Kabanata 7
Ang Kahalagahan ng Pagkabuhay na Mag-uli
Dahil nabuhay si Cristo matapos mamatay gayundin naman ang lahat ng tao, bawat isa’y kakamtin ang kanyang lugar na angkop sa kanya sa susunod na daigdig.1
Panimula
Noong 1912, dumanas si Elder David O. McKay, na noon ay miyembro ng Labindalawa, at ang kanyang asawang si Emma Ray, ng unang matinding dalamhati ng pagiging magulang nang mamatay ang kanilang dalawa’t kalahating taong anak na si Royle. Ipinakikita sa kuwento ni Elder McKay ang sakit ng kaloobang nadama niya at ipinakikita rin nito ang kanyang pananalig sa pagkabuhay na mag-uli sa hinaharap:
“Lunes, ika-8 ng Abril 1912. Gabi ng napakatinding paghihirap para sa mahal naming anak! Bawat hininga niya’y tila pahirap sa kanya! Sinuri siya ng mga doktor kaninang umaga, at natuklasan na ang sakit niya’y sanhi ng pamamaga ng magkabilang baga. Halos mawalan kami ng pag-asa; ngunit sa huli nang sabihin sa amin [ng doktor] na sa pamamagitan ng pagsusuri ay nalaman niya kung anong mikrobyo ang sanhi ng impeksyon at mayroon siyang pangontra rito, kaya nabuhayan kami ng loob.
“Pero masyadong mahina si Royle at napakarami ng kumplikasyon ng kanyang sakit. Buong tapang siyang nakibaka sa buong maghapon, na iniinom ang munting pampasiglang ibinibigay sa kanya nang maluwag sa kalooban tulad ng isang nasa hustong gulang. Dakong 9:30 n.u. muli kaming nagbasbas ni Papa, Thomas E. [McKay] sa kanya. Lumaki ang pag-asa ni Ray, at nahiga sa kama sa kanyang tabi para magpahinga nang kaunti. Di nagtagal ay humina ang kanyang munting pulso, at alam na naming malapit na kaming iwanan ng aming sanggol. ‘Mama’ ang huling katagang binigkas ng kanyang munting mga labi. Bago siya namatay, iniunat niya ang maliliit niyang kamay, at habang nakayuko ako para yakapin siya ay niyapos niya ako sa leeg, at ibinigay sa akin ang pinakahuli sa maraming paglalambing na matatanggap ng isang ama mula sa mahal na anak. Tila alam niyang paalis na siya, at gustong sabihing, ‘Paalam, Papa, ’ ngunit pinatahimik na ng panghihina at sakit ang kanyang munting tinig. Natitiyak kong nakilala niya ang kanyang Mama ilang sandali matapos iyon. Ilang minuto lang siyang nakapagpahinga; at nang mapansing tila balisa ang mga narses, yumuko siya para pagmasdan kahit ilang saglit lang ang kanyang mahal na sanggol at hindi niya ito iniwan hanggang sa dahan-dahan namin siyang mailabas sa silid kung saan kinuha ni Kamatayan ang aming sanggol.
“Dumating ang wakas dakong 1:50 n.u., nang walang kakislotkislot. Ang mga katagang ‘Hindi siya patay, kundi siya ay natutulog’ hindi kailanman ay naging angkop noon sa kahit kaninong kaluluwa liban sa kanya, dahil talagang tuluyan na siyang natulog. Hindi siya namatay.”2
Mga Turo ni David O. McKay
Ang mga Apostol ni Jesus ay naging mga saksi ng katunayan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.
Mga dalawang libong taon na ang nakararaan … ay may ilang nalulumbay na apostol. Lungkot na lungkot si Pedro; nagdadalamhati si Juan; gayundin si Maria, na Ina ni Cristo. Tumakas na ang ibang mga apostol. Natanto ni Judas na malaking krimen ang kanyang nagawa. Napakapanglaw na gabi!
Kinabukasan ay nagbangon si Cristo. … Dahil totoo ito, pinatunayan ng pagkabuhay na mag-uli ang imortalidad ng kaluluwa, na umiiral ang mga mahal sa buhay sa kabila ng tabing, na naroon pa rin ang kanilang personalidad. Tunay na naroon sila sa espirituwal na kalagayan na tulad ng espiritu ni Cristo nang mangaral Siya sa mga espiritu sa bilangguan.3
Dahil naroon sila nang maganap ang [Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus] ay lalong tumibay ang ebidensyang ibinigay ng mga Apostol. Ang mas malalim na kahalagahan ng kanilang patotoo ay nakasalalay sa katotohanan na noong namatay si Jesus ay nasiraan ng loob at nalumbay ang mga Apostol. Dalawa’t kalahating taon silang itinaguyod at pinasigla ng presensya ni Cristo. Ngunit wala na siya ngayon. Naiwan silang mag-isa, at tila nalilito sila at walang magawa. …
“Ano ang dahilan at biglang nagbago ang mga disipulong ito at nagkaroon sila ng tiwala sa sarili, walang kinatatakutan, at naging magigiting na mangangaral ng Ebanghelyo ni Jesucristo? Ito’y dahil sa paghahayag na si Cristo ay nagbangon mula sa libingan. Natupad ang kanyang mga pangako, naisagawa ang kanyang misyon bilang Mesiyas.” …
Mismong si Marcos ay hindi maalaala ang anumang pagpapakita ng nagbangong Panginoon; ngunit nagpapatotoo siya na ang anghel sa libingan ang nagbalita sa pagkabuhay na mag-uli, at nangakong makikipagkita ang Panginoon sa kanyang mga disipulo. Maririnig natin mula kay Marcos ang maluwalhating pahayag tungkol sa unang libingan na walang laman sa buong mundo. Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng tao ang mga salitang “Dito nakahimlay” ay napalitan ng banal na mensaheng “Siya’y nagbangon.” Walang mag-iisip na hindi kumbinsido si Marcos sa katunayan ng libingang walang laman. Para sa kanya ang pagkabuhay na mag-uli ay hindi na dapat pag-alinlanganan pa—tunay ito; at ang pagpapakita ng kanyang Panginoon at Guro sa mga tao ay katotohanang nakakintal na sa kanyang isipan nang walang alinlangan. Ibinuhos niya ang kanyang buhay sa katotohanang ito, at kung totoo nga ang pasalin-saling mga kuwento tungkol sa kanya, siya’y pinaslang dahil sa kanyang paniniwala at patotoo.
Ang isa pang nagtala ng patotoo ng mga saksi ay si Lucas, isang Gentil, o, gaya ng iniisip ng ilan, isang nagbalik-loob sa Antioquia sa Siria, kung saan siya naging manggagamot. (Col. 4:14.) Maging ang ilan sa kanyang matitinding kritiko ngayon ay nagsasabing magaling siyang mananalaysay, at dahil sa personal niyang pakikipag-ugnayan sa naunang mga apostol ay naging napakahalaga ng kanyang mga pahayag.
Ang isinulat niya’y bunga ng sariling pagtatanong at imbestigasyon, at mula sa lahat ng nakuhang impormasyon. Ininterbyu at itinala niya ang mga pahayag ng mga taong “sa pasimula ay mga saksing nangakakakita at mga ministro ng Salita.” Sinabi niyang “lubos [niyang] siniyasat ang pangyayari ng lahat ng bagay mula nang una, ” upang kanyang “maisulat nang sunud-sunod.” [Tingnan sa Lucas 1:1–4.] Nangangahulugan na nakuha ni Lucas ang patotoo ng mga “saksing” ito mula sa kanila mismo at hindi mula sa naunang mga salaysay.
Batay sa lahat ng mapagkakatiwalaang patotoo, mula sa kamay niya mismo ay napasaatin ang Ebanghelyo ni Lucas. Sa kabanata 24, nagpapatotoo si Lucas sa banal na mensaheng: “Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay? Wala siya rito, datapuwa’t nagbangon.” [Lucas 24:5–6.]
Sa gayunding katiyakan ng katumpakan ng mga ito ay matatanggap natin ang kanyang mga pahayag at patotoo hinggil sa patotoo nina Pedro at Pablo at ng iba pang mga apostol sa pagkabuhay na mag-uli. “Na sa kanila nama’y napakita rin siyang [si Cristo] buhay, sa pamamagitan ng maraming mga katunayan, pagkatapos na siya’y makapaghirap, na napakikita sa kanila sa loob ng apat na pung araw, at nagpahayag ng mga bagay tungkol sa kaharian ng Dios.” [Mga Gawa 1:3.] Sino ang mag-aalinlangan sa lubos na pagtitiwala ni Lucas sa katunayan ng pagkabuhay na mag-uli?
Totoong hindi nagpatotoo si Marcos ni si Lucas na nakita nila mismo ang nagbangong Panginoon, at dahil dito, iginigiit ng iba na ang nakatala nilang mga patotoo ay hindi maituturing na tuwirang ebidensya. Ang hindi nila pagpapatotoo, bagamat kumbinsido sila na nakita ng iba si Cristo, ay nagpapakita kung gaano kalakas ang ebidensya sa mga apostol at sa iba pang mga disipulo na totoo nga ang pagkabuhay na mag-uli.
Sa kabutihang-palad ay may isang dokumentong nagbibigay ng personal na patotoo ng nakasaksi mismo sa pagpapakita ni Jesus matapos siyang mamatay at ilibing. Pinagtitibay ng personal na pagsaksing ito ang patotoo hindi lamang ng dalawang lalaking binanggit ko kundi ng iba pang tao. Ito’y si Saulo, isang Judio na taga Tarso, na tinuruan sa paanan ni Gamaliel, isang istriktong Fariseo, at bago siya nagbalik-loob ay naging malupit na tagausig ng lahat ng naniniwala kay Jesus ng Nazaret na nagbangon mula sa patay. At ngayon sa pinakamatandang tunay na dokumento na umiiral na may kaugnayan o nagpapatotoo sa pagkabuhay na mag-uli ni Cristo, ay makikita nating sinasabi ito ni Pablo sa mga taga Corinto:
“Sapagka’t ibinigay ko sa inyo una sa lahat, ang akin namang tinanggap: na si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan, ayon sa mga kasulatan, at siya’y inilibing; at siya’y muling binuhay nang ikatlong araw ayon sa mga kasulatan; at siya’y napakita kay Cefas, at sa labingdalawa. Pagkatapos ay napakita sa mahigit na limang daang kapatid na paminsan, na ang karamihan sa mga ito’y nangabubuhay hangga ngayon, datapuwa’t ang mga iba’y nangatulog na. Saka napakita kay Santiago; at saka sa lahat ng mga apostol. At sa kahulihulihan, tulad sa isang ipinanganak sa di kapanahunan, ay napakita naman siya sa akin.” [I Mga Taga Corinto 15:3–8.]4
Hindi mapabubulaanan ng pag-aalinlangan ng mundo ang patotoo ng mga saksi.
Marami sa ngayon ang tulad ng kalalakihan sa Mars’ Hill dalawang libong taon na ang nakararaan. Nagtayo sila ng dambana sa “Dios na Hindi Kilala, ” pero kakaunti o wala silang alam tungkol sa kanya. Mababasa natin na noong papunta siya sa Areopago ay nakita ni Pablo ang kagila-gilalas na mga estatwang itinayo para sa iba’t ibang diyus-diyosan. … Madalas magtipon dito ang mga pilosopo at mga huwes, ang magagaling mag-isip, ang matatalinong pantas ng sinaunang daigdig, at pinag-uusapan at tinatalakay nila ang mga misteryo ng buhay at kapalaran ng sangkatauhan.
Sa gitna ng lahat ng karunungang ito ng mundo ay may isang malungkot na maliit na tao na nagsabing huwad ang karamihan sa kanilang mga pilosopiya at malaking kamalian ang pagsamba nila sa mga imahen—ang nag-iisang tao sa malaking lungsod na iyon ng matatalino na nakaalam sa pamamagitan ng aktuwal na karanasan na ang isang tao ay maaaring dumaan sa maringal at malawak na pintuan ng kamatayan at manatiling buhay. … Habang buong husay na ipinaliliwanag ni Pablo ang personalidad ng Diyos, nakinig na mabuti ang mga pilosopo hanggang sa patotohanan niyang binuhay ng Diyos si Jesus mula sa patay.
Nang marinig nila ang pagkabuhay na mag-uli, pinagtawanan ito ng ilan at lahat maliban sa iilan ang lumayo at iniwan siya na nagpahayag ng katotohanan na lalo pang malungkot. [Tingnan sa Mga Gawa 17:22–33.] Ngayon, tulad noon sa Mars’ Hill, kapag nagsasalita tayo tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, may ilan na nagtatawa at ang iba naman ay nagdududa at lumalayo. Ngayon, tulad noon, napakaraming mga lalaki at babae ang may ibang mga diyos na mas iniisip nila kaysa sa nabuhay na mag-uling Panginoon. …
Patunayan ninyo na binuhay ni Cristo ang Kanyang katawan at nagpakita bilang niluwalhati at nabuhay na mag-uling Nilalang, at masasagot ninyo ang matagal nang tanong—“Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?” [Tingnan sa Job 14:14.]
Na ang literal na pagkabuhay na mag-uli mula sa libingan ay totoo sa mga disipulong nakakikilalang mabuti kay Cristo ay talagang nangyari. Sa kanilang isipan ay walang anumang pagaalinlangan. Sila’y mga saksi sa totoong pangyayari. Alam nila dahil nakita ng kanilang mga mata, narinig ng kanilang tainga, nahawakan ng kanilang kamay ang katawan ng nagbangong Manunubos.5
Na ang espiritu ng tao ay matagumpay na makadaraan sa maringal at malawak na mga pintuan ng kamatayan tungo sa buhay na walang hanggan ay isa sa mga maluwalhating mensaheng ibinigay ni Cristo na ating Manunubos. Sa kanya ang makalupang mithiing ito’y isang araw lamang at ang pagsasara nito’y tila paglubog lamang ng araw ng buhay. Ang kamatayan, na pagtulog lamang, ay sinusundan ng maluwalhating paggising sa umaga ng walang hanggang kaharian. Nang makita nina Maria at Marta ang kanilang kapatid na isang bangkay sa madilim at mapanglaw na libingan, siya’y nakita ni Cristo bilang buhay na nilalang. Ang katunayang ito’y ipinamalas niya sa mga salitang: “… Si Lazaro … ay natutulog. …” ( Juan 11:11.) Kung alam ng bawat isa … na ang ipinakong Cristo ay tunay na nagbangon sa ikatlong araw— na matapos batiin ang iba at makasalamuha ang iba sa daigdig ng mga espiritu, ang kanyang espiritu ay muling nabigyang-buhay sa kanyang sugatang katawan, at matapos manirahang pansamantala na kapiling ng mga tao sa loob ng apatnapung araw, siya’y umakyat na niluwalhating kaluluwa sa kanyang Ama—napakasarap ng kapayapaang darating sa mga kaluluwang naliligalig ngayon ng duda at kawalang-katiyakan!
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay kasama nina Pedro, Pablo, Santiago, at ng lahat ng iba pang mga apostol noong una na tumanggap sa pagkabuhay na mag-uli hindi lamang bilang tunay na pangyayari, kundi bilang katuparan ng banal na misyon ni Cristo sa lupa.6
Ang huli at pinakadakilang katibayan na nagbangon si Jesus mula sa patay ay ang pagpapakita ng Ama at ng Anak kay Propetang Joseph Smith, labingsiyam na daang taon matapos ang pangyayari. … Hindi lamang ang himalang ito ng buhay ang makahulugan kundi maging ang pahiwatig din nito sa lahat ng pangunahing alituntunin ng tunay na Kristiyanismo.7
Pinagtibay ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo ang walang hanggang kapangyarihan ng Diyos at kawalang-kamatayan ng tao.
Sa loob ng mahigit apat na libong taon, tumutunghay lamang ang tao sa libingan at ang tanging nakikita dito ay katapusan ng buhay. Sa lahat ng milyun-milyong nakapasok na rito, wala ni isang tao na nakabalik bilang nabuhay na mag-uling walangkamatayang nilalang. “Sa lahat ng dako ng mundo ay wala ni isang libingan na walang-laman. Walang pusong naniwala; walang tinig na nagpahayag na mayroong gayong uri ng libingan—isang libingang ninakawan ng kapangyarihan ng Nagtagumpay na mas malakas kaysa sa matinding kaaway ng tao, ang Kamatayan.”
Dahil dito’y bago at maluwalhating mensahe ang ibinigay ng anghel sa kababaihan na natatakot ngunit may pagmamahal na lumapit sa puntod na pinaglibingan kay Jesus: “… Hinahanap ninyo si Jesus, ang Nazareno, na ipinako sa krus: siya’y nagbangon; wala siya rito: tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan nila sa kaniya.” (Marcos 16:6.)
Kung ang himala ay isang di-pangkaraniwang pangyayari na ang sanhi ay di-masayod ng isip ng tao, kung gayon ang pagkabuhay na mag-uli ni Jesucristo ang pinaka-kagila-gilalas na himala sa lahat ng panahon. Dito nananatiling nahahayag ang walang hanggang kapangyarihan ng Diyos at ang kawalang-kamatayan ng tao.
Ang pagkabuhay na mag-uli ay isang himala, hindi lamang dahil sa hindi ito lubos na maintindihan ng tao. Sa lahat ng tumatanggap na totoo ito, ito’y patunay lamang na patas ang batas ng buhay. Dahil hindi ito maunawaan ng tao, tinatawag niya itong isang himala.8
Ang Pagkabuhay na Mag-uli at ang Tagsibol ay masayang napaguugnay, hindi dahil sa may eksaktong katulad sa kalikasan ang pagkabuhay na mag-uli, kundi dahil sa napakarami nitong iminumungkahing kaisipan sa PAGGISING. Tulad ng pagkakasakmal ng nakamamatay na Matandang Taglamig sa lahat ng pananim na tangan nito, ngunit sa pagsapit ng Tagsibol ay napaluluwag nito ang pagkakasakmal ng Taglamig sa pamamagitan ng nagbibigay-buhay na kapangyarihan ng init at liwanag, at ang mistulang patay ay umuusbong sa panibagong buhay, muling nanariwa, napasigla, at napalakas matapos ang payapang pagtulog.
Gayundin sa tao. Ang tinatawag nating kamatayan ay itinuturing ni Jesus na pagtulog. Si “Lazaro … ay natutulog, ” sabi niya sa kanyang mga disipulo [tingnan sa Juan 11:11]. “Hindi patay ang bata, kundi natutulog, ” ang mapang-alo niyang mga salita sa naghihinagpis na mga magulang ng munting bata [tingnan sa Marcos 5:39]. Sa katunayan, sa Tagapagligtas ng mundo ay walang tinatawag na kamatayan—tanging buhay—buhay na walang hanggan. Tunay na masasabi niyang, “Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya.” [Juan 11:25.]
Dahil sa katiyakang ito, ang pagsunod sa walang hanggang batas ay dapat maging kagalakan, hindi pasanin, dahil ang buhay ay kagalakan, ang buhay ay pag-ibig. … Ang pagsunod kay Cristo at sa kanyang mga batas ay nagdudulot ng buhay. Nawa’y mabigyang-diin ng paulit-ulit na Paskua ang katotohanang ito, at puspusin ang ating mga kaluluwa ng banal na katiyakan na tunay na nagbangon si Cristo, at sa pamamagitan niya ay sigurado ang kawalang-kamatayan ng tao.9
Natatanggap ng matatapat ang mapang-along patotoo ng Pagkabuhay na Mag-uli.
Walang dahilan para katakutan ang kamatayan; ito’y isang pangyayari lamang sa buhay. Ito’y likas na dumarating tulad ng pagsilang. Bakit natin katatakutan ito? Ang ilan ay natatakot dito dahil iniisip nilang ito ang wakas ng buhay, at kadalasan ang buhay ang pinakamahalagang bagay na nasa atin. Ang buhay na walang hanggan ang pinakadakilang pagpapala ng tao.
Kung ang tao lamang ay “nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban” [tingnan sa Juan 7:17], sa halip na tumingin nang walang kapag-a-pag-asa sa madilim at mapanglaw na libingan, sila’y titingala sa langit at malalaman na nagbangon si Cristo!
Walang taong tatanggap sa pagkabuhay na mag-uli at mananatili sa kanyang pananampalataya nang hindi tinatanggap ang pagiral ng personal na Diyos. Sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli ay nagapi ni Cristo ang kamatayan at naging kaluluwang walang-kamatayan. Ang “Panginoon ko at Dios ko” ( Juan 20:28) ay hindi lamang walang-saysay na pahayag ni Tomas nang mamasdan niya ang nagbangong Panginoon. Kapag tinanggap nating banal si Cristo, madali nang mailarawan sa isip na ang kanyang Ama ay tulad din niya; dahil, sabi ni Jesus, “… ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama. …” ( Juan 14:9.)10
Dahil nabuhay si Cristo matapos mamatay gayundin naman ang lahat ng tao, bawat isa’y kakamtin ang kanyang lugar na angkop sa kanya sa susunod na daigdig. Samakatwid, ang mensahe ng pagkabuhay na mag-uli ang pinaka nakaaalo, ang pinakamaluwalhating ibinigay sa tao, dahil kapag kinukuha ng kamatayan ang ating mahal sa buhay, ang nagdadalamhati nating puso ay naaalo ng pag-asa at banal na katiyakang ipinahayag sa mga salitang:
“Siya’y wala rito: sapagka’t siya’y nagbangon.” [Tingnan sa Mateo 28:6.] Dahil buhay ang ating Manunubos tayo rin ay mabubuhay. Pinatototohanan ko na Siya’y buhay. Alam ko ito, at umaasa akong alam ninyo ang banal na katotohanang iyan.11
Dinanas ni Jesus ang lahat ng mga karanasan sa mortalidad tulad natin. Alam niya ang kaligayahan, dumanas siya ng sakit. Nagalak siya at nakidalamhati sa iba. Alam niya ang pakikipagkaibigan. Dumanas din siya ng kalungkutan na nagmumula sa mga taksil at nagpaparatang ng mali. Dumanas siya ng mortal na kamatayan na tulad din naman ng daranasin ninyo. Dahil nabuhay si Cristo matapos mamatay, gayundin naman na ikaw at ako ay mabubuhay matapos mamatay. …
Si Jesus ang nag-iisang perpektong tao na nabuhay. Sa pagbangon mula sa patay ay nagapi niya ang kamatayan at ngayon ay Panginoon ng daigdig. Napakahina, napakahangal ng taong kusang tatanggi sa uri ng pamumuhay ni Cristo, lalo na dahil sa ang gayong pagtanggi ay hahantong lamang sa kalungkutan, paghihirap, at maging sa kamatayan! …
Kapag nananalaytay na sa ugat ng mga Kristiyano sa buong daigdig ang pananampalatayang ito [kay Jesucristo], kapag nakadarama na sila ng katapatan sa kanilang mga puso sa Nabuhay na Mag-uling Cristo at sa mga alituntuning kaakibat niyon, nagawa na ng sangkatauhan ang unang malaking hakbang tungo sa tuluy-tuloy na kapayapaan na idinarasal natin araw-araw.12
Marami sa mga tinatawag na Kristiyano ang hindi naniniwala sa literal na pagkabuhay na mag-uli, at sa inyong balikat sa mga balikat ng … iba pa sa Simbahang ito nakasalalay ang tungkulin ng pagpapahayag sa daigdig tungkol sa kabanalan ng kanyang pagiging Anak, sa kanyang literal na pagkabuhay na mag-uli mula sa libingan, at kanyang pagpapakita mismo na kasama ng Ama sa propetang si Joseph Smith.13
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Ano ang ebidensya ng literal na Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo? (Tingnan sa mga pahina 71–74, 76.) Paano napatatag ng pagsaksi ng Kanyang mga Apostol noon at ngayon ang inyong patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus?
-
Sa paanong paraan tinatangka ng “karunungan ng mundo” na pabulaanan ang katunayan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus? (Tingnan sa mga pahina 74–76.)
-
Paano naging mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan ang doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli?
-
Itinuro ni Pangulong McKay na ang Pagkabuhay na Mag-uli ay “patunay na patas ang batas ng buhay” at ang “Pagkabuhay na Mag-uli at ang Tagsibol ay masayang napag-uugnay.” Sa paanong paraan katulad ng tagsibol ang Pagkabuhay na Mag-uli? (Tingnan sa mga pahina 76–78.) Paano ninyo magagamit ang paghahambing na ito upang matulungan ang mga bata na maunawaan ang Pagkabuhay na Mag-uli?
-
Paano tayo magkakaroon o paano natin mapatatatag ang patotoo hinggil sa Pagkabuhay na Mag-uli? (Tingnan sa mga pahina 78–79.) Paano naiimpluwensyahan ng inyong patotoo sa Pagkabuhay na Mag-uli ang inyong mga desisyon? Ano ang iba pang mga alituntunin ng ebanghelyo na mas madaling maunawaan matapos tayong magkaroon ng patotoo hinggil sa Pagkabuhay na Mag-uli?
-
Paano nababawasan ng kaalaman tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ang kalungkutang kaakibat ng kamatayan at paano ito nakatutulong upang maaliw ang mga nagdadalamhati? (Tingnan sa mga pahina 78–79.) Ano ang nakita ninyong mga halimbawa ng mga tao na sa gitna ng pagsubok ay napalakas ng kanilang patotoo hinggil sa Pagkabuhay na Mag-uli?
-
Bakit napakahalaga ng pag-iral ng nabuhay na mag-uling Diyos sa sangkatauhan?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Job 19:25–27; Marcos 16:1–6; Mga Gawa 2:22–32; 4:33; 1 Mga Taga Corinto 15:3–8; 3 Nephi 11:15; D at T 76:22–24