Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 23: Pagkakaroon ng Katangiang Tulad ng Kay Cristo


Kabanata 23

Pagkakaroon ng Katangiang Tulad ng Kay Cristo

Ang dapat pangunahing hangarin ng tao sa buhay ay hindi ang pagkakamal ng ginto, o katanyagan, o mga ari-arian. Hindi ito ang pagkakaroon ng lakas ng katawan, ni katalinuhan, bagkus ang dapat na maging kanyang layon, ang pinakamataas sa buhay, ay ang magkaroon ng katangiang tulad ng kay Cristo.1

Panimula

Naunawaan ni Pangulong David O. McKay ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mabuting pagkatao na naaayon sa Tagapagligtas. Napatunayan ito kapwa sa pampubliko at pribado niyang buhay. Minsa’y sinabi ng anak niyang si Robert tungkol sa kanya, “Sa tanang buhay ko sa malapit na pagsasamahan sa tahanan, sa bukid, sa negosyo, sa Simbahan, wala pa akong nakitang anumang kilos ni kataga, kahit habang nagtuturo ng kabayong mailap, na maglalagay ng anumang pagdududa sa isipan ko na dapat siyang maging at sa huli’y talagang naging kinatawan at propeta ng ating Ama sa Langit.”2

Itinuro ni Pangulong McKay na ang pagkakaroon ng katangiang tulad ng kay Cristo ay isang patuloy, araw-araw na prosesong dapat nating panagutang lahat. Para maipakita ang alituntuning ito sa mga kabataan, ikinuwento niya nang minsang dalawin niya ang bakuran ng isang iskultor sa Florence, Italy: “Nagkalat ang buo at iba’t ibang hugis ng granito na inihahanda ng iskultor sa pagtabas ng isang pangitaing nakita niya sa kanyang isipan. …

“Kung nakatayo ka sa bakurang iyon, at inabutan ka ng isang lalaki ng katam at martilyo, magtatangka ka bang kunin ang isang walang-hugis na bloke ng bato at lililok ng imahen ng tao mula rito? Hindi mo ito magagawa. O kung may naglagay sa harapan mo ng isang canvas at binigyan ka ng pintura at pinsel, ipipinta mo ba sa canvas ang larawan ng isang huwarang kaluluwa? Siguro’y sasabihin mo sa una, ‘Hindi ako iskultor, ’ at sa ikalawa, ‘Hindi ako pintor. Hindi ko ito magagawa.’

“Gayunman, tayong lahat ay naglililok ng kaluluwa sa sandaling ito—ang ating kaluluwa. Magiging pangit ba ito, o magiging kahanga-hanga at maganda?

“Kayo ang may responsibilidad. Walang ibang makalililok nito para sa inyo. Ang mga magulang ay maaaring gumabay, at ang mga guro ay makapagmumungkahi, ngunit bawat kabataang lalaki at babae ay may responsibilidad na lilukin ang sarili niyang pagkatao.”

Nagpatuloy si Pangulong McKay sa paglalarawan ng mga resulta ng paglililok ng mabuting pagkatao: “Kung mapananatili mong walang kapintasan ang iyong pagkatao, anuman ang isipin o ibintang ng iba, maitataas mo ang iyong ulo, mapagagaan ang iyong puso, at mahaharap ang mundo nang walang takot dahil tanging ikaw ang nakaaalam na walang bahid-dungis ang iyong kaluluwa.”3

Mga Turo ni David O. McKay

Dapat tayong magpunyaging sundin ang pinakadakilang halimbawa ng Tagapagligtas.

Iisa lang ang perpekto ang pagkatao sa mundong ito—ang walang kapantay na katauhan ni Jesus ng Nasaret, ang Anak ng Diyos, ang Manunubos ng daigdig. Walang mas magandang gawin kundi ang tanggapin si Cristo bilang dakilang Halimbawa at pinakaligtas na Patnubay.4

Kung nais nating matutuhan ang huwarang buhay para mamuno sa ating kapwa, makikita natin ang perpektong halimbawa sa buhay ni Jesus. Anuman ang ating mararangal na hangarin, matatayog na pangarap, mga mithiin sa anumang bahagi ng buhay, makaaasa tayo kay Cristo at makatatagpo ng kaganapan. …

Ang magagandang katangiang nagsama-sama upang gawing perpekto ang pagkataong ito ay katotohanan, katarungan, karunungan, kabaitan, at pagtitimpi. Ang bawat kaisipan, salita, at gawa niya ay naaayon sa banal na batas at sa gayo’y totoo. Ang tulay ng komunikasyon sa pagitan niya at ng Ama ay laging bukas, upang ang katotohanan, na nakasalalay sa paghahayag, ay lagi nang ipinaaalam sa kanya.

Ang huwaran niya sa katarungan ay ibinuod sa payo na: “Lahat ng mga bagay na ibig ninyong sa inyo’y gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila.” (Tingnan sa Mateo 7:12.) Ang kanyang karunungan ay napakalawak at malalim na nasasaklaw nito ang mga ugali ng tao at mga layunin ng Diyos. … Bawat kilos na nakatala sa kanyang maikli ngunit makasaysayang buhay ay puno ng kabaitan na nasasaklawan ng pagkakawanggawa at pag-ibig. Perpekto ang kanyang pagtitimpi, na inihalimbawa sa pagdaig niya sa kanyang mga kagustuhan at kapusukan o kanyang dangal at katatagan sa harap ng kanyang mga tagausig— ito’y makalangit.5

May [ilang] larawang gustung-gusto kong pagmasdan lagi. Una rito’y ang larawan ni Cristo sa harap ni Pilato nang sabihin ng opisyal na Romano sa galit na mga tao, “Narito, ang tao!” (Juan 19:5.) Pagkasabi nito, itinuro niya si Jesus, na may koronang tinik, suot ang balabal na kulay-ube. Itinuro niya ang isang taong kinukutya ng mga taong galit, isinusumpa bilang kriminal at lapastangan, subalit nang sabihin niyang, “Narito, ang tao!” inilarawan niya ang isang perpektong pagkatao, na lumupig sa mga kahinaan at tukso, at makapagsasabi, tulad ng ginawa niya sa mga kapwa niya manggagawa, “Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan … laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.” (Juan 16:33.) Siya ang ating huwaran.6

Isa-isa nating dapat gayahin si Jesucristo dahil sa Kanyang banal na pagkatao. … Iginagalang Siya ng mga Kristiyano, kahit sa pagpaparangal nila sa Kanya, hindi dahil isa Siyang dakilang makata, isang dakilang siyentipiko, isang dakilang manunuklas, isang dakilang imbentor o pulitiko o heneral. Iginagalang nila Siya dahil dakila Siyang tao. Sa saklaw ng pagkatao Siya’y pinakadakila.7

Napakahalagang magpanatili ng mabubuting kaisipan para magkaroon ng mabuting pagkatao.

Ang uri ng iyong pamumuhay at disposisyon, ng mismong kalikasan mo, ay makikita sa iyong mga iniisip, na mahihiwatigan sa iyong mga kilos. Ang kilos ay bunga ng isipan.8

Ang pagkatao ay nanggagaling sa kaibuturan ng kaluluwa. Sabihin mo sa akin ang nasa isipan mo kapag di mo kailangang mag-isip, at sasabihin ko sa iyo ang pagkatao mo.9

Natutulad tayo sa mga iniisip natin. Sintiyak ng paglikha ng manghahabi sa kanyang mga bulaklak at hugis mula sa sinulid ng kanyang makina, gayundin ang bawat pagbabalik-balik ng isipan sa paghubog ng pagkatao at maging sa paghuhugis ng anyo ng ating mukha. Ang mga kaisipan ay nagpapaangat sa iyong kaluluwa sa langit, o humihila sa iyo pababa sa impiyerno.10

Walang alituntunin sa buhay na mas madalas bigyang-diin ng Dakilang Guro kaysa pangangailangang mag-isip ng tama. Para sa Kanya, ang tao ay hindi katulad ng kanyang panlabas ng anyo, ni hindi siya katulad ng paglalarawan niya: ang iniisip ng tao ang nagpapasiya sa lahat ng pagkakataon kung ano ang dati niyang pagkatao. Walang guro liban sa Kanya na mas matindi ang pagbibigay-diin sa katotohanan na “kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya” [tingnan sa Mga Kawikaan 23:7]. …

Ang mga turo Niya hinggil sa tungkulin ng tao sa kanyang sarili, gayundin sa kanyang kapwa, ay puno ng katotohanan na ang isipan ang nagpapasiya sa lahat ng pagkakataon sa karapatan ng tao na lumigaya o maparusahan dahil sa kasalanan. …

Matuklasan man o hindi, lahat ng nagkasala ay magbabayad sa kasalanan at kawalang-ingat. Ang intensyon sa paggawa noon ay nag-iiwan ng di mapapawing bahid sa pagkatao. At kahit payapain ng nagkasala ang kanyang budhi sa pagsasabing … walang kabuluhan ang “isang ito, ” subalit, sa kanyang kalooban, may kabuluhan ito, at ang marka sa kanyang pagkatao ay maninindigan laban sa kanya sa araw ng paghuhukom. Walang makapagtatago sa kanyang iniisip, ni makakalaya sa di-maiiwasang bunga ng mga ito.11

Batid ng Tagapagligtas na kung mapamamahalaan nang wasto ang isipan; kung malalabanan ang masamang isipan at tendensiya, mababawasan ang kasamaan. Hindi pinagagaan ni Jesus ang bigat ng mga pagkakasalang ito, ni sinasabing hindi natin sila dapat parusahan; kundi binibigyang-diin niya ang mas malaking pangangailangan na mapanatiling malinis at dalisay ang isipan. Magbubunga ng masamang prutas ang masamang puno; magbubunga ng mabuting prutas ang mabuting puno. Panatilihing dalisay ang puno at isipan, at magiging dalisay ang prutas at buhay.12

Ang matwid na pagkatao ay bunga lamang ng patuloy na pagsisikap at tamang pag-iisip, na epekto ng mahabang panahong maka-Diyos na mga kaisipan. Siya na pinakamalapit sa espiritu ni Cristo ay ginagawang sentro ng kanyang isipan ang Diyos; at siya na taos na makapagsasabing, “Huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo” [tingnan sa Lucas 22:42], ay pinakamalapit sa huwaran ni Cristo.13

Sa paglipas ng panahon, ang “maliliit na bagay” sa ating buhay ay huhubog sa ating pagkatao.

Tulad ng kung paanong malalaman ang direksyon ng hangin sa pag-ihip nito sa dayami, gayundin naman na malalaman sa pamamagitan ng maliliit na bagay ang direksyon ng damdamin at isipan ng isang tao.14

Ang maliliit na bagay ay mga bahagi lamang ng malalaki. Hindi biglaan ang pag-usbong ng damo. Lumalaki at lumalago ito nang napakatahimik na kahit pinakamaselang tainga ay di ito maririnig, at napakayumi na kahit pinakamaselang mata ay di ito makikita. Hindi bumubuhos ang ulan nang biglaan kundi patak-patak; hindi lumulukso ang mga planeta sa orbit nila, kundi pulga-pulgada at linya-linya silang umiikot sa mga orbit. Ang talino, damdamin, ugali, pagkatao, lahat ay nagiging gayon sa impluwensiya ng maliliit na bagay, at sa mga moralidad at relihiyon, sa maliliit na bagay, sa maliliit na hakbang, tayo napupunta—hindi sa paglukso, kundi sa pulga-pulgada—sa buhay o kamatayang walang hanggan.

Ang dakilang aral na matutuhan sa mundo ngayon ay ang ipamuhay ang maluluwalhating alituntunin ng Ebanghelyo sa mumunting gawa at mga tungkulin sa buhay. Huwag nating isipin na, dahil parang maliliit at di gaanong mahalaga ang ilang bagay, hindi ito mahalaga. Kunsabagay, ang buhay ay binubuo ng maliliit na bagay. Ang ating buhay, ang ating pisikal na pagkatao, ay binubuo ng mumunting tibok ng puso. Patigilin ang tibok ng maliit na pusong iyon, at papanaw ang buhay sa mundong ito. Ang dakilang araw ay isang malakas na puwersa sa sansinukob, ngunit tinatanggap natin ang mga biyaya ng sikat nito dahil dumarating ito sa atin bilang mumunting sinag, na, kung titipunin, ay pupuno ng liwanag sa buong mundo. Pinalugod ng banaag ng parang mumunting bituin ang dilim ng gabi; kaya nga ang tunay na buhay-Kristiyano ay binubuo ng mumunting gawa na tulad ng kay Cristo na ginawa sa oras na ito, sa sandaling ito—sa tahanan, sa korum, sa organisasyon, sa bayan, anuman ang papel at tungkulin natin sa buhay.15

Kung ano ang tao ngayon ay lubos na magpapasiya kung ano ang kahihinatnan niya bukas. Malaki ang impluwensiya ng pagkatao niya noong isang taon sa landas na tinatahak niya sa buong taong kasalukuyan. Sa paglipas ng mga araw at oras, hinuhubog ng tao ang pagkataong magpapasiya sa kanyang lugar at kalagayan sa kanyang mga kasamahan sa darating na mga panahon.16

Nagkakaroon tayo ng katangiang tulad ng kay Cristo sa pamamagitan ng pagsunod at pagtitimpi.

Nahuhubog ang pagkatao sa pagsunod sa mga alituntunin. Nahuhubog ang pagkatao mula sa kalooban tulad ng paglaki ng puno, tulad ng paglaki ng lahat ng may buhay. Walang dapat isuot para magpaganda ng sarili; totoong [ang mga produkto mula] sa botika [ay nakatutulong], pero paimbabaw lang ito at pansamantala. Ang tunay na kagandahan, tulad ng pagkatao, ay nagmumula sa kalooban, at ang nagpapalakas sa pagkatao ay ang pagsunod sa mga alituntuning iyon na itinuro ni Propetang Joseph, at ng Tagapagligtas Mismo: magandang katangian, pagkamakatwiran, kabanalan—pagsunod sa mga kautusan ng Diyos [tingnan sa History of the Church, 5:134–35].17

Sa paghubog ng pagkatao tulad ng pagpapaganda ng tanawin, ang mga batas ng kapayapaan at kaligayahan ay lagi nang gumagana. Ang pagsisikap, pagkakait sa sarili, at pagkilos nang may layunin ay mga hakbang tungo sa pag-unlad. Ang pagpapasasa at pagkakasala ay mga katampalasanan at sumisira ng pagkatao. Pawang pagsisisi at kapighatian ang kasunod nito.18

Ang pagtitimpi ay nangangahulugan ng pamamahala at pagpigil sa lahat ng ating mga katutubong hilig, hangarin, kapusukan, at pagsuyo; at walang nagbibigay-lakas sa pagkatao na tulad ng pagkakilala sa sarili, ng pagkaalam na mapagsisilbihan siya ng kanyang hilig at kapusukan at hindi siya alipin ng mga ito. Ang katangiang ito ay kinabibilangan ng kahinahunan, pagpipigil, katapangan, katatagan, pag-asa, kalamigan ng ulo, kalinisangpuri, kasarinlan, pagpaparaya, pagtitiis, pagpapasakop, kalinisan, kadalisayan.19

Ano ang kaluwalhatian ng tao sa lupang ito patungkol sa kanyang sariling tagumpay? Ito’y ang kanyang pagkatao—pagkataong nahubog sa pagsunod sa mga batas ng buhay tulad ng ipinahayag sa ebanghelyo ni Jesucristo, na dumating upang bigyan tayo ng buhay na mas sagana [tingnan sa Juan 10:10]. Ang dapat na pangunahing hangarin ng tao sa buhay ay hindi ang pagkakamal ng ginto, o katanyagan, o mga ari-arian. Hindi ito ang pagkakaroon ng lakas ng katawan, ni katalinuhan, bagkus ang dapat na kanyang layon, ang pinakamataas sa buhay, ay ang magkaroon ng katangiang tulad ng kay Cristo.20

Sa pamamagitan ng ating impluwensiya at pagtuturo, matutulungan natin ang mga bata at kabataan na magkaroon ng katangiang tulad ng kay Cristo.

Ang mga bata sa pagsilang ay lubos na umaasa at pinakamahina sa lahat ng nilikha, subalit sila ang pinakamagiliw at pinakadakila sa lahat ng bagay sa mundo. … Walang bahid-dungis ang kanilang mga kaluluwa na tulad ng puting papel na pagsusulatan ng mga pangarap o tagumpay sa habambuhay.21

Sa paglaki ng bata sa pagkain nang regular, sa laging paglanghap ng sariwang hangin, sa panaka-nakang pamamahinga, gayundin nahuhubog ang pagkatao sa maliliit na bagay, sa araw-araw na pakikisalamuha, sa impluwensya rito, at katotohanan doon.22

Sa tahanan unang hinuhubog ang ating mga pagkatao. Ang pamilya ay isang banal na organisasyon. Ang pinakadakilang tungkulin ng tao sa pamilyang iyon ay palakihin ang mga batang lalaki at babae nang may malulusog na katawan, masiglang isipan, at higit pa rito, isang katangiang tulad ng kay Cristo. Sa tahanan ginagawa ang mga produktong ito.23

Kaylaki ng halaga sa komunidad ng mga guro at tagasanay ng mga kabataan na umuukit at humuhubog sa moralidad ng kapaligirang tinitirhan ng mga tao. Sandaling nagsasabog ng ganda at bango ang mga bulaklak, pagkatapos ay napapawi, namamatay at habampanahon nang naglalaho; ngunit sa mga bata, na busog sa mga walang hanggang alituntunin ng katotohanan sa pagtuturo na rin ng mararangal na guro, ay sisilay ang impluwensiya ng kabutihan na iiral magpasawalang-hanggan, gaya ng sarili nilang mga kaluluwa.24

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Ano ang mga tatak ng pagkatao ng Tagapagligtas? (Tingnan sa mga pahina 247–48.) Paano natin maihahalo ang mga ugaling ito sa sarili nating buhay?

  • Bakit naging pundasyon sa pagkakaroon ng katangiang tulad ng kay Cristo ang mararangal na kaisipan? (Tingnan sa mga pahina 249–50.) Paano mo ipaliliwanag ang pahayag ni Pangulong McKay, “Sabihin mo sa akin ang nasa isipan mo kapag di mo kailangang mag-isip, at sasabihin ko sa iyo ang pagkatao mo”? Ano ang magagawa natin para magkaroon ng dalisay na mga kaisipan?

  • Ano ang ilan sa “maliliit na bagay” sa buhay mo na nakatulong sa paghubog ng iyong pagkatao? Ano ang magagawa mo arawaraw para mas matulad kay Cristo? (Tingnan din sa D at T 64:33.)

  • Sa anong mga paraan kritikal na sangkap ang pagsunod sa ebanghelyo ni Jesucristo sa paghubog ng malakas na pagkatao? (Tingnan sa mga pahina 251–52.) Paano nakatutulong ang pagtitimpi at paglilingkod sa pagkakaroon nito? (Tingnan sa mga pahina 251–52.)

  • Ano ang magagawa natin bilang mga magulang at guro para tulungan ang mga kabataan na magkaroon ng katangiang tulad ng kay Cristo? (Tingnan sa mga pahina 252–54.)

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Taga Filipo 4:8; Mosias 4:30; 3 Nephi 27:27; D at T 64:33; 93:11–14

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Okt. 1926, 111.

  2. Sa Conference Report, Abr. 1967, 84.

  3. Secrets of a Happy Life, tinipon ni Llewelyn R. McKay (1960), 145–46, 147.

  4. Sa Conference Report, Okt. 1945, 132.

  5. Sa Conference Report, Abr. 1968, 7.

  6. Gospel Ideals (1953), 355.

  7. True to the Faith: From the Sermons and Discourses of David O. McKay, tinipon ni Llewelyn R. McKay (1966), 133.

  8. Treasures of Life, tinipon ni Clare Middlemiss (1962), 200.

  9. Pathways to Happiness, tinipon ni Llewelyn R. McKay (1957), 257.

  10. Secrets of a Happy Life, 160.

  11. “ ‘As a Man Thinketh …, ’ ” Instructor, Set. 1958, 257–58.

  12. Man May Know for Himself: Teachings of President David O. McKay, tinipon ni Clare Middlemiss (1967), 8–9.

  13. Sa Conference Report, Okt. 1953, 10.

  14. True to the Faith, 270.

  15. True to the Faith, 153.

  16. “Man’s Soul Is as Endless as Time, ” Instructor, Ene. 1960, 1.

  17. True to the Faith, 95–96.

  18. True to the Faith, 29.

  19. Sa Conference Report, Abr. 1968, 8.

  20. Sa Conference Report, Okt. 1926, 111.

  21. “The Sunday School Looks Forward, ” Improvement Era, Dis. 1949, 804.

  22. “The Home and the Church as Factors in Character Building, ” Instructor, Abr. 1946, 161.

  23. True to the Faith, 107.

  24. True to the Faith, 248.

Christ with children

“Iisa lang ang perpektong pagkatao sa mundong ito—ang walang kapantay na katauhan ni Jesus ng Nasaret, ang Anak ng Diyos, ang Manunubos ng daigdig. Walang mas magandang gawin kundi ang tanggapin si Cristo bilang dakilang Halimbawa at pinakaligtas na Patnubay.”

family

“Ang pinakadakilang tungkulin ng tao sa pamilya ay palakihin ang mga batang lalaki at babae nang may malulusog na katawan, masisiglang isipan, at higit pa rito, isang katangiang tulad ng kay Cristo.”