Kabanata 2
Ang Dalawang Katauhan ng Tao
Kung gayon ang tanong ay: Alin ang magbibigay ng mas masaganang buhay—ang pagbibigay-layaw sa ating pisikal na katauhan o ang pagpapaunlad sa ating espirituwal na katauhan? Hindi ba’t iyan ang talagang problema?1
Panimula
Sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong 1949, ikinuwento ni Pangulong McKay ang sumusunod:
“May isang lumang kuwento … tungkol sa karanasan ng isang dakilang pintor na inatasang magpinta ng mural para sa katedral sa isang bayan sa Sicily. Ang buhay ni Cristo ang paksa. Masigasig na nagtrabaho ang pintor sa loob ng maraming taon, at sa wakas ay natapos ang ipininta maliban sa dalawang pinakamahahalagang katauhan, ang Batang Cristo at si Judas Iscariote. Kung saan-saan siya naghanap ng mga modelo para sa dalawang katauhang iyon.
“ ‘Isang araw habang naglalakad sa lumang bahagi ng lungsod ay may nakita siyang ilang bata na naglalaro sa kalye. Kabilang dito ang labindalawang-taong gulang na batang lalaki na ang maamong mukha ay umantig sa puso ng pintor. Mukha siyang anghel—nanlilimahid sa dumi, marahil, pero iyon ang mukhang kailangan niya.
“ ‘Isinama ng pintor ang bata sa pag-uwi, at sa pagdaan ng mga araw ay matiyagang naupo ang bata hanggang sa matapos ang mukha ng Batang Cristo.
“ ‘Pero nabigo ang pintor na makahanap ng modelo para kay Judas. Sa paglipas ng mga taon, sa takot na baka hindi matapos ang kanyang obra-maestra, ay patuloy siyang naghanap.
“ ‘Isang hapon, sa isang bahay-panuluyan, nakakita ang pintor ng payat at gula-gulanit ang damit na taong susuray-suray papasok sa pintuan at bumagsak sa sahig, na nagmamakaawang bigyan ng isang basong alak. Itinayo siya ng pintor at tumingin sa mukha ng tao at siya’y nagulat. Tila mababakas sa mukhang ito ang bawat kasalanan ng sangkatauhan.
“ ‘ “Halika, ” sabi ng pintor, “Bibigyan kita ng alak, pagkain, at damit.”
“ ‘Sa wakas natagpuan niya ang modelong angkop kay Judas. Maraming araw at mga ilang gabing nagpuyat ang pintor para makumpleto ang kanyang obra-maestra.
“ ‘Habang patuloy siyang nagpipinta ay may pagbabago sa modelo. Kakaibang pagkabalisa ang humalili sa tulirong lasing, at ang kanyang pulang mga mata ay puno ng takot sa ipinintang larawan ng kanyang sarili. Isang araw, dama ang pagkabalisa ng kanyang modelo, ay itinigil ng pintor ang kanyang ginagawa, at sinabing, “Anak, gusto kitang tulungan. Ano ang bumabagabag sa iyo?”
“ ‘Humagulgol ang modelo at isinubsob sa kanyang mga kamay ang kanyang mukha. Matapos ang ilang sandali may pagsusumamo siyang tumingin sa mukha ng matandang pintor.
“ ‘ “Di mo ba ako naaalala? Ako ang modelo mo sa Batang Cristo maraming taon na ang nakararaan!” ’ ”
Matapos magkuwento ay sinabi ni Pangulong McKay, “Kunsabagay, maaaring totoo o kaya’y katha lamang ang kuwento, ngunit ang aral na itinuturo nito ay nangyayari sa totoong buhay. Mali ang naging pagpili ng patapong lalaki noong kanyang kabataan. Sa pagsisikap na masiyahan sa pamamagitan ng pagbibigay-layaw sa sarili ay lalo siyang nalublob sa kasalanan hanggang sa masira ang kanyang pagkatao.”2
Mga Turo ni David O. McKay
Bawat isa sa atin ay may dalawang magkasalungat na katauhan: ang pisikal at ang espirituwal.
Ang tao ay may dalawang katauhan, at ang kanyang buhay ay plano ng Diyos. Iyan ang unang pangunahing katotohanan na dapat tandaan. Ang tao ay mayroong natural na katawan at espirituwal na katawan. Maliwanag ang paghahayag ng mga banal na kasulatan hinggil sa katotohanang ito:
“At hinubog ng mga Diyos ang mga tao mula sa alabok ng lupa, at kinuha ang kanyang espiritu (iyon ay, ang espiritu ng tao), at inilagay ito sa kanya; at hiningahan ang kanyang ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging kaluluwang may buhay.” [Abraham 5:7.]
Ang katawan ng tao, kung gayon, ay tabernakulo lamang kung saan nakatira ang kanyang espiritu. Napakarami, ubod ng dami, ang nag-iisip na ang katawan ang tao, at dahil dito ay sinisikap nilang bigyang-kasiyahan ang katawan, ang gana o hilig nito, nasa nito, at simbuyo ng damdamin. Kakaunti ang nakauunawa na ang tunay na tao ay ang walang-kamatayang espiritu, na [siyang] “katalinuhan, o ang liwanag ng katotohanan, ” [tingnan sa D at T 93:29]. Buhay na ito bilang indibiduwal bago pa nilikha ang katawan, at ang espirituwal na katauhang ito na nagtataglay ng lahat ng pagkakakilanlan ay magpapatuloy kahit tumigil na ang katawan sa pagtugon sa makalupang kapaligiran nito. Sinabi ng Tagapagligtas:
“Nagbuhat ako sa Ama, at naparito ako sa sanglibutan: muling iniiwan ko ang sanglibutan, at ako’y paroroon sa Ama.” ( Juan 16:28.)
Kung paanong binigyang-buhay ng umiral na noong Espiritu ni Cristo ang katawan ng laman at mga buto, gayundin naman na bibigyang-buhay ng umiral na noong espiritu ang bawat taong isinisilang sa mundong ito. Maaari ba ninyong tandaan iyan bilang pangunahing saligan ng katotohanan ng buhay?
Kung gayon ang tanong ay: Alin ang magbibigay ng mas masaganang buhay—ang pagbibigay-layaw sa ating pisikal na katauhan o ang pagpapaunlad sa ating espirituwal na katauhan? Hindi ba’t iyan ang talagang problema?3
Ang pagbibigay-layaw sa hilig at pita ng pisikal na tao ay magbibigay ng panandaliang kasiyahan at maaaring humantong sa kalungkutan, pighati, at marahil sa pagkasira ng pagkatao; ang mga espirituwal na gawa ay magbibigay ng “kagalakang hindi pagsisisihan.”
Sa kanyang liham sa mga taga Galacia, inisa-isa ni Pablo ang “mga gawa ng laman, ” gaya ng tawag niya sa mga ito, at ang “mga bunga ng Espiritu.” Pansinin ang klasipikasyong ito: Ang mga gawa ng laman ay nahahayag sa sumusunod:
“… Pakikiapid, karumihan, kalibugan,
“Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya,
“Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Diyos.
“Datapuwa’t ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat,
“Kaamuan, pagpipigil; laban sa mga gayong bagay ay walang kautusan.
“At ipinako sa krus ng mga na kay Cristo Jesus ang laman na kasama ang mga masasamang pita at mga kahalayan nito.
“Kung tayo’y nangabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, ay mangagsilakad naman tayo ayon sa Espiritu.” (Mga Taga Galacia 5:19–25.)4
Mayroong mas mataas kaysa pamumuhay na tulad ng sa hayop; ito ay sa espirituwal na kaharian kung saan may pag-ibig, na siyang pinakabanal na katangian ng kaluluwa ng tao. Nariyan din ang pagdamay, kabaitan, at iba pang mga katangian.5
Mayroong isang bagay sa kaibuturan ng [tao] na humihikayat sa kanyang mas pagbutihin pa ang sarili, kontrolin ang kanyang kapaligiran, supilin ang katawan at lahat ng pisikal na bagay at mamuhay sa mas mataas at mas magandang daigdig.6
May mas dakilang tadhana ang tao kaysa buhay-hayop. Iyan ang epekto ng espiritu! Bawat lalaki na nakadama nito ay may patotoo at bawat babae ay may sarili ring patotoo, na may dalawang katauhan ang tao. Mayroon siyang katawan, tulad ng iba pang mga hayop. Ngunit mayroong isang bagay sa kanya na tanging sa kanyang Ama sa Langit nagmula, at siya’y may karapatan, madali niyang madama ang mga bulong, madaling madama ang impluwensyang mula sa kanyang Magulang sa Langit, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na siyang tagapamagitan natin sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.7
Ang buhay ay isang pagsubok para malaman kung alin sa dalawa nating katauhan ang susundin at pauunlarin natin.
Ang buhay ng tao sa lupa ay isang pagsubok lamang para malaman kung itutuon niya ang kanyang lakas, kanyang isipan, at kaluluwa sa mga bagay na makaaambag sa kapanatagan at kasiyahan ng kanyang pisikal na katauhan, o kung hahangarin niya sa buhay ang pagtatamo ng espirituwal na mga katangian.
“Bawat magiting na adhikain, bawat di-makasariling pagpapahayag ng pagmamahal; bawat magiting na pagpapakasakit para sa wasto; bawat pagsuko ng sarili sa bagay na nakahihigit kaysa sa sarili; bawat katapatan sa mithiin; bawat di-makasariling katapatan sa prinsipyo; bawat pagtulong sa sangkatauhan; bawat pagpipigil sa sarili; bawat katapangan ng kaluluwa, na di nalulupig ng pagkukunwari o ng patakaran, kundi ng pag-iral, paggawa, at mabuting pamumuhay para sa pinakamabuting kapakanan—iyan ay espirituwalidad.”8
Sa pangkalahatan ay mayroong kabanalan sa tao na pilit na nagtutulak sa kanya nang pasulong at pataas. Naniniwala tayo na ang kapangyarihang ito sa kanya ay ang espiritung mula sa Diyos. Nabuhay na ang tao bago pa siya naparito sa mundo, at narito siya ngayon para sikaping gawing perpekto ang espiritung nasa kanya. Minsan sa kanyang buhay, bawat tao ay naghahangad na makipag-ugnayan sa Diyos. Ang kanyang espiritu ay sumasamo sa Diyos. Nadarama ito ng lahat, at sa diwa ng katotohanan, lahat ng tao ay dapat makasama sa dakilang gawain—sa paghahanap at pagpapaunlad ng espirituwal na kapayapaan at kalayaan.9
Binigyan tayo ng pagpipilian, kung mamumuhay tayo sa pisikal na daigdig bilang mga hayop, o kung gagamitin natin ang iniaalok sa atin ng mundo upang makapamuhay sa espirituwal na daigdig na aakay sa atin tungo sa piling ng Diyos.
Ibig sabihin nito ay:
Kung pipiliin natin ang pagkamakasarili o kung pagkakaitan natin ang ating sarili para sa ikabubuti ng iba;
Kung pahahalagahan natin ang pagbibigay-layaw sa hilig [at] simbuyo ng damdamin, o kung magkakaroon tayo ng pagpipigil at kontrol sa sarili.
Kung pipiliin natin ang kahalayan o kalinisang-puri;
Kung itataguyod natin ang poot o magkakaroon ng pagmamahal;
Kung uugaliin [natin] ang kalupitan o kabaitan;
Kung [tayo’y] magiging mapangutya o mapagtiwala—na may pag-asa;
Kung tayo’y magiging traydor—di tapat sa mga nagmamahal sa atin, sa ating bayan, sa Simbahan o sa Diyos—o kung tayo’y magiging tapat;
Kung tayo’y magiging mapanlinlang, o tapat, kung tayo’y may isang salita;
Kung [tayo’y] mapanirang-puri o kung kaya nating pigilin ang ating dila.10
Kung mananatiling nasisiyahan ang tao sa tinatawag nating daigdig ng mga hayop, at kuntento na sa ibibigay sa kanya nito, na kusang nagpapatangay sa kapritso ng laman at simbuyo ng damdamin at lalo pang nagpapatianod sa pagbibigay-layaw sa sarili, o kung, sa pamamagitan ng pagsupil sa sarili, siya’y magbabangon tungo sa intelektuwal, moral, at espirituwal na kasiyahan, ito ay batay sa ginagawa niyang pagpili sa araw-araw, maging sa bawat oras ng kanyang buhay.11
Matinding paghamak sa pagkatao kapag ang isang tao o grupo ng mga tao, na bagama’t pinagkalooban ng kamalayan ng pagbangon sa dignidad ng tao tungo sa kalagayang hindi nauunawaan ng mas mababang mga nilikha, ay makukuntento pa rin na sundin ang makahayop na pagnanasa, nang hindi man lang sinisikap danasin ang kagalakang dulot ng kabutihan, kadalisayan, pagpipigil sa sarili, at pananampalatayang nagmumula sa pagsunod sa mga batas ng kagandahang-asal! Kaylaking kapahamakan nito kapag ang tao, na ginawang “kaunting mababa lamang sa [mga anghel] at pinaputungan … ng kaluwalhatian at karangalan” (Mga Awit 8:5), ay masiyahan na lamang sa pagpapakababa sa kanyang sarili sa antas ng mga hayop.12
Ang daigdig sa karingalan at kagandahan nito ay hindi puno’t dulo ng paglikha.” … ang [Aking] kaluwalhatian, ” sabi ng Panginoon mismo, “(ay) ang isakatuparan ang kawalangkamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.” (Moises 1:39.) At ang tao sa paggamit ng kanyang banal na kaloob na kalayaang pumili ay dapat madama ang tungkulin niya, dapat madama ang obligasyon niya na tulungan ang Manlilikha sa pagsasakatuparan ng banal na layuning ito.
Ang tunay na hangganan ng buhay ay hindi ang pag-iral lamang, hindi ang kasiyahan, o katanyagan, hindi ang kayamanan. Ang tunay na layunin ng buhay ay ang pagiging perpekto ng sangkatauhan sa pamamagitan ng pagsisikap ng bawat tao, sa inspirasyon ng Diyos.
Ang tunay na buhay ay ang pagtugon sa pinakamainam na nasa atin. Ang pamumuhay ng dahil lamang sa hilig, kasiyahan, kapalaluan, pagkita ng salapi, at hindi sa kabutihan at kabaitan, kadalisayan at pagmamahal, mga tula, musika, mga bulaklak, bituin, Diyos at pag-asang walang hanggan, ay pagkakait sa ating sarili ng tunay na kagalakang dulot ng buhay.13
Kailangan sa espirituwalidad ang pagkilala sa sarili at pakikipag-ugnayan sa Diyos.
Ang espirituwalidad, na siyang tunay nating mithiin, ay matapat na paghahangad ng pagwawagi sa sarili, at patuloy na pakikipag-ugnayan sa Diyos.14
Espirituwalidad ang humihimok sa tao na labanan ang mga pagsubok at naising magkaroon ng dagdag na lakas. Ang madamang lumalakas ang kakayahan ng isang tao at pinalalaki ng katotohanan ang kanyang kaluluwa ang isa sa mga pinakadakilang karanasan sa buhay. Ang pagiging totoo sa sarili at katapatan sa matataas na mithiin ang nagpapaunlad sa espirituwalidad. Ang tunay na pagsubok sa alinmang relihiyon ay ang uri ng taong nalilikha nito. Ang pagiging matapat, tunay, malinis, mapagkawanggawa, marangal, at paggawa ng mabuti sa lahat ng tao” [tingnan sa Saligan ng Pananampalataya 1:13] ang mga katangiang makatutulong sa pagkakamit ng pinakamataas na mararating ng kaluluwa. Ang “banal na katangian ng tao, ang pinakamataas na kaloob na maibibigay sa kanya; ito ang dahilan kung bakit siya ang hari ng lahat ng bagay na nilikha.”15
Ang tao na … [laging] iniisip na gawing mas maganda ang daigdig na ginagalawan niya, na ang hangad ay mapaligaya ang kanyang pamilya at mga kapwa-tao, at ginagawa ang lahat para sa kaluwalhatian ng Diyos, hanggang sa pagkaitan niya ang sarili ng mga mithiing ito, ay uunlad sa espirituwalidad. Tunay na sa paggawa lamang niya nito siya makaaangat mula sa kalagayan ng daigdig ng mga hayop.16
Ang espirituwalidad at kabutihang-asal na itinuturo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay matatag na nakabatay sa mga pangunahing alituntunin, mga alituntuning hindi kayang takasan ng daigdig kahit gustuhin pa nito. Una sa mga ito ang paniniwala— na para sa mga Banal sa mga Huling Araw ay kaalaman—na buhay ang ating Diyos. Tinuturuan ang mga batang Banal sa mga Huling Araw na kilalanin siya, at manalangin sa kanya dahil makikinig at makadarama siya tulad ng isang ama sa lupa na nakaririnig at nakadarama. At nasa pagkatao na nila mismo, mula sa kanilang mga ina at ama, ang tunay na patotoo na ang Diyos na ito ay nagsalita sa dispensasyong ito. May katotohanan ito.17
Nagpapatotoo ako na nakabukas ang daluyan ng komunikasyon, at handang gumabay ang Panginoon at ginagabayan Niya ang kanyang mga tao. Hindi ba sapat na iyan para mapaglabanan ang tuksong maghanap ng paraan para bigyang-kasiyahan ang iyong hilig o kayabangan gaya ng ginagawa ng ilan, at kapag ginawa ang gayon ay marapat nang matiwalag sa simbahan, at iyon ay dahil lamang sa pagbibigay-kasiyahan sa kapritso o hilig? Bukas ito para sa inyo—nakabukas ang kapwa linya. Ang isa’y papunta sa espiritu, sa patotoo ng espiritu na naaayon sa diwa ng paglikha, ang Espiritu Santo. Ang espiritu ng Panginoon ay nagbibigay buhay sa bawat espiritu, sa loob o sa labas man ng simbahan. Dahil sa Kanya tayo’y nabubuhay at gumagalaw at umiiral, ngunit ang patotoo ng Espiritu Santo ay natatanging pribilehiyo. Parang binuksan ninyo ang inyong radyo at naririnig ninyo ang tinig sa kabilang panig ng daigdig. Hindi ito maririnig ng mga taong hindi nararating nito, pero naririnig ninyo ito, naririnig ninyo ang tinig at magagabayan kayo nito at mapasasainyo ito kung gagawin ninyo ang inyong bahagi. Pero kung patatangay kayo sa likas na ugali ninyo, sa inyong mga naisin, simbuyo ng damdamin, at magyayabang at iisipin at paplanuhin at babalakin, at aakalain na walang nakaaalam nito, ang mga bagay-bagay ay magdidilim. Nabigyang kasiyahan ninyo ang inyong sarili at ang simbuyo ng inyong damdamin at hilig, pero itinatatwa ninyo ang espiritu; pinuputol ninyo ang komunikasyon sa pagitan ng inyong espiritu at ng diwa ng Espiritu Santo.18
Wala na akong maisip na mas mataas at mas pinagpalang mithiin kaysa pamumuhay nang naaayon sa Espiritu upang makipag-ugnayan tayo sa Kawalang Hanggan.19
Kapag nagiging sentro ng ating buhay ang Diyos, nagkakaroon tayo ng kamalayan sa bagong layunin ng buhay—ang pagkakamit ng espirituwal na bagay. Ang pisikal na mga ari-arian ay hindi na pangunahing mithiin sa buhay. Ang pagbibigay-layaw, pangangalaga, at pagbibigay- kasiyahan sa katawan na ginagawa ng alinmang hayop ay hindi na pangunahing layon ng buhay sa mundo. Hindi na natin iniisip kung ano ang matatanggap natin mula sa Diyos, sa halip iniisip natin kung ano ang maibibigay natin sa kanya.
Tanging sa lubusang pagsuko ng ating buhay madadaig natin ang makasarili at nakapandidiring hatak ng kalikasan. Kung ano ang espiritu sa katawan ay gayon ang Diyos sa espiritu. Kapag iniwan ng espiritu ang katawan, wala na itong buhay, at kapag inalis natin ang Diyos sa ating buhay, ang espirituwalidad ay unti-unting naglalaho. …
… Magpasiya tayo na simula ngayon tayo’y magiging mga lalaki at babaeng may mas mataas at mas banal na pag-uugali, mas may kamalayan sa ating mga kahinaan, mas mabait at mapagbigay sa kakulangan ng iba. Magpasiya tayong dagdagan ang pagpipigil sa sarili sa ating mga tahanan; na magiging mahinahon tayo, kokontrolin ang ating damdamin at ating dila upang hindi lumampas ang mga ito sa hangganan ng kabutihan at kadalisayan; na lalo pa tayong magsasaliksik upang paunlarin ang espirituwal na bahagi ng ating buhay, at matanto kung gaano tayo umaasa sa Diyos para magtagumpay sa buhay na ito.20
Ang katunayan ng Diyos Ama, ni Jesucristo, na nabuhay na mag-uling Panginoon, ay katotohanang dapat taglayin ng bawat kaluluwa ng tao. Ang Diyos ang sentro ng isip ng tao tulad ng araw na siyang sentro ng sansinukob na ito. Kapag nadama natin ang kanyang pagiging Ama, kapag nadama nating malapit Siya sa atin, kapag nadama natin ang banal na pagkadiyos ng Tagapagligtas, ang mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay natural na susunod dito gaya ng araw sa gabi, at ng gabi sa araw.21
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Bakit mahalaga na mayroon tayo kapwa ng pisikal at espirituwal na katauhan? Paanong nagagamit ang ating hilig at simbuyo ng damdamin sa mabuti o masama?
-
Itinuro ni Pangulong McKay na ang buhay ay isang pagsubok para malaman kung alin sa dalawa nating katauhan ang ating susundin (tingnan sa mga pahina 17–19). Sa paanong mga paraan natin nararanasan ang pagtatalo ng ating pisikal at espirituwal na katauhan? Anu-anong mga pagpili ang magagawa natin sa bawat araw upang matamasa ang mga dakilang espirituwal na kaloob tulad ng pag-ibig, kagalakan, at kapayapaan? (Tingnan sa mga pahina 15–22.)
-
Ano ang “likas na tao”? (Mosias 3:19). Bakit kaaway ng Diyos ang likas na tao? Ano ang kailangang gawin para “hubarin” ang likas na tao? (Tingnan sa mga pahina 19–22.)
-
Anu-ano ang umiimpluwensya sa maraming tao para matuon ang kanilang buhay sa pagbibigay kasiyahan lamang sa kanilang pisikal na katauhan? Bakit mahirap kung minsan na pagtuunan ng pansin ang mga espirituwal na bagay?
-
Anu-ano ang ilan sa tila maliliit na kamalian na maaaring humadlang sa ating espirituwalidad? Paano makatutulong ang pagpipigil sa sarili para maragdagan ang ating espirituwalidad? (Tingnan sa mga pahina 19–22.)
-
Paano naiimpluwensyahan ng inyong kaugnayan sa Diyos ang inyong espirituwalidad? (Tingnan sa mga pahina 19–22.) Ano ang inyong magagawa upang maisentro ang buhay ninyo sa Diyos Ama at kay Jesucristo?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Job 32:8; 2 Nephi 2:27–29; Mosias 16:1–5; Abraham 3:24–25