Huwag Magpalingun-lingon, Tumingala Ka!
Ang layunin natin ay anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo, at maisasakatuparan natin ang layuning ito kapag tumingala tayo kay Jesucristo.
Ang layunin ko ay “anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo.”1 Ito rin ang layunin ninyo. Maisasakatuparan natin ang layuning ito kapag tumingala tayo kay Jesucristo.
Nabinyagan ako kasabay ng aking mga magulang noong ako’y 16 na taong gulang. Ang nakababata kong kapatid na si Kyung-Hwan, na noo’y 14 na taong gulang, ay sumapi sa Simbahan dahil sa aking tiyo na si Young Jik Lee, at inanyayahan kami sa kanyang simbahan. Bawat isa sa 10 miyembro ng aming pamilya ay nabibilang sa iba-ibang simbahan, kaya nga masaya kami na natagpuan namin ang katotohanan at nagnais na ibahagi ang kaligayahang ito na natagpuan namin sa ebanghelyo ni Jesucristo pagkatapos naming mabinyagan.
Ang aking ama ang pinakamasigasig sa amin na matuto at magbahagi ng katotohanan. Gumigising siya noon nang maaga upang mag-aral ng mga banal na kasulatan nang higit sa dalawang oras araw-araw. Halos araw-araw siyang sumasama sa mga missionary pagkatapos ng kanyang trabaho upang dalawin ang aming pamilya, mga kaibigan at kapitbahay. Makaraan ang pitong buwan mula nang kami’y mabinyagan, 23 sa aming pamilya at mga kaanak ang naging miyembro ng Simbahan. Nasundan ito ng isang himala nang mabinyagan ang 130 katao nang sumunod na taon dahil sa gawaing misyonero na isinagawa ng aking ama bilang miyembro.
Mahalaga rin sa kanya ang family history at nakumpleto niya ang walong henerasyon ng aming mga ninuno. Magmula noon, nagbunga nang malaki, sa di mabilang na paraan, ang pagsapi ng aming pamilya sa simbahan na nagsimula sa aking 14 na taong gulang na kapatid, hindi lamang sa mga buhay kundi gayon din sa mga patay. Mula sa sinimulang gawain ng aking ama at ng iba pa, ang aming family tree ay umabot na sa 32 henerasyon, at tinatapos namin ngayon ang gawain sa templo para sa marami naming ninuno. Namamangha ako ngayon at nakadarama ng labis na kagalakan sa pag-uugnay ng aming mga ninuno at ng aming mga inapo.
Naitala ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang gayon ding karanasan sa Columbus Ohio Temple:
“Habang iniisip ang buhay ng [aking lolo-sa-tuhod, lolo, at ama] habang nakaupo ako sa loob ng templo, napatingin ako sa aking anak na babae, sa kanyang anak na babae, … at sa kanyang mga anak, na aking mga apo-sa-tuhod. Bigla kong natanto na nakapagitna ako sa pitong henerasyong ito—tatlong nauna sa akin at tatlong sumunod sa akin.
“Sa sagrado at banal na bahay na iyon sumagi sa isipan ko ang kahalagahan ng napakalaking obligasyon na dapat kong ipasa ang lahat ng natanggap ko bilang pamana mula sa aking mga ninuno sa mga henerasyon na ngayon ay sumusunod sa akin.”2
Lahat tayo ay bahagi ng isang walang hanggang pamilya. Ang tungkuling ginagampanan natin ay maaaring magsilbing daan tungo sa malaking pagbabago na may positibo o negatibong kauuwian. Nagpatuloy si Pangulong Hinckley, “Kailanman ay huwag hayaan ang inyong sarili na maging mahinang kawing sa tanikala ng inyong mga henerasyon.”3 Ang katapatan ninyo sa ebanghelyo ay magpapalakas sa inyong pamilya. Paano natin matitiyak na magiging matibay na kawing tayo ng ating walang hanggang pamilya?
Isang araw, ilang buwan pagkatapos akong mabinyagan, narinig ko ang ilang miyembro na nagsisiraan sa simbahan. Lungkot na lungkot ako. Umuwi ako at sinabi ko sa aking ama na siguro hindi na ako magsisimba. Hindi maganda na makakita ng mga miyembro na nagsisiraan tulad niyon. Matapos makinig sa akin, itinuro sa akin ng aking ama na naipanumbalik na ang ebanghelyo at ito ay perpekto nguni’t ang mga miyembro ay hindi pa, siya man at kahit pa ako. Matatag niyang sinabi: “Huwag kang mawalan ng pananampalataya dahil sa mga taong nakapaligid sa iyo, kundi palakasin mo ang iyong ugnayan kay Jesucristo. Huwag magpalingun-lingon, tumingala ka!”
Ang pagtingala kay Jesucristo—ang matalinong payo ng aking ama—ay nagpapalakas sa aking pananampalataya sa tuwing nahaharap ako sa mga hamon ng buhay. Tinuruan niya ako kung paano ipamuhay ang mga turo ni Cristo, tulad ng mga salitang ito: “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.”4
Noong namumuno ako sa Washington Seattle Mission, umulan nang maraming araw noong taong iyon. Gayunman, iniutos sa ating mga missionary na lumabas at maghanap ng mga matuturuan kahit umuulan. Madalas kong sabihin sa kanila, “Lumabas kayo sa ulan, tumingala sa langit, ibuka ang inyong mga bibig, at inumin ito! Kapag tumingala kayo, palalakasin kayo upang maibuka ang inyong mga bibig sa lahat ng tao nang walang takot.” Isa itong matalinghagang aral para sa kanila na tumingala kapag nahaharap sila sa mga pagsubok kahit tapos na ang kanilang misyon. Pakiusap, huwag subukang gawin ito sa mga lugar na puno ng polusyon.
Habang naglilingkod sa Seattle mission, nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula sa panganay kong anak na si Sunbeam, na isang pianista. Sinabi niya na binigyan siya ng pribilehiyong tumugtog sa Carnegie Hall sa New York dahil nanalo siya sa isang international competition. Masayang-masaya kami at tuwang-tuwa para sa kanya. Magkagayunman, nang gabing iyon, habang nagdarasal na nagpapasalamat, napagtanto ng aking asawa na hindi namin siya masasamahan sa kanyang pagtugtog at ganito ang kanyang sinabi sa Ama sa Langit: “Ama sa Langit, nagpapasalamat po ako sa pagpapalang ibinigay Ninyo kay Sunbeam. Siyanga po pala, nanghihinayang po ako na hindi ako makakapunta roon. Nakapunta po sana ako kung Inyo pong ibinigay ang pagpapalang ito bago o pagkatapos ng misyong ito. Hindi po ako nagrereklamo, medyo nalulungkot lang po ako.”
Pagkatapos na pagkatapos ng dasal niyang ito, narinig niya ang isang malinaw na tinig: “Dahil nasa misyon ka, naibigay sa iyong anak ang pribilehiyong ito. Mas nanaisin mo bang makipagpalit?”
Nagulat ang asawa ko. Alam niya na pagpapalain ang mga anak dahil sa katapatan ng kanilang mga magulang sa gawain sa kaharian ng Panginoon, ngunit ito ang unang pagkakataon na naunawaan niya nang ganoon kalinaw ang kanyang tungkulin. Sumagot siya agad sa Kanya: “Hindi, hindi po, ayos lang po sa akin na hindi ako makapunta. Hayaan po Ninyong mapasakanya ang pagpapalang iyon.”
Minamahal kong mga kapatid, hindi madali para sa atin na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit kapag nagpalingun-lingon tayo gamit ang ating pisikal na mga mata dahil una nating nakikita ang kagipitan, kawalan, pasanin o kalungkutan. Sa kabilang dako, nakikita natin ang mga pagpapala sa kabila nito kapag tayo’y tumitingala. Inihayag ng Panginoon, “Kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay.”5 Lahat kayong gumagawa sa anumang uri ng paglilingkod sa Diyos, dapat ninyong malaman na sa pamamagitan ninyo ay naibibigay ang malalaking pagpapala sa kanila na mga nauna sa inyo at sa mga susunod na henerasyon sa inyo.
Ngayong araw na ito, nagpapasalamat ako na makitang marami sa ating mga pamilya ang tapat na tumatahak sa landas ng tipan at nakalulungkot na isipin kapag may mga bakanteng upuan sa ating tabi. Sinabi ni Elder M. Russell Ballard: “Kung pipiliin ninyong maging di-aktibo o iwan ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, saan kayo pupunta? Ano ang gagawin ninyo? Ang desisyon na ‘hindi na magsisama’ sa mga miyembro ng Simbahan at sa hinirang na mga pinuno ng Panginoon ay may matagalang epekto na hindi palaging nakikita sa ngayon.”6 Hinikayat tayo ni Pangulong Thomas S. Monson na, “Nawa’y piliin natin palagi ang tama na mas mahirap gawin sa halip na ang mali na mas madaling gawin.”7
Hindi kailanman magiging huli upang tumingala kay Jesucristo. Ang Kanyang mga bisig ay laging bukas para sa inyo. May mga nauna nang henerasyon sa atin at may susunod pa sa atin na umaasang tutularan natin si Cristo upang tayo ay maging walang hanggang pamilya ng Diyos.
Noong ma-release ako sa aking tungkulin bilang stake president, tuwang-tuwa ang mga anak ko na makakasama na nila ako nang mas madalas. Pagkaraan ng tatlong linggo, tinawag ako bilang Pitumpu. Inakala ko noong una na hindi sila masisiyahan, nguni’t ang mapagkumbabang sagot ng bunsong anak ko ay, “Daddy, huwag kang mag-alala. Tayo ay isang walang-hanggang pamilya.” Napakasimple at malinaw na katotohanan ito! Nag-alala ako nang kaunti dahil nagpalingun-lingon muna ako sa mortal na buhay na ito, pero masaya ang aking anak dahil hindi siya nagpalingun-lingon at sa halip ay tumingala siya na tumitingin sa kawalang hanggan at sa mga layunin ng Panginoon.
Hindi madaling tumingala palagi kapag tutol ang inyong mga magulang sa ebanghelyo, kapag miyembro kayo ng isang maliit na yunit ng Simbahan, kapag hindi miyembro ang asawa ninyo, kapag nag-iisa pa rin kayo sa buhay sa kabila ng lahat ng pagsusumikap ninyo na makapag-asawa, kapag naligaw ng landas ang isang anak, kapag nag-iisang magulang na lamang kayo, kapag dumaranas kayo ng pisikal o emosyonal na mga pagsubok, o kapag biktima kayo ng isang sakuna, at kung anu-ano pa. Manangan sa inyong pananampalataya sa mahihirap na panahong ito. Tumingala kay Cristo upang lumakas, mapanatag, at gumaling. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, “lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa [inyong] ikabubuti.”8
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay ating Tagapagligtas at Manunubos. Kapag sinusunod natin ang ating buhay na propeta na si Pangulong Thomas S. Monson, tumitingala tayo kay Jesucristo. Kapag nanalangin tayo at nag-aral ng mga banal na kasulatan araw-araw, at tapat na tumatanggap ng sakramento linggu-linggo, nagkakaroon tayo ng lakas na palaging tumingala sa Kanya. Masaya ako na naging miyembro ako ng Simbahang ito at bahagi ng isang walang hanggang pamilya. Nais kong ibahagi ang napakagandang ebanghelyong ito sa iba. Ang layunin natin ay anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo, at maisasakatuparan natin ang layuning ito kapag tumingala tayo kay Jesucristo. Buong pagpapakumbabang pinatototohanan ko ang mga bagay na ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.