Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 21: Ang mga Pangunahing Alituntunin at Ordenansa ng Ebanghelyo


Kabanata 21

Ang mga Pangunahing Alituntunin at Ordenansa ng Ebanghelyo

Alam kong banal ang ebanghelyo, at kailangan ito ng mundo.1

Panimula

Laging mabait at magalang si Pangulong David O. McKay sa mga taong iba ang paniniwala, at pinuri niya ang mabubuting gawain ng lahat ng simbahan. Gayunman, matibay siya sa kanyang patotoo na matatagpuan lang sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaganapan ng ebanghelyo. Para maituro ang kahalagahan ng pagsunod sa mga alituntunin at ordenansa ng ipinanumbalik na ebanghelyo, binanggit niya ang pagiging miyembro sa Simbahan bilang mamamayan sa isang dakilang kaharian:

“Lahat ng simbahan at lahat ng doktrina ay may kaunting kabutihang nag-aakay sa kaharian ng ating Ama; ngunit para maging mamamayan sa kahariang iyon lahat ay dapat umayon sa mga hiling ng Hari. Tunay na iisa ang daan para makapasok sa Simbahan ni Jesucristo, at iyon ang daan na tinahak ng Panginoong Jesucristo. ‘Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko.’ (Juan 14:6.)

“Ang paraan para maging mamamayan sa Simbahan ni Jesucristo ay napakalinaw; talagang napakaliwanag na nakapagtataka na napakaraming mukhang matatalino at may pinagaralang mga tao … [na nag-aakala] na makapapasok sila sa iba at sari-saring paraan.

“Iisa lang ang may karapatang magsabi ng paraan para maligtas ang tao. Tiyak na makabuluhan ang sinabi niya kung ano ang kailangan para maging mamamayan sa kanyang kaharian.

“Pansinin kung gaano kalinaw ang kanyang mga salita: ‘Maliban na ang tao’y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios.’ [Juan 3:3; idinagdag ang italics.] Nang ipaliwanag niya ang matalinghagang kawikaan kay Nicodemo, nagpatuloy ang Guro:

“ ‘Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios.’ [Juan 3:5; idinagdag ang italics.]

“Malinaw na binigyang-kabuluhan ito ni Pedro, ang punong Apostol, bilang paraan na lubhang kailangan sa pagtatamo hindi lamang ng pagkamamamayan sa Simbahan, kundi ng kaligtasan din sa kaharian ng Diyos, dahil, nang humiyaw ang madlang nasaktan ang damdamin ng, ‘Mga kapatid, anong gagawin namin?’ [Mga Gawa 2:37] sumagot siya at sinabi:

“ ‘Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.’ (Mga Gawa 2:38.) Kaya apat ang ibinigay na kailangang gawin, apat na alituntunin at ordenansang lubhang kailangan, na mahalagang sundin para maging miyembro ng Simbahan ni Cristo: [alalaong baga’y, ] pananampalataya, pagsisisi, pagpapabinyag, at pagtanggap ng Espiritu Santo. …

“Maraming daang itinuturo patungo sa kaharian ng Diyos, ngunit iisa lang ang tarangkahan para makapasok at matamo ang pagkamamamayan doon. Malinaw itong itinuro ni Cristo noong kapiling siya ng mga tao; at muli niya itong inihayag sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Simple at madaling matagpuan ang daan, at napakaringal at walang hanggan nito.

“Maraming daan … na umaakay sa matatapat na tao tungo sa simbahan at kaharian ng Diyos, ngunit yaong makikibahagi sa mga pribilehiyo at pagpapala ng pagkamamamayan doon ay kailangang sundin ang mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo.”2

Mga Turo ni David O. McKay

Ang pananampalataya kay Jesucristo ang pinakapangunahing alituntunin ng Simbahan.

Ang walang-maliw na pananampalataya kay Cristo ang pinakamahalagang kailangan ng mundo ngayon.3

Ano ang kahulugan ng panatilihin ang pananampalataya? Ang unang kahulugan nito ay, na tinatanggap natin si Jesucristo, hindi lang basta bilang dakilang guro at makapangyarihang lider, kundi bilang Tagapagligtas, ang Manunubos ng daigdig. … Siya na nananatiling sumasampalataya ay tatanggap kay Jesucristo bilang Anak ng Diyos, ang Manunubos ng daigdig. Gusto kong panatilihin ng lahat ng tao ang pananampalatayang iyan. Palagay ko’y mahalaga ito sa kaligayahan ng tao at sa kapayapaan ng kanyang isipan. Palagay ko’y ito ang pangunahing alituntunin ng Simbahan ni Jesucristo.4

Ang gayong pananampalataya marahil ang nagpalakas sa labing-isang Apostol at sa mga pitumpung disipulong nakakita kay Cristo matapos mabuhay na mag-uli. Lubos ang paniniwala nila sa kanyang pagkatao. Mga saksi sila ng katotohanan. Alam nila dahil nakita ng kanilang mga mata, narinig ng kanilang mga tainga, nahipo ng kanilang mga kamay ang katauhan [katawan] ng nagbangong Manunubos.

Ang walang-maliw na pananampalatayang iyan ang naghatid ng maluwalhating pangitain kay Propetang Joseph Smith:

“At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!

“Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama—

“Na sa kanya, at sa pamamagitan niya, at mula sa kanya, ang mga daigdig ay nililikha at nalikha, at ang mga naninirahan dito ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos.” (D at T 76:22–24.)

Ang may gayong katiyakan sa kanilang mga puso ay tinatanggap siya bilang “Ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay, ” bilang kaisa-isang ligtas na gabay sa nakalilitong daigdig na ito.5

Pananampalataya sa Ebanghelyo ang unang hakbang tungo sa tunay na kaalaman, at humahantong sa pagsasakripisyo, tungo sa karunungan at kaligayahan.6

Kung gayo’y dapat maging personal ang pagsampalataya sa Diyos. Dapat itong maging iyo; dapat itong maging akin; at, para epektibo’y dapat manggaling sa isipan at puso.7

Ang kailangan natin ngayon ay pananampalataya sa buhay na Cristo, na higit pa sa damdamin, kundi isang kapangyarihang nagpapakilos—isang pananampalatayang magbibigay ng layunin sa buhay at ng katapangan sa puso. Kailangan natin ng ebanghelyong ipamumuhay.8

Hindi tinatanggap ng Simbahan ang doktrina na simpleng pahayag lang ng paniniwala kay Jesucristo ang kailangan para maligtas. Maaaring sabihin ng isang tao na siya ay naniniwala pero kung hindi siya kikilos upang makaimpluwensiya ang paniniwala o pananampalatayang iyon para magsagawa, magsakatuparan, magpabuti ng kaluluwa, walang-saysay ang kanyang pahayag. “Pagsikapan ang inyong sariling kaligtasan” ang payo para maipakita ang totoong pagsampalataya sa gawa at sa seryosong pagsunod.9

Ang pagsisisi ay kaakibat ng pagbabago ng buhay, kaisipan, at kilos.

Mahirap isipin na pag-aalinlanganan pa ng sinuman ang kabuluhan ng pagsisisi. Bawat alituntunin ng ebanghelyo na pinagaralang mabuti ay naghahayag ng pag-ayon sa katotohanan na talagang banal. Bawat alituntunin ay mukhang saklaw na ang lahat, na patungo o sumasakop sa iba pang mga alituntunin. Kaya nga, ang pananampalataya sa isang perpektong nilalang, na nagbibigay-inspirasyon sa tao na mamuhay nang mabuti, ay tila kaakibat ng pagsisisi.10

Ang mensahe ng [Simbahan] ay tulungan ang mga tao na kilalanin ang kanilang mga kahinaan at daigin ang mga pagkakasala at kahinaang yaon. Dito’y wala tayong oras para talakayin kung ano ang kasalanan, ngunit diumano’y sinabi ito sa atin ng ina ni John Wesley [isang kilalang eksperto sa teolohiya]:

“Hahatulan mo ba ang pagkamakatarungan o kawalan ng katarungan ng kasiyahan? Isaalang-alang ang tuntuning ito: Pansinin ngayon—anuman ang nagpapahina sa inyong katwiran, nagpapatigas ng inyong ulo, nagpapalabo sa pagkakilala ninyo sa Diyos, nag-aalis ng kasabikan ninyo sa mga bagay na espirituwal, anuman ang nagpapangibabaw ng awtoridad ng katawan sa isipan, kasalanan ang bagay na iyon sa inyo, gaano man ito kainosente.”

Ang mensahe ng [mga misyonero] na humahayo sa lahat ng dako ng mundo, ang mensahe ng Simbahan sa buong mundo ay: Pagsisihan ang mga bagay na nakadaragdag sa pangingibabaw ng pisikal na damdamin sa halip na hangarin ang espirituwalidad. Kaya sila nangangaral ng pagsisisi! Ano ang kahulugan ng pagsisisi? Ito’y pagbabago ng buhay, pagbabago ng isipan, pagbabago ng hakbang. Kung nagalit at namuhi kayo, palitan ang pagkamuhi at poot na iyan ng pagmamahal at konsiderasyon. Kung nandaya kayo ng kapatid, hayaang usigin kayo at baguhin ng inyong budhi, at humingi ng tawad, at huwag na kayong uulit. Sa pagbabagong iyon ng inyong buhay mula sa mga bagay na para kayong nasa antas ng hayop, nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan. Kung nilalapastangan ninyo ang Diyos, huwag na kayong uulit! Sa halip na lapastanganin ang ngalan niya, sambahin siya! At sa sandaling dumating ang damdamin ng pagbabagong iyon sa kaluluwa, nanaisin ninyong ipanganak na muli, at magpanibagong buhay. …

Ang pagbabagumbuhay na ito, ang pagsisising ito ang kailangan ng mundo. Ito’y pagbabago ng puso. Dapat baguhin ng mga tao ang kanilang pag-iisip! Baguhin ang kanilang damdamin! Sa halip na kamuhian at kalabanin at durugin ang isa’t isa, dapat silang matutong magmahalan!11

Ang pagsisisi ay pagtalikod sa mga bagay na masama at pagsisikap na maabot ang mas dakila. Bilang alituntunin ng kaligtasan, hindi lang ito pagnanais ng mas mabuti, kundi isa ring kalungkutan—hindi basta pighati—kundi tunay na kalungkutan sa anumang antas ng pagkahawa sa mga bagay na makasalanan, nakakadiri, o nakakahamak.

Karaniwan na sa mga tao ang mamighati sa mga kamalian, kalokohan at kasalanang nagawa, pero hindi tumatalikod sa gayong mga karupukan at kasamaan. Maaari pa nga silang magpenitensya; ngunit ang “penitensya, ” wika nga, “ay panandalian, at maaaring di magbago ang pagkatao o pag-uugali.” Ang pagsisisi, sa kabilang dako, “ay kalungkutan para sa kasalanan na may pagpaparusa sa sarili, at lubos na pagtalikod sa kasalanan.” Kung gayon, hindi lang ito basta pamimighati; “saklaw nito ang pagbabago ng ugaling nababagay sa langit.”12

Ang tunay na pananampalataya at pagsisisi ay humahantong sa pagpapabinyag.

Kapag tumayo sa tabi ng tubig ang isang nagpapabinyag, bago malibing kay Cristo sa binyag, taglay niya ang lubos na pananampalataya na ang Simbahan ni Jesucristo ay itinatag sa lupa, at ang organisasyong ito ang pinakamainam sa mundo ngayon para sa pagpapaunlad ng espirituwal na buhay, para sa pagtatamo ng tunay na pag-unlad sa relihiyon, para sa kaligtasan ng kaluluwa.

Inuulit ko nasa kaibuturan niya ang kanyang pananampalataya; at dahil dito, may tunay na pagsisisi, at sa pagsisising iyan ay kasama ang hangaring talikuran ang lahat ng nakaraan na salungat sa mga turo ng ebanghelyo o ng Simbahan. Ang dati niyang buhay, at mga kasalanan, kung mayroon man, ay lubos na niyang napagsisihan. Umaasa siya sa panahon na siya’y muling isisilang sa kaharian ng Diyos. Dadaan na siya sa ordenansa ng binyag, na simbolo ng paglilibing ng dati niyang buhay, kasama ang lahat ng pagkukulang, karupukan, kasamaan, kasalanan na kaakibat ng dating buhay na yaon. Ililibing na siya sa binyag, tulad nang ibangon si Cristo mula sa mga patay sa kapangyarihan at kaluwalhatian ng Ama, para mapanibago ang kanyang buhay, isang miyembro ng Simbahan ng Diyos, isang anak ng Ama, isang mamamayan sa kaharian ni Cristo. Sa binyag siya’y muling isinilang, at naging marapat na tumanggap ng Espiritu Santo. Muling umahon ang kanyang katawan, at iginawad sa kanya ang Espiritu Santo; siya’y nakumpirmang miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. Pinagdaanan natin iyon minsan. Iyon ang ating nadama, ang ating pananampalataya, ang ating pag-asa.13

Sinabi ni Jesus kay Nicodemo, ‘Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios.’ ( Juan 3:5.)

Sa mga miyembro ng Simbahan, isinulat nina Pablo at Pedro, “Sapagka’t kayong lahat ay mga anak ng Dios, sa pamamagitan ng pananampalataya, kay Cristo Jesus. Sapagka’t ang lahat na sa inyo ay binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.” (Mga Taga Galacia 3:26–27.) “Na ayon sa tunay na kahawig ngayo’y nagligtas, sa makatuwid baga’y ang bautismo … sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ni Jesucristo.” (I Pedro 3:21.)

Sa tatlong pagkakataong ito maliwanag nating ipinakita ang tatlong layunin ng ordenansa ng binyag, [alalaong baga’y]:

  1. Isang seremonyang itinatag ng Diyos mismo at kaugnay ng walang-hanggang alituntunin ng kabutihan, pagsunod sa batas, na itinatag para sa kaligtasan ng tao.

  2. Isang panimulang ordenansa—ang pasukan tungo sa pagiging miyembro sa kawan ni Cristo.

  3. Isang maganda at dakilang simbolo ng libing ng “dating” tao kasama ang lahat ng kanyang kahinaan at karumihan, at ang pagpapanibago ng buhay.

Ang ordenansa ng binyag ay batas ng Diyos, na kung susundin, nang taos, dalisay, at simple, ay maghahatid sa huli ng pangakong biyaya ng Mang-aaliw, ang banal na Gabay. … Kahit hamakin at kutyain ito ng mga tao, at pagdudahan ang bisa nito, ang binyag ay mananatili, maging sa kasimplehan nito, hindi lang bilang isa sa mga pinakamagandang simbolong kilala, kundi isa rin sa mga pinakaepektibong batas na umiiral para sa kaligtasan ng tao.14

Tulungan nawa tayong lahat ng Diyos na ipahayag sa mundo ang pangangailangang magsisi, ang kahalagahan ng binyag, una’y upang maganap ang lahat ng katwiran, ikalawa’y para makapasok sa kaharian ng Diyos, ang pintuang papasok sa kanyang Simbahan, at ikatlo’y para ilibing ang dati nating buhay at magabayan ng kanyang banal na espiritu.15

Matapos tayong taos na manampalataya, magsisi, at mabinyagan, tatanggap tayo ng kaloob na Espiritu Santo.

Yaon lamang taos na naniniwala kay Jesucristo bilang Manunubos ng Daigdig at nagsisisi sa kanilang mga kasalanan ang tatanggap ng Espiritu Santo. Yaong mga nabinyagan nang walang pananampalataya at pagsisisi ay nagkukunwari lamang.16

Bukas ang linya ng komunikasyon, at handang pumatnubay ang Panginoon, at talagang pumapatnubay siya, sa kanyang mga tao. … Ang patotoo ng Espiritu Santo ay isang espesyal na pribilehiyo. Para itong pagbubukas ng radyo at pakikinig sa tinig na nasa kabilang panig ng mundo. Ang mga taong hindi sakop ng signal ay hindi maririnig ito, ngunit naririnig natin ito, at may karapatan tayo sa tinig na iyon at sa patnubay nito. Darating ito sa atin kung gagawin natin ang ating bahagi.17

Tulungan nawa tayong lahat ng Diyos na mapanatiling malinis ang ating budhi, maayos ang ating pag-uugali, sumusunod tayo sa mga bulong ng Banal na Espiritu, na totoo, kung dibdiban lang nating pakikinggan ito.18

Pinatutunayan ko sa inyo na totoo ang banal na inspirasyon. Ang mga lalaki at babaeng sumusunod sa mga alituntunin ng buhay at kaligtasan, taos na nagsisisi sa kanilang mga kasalanan, at nagpupunyaging mamuhay ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo, ay ginagabayan at iniimpluwensiyahan ng Espiritu Santo, at pinakikitaan ng mga bagay na darating. Pinatototohanan ko na ang patnubay na iyon ay nasa Simbahan mula pa noong itatag ito ni Propetang Joseph Smith.19

Nalaman ng mga Banal sa mga Huling Araw ang katotohanan na ipinanumbalik na ang walang-hanggang Ebanghelyo. At ano ang dulot ng kaalamang ito sa kanila? Dulot nito sa lahat, na tapat at taos na sumunod sa mga alituntunin ng pagsisisi at pagpapabinyag, ang kaloob na Espiritu Santo, na nagpapalinaw ng kanilang isipan, nagpapabilis ng kanilang pang-unawa, at nagbabahagi sa kanila ng kaalaman tungkol kay Cristo.

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay may isang gabay, isang tulong, isang paraan na wala sa mundo na aalalayan sila sa pagtamo ng katotohanan, sa hangarin nilang alamin kung ano ang kanilang tungkulin. Ang gabay na ito ay kailangan; hindi malalaman ng tao ang katotohanan; hindi niya makikilala ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang talino lamang. Sinasabi na walang taong makatutuklas sa Diyos sa paggamit ng microscope. Hindi sapat na gabay ang mahusay na pag-iisip sa pagsasaliksik ng katotohanan. May mas mataas, mas tiyak na gabay kaysa mahusay na pag-iisip. …

[Pananampalataya] ang alituntuning iyon na naglalapit sa ating espiritu sa pakikipagniig sa Mas Nakatataas na Espiritu na magpapaalala sa atin ng lahat, magpapakita ng mga darating, at magtuturo ng lahat ng bagay. Ang pagkakamit ng Espiritung iyon ay responsibilidad ng Banal sa mga Huling Araw na nakaaalam ng katotohanan.20

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Ano ang pananampalataya kay Jesucristo? (Tingnan sa mga pahina 225–26.) Bakit pangunahing alituntunin ng Simbahan ang pananampalataya kay Jesucristo? (Tingnan sa mga pahina 225–26.) Ano ang dapat nating gawin upang mapalago at mapalakas ang pananampalataya natin sa Kanya?

  • Paano natin mapapagana ang pananampalataya natin kay Jesucristo? Paano kayo nabiyayaan sa gayong pananampalataya kay Jesucristo?

  • Bakit humahantong sa pagsisisi ang tunay na pananampalataya kay Jesucristo? Paano naging higit pa sa simpleng pagtigil sa isang ugali ang pagsisisi? (Tingnan sa mga pahina 226–28.) Ano ang dapat nating gawin upang malubos ang pagsisisi sa ating mga kasalanan? Ano ang mga panganib ng di pagsisisi?

  • Ano ang simbolismo ng ordenansa ng binyag? (Tingnan sa mga pahina 229–30.) Ano ang tipan o pangakong ginagawa natin sa binyag? Ano ang pangako ng Panginoon bilang kapalit? Paano natin maaalala ang tipan natin sa binyag at patuloy na magalak sa mga biyayang kaakibat nito?

  • Ano ang misyon ng Espiritu Santo? (Tingnan sa mga pahina 230–32.) Ano ang ipinagagawa sa atin para makaayon sa mga panghihikayat ng Espiritu Santo? (Tingnan sa mga pahina 230–32.) Bakit kailangang matanggap ang kaloob na Espiritu Santo para makabalik sa ating Ama sa Langit?

  • Paano natin malalaman kung ginagabayan tayo ng Espiritu Santo? Ano ang mga karanasan ninyo kung saan ginabayan kayo ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Juan 14:26; Santiago 2:14–20; 2 Nephi 2:21; 32:5; Mosias 18:8–10; Alma 32:21; Moroni 10:5; D at T 11:13–14; 58:43; 121:26

Mga Tala

  1. Gospel Ideals (1953), 329.

  2. Gospel Ideals, 117–18.

  3. Sa Conference Report, Abr. 1966, 58.

  4. Sa Conference Report, Okt. 1928, 36–37.

  5. Gospel Ideals, 42.

  6. Ancient Apostles (1918), 258.

  7. Gospel Ideals, 11.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1968, 144–45.

  9. Sa Conference Report, Abr. 1938, 17.

  10. Gospel Ideals, 12.

  11. Gospel Ideals, 327–28.

  12. Gospel Ideals, 13.

  13. Sa Conference Report, Abr. 1960, 26–27; binago ang pagtatalata.

  14. Gospel Ideals, 16–17.

  15. Gospel Ideals, 329.

  16. Ancient Apostles, 92.

  17. Cherished Experiences from the Writings of President David O. McKay, tinipon ni Clare Middlemiss, binagong edisyon (1976), 128; binago ang pagtatalata.

  18. Sa Conference Report, Abr. 1963, 95.

  19. Sa Conference Report, Okt. 1929, 15.

  20. Sa Conference Report, Okt. 1906, 112–13; binago ang pagtatalata.

sister

“Ang pagsisisi ay pagtalikod sa mga bagay na masama at pagsisikap na maabot ang mas dakila.”