Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 18: Tapang na Mamuhay nang Matwid


Kabanata 18

Tapang na Mamuhay nang Matwid

Ang pinakamalaking pangangailangan sa mundo ngayon ay pananampalataya sa Diyos at tapang na gawin ang kanyang kalooban.1

Panimula

Sa mensahe sa isang pangkalahatang kumperensya, isinalaysay ni Pangulong David O. McKay ang kuwento ng isang lalaking nagngangalang James L. Gordon:

“Isang batang lalaki … ang nagpasiyang maging aprentis sa isang samahan ng mga karpintero. Matalino ang binatilyong ito, at tuwang-tuwa ang mga lalaki na tanggapin siya. Sabi nila, ‘Halika, uminom tayo sa pagpasok ng binatilyong ito sa ating grupo!’ Nagsalin sila ng serbesa [at] inabot sa kanya ang baso.

“Hindi po, salamat, hindi po ako umiinom, ’ wika niya.

“ ‘Aba, ’ sabi ng walang pitagang matanda, ‘di puwedeng makasama sa grupo ang hindi manginginom.’

“ ‘Eh, ’ sabi ng binatilyo, ‘magkakaroon kayo kung isasama ninyo ako.’

“Pinitserahan siya ng isa pa at ang sabi, ‘Bata, iinumin mo ang serbesang ito kung hindi ay ibubuhos ko ito sa iyo!”

“ ‘Gano’n ho ba, dumating ako rito na malinis ang dyaket at budhi. Marahil nga marurumihan ninyo ang dyaket ko, pero hindi ninyo madudungisan ang pagkatao ko.’

Ganito ang napuna ni Pangulong McKay sa binatilyo sa kuwento:

“Sinanay siya—ginagamit ko nang wasto ang salitang iyon— hindi lang tinuruan, kundi sinanay upang maiwasan ang tabako at alak. Iyan ang sinasabi kong tapang ng kalooban. Ang pinakamalaking pangangailangan sa mundo ngayon ay pananampalataya sa Diyos at tapang na gawin ang kanyang kalooban.”2

Mga Turo ni David O. McKay

Ang Tagapagligtas ang pinakadakilang halimbawa ng katapangan.

Siya na gabay at dapat maging gabay sa buhay natin ang siyang pinakamatapang sa lahat ng tao. “Kay Jesus nakikita natin ang pinakamatinding kagitingan; pinakadakilang katapangan; pinakasukdulang kabayanihan.” Ipinagtatanggol ng tunay na kabayanihan ang karapatan at walang takot na hinaharap ang kapahamakan. Patungkol dito ang Tagapagligtas ang halimbawa ng tunay na katapangan at kabayanihan. Para mailarawan ito, ang kailangan ko lang banggitin ay ang paglilinis sa templo [tingnan sa Mateo 21:12–13]; o ang walang takot niyang pagsasabi ng katotohanan nang palayasin siya ng mga kapitbahay niya mula sa Nasaret [tingnan sa Lucas 4:16–32, 43–44]; o nang ang limang libo sa Capernaum … [ay nabawasan at] bumaling siya [sa Labindalawa] at nagsabi, “Ibig baga ninyong magsialis din naman?” [Tingnan sa Juan 6:66–67.] Gayunman, kahit minsan ay hindi nawalan ng pag-asa o umiba ng landas ang Maestro. Ito ang uri ng katapangang kailangan natin sa mundo ngayon.3

Pagpunta ng mga sundalo para dakpin si Jesus, si Pedro… ay iniligtas ang kanyang Maestro, “nagbunot [ng kanyang tabak], at sinugatan ang alipin ng dakilang saserdote, at tinagpas ang kaniyang kanang tainga.” [Tingnan sa Juan 18:10.] … “Isalong mo ang iyong tabak, ” ang utos ng Tagapagligtas, “ang sarong sa akin ay ibinigay ng Ama, ay hindi ko baga iinuman?” [Juan 18:11.] Kay laking leksyon kay Pedro! Bagama’t nagdusa at namatay ang Panginoon dahil sa pagtupad sa tungkulin, hindi pa rin nabawasan ang Kanyang lakas. …

Nabawasan ang lakas at katapatan ni Pedro; ngunit hindi rin niya maatim na tumakas gaya ng iba. Hindi rin naman niya masabing mas mabuti pang sumama kay Jesus; kaya hindi rin niya ginawa, pero “sumunod sa kaniya sa malayo, hanggang sa loob ng looban ng dakilang saserdote.” [Marcos 14:54.] Noong una, nanatili siya sa labas, pero nang lumaon ay nakiumpok din siya sa mga tagapaglingkod. …

[Matapos tatlong beses na itatwa ni Pedro ang Panginoon], ang Tagapagligtas ay … “lumingon… at tinitigan si Pedro.” Nang maalala niya ang sinabi ng kanyang Panginoon, “Bago tumilaok ang manok ngayon, ay ikakaila mo akong makaitlo, ” lumabas si Pedro at nanangis. [Tingnan sa Lucas 22:54–62.]

Sang-ayon sa kuwento nang si Pedro ay “walang imik na umalis sa harapan ng lahat… at pinuno ng kanyang panangis ang katahimikan, ” ay napakabigat ng kanyang pagdurusa kung kaya napag-isa siya buong araw ng Biyernes at Sabado matapos ipako sa krus ang Tagapagligtas. Kung gayon, ang kalungkutan niya sa kanyang ginawa ay lumala pa nang maalala niya ang maraming mabubuting salita ng Tagapagligtas sa kanya, at ang maramingmaraming maliligayang sandali sa piling ng Panginoon. Bawat kataga at kilos at tingin ng kanyang Maestro ay nagugunita niya nang may bagong kahulugan. …Sa nanlalabong mga matang luhaan, nakita niya ang tunay na katangian ng pagkalalaki sa halimbawa ni Jesus—Pagpipitagan, Kabaitan, Pagtitiyaga, Katapatan, Katapangan.4

Ang pag-asa at kapalaran ng mundo ay nakasentro sa Taong taga Galilea, ang Panginoon at Tagapagligtas nating si Jesucristo. Sa sandali ng inyong pakikibaka sa maghapon, isipin nga ninyong mabuti at tingnan kung talagang naniniwala kayo riyan? [Isang manunulat] ang minsa’y nagtanong: “Si Jesus ba ay isa lang alamat sa kasaysayan, isang Santo na naipipinta sa stained glass ng mga bintana ng simbahan, … hindi dapat lapitan at banggitin sa pangalan, o siya pa rin ang dati nang buhay siya, isang katotohanan, isang lalaking may damdaming tulad ng sa atin, isang nakatatandang kapatid, isang gabay, isang tagapayo, isang tagaaliw, isang dakilang tinig na tumatawag sa atin mula sa nakaraan na mamuhay nang marangal, matapang na gumabay, at manatiling matapang hanggang sa huli.” Ano siya sa iyo, kapwa ko manggagawa?5

Ang katapangan ay nanggagaling sa pananampalataya at pag-asa.

Mas malaki ang responsibilidad natin kaysa rati na malaman at maipamuhay ang Ebanghelyo ni Jesucristo. Mas malaki ang gawain natin. Hindi pa tapos ang huling gawain. … Kailangan natin ng tapang na pasukin ang mga bagong lugar na iyon; tapang na harapin ang mga sitwasyon at kundisyon natin ngayon, at iyan ang dahilan kung bakit napili ko ang tekstong, “Kayo’y mangagpakalakas, at mangagdalang tapang ang inyong puso, kayong lahat na nagsisiasa sa Panginoon.” [Mga Awit 31:24.]

May dalawang alituntunin sa pangakong ito na dapat itangi ng bawat tunay na relihiyoso—pananampalataya at katapangan. Ano ang ipinahihiwatig sa tekstong ito? Batid natin ang katiyakan na may tiwala ang Panginoon sa kanyang mga tao; kung gayon, huwag mawalan ng pag-asa, kundi maging matapang at hindi mawawalan ng kabuluhan ang kanilang pag-asa. Pananampalataya sa Diyos, tiwala, kumpiyansa sa ating kapwa-tao, tapang ng ating mga pinaniniwalaan, ang magbibigay-lakas sa atin sa dakong huli upang makamtan ang anumang mabuting mithiin.6

Taglay ang pananampalataya sa isang makapangyarihan, sa personal at malapit na proteksyon ng ating Ama—at gusto nating isiping gayon siya, isang mapagmahal na Ama—harapin natin ang ating mga paghihirap nang buong tapang.7

Dapat magkaroon ng tapang ang mga kabataan upang mapanatili ang mga espirituwal na pinahahalagahan.

[Ang paninindigan sa] ating mga mithiin ay isa pang larangan kung saan makapagpapakita tayo ng tapang, at magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos na pinagtitiwalaan natin. Sa mga panahong ito dapat maging listo ang tao, at huwag magpatangay sa mga prinsipyo ng iba’t ibang teoriyang iniaalay bilang gamot sa lahat ng hinaing natin sa ngayon. Kailangan sa ngayon ang matatapang na kabataang paninindigan ang pamantayang moral. Sa larangang iyon makikita natin ang tunay na katapangan ng loob. Ang kabayanihan daw ay tinipong katapangan. Pero, hindi lahat ng pinakamagigiting nating bayani ay laging natatagpuan sa larangan ng digmaan. Palagay ko’y makikita rin sila sa ating mga kabataan. Mga kabataan na, kapag nasa lipunan, ay hindi takot na manindigan at tuligsain ang mga bagay na alam nating nagpapahina sa pagkatao, na nagbibigay sigla sa buhay ng kabataan.

“Hindi pa naganap sa kasaysayan ng mundo, ” sabi [ng isang manunulat], “na mas kailangan ang mga bayaning may moralidad. Naghihintay pa ang mundo sa gayon. Pagpapala ng Diyos ang utusan ang siyensiya na magtrabaho at ihanda ang daan para dito. Para sa kanila inihahanda niya ang daang-bakal, at inilalatag ang kanyang mga alambre, at nilalagyan ng mga tulay ang karagatan. Ngunit nasaan sila? Sino ang magpapatayog sa ating mamamayan at pulitika?” “Ang pinakamahalaga sa mundo, ” wika ng isang dakilang siyentipiko, “ay hindi ang nadiskubre nina Galileo, Faraday, at ng iba pa, kundi ang paniniwala sa katotohanan ng moral at espirituwal na pinahahalagahan.” Pinakikiusapan ko ang mga kabataan na maging matapang sa pagpapanatili ng mga moral at espirituwal na pinahahalagahan ng Ebanghelyo ni Jesucristo. Kunsabagay, “Ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?” [Mateo 16:26.]8

Ang layunin ng edukasyon ay dagdagan ang kakayahan ng bata na magiging kapaki-pakinabang sa kanya habambuhay. Para makilala niyang mabuti ang sarili upang hindi siya kailanman maging alipin ng pagbibigay-layaw sa hilig o ng iba pang mga kahinaan. Para maging [matatag] ang pakalalaki, mabuting pagkababae upang sa bawat bata at kabataan ay makita man lang ang pangako ng pagiging kaibigan, kompanyon, o sa kalaunan ay maging mabuting kabiyak, ulirang ama o mapagmahal at matalinong ina. Para magawa niyang harapin ang buhay nang buong tapang, ang kapahamakan nang may katatagan, at pati na ang kamatayan nang walang takot.9

Nabasa ko mula sa ikalimampu’t tatlong kabanata ng Alma, na nagsalaysay ukol sa mga binatilyong napakagigiting sa tapang, lakas, at gawain—tapat sa lahat ng panahon sa anumang bagay na ipinagkatiwala sa kanila. Sino ang mga binatilyong ito? Sila ang mga anak ng mga magulang na pare-parehong tapat sa bawat pagtitiwala. Mga magulang nila ang mga Lamanitang nagbalik-loob na, nang mapasakanila ang Espiritu ng Diyos, ay inilaan ang kanilang buhay sa paglilingkod sa kapwa. Sa kanilang ministeryo sa Simbahan ay nakipagtipan silang hindi na makikipaglaban sa kanilang mga kapatid, hinding-hindi na makikidigma. Gayon ang kanilang sumpa; gayon ang kanilang tipan; at tapat sila rito hanggang kamatayan.10

Nakikiusap ako sa mga kabataan na maging matapang sa pagpapanatili ng moral at espirituwal na mga pinahahalagahan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kailangan ng mundo ang mga bayaning may kagandahang-asal!11

Sa mga kataga ng [isang manunulat]: … “Dalawang landas ang bukas para sa inyo—ang isa’y pababa nang pababa, kung saan maririnig ang mga panaghoy ng kawalang-pag-asa …; at ang isa nama’y papataas kung saan maririnig ang masasayang hiyawan ng sangkatauhan at ginagantimpalaan ng imortalidad ang tapat na pagsisikap.”…

Sa pagpili, … nawa’y bigyan kayo ng Diyos ng maliwanag na pananaw, malinaw na paningin, matibay na kalooban, matapang na puso. Kapag nakapili kayo nang matalino, makalalakad kayo nang taas-noo, at mababakas sa inyong mukha na wala kayong pinagkasalahan. Kahit bumigat ang mga tungkulin sa buhay at manghina sa kalungkutan, nawa’y mapanatili kayong matapang ng ilaw ng buhay ni Cristo.12

Sa pamamagitan ng tapang ng loob, madadaig natin ang mga hirap ng buhay.

Ang katapangan ay katangian ng isipan na tumutugon sa panganib o oposisyon na may kahinahunan at katatagan, na nagbibigay-kakayahan sa tao na harapin ang mga hirap sa kanyang landasin tungo sa mabuting tagumpay. …Ang katapangan ay nagpapahiwatig ng pagharap sa mga suliranin at pagdaig sa mga ito.13

Madaling gumawa ng tama kapag mababait ang kasama mo, pero hindi madaling ipaglaban ang tama kapag karamihan sa mga tao ay laban dito; subalit, iyon ang oras para magpakita ng tunay na katapangan. Si Propetang Joseph, halimbawa, ay kinutya at inusig sa pagsasabing nakakita siya ng isang pangitain, ngunit naging tapat siya sa kanyang patotoo. Bagama’t siya “ay kinamuhian at inusig subalit sinabi niyang totoo na kinausap siya ng Diyos, ” at “Ang buong daigdig ay hindi siya mapag-iisip o mapaniniwala nang taliwas dito.” [tingnan sa Joseph Smith— Kasaysayan 1:24–25; idinagdag ang italics.]

Ang gayong katapangan at katatagan ay dapat taglayin ng lahat. Kapag batid ng isang tao ang tama dapat siyang maging matapang na ipagtanggol ito maging sa harap ng pagkutya o kaparusahan.14

Maging matapang nga tayo sa pagtatanggol sa tama. Huwag matakot na magsalita para sa tama. Magpakatotoo tayo.15

Nawa’y bigyan tayo ng Diyos ng tapang na piliin ang tama, ng kakayahang pahalagahan ang mabubuting bagay sa buhay, at kapangyarihang tapat na paglingkuran Siya at ang ating kapwa.16

Ang katotohanan ay katapatan sa kung ano ang tama sa ating paningin; katapangan ang mamuhay sa pakikiisa sa ating mga mithiin; ito’y lagi nang kapangyarihan.17

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Ano ang katapangan? (Tingnan sa pahina 201.) Bakit mas mahalaga ang katapangan ng loob kaysa pisikal na katapangan? Paano natin madaragdagan o mapatatatag pa ang katapangan ng ating loob? Paano natin maipamumuhay ang ebanghelyo sa araw-araw nang may tahimik na katapangan?

  • Ano ang ilang halimbawa ng ganap na katapangan ng loob ng Tagapagligtas at ng iba pa na nasa mga banal na kasulatan? (Tingnan sa mga pahina 196–97.) Paano kayo napalakas ng kanilang halimbawa?

  • Ano ang kaugnayan ng pananampalataya sa katapangan? (Tingnan sa pahina 198.) Paano tayo tinutulungan ng Panginoon na harapin ang tila nakapanghihinang oposisyon? Ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang Kanyang tulong?

  • Ang panghihina ng loob ay karuwagan. Bakit mapanganib na kasangkapan ng kalaban ang panghihina ng loob? Paano tayo makapag-iingat at makapananaig sa panghihina ng loob?

  • Anong mga uri ng sitwasyon sa lipunan o sa iba pang kalagayan ang nangangailangan ng di-pangkaraniwang tapang? Paano magpapakita ng tapang ang mga Banal sa mga Huling Araw sa mga sitwasyong ito? Paano natin matutulungan at mahihikayat ang mga bata at kabataan ng Simbahan na maging matapang sa pamumuhay ng mga pamantayan ng ebanghelyo? (Tingnan sa mga pahina 198–201.) Paano makatutulong ang polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan sa pagsisikap na ito?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Deuteronomio 31:6; II Mga Hari 6:16; Mga Taga Roma 15:13; 1 Nephi 3:7; D at T 121:7–9

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Abr. 1963, 95.

  2. Sa Conference Report, Abr. 1963, 95; kuwento mula sa The Young Man and His Problems, ni James L. Gordon.

  3. Sa Conference Report, Abr. 1936, 58.

  4. Ancient Apostles (1918), 63–66; binago ang pagtatalata.

  5. Sa Conference Report, Okt. 1954, 84; binago ang pagtatalata.

  6. Sa Conference Report, Abr. 1936, 57–58; binago ang pagtatalata.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1936, 61.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1936, 60–61; binago ang pagtatalata.

  9. Gospel Ideals (1953), 436.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1927, 11–12.

  11. Sa Conference Report, Abr. 1969, 152.

  12. Whither Shall We Go? Brigham Young University Speeches of the Year, 10 Mayo 1961, 7.

  13. Sa Conference Report, Abr. 1936, 58.

  14. Ancient Apostles, 185; binago ang pagtatalata.

  15. Sa Conference Report, Okt. 1968, 145.

  16. Sa Conference Report, Abr. 1940, 118.

  17. Sa Conference Report, Abr. 1959, 73.

Peter

“Sa nanlalabong mga matang luhaan, nakita [ni Pedro] ang tunay na katangian ng pagkalalaki sa halimbawa ni Jesus—Pagpipitagan, Kabaitan, Pagtitiyaga, Katapatan, Katapangan.”

two thousand stripling warriors

“Gaya ng mga kabataang mandirigma ni Helaman, dapat tayong maging “napakagigiting, at gayundin sa lakas at gawain” at “tapat sa lahat ng panahon” (Alma 53:20).