Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 17: Isang Patotoo sa Katotohanan


Kabanata 17

Isang Patotoo sa Katotohanan

Ang patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo ang pinakasagrado at pinakamahalagang kaloob sa ating buhay, na natatamo lamang sa pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo, hindi sa pagsunod sa kalakaran ng mundo.1

Panimula

Madalas ituro ni Pangulong David O. McKay ang kahalagahan ng pagkakamit ng personal na patotoo sa ebanghelyo, na nangangako na “hinding-hindi pababayaan ng Panginoon ang mga naghahanap sa kanya.” Noong kabataan niya, hinangad tamuhin ni David O. McKay ang sarili niyang patotoo sa katotohanan. Sa paggunita sa panahong iyon ng kanyang buhay, isinulat niya:

“Kahit paano ay nagkaroon ako ng ideya sa pagkabata na hindi tayo magkakaroon ng patotoo hangga’t hindi tayo nagkakaroon ng mga pahiwatig. Nabasa ko ang Unang Pangitain ni Propetang Joseph Smith, at alam kong alam niya na ang tinanggap niya ay mula sa Diyos. Narinig ko ang patotoo ng aking ama sa isang tinig na dumating sa kanya, at kahit paano ay nadama ko na iyon ang pinagmumulan ng lahat ng patotoo. Nalaman ko sa aking kabataan na ang pinakamahalagang bagay na matatamo ng tao sa buhay na ito ay isang patotoo sa kabanalan ng gawaing ito. Nasabik ako rito; nadama ko na kung magtatamo ako ng patotoo, lahat ng iba pa ay talagang mawawalan ng kabuluhan.

“Hindi ko kinaligtaang magdasal. Lagi kong inisip na sa lihim na dalangin, sa silid man o sa kakahuyan o sa mga burol, ang lugar para makamtan ang patotoo. Alinsunod dito, noong bata pa ako maraming beses akong lumuhod para manalangin sa may serviceberry bush habang nakaantabay ang kabayo ko sa tabing daan.

“Naaalala kong nangabayo ako sa mga burol ng Huntsville isang hapon, na iniisip ang mga bagay na ito at ipinalalagay na doon sa katahimikan ng mga burol ang pinakamabuting lugar na makamtan ang patotoong iyon. Pinatigil ko ang aking kabayo, inilagak ang renda sa kanyang ulunan, umurong nang ilang hakbang, at lumuhod sa tabi ng isang puno. Malinis at dalisay ang hangin, maningning ang sikat ng araw; mabango ang lumalagong damo at mga bulaklak. …

“Lumuhod ako at buong taimtim sa aking puso na ibinuhos ang aking kaluluwa sa Diyos at humiling ako ng patotoo ng ebanghelyong ito. Naniwala ako na magkakaroon ng kahit na anong pahiwatig; na makatatanggap ako ng kahit na anong pagbabagong papawi sa aking pag-aalinlangan.

“Tumayo ako, sumakay sa aking kabayo, at sa pagsisimula nitong tumakbo, napag-isip-isip ko at iiling-iling na sinabi ko sa aking sarili, ‘Hindi, ginoo, walang pagbabago; ako pa rin ang dating batang lalaking iyon bago ako lumuhod.’ Ang inaasahan kong pahiwatig ay hindi dumating.”2

Kahit hindi niya natanggap kaagad ang pahiwatig na inaasahan niya, patuloy na naghangad ng personal na patotoo si Pangulong McKay. Nang lumaon ikinuwento niya na “ang espirituwal na pahiwatig na ipinagdasal ko noong binatilyo pa ako ay kusang dumating sa pagganap ng tungkulin.”3

Sa sarili niyang karanasan itinuro ni Pangulong McKay na ang pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay isang susi sa pagtanggap ng patotoo. Pinatotohanan niya: “Kung gugustuhin ninyong yakapin ang mga alituntunin ng buhay na walang hanggan, madarama sa inyong kaluluwa ang basbas ng Espiritu Santo na magpapatotoo sa inyo na walang alinlangang ang Diyos ay buhay, na talagang siya ang ating Ama, at ito ang kanyang gawain na itinatag sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Iyan ang aking patotoo—ang pinakamahalagang bagay sa buhay!”4

Mga Turo ni David O. McKay

Ang patotoo sa katotohanan ang pinakamahalagang pag-aari sa mundo.

Walang anumang maaangkin ang tao sa mundong ito, na higit na magdudulot ng ginhawa, pag-asa at pananampalataya kaysa patotoo sa pag-iral ng isang Ama sa Langit na nagmamahal sa atin, o ng katotohanan ni Jesucristo, ang Bugtong na Anak niya, na nagpakita ang dalawang makalangit na personahe kay Propetang Joseph at itinatag ang Simbahan ni Jesucristo, at opisyal na binigyang-karapatan ang mga taong iyon na katawanin ang Diyos.5

Ang pinakamahalagang bagay sa mundo ay ang patotoo sa katotohanan. … Hindi tumatanda kailanman ang katotohanan, at ang katotohanan ay na ang Diyos ang pinagmumulan ng Priesthood … ; na Siya ay buhay, na si Jesucristo, ang dakilang High Priest, ang namumuno sa Simbahang ito.6

Pinatotohanan na ng Espiritu na tayo’y mga anak ng ating Ama sa Langit. May patotoo na tayo na ang Diyos ay nabubuhay. May patotoo na tayo na si Cristo, na ipinako sa krus at bumangon at nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw, ang pinuno ng kanyang Simbahan. Pinatotohanan na ng Espiritu na inihayag niya sa dispensasyong ito ang ebanghelyo ni Jesucristo, na muling itinatag sa lupa sa kaganapan nito. Ang ebanghelyo ni Jesucristo, ayon sa inihayag kay Propetang Joseph Smith, ay tunay na kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng paraan tungo sa kaligtasan [tingnan sa Mga Taga Roma 1:16]. Binibigyan nito ng perpektong buhay dito ang bawat tao, at sa pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay binibigyan tayo nito ng buhay na walang hanggan.7

Itangi sa inyong puso ang patotoo sa katotohanan; pagtibayin ito na tulad ng mga bituin sa kalangitan. Nawa’y sumapuso ng lahat at sumaating mga tahanan ang tunay na espiritu ni Cristo, ang ating Manunubos, na ang katotohanan, ang nakapagbibigayinspirasyong patnubay ay alam kong totoo.8

Kapag sumusunod tayo, tumatanggap tayo ng patotoo sa pamamagitan ng Espiritu.

Kadalisayan ng pag-iisip, at tapat na pusong hangad ang patnubay ng Tagapagligtas araw-araw ang aakay sa patotoo ng katotohanan ng Ebanghelyo ni Cristo na kasintiyak at kasintatag ng angkin ni Pedro … matapos makita ang transpigurasyon ni Cristo, at marinig ang tinig ng Diyos na nagpapatotoo sa Kanyang kabanalan [tingnan sa Mateo 17:1–5].9

Iniisip ko kung ilan sa atin ang nagtuturo … [sa mga kabataan] kung paano sila [makatatanggap ng patotoo]. Sapat ba nating binibigyang-diin ang katotohanan na hinding-hindi nila ito malalaman kung maglulunoy sila sa kasalanan; hinding-hindi nila ito malalaman kung binibigyang-kasiyahan nila ang kanilang mga kapusukan at hilig. “Ang aking Espiritu ay hindi tuwinang papatnubay sa tao.” (Gen. 6:3; D at T 1:33; Moises 8:17.) Ang Kanyang espiritu ay hindi mananahan sa maruruming tabernakulo. (“Ang Espiritu ng Panginoon ay hindi nananahanan sa mga hindi banal na templo.” Helaman 4:24.) At hindi kayo magkakaroon ng patotoo nang walang Espiritu ng Diyos. …

… Heto ang tanong—Paano ko malalaman? Sinagot na ito ni Jesus, nang ipakita niya ang daan sa bawat aspeto ng buhay. Isang araw, nang magpatotoo siya sa kanyang kabanalan, na ang kanyang mga turo ay sa Diyos, sinabi sa kanya ng nakapaligid na mga Fariseo at ng iba pa, “Paanong nakaaalam ang taong ito ng mga karunungan, gayong hindi naman nagaral kailan man?” Paano namin malalaman (iyan ang kanilang tanong), na ikaw ay banal? At simple ang tugon niya: “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili.” ( Juan 7:15, 17.) May tiyak na sagot—isang malinaw na pahayag. … “Kung gagawin ninyo ang kanyang kalooban, malalaman ninyo.” At, “ang makilala ang Diyos, at si Jesucristo, na isinugo niya, ay buhay na walang hanggan.” [Tingnan sa Juan 17:3.]10

At ipinagkaloob sa ilan, wika ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan, na malaman sa pamamagitan ng Espiritu Santo na si Jesus ang Anak ng Diyos at Siya’y ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng mundo [tingnan sa D at T 46:13]. Sila ang sinasabi ko na matatag na naninindigan sa bato ng pahayag sa patotoong hatid nila sa mundo. Ngunit sinabi pa ng Panginoon na may mga ibang pinagkalooban na maniwala sa patotoo ng iba, upang matanggap din nila ang kaligtasan kung tapat silang magpapatuloy [tingnan sa D at T 46:14]. Sa lahat ng ito, gayunpaman, dumarating din ang patotoo sa araw-araw na karanasan.

Nakatatagpo ng pagpapatibay ng kanilang patotoo ang mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo sa bawat pagganap ng tungkulin. Batid nilang itinuturo sa kanila ng ebanghelyo na maging mas mabuting tao; na pinalalakas ang mga lalaki at mas nagiging tapat ang mga babae sa pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Araw-araw dumarating ang gayong kaalaman sa kanila, at hindi nila ito maitatatuwa; batid nila na ang pagsunod sa ebanghelyo ni Jesucristo ay nagpapabuti at ginagawa nitong mas tapat na asawa ang mga lalaki, mas tapat at mararangal ang maybahay, at masunurin ang mga anak. Batid nila na ang pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo sa lahat ng aspeto ay ginagawa silang mga ulirang haligi ng tahanan; naroon ang huwaran; nadarama nila ito, hindi nila ito maitatatuwa, alam nila ito, at batid nila na ang pagsuway sa mga alituntuning ito ay kabaligtaran ang epekto sa buhay nila at sa kanilang mga tahanan. Batid nila na ang pagsunod sa ebanghelyo ay naghahatid ng tunay na kapatiran at pakikisama sa sangkatauhan; batid nila na mas matitino silang mamamayan dahil sa pagsunod sa mga batas at ordenansa. Kaya, sa araw-araw nilang pagkilos, at pamumuhay ng relihiyon sa kanilang trabaho, nababanaag ang katotohanan ng Ebanghelyo sa kanilang buhay.11

Walang dudang nakakilala na kayo ng mga taong … nagtataka kung bakit nakikita sa Simbahang ito ang gayong sigla at pag-unlad. Ang sekreto ay ito, na bawat tapat na Banal sa mga Huling Araw ay nag-aangkin ng katiyakan na ito ang gawain ng Diyos, ang gayunding kapangyarihang nagbigay kina Pedro at Juan ng lakas na harapin ang mga nagparatang sa kanila at hayagan at buong tapang na ipahayag sa Sanedrin na “si Jesus na ipinako ninyo sa krus ang may kapangyarihan na nagpagaling sa taong ito, ” na tanging pangalan lang Niya ang ibinigay sa mga tao para maligtas sila [tingnan sa Mga Gawa 4:10, 12].

Ang sekreto ay nasa patotoong taglay ng bawat taong tapat sa pagiging miyembro ng Simbahan ni Cristo, na ang ebanghelyo ay naglalaman ng mga wastong alituntunin. … Inihayag ang patotoong ito sa bawat tapat na lalaki at babaeng umaayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo, sumusunod sa mga ordenansa at karapat-dapat at nakatatanggap ng Espiritu ng Diyos, ang Espiritu Santo, upang gabayan sila. Bawat tao ay naninindigan sa sarili sa patotoong iyon, tulad ng libu-libong bombilya na tumatanglaw nang husto sa Salt Lake City … sa gabi, na umiilaw at nagliliwanag sa sarili nitong kapaligiran, subalit ang mga liwanag nito ay nagmumula sa iisang lakas, iisang enerhiya, na siyang pinagmumulan ng liwanag ng iba pang tumatanggap ng kanilang enerhiya.12

Kung natanggap natin ang pagsaksi ng tao, ang pagsaksi ng Diyos ay mas dakila, dahil ito ang pagsaksi ng Diyos sa kanyang Anak: “Ang nananampalataya sa Anak ng Dios ay may patotoo sa kaniya.” [I Juan 5:10.] May pagsaksi ng Espiritu. Tunay na inihahayag ng Diyos sa tao ngayon ang katotohanan ng pagkabuhay na mag-uli ng Panginoon, ang kabanalan ng dakilang gawaing ito, ang katotohanan, ang banal at walang hanggang katotohanan, na ang Diyos ay buhay, hindi bilang kapangyarihan, diwa, lakas, o kuryente, kundi bilang ating Ama sa Langit. … Inihahayag ng Diyos sa kaluluwa ang kanyang pag-iral. Inihahayag Niya ang kabanalan ng Panginoong Jesucristo, na bumaba sa lupa upang ibigay sa tao ang dakilang katotohanan ng pag-iral ng Diyos at ng kanyang Anak.13

Sa katotohanan bilang ating gabay, kasama, kaibigan, inspirasyon, ay matutuwa tayo na malaman na ang ating angkan ay Walang Hanggan, at lahat ng walang kabuluhang pagsubok, lungkot, at dusa ng buhay na ito ay maglalahong gaya ng pansamantala, walang-saysay na pangitaing nakita sa panaginip. Iyan ang ating pribilehiyo dahil sa biyaya at patnubay ng Diyos kung ipamumuhay natin sa araw-araw ang mga espirituwal na biyaya at pribilehiyo ng ebanghelyo ni Jesucristo.14

Ang patotoo sa ebanghelyo ay angkla sa kaluluwa.

Ang patotoo sa ebanghelyo ay angkla sa kaluluwa sa gitna ng pagkalito at kaguluhan. … Ang kaalaman sa Diyos at Kanyang mga batas, ay nangangahulugan ng katatagan, kapanatagan, kapayapaan, taglay ang pusong puspos ng pagmamahal na tumutulong sa kapwa tao na naghahandog ng gayunding mga biyaya, gayunding mga pribilehiyo.15

Hindi natin talagang mapaniniwalaan na tayo’y mga anak ng Diyos, na ang Diyos ay umiiral, nang hindi naniniwala sa huling di-maiiwasang tagumpay ng katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kung paniniwalaan natin iyon, maiibsan ang problema natin tungkol sa pagkawasak ng mundo at ng kasalukuyang sibilisasyon, dahil itinatag na ng Diyos ang kanyang Simbahan na hinding-hindi na mawawasak ni maipamimigay sa ibang tao. At habang buhay ang Diyos, at tapat ang kanyang mga tao sa kanya at sa isa’t isa, hindi tayo kailangang mag-alala tungkol sa pagtatagumpay ng katotohanan sa huli.

… Kung nasa panig ninyo ang katotohanan, malalampasan ninyo ang kasamaan ng paninirang-puri, kasinungalingan, at pang-aabuso, nang walang-takot na para bagang may mahiwagang kalasag kayo na hindi tinatablan ng bala, ni ng sibat. Maitataas ninyo ang inyong noo, makapagmamalaki, matititigan sa mata ang lahat ng tao nang payapa at walang kurap. … Malalaman ninyo na sa huli’y maaayos din ang lahat; na hindi ito mapipigilan; na lahat ay dapat takasan ang dakilang ningning ng katotohanan, tulad ng pagtalilis ng kadiliman tungo sa kawalan dahil sa sinag ng araw.16

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo? Bakit patotoo ang pinakamahalagang pag-aaring matatamo natin? (Tingnan sa pahina 188.) Bakit mahalaga na magkaroon ng patotoo ang bawat isa sa atin?

  • Ano ang dapat nating gawin upang makatanggap ng pagsaksi sa katotohanan? (Tingnan sa mga pahina 189–91.) Bakit mahalagang bahagi ng malakas na patotoo ang pagsunod? Ano ang papel ng Espiritu Santo sa pagtatamo natin ng patotoo?

  • Bakit mahalaga na patuloy na palakasin ang ating patotoo habambuhay? Anong mga paraan ang napatunayan ninyong magpapayaman ng inyong patotoo?

  • Ano ang magagawa natin upang matulungan ang ating mga anak na makatanggap ng patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo?

  • Itinuro ni Pangulong McKay na ang “patotoo sa ebanghelyo ay angkla sa kaluluwa” (pahina 192). Bakit natin kailangan ang patotoo para iangkla ang ating kaluluwa? (Tingnan sa pahina 192.) Paano kayo naprotektahan at napalakas ng inyong patotoo sa mga pagsubok sa buhay?

  • Bakit mahalagang ibahagi ang ating patotoo sa iba? Anu-anong mga biyaya ang nakamit ninyo nang dahil sa pagpapatotoo?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mateo 16:13–17; Lucas 22:32; Juan 7:17; 14:26; Eter 12:4; Moroni 10:3–5; D at T 1:39; 93:24–28

Mga Tala

  1. Treasures of Life, tinipon ni Clare Middlemiss (1962), 228.

  2. Treasures of Life, 228–30.

  3. Cherished Experiences from the Writings of President David O. McKay, tinipon ni Clare Middlemiss, binagong edisyon (1976), 7.

  4. Treasures of Life, 232.

  5. Sa Conference Report, Okt. 1953, 88.

  6. Sa Conference Report, Abr. 1948, 172.

  7. Sa Conference Report, Okt. 1966, 136.

  8. Sa Conference Report, Okt. 1965, 145–46.

  9. Ancient Apostles (1918), 49.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1953, 88–89.

  11. Sa Conference Report, Abr. 1912, 121; binago ang pagtatalata.

  12. Sa Conference Report, Okt. 1912, 120–21.

  13. Sa Conference Report, Okt. 1925, 111.

  14. Sa Conference Report, Abr. 1958, 130.

  15. Sa Conference Report, Okt. 1912, 122.

  16. Sa Conference Report, Abr. 1969, 152.

sister bearing testimony

“Ang pinakamahalagang bagay sa mundo ay ang patotoo sa katotohanan.”