Kabanata 6
“Bawat Miyembro ay Misyonero”
Ang daigdig ay gutom sa katotohanan. …Nasa atin ito. Kaya ba nating gampanan ang tungkulin—ang responsibilidad na iniatang sa atin ng Diyos?1
Panimula
Ang mga magulang ni Pangulong David O. McKay ay kapwa nagbalik-loob sa Simbahan, bunga ng pagsisikap ng mga misyonerong tinawag maglingkod sa Great Britain. Ang pamilya ng kanyang amang si David McKay, ay sumapi sa Simbahan sa Scotland noong 1850 kabilang ng ilan sa mga unang nagbalik-loob sa Simbahan sa lugar na iyon. Ang pamilya ng kanyang inang si Jennette Evans ay sumapi sa Simbahan sa Wales halos noong panahon ding iyon sa kabila ng matinding pagtutol ng malalapit na kamag-anak.
Mula sa matwid na pamanang ipinagkaloob sa kanya ng kanyang mga magulang, si Pangulong McKay ay nagkaroon ng malakas na patotoo sa kahalagahan at matinding epekto ng gawaing misyonero. Noong 1953, sa paglalakbay sa Europa, dinalaw ni Pangulong McKay ang abang tahanang kinalakihan ng kanyang ama sa Scotland. Itinala ng anak ni Pangulong McKay na si Llewelyn, na nakasama niya sa biyahe, ang sumusunod na karanasan:
“[Nang palapit na kami sa bahay], sumikat na ang araw sa kabila ng mga ulap at ngumiti sa amin na tila pahiwatig ng galak at ligaya sa puso ni Itay. Nang magtipon kami sa harapan ng bahay, may luha sa mga mata ni Itay habang nakatingin siya sa pintuan. ‘Kung hindi dahil sa dalawang misyonerong kumatok sa pintuang ito noong mga 1850, wala ako rito ngayon!’ ”2
Mga Turo ni David O. McKay
Ang mga miyembro ng Simbahan ay inatasang gumawa ng gawaing misyonero.
“Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:
“Na ituro ninyo sa kanila na ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan. …” (Mat. 28:19–20.)
Gayon ang payong ibinigay sa labindalawa noon. Gayon ang payong ibinigay sa mga tao sa panahong ito sa Doktrina at mga Tipan upang maging ilaw sa daigdig. “At sa gayon ay ipinadala ko ang aking walang hanggang tipan sa daigdig, upang maging ilaw ng sanlibutan, at maging pinakawatawat para sa aking mga tao, at para sa mga Gentil upang hanapin ito, at maging sugo sa harapan ko upang ihanda ang daan para sa aking pagparito.” [Tingnan sa D at T 45:9.]
Halos isang taon pa lang ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw nang ibigay sa pamamagitan ng inspirasyon ang pahayag na iyon kay Propetang Joseph Smith. Siya mismo ay mga dalawampu’t anim na taon pa lamang. Kagila-gilalas ang gumawa ng gayong pahayag, na malaki ang potensiyal, at malawak ang sakop. …
… Ang tinatawag na Mormonismo, ay nagtayo ng bantayog sa mga bansa at, sa mga salitang singlawak ng binasa ko sa paghahayag, ay inaanyayahan ang mundo sa kapayapaan, kapahingahan, sa kasiyahan.3
Ang salitang … “magsiyaon kayo sa buong sanglibutan” ay talagang atas sa misyonero na ibinigay ng nabuhay na Cristo sa kanyang mga Apostol. Sa katunayan ang sabi niya’y:
Ituring na hindi tapos ang gawaing ito hanggang sa matanggap ng lahat ng bansa ang ebanghelyo at ituring ang kanilang mga sarili bilang aking mga disipulo. …
Sa gayunding direktang utos mula sa nabuhay na Panginoon na kasama ng Ama na nagpakita sa pagsisimula ng ikalabinsiyam na siglo, ang pagpapahayag ng ebanghelyo ay ginagawa ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa “bawat bansa, lahi, wika at tao” sa napakabilis na paraan at bilang ng mga misyonerong makapaghahatid nito.4
Bawat Banal sa mga Huling Araw ay dapat makabahagi sa gawaing misyonero.
Kung babanggitin ko nang tiyakan ang dalawa sa pinakamarubdob na pinaniniwalaan ng puso ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang babanggitin ko’y: Una, ang katiyakan sa tuwina na ang ebanghelyo, na itinuro ng Manunubos noong nabubuhay pa siya sa piling ng mga tao at sa huli’y binago at pinasama ng mga tao, ay ipinanumbalik ng Manunubos sa kadalisayan at kabuuan nito; at pangalawa, na likas na kasunod ng una, ang paniniwala sa puso ng bawat miyembro ng Simbahang ito na responsibilidad ng lahat ng miyembro ng Simbahan na ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa bawat bansa, lahi, wika at tao.5
Naalala ko na noong nasa lupa pa si Cristo, sinabi Niya sa ilang kalalakihan na nakaaalam sa Kanyang kabanalan, na may obligasyon ang lahat ng nagtataglay ng gayong kaalaman ng pag-iral ng Diyos at ng mga katotohanan ng ebanghelyo ni Cristo. “Ang hindi nakaaalam, at gumawa ng mga bagay na karapatdapat sa mga palo, ay papaluin ng kaunti. At sa sinomang binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kaniya: at sa sinomang pinagkatiwalaan ng marami ay lalo nang marami ang hihingin sa kaniya.” [Lucas 12:48.] Kung kaya kaakibat ng kaalamang ito na taglay ng mga Banal sa mga Huling Araw ang malaking obligasyon. Ang mga tao ng Diyos ay binabanggit sa banal na kasulatan, noon at ngayon, bilang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, isang ilaw na nasa ibabaw ng bundok. “Kayo ang ilaw ng sanglibutan. Ang isang bayan na natatayo sa ibabaw ng isang bundok ay hindi maitatago. Hindi rin nga pinaniningasan ang isang ilawan, at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw; at lumiliwanag sa lahat ng nangasa bahay. Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.” [Tingnan sa Mateo 5:14–16.]6
Napakalaking responsibilidad … ang akayin ang mabubuting lalaki at babae sa buong mundong ito upang makilala ang Diyos, at malaman kung ano ang misyon nila dito sa mundo! Mga ama at ina, mga kapwa manggagawa, nauunawaan ba ninyong mabuti ngayon ang ibig sabihin ng akuin ang responsibilidad ng paghahatid ng mensahe ng kapayapaan at kabutihan sa lahat ng tao?7
Ang daigdig ay gutom sa katotohanan na di pa nangyari kailanman sa kasaysayan nito. Nasa atin ito. Kaya ba nating gampanan ang tungkulin—ang responsibilidad na iniatang sa atin ng Diyos?8
Bawat miyembro ng Simbahan ay dapat magbalik-loob at magkaroon ng kaalaman sa ebanghelyo, kabilang na ang kaalaman sa banal na kasulatan. Napakaganda kung magagawa ng bawat miyembro ng Simbahan, gaya ng sabi noon ni Pedro na, “ariing banal si Cristo na Panginoon sa inyong mga puso: na lagi kayong handa ng pagsagot sa bawa’t tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo. …” (I Ped. 3:15.) …
Ang responsibilidad ng Simbahan ay ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo na ipinanumbalik kay Propetang Joseph Smith, hindi lamang ipangaral ito at ipahayag sa pamamagitan ng salita, sa pamamahagi ng lathalain, kundi higit sa lahat sa pamumuhay ng ebanghelyo sa ating mga tahanan at sa ating mga pakikipagnegosyo, taglay ang pananampalataya at patotoo sa ating puso, at pagpapakita nito saanman tayo magpunta. …Wala nang makapipigil sa pagsulong ng katotohanan maliban lamang sa ating mga kahinaan o kabiguang gampanan ang ating tungkulin.9
Bawat miyembro ay misyonero. Responsibilidad niyang magdala ng isang tao: ina, ama, kapitbahay, katrabaho, kasamahan, isang taong nakikipag-ugnayan sa mga sugo ng ebanghelyo. Kung aakuin ng bawat miyembro ang responsibilidad na iyan at kung maiaayos ang pakikipagkita ng ina o ng amang iyon o ng isang tao sa mga awtorisadong kinatawan ng Simbahan, walang kapangyarihan sa mundo na makapipigil sa paglago ng simbahang ito. At ang personal na pakikipag-ugnayan ang iimpluwensya sa mga investigator na iyon. Ang personal na pakikipag-ugnayan, ang katangiang ito, ang epekto nito ay nakasalalay sa inyo. At iyan ang isang bagay na gusto kong bigyang-diin. May isang responsibilidad na hindi matatakasan ng sinumang tao, iyan ang responsibilidad ng personal na impluwensya. …Ang kung ano kayo, hindi ang pagkukunwaring kung sino kayo ang aakay sa mga tao para magsaliksik.10
Bawat miyembro ng Simbahan ay dapat maging misyonero. Maaaring hindi siya pahihintulutang magbahay-bahay, ngunit siya’y awtorisado, sa kanyang pagiging miyembro, na magpakita ng magandang halimbawa bilang mabuting kapitbahay. Pinagmamasdan siya ng mga kapitbahay. Pinagmamasdan ng mga kapitbahay ang kanyang mga anak. Siya’y ilaw, at tungkulin niyang huwag itago sa ilalim ng takalan ang ilaw na iyon, kundi dapat itong ilagay sa ibabaw ng burol upang sa pamamagitan nito’y magabayan ang lahat ng tao. …
… Kung mamumuhay kayo nang naaayon sa mga abang alituntuning iyon sa ilalim ng tipan na ginawa ninyo sa gilid ng tubig, at simula noon sa oras ng mga Sakrament miting, at marami sa inyo sa Bahay ng Diyos, matutupad ninyo ang magiting na misyon, at gagantimpalaan kayo ng Diyos.
Nawa danasin ng bawat miyembro ng Simbahan ang pagbabagong ito sa buhay na ito, at mamuhay upang ang iba, na nakakakita sa kanyang mabubuting gawa, ay maakay sa pagluwalhati sa ating Ama sa langit.11
Ang Ebanghelyo ang ating angkla. Alam natin kung para saan ito. Kung ipamumuhay natin ito, daramhin, at mabuti ang sasabihin tungkol sa Ebanghelyo, sa Priesthood, sa mga awtoridad na narito, magsasalita ng mabuti kahit sa ating mga kaaway, tayo’y magiging mas maligaya, at maipangangaral natin ang Ebanghelyo ni Jesucristo. Magagawa ito ng lahat. Posible ito. Hindi tayo hinilingan ng Diyos na gawin ito at pagkatapos ay pinagkaitan tayo ng kapangyarihang gawin ito.12
Kailangang karapat-dapat ang full-time na mga misyonero na maglingkod.
Sa Bahagi 4 ng Doktrina at mga Tipan, natanggap ni Propetang Joseph ang isang paghahayag na “masdan, isang kagila-gilalas na gawain ang malapit nang maganap sa mga anak ng tao.
“Samakatwid, O ikaw na humaharap sa paglilingkod sa Diyos, tiyaking pinaglilingkuran mo siya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas upang ikaw ay makatayong walang-sala sa harapan ng Diyos sa huling araw.” (D at T 4:1–2.) …
Ang [isang] mahalagang tampok sa paghahayag na ito, at ng iba pang ibinigay halos noong panahong iyon ay ang pagbanggit ng mahahalagang kwalipikasyon ng mga taong makakasama sa pagsasakatuparan ng kagila-gilalas na gawaing ito. Ang mga kwalipikasyong ito’y wala sa taglay na yaman, wala sa katanyagan sa lipunan, wala sa piniling partido sa pulitika, wala sa natanggap na gawad sa militar, ni sa maharlikang pagsilang; kundi nasa hangaring paglingkuran ang Diyos nang buo ninyong “puso, kakayahan, pag-iisip at lakas”—mga espirituwal na katangian na nakadaragdag sa pagkamaharlika ng kaluluwa. Inuulit ko: Walang katanyagan, walang yaman, walang pagsasanay sa relihiyon para mapamahalaan ang simbahan—gayunman, “isang kagila-gilalas na gawain ang malapit nang maganap [noon] sa mga anak ng tao.”13
May mga partikular na pamantayan kung saan dapat magabayan [ang mga bishop at stake president] sa pagtawag ng ating mga misyonero. Una, huwag tawagin ang sinumang [misyonero] sa layuning iligtas siya. Naliligaw ng landas ang binata at inaakala ninyong makabubuti sa kanya ang misyon. Makabubuti nga. Pero hindi iyan ang dahilan kung bakit ninyo siya ipadadala sa misyon. Piliin [ang mga misyonero] na karapat-dapat kumatawan sa Simbahan, tiyaking nasa husto na silang kaisipan, at higit sa lahat, na mabuti ang kanilang pag-uugali.14
Makabubuting huwag nating masyadong isipin ang buting idudulot nito sa mga kinatawan sa paghahanda nila sa mga responsibilidad na kaakibat ng tawag sa misyon. Sa pagpili ng misyonero makabubuting isaisip ang mga tanong na tulad ng sumusunod:
Karapat-dapat ba siyang maging kinatawan ng Simbahan?
May sapat ba siyang determinasyon na labanan ang tukso?
Napanatili ba niyang malinis ang kanyang sarili habang nasa tahanan siya at sa pamamagitan ng pamantayang iyon ay napatunayang kaya niyang labanan ang posibleng maging tukso sa misyon?
Naging aktibo ba siya sa mga organisasyon ng Simbahan habang nasa tahanan?
May ideya ba siya kahit paano sa iniaalok ng Simbahan sa mundo?
May ideya ba siya na ang Simbahan ang pinakadakilang bagay sa daigdig, at ang tanging awtorisadong grupo na kinatawan ng Panginoong Jesucristo sa kaligtasan ng sangkatauhan? …
Nadama ba niya sa pamamagitan ng dalangin, o ng karanasan, na malapit ang Diyos sa kanya, na malalapitan niya ang Panginoon tulad ng paglapit niya sa kanyang ama sa lupa?15
Samakatwid bawat elder na nangingibang bayan para ipangaral ang ebanghelyo ay kailangan munang ipamuhay ang ebanghelyo sa abot ng kanyang makakaya, at magkaroon ng pananalig sa kanyang puso na ipinangangaral niya ang katotohanan. Tunay na sa una ang patotoong ito’y maaaring tila walang katiyakan; ngunit lahat ng ating mga anak ay ganyan kahit paano. …Sa pamamagitan ng pag-aaral, paglilingkod, kababaang-loob at panalangin, ang patotoong ito’y madaragdagan.
Ang isa pang kwalipikasyon ay ito: Bawat elder ay dapat maging maginoong Kristiyano sa tuwina. Maginoo—sino siya? “Ang sinumang bukas”—walang itinatago, hindi nakatungo dahil may kasalanan; “ang sinumang tapat”—tapat sa katotohanan, sa mabuting katangian, sa Word of Wisdom—“totoo, maawain at palakaibigan, kagalang-galang siya mismo at ang kanyang paghatol sa iba, tapat sa kanyang sinabi ayon sa batas, at tapat kapwa sa Diyos at sa tao—ang gayong tao ay maginoo, ” at ang gayong tao na elder ng Simbahang ito ang dapat humayo para gawing Kristiyano ang mundo.16
Nauunawaan ng bawat deacon, teacher, at priest, ng bawat elder sa Simbahan na para maging karapat-dapat na kinatawan ng Simbahan ni Cristo, kailangang maging mahinahon siya at malinis ang pagkatao. Tinuturuan siya na walang dobleng pamantayan sa kalinisang-puri, na bawat kabataan ay hindi dapat masangkot sa kasalanang seksuwal. …
Sinasabihan ang mga binatilyong ito na humayo bilang mga kinatawan ng Simbahan, at ang kinatawan ng alinmang organisasyon—sa pangkabuhayan o relihiyon—ay kailangang magtaglay ng kahit isang kakaibang katangian, at iyon ay: mapagkakatiwalaan. Tama ang taong nagsabing, “Mas magandang katangian ang mapagkatiwalaan kaysa mahalin.” At sino ang kinakatawan ng mga misyonerong ito? Una, kinakatawan nila ang kanilang mga magulang, taglay ang responsibilidad na panatilihing malinis at di nadudungisan ang kanilang pangalan. Pangalawa, kinakatawan nila ang Simbahan, lalo na ang ward kung saan sila nakatira. At pangatlo, kinakatawan nila ang Panginoong Jesucristo, sila’y mga awtorisadong lingkod Niya.
Ang mga embahador na ito, dahil gayon nga sila, ang kumakatawan sa tatlong grupong ito at taglay nila sa pagkatawang iyon ang isa sa mga pinakadakilang responsibilidad sa kanilang buhay.17
Maraming dulot na pagpapala ang paglilingkod ng misyonero.
Kung gusto ninyong mapalakas ang inyong patotoo, na maihayag ngayon sa bawat isa sa inyo na tinutulungan kayo ni Cristo sa inyong gawain, na ginagabayan ang kanyang Simbahan, ang pinakamainam na paraan para gawin iyan ay … gampanan ang inyong tungkulin, … atupagin ang gawaing misyonero.18
Ang paglilingkod … sa misyon ay pagpapala sa kahit sino. Kinikilala ito ng libu-libong mga magulang sa buong Simbahan na nagpapahalaga sa gayong gawain sa kanilang mga anak, dahil ang karanasang ito ang pumupukaw sa pagpapahalaga sa tahanan at sa ebanghelyo. Alam din ng mga magulang na ang gawaing misyonero ay naghahatid ng kabatiran ng katotohanan ng ebanghelyo, na marahil ay nadama ng mga binata ngunit hindi naipamalas.19
Marami sa atin ang hindi nakauunawa sa kahalagahan at maaaring marating ng dakilang sangay na ito ng gawain [gawaing misyonero] ng Simbahan.
1–Bilang halimbawa ng kusang-loob na paglilingkod sa ngalan ng Guro, hindi ito mapapantayan.
2–Bilang insentibo sa malinis na pamumuhay ng kabataan, bilang isang aspetong tumutulong sa pagbuo ng pagkatao, ang impluwensya nito’y di masusukat.
3–Bilang puwersang nagtuturo at impluwensyang nagbibigaysigla sa ating mga komunidad, kitang-kita ang epekto nito.
4–Bilang isang aspetong tumutulong sa mas mabuting unawaan ng mga bansa, at para maitatag ang pangkalahatang pagkakaibigan, napakalaki ng impluwensya nito.
5–Dahil layunin ng Pinakamakapangyarihan na iligtas ang tao, … angkop na angkop ang gawaing misyonero sa pagsasakatuparan ng walang hanggang plano!
“Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos; …
“At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!
“At ngayon, kung ang inyong kagalakan ay magiging malaki sa isang kaluluwa na inyong nadala sa akin sa kaharian ng aking Ama, anong laki ng inyong kagalakan kung makapagdadala kayo ng maraming kaluluwa sa akin!” (D at T 18:10, 15–16.)20
Kailangang magbago ang puso ng mga tao. Naparito si Cristo sa mundo dahil sa layuning iyon. Ang pangunahing dahilan ng pangangaral ng ebanghelyo ay baguhin ang mga puso at buhay ng mga tao. Kayong mga kapatid na nagpupunta sa mga stake at nakikita ang patibay at patotoo ng mga taong kailan lang nagbalik-loob … ay makapagpapatotoo kung paano napagbabago ng pagbabalik-loob ang kanilang buhay, sa pagbibigay nila ng kanilang patotoo. Sa gayong pagbabalik-loob ay nagdudulot sila ng kapayapaan at kabutihan sa daigdig sa halip na magdulot ng alitan [at] pagdurusa.21
Ipinahahayag ng ating mga misyonero … ngayon sa maligalig na daigdig na ang mensaheng hatid ng pagsilang ni Jesus—“sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan” [tingnan sa Lucas 2:14]—ay magkakatotoo dito at ngayon sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo.22
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Madalas magpakita ng pasasalamat si Pangulong McKay sa pagsisikap ng mga misyonero na nagturo sa kanyang mga magulang. Paano kayo napagpala, o ang isang taong kakilala ninyo, ng gawaing misyonero?
-
Saan nakasalalay ngayon ang responsibilidad ng gawaing misyonero? (Tingnan sa mga pahina 59–61.) Ano ang mga pagkakataong mayroon tayo para masunod ang bilin ni Pangulong McKay na bawat miyembro ay dapat maging misyonero? Paano natin maihahanda ang ating sarili para magampanan ang responsibilidad na ito?
-
Ano ang mga mapagkukunang inilaan ng Simbahan para tulungan tayong maibahagi ang ebanghelyo? Sa paanong paraan tayo inutusan na tulungan ang mga full-time at ward missionary sa ating lugar?
-
Ano ang mga kwalipikasyong kailangan sa paglilingkod ng fulltime na misyonero? (Tingnan sa mga pahina 62–65.) Bakit mahalagang maging karapat-dapat at mapagkakatiwalaan sa paglilingkod ang misyonero?
-
Ano ang maaaring gawin ng mga kabataan para maihanda ang kanilang sarili sa pagmimisyon? Ano ang magagawa ng matatanda para tulungan ang mga kabataan sa paghahanda sa pagmimisyon?
-
Paano maisasagawa ng mga taong may kapansanan sa katawan at kaisipan ang gawaing misyonero? Paano pa sila makapaglilingkod sa Simbahan?
-
Sa paanong paraan makatutulong nang malaki sa misyon ang matatandang mag-asawa?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:3 Nephi 12:14–16; D at T 4:1–7; 18:15–18; 75:2–5; 88:81; 90:11