Isang Henerasyong Kayang Labanan ang mga Kasalanan
Habang tinuturuan, pinamumunuan, at minamahal ninyo ang mga bata, makatatanggap kayo ng personal na paghahayag na tutulong sa inyo sa paghubog at paghahanda sa mga batang magigiting at kayang labanan ang mga kasalanan.
Isa’t kalahating taon na ang nakararaan nang magsalita si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa pangangailangan “sa pagtuturo at pagtulong sa pagpapalaki ng isang henerasyong kayang labanan ang mga kasalanan.”1 Ang pariralang iyan—“isang henerasyong kayang labanan ang mga kasalanan”—ay may malalim na espirituwal na kahulugan para sa akin.
Ipinagkakapuri natin ang mga batang nagsisikap na mamuhay nang malinis at masunurin. Nasaksihan ko ang katatagan ng maraming bata sa buong mundo. Naiaangkop nila ang kanilang sarili, “matatag at di natitinag”2 sa iba’t ibang mahihirap na sitwasyon at kapaligiran. Nauunawaan ng mga batang ito ang kanilang banal na pinagmulan, nadarama ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa kanila, at nagsisikap na sundin ang Kanyang kalooban.
Gayunman, may mga bata na nahihirapang maging “matatag at di natitinag” at ang kanilang mga murang isip ay nasusugatan.3 Tinutudla sila sa lahat ng dako ng “nag-aapoy na sibat ng kaaway”4 at nangangailangan ng karagdagang lakas at suporta. Sila ang naghihikayat nang lubos sa atin na lumaban at makidigma sa kasalanan sa pagsisikap nating dalhin sila kay Cristo.
Pakinggan natin ang mga salita ni Elder Bruce R. McConkie halos 43 taon na ang nakararaan:
“Bilang mga miyembro ng Simbahan, tayo ay kasali sa isang malaking labanan. Tayo ay nasa digmaan. Kasama tayo sa layunin ni Cristo na makipaglaban kay Lucifer. …
“Ang nagaganap na matinding digmaan sa lahat ng dako at sa kasamaang-palad ay maraming sugatan, at ang ilan ay nasasawi, ay hindi na bago. …
“Hindi nangyayari ni hindi maaaring mangyari na walang papanigan ang sinuman sa digmaang ito.”5
Patuloy na tumitindi ang digmaan ngayon. Damay tayong lahat sa digmaang ito, at ang ating mga anak ay nasa unang hanay na lumalaban sa mga puwersa ng kalaban. Kaya nga, kailangan nating palakasin nang husto ang ating espirituwal na pamamaraan sa pakikipaglaban.
Ang patatagin ang mga bata upang makaya nilang labanan ang kasalanan ay isang tungkulin at pagpapala para sa mga magulang, lolo’t lola, mga kapamilya, guro at lider. May responsibilidad ang bawat isa sa atin na tumulong. Gayunman, partikular na inatasan ng Panginoon ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak “na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo” at “manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.”6
Kung paano “palakihin ang [inyong] mga anak sa liwanag at katotohanan”7 ay isang mahirap na tanong dahil iba-iba ito para sa bawat pamilya at bata, magkagayunman, nagbigay ang ating Ama sa Langit ng mga tuntunin para sa lahat na tutulong sa atin. Bibigyan tayo ng Espiritu ng inspirasyon sa pinaka-epektibong pamamaraan kung paano natin espirituwal na ihahanda at palalakasin ang ating mga anak.
Upang masimulan ito, mahalagang maunawaan natin ang kahalagahan ng responsibilidad na ito. Dapat maunawaan natin ang atin—at kanilang—banal na pinagmulan at layunin bago natin matulungan ang ating mga anak na maunawaan kung sino sila at bakit sila narito. Kailangang matulungan natin silang malaman nang walang pagdududa na sila ay mga anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit at dakila ang Kanyang mga inaasahan mula sa kanila.
Pangalawa, ang maunawaan ang doktrina ng pagsisisi ay kinakailangan upang makayang labanan ang kasalanan. Hindi ibig sabihin ng kayang labanan ang kasalanan ay walang nang kasalanan, sa halip, ipinahihiwatig lamang nito na patuloy na magsisi, maging mapagbantay, at karapat-dapat. Marahil ang pagkakaroon ng kakayahang labanan ang kasalanan ay pagpapalang bunga ng patuloy na pag-iwas sa kasalanan. Gaya ng sinabi ni Santiago, “Datapuwa’t magsisalangsang kayo sa diablo, at tatakas siya sa inyo.”8
Ang mga kabataang mandirigma “ay napakagigiting … ; subalit masdan, hindi lamang ito—sila’y … matatapat sa lahat ng panahon sa anumang bagay na ipinagkakatiwala sa kanila. Oo, … sila ay naturuang sumunod sa mga kautusan ng Diyos at lumakad nang matwid sa kanyang harapan.”9 Ang mga kabataang ito ay nakipaglaban taglay ang mga katangiang katulad ng kay Cristo bilang sandata laban sa kanilang mga kaaway. Ipinaalala sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson na, “ang panawagang magpakatapang ay palaging ibinibigay sa atin. Bawat araw ng ating buhay ay kailangan ng tapang—hindi lang sa mahahalagang sandali, kundi madalas sa pagpapasiya o pagtugon natin sa mga sitwasyon sa ating paligid.”10
Isinusuot ng ating mga anak ang espirituwal na baluti habang bumubuo sila ng mga pansariling huwaran sa araw-araw na pamumuhay bilang mga disipulo. Marahil ay minamaliit natin ang kakayahan ng mga bata na maunawaan ang konsepto ng araw-araw na pamumuhay bilang mga disipulo. Pinayuhan tayo ni Pangulong Henry B. Eyring na “[magsimula] nang maaga at magpatuloy.”11 Kaya ang pangatlong susi sa pagtulong sa mga bata upang makaya nilang labanan ang kasalanan ay simulang ituro nang buong pagmamahal sa kanilang murang edad ang mga pangunahing doktrina at alituntunin ng ebanghelyo—mula sa mga banal na kasulatan, Ang mga Saligan ng Pananampalataya, sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan, mga awit sa Primary, himno, at sarili nating patotoo—na aakay sa mga bata palapit sa Tagapagligtas.
Ang araw-araw na pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, family home evening, at pagsamba tuwing Linggo ay hahantong sa kabutihan, matatag na kalooban, at malakas na moralidad—sa madaling salita, malakas na espirituwalidad. Sa mundo ngayon, na halos wala nang natitirang integridad, karapatan ng ating mga anak na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng tunay na integridad at bakit ito mahalaga—lalo na’t inihahanda natin sila na gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa araw ng binyag at sa pagpasok sa templo. Gaya ng itinuturo sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, “Ang pagtupad sa mga pangako ay naghahanda sa mga tao [kabilang na ang mga kabataan] na gumawa at tumupad [ng] mga sagradong tipan.”12
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland, “Kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa pagtupad ng tipan, pinag-uusapan natin ang puso at pinakadiwa ng ating layunin sa mortalidad.”13 May kakaibang lakas sa paggawa at pagtupad ng ating mga tipan sa Ama sa Langit. Alam ito ng kaaway, kaya nga nililito niya ang isipan ng tao tungkol sa konsepto ng paggawa ng tipan.14 Ang pagtulong sa mga bata na makaunawa, gumawa, at tumupad ng mga sagradong tipan ay isa pang susi sa paghubog ng isang henerasyong kayang labanan ang kasalanan.
Paano natin inihahanda ang ating mga anak na gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan habang pumapasok at sumusulong sila sa landas ng pakikipagtipan? Ang pagtuturo sa mga bata na tumupad sa mga simpleng pangako habang maliliit pa sila ang magbibigay sa kanila ng lakas na tumupad sa mga banal na tipan na gagawin nila kalaunan sa kanilang buhay.
Magbibigay ako ng isang simpleng halimbawa: Sa isang family home evening, isang ama ang nagtanong, “Kumusta na tayo bilang isang pamilya?” Nagsumbong ang limang taong gulang na si Lizzie na madalas siyang tinutukso ng kanyang kuyang si Kevin at nasasaktan nito ang damdamin niya. Atubiling inamin ni Kevin na totoo ang sinabi ni Lizzie. Tinanong si Kevin ng kanyang ina kung ano ang maaari niyang gawin upang maging maayos ang samahan nilang magkapatid. Nag-isip si Kevin at nagpasiyang mangako kay Lizzie na hindi niya ito tutuksuhin sa loob ng isang araw.
Kinabukasan, bago matapos ang araw na iyon, habang magkakasama ang pamilya para manalangin, tinanong si Kevin ng kanyang ama kung ano ang ginawa niya. Sumagot si Kevin ng “Dad, natupad ko ang pangako ko!” Masayang sumang-ayon si Lizzie, at binati ng pamilya si Kevin.
Pagkatapos noon, iminungkahi ng ina ni Kevin na kung kaya niya itong gawin sa loob ng isang araw, bakit hindi niya gawin ito sa loob ng dalawang araw? Sumang-ayon si Kevin na gagawin itong muli. Dalawang araw ang lumipas, matagumpay na natupad ni Kevin ang kanyang pangako, at lalong nagpasalamat si Lizzie! Nang tanungin ng kanyang ama kung bakit mahusay niyang natutupad ang kanyang mga pangako, sinabi ni Kevin, “Tinupad ko ang aking pangako dahil iyon ang sinabi ko.”
Ang sunud-sunod na maliliit at matagumpay na pagtupad sa mga pangako ay nagbubunga ng integridad. Ang patuloy na pagtupad sa pangako ay espirituwal na paghahanda para sa mga bata sa pagtanggap sa una nilang tipan sa binyag at kaloob na Espiritu Santo, kung saan nakikipagtipan sila na paglilingkuran ang Diyos at susundin ang Kanyang mga kautusan.15 Ang mga pangako at tipan ay hindi mapaghihiwalay.
Sa aklat ni Daniel, nalaman natin ang tungkol kina Sadrach, Mesach, at Abed-nego na tumangging sumamba sa mga diyus-diyusan ni Haring Nabucodonosor.16 Binalaan sila ng hari na ihahagis sila sa hurnong nagniningas kung hindi sila susunod. Sila ay tumanggi at nagsabing:
“Narito, ang aming Dios na aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin sa mabangis na hurnong nagniningas. …
“Ngunit kung hindi, talastasin mo, Oh hari, na hindi kami mangaglilingkod sa iyong mga dios.”17
“Ngunit kung hindi.” Pag-isipan ang kahulugan ng tatlong salitang ito at kung paano ito nauugnay sa pagtupad sa mga tipan. Ang pagsunod ng tatlong kabataang ito ay hindi nakabatay sa kanilang ikaliligtas. Kahit hindi sila mailigtas, tutupad sila sa kanilang pangako sa Panginoon dahil iyon ang sinabi nila na gagawin nila. Ang pagtupad sa ating mga tipan ay hindi nakasalalay kailanman sa ating sitwasyon. Ang tatlong kabataang ito, gaya ng mga kabataang mandirigma, ay mabubuting halimbawa para sa ating mga anak sa paglaban sa kasalanan.
Paano maisasabuhay ang mga halimbawang ito sa ating mga tahanan at pamilya? “Taludtod sa taludtod, alituntunin sa alituntunin,”18 tinutulungan natin ang mga bata na malasap ang tagumpay nang paunti-unti. Kapag tinutupad nila ang kanilang mga pangako, madarama nila ang Espiritu sa kanilang buhay. Itinuro ni Elder Joseph B. Wirthlin na “ang pinakamagandang gantimpala na bunga ng integridad ay ang patuloy na paggabay ng Espiritu Santo.”19 Sa gayon ang pagtitiwala ng ating mga anak “ay lalakas sa harapan ng Diyos.”20 Mula sa balon ng integridad ay bubukal ang isang malakas na henerasyon na kayang labanan ang kasalanan.
Mga kapatid, ilapit nang husto ang inyong mga anak sa inyo—napakalapit upang makita nila ang katapatan ninyo sa araw-araw at mamasdan kayong tumutupad sa inyong mga pangako at tipan. “Ang mga bata ay mahusay sa panggagaya, kaya’t bigyan sila ng magandang tutularan.”21 Tunay na tumutulong tayo sa pagtuturo at pagpapalaki sa isang henerasyon sa Panginoon na kayang labanan ang kasalanan nang pangako sa pangako at tipan sa tipan.
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang namumuno sa Simbahang ito. Habang tinuturuan, pinamumunuan, at minamahal ninyo ang mga bata ayon sa paraan ng Tagapagligtas, makatatanggap kayo ng personal na paghahayag na tutulong sa inyo sa paghubog at pagpapalakas sa mga batang magigiting at kayang labanan ang mga kasalanan. Dalangin ko na nawa’y sambitin din ng ating mga anak ang mga salita ni Nephi: “Maaari bang gawin ninyong ako ay manginig sa paglitaw ng kasalanan?”22 Pinatototohanan ko na nagbayad-sala ang Tagapagligtas para sa mga kasalanan ng sanlibutan23—dahil sinabi Niyang gagawin Niya ito—at minamahal Niya tayo nang higit pa sa inaakala nating mga mortal24—dahil sinabi Niyang gagawin Niya ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.