Panimula
Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpasimula ng seryeng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan para tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na mapalalim ang pagkaunawa nila sa mga doktrina ng ebanghelyo at lalong mapalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga turo ng mga propeta sa dispensasyong ito. Tampok sa aklat na ito ang mga turo ni Pangulong David O. McKay, na naglingkod bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula Abril 1951 hanggang Enero 1970.
Paano Gamitin ang Aklat na Ito
Bawat kabanata sa aklat na ito ay may apat na bahagi: (1) ang panimulang sipi na maikling pagpapakilala sa paksa ng kabanata; (2) ang “Panimula, ” na naglalarawan sa mga mensahe ng kabanata na may kasamang kuwento o payo mula kay Pangulong McKay; (3) “Mga Turo ni David O. McKay, ” na naglalahad ng mga doktrinang mula sa marami niyang mga mensahe at sermon; at (4) “Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan, ” na may mga tanong na hihikayat ng personal na pagrerebyu at pagtatanong, aplikasyon sa buhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo, at talakayan sa tahanan at sa simbahan. Ang pagrerebyu sa mga tanong bago pag-aralan ang mga salita ni Pangulong McKay ay maaaring magbigay ng karagdagang ideya hinggil sa kanyang mga turo. At bilang bahagi rin ng mga mapagkukunan para sa karagdagang pag-aaral at talakayan, bawat kabanata ay may maikling listahan ng kaugnay na mga banal na kasulatan.
Gamitin ang aklat na ito sa sumusunod na mga kalagayan:
Para sa personal o pampamilyang pag-aaral. Sa pamamagitan ng pagbabasa nang may panalangin at mapag-isip na pagaaral, ang bawat tao ay makatatanggap ng sariling patotoo sa mga katotohanang itinuro ni Pangulong McKay. Makadaragdag ang aklat na ito sa aklatan ng ebanghelyo ng bawat miyembro at magsisilbing mahalagang mapagkukunan sa pagtuturo sa pamilya at pag-aaral sa tahanan.
Para sa talakayan sa mga pulong sa araw ng Linggo. Ang aklat na ito ang teksto para sa mga pulong ng grupo ng mga high priest, korum ng mga elder, at ng Relief Society sa araw ng Linggo na karaniwan ay sa ikalawa at ikatlong Linggo ng bawat buwan. Ang mga pulong na ito sa araw ng Linggo ay dapat maging talakayan na nakatuon sa mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo. Dapat pagtuunan ng pansin ng mga guro ang nilalaman ng teksto at mga kaugnay na banal na kasulatan at ipamuhay ang mga turong ito sa mga kalagayang pamilyar sa mga miyembro ng klase. Maaari silang sumangguni sa mga tanong sa katapusan ng bawat kabanata para makahikayat ng talakayan sa klase. Kung angkop, ang mga miyembro ay dapat magbigay ng patotoo at magbahagi ng sariling mga halimbawa na may kaugnayan sa mga aralin. Kapag mapagpakumbabang hinahangad ng mga guro ang Espiritu sa paghahanda at paglalahad ng mga aralin, lalong tatatag ang kaalaman ng lahat ng nakikibahagi hinggil sa katotohanan.
Dapat himukin ng mga lider at guro ang mga miyembro na basahin ang mga kabanata bilang paghahanda sa mga pulong sa araw ng Linggo at dalhin ang aklat sa simbahan. Dapat nilang pahalagahan ang ganitong paghahanda sa pamamagitan ng pagtuturo mula sa mga salita ni Pangulong McKay. Kapag nabasa ng mga miyembro ang kabanata bago magklase, magiging handa silang magturo at mapalalakas nila ang bawat isa.
Hindi kinakailangan o hindi iminumungkahi na bumili ang mga miyembro ng karagdagang komentaryo o mga teksto ng reperensya para suportahan ang mga materyal sa aklat na ito. Para sa karagdagang pag-aaral ng doktrina, hinihikayat ang mga miyembro na basahin ang kaugnay na mga banal na kasulatan na nasa hulihan ng “Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan.”
Dahil ang aklat na ito ay para sa pansariling pag-aaral at sanggunian sa ebanghelyo, maraming kabanata ang naglalaman ng sobrang materyal na hindi makakayang ilahad nang buo sa mga pulong sa araw ng Linggo. Dahil dito, ang pag-aaral sa tahanan ay mahalaga para lalong makinabang mula sa mga turo ni Pangulong McKay.
Pagtuturo ng mga Aralin mula sa mga Kabanata ng Aklat na Ito
Ang mga kabanata sa aklat na ito ay naglalaman ng impormasyon na sobra sa maaaring maituro ng karamihan sa mga guro sa isang pagkikita ng klase. Ang mga guro ay dapat manalangin at hingin ang tulong at gabay ng Espiritu Santo, at magsikap na mabuti sa pagpili nila ng mga sipi, reperensya sa banal na kasulatan, at mga tanong na pinakamainam na makatutugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase.
Paghahanda ng Aralin
Ang sumusunod na mga mungkahi ay naglalarawan ng posibleng paraan para matulungan ang mga guro sa paghahanda at paglalahad ng mga aralin mula sa aklat na ito (ang mga patnubay na ito ay magagamit din ng mga magulang sa paghahanda ng mga aralin sa family home evening):
-
Mapanalanging pag-aralan ang kabanata. Maaari mong markahan ang mga talata na lalong nagbibigay-inspirasyon sa iyo.
-
Alamin kung ano ang dapat mangyari sa buhay ng mga tinuturuan mo bilang resulta ng mga itinuturo sa kabanata. Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo habang pinag-iisipan mong mabuti kung ano ang mga kailangan ng iyong mga tinuturuan.
-
Magpasiya kung ano ang ituturo. Basahin muli ang kabanata, at piliin ang mga talatang makatutulong nang malaki sa iyong mga tinuturuan.
-
Magpasiya kung paano magtuturo. Planuhin kung paano ituturo ang mga talatang napili mo. Narito ang ilang mungkahi.
-
Pangasiwaan ang mga talakayan batay sa mga tanong na nasa “Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan” na nasa hulihan ng bawat kabanata.
-
Talakayin ang mga piling talata mula sa kaugnay na mga banal na kasulatan na nakalista sa hulihan ng bawat kabanata.
-
Planuhin kung paano makukuha ang pansin ng mga miyembro sa simula ng aralin. Halimbawa, maaari mong isalaysay ang kuwento mula sa panimula ng kabanata, o isulat sa pisara ang isang tanong na hihikayat ng pag-iisip, o kaya’y gumamit ng object lesson.
-
Gamitin ang mga himno at awitin sa Primary para tulungan ang mga miyembro na madama ang Espiritu.
-
Magbigay ng patotoo sa tuwing ipadarama ito sa iyo ng Espiritu, hindi lamang sa pagtatapos ng aralin.
-
Anyayahan ang isa o dalawang miyembro na dumating sa klase na handang magbigay ng maikling patotoo hinggil sa mga alituntunin sa kabanata.
-
Kung angkop, magbahagi ng mga karanasan na may kaugnayan sa mga alituntuning nasa kabanata. Anyayahan ang iba na gayon din ang gawin.
Para sa mga mungkahi kung paano gamitin ang mga ito at ang iba pang mga paraan sa pagtuturo, sumangguni sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin (36123 893); Teaching Guidebook (34595); at “Pagtuturo ng Ebanghelyo at Pamumuno, ” bahagi 16 ng Hanbuk ng mga Tagubilin ng Simbahan, Aklat 2: Mga Pinuno ng Pagkasaserdote at Pantulong na Samahan (35903 893). At para tulungan kang magtagumpay sa iyong tungkulin, ikaw ay hinihimok na makibahagi sa 12-linggong kurso ng Pagtuturo ng Ebanghelyo sa iyong ward o branch, gayundin sa mga pulong sa pagpapahusay ng guro tuwing ikatlong buwan.
-
-
Isaayos ang iyong mga ideya. Maaari kang sumulat ng outline para gabayan ka sa paglalahad ng aralin.
Pagsasagawa ng Makabuluhang mga Talakayan
Sa tahanan man o sa silid-aralan, ang mga kabanata sa aklat na ito ay nagbibigay ng magandang pagkakataon sa mga tao para patatagin ang bawat isa sa araw-araw sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga talakayan hinggil sa ebanghelyo. Ang mga sumusunod na gabay ay makatutulong sa iyo sa pagsasagawa ng makabuluhang mga talakayan:
-
Magtanong ng mga nakahihikayat ng pag-iisip at talakayan sa halip na mga tanong na masasagot ng oo o hindi. Ang mga tanong na nagsisimula sa ano, paano, bakit, sino, o saan ay karaniwang napakabisang panghikayat ng talakayan.
-
Himukin ang iba na magbahagi ng mga karanasang nagpapakita kung paano maipamumuhay araw-araw ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Himukin din silang ibahagi ang kanilang damdamin tungkol sa natututuhan nila. Makinig na mabuti at pahalagahan ang kanilang mga kontribusyon.
-
Maging sensitibo sa impluwensya ng Espiritu Santo. Tutulungan ka niyang malaman kung ano ang dapat itanong, sino ang dapat tawagin, o paano isasali ang iba sa talakayan. Kung sa tingin mo’y nalalayo na sa paksa ang mga puna, magalang na ituon muli doon ang talakayan.
-
Ingatang maputol ang magandang talakayan dahil lamang sa pagtatangkang talakayin ang lahat ng materyal na iyong inihanda. Ang mahalaga ay madama ng mga miyembro ang Espiritu, maragdagan ang kanilang pang-unawa sa ebanghelyo, maipamuhay nila ang mga alituntunin ng ebanghelyo, at mapatibay ang kanilang pangako na ipamuhay ang ebanghelyo.
Impormasyon Tungkol sa mga Pinagkunan na Binanggit sa Aklat na Ito
Ang mga turo ni Pangulong McKay sa aklat na ito ay tinipon mula sa iba’t ibang pinanggalingan. Pinanatili sa mga sipi ang bantas, baybay, at malalaking titik ng orihinal na teksto maliban kung kinailangan ang pagbabagong editoryal o paglilimbag para mas madali itong basahin. Dahil dito, maaaring mapansin ng mga mambabasa ang kaunting pag-iiba-iba sa teksto.
Si Pangulong McKay ay madalas gumamit ng mga salitang tulad ng kalalakihan, lalaki, o sangkatauhan sa pagtukoy sa lahat ng tao, kapwa lalaki at babae. Sa kabila ng kaibahan ng makaluma at mas makabagong wika, makikita ng mga mambabasa na ang mga turo ni Pangulong McKay ay angkop at mahalaga kapwa sa kababaihan at kalalakihan.
Isa pa, marami nang nabasang aklat si Pangulong McKay, at madalas niyang banggitin ang ibang may-akda habang nagtuturo siya. Sa karamihan sa mga orihinal na pinanggalingan, isinasaad ng mga panipi ang ibang binabanggit ni Pangulong McKay, ngunit bihirang banggitin ang pangalan ng may-akda. Sa halip na magulo ang mga kabanata ng aklat na ito sa pagbanggit tuwina ng “[di-kilala ang may-akda], ” hinayaan na lamang sa aklat ang orihinal na mga panipi para ipahiwatig na salita ng ibang tao ang inilalahad ni Pangulong McKay.