niya nadarama mismo. Hindi niya masusubukang akayin ang isang binatilyo o dalagita sa pagtatamo ng patotoo sa ebanghelyo ng Diyos kung ang mismong guro ay walang gayong patotoo.

Tatlong bagay ang dapat gumabay sa lahat ng guro: una, pagaralan ang paksa; ikalawa, damhin ang paksang iyon; ikatlo, subuking ipadama ang paksa sa inyong mga estudyante—hindi ito ibinubuhos sa kanila, kundi inaakay silang makita ang nakikita ninyo, malaman ang alam ninyo, madama ang nadarama ninyo.

Bawat guro ay dapat maging handa sa kanyang leksyon kapag humarap siya sa mga batang iyon sa klase; dahil, paalala lang, ang paglalahad ninyo ng leksyong iyon, ang saloobin ninyo sa katotohanang nasa leksyon ang magpapasiya ng saloobin dito ng mga bata at ng saloobin nila sa lahat ng gawain sa Simbahan. Kung itataboy ninyo sila pagkatapos ng klase na nadarama sa batang puso nila na wala silang napala sa pagpunta, mahihirapan kayong pabalikin sila sa susunod na linggo. Ngunit sa kabilang dako, kung napasabik ninyo sila, o kung hindi man, kung nabigyan ninyo sila ng kaisipang nagustuhan nila, makikita ninyo na ang kanilang intensyon at hangaring bumalik ay makikita sa pagbalik nila sa susunod na linggo. …

Ang simpleng pagbasa ng aralin sa manwal bago magklase ay hindi sapat. Sa ganitong paraan ay wala pa sa loob ko ang araling iyon, at hangga’t wala ito sa loob ko, hangga’t hindi ko nadaramang may mensahe akong ibibigay sa klase ko, hindi ako handa tulad ng sinabi ng Panginoon nang tawagin niya ako na ibigay ang kanyang mensahe. Dapat itong pumasok sa loob ko; kung anuman ang gusto kong ibigay sa mga bata ay iyon ang mahalaga kapag hinarap ko na sila. Magagawa kong bahagi ng buhay ko ang aralin sa manwal sa pamamagitan ng pag-aaral, pananampalataya, at panalangin.6

Ang pagbibigay ng aralin nang handang-handa ay parang pagpapala—pinagpapala nito ang nagbibigay at ang tumatanggap. Totoo ito sa pagtuturo tulad sa buhay—”Ibigay ang pinakamagaling ninyo sa mundo, at pinakamagaling ang babalik sa inyo.”…

… Mga guro, simulan ang paghahanda ng inyong mga leksyon sa panalangin. Ituro ang inyong mga leksyon nang may dalangin sa puso. Tapos ay ipagdasal na pagyamanin ng Diyos ang inyong mensahe sa kaluluwa ng inyong mga estudyante sa pamamagitan ng impluwensiya ng kanyang banal na Espiritu.7

Tinutulungan ng kaayusan at pagpipitagan sa mga silid-aralan ng Simbahan ang mga kabataan na matuto ng paggalang at pagpipigil sa sarili.

Naniniwala ako na ang disiplina sa klase, na nagpapahiwatig ng pagpipigil sa sarili, at nangangahulugan din ng konsiderasyon sa iba, ang pinakamahalagang bahagi ng pagtuturo. …

Ang pinakamagandang leksyong matututuhan ng bata ay pagpipigil sa sarili, at madama ang relasyon niya sa iba hanggang sa matuto siyang igalang ang kanilang damdamin. …

Ang isang magulong kapaligiran, na walang paggalang sa guro at sa kaklase, ay sasakal sa pinakamahahalagang katangian ng pagkatao.8

Kung minsan ay maingay sa ating mga silid-aralan. Dito natin kailangan ang magagaling na guro. Ang isang gurong makapaglalahad ng leksyon na nagpapagana ay magkakaroon ng kaayusan, at kapag nakakita siya ng estudyanteng palaban, nagtatapon ng mga papel, hindi nakikinig, nagtitisuran, nagsisipaan, malalaman niya na hindi niya naiturong mabuti ang aralin. Marahil hindi nga siya nakapaghanda. …

Sa mga silid-aralan ang mga bata ay dapat maturuan, dapat malaya silang makipagtalakayan, magsalita, makibahagi sa gawain sa klase. Subalit walang karapatan ang sinumang miyembro ng klase na guluhin ang ibang estudyante sa pamamagitan ng panggugulo o panloloko. At palagay ko sa Simbahang ito, sa mga korum at klase ng priesthood at sa mga auxiliary, hindi ito dapat payagan ng mga guro at [lider]. Nasasaktan sa kaguluhan ang batang may gawa nito. Dapat niyang matutuhan na kapag nasa labas siya ng bahay may ilang mga bagay na hindi niya magagawa nang hindi napaparusahan. Hindi niya malalabag ang mga karapatan ng kanyang mga kasamahan.

Hayaang matutuhan ng mga bata ang leksyong ito habang bata pa sila dahil kapag lumabas sila ng bahay at nagtangkang labagin ang batas, madedemanda sila at malamang na maparusahan.

Mahalaga ang pagkakaroon ng katiwasayan sa klase para maikintal sa puso at buhay ng mga kabataan ang alituntunin ng pagpipigil sa sarili. Gusto nilang magsalita at bumulong, ngunit hindi nila ito magawa dahil makakaistorbo sila sa iba. Pag-aralan ang kapangyarihan at aral ng lubos na pagkilala sa sarili.9

Inaasam ng Sunday School ang panahon na sa bawat klase sa Sunday School ang mga alituntunin ng pagdating sa oras, paggalang, pagpipigil sa sarili, paggalang sa awtoridad, pagsisipag sa pag-aaral, pagiging bukas ng isipan, at, lalo na, pagpipitagan at pagsamba, ang… [pupuno] sa kapaligiran.10

Sa mga pagsisikap nating ituro ang katotohanan, si Jesucristo ang ating dakilang Huwaran.

Sa larangan ng personalidad, sa kaharian ng pagkatao, nananaig si Cristo. Sa personalidad, ibig kong sabihi’y lahat ng maituturing na pansariling katangian ng isang tao. Ang personalidad ay kaloob ng Diyos. Tunay na ito’y mahalagang perlas, isang walang hanggang pagpapala.

Mga kapwa ko guro, hindi natin maipapakita, kahit katiting, ang personalidad ng ating dakilang Gurong si Jesucristo. Para sa Tagapagligtas ang bawat personalidad ay tulad lamang ng munting sinag ng makapangyarihang araw mismo; datapuwat, kahit higit na mas mababa, bawat personalidad ng guro ay dapat katulad ng sa Tagapagligtas. Sa larangan ng pagkatao, bawat guro ay maaaring maging mas mataas at maging isang batubalaning hahatakin sa kanyang tabi ang mga tuturuan niya sa isang di mailarawang paraan.

Ngunit gaano man kaganda ang kanyang personalidad sa mga miyembro ng klase, bigo ang guro sa trabaho niya kung ibabaling lang niya ang pagmamahal ng bata sa kanyang personalidad. Tungkulin ng guro na turuan ang bata na mahalin—hindi lang ang guro, kundi maging ang katotohanan. Lagi na, saanman, nakikita natin si Cristo na kinalilimutan ang sarili para sa kalooban ng Ama; gayundin ang guro, patungkol sa kanyang personalidad, ay dapat kalimutan ang sarili para sa katotohanang nais niyang ituro.11

Dapat kilalanin ng guro ang kanyang tinuturuan, para maunawaan, kahit katiting, ang pag-iisip at kakayahan ng mga miyembro ng kanyang klase. Dapat niyang mabasa ang ekspresyon ng mukha at maging bukas ang isipan ukol sa iniisip at espirituwal na saloobin ng mga tinuturuan niya. Taglay ng Dakilang Guro ang ganap na kapangyarihang umunawa. Nababasa Niya ang mga tagong iniisip at nauunawaan ang damdamin ng mga taong tinuturuan Niya. Sa pagtatamo ng kapangyarihang ito ay tataglayin nila kahit paano ang katangian Niya. Iilan lang ang mga guro na nagkakaroon ng kaloob na ito, kahit kailangan; gayunman responsibilidad ng bawat guro na alamin kung ano ang pinakainam na paraan sa pagtuturo sa mga miyembro ng klase nang sa gayo’y maging kawili-wili ito.12

Gamitin ang mga bagay sa paligid ninyo. Ihalimbawa ang Dakilang Gurong umupong kasama ng kanyang mga disipulo at pinagmasdan ang pagtatanim ng binhi ng tagsibol ng mga magsasaka. Sabi Niya, “Ang mga iba’y nangahulog sa mabuting lupa, at ang iba’y sa batuhan.” [Tingnan sa Marcos 4:3–8.] Isang leksyon iyan sa buhay. Ang babaeng taga Samaria na nagpunta sa balon upang pawiin ang kanyang uhaw ay isa pang halimbawa. Sinabi sa kanya ni Jesus na ang tubig na ibibigay niya rito ay magiging balon ng tubig na bubukal sa buhay na walang hanggan [tingnan sa Juan 4:14]. Magtipon ng mga karanasan, at ilarawan sa bawat punto. Palagay ko’y aral iyan sa bawat guro—ikaw na may araling ihahanda—hindi talumpati, kundi mensahe.13

Kayo’y mga karapat-dapat na mga alagad ni Cristo! Mga guro! Mga tagasunod ng tunay na Guro, ang dakilang Huwaran ng lahat! Magpatuloy sa marangal ninyong gawain! Wala nang ibang mas dakila at mas mabuti! Inyo ang kagalakang pangako ng Tagapagligtas.14

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Anu-ano ang mga responsibilidad ng guro? (Tingnan sa mga pahina 215–18.) Bakit mahalagang magkaroon ng personal na mga patotoo ang mga guro ng ebanghelyo?

  • Anong mga biyaya ang natanggap ninyo sa pagtuturo ng ebanghelyo? Paano napagpala o nabago ng matatapat at mahuhusay na guro ang inyong buhay?

  • Paano naiimpluwensiyahan ng isang araling mahusay na naihanda ang kapwa guro at estudyante? (Tingnan sa mga pahina 217–18.) Ano ang ilang paraan para makapaghanda ang mga guro? (Tingnan sa mga pahina 217–18.) Anu-anong mga sanggunian ang makukuha sa Simbahan para mapahusay ang pagtuturo?

  • Ano ang magagawa natin para maitaguyod ang kaayusan at paggalang sa mga klase ng Simbahan? (Tingnan sa mga pahina 218–19.) Paano nakikinabang ang mga kabataan kapag maayos ang klase? Ano ang magagawa ng mga magulang para masuportahan ang mga guro sa mga pagsisikap nilang mapanatili ang kaayusan sa mga klase?

  • Ano ang pagkakaiba ng “pagtuturo ng aralin” at pagtuturo ng mga tao? Paano inihalimbawa ng Tagapagligtas ang kahusayang ito? Ano pa ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jesucristo bilang Dalubhasang Guro? (Tingnan sa mga pahina 220–21.)

  • Ano ang magagawa ng guro para tiyakin na mamahalin ng mga miyembro ng klase “hindi lamang ang guro, kundi maging ang katotohanan”?

  • Paano natin magagamit ang payo ni Pangulong McKay sa pagpapahusay ng pagtuturo sa ating tahanan? Anong mga paraan ang nakita ninyong mabisa sa pagtuturo sa inyong mga anak?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Juan 21:15–17; 3 Nephi 27:21; D at T 11:21; 42:14; 88:77–80, 118; 132:8

Mga Tala

  1. “The Teacher, ” Improvement Era, Set. 1951, 622.

  2. Sa Conference Report, Okt. 1916, 58–59; binago ang pagtatalata.

  3. “ ‘That You May Instruct More Perfectly, ’ ” Improvement Era, Ago. 1956, 557.

  4. “The Teacher, ” 621–22.

  5. Gospel Ideals (1953), 214.

  6. “ ‘That You May Instruct More Perfectly, ’ ” 557.

  7. Gospel Ideals, 222–23.

  8. Man May Know for Himself: Teachings of President David O. McKay, tinipon ni Clare Middlemiss (1967), 337–38.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1950, 164–66.

  10. Gospel Ideals, 221.

  11. “To The Teacher, ” Improvement Era, Ago. 1955, 557.

  12. True to the Faith: From the Sermons and Discourses of David O. McKay, tinipon ni Llewelyn R. McKay (1966), 251.

  13. “We Believe in Being True …, ” Improvement Era, Set. 1959, 647.

  14. Gospel Ideals, 135.

President McKay teaching

Gustung-gustong magturo ng ebanghelyo ni Pangulong McKay. Sa kanyang kapwa guro, ang sabi niya: “Magpatuloy sa marangal ninyong gawain! Wala nang ibang mas dakila at mas mabuti! Inyo ang kagalakang pangako ng Tagapagligtas.”