Kabanata 22
Kalayaang Pumili at Responsibilidad
Nakasalalay sa inyo ang kahihinatnan ninyo bilang indibiduwal. Narito kayo sa mundo upang piliin ang tama o mali, upang tanggapin ang tama o magpadala sa tukso. Sa pagpiling iyan nakasalalay ang pag-unlad ng espirituwal na bahagi ninyo. Pangunahin iyan sa ebanghelyo ni Jesucristo.1
Panimula
Naglingkod nang mahigit anim na dekada si Pangulong David O. McKay bilang General Authority, at sa panahong ito saksi siya sa maraming katangi-tanging kaganapan sa kasaysayan ng daigdig. Nakita niya ang kaguluhan sa buong mundo, pati na ang dalawang digmaang pandaigdig, laganap na mga pag-aaway sa mga rehiyon, at pagsulpot ng mga bansang pinakamakapangyarihan sa banta ng digmaang nukleyar. Nakita rin niya ang malalaking pagbabago sa ekonomiya at lipunan, tulad ng Matinding Kahirapan at ang lumalaking pagtanggap ng mundo sa dagliang kasiyahang dulot ng kahalayan sa seks at bawal na gamot. Bilang inspiradong saksi sa kasaysayan, maraming beses siyang nagsalita sa mga miyembro ng Simbahan tungkol sa kalayaan at kanikanyang responsibilidad. Sa isang mensahe sa kumperensya matapos sumali ang Estados Unidos sa Unang Digmaang Pandaigdig, nagsalita si Elder McKay (na noo’y miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol) tungkol sa mga trahedyang namamayani sa mundo:
“Hindi ako naniniwala na ang Diyos ang nagdulot ng dalamhati, gutom, salot, at kamatayan na laganap ngayon sa mga bansang Europa na pininsala ng digmaan. Naniniwala ako na ang mga kalagayan ng mundo ngayon ay tuwirang resulta—isang di maiiwasang resulta, ng pagsuway sa mga batas ng Diyos. … Maaaring piliin ng mga tao ang tama o ang mali; makalalakad sila sa kadiliman o sa liwanag; at, tandaan ninyo, hindi iniwan ng Diyos ang kanyang mga anak na walang liwanag. Binigyan niya sila sa iba’t ibang dispensasyon ng mundo ng liwanag ng ebanghelyo kung saan makalalakad sila na di natitisod, makatatagpo sila ng kapayapaan at kaligayahang nais niya, bilang mapagmahal na Ama, na tamasahin ng kanyang mga anak, ngunit hindi kinukuha ng Panginoon ang kanilang kalayaang pumili.”2
Bagama’t batid ni Pangulong McKay ang mga trahedyang magaganap kapag pinili ng mga tao ang kasamaan, lagi pa rin siyang nagpapasalamat sa kaloob na kalayaang pumili. Naunawaan niya ang mga biyayang dumarating sa mabubuting pagpili, at pinaalalahanan ang mga tinuruan niya na ang kalayaang pumili ay mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan. Sa kanyang mga diskurso tungkol sa paksang kalayaang pumili, madalas niya itong tawaging “pinakadakilang kaloob ng Diyos sa tao.”
Mga Turo ni David O. McKay
Ang walang-hanggang kaloob na kalayaan ay nagpapahintulot sa atin na umunlad at magtamo ng kadakilaan.
Ang kalayaang pumili ay pinanggagalingan ng pag-unlad ng kaluluwa. Layon ng Panginoon na maging katulad niya ang tao. Para makamit ito ng tao kinailangan muna siyang bigyang-laya ng Maylikha.3
May mahalagang reperensya sa [aklat ng Apocalipsis] tungkol sa “digmaan sa langit.” (Apoc. 12:7.) Hindi lang ito mahalaga, kundi mukhang salungat pa, dahil itinuturing natin ang langit bilang selestiyal na tahanang maluwalhati, isang kalagayan na imposibleng umiral ang digmaan at pag-aaway. Mahalaga ang taludtod na ito dahil nagpapahiwatig ito ng kalayaang pumili at kumilos sa daigdig ng mga espiritu. Sa Mahalagang Perlas ibinigay sa atin ang salaysay na ito: “Dahil dito, sapagkat yaong si Satanas ay naghimagsik laban sa akin, at naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao, na ako, ang Panginoong Diyos, ang nagbigay sa kanya, at gayon din, na aking dapat ibigay sa kanya ang aking sariling kapangyarihan; sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Bugtong na Anak, aking pinapangyaring siya ay mapalayas;
“At siya ay naging si Satanas, oo, maging ang diyablo, ang ama ng lahat ng kasinungalingan, upang linlangin at bulagin ang mga tao, at akayin silang bihag sa kanyang kagustuhan, maging kasindami ng hindi makikinig sa aking tinig.” (Moises 4:3–4; idinagdag ang italics.)
Dalawang bagay ang mapupuna ninyo sa taludtod na iyan: una, na si Satanas ay determinadong wasakin ang kalayaang pumili ng tao. Ang kalayaang pumili ay kaloob ng Diyos. Bahagi ito ng kanyang kabanalan. Ang ikalawa ay hinangad niyang pangunahan ang Diyos. Uulitin ko ang sabi niya, “Ibigay ninyo sa akin ang inyong karangalan.” [Tingnan sa Moises 4:1.]
Hindi nauunawaan ng mundo ang kabuluhan ng banal na kaloob na iyon sa tao. Iyon ay likas na gaya ng katalinuhan na sabi nila ay hindi pa nilikha ni hindi maaaring likhain [tingnan sa D at T 93:29].4
Ang kalayaang magpasiya at ang responsibilidad na kaakibat niyon ay mga pangunahing aspeto ng mga turo ni Jesus. Sa kanyang ministeryo binigyang-diin niya ang halaga ng tao, at nagpakita ng halimbawa ng ipinahiwatig sa makabagong paghahayag bilang gawain at kaluwalhatian ng Diyos—“Ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.” [Moises 1:39.] Tanging sa pamamagitan lamang ng banal na kaloob na kalayaan ng kaluluwa posible ang gayong pag-unlad.
Ang puwersa, sa kabilang banda, ay nagmumula mismo kay Lucifer. Maging bago pa isilang ang tao, hinangad na ni Satanas ang kapangyarihang pilitin ang pamilya ng tao na gawin ang kalooban niya sa pamamagitan ng pagmumungkahi na huwag paganahin ang kalayaang pumili ng tao. Kung tinanggap ang kanyang plano, magmimistulang puppet ang mga tao sa kamay ng isang diktador, at mabibigo ang layunin ng paglalagak ng tao sa lupa. Kaya nga tinanggihan ang iminungkahing sistema ng pamamahala ni Satanas, at itinatag ang alituntunin ng kalayaang pumili.5
Bagama’t nilikha ng Diyos ang sansinukob at lahat ng naroon, “ang tao ang hiyas ng Diyos.” Isa pa itong paraan ng pagsasabi na ang daigdig ay nilikha para sa tao at hindi ang tao para sa daigdig. Ibinigay ng Diyos sa tao ang bahagi ng kanyang kabanalan. Binigyan niya ang tao ng kapangyarihang pumili, at walang ibang nilikha sa mundo ang mayroon nito. Kaya binigyan niya ng obligasyon ang tao na pamahalaan ang sarili bilang walang-hanggang nilalang. Wala na kayong maiisip na mas dakilang kaloob sa lalaki o babae maliban sa kalayaang pumili. Kayo lang ang mananagot, at sa pamamahala at paggamit ng kalayaan sa pagpili, uunlad ang inyong pagkatao, tatalino kayo at magiging banal, at sa huli’y makakamtan ninyo ang mataas na kadakilaang iyon. Malaking obligasyon iyan. Iilang tao ang nagpapahalaga rito. Maliwanag na itinuro ang landas—handog ng isa ay pag-iral na tulad ng hayop, ang isa’y saganang buhay. Subalit, ang pinakadakilang likha ng Diyos—ang tao—ay madalas na kontentong gumapang na parang hayop.6
Kasunod ng pagkakaloob mismo ng buhay, ang karapatang pamahalaan ang buhay na iyon ang pinakadakilang kaloob ng Diyos sa tao. … Ang kalayaang pumili ay mas dapat ingatan kaysa anumang pag-aari sa daigdig. Ito’y likas sa espiritu ng tao. Ito’y banal na kaloob. … Isinilang man sa abang karukhaan o napapaligiran ng minanang yaman, lahat ay taglay ang pinakamahalagang kaloob na ito sa buhay—ang kaloob na kalayaang pumili; ang karapatang mana ng tao na di maipagkakait.7
Ipinakikita ng mga reperensya sa mga Banal na Kasulatan na [ang kalayaan sa pagpili] ay (1) mahalaga sa kaligtasan ng tao; at (2) maaaring gawing panukat sa paghatol sa mga kilos ng tao, mga organisasyon, o mga bansa.
“Samakatwid, magalak sa inyong mga puso, at tandaan ninyo na kayo ay malayang makakikilos para sa inyong sarili—ang piliin ang daan ng walang-hanggang kamatayan o ang daan ng buhay na walang hanggan.” (2 Nephi 10:23.)8
Kaakibat ng kalayaan sa pagpili ang personal na responsibilidad na tuparin ang “tunay na layunin ng buhay.”
Responsibilidad ng bawat tao na piliin ang landas ng katwiran, ng katapatan at tungkulin sa kapwa. Kung iba ang [pipiliin] niya, at bunga nito’y kabiguan, pagdadalamhati at kamatayan, siya lang ang dapat sisihin. Tulad ng sinabing minsan ni Pangulong [Brigham] Young:
“Kung maligaw ng landas si Brother Brigham at mapagsarhan ng kaharian ng langit, walang masisisi kundi si Brother Brigham. Ako lamang ang tanging masisisi sa langit, sa lupa, o sa impiyerno.
“Aakma rin ito sa bawat Banal sa mga Huling Araw. Kanikanyang sikap ang kaligtasan. … Kapag inihatid sa akin ang kaligtasan, maaari ko itong tanggihan o tanggapin. Sa pagtanggap dito, habambuhay akong lubos na sumusunod at nagpapasailalim sa dakilang May-akda nito, at sa lahat ng itatalaga niyang magturo sa akin; sa pagtanggi rito, mas sinusunod ko ang kalooban ko kaysa sa kalooban ng aking Manlilikha.” [Tingnan sa Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe (1954), 390.]9
May kaakibat na responsibilidad ang kalayaang pumili. Kung gagantimpalaan ang tao sa pagkamakatwiran at pinarusahan dahil sa kasamaan, kung magkagayo’y hihilingin ng karaniwang katarungan na bigyan siya ng kapangyarihang makakilos nang malaya. Mahalagang malaman ng tao ang mabuti at masama para umunlad sa daigdig. Kung mapipilitan siyang gawin ang wasto sa lahat ng oras, o pinilit na magkasala, hindi niya tatamuhin ang biyaya sa una ni ang parusa sa ikalawa. …
… Ang responsibilidad ng tao ay umaayon sa kanyang kalayaang pumili. Ang mga kilos na ayon sa banal na batas at mga batas ng kalikasan ay magdudulot ng kaligayahan, at yaong sumasalungat sa banal na katotohanan, ay dalamhati. Pananagutan ng tao hindi lang ang bawat gawain, kundi pati na ang bawat salita at kaisipang walang kabuluhan. Sinabi ng Tagapagligtas:
“… ang bawa’t salitang walang kabuluhang sabihin ng mga tao ay ipagsusulit nila sa araw ng paghuhukom.” (Mateo 12:36.)10
Ang daigdig sa buong karingalan at kagandahan nito ay hindi ang katapusan at layon ng paglikha. “… [ang] aking kaluwalhatian, ” sabi mismo ng Panginoon, “(ay) ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.” (Moises 1:39.) At ang tao, sa paggamit ng banal na kaloob na kalayaang pumili, ay dapat madama na tungkulin at obligasyon niyang tulungan ang Maylikha sa pagsasakatuparan ng banal na layuning ito.
Ang tunay na katapusan ng buhay ay hindi lang basta pag-iral, kasiyahan, katanyagan, kayamanan. Ang tunay na layon ng buhay ay gawing perpekto ang sangkatauhan sa pamamagitan ng pagsisikap ng bawat isa, sa ilalim ng patnubay ng inspirasyon ng Diyos.11
May ilang simple ngunit mga pangunahing bagay na magagawa ang lahat. Isa rito ay ang mapagsikapan ng bawat tao ang sarili niyang kaligtasan. Namumukod-tangi sa doktrina ng Simbahan ang pagdadala ng responsibilidad na ito ng bawat tao, at ang kaligtasan ng tao ay isang proseso ng unti-unting pag-unlad. … Dapat nating hangarin ang lakas at biyaya ng Diyos para magkainspirasyong kamtin ang huling tagumpay.
Gayunpaman, ang tao ay hindi maliligtas sa katamaran, kapapangarap at kasabikan na mahimalang ilagak ng Diyos ang masaganang biyaya sa ating kandungan. Ito’y sa paggawa ng dapat gawin o ng tungkuling gagampanan, sa araw-araw, oras-oras, sanda-sandali, kung kailangan, at sa masayang pagpapatuloy sa paggawang iyon sa paglipas ng mga taon, na iniiwan ang bunga ng mga pagsisikap na iyon sa sarili o sa iba na maigawad ayon sa pasiya ng makatarungan at mapagbigay na Ama.
Hindi ko isinasantabi ang banal na kasulatang nagsasaad na, “Sa biyaya kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito’y hindi sa inyong sarili, ito’y kaloob ng Dios.” [Tingnan sa Mga Taga Efeso 2:8.] Talagang totoo ito, dahil nang taglayin ng tao ang mortalidad ay wala siyang [kapangyarihan] na iligtas ang kanyang sarili. Nang maiwang umaapuhap sa likas niyang katauhan, maaari siyang maging, at tunay na naging “likas na makamundo, makalaman, at maladiyablo.” [Alma 42:10.] Ngunit ang Panginoon dahil sa Kanyang kabaitan ay nagpakita sa tao, ibinigay sa kanya ang Ebanghelyo o walang hanggang plano upang makaahon siya mula sa mga makamundo at makasariling bagay sa buhay at magtamo ng espirituwal na kaganapan.
Ngunit kailangan niyang makaahon sa sarili niyang sikap at lumakad sa pananampalataya.12
Nagdudulot ng kaligayahan, kapayapaan, at kaligtasan ang pagpiling sundin ang mga alituntunin ng ebanghelyo.
Ang pag-ayon sa salita o batas ng Panginoon ay walang dudang tutulong sa kaligayahan at kaligtasan ng tao. Yaong mga ayaw sumunod sa utos ng Panginoon, sabi sa atin, ay sasailalim sa hustisya at paghatol. Sa madaling salita, walang tigil ang paggana ng batas ng kabayaran at kaparusahan sa moralidad ng mundo—kabayaran na katumbas ng pagsunod sa batas; tunay na antas ng kaparusahan ayon sa pagsuway.13
Hindi dumarating ang kapayapaan ni Cristo sa paghahangad ng mga paimbabaw na bagay sa buhay, kundi dumarating lamang ito kung nagmumula sa puso ng tao. Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo.” [Juan 14:27.] Kaya nga ang Anak ng Tao bilang tagapagpaganap ng sarili niyang kalooban at tipan ay ibinigay sa kanyang mga disipulo at sangkatauhan ang “una sa lahat ng biyaya sa tao.” Isa itong pamana ayon sa pagsunod sa mga alituntunin ng Ebanghelyo ni Jesucristo. Ipinamamana ito sa bawat tao. Walang taong nagiging payapa sa kanyang sarili o sa kanyang Diyos na hindi nagpapakatotoo sa sarili, lumalabag sa batas ng katwiran sa pakikitungo sa sarili sa pagpapalayaw sa kapusukan at hilig, at pagsuko sa mga tukso na labag sa kanyang budhi, o sa pakikitungo sa kapwa, na hindi tapat sa kanilang pagtitiwala. Hindi dumarating ang kapayapaan sa lumalabag sa batas; dumarating ito sa pagsunod sa batas. At iyan ang mensaheng nais ni Jesus na ipahayag natin sa mga tao.14
Binigyan tayo ni Jesucristo, ang Tagapagligtas ng mundo, ng paraan upang makamtan ng tao ang walang hanggang kaligayahan at kapayapaan sa kaharian ng ating Ama, ngunit kailangang pagsikapan ng tao ang sarili niyang kaligtasan sa pagsunod sa mga walang hanggang alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo.15
Bilang mga miyembro ng lipunan, dapat nating pahalagahan ang kalayaan at isulong ang responsableng paggamit nito.
Ang kalayaang magsalita at kumilos sa loob ng mga hangganang hindi manghihimasok sa kalayaan ng iba ay … mga banal na kaloob na “mahalaga sa dangal at kaligayahan ng tao.”16
Ang kalayaan ay maaaring makatulong o makasama ayon sa paggamit nito. … “Ang kalayaan ay kapaligiran ng mas matayog na pamumuhay. … Kalayaan?—ito’y paggalang. … Dapat magkaroon ng kakayahan at gawing marapat ang mga tao sa [kalayaan], kung hindi’y imposibleng makisalamuha sa lipunan.”17
Ang tunay na kalayaan ng mga tao ay ang masiyahan sa bawat katwirang makatutulong sa kapayapaan at kaligayahan ng isang tao, basta’t hindi makapanghihimasok sa pribilehiyo ng iba ang paggamit ng pribilehiyong iyon. Hindi ito sa paggawa ng gustong gawin ng isang tao, kundi sa paggawa ng dapat niyang gawin. Karapatan ng bawat tao na pamahalaan ang sarili niyang oras at mga kilos na naaayon sa katarungan at hustisya sa kanyang kapwa at ayon sa mga batas ng Diyos. … Ito’y kalayaan sa pagpili, isang banal na kaloob, isang mahalagang katangian sa mapayapang lipunan.18
Sa mga panahong ito ng kawalang-katiyakan at kaguluhan, pinakamalaking responsibilidad at pinakamahalagang tungkulin ng mga taong mapagmahal sa kalayaan na pangalagaan at ipahayag ang kalayaan ng tao, ang relasyon niya sa Diyos, at … ang pangangailangang sundin ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo—sa gayon lamang matatagpuan ng sangkatauhan ang kapayapaan at kaligayahan.19
Kung pagagandahin natin ang mundo, itaguyod ang higit na pagpapahalaga sa … kalayaan at kasarinlan.20
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Bakit tayo binigyan ng Diyos ng kalayaang pumili? (Tingnan sa mga pahina 236–38.) Bakit gustong ipagkait ni Satanas ang ating kalayaan? (Tingnan sa mga pahina 236–37.)
-
Paano patuloy na sinisikap impluwensiyahin ni Satanas ang ating kalayaang pumili? Paano natin malalabanan ang mga pagtatangkang iyon?
-
Anong patnubay ang inilaan ng Panginoon para tulungan tayong gamitin nang matwid ang ating kalayaang pumili? Ano ang maipapayo ninyo sa taong nahihirapang malaman ang tama sa mali?
-
Paano matuturuan at masasanay ng mga magulang ang kanilang mga anak hanggang matuto silang magdesisyon sa sarili? Paano natin maigagalang ang kalayaang pumili ng mga kapamilya at kasabay nito’y matulungan silang gumawa ng mga tamang desisyon? Paano natin matutulungan ang mga kapamilya na maunawaan ang kahihinatnan ng kanilang mga desisyon?
-
Itinuro ni Pangulong McKay na ang layon ng buhay ay “gawing perpekto ang sangkatauhan sa pamamagitan ng pagsisikap ng bawat isa, sa ilalim ng patnubay ng inspirasyon ng Diyos” (pahina 240). Paano tayo matutulungan ng kalayaang pumili na tuparin ang banal na layuning ito? (Tingnan sa mga pahina 239–41.) Anu-ano ang kani-kanyang mga responsibilidad natin sa paggamit ng ating kalayaan sa pagpili? (Tingnan sa mga pahina 239–41.)
-
Ano ang kaugnayan ng personal na kalayaan sa Pagbabayadsala ni Jesucristo?
-
Paano tayo pinalalaya ng makatwirang paggamit ng kalayaan?
-
Paano tayo makatutulong na mapangalagaan ang kalayaan at isulong ang responsableng paggamit ng kani-kanyang kalayaan? (Tingnan sa mga pahina 242–43.)
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Josue 24:15; 2 Nephi 2:14–16, 26–28; Alma 5:40–42; Helaman 14:30–31; D at T 58:26–28; 130:20–21; Abraham 3:24–28