2010–2019
Paano Kayo Tinutulungan ng Espiritu Santo?
Abril 2017


NaN:NaN

Paano Kayo Tinutulungan ng Espiritu Santo?

Ang Espiritu Santo ay nagbababala, ang Espiritu Santo ay nagpapanatag, at ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo.

Isang Lunes ng gabi hindi pa katagalan, kami ng asawa kong si Lesa ay bumisita sa isang nagsisimula pa lang na pamilya sa aming komunidad. Habang naroon kami, inanyayahan kami ng pamilya na huwag munang umalis para makasama sa family home evening, at sinabing naghanda ng lesson ang kanilang siyam na taong gulang na anak. Siyempre hindi kami umuwi!

Kasunod ng pambungad na awitin, panalangin, at mga bagay ukol sa pamilya, nagsimula ang siyam-na-taong-gulang sa pagbasa ng isang makabuluhang tanong na kasama sa isinulat niyang lesson: “Paano kayo tinutulungan ng Espiritu Santo?” Ang tanong na ito ay nagpasimula ng makabuluhang talakayan ng pamilya nang magbahagi ang lahat ng mga ideya at nalalaman nila. Humanga ako sa paghahanda ng lesson ng aming titser at sa kanyang napakagandang tanong, na paulit-ulit kong pinag-isipan.

Sulat-kamay na lesson sa family home evening

Mula noon, palagi kong itinatanong sa aking sarili, “Paano ka tinutulungan ng Espiritu Santo?”—isang tanong na lalong mahalaga para sa mga batang Primary na magwawalong taong gulang at naghahandang mabinyagan at para sa mga batang kabibinyag pa lamang at tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Mahalaga rin ito sa libu-libong bagong binyag.

Inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin, lalo na ang mga batang Primary, na isipin, “Paano kayo tinutulungan ng Espiritu Santo?” Sa pagninilay ko sa tanong na ito, agad kong naalala ang isang karanasan noong bata pa ako. Ikinuwento ko ito kay Elder Robert D. Hales matapos akong tawagin sa Korum ng Labindalawang Apostol at isinama niya ito sa artikulo ng magasin ng Simbahan na isinulat niya tungkol sa aking buhay.1 Marahil narinig na ng ilan sa inyo ang kuwentong ito, ngunit maaaring marami pa ang hindi nakarinig nito.

Noong 11 taong gulang ako, nag-hiking kami ng tatay ko isang araw ng tag-init sa kabundukan malapit sa bahay namin. Habang paakyat si Itay sa matarik na daan, lumundag-lundag ako sa malalaking bato sa gilid ng daan. Binalak kong akyatin ang isang malaking bato at sinimulan kong akyatin ang tuktok nito. Habang paakyat ako sa tuktok ng malaking bato, nagulat ako nang sunggaban ako ni Itay sa sinturon ko at hinila ako pababa, sinabing, “Huwag kang umakyat sa batong iyan. Manatili lang tayo sa daan.”

Makalipas ang ilang sandali, nang tumingin kami sa ibaba mula sa itaas ng daan, nagulat kami nang makita namin ang isang malaking rattlesnake na nagpapaaraw sa tuktok mismo ng malaking batong gusto kong akyatin.

Kalaunan, habang pauwi kami, alam kong hinihintay ni Itay na magtanong ako ng: “Paano po ninyo nalaman na may ahas doon?” Kaya nagtanong ako, at ang tanong ko ay nauwi sa pag-uusap tungkol sa Espiritu Santo at kung paano tayo matutulungan ng Espiritu Santo. Hindi ko na nalimutan kailanman ang natutuhan ko noong araw na iyon.

Nakita ba ninyo kung paano ako tinulungan ng Espiritu Santo? Walang hanggan ang pasasalamat ko dahil nakinig ang tatay ko sa marahan at banayad na tinig ng Espiritu Santo, dahil iniligtas nito ang aking buhay.

Ang Alam Natin tungkol sa Espiritu Santo

Bago natin pag-isipan pang mabuti ang tanong na “Paano kayo tinutulungan ng Espiritu Santo?” pag-aralan nating muli ang ilan sa naihayag ng Panginoon tungkol sa Espiritu Santo. Marami tayong matatalakay na walang-hanggang katotohanan, ngunit ngayo’y tatlo lamang ang pagtutuunan ko.

Una, ang Espiritu Santo ang pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Nalaman natin ang katotohanang ito sa unang saligan ng pananampalataya: “Naniniwala kami sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo.”2

Pangalawa, ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu, ayon sa paglalarawan sa makabagong banal na kasulatan: “Ang Ama ay may katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao; ang Anak din; subalit ang Espiritu Santo ay walang katawang may laman at mga buto, kundi isang personaheng Espiritu. Kung hindi ganito, ang Espiritu Santo ay hindi makapananahanan sa atin.”3 Ibig sabihin ay may katawang espiritu ang Espiritu Santo, di-tulad ng Diyos Ama at ni Jesucristo, na may pisikal na katawan. Nililinaw rin ng katotohanang ito ang iba pang pangalang ibinigay sa Espiritu Santo at pamilyar sa atin, kabilang ang Banal na Espiritu, Espiritu ng Diyos, Espiritu ng Panginoon, Banal na Espiritu ng Pangako, at ang Mang-aaliw.4

Pangatlo, natatanggap ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Ang ordenansang ito, pagkatapos ng binyag, ay nagpapamarapat sa atin para sa palagiang pagsama ng Espiritu Santo.5 Upang maisagawa ang ordenansang ito, ipinapatong ng mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang kanilang mga kamay sa ulo ng indibiduwal,6 tinatawag siya sa kanyang pangalan, binabanggit ang awtoridad ng kanilang priesthood, at sa pangalan ng Tagapagligtas ay kinukumpirma siyang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at sinasambit ang mahalagang pariralang ito: “Tanggapin mo ang Espiritu Santo.”

Paano Kayo Tinutulungan ng Espiritu Santo?

Sa simpleng pagrerebyu sa tatlong mahahalagang katotohanan tungkol sa Espiritu Santo, babalik tayo sa unang tanong natin: “Paano kayo tinutulungan ng Espiritu Santo?”

Ang Espiritu Santo ay Nagbibigay ng Babala

Tulad sa ikinuwento kong karanasan noong bata pa ako, matutulungan kayo ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng maagang pagbibigay ng babala sa inyo sa mga pisikal at espirituwal na panganib. Natutuhan kong muli ang kahalagahan ng pagbibigay ng babala ng Espiritu Santo habang naglilingkod ako noon sa Area Presidency sa Japan.

Sa panahong ito, magkasama kami sa gawain ni President Reid Tateoka ng Japan Sendai Mission. Bilang bahagi ng kanyang karaniwang gawain sa mission, pinlano ni President Tateoka na magkaroon ng miting para sa mga missionary leader sa southern zone ng kanyang mission. Ilang araw bago ang miting, nagkaroon ng impresyon si President Tateoka, isang damdamin sa kanyang puso, na anyayahan ang lahat ng mga missionary sa zone na iyon sa miting sa pamumuno, sa halip na ang maliit na bilang lamang ng mga lider na elder at sister.

Nang ibalita niya ang balak niyang gawin, ipinaalala sa kanya na ang miting na ito ay hindi para sa lahat ng missionary kundi para sa mga mission leader lamang. Gayunpaman, isinantabi niya ang karaniwang plano para sundin ang impresyon na nadama niya, at inanyayahan niya sa miting ang lahat ng missionary na naglilingkod sa ilang lungsod sa may baybaying-dagat, kabilang na ang lungsod ng Fukushima. Sa itinakdang araw, Marso 11, 2011, sama-samang nagtipon ang mga missionary para sa malaking mission meeting sa loob ng lungsod ng Koriyama.

Sa oras ng miting, isang lindol na may 9.0-magnitude at tsunami ang tumama sa rehiyon ng Japan kung saan naroon ang Japan Sendai Mission. Ang nakakalungkot, maraming lungsod sa may baybaying-dagat—kabilang ang mga lungsod na pinanggalingan ng mga missionary na nagtipon—ay nawasak at maraming buhay ang nasawi. At ang lungsod ng Fukushima ay nanganib sa kasunod na insidente na may kaugnayan sa nuclear power plant.

Bagama’t napinsala ng lindol ang meetinghouse kung saan nagmimiting ang mga missionary nang araw na iyon, dahil sa pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo, sina President at Sister Tateoka at lahat ng missionary ay magkakasamang nakaligtas. Ilang milya ang layo nila sa panganib at sa pananalasa ng tsunami at nuclear fallout.

Kapag sinunod ninyo ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo—ang mga impresyon ay kadalasang marahan at banayad—maliligtas kayo, nang hindi nalalaman ang tungkol dito, mula sa espirituwal at temporal na panganib.

Mga kapatid, tutulungan kayo ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagbibigay ng babala sa inyo, tulad ng ginawa Niya sa aking ama at kay President Tateoka.

Ang Espiritu Santo ay Nagbibigay ng Kapanatagan

Upang patuloy na masagot ang tanong na “Paano kayo tinutulungan ng Espiritu Santo?” alamin natin ang Kanyang ginagampanan bilang Mang-aaliw. Ang mga hindi inaasahang pangyayari sa ating buhay ay nagdudulot ng kalungkutan, pasakit, at kabiguan. Gayunpaman, sa gitna ng mga pagsubok na ito, ginagampanan ng Espiritu Santo ang isa sa Kanyang mahahalagang tungkulin—bilang Mang-aaliw, na sa katunayan ay isa sa Kanyang mga pangalan. Ang mga salitang ito na nagbibigay ng kapayapaan at kapanatagan mula kay Jesucristo ay naglalarawan sa sagradong tungkuling ito: “Ako’y dadalangin sa Ama, at kayo’y bibigyan niya ng ibang Mangaaliw, upang siyang suma inyo magpakailan man.”7

Para lalo pang maipaliwanag ito, ikukuwento ko sa inyo ang tungkol sa isang pamilya na may limang anak na lalaki na lumipat sa isang maliit na komunidad mula Los Angeles ilang taon na ang nakararaan. Ang dalawang mas nakatatandang anak ay nagsimulang maglaro ng sports para sa kanilang paaralan kasama ang mga kaibigan, lider, at coach—marami sa mga ito ay matatapat na miyembro ng Simbahan. Ang pagkakaibigang ito ay nakatulong at humantong sa pagpapabinyag ni Fernando, ang panganay, at ng kanyang nakababatang kapatid.

Kalaunan lumipat ng tirahan si Fernando, at doon niya ipinagpatuloy ang kanyang pag-aaral at paglalaro ng football sa kolehiyo. Pinakasalan niya sa templo ang kanyang naging kasintahan sa high school na si Bayley. Nang matapos nina Fernando at Bayley ang kanilang pag-aaral, masaya nilang inasam ang pagsilang ng kanilang unang anak—isang sanggol na babae. Ngunit noong tinutulungan sina Fernando at Bayley ng kanilang mga pamilya sa kanilang pagbabalik, ang sasakyang minamaneho ni Bayley sa freeway kasama ang kanyang kapatid na babae ay malagim na naaksidente na kinasangkutan ng maraming sasakyan. Nasawi si Bayley at ang kanyang anak na hindi pa naisisilang.

Si Fernando at Bayley

Napakatindi man ng sakit na nadama ni Fernando, pati rin ng mga magulang at kapatid ni Bayley, halos kaagad din nilang nadama ang matinding kapayapaan at kapanatagan. Ang Espiritu Santo bilang Mang-aaliw ay talagang tinulungan si Fernando na makayanan ang napakatinding pagdadalamhating ito na hindi mailarawan. Patuloy na ipinadama ng Espiritu ang kapayapaan na naging dahilan upang patawarin at mahalin ni Fernando ang lahat ng sangkot sa nakalulunos na aksidenteng iyon.

Tinawagan ng mga magulang ni Bayley ang kapatid nitong lalaki na naglilingkod bilang missionary noong mangyari ang aksidente. Kalaunan ay inilarawan niya sa isang liham ang kanyang nadama nang ibalita sa kanya ang masamang nangyari sa kanyang mahal na kapatid: “Humanga ako sa katatagan ng inyong tinig sa gitna ng matinding pagsubok. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. … Ang naiisip ko lang ay wala na ang kapatid ko sa pag-uwi ko. … Napanatag ako ng inyong matatag na patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang plano. Ang espirituwal at payapang damdamin iyon na halos magpaiyak sa akin kapag nag-aaral at nagtuturo ako, ang siyang pumuspos sa aking puso. Ako ay napanatag at napaalalahanan ng mga bagay na alam ko na.”8

Tutulungan kayo ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapanatagan sa inyo, tulad ng ginawa Niya kay Fernando at sa pamilya ni Bayley.

Ang Espiritu Santo ay Nagpapatotoo

Ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo at sumasaksi rin sa Ama at sa Anak at sa lahat ng katotohanan.9 Ang Panginoon, sa pagsasalita sa Kanyang mga disipulo, ay nagsabing: “Datapuwa’t pagparito ng Mangaaliw, na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, … [ay] magpapatotoo [siya] sa akin.”10

Upang mailarawan ang mahalagang ginagampanan ng Espiritu Santo bilang tapagpatotoo, itutuloy ko ang kuwento nina Fernando at Bayley. Kung natatandaan ninyo, ikinuwento ko na si Fernando at ang kanyang kapatid ay nabinyagan, ngunit hindi ang kanyang mga magulang at tatlong mas nakababatang kapatid. At, sa kabila ng maraming paanyaya na magpaturo sa mga missionary sa nakalipas na mga taon, hindi nila ito tinanggap.

Sa masakit na pagpanaw ni Bayley at ng kanyang anak na hindi pa naisisilang, napakalungkot ng pamilya ni Fernando. Hindi tulad ni Fernando at ng pamilya ni Bayley, hindi nila madama ang kapanatagan o kapayapaan. Hindi nila maunawaan kung paano nakayanan ng kanilang sariling anak, pati ng pamilya ni Bayley, ang kanilang matinding kapighatian.

Kalaunan, naisip nila na ang bagay na mayroon ang kanilang anak at wala sila ay ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, at ito marahil ang pinagmumulan ng kanyang kapayapaan at kapanatagan. Matapos nilang maunawaan ito, inanyayahan nila ang mga missionary na ituro ang ebanghelyo sa kanilang pamilya. Bunga nito, nagkaroon sila ng sariling patotoo tungkol sa dakilang plano ng kaligayahan, na nagdala sa kanila ng matinding kapayapaan at kapanatagan na hinahanap nila.

Binyag ng Pamilya ni Fernando

Dalawang buwan matapos pumanaw si Bayley at ang kanilang hindi pa naisisilang na apo, ang mga magulang at dalawa sa nakababatang kapatid ni Fernando ay nabinyagan, nakumpirma, at tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Ang bunsong kapatid ni Fernando ay inaasam ang kanyang binyag kapag walong taong gulang na siya. Pinatototohanan ng bawat isa sa kanila na ang Espiritu, ang Espiritu Santo, ay nagpatotoo sa katotohanan ng ebanghelyo, na naging dahilan ng pagkakaroon nila ng hangaring magpabinyag at tumanggap ng Espiritu Santo.

Mga kapatid, tutulungan kayo ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa inyo tulad ng ginawa Niya sa pamilya ni Fernando.

Buod

Ngayon ay ibuod natin ang mensahe. Natukoy na natin ang tatlong ipinahayag na katotohanan na nagbigay sa atin ng kaalaman tungkol sa Espiritu Santo. Na ang Espiritu Santo ay pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos; ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu, at ang kaloob na Espiritu Santo ay natatanggap sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Natukoy rin natin ang tatlong sagot sa tanong na “Paano kayo tinutulungan ng Espiritu Santo?” Ang Espiritu Santo ay nagbababala, ang Espiritu Santo ay nagpapanatag, at ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo.

Pagiging Karapat-dapat Upang Mapanatili ang Kaloob

Sa inyo na naghahandang mabinyagan at makumpirma, sa inyong mga bagong miyembro, o matagal nang miyembro, mahalaga sa ating pisikal at espirituwal na kaligtasan na panatilihin natin ang kaloob na Espiritu Santo. Magagawa natin ito sa pagsisikap na sundin ang mga kautusan, pagdarasal nang mag-isa at kasama ang pamilya, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at pagsisikap na magkaroon ng pagmamahal at pagpapatawaran sa pamilya at sa mga mahal sa buhay. Dapat nating panatilihing dalisay ang ating isip, kilos, at salita. Dapat nating sambahin ang ating Ama sa Langit sa ating tahanan, simbahan, at, kung maaari, sa banal na templo. Manatiling malapit sa Espiritu, at ang Espiritu ay mananatiling malapit sa inyo.

Patotoo

Magtatapos ako sa pagbibigay ng paanyaya at ng matibay kong patotoo. Inaanyayahan ko kayo na mas lubos na ipamuhay ang mga salita na madalas awitin ng mga bata sa Primary, mga salita na tiyak kong alam nila: “Dinggin, tinig na maraha’t banayad. Dinggin, bulong ng Espiritu.”11

Mahal kong mga kapatid, mga bata at matatanda, inihahayag ko ang aking patotoo na may buhay na mga banal na nilalang na bumubuo ng Panguluhang Diyos—ang Diyos Ama, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo. Pinatototohanan ko na ang isa sa mga pribilehiyong tinatamasa natin bilang mga Banal sa mga Huling Araw na nabubuhay sa kaganapan ng panahon ay ang kaloob na Espiritu Santo. Alam ko na tinutulungan at tutulungan kayo ng Espiritu Santo. Idaragdag ko rin ang aking natatanging patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ginagampanan bilang ating Tagapagligtas at Manunubos at sa Diyos na ating Ama sa Langit. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.