2010–2019
Ang Kanyang Kamay na Gumagabay Araw-araw
Abril 2017


NaN:NaN

Ang Kanyang Kamay na Gumagabay Araw-araw

Alam ng Ama sa Langit kung ano ang inyo at aking kailangan nang higit kaninuman.

Isa sa pinakagustong mga kasangkapan ng Ama sa Langit sa paggabay sa Kanyang mga anak ang matwid na mga lolo’t lola. Ganyan ang ina ng tatay ko. Minsan noong masyado pa akong bata para makaalala, dinisiplina ako ng tatay ko. Nang makita ang pagtatamang ito, sabi ng lola ko, “Monte, sa tingin ko masyadong mabagsik kang magsalita sa kanya.”

Tugon ng tatay ko, “Didisiplinahin ko ang mga anak ko sa paraang gusto ko.”

At mahinang sinabi ng matalino kong lola, “At ako rin.”

Sigurado ako na narinig ng tatay ko ang matalinong paggabay ng kanyang ina noong araw na iyon.

Kapag inisip natin ang paggabay, maaari nating maisip ang isang himnong alam at gustung-gusto nating lahat—“Ako ay Anak ng Diyos.” Sa koro makikita natin ang mga titik na “Akayin at patnubayan sa tamang daan.”1

Kamakailan ko lang naunawaan na ang korong iyon ay banal na patnubay sa mga magulang. Habang pinagninilayan ko ang mga salitang ito, natanto ko na kahit naroon ang patnubay na iyon, may mas malalim pa itong kahulugan. Bawat isa sa atin ay nagsusumamo araw-araw na gabayan, akayin, at tabihan tayo ng Ama sa Langit sa ating paglakad.

Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Alam ng ating Ama sa Langit ang mga pangangailangan ng Kanyang mga anak nang higit kaninuman. Gawain at kaluwalhatian Niya na patuloy tayong tulungan, na bigyan tayo ng kahanga-hangang temporal at espirituwal na mga tulong sa ating landas pabalik sa Kanya.”2

Pakinggan ang mga salitang iyon: Alam ng Ama sa Langit kung ano ang inyo at aking kailangan nang higit kaninuman. Dahil dito, gumawa Siya ng isang personal care package na akma sa bawat isa sa atin. Marami itong bahagi. Kabilang dito ang Kanyang Anak at ang Pagbabayad-sala, ang Espiritu Santo, mga kautusan, banal na kasulatan, panalangin, propeta, apostol, magulang, lolo’t lola, lokal na mga lider ng Simbahan, at marami pang iba—lahat upang tulungan tayong makabalik sa Kanyang piling balang araw.

Maaari ko bang ibahagi ngayon ang ilan sa mga bahagi ng care package na nagpakita sa akin na isang mapagmahal na Ama ang umaakay, gumagabay, at tumatabi sa amin ng aking pamilya sa paglakad? Dalangin ko na makita ng bawat isa sa inyo sa inyong mga karanasan na inaakay, ginagabayan, at tinatabihan kayo ng Ama sa Langit sa paglakad at, sa kaalamang iyan, na magpapatuloy kayo nang may tiwala, batid na hindi kayo talaga nag-iisa kailanman.

Ang mga kautusan ng Ama sa Langit ay mahahalagang bahagi ng care package. Ipinahayag ni Alma, “Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan.”3 Ang pagkunsinti sa hindi tamang pag-uugali nang walang mapagmahal na pagtatama ay maling pagkahabag at nagpapatibay sa karaniwang ideya na ang kasamaan ay maaari ngang magdulot ng kaligayahan. Malinaw na pinasinungalingan ni Samuel na Lamanita ang ideyang ito: “Kayo ay naghangad ng kaligayahan sa paggawa ng kasamaan, kung aling bagay ay salungat sa kalikasan ng yaong kabutihan na nasa ating dakila at Walang Hanggang Pinuno.”4

Sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, palaging ipinaaalala sa atin ng Ama sa Langit na ang maging matwid ay kaligayahan. Halimbawa, itinuro ni Haring Banjamin na “hinihingi [ng Ama sa Langit] na inyong gawin ang kanyang pinag-uutos sa inyo; sapagkat kung ito ay gagawin ninyo, kayo ay kaagad niyang pagpapalain.”5 Gayon din ang paalaala sa isa pang himno:

Ang mga utos sa t’wina’y sundin!

Dito ay ligtas tayo at payapa.

Mga biyaya’y ibibigay N’ya.6

Noong malapit na ang ika-14 na kaarawan ko, nalaman ko ang ilan sa mga biyayang ito. Napansin ko ang kakaibang pag-uugali ng mga magulang ko. Sa naobserbahan ko, itinanong ko, “Magmimisyon po ba tayo?” Napagtibay ng pagkagulat sa mukha ng nanay ko ang aking hinala. Kalaunan, sa isang family council, nalaman naming magkakapatid na natawag ang aming mga magulang na mamuno sa isang misyon.

Tumira kami sa isang magandang rantso sa Wyoming. Sa aking pananaw, perpekto ang buhay. Nakakauwi ako ng bahay mula sa eskuwela, natatapos ko ang mga gawain ko, at nakakapangaso, nakakapangisda, o nakakagala ako kasama ang aso ko.

Hindi nagtagal matapos kong malaman ang tawag sa misyon, natanto ko na kailangan kong iwanan ang aso kong si Blue. Hinarap ko ang tatay ko, at tinanong kung ano ang dapat kong gawin kay Blue. Gusto kong bigyang-diin na hindi patas ang ipinagagawa ng Diyos. Hinding-hindi ko malilimutan ang tugon na ito. Sabi niya, “Hindi ako sigurado. Siguro hindi siya puwedeng sumama sa atin, kaya tanungin mo na ang Ama sa Langit.” Hindi iyon ang inaasahan kong sagot.

Sinimulan kong basahin ang Aklat ni Mormon. Taimtim kong ipinagdasal na malaman kung kailangan kong ipamigay ang aso ko. Hindi dumating ang sagot sa akin sa isang sandali; sa halip, isang natatanging ideya ang patuloy na pumasok sa aking isipan: “Huwag kang maging pabigat sa mga magulang mo. Huwag kang maging pabigat. Ako ang tumawag sa mga magulang mo.”

Alam ko kung ano ang ipinagagawa ng Ama sa Langit. Hindi binawasan ng kaalamang iyan ang sakit ng ipamigay ang aso ko. Gayunman, sa pamamagitan ng munting sakripisyong iyon, lumambot ang puso ko at napayapa ako sa paghahangad sa kalooban ng Ama sa Langit.

Nagpapasalamat ako sa Ama sa Langit para sa mga pagpapala at kaligayahang natagpuan ko sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, panalangin, Espiritu Santo, at ng isang karapat-dapat na ama sa lupa na tumanggap sa kanyang tungkulin bilang pangunahing tagapagturo ng ebanghelyo sa kanyang mga anak. Inaakay, ginagabayan, at tinatabihan pa nila ako sa aking paglakad upang tulungan akong mahanap ang daan—lalo na kapag kailangan kong gumawa ng isang mahirap na bagay.

Dagdag pa sa mga bahagi ng care package na nabanggit ko, bawat isa sa atin ay biniyayaan ng isang priesthood leader upang akayin at gabayan tayo.

Sabi ni Pangulong Boyd K. Packer: “Inspirado ang mga bishop! Bawat isa sa atin ay may kalayaang tanggapin o tanggihan ang payo mula sa ating mga pinuno, ngunit huwag isantabi kailanman ang payo ng inyong bishop, ibinigay man ito mula sa pulpito o sa bawat indibiduwal.”7

Nagsisikap ang kalalakihang ito na kumatawan sa Panginoon. Matanda man tayo o bata, kapag gusto ni Satanas na isipin natin na nawala na ang lahat, nariyan ang mga bishop para gabayan tayo. Sa pakikipag-usap sa mga bishop, may natuklasan akong karaniwang tema hinggil sa mga pagtatapat ng paglabag o walang-malay na pagdurusa dahil sa malalaking pagkakamali. Gustong ipahayag kaagad ng mga bishop ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa indibiduwal at ang hangaring tabihan ito sa paglakad sa paghahanap ng daan pauwi.

Marahil ang pinakadakilang bahagi ng care package ng Ama sa Langit ay inilarawan sa mga salitang ito: “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanlibutan, na ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak.”8

Para maituro sa atin ang lahat ng kailangan nating gawin, ipinakita ni Jesucristo ang daan sa pamamagitan ng pagbibigay ng perpektong halimbawa na kailangan nating subukang tularan. Nagsusumamo Siya sa atin nang nakaunat ang mga bisig na lumapit at sundan Siya.9 At kapag nabigo tayo, na nangyayari sa ating lahat, ipinapaalala Niya sa atin, “Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi.”10

Kamangha-manghang regalo! Ang pagsisisi ay hindi isang parusa; ito ay isang pribilehiyo. Ito ay isang pribilehiyo na umaakay at gumagabay sa atin. Hindi kataka-taka na ipinapahayag ng mga banal na kasulatan na wala tayong dapat iturong anuman maliban sa pagsisisi.11

Maraming magagamit ang Ama sa Langit, ngunit kadalasa’y gumagamit Siya ng isa pang tao para tulungan Siya. Araw-araw Niya tayong binibigyan ng mga pagkakataong akayin, gabayan, at tabihan sa paglakad ang isang taong nangangailangan. Kailangan nating tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas. Kailangan din nating gawin ang gawain ng Ama sa Langit.

Bilang Young Men General Presidency, alam namin na pinagpapala ang mga kabataan kapag may mga magulang at lider sila na kumikilos para sa Ama sa Langit sa pag-akay, paggabay, at pagtabi sa kanilang paglakad. Ang tatlong alituntunin12 na tumutulong sa atin upang maging bahagi ng care package ng Ama sa Langit para sa iba ay:

Una, samahan ang mga kabataan. Binigyang-diin ni Pangulong Henry B. Eyring ang puntong ito: “May ilang bagay tayong magagawa na maaaring napakahalaga. Mas mabisa pa kaysa paggamit ng mga salita sa pagtuturo natin ng doktrina ang ating mga halimbawa ng pamumuhay ng doktrina.”13 Upang maakay ang mga kabataan, kailangan ninyo silang samahan. Ang paglalaan ng oras ay pagpapahayag ng pagmamahal na nagtutulot sa atin na magturo sa pamamagitan ng salita at halimbawa.

Pangalawa, upang tunay na magabayan ang mga kabataan, kailangan natin silang ikonekta sa langit. Laging dumarating ang oras na bawat isa ay kailangang tumayong mag-isa. Ang Ama sa Langit lamang ang maaaring nariyan upang gumabay sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Kailangang malaman ng ating mga kabataan kung paano maghangad ng patnubay ng Ama sa Langit.

Pangatlo, kailangan nating hayaang mamuno ang mga kabataan. Tulad ng mapagmahal na magulang na hawak sa kamay ang isang maliit na batang nag-aaral maglakad, kailangan nating bumitaw upang matuto ang mga kabataan. Kailangan ng pasensya at pagmamahal para mahayaang mamuno ang mga kabataan. Mas mahirap ito at mas maraming oras ang kailangan kaysa kung tayo mismo ang gagawa. Maaari silang madapa sa daan, ngunit katabi nila tayo sa paglalakad.

Mga kapatid, magkakaroon ng mga pagkakataon sa ating buhay na tila malayo o kulang ang mga pagpapala ng patnubay. Sa gayong mga panahon ng kabagabagan, nangako si Elder D. Todd Christofferson: “Pahalagahan sa lahat ang inyong mga tipan at hustuhin ang inyong pagsunod. Sa gayo’y makahihiling kayo nang may pananampalataya, walang pag-aalinlangan, ayon sa inyong pangangailangan, at ang Diyos ay sasagot. Susuportahan niya kayo sa inyong paggawa at pagbabantay. Sa Kanyang sariling panahon at paraan Kanyang iaabot sa inyo ang Kanyang kamay at sasabihing, ‘Narito ako.’”14

Minsan na gayon ang pagkakataon, hinangad ko ang payo ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng patuloy at taos-pusong panalangin nang mahigit isang taon upang makahanap ng solusyon sa isang mahirap na sitwasyon. Nalaman ko na makatwirang sagutin ng Ama sa Langit ang lahat ng taos na panalangin. Gayunpaman naging masyado akong desperado isang araw kaya nagpunta ako sa templo na may isang katanungan: “Ama sa Langit, talaga po bang nagmamalasakit Kayo?”

Nakaupo ako malapit sa likuran ng Logan Utah Temple waiting room nang, sa gulat ko, pumasok sa silid noong araw na iyon ang temple president na si Vaughn J. Featherstone, isang malapit na kaibigan ng pamilya. Tumayo siya sa harap ng kongregasyon at binati kaming lahat. Nang mapansin niya na kasama ako sa mga temple patron, huminto siya sa pagsasalita, tinitigan ako sa mga mata, at saka sinabing, “Brother Brough, natutuwa akong makita ka sa templo ngayon.”

Hinding-hindi ko malilimutan ang nadama ko sa simpleng sandaling iyon. Para bang—sa pagbating iyon—iniunat ng Ama sa Langit ang Kanyang kamay at sinabing, “Narito Ako.”

Talagang nagmamalasakit at nakikinig at sumasagot ang Ama sa Langit sa panalangin ng bawat bata.15 Bilang isa sa Kanyang mga anak, alam ko na dumating ang sagot sa aking mga dalangin sa takdang panahon ng Panginoon. At sa karanasang iyon, naunawaan ko nang higit kailanman na tayo ay mga anak ng Diyos at na isinugo Niya tayo rito upang madama natin ang Kanyang presensya ngayon at makabalik upang mamuhay sa piling Niya balang araw.

Pinatototohanan ko na talagang inaakay, ginagabayan, at tinatabihan tayo ng Ama sa Langit sa ating paglakad. Kapag sinundan natin ang Kanyang Anak at nakinig tayo sa Kanyang mga lingkod, na mga apostol at propeta, matatagpuan natin ang daan tungo sa buhay na walang hanggan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.