Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 13: Ang Sagradong Kahalagahan ng mga Templo


Kabanata 13

Ang Sagradong Kahalagahan ng mga Templo

Buong kaluluwa kong idinadalangin na lahat ng miyembro ng Simbahan at kanilang mga anak at apo ay matanto ang mga dakilang katotohanang inilalahad sa bahay ng Panginoon.1

Panimula

Nang maging Pangulo ng Simbahan si David O. McKay noong 1951, walo ang gumaganang templo ng Simbahan. Apat sa Utah, at ang iba ay sa Arizona, Hawaii, Idaho, at Alberta. Noong taginit ng 1952, naglakbay si Pangulong McKay sa siyam na bansang Europeo. Sa biyaheng ito, pumili siya ng mga pagtatayuan ng mga templo sa Switzerland at England, na nagpasimula ng panahon ng paglaganap ng mga biyaya ng templo sa labas ng Estados Unidos at Canada.2

Sa proseso ng pagpili at pagbili ng mga pagtatayuan ng templo, banal na inspirasyon ang gabay ni Pangulong McKay. Nang mapili na niya ang pagtatayuan ng London England Temple, nag-atubili ang mga inhinyero dahil malambot ang lupa. Gayunpaman, matapos siyasatin, natagpuan na nasa wastong lalim ang kabatuhan para suportahan ang pundasyon ng templo. Sa Switzerland, nang hindi mabili ni Pangulong McKay at iba pang mga lider ng Simbahan ang unang lugar na napili, humingi sila ng tulong sa Panginoon. Di nagtagal nakakita sila ng ibang lugar na mas malaki ngunit kalahati lang ang halaga sa una. Halos kasabay nito, hindi inaasahan na ginawang highway ang bahagi ng unang lugar, kaya mas nakabuti ang pagkakita nila sa bagong lugar.3

Inilaan ni Pangulong McKay ang Bern Switzerland Temple noong 1955 at ang London England Temple noong 1958. Inilaan din niya ang Los Angeles California Temple (1956), Hamilton New Zealand Temple (1958), at Oakland California Temple (1964). Ang pamumuno ni Pangulong McKay sa pagtatayo ng mga templo sa buong mundo ay nagpala sa buhay ng napakaraming miyembro at kanilang mga ninuno at inapo. Mahihiwatigan sa isang sipi sa kanyang talaarawan ang kanyang patotoo sa kahalagahan ng gawain sa templo; nang ilaan niya ang pagtatayuan ng Bern Switzerland Temple, isinulat niya, “Nais kong ilapit ang templo sa mga tao.”4

Mga Turo ni David O. McKay

Inaakay tayo ng endowment sa templo sa kaharian ng Diyos.

May “endowment” sa Templo, na … isang ordenansa ukol sa walang hanggang paglalakbay at walang hangganang posibilidad at pag-unlad ng tao na inilaan ng makatarungan at mapagmahal na Ama sa mga anak na nilikha niyang kawangis niya—para sa buong sangkatauhan. Ito ang dahilan kung bakit nagtatayo ng mga Templo.5

Tulungan nawa tayo ng Diyos na pahalagahan ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, na sakop ang lahat. Ang pilosopiya ng buhay ay napapaloob doon, at sa ating mga templo ay ilalahad ang endowment, na kung susundin ay babaguhin ang tao (at ito’y pinatototohanan ko, dahil alam ko ito) mula sa pinakamakasarili, mainggitin, suplado, nakasusuklam na katangiang malahayop, tungo sa pinakamataas na espirituwal na kalagayan at sa kaharian ng Diyos.6

Sa mga templo, maibubuklod ang mga mag-asawa at pamilya sa kawalang-hanggan.

Isa sa mga pangunahing tanong ng mga tagapagbalita sa radyo, telebisyon, at pahayagan at ng mga tao sa kalahatan ay, “Ano ang kaibhan ng inyong Templo sa iba pang gusali ng simbahan ninyo?” Tulad ng alam ng lahat ng miyembro ng Simbahan, ang sagot ay nagtatayo ng mga Templo para maisagawa ang mga sagradong ordenansa—hindi sekreto, kundi sagrado. Ang Templo ay hindi pampublikong sambahan. Itinayo ito para sa mga espesyal na layunin. Tunay na matapos ilaan ang isang Templo tanging mga miyembro ng Simbahan na karapat-dapat lamang ang makapapasok.

Isa sa mga natatanging tampok ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay ang likas na kawalang-hanggan ng mga ordenansa at seremonya nito. Halimbawa, karaniwan sa kasal sa huwes o sa simbahan, ang magkasintahan ay ikinakasal “sa buhay na ito” lamang, o “hanggang paghiwalayin ng kamatayan.” Ngunit ang pag-ibig ay walang hanggang tulad ng espiritu ng tao; at kung patuloy na iiral ang tao matapos mamatay, na siyang nangyayari, gayundin ang pag-ibig.

Natutuwa rito ang halos lahat ng matalinong nagtatanong at nagsisiyasat, lalo na kapag natatanto nito ang katotohanan, na ang pag-ibig—ang pinakabanal na katangian ng kaluluwa ng tao—ay magiging walang hanggang tulad ng espiritu mismo. Kaya tuwing may taong namamatay, nananaig ang ganda ng pagibig, at kung naniniwala ang sinumang nagtatanong tungkol sa imortalidad ng kaluluwa, o sa pananaig ng personalidad pagkaraang mamatay, dapat niyang aminin na mananaig din ang pagibig. …

… Ang atas ng Tagapagligtas [ay] ibigin ang ating kapwa gaya ng ating sarili. Ngunit kung ang mga makamundong bagay ay tulad ng mga bagay na makalangit, sa daigdig ng espiritu ay makikilala natin ang ating mga mahal sa buhay at matutukoy at mamahalin sila tulad noong ibigin natin sila rito. Iniibig ko ang aking asawa nang higit kaysa sa ibang tao. Mahal ko ang aking mga anak. Maaari akong makiramay; matutulungan ko ang buong sangkatauhan, ngunit iniibig ko siya na lagi kong katabi at kasamang nagbabantay sa isang mahal na buhay na maysakit o pumanaw. Ang mga karanasang iyon ay nagbibigkis ng puso sa puso, at maluwalhating isipin na hindi mapaghihiwalay ng kamatayan ang mga pusong nabigkis nang gayon; bawat isa sa inyong mga lalaki ay makikilala ang inyong asawa sa kabilang buhay, at iibigin siya roon tulad noong ibigin ninyo siya rito, at babangon sa panibagong buhay na walang hanggan sa pagkabuhay na mag-uli. Bakit kayo paghihiwalayin ng kamatayan samantalang magpapatuloy ang pag-ibig sa kabilang buhay?

Hindi dapat, at hindi kailangan, dahil sinabi ni Jesus sa kanyang mga Apostol noong narito siya sa lupa: “Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.” (Mateo 16:19.) At sa panunumbalik ng Banal na Priesthood sa lupa, ipinahahayag ng Simbahan na muling ibinigay ang kapangyarihang ito sa mga piling lalaki, at na sa bahay ng Panginoon kung saan isinasagawa ang seremonya ng kasal ng mga wastong nabigyang-awtoridad na katawanin ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, ang pagbubuklod ng lalaki at babae, at mga magulang at mga anak, ay isinasakatuparan para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan, at magpapatuloy ang pamilya ng mga ikinasal sa gayong paraan tungo sa kawalang-hanggan.7

Inihayag ng tagakitang si Joseph [Smith] … ang kawalanghanggan ng kasal sa loob ng tipan, isang doktrinang napakaganda, napakamakatwiran, napakalaki ng epekto ng kahalagahan nito na kung susundin sa kabuuan, maraming kasalukuyang kasamaan ng lipunan ang magwawakas.8

Naghahandog ng kaligtasan ang gawain sa templo sa mga namatay nang walang ebanghelyo.

Isang estudyanteng Intsik, na pauwi sa kanyang lupang tinubuan, at nagtapos sa isang bantog na kolehiyo natin, ang nakikipag-usap sa isang ministrong Kristiyano, na patungo rin sa Tsina. Nang ipilit ng ministro ang katotohanan na sa pamamagitan lang ng pagtanggap sa mga turo ni Cristo maliligtas ang tao, sinabi ng [estudyante]: “Eh, paano ang mga ninuno ko na kailanma’y hindi nagkaroon ng pagkakataong marinig ang pangalan ni Jesus?” Sagot ng ministro: “Wala na silang pag-asa.” Wika ng estudyante: “Ayokong magkaroon ng kaugnayan sa relihiyong hindi makatwiran kung humatol ng walang hanggang parusa sa mga kalalakihan at kababaihang mararangal na tulad natin, at marahil ay higit pa, na kailanma’y di nagkaroon ng pagkakataong marinig ang pangalan ni Jesus.”

Isasagot siguro ng isang nakauunawa sa katotohanan, ayon sa pagkakahayag kay Propetang Joseph hinggil sa doktrinang ito: “Magkakaroon sila ng pagkakataong marinig ang ebanghelyo, at sundin ang bawat alituntunin at ordenansa sa pamamagitan ng iba. Bawat tao sa buhay na ito o sa kabilang buhay ay hahatulan at gagantimpalaan ayon sa kanyang mga gawa.”9

Dahil mahalaga sa kaligtasan ang pagsisisi at pagbibinyag sa pamamagitan ng tubig at Espiritu, paano makapapasok sa kaharian ng Diyos ang milyun-milyong hindi nakarinig ng Ebanghelyo, na kailanma’y hindi nagkaroon ng pagkakataong magsisi o mabinyagan? Tiyak na kailanma’y hindi masisiyahan ang Diyos ng pag-ibig kung karamihan sa Kanyang mga anak ay nasa labas ng Kanyang kaharian, na walang hanggang nananahan sa kamangmangan, kalungkutan o impiyerno. Sa matatalino’y nakakainis isipin iyon. Sa kabilang dako, kung ang milyun-milyong ito na namatay nang hindi naririnig ang Ebanghelyo ay makapapasok sa kaharian ng Diyos nang hindi sumusunod sa mga alituntunin at ordenansa ng Ebanghelyo, kung gayo’y walang katotohanan ang mga sinabi ni Cristo kay Nicodemo [tingnan sa Juan 3:2–5], at hindi para sa lahat ang mga sinabi ni Pedro noong Araw ng Pentecostes [tingnan sa Mga Gawa 2:38], kahit malinaw niyang sinabing, “Sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.” [Tingnan sa Mga Gawa 2:39.]

Ngayon itinuturo ng Ebanghelyo ni Jesucristo na lahat ng sangkatauhan ay maliligtas sa pagsunod sa mga batas at ordenansa niyon. [Tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3.] Ni hindi rin limitado sa kakaunting pinili ang kahulugan ng katagang “lahat”; ibig sabihin nito’y lahat ng anak ng mapagmahal at banal na Ama. Subalit, daan-daang milyon ang namatay na hindi nakarinig na may gayong plano ng Ebanghelyo.

Lahat ng bansa at lahi ay may katwirang tumanggap ng awa ng Diyos. Dahil iisa lang ang plano ng kaligtasan, tiyak na may nakalaan para marinig ito ng “di mabilang na patay” at magkaroon sila ng pribilehiyong tanggapin o tanggihan ito. Ang gayong plano ay ibinigay sa alituntunin ng kaligtasan para sa mga patay. …

Binanggit ni Pablo [ang] kagawiang magbinyag [para sa mga patay] sa kanyang argumentong sumasang-ayon sa pagkabuhay na mag-uli. Sabi niya, “Sa ibang paraan, anong gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay? Kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay?” (I Cor. 15:29). …Hindi lang iilang komentarista ang nagtangkang ipaliwanag ang tunay na kabuluhan [ng talatang ito]; ngunit malinaw na pinatutunayan sa konteksto nito na noong panahon ng mga apostol gawi nilang magbinyag para sa mga patay; ibig sabihin, inilulubog sa tubig ang mga buhay na tao para at alang-alang sa mga patay—hindi mga “patay sa kasalanan” kundi mga “nasa kabilang buhay.”

Sa Kirtland Temple, Abril 3, 1836, nagpakita si Propetang Elijah kina Joseph Smith at Oliver Cowdery at ipinagkaloob sa kanila ang “mga kapangyarihan ng priesthood” na nagbibigayawtoridad sa mga buhay na magsagawa alang-alang sa mga patay. Ang “mga susi” na ito ay ipinanumbalik bilang katuparan ng propesiya ni Malakias:

“Narito, aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon. At kaniyang papagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang; baka ako’y dumating at saktan ko ang lupa ng sumpa” (Mal. 4:5–6). Ibabaling ang mga puso ng mga ama at mga anak sa isa’t isa kapag ang mga ama sa daigdig ng espiritu, pagkarinig sa Ebanghelyong ipinangaral at pagkatanto na dapat nilang sundin ang mga ordenansa niyon, ay nabatid na isinasagawa ng kanilang mga anak sa lupa ang mga ordenansang ito para sa kanila.

Lahat ng gayong “gawain para sa mga patay” ay isinasagawa sa mga templo, inilalaan at itinatalaga para sa gayong mga layunin, kung saan iniingatan ang mga wastong talaan, at lahat ay itinuturing na sagrado.

Sa responsibilidad na nakaatang sa kanila na isagawa ang mahalagang bahaging ito ng paglilingkod sa Ebanghelyo, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay naging mga taong nagtatayo ng mga templo.10

Magkakaroon kayo ng pagkakataong tipunin ang mga pangalan ng inyong mga ninuno, na matapos mabinyagan sa pamamagitan ng iba ay naging mga miyembro ng kaharian ng Diyos sa kabilang buhay tulad natin na mga miyembro rito.

Dahil sa panunumbalik ng alituntunin at kagawiang ito, masigasig na sinasaliksik ng mga miyembro ng Simbahan ang mga talaan ng mundo para sa kasaysayan ng kanilang mga ninuno upang matanggap ng mga ito sa pamamagitan ng iba ang mga biyaya ng ebanghelyo ni Cristo. Kaugnay ng gawaing ito ng Simbahan pinalawak ang organisasyon sa genealogy.11

Sa alituntuning ito ng kaligtasan ng mga patay, inihayag ang lawak ng nakapagliligtas na kapangyarihan ng Ebanghelyo, at ang kaangkupan ng mga turo ng Tagapagligtas sa buong sangkatauhan. Talagang “walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.” [Mga Gawa 4:12.] Lahat ng ordenansang isinagawa ng Priesthood ng Kataas-taasan ay walang hanggan tulad ng pag-ibig, singlawak at singhaba ng buhay, at sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ito, ang buong sangkatauhan, buhay at patay, ay makapapasok at makapananatili magpasawalang-hanggan sa kaharian ng Diyos.12

Dapat tayong pumasok nang marapat sa templo at maging tapat sa mga tipang ginagawa natin doon.

Ang mga pumapasok sa templo ay papasok nang may mga rekomendasyong sila ay mga tunay na Kristiyano; na sila ay mga tunay na miyembro ng Simbahan ni Cristo; na sila ay tapat sa kanilang kapwa; na sila ay namumuhay ayon sa mga huwaran ng ebanghelyo ni Jesucristo.13

Bago isagawa ang kasal [sa templo], kailangan munang kumuha ng rekomend ang binata at dalaga sa bishop. … Doon, sa harapan ng priesthood, bago sila ikasal, tatanggap ng mga tagubilin ang magkasintahan tungkol sa kasagraduhan ng tungkuling haharapin nila; at, bukod pa riyan, titingnan nila kung handa sila o hindi na pumasok nang banal at dalisay sa altar ng Diyos at doo’y mabuklod ang kanilang mga sumpaan at pag-ibig.14

Ang kasal sa templo ay isa sa pinakamagagandang bagay sa buong mundo. Ang magkasintahan ay inaakay doon ng pag-ibig, ang pinakabanal na katangian ng kaluluwa ng tao. … Magkasama silang tatayo sa bahay ng Panginoon upang magpatunay at makipagtipan sa kanya na magiging tapat sila sa mga tipang kanilang gagawin sa araw na iyon, na bawat isa’y inilalaan ang sarili sa isa’t isa at wala nang iba. Iyan ang pinakamataas na huwaran ng kasal na naibigay sa tao. Kung mapananatiling sagrado ang mga tipang iyon tulad ng nararapat, mababawasan ang mga kababaihan at kalalakihang wasak ang puso. Ang tipan ay sagrado. … Tapat itong sundin, maging tapat dito.15

Ang mga nakipagtipan para sa kanilang mga mahal sa buhay at nakibahagi sa pinakamataas na huwaran ng kasal na naibigay sa tao ay lalakad ayon sa espiritu at hindi magpapakasasa sa laman. Magiging tapat kayo sa mga tipang ginawa ninyo sa Bahay ng Diyos.16

“Ang aking Espiritu ay hindi makikipagpunyagi sa tao magpakailan man” (Gen. 6:3), wika ng Panginoon. “Ang aking espiritu ay hindi mananahan sa maruming tabernakulo.” Siya na nagtatangkang manlinlang, na tunay na nanlilinlang sa paglabag sa kanyang mga tipan, ayon sa isang awtor, “ay isang alipin kung hindi man isang hangal.” Madalas ay katulad siya ng dalawang ito, dahil ginagamit niya mismo ang kalayaan niyang pumili para idaos ang kanyang mga kapusukan, aksayahin ang kanyang kabuhayan sa magulong pamumuhay, at labagin ang mga tipang ginawa niya sa bahay ng Diyos.17

May responsibilidad tayong tumulong na matamo ng iba ang mga biyaya ng templo.

Ang mga templong itinayo para sa kaligtasan at kadakilaan ng pamilya ng tao ay tumutulong sa pagpapatupad ng walang hanggang plano ng kaligtasan. Ganito rin ang mga batas ng walang hanggang pag-unlad na ipatutupad sa lahat ng anak ng ating Ama buhay man o patay. Nababanaag sa gayong walang hanggang pag-unlad na hinihingi sa lahat ang banal na katarungan. …

Ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ang siyang planong ibinigay ng ating Ama sa Langit upang bawat nilalang na makapag-iisip para sa sarili ay makipagtulungan sa Diyos upang lumigaya at maligtas ang kanyang kaluluwa. Mangangailangan ang katwiran at katarungan ng pandaigdigang pagsasagawa ng mga walang hanggang alituntunin at ordenansa para sa mga taong nabubuhay sa mortalidad, at sa mga nabubuhay sa daigdig ng espiritu.

Sa gayong paraan lamang maisasakatuparan ang gawain at kaluwalhatian ng Diyos sa kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.

Tuwirang inihayag ng Ama at ng kanyang Anak ang walang hanggang plano ng kaligtasan kay Propetang Joseph Smith, at ang banal na awtoridad na mangasiwa sa mga alituntunin at ordenansa ay napasa mga taong ngayo’y gumagabay sa tadhana ng inihayag na Simbahan.18

Isa sa pinakamalalaking responsibilidad natin ang mailapit sa matatapat na miyembro ng ating Simbahan sa ibang bansa ang mga angkop na bahay ng Panginoon. Libu-libo sa kanila ang hindi makapunta sa templo, kung saan matatamo nila ang mga biyaya ng endowment, at maibubuklod sila sa kanilang mga asawa at anak para sa buhay na ito at kawalang-hanggan. Atin ang tungkuling dalhin ang templo sa kanila.19

A kayganda ng ebanghelyo! Kaylaki ng ating responsibilidad na ipamalas sa mundo ang karingalan, kalawakan, at kabanalan nito! Buong kaluluwa kong idinadalangin na makita sa ating mga templo ang dagdag na interes at hangaring malaman ang kalooban ng Diyos sa puso ng libu-libong mararangal na taong nais malaman ang katotohanan. Tulungan nawa tayong lahat ng Diyos na mag-ibayo ang ating kakayahang ipalaganap ang katotohanang ito at ipaalam ito sa sangkatauhan.20

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Bakit mahalagang matanggap natin ang mga ordenansa ng templo at magawa at matupad natin ang mga kaakibat na tipan? (Tingnan sa mga pahina 144–46, 149–50.)

  • Paano tayo aakayin ng endowment sa templo sa buhay na walang hanggan? (Tingnan sa pahina 144.) Bakit mahalagang dalasan ang pagdalo sa templo? Anu-anong biyaya ang natanggap ninyo sa pakikibahagi sa mga ordenansa at tipan sa templo? Bakit sa palagay ninyo mahalagang matanggap ang mga ordenansa at tipang ito bago magmisyon o magsimula ng isang pamilyang walang hanggan?

  • Ano ang kailangan para magpatuloy ang pagsasama ng magasawa at pamilya sa kawalang-hanggan? (Tingnan sa mga pahina 144–46.) Paano dapat impluwensiyahan ng doktrina ng walang hanggang kasal at pamilya ang ating pakikipagugnayan sa ating kabiyak at mga anak? Paano makatutulong ang higit na pagsunod sa doktrinang ito para wakasan ang “kasalukuyang mga kasamaan ng lipunan”?

  • Anu-ano ang responsibilidad natin hinggil sa kaligtasan ng mga patay? (Tingnan sa mga pahina 146–49.) Anu-ano ang ilang paraan na makababahagi kayo sa gawain para sa mga patay?

  • Paano naging malaking pagpapamalas ng pag-ibig ng Diyos sa Kanyang mga anak ang mga templo? (Tingnan sa mga pahina 146–49.) Paano makikita sa gawain sa templo ang likas na plano ng kaligtasan? (Tingnan sa mga pahina 146–49.)

  • Ano ang layunin ng rekomend sa templo? (Tingnan sa pahina 149.) Bakit mahalaga sa pagpasok sa templo ang pagkamarapat ng tao? Sa anu-anong paraan tayo nabibiyayaan sa pananatiling tapat sa mga tipan natin sa templo? Bakit mahalaga na panatilihing maybisa ang rekomend sa templo kahit mahirap sa ating kalagayan na dumalo nang madalas o kahit minsan sa templo?

  • Ano ang magagawa natin upang matamo ng iba ang mga biyaya ng templo? (Tingnan sa mga pahina 150–51.)

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: I Mga Taga Corinto 15:29; D at T 124:37–41; 128:1, 15–24; 131:1–4; 132:19; 138:28–37, 57–60

Mga Tala

  1. Treasures of Life, tinipon, Clare Middlemiss (1962), 282.

  2. Tingnan sa “McKay, David O., ” ni James B. Allen, sa Encyclopedia of Mormonism (1992), ni Daniel H. Ludlow, inedit, 4 na tomo, 2:872–73.

  3. Tingnan sa “Temples: History of Latter-day Saint Temples from 1831 to 1990, ” ni Richard O. Cowan, sa Encyclopedia of Mormonism, 4:1453.

  4. Francis M. Gibbons, David O. McKay: Apostle to the World, Prophet of God (1986), 323.

  5. The Purpose of the Temple (1976), Church History Library of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (mga lumang aklat, polyeto), 11; binago ang pagtatalata.

  6. Treasures of Life, 282.

  7. The Purpose of the Temple, 5–7.

  8. “The Prophet Joseph Smith—On Doctrine and Organization, ” Improvement Era, Ene. 1945, 45.

  9. Improvement Era, Ene. 1945, 15, 45.

  10. “Salvation for the Dead, ” Millennial Star, 25 Okt. 1923, 680–82.

  11. The Purpose of the Temple, 10.

  12. Millennial Star, 25 Okt. 1923, 682.

  13. Treasures of Life, 282.

  14. Sa Conference Report, Abr. 1969, 9.

  15. Sa Conference Report, Abr. 1969, 94; binago ang pagtatalata.

  16. Sa Conference Report, Abr. 1959, 49–50.

  17. Sa Conference Report, Abr. 1945, 123.

  18. Treasures of Life, 340–42.

  19. Sa Conference Report, Abr. 1954, 26.

  20. Treasures of Life, 342.

London England Temple

Sa kanyang ministeryo, limang templo ang inilaan ni Pangulong McKay sa buong mundo, kasama na ang London England Temple, na makikita rito.