Magpakatatag at Gawin ang Lahat ng Makakaya
Nawa’y itama natin ang anumang kailangang itama sa ating landasin at tingnan ang hinaharap nang may malaking pag-asa at pananampalataya. Nawa’y “magpakatatag” tayo sa pamamagitan ng pagiging masigasig na “gawin ang lahat ng makakaya” natin.
Ilang taon na ang nakararaan tuwang-tuwang ibinalita sa akin ng apo kong babae, “Lolo, naka-iskor po ako ng tatlong goal sa soccer ngayon!”
Masigla akong sumagot, “Ang galing mo, Sarah!”
Tumingin sa akin ang kanyang ina at pakindat na sinabi, “Two to one ang iskor.”
Hindi ko na tinanong kung sino ang nanalo!
Ang kumperensya ay panahon ng pagmumuni-muni, paghahayag, at kung minsan ay pagbabago ng direksyon.
May kumpanyang nagpaparenta ng sasakyan na may GPS system na ang tawag ay NeverLost. Kapag nagkamali ka ng liko sa gusto mong puntahan, hindi sasabihin ng tinig na nagtuturo ng direksyon na, “Hangal ka!” Sa halip, sasabihin nito sa mahinahong tinig na, “Mag-iba ng ruta—mag-U–turn kung puwede.”
Sa Ezekiel mababasa natin ang magandang pangakong ito:
“Nguni’t kung ang masama ay humiwalay sa kaniyang lahat na kasalanan na kaniyang nagawa, at ingatan ang lahat na aking mga palatuntunan, at gumawa ng tapat at matuwid, siya’y walang pagsalang mabubuhay, siya’y hindi mamamatay.
“Wala sa kaniyang mga pagsalangsang na nagawa niya na aalalahanin laban sa kaniya.”1
Napakagandang pangako, kailangan munang gawin ang dalawang lahat para matanggap ang pangako. Humiwalay sa lahat; ingatan ang lahat; sa gayon ang lahat ay napatawad. Kailangan dito na “gawin ang lahat ng makakaya”!
Hindi tayo dapat matulad sa taong iniulat sa Wall Street Journal, na nagpadala ng isang sobre na puno ng pera sa Internal Revenue Service at may kalakip na sulat na walang nakalagay na pangalan niya. Sabi sa sulat, “Mahal kong IRS, kalakip dito ang perang pambayad sa hindi ko nabayarang buwis. P.S. Kung matapos nito ay bagabagin pa rin ako ng kunsensya ko, ipapadala ko sa inyo ang kulang.”2
Hindi ganyan ang dapat nating gawin! Hindi tayo dapat nag-aalangang ibigay ang lahat ng nararapat para lang makaligtas sa responsibilidad. Hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan.3 Ang buong puso natin! Noong binyagan tayo, inilubog tayo bilang simbolo ng ating pangako na lubos na susunod sa Tagapagligtas, nang walang pag-aalangan. Kapag tayo ay lubos na masigasig at handang “ibigay ang lahat ng kaya nating gawin,” yayanig ang kalangitan para sa ating ikabubuti.4 Kapag tayo ay nag-aalangan o hindi lubos na masigasig, nawawala sa atin ang ilan sa mga natatanging pagpapala ng langit.5
Maraming taon na ang nakalilipas, isinama ko ang ilang Boy Scout para magkamping sa disyerto. Natulog ang mga bata sa tabi ng malaking siga na ginawa nila, at tulad ng karaniwang mabait na Scout leader, natulog ako sa likod ng aking sasakyan. Kinaumagahan nang bisitahin ko ang campsite, nakita ko ang isang Boy Scout, na tatawagin kong Paul, na parang kulang sa tulog. Tinanong ko kung nakatulog ba siya, at ang sagot niya, “Hindi po masyado.”
Nang itanong ko kung bakit, sabi niya, “Gininaw po kasi ako; namatay ang apoy.”
Sagot ko ay, “Mamamatay talaga ang apoy. Hindi ba sapat ang init na dulot ng sleeping bag mo?”
Walang sagot.
At isang Boy Scout ang malakas na sumagot, “Hindi po niya ginamit ang sleeping bag niya.”
Nagtataka akong nagtanong, “Bakit hindi mo ginamit, Paul?”
Hindi siya kumibo—maya-maya nahihiya siyang sumagot: “Kasi, kapag naglatag po ako ng sleeping bag, kailangan ko pang irolyo ulit.”
Ang nangyari: pinili niyang manigas sa lamig nang ilang oras kaysa magrolyo nang limang minuto. Maaaring isipin natin: “Kahangalan! Sino ba naman ang gagawa ng ganyan?” Ang totoo, ginagawa natin palagi iyan sa mas mapanganib na paraan. Para na rin tayong tumatangging ilatag ang ating espirituwal na sleeping bag kapag hindi tayo nag-uukol ng oras na magdasal nang taimtim, mag-aral, at matapat na ipamuhay ang ebanghelyo bawat araw; hindi lang mamamatay ang apoy, kundi mawawalan tayo ng proteksyon at espirituwal na manlalamig.
Kapag hindi natin sineseryoso ang ating mga tipan, mananagot tayo sa mga kahihinatnan nito. Ipinayo sa atin ng Panginooon “mag-ingat hinggil sa inyong sarili, na makinig na mabuti sa mga salita ng buhay na walang hanggan.”6 At ipinahayag pa Niya, “Ang aking dugo ay hindi makalilinis sa kanila kung hindi nila ako pakikinggan.”7
Ang totoo, mas madaling “gawin ang lahat ng makakaya” natin kaysa mag-alangan. Kapag nag-aalangan tayo o talagang wala nang gagawin, ayon nga sa bernakular ng Star Wars, nagkakaroon ng “kaguluhan sa puwersa ng sansinukob.” Hindi tayo tumutugma sa kalooban ng Diyos at dahil diyan hindi rin tayo tumutugma sa tunay na kahulugan ng kaligayahan.8 Sinabi ni Isaias:
“Ang masama ay parang maunos na dagat; sapagka’t hindi maaaring humusay, at ang kaniyang tubig ay umaalimbukay ng burak at dumi.
“Walang kapayapaan, sabi ng aking Dios, sa mga masama.”9
Mapalad tayo dahil nasaan man tayo o saan man tayo nagmula, tutulungan pa rin tayo ng Tagapagligtas, na nagsabi: “Anupa’t sinuman ang magsisisi at lalapit sa akin na tulad ng maliit na bata, siya ay tatanggapin ko, sapagkat sa kanila ang kaharian ng Diyos. Masdan, sapagkat sa kanila ko inialay ang aking buhay, at muling kinuha ito.”10
Kapag patuloy tayong nagsisisi at nagtitiwala sa Panginoon, nagkakaroon tayo ng lakas na taglaying muli ang kapakumbabaan at pananampalataya ng isang maliit na bata,11 na pinagyaman ng karunungan mula sa mga karanasan sa buhay. Sinabi ni Job, “Gayon ma’y magpapatuloy ang matuwid ng kaniyang lakad, at ang may malinis na mga kamay ay lalakas ng lalakas.”12 Isinulat ni Tennyson, “Ang lakas ko ay katulad ng lakas ng sampung tao, dahil dalisay ang puso ko.”13 Ipinayo ng Tagapagligtas, “Tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag.”14
Ang aming anak na si Justin ay pumanaw sa edad na 19 matapos ang matagal na pagkakasakit. Nang magsalita siya sa sacrament meeting bago niya kami iniwan, nagbahagi siya ng kuwento na mahalaga sa kanya tungkol sa mag-ama na nagpunta sa tindahan ng laruan kung saan may inflatable punching bag na korteng tao. Sinuntok ng batang lalaki ang punching bag na tumumba pero kaagad na tumayo. Sa bawat pagtumba, tumatayong muli ang punching bag. Tinanong ng ama ang anak kung bakit tumatayo ulit ang punching bag. Nag-isip sandali ang bata at pagkatapos ay sinabing, “Ewan ko po. Siguro po matatag na nakatayo iyong tao sa loob.” Para magawa nating “gawin ang lahat ng makakaya” natin, kailangan nating “magpakatatag,” “anuman ang mangyari.”15
Nagpapakatatag tayo kapag matiyaga nating hinihintay na alisin ng Panginoon ang tinik sa ating laman o bigyan tayo ng lakas na matiis ito.16 Ang mga tinik na iyon ay maaaring karamdaman, kapansanan, karamdaman sa pag-iisip, pagkamatay ng minamahal, at marami pang ibang bagay.
Nagpapakatatag tayo kapag itinataas natin ang mga kamay na nakababa. Nagpapakatatag tayo kapag ipinagtatanggol natin ang katotohanan laban sa kasamaan ng mundo na patuloy na lumalayo sa liwanag, tinatawag na masama ang mabuti at mabuti ang masama17 at “pinarurusahan ang mabubuti dahil sa kanilang kabutihan.”18
Ang pagiging matatag sa kabila ng paghihirap ay posible dahil sa malinis na konsiyensya, sa nakapagpapalakas at nakapapanatag na katiyakan mula sa Espiritu Santo, at sa walang hanggang pananaw na hindi masayod ng pag-iisip ng tao.19 Sa premortal na buhay humiyaw tayo sa kagalakan dahil sa oportunidad na mabuhay sa mundo.20 Lahat tayo ay gustong “gawin ang lahat ng makakaya” natin nang ating ipasiya na maging magigiting na tagapagtanggol ng plano ng ating Ama sa Langit. Panahon na para manindigan at ipagtanggol muli ang Kanyang plano!
Kamakailan ay pumanaw ang aking ama sa edad na 97-taong gulang. Kapag kinukumusta siya noon, ang lagi niyang sagot ay “Sa scale na 1–10, nasa 25 ako!” Kahit noong panahong hindi na makatayo o makaupo si itay at hirap nang magsalita, ganoon pa rin ang sagot niya. Nanatili pa ring matatag ang kanyang kalooban.
Noong 90 anyos ang tatay ko, minsan ay nasa isang airport kami at itinanong ko kung gusto niyang ikuha ko siya ng wheelchair. Sabi niya, “Huwag na, Gary—siguro kapag matanda na ako.” At sabi pa niya, “Saka kung mapagod man ako sa paglalakad, puwede naman akong tumakbo.” Kung hindi natin “nagagawa ang lahat ng makakaya” natin sa paglalakad ngayon, siguro kailangan nating tumakbo; siguro kailangan nating magbago ng ruta. Baka nga kailangan pa tayong mag-U-turn. Baka kailangan pa nating mag-aral nang mas mabuti, manalangin nang mas taimtim, o kalimutan ang mga bagay na walang gaanong kabuluhan para mapag-ukulan natin ang mga bagay na talagang mahalaga. Baka kailangan nating bitawan ang mundo para makakapit tayo sa bagay na pangwalang-hanggan. Alam na alam ito ng aking ama.
Nang siya ay nasa navy pa noong World War II, may mga tao na nasa malaki at maluwang na gusali21 na pinagtatawanan ang kanyang mga prinsipyo; dalawa sa kanyang kasamahan sa barko, sina Dale Maddox at Don Davidson, ang nagmasid sa kanya ngunit hindi siya pinagtawanan. Itinanong nila, “Sabin, bakit naiiba ka? Mataas ang moralidad mo at hindi ka umiinom ng alak, hindi ka naninigarilyo, o nagmumura, pero mukhang panatag at masaya ka.”
Ang magandang impresyon nila tungkol sa aking ama ay malayo sa mga narinig nila tungkol sa mga Mormon. Naturuan at nabinyagan ng tatay ko ang dalawang kasamahan niyang iyon sa barko. Galit na galit ang mga magulang ni Dale at binalaan siya na kung sasapi siya sa Simbahan mawawalan siya ng kasintahan, si Mary Olive, pero ipinakilala niya kay Mary Olive ang mga missionary at nabinyagan din ito.
Pagkatapos ng digmaan, tumawag si Pangulong Heber J. Grant ng mga maglilingkod bilang missionary, kabilang na ang ilang lalaking may-asawa. Noong 1946, nagpasiya si Dale at ang kanyang asawang si Mary Olive na maglilingkod si Dale kahit na malapit nang isilang ang kanilang unang anak. Kalaunan ay nagkaroon sila ng siyam na anak—tatlong lalaki at anim na babae. Nagmisyon lahat ang siyam na anak, kasunod sina Dale at Mary Olive na tatlong beses naglingkod sa misyon. Napakarami ring mga apo ang nagmisyon. Dalawa sa kanilang mga anak, sina John at Matthew Maddox, ay kasalukuyang mga miyembro ng Tabernacle Choir, tulad din ng manugang ni Matthew na si Ryan. Sa ngayon 144 na ang miyembro sa pamilya Maddox at napakagandang halimbawa ng “paggawa ng lahat ng makakaya.”
Noong inaayos namin ang mga papeles ni Itay, nakita namin ang isang sulat mula kay Jennifer Richards, isa sa limang anak ng isa pang kasamahan ni Itay sa barko, si Don Davidson. Isinulat niya: “Nagbago ang buhay namin dahil sa kabutihan mo. Hindi ko alam kung ano ang naging buhay namin kung wala kami sa Simbahan. Namatay si Itay na minamahal ang ebanghelyo at sinisikap itong ipamuhay hanggang sa huling sandali.”22
Mahirap masukat ang mabuting epekto sa bawat indibiduwal ng pagiging matatag at may paninindigan. Ang aking ama at ang kanyang dalawang kasamahan sa barko ay hindi nakinig sa mga taong nasa malaki at maluwang na gusali na itinuturo ang kanilang mga mapanlibak na daliri.23 Alam nila na mas mabuting sumunod sa Tagapaglikha kaysa sa mapang-udyok na mga tao.
Marahil ang panahon natin ang inilalarawan ni Apostol Pablo nang sabihin niya kay Timoteo na ang “iba sa mga bagay na ito ay nagsibaling sa walang kabuluhang pananalita.”24 Maraming “walang kabuluhang pananalita” na sinasambit sa mundo ngayon. Ito ang pinag-uusapan ng mga taong nasa malaki at maluwang na gusali.25 Kadalasan naipapahayag ito kapag binibigyan ng katwiran ang kasamaan o nakikita kapag nalilihis ng landas at mabilis na naliligaw ang mga tao. Kung minsan nangyayari ito sa mga taong hindi handang “gawin ang lahat ng makakaya” nila at mas pinipiling tularan ang likas na tao sa halip na sundin ang propeta.
Mapalad tayo dahil alam natin ang mangyayari sa matatapat sa bandang huli. Kapag handa tayong “gawin ang lahat ng makakaya” natin, makatitiyak tayo na “lahat ng bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios.”26 Sinabi ni Elder Neal A. Maxwell, “Huwag matakot, mamuhay lamang nang tama.”27
Ang biyenan kong lalaki ay nagturo sa BYU at paborito niya ang BYU football pero hindi niya kayang panoorin ang mga laro nila dahil natatakot siyang malaman ang kalalabasan ng laro. Kalaunan ay may magandang nangyari, naimbento ang VCR, at dahil diyan nairekord na niya ang mga laro. Kapag nanalo ang BYU, papanoorin niya ang nakarekord na laro nang walang kaba dahil alam na niya ang mangyayari sa katapusan! Kung magka-penalty sila, nasaktan, o nangulelat sa fourth quarter, hindi siya nag-aalala dahil alam niya na makakahabol sila! Masasabi ninyo na siya ay “may ganap na kaliwanagan ng pag-asa”!28
Gayundin tayo. Kung tayo ay matapat, makatitiyak din tayo na magiging maayos ang lahat sa huli. Ang mga pangako ng Panginoon ay tiyak. Hindi ibig sabihin nito na wala nang paghihirap o kalungkutan sa unibersidad na ito ng buhay, ngunit tulad ng isinulat ni Pablo, “Hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, ang anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya.”29
Mga kapatid, walang nagkasala bukas. Nawa’y itama natin ang anumang kailangang itama sa ating landasin at tingnan ang hinaharap nang may malaking pag-asa at pananampalataya. Nawa’y “magpakatatag” tayo sa pamamagitan ng pagiging masigasig na “gawin ang lahat ng makakaya” natin. Nawa maging dalisay at matapang tayo sa pagtatanggol sa plano ng ating Ama sa Langit at sa misyon ng Kanyang Anak, ang ating Tagapagligtas. Pinatototohanan ko na buhay ang ating Ama, na si Jesus ang Cristo, at totoo ang dakilang plano ng kaligayahan. Dalangin kong mapasainyo ang mga piling pagpapala ng Panginoon, at idinadalangin ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.