Kabanata 15
Pagdanas ng Kaligayahan sa Pag-aasawa
Ang mataas na pagpapahalaga sa kasal ayon sa Simbahan ay ipinahayag sa anim na katagang mababasa sa ikaapatnapu’t siyam na bahagi ng Doktrina at mga Tipan: “ang kasal ay inorden ng Diyos.” (D at T 49:15.)1
Panimula
Ikinasal sina David O. McKay at Emma Ray Riggs sa Salt Lake Temple noong ika-2 ng Enero 1901, ang unang mag-asawang ibinuklod sa templong iyon sa taong iyon. Ang 69 na taong pagsasama nila ay halimbawa ng patuloy na katapatan ng isang mag-asawa sa isa’t isa. Napuna ng kapwa mga kaibigan at estranghero ang tibay ng kanilang pagsasama. Minsa’y ikinuwento ni Sister McKay ang sumusunod na karanasan:
“Sinamahan ko ang asawa ko sa dedikasyon ng isang meetinghouse sa Los Angeles. Huminto kami sa Wilshire Boulevard para magpahugas ng kotse. Naupo ako sa bangko at nasa tabi naman ng kotse ang Pangulo. Bigla kong narinig sa may siko ko ang tinig ng isang musmos na nagsasabing, ‘Palagay ko’y mahal kayo ng lalaking iyon.’ Gulat akong lumingon at nakita ko ang guwapong batang mga pitong taong gulang na kulot ang buhok at malalaki ang brown niyang mga mata. ‘Ano’ng sabi mo?’
“ ‘Sabi ko, palagay ko’y mahal kayo ng lalaking iyon.’
“ ‘Oo naman, mahal niya ako; asawa ko siya. Bakit mo itinatanong?’
“ ‘E, kasi, ang ganda ng ngiti niya sa inyo. Alam ninyo, ibibigay ko ang lahat sa mundo kung ngingitian ni Itay si Inay nang ganoon.’ ”2
Hanggang maupo sa wheelchair si Pangulong McKay, lagi siyang tumatayo kapag pumapasok sa silid ang kanyang asawa, ipinag-uurong ito ng silya, at pinagbubuksan ng pintuan ng kotse. Lagi rin niya itong hinahagkan bago umalis at pagdating. Nagpatuloy ang ugaling ito nang kapwa naka-wheelchair na sina Pangulo at Sister McKay. Minsan nang i-wheelchair si Pangulong McKay papunta ng miting, bulalas niya: “Balik tayo. Hindi ko nahagkan si Ray.” Ibinalik siya para sa ritwal ng pag-ibig na ito na naging bahagi na ng kanilang relasyon.3
Malaking papuri sa pagsasama ng mga McKay ang ibinigay ng bata pang magkasintahan na naghahandang makasal. Isa sa mga anak na lalaki ni Pangulong McKay, si David Lawrence McKay, ang nagsalaysay ng sumusunod na karanasan:
“Nang naninirahan sina Itay at Inay sa 1037 East South Temple [sa Salt Lake City], may dumating na bata pang magkasintahan na sakay ng kotse, bumaba, at naupo sa damuhan sa harapan. Doon, niyaya ng lalaki ang babae na magpakasal. Ayon sa pagkakuwento niya sa isang kapamilya, iyo’y dahil ‘Gusto kong maging huwaran ang aming pagsasama tulad nina Pangulo at Sister McKay.’ ”4
Mga Turo ni David O. McKay
Ang tipan ng walang hanggang kasal ay naghahatid ng galak at nagpapatibay ng pag-iibigan.
Sa mga turo ng Simbahan ni Jesucristo, pinakamahalaga ang pamilya sa pag-unlad ng tao at ng lipunan. “Higit na mas maligaya ang mga nagtatamasa ng walang udlot na pagsasama, na ang pag-iibigan, na hindi napatid ng anumang reklamo, ay hindi maglalaho hanggang sa huling araw.” Hindi ito maglalaho kapag naibuklod ng awtoridad ng Banal na Priesthood magpasawalang-hanggan. Ang seremonya ng kasal, kapag naibuklod nang gayon, ay nagdudulot ng ligaya at galak na di kayang higitan ng anumang iba pang karanasan sa mundo. “Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao.” [Marcos 10:9.]5
Ang kawalang-hanggan ng tipan sa kasal ay isang maluwalhating pahayag, na nagbibigay-katiyakan sa mga pusong binigkis ng ginintuang tanikala ng pag-ibig at ibinuklod ng awtoridad ng Banal na Priesthood upang maging walang hanggan ang kanilang pagsasama.6
Isang salita tungkol sa kawalang-hanggan ng tipan sa kasal. … Tingnan natin ang prinsipyo nito. Isipin mo nga para sa akin ang pinakabanal na katangian ng kaluluwa ng tao? … Ang pag-ibig ang pinakabanal na katangian ng kaluluwa ng tao, at kung tinatanggap ninyo ang imortalidad ng kaluluwa, na ibig sabihi’y, kung naniniwala kayo na nananaig ang personalidad pagkamatay, kung gayo’y naniniwala kayo na nananaig din ang pag-ibig. Hindi ba tama iyon? At itatanong ko ito sa inyo: Sino ang mamahalin natin kapag nakilala natin ang mga personalidad na iyon sa kabilang buhay?
Totoong pinapayuhan tayo na mahalin ang lahat. Oo, dapat nating mahalin ang lahat ngayon; ngunit alam nating pareho na mahal natin ang pinakakilala natin. … Kapag nakita natin ang mga taong ito sa kawalang-hanggan, makikilala natin sila, dahil sa mga karanasan sa buhay na ito. At ang pagsasamang iyon ng magkasuyo ay magpapatuloy sa kabilang buhay. Kaya tayo ikinakasal—ibinubuklod—para sa buhay na ito at magpasawalang-hanggan. Hindi lang ito basta doktrina ng Simbahan—mahalagang katotohanan ito sa buhay at kaligayahan ng buong sangkatauhan. Bahagi ito ng karunungan na piliin ang Bahay ng Panginoon para [ipangako] ang inyong pagmamahal at ganap na ilaan ang inyong mga sumpaan.7
Sa mataas na pagpapahalaga sa kasal ayon sa ipinahayag kay Propetang Joseph Smith, iisa lamang ang dapat mithiin ng mga miyembro ng Simbahan, at iyon ay ang isaisip ang katotohanan na ang kasal, ang pundasyon ng lipunan, ay “inorden ng Diyos” [D at T 49:15] para sa pagtatatag ng mga permanenteng tahanan kung saan mapapalaki nang wasto at matuturuan ng mga alituntunin ng ebanghelyo ang mga bata.8
Alisin natin ang mababang pagtingin sa kasal at bigyan ito ng mataas na pagpapahalaga tulad ng ginagawa ng Diyos. Kahapon ay nakatayo ako sa altar ng templo, na maraming beses ko nang ginawa, at nakita ang dalawang puso—dalawang kaluluwa—na pinag-iisa, tulad ng dalawang hamog sa tangkay ng rosas pagsilay ng araw sa umaga, ang isa ay umaanib sa isa, ang dalawa’y nagiging isa. Ang mataas na pagpapahalaga sa kasal sa isipan ng nobyong iyon, at ang pagpapahalaga ng nobya sa kasagraduhan ng kasal, sa palagay ko ay isa sa mga pinakadakilang bagay sa buong mundo. Mataas ang pagpapahalaga nila sa kasal, hindi mababa na para lang bigyang-kasiyahan ang kapusukan. Ituring natin ang kasal na sagradong obligasyon at ang tipan na pangwalang-hanggan hangga’t maaari.9
Ang bigkis ng kasal ay dapat maging walang hanggan tulad ng pag-ibig, ang pinakabanal na katangian ng kaluluwa ng tao. Kung gayo’y siguradong dapat magpatuloy ang bigkis hangga’t isa sa mga katangian ng espiritu ang pag-ibig.10
Mag-ingat tayo sa mga panganib na nakaamba sa pagsasama ng mag-asawa.
Talagang ipinahihiwatig ng mga palatandaan ng panahon na nanganganib ang kasagraduhan ng tipan sa kasal. May mga lugar na mapagdarausan ng mga seremonya sa kasal anumang oras ng araw o gabi nang walang anumang pasubali. Ibinibigay ang lisensya at isinasagawa ang seremonya habang naghihintay ang magkasintahan. Maraming mag-asawa na nabitag sa gayong mga panunukso ang nabigo sa kanilang pagsasama at nagdusa. Sa ilang pagkakataon ang mga lugar na ito ay walang iba kundi mga oportunidad para sa imoralidad na ginawang legal. A, napakalayo nila sa talagang uliran! Hangga’t kaya natin, dapat nating balaan ang mga magkasintahan laban sa sekreto at madaliang kasalan.
Mahalaga ring labanan ang mapanlinlang na impluwensiya ng mga babasahing nagsasaad ng “kawalang-silbi ng kasal, ” na nagtataguyod ng pagsasama nang walang kasal, at ipinapantay ang pakikiapid sa pakikipagkaibigan.11
Ang pag-aasawa ay sagradong relasyong pinapasukan para sa mga layuning alam ng lahat—unang-una ang pagpapalaki ng pamilya. Sinasabi ng ilang mapagmasid na tipong humahadlang ang modernong buhay ngayon sa mga layuning ito.12
Kung minsan ang mga taong mababa ang ambisyon at di makapagpigil ay pinahihintulutan ang kanilang kapusukan, na parang nagwawalang mga kabayo, na isinasantabi ang matalinong pagpapasiya at pagpipigil sa sarili. Ito ang nagiging dahilan para magkasala sila na uusig sa kanilang budhi at habambuhay nilang pagsisisihan.
Sa panahong ito na nawawalan na ng kahihiyan, at hindi na uso ang kalinisang-puri, isinasamo ko sa inyo na panatilihing malinis at walang bahid-dungis ng kasalanang ito ang inyong kaluluwa, na ang kahihinatnan ay magpapakonsiyensiya sa inyo hanggang sa usigin nito ang inyong budhi at pandirihan ang inyong pagkatao. … Tandaan din ang kahalagahan ng sinabi ng Tagapagligtas na kung sinuman ang makiapid sa kanyang puso, hindi mapapasakanya ang Espiritu, kundi itatatwa ang pananampalataya at matatakot [tingnan sa D at T 63:16].13
Dalawampu’t apat na taon na ang nagdaan nang umangkla ang barkong Marama sa labas ng batuhang koral sa paligid ng pulo ng Rarotonga, nagtanong sa kapitan ang isang pasaherong gustong bumaba kung bakit hindi niya inilapit nang husto ang barko sa daungan. Bilang sagot, sinabi ng sanay na marino na mapanganib ang karagatan at itinuro ang makina ng barkong Maitai, at ang tulis ng harapan ng isa pang barko, na litaw pa sa tubig— na kapwa hatid ang piping ebidensya ng panganib ng pag-angkla nang napakalapit sa pampang ng pulong naliligiran ng batuhang koral. “Dito tayo aangkla, ” sabi ng kapitan, “dahil mas ligtas na umiwas na magkapira-pirasong tulad ng dalawang barkong iyon, na ang kasko ay naiwan sa mapanganib na batuhan.”
Ang pagbabalewala sa kasal, ang masamang payo na “magsama nang walang obligasyon, ” ang aba at napakasamang teoriya ng “malayang pakikipagtalik, ” at ang nakahandang mga hukuman sa diborsyo ay mapanganib na mga batuhang kinasasadlakan ng maraming pamilya.14
Mas liligaya kayo kung mas tatagal kayo sa piling ng inyong asawa. Inilalayo kayo ng negosyo sa tahanan. Nag-iisa siya roon. Huwag ninyong hayaang makihati ang ibang babae sa inyong pagmamahal, at angkop iyan sa babae at maging sa lalaki. Datirati akala ko’y hindi ganoon; na lalaki lang ang dapat sisihin sa gulo, sigalot at lungkot na napakadalas mangyari, ngunit kinailangan kong baguhin ang aking opinyon. Ang pagsasama ang daan sa pagpapatuloy ng pagmamahalang naging dahilan ng inyong pagiging isa.15
Isa pang banta sa ating lipunan ang dumaraming diborsyo at tendensiyang ituring ang kasal bilang simpleng kontratang maaaring pawalang-bisa sa unang paghihirap o di pagkakaunawaang mangyayari.
Isa sa pinakamahahalagang pag-aari natin ang ating pamilya. Nangunguna at mas mahalaga sa buhay natin ngayon ang relasyon natin sa tahanan kaysa lahat ng iba pang pakikisama sa lipunan. Dito unang tumitibok ang puso at umuusbong ang marubdob na pag-ibig. Sa tahanan unang natututo ng magagandang pag-uugali ang tao. Ang mga responsibilidad, galak, lungkot, ngiti, luha, at malasakit nito ang bumubuo sa mga pangunahing interes sa buhay ng tao. …
Kapag inuna ng tao ang trabaho o paglilibang kaysa kanyang tahanan, sa sandaling iyon mismo ay magsisimulang humina ang kanyang kaluluwa. Kapag mas naaakit ang sinumang lalaki sa klab kaysa kanyang tahanan, panahon na para aminin niya nang buong kahihiyan na nagkulang siya sa pinakadakilang pagkakataon niya sa buhay at bumagsak sa huling pagsusulit ng tunay na pagkalalaki. … Ang pinakadukhang dampa kung saan namamayani ang pagmamahalan sa nagkakaisang pamilya ay mas mahalaga sa Diyos at sangkatauhan sa hinaharap kaysa anupamang yaman. Sa gayong tahanan makagagawa at gagawa ng mga himala ang Diyos.16
Ang tagumpay na pag-aasawa ay nangangailangan ng patuloy na pagsusuyuan, pagsisikap, at katapatan.
Gusto kong bigyang-diin ang patuloy na pagsusuyuan, at iangkop ito sa matatanda. Maraming mag-asawang nagpakasal na ang tingin sa seremonya ng kasal ay wakas ng pagsusuyuan sa halip na simula ng walang-hanggang suyuan. Huwag nating kalimutan na sa mga problema ng buhay-pamilya—at dumarating ang mga iyon—mas napahahalagahan ang magiliw na pasasalamat at magalang na kilos kaysa matatamis na araw at buwan ng pagsusuyuan. Nakatutulong sa pag-iibigang naghatid sa inyo sa altar ang mga salitang “salamat, ” o “paumanhin, ” o “pakiusap, ” sa parte ng asawa matapos ang seremonya at sa mga pagsubok na dumarating sa tahanan araw-araw. Makabubuting tandaan na talagang unti-unting namamatay ang pag-ibig katulad ng katawang walang sustansya. Nabubuhay ang pag-ibig sa kabaitan at paggalang. Makabuluhan na ang unang pahayag na kilala ng buong Kristiyanismo bilang Awit ng Pag-ibig, ay, “Ang pagibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob.” [Tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 13:4.] Hindi binibigyang-karapatan ng singsing sa kasal ang sinumang lalaki na maging malupit o mawalan ng konsiderasyon, ni sinumang babae na maging salaula, magalitin, o bugnutin.
Ang susunod na impluwensiya sa maligayang pagsasama ninyo ay tatawagin kong pagpipigil sa sarili. May maliliit na pangyayaring umiinis sa inyo, at mabilis kayong magsalita nang masakit, pasigaw, at makasugat-damdamin. Walang katangiang higit na nakatutulong sa kaligayahan at kapayapaan ng tahanan liban sa napakagandang katangian ng pag-iingat sa pagsasalita. Iwasang magbitiw ng masakit na salita na biglang pumapasok sa inyong isipan kung kayo’y nasaktan o may makita kayo sa iba na nakasama ng loob ninyo. Sinasabing sa pagliligawan ay dapat nating imulat ang ating mga mata, ngunit matapos ang kasal ay bahagyang ipikit ang mga ito. …
“Ang pag-aasawa ay relasyong hindi tatagal sa kasakiman, kawalan ng pasensiya, pagkadominante, pagkakaiba, at kakulangan sa respeto. Ang pag-aasawa ay relasyong umiiral sa pagtanggap, pagkakapantay-pantay, pagbabahagi, pagbibigay, pagtulong, pagganap, pagkatuto nang magkasama, katuwaan.”17
Bawasan ang pagpuna sa mali, purihin ang magagandang katangian. Pagkalipas ng unang kilig ng pulutgata, nakikita na ng mga mag-asawa ang mga kahinaan at kakatwang ugaling hindi nila napuna noon. Dumarating sa babae ang mga responsibilidad ng pagiging ina. Mahirap nang magbayad ng utang. Kaya nagiging mapamintas tayo. Matuto sana tayong kontrolin ang sarili natin sa ganito. …
Hindi ko itatatwa ang katotohanan na ang kasal na may tunay na kapayapaan, pag-ibig, kadalisayan, kalinisang-puri, at kaligayahan, ay laging dinadaluhan ng espiritu ni Cristo, at ng arawaraw, oras-oras na pagpupunyagi matapos sundin nang buong pagmamahal ang kanyang mga banal na utos, at lalo na, ang gabigabing dalangin ng pasasalamat sa mga biyayang natanggap.
Tulungan nawa tayo ng Diyos na magtatag ng mga tahanan kung saan mararanasan ang langit sa lupa. Alam nating pareho na posible ito, hindi ito isang pangarap, ni haka-haka. Magiging magiliw ang pagsasama ng mag-asawa na lalong pinayayabong ng mga problema sa buhay. Magkakaroon tayo ng mga tahanang hinding-hindi maririnig ng mga bata ang bangayan o away ng mga magulang. Tulungan nawa tayo ng Diyos … na magtatag ng gayong mga tahanan, at turuan ang ating mga kabataan na magkakaroon ng sariling pamilya, na maitangi ang gayong huwaran.18
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Ano ang labis ninyong nagustuhan sa relasyon nina Pangulo at Sister McKay? Paano nakatutulong ang relasyon nilang ito sa kredibilidad [ni Pangulong McKay] na magpayo tungkol sa pag-aasawa?
-
Itinuro ni Pangulong McKay na ang pag-ibig ang “pinakabanal na katangian ng kaluluwa ng tao” (pahina 167). Bakit ninyo ipinalalagay na totoo ito?
-
Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng “ang kasal ay inorden ng Diyos”? (Tingnan sa mga pahina 166–68.) Ano dapat ang epekto ng kaalamang iyon sa saloobin natin tungkol sa kasal? Ano ang itinuturo ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” hinggil sa kasal?
-
Anu-ano ang ilang panganib na nagbabanta sa mga mag-asawa ngayon? (Tingnan sa mga pahina 168–70.) Ano ang pagkakaiba ng pagtuturing sa kasal bilang isang tipan at ng pagtuturing dito bilang isang “simpleng kontrata?” Paano natin malulutas ang mga problema at sigalutan ng mag-asawa? (Tingnan sa mga pahina 170–72.)
-
Bakit ipinagpapaliban o iniiwasan ng ilang tao ang pag-aasawa? Paano natin matutulungan ang iba na ituring ang kasal bilang “pinakamataas na huwaran” na binanggit ni Pangulong McKay?
-
Bakit mahalaga ang patuloy na pagsusuyuan sa buong pagsasama ng mag-asawa? (Tingnan sa mga pahina 170–72.) Paano ninyo napalakas ang relasyon ninyo sa inyong asawa? Anong mga halimbawa ang nakita ninyo sa ibang mag-asawa na patuloy na pinatitibay ang kanilang pagsasama?
-
Bakit nakasisira ang masasakit na salita sa relasyon ng magasawa? Paano tayo mas makapagpipigil sa ganito? (Tingnan sa mga pahina 170–72.)
-
Itinuro ni Pangulong McKay na walang kasal na tumatagal na walang “espiritu ni Cristo” (mga pahina 171–72). Paano natin maihahatid ang espiritu ni Cristo sa pagsasama ng mag-asawa?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mateo 19:3–8; Mga Taga Efeso 5:25; D at T 25:14; 42:22; 49:15–17; 131:1–4