At Pagtitig sa Kaniya ni Jesus, ay Giniliw Siya
Anumang oras na madama ninyo na mahirap ang ipinagagawa sa inyo, isipin ang Panginoon na nakatitig sa inyo, minamahal kayo at inaanyayahan kayong sumunod sa Kanya.
Ilang taon na ang nakalipas, kami ng asawa kong si Jacqui ay tinawag na mamuno sa Washington Spokane Mission. Dumating kami sa misyon na may halong pangamba at pananabik sa responsibilidad na makipagtulungan sa maraming kahanga-hangang batang missionary. Nagmula sila sa maraming iba’t ibang kultura at agad na naging parang sarili naming mga anak na lalaki at babae.
Bagama’t karamihan ay mahusay ang kalagayan, ang ilan ay nahihirapan sa mataas na inaasahan sa kanilang tungkulin. Naaalala kong sinabi ng isang missionary sa akin, “President, hindi ko gusto ang mga tao.” Sinabi naman ng ilan na wala silang hangaring sundin ang mahihigpit na patakaran sa mga missionary. Nag-alala ako at inisip ko kung ano ang maaari naming gawin para mabago ang puso ng ilang missionary na iyon na hindi pa natututuhan ang kagalakang nagmumula sa pagsunod.
Isang araw habang nagmamaneho ako sa kahabaan ng magandang taniman ng trigo sa hangganan ng Washington–Idaho, nakikinig ako sa isang recording ng Bagong Tipan. Habang pinakikinggan ko ang pamilyar na kuwento tungkol sa mayamang binata na lumapit sa Tagapagligtas para magtanong kung ano ang maaari niyang gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan, nakatanggap ako ng di-inaasahan ngunit matinding personal na paghahayag na ngayon ay isa nang sagradong alaala.
Matapos marinig na inisa-isa ni Jesus ang mga kautusan at sumagot ang binata na sinusunod niya ang lahat ng ito mula sa kanyang kabataan, pinakinggan ko ang magiliw na pagtutuwid ng Tagapagligtas: “Isang bagay ang kulang sa iyo: … ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at …. pumarito ka, sumunod ka sa akin.”1 At sa pagkamangha ko, ang narinig ko sa halip ay siyam na salita bago ang mga talatang iyon na tila hindi ko narinig o nabasa kailanman noon. Para bang idinagdag ang mga ito sa mga banal na kasulatan. Namangha ako sa inspiradong pagkaunawang iyon na naihayag sa akin.
Ano ang siyam na salitang iyon na lubos na nakaaantig? Pakinggan para malaman ninyo kung makikilala ninyo ang tila mga ordinaryong salitang ito, na hindi matatagpuan sa iba pang mga tala sa ebanghelyo ngunit matatagpuan lamang sa Ebanghelyo ayon kay Marcos:
“May isang tumakbong lumapit sa kaniya … at siya’y tinanong, Mabuting Guro, ano ang gagawin ko upang ako’y magmana ng buhay na walang hanggan?
“At sinabi sa kaniya ni Jesus, …
“Nalalaman mo ang mga utos, Huwag kang pumatay, Huwag kang mangalunya, Huwag kang magnakaw, Huwag kang sumaksi sa di katotohanan, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.
“At sinabi niya … , Guro, ang lahat ng mga bagay na ito’y aking ginanap mula sa aking kabataan.
“At pagtitig sa kaniya ni Jesus, ay giniliw siya, at sinabi sa kaniya, Isang bagay ang kulang sa iyo: yumaon ka, ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at ibigay mo sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.”2
“At pagtitig sa kaniya ni Jesus, ay giniliw siya.”
Nang marinig ko ang mga salitang ito, pumasok sa isipan ko ang isang malinaw na larawan ng Panginoon na huminto sandali at tumitig sa binatang ito. Ang pagtitig—na tulad ng pagtingin na tumatagos sa kanyang kaluluwa, nalalaman ang kanyang kabutihan at gayon din ang kanyang potensyal, pati na rin ang kanyang pinakamatinding pangangailangan.
Na sinundan ng mga simpleng salita—giniliw siya ni Jesus. Nakadama Siya ng matinding pagmamahal at pagkahabag sa mabuting binatang ito, at dahil sa pagmamahal na ito, at taglay ang pagmamahal na ito, ay nag-utos pa si Jesus sa kanya. Nakikinita ko kung ano ang naramdaman ng binatang ito nang mapuspos ng pagmamahal na iyon kahit na napakahirap ng ipinagagawa sa kanya na ipagbili ang lahat ng kanyang pag-aari at ibigay ang mga ito sa mga dukha.
Sa sandaling iyon, alam ko na hindi lamang mga puso ng ilan sa aming mga missionary ang nangangailangan ng pagbabago. Pati na rin ang puso ko. Ang tanong ay hindi na “Paano tuturuan ng nag-aalalang mission president ang isang nahihirapang missionary na kumilos nang mas nararapat?” Sa halip, ang tanong ay “Paano ako mapupuspos ng pagmamahal na katulad ng kay Cristo, upang madama ng missionary ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ko at maghangad na magbago?” Paano ko sila tititigan tulad ng pagtitig ng Panginoon sa mayamang binata, na nakikita kung sino talaga sila at kung sino ang maaari nilang kahinatnan, sa halip na ang nakikita lamang ay ang ginagawa nila o ang hindi nila ginagawa? Paano ako magiging higit na katulad ng Tagapagligtas?
“At pagtitig sa kaniya ni Jesus, ay giniliw siya.”
Mula sa panahong iyon, kapag nakaupo ako, kaharap ang isang batang missionary na medyo nahihirapan sa pagsunod, sa puso ko ay nakikita ko ngayon ang isang matapat na binata o dalaga na isinakatuparan ang hangarin niyang magmisyon. Pagkatapos lakip ang lahat ng damdamin ng isang mapagmahal na magulang ay nasasabi ko ang:3 “Elder o Sister, kung hindi kita mahal, wala akong pakialam kung anuman ang mangyari sa iyong misyon. Pero mahal kita, at dahil mahal kita, nag-aalala ako sa kahihinatnan mo. Kaya’t inaanyayahan kita na baguhin ang mga bagay na iyon na mahirap para sa iyo at maging taong nais ng Panginoon na kahinatnan mo.”
Tuwing iinterbyuhin ko ang mga missionary, nagdarasal muna ako na bigyan ako ng kaloob na pag-ibig sa kapwa at makita ang bawat elder at sister tulad ng pagkakita sa kanila ng Panginoon.
Bago ang mga zone conference, kapag binabati namin ni Sister Palmer nang isa-isa ang mga missionary, hihinto ako sandali at titingnang maigi ang kanilang mga mata, tinititigan sila—isang interbyu na walang salita—at pagkatapos ay palagi akong napupuspos ng malaking pagmamahal para sa mga natatanging anak na lalaki at babae na ito ng Diyos.
Natutuhan ko ang maraming aral na nagpapabago ng buhay mula sa napaka-personal na karanasang ito mula sa Marcos kabanata 10. Narito ang apat sa mga aral na ito na pinaniniwalaan kong tutulong sa bawat isa sa atin:
-
Kapag natutuhan nating tingnan ang ibang tao tulad sa pagtingin sa kanila ng Panginoon, madaragdagan ang pagmamahal natin sa kanila at gayundin ang ating hangaring tulungan sila. Makikita natin ang potensyal na nasa kanila na malamang na hindi nila nakikita sa kanilang sarili. Sa pamamagitan ng pagmamahal na katulad ng kay Cristo, hindi tayo matatakot na magsalita nang tuwiran, dahil ang “sakdal na pagibig ay nagpapalayas ng takot.”4 At hindi tayo kailanman susuko, isinasaisip na ang mga taong pinakamahirap mahalin ang higit na nangangailangan ng pagmamahal.
-
Walang nangyayaring pagtuturo o pagkatuto kapag ginawa nang may pagkainis o pagkapoot, at hindi magbabago ang mga puso kung wala roon ang pagmamahal. Ginagawa man natin ang ating tungkulin bilang mga magulang, titser, o lider, ang totoong pagtuturo ay mangyayari lamang kapag ginawa nang may pagtitiwala sa halip nang may pagkukundena. Ang ating tahanan ay dapat maging ligtas na lugar sa tuwina para sa ating mga anak—hindi lugar na puno ng kaguluhan.
-
Hindi dapat ipagkait ang pagmamahal kapag hindi nagawa ng isang anak, kaibigan, o kapamilya ang ating inaasahan. Hindi natin alam kung ano ang nangyari sa mayamang binata matapos siyang umalis na nalulungkot, ngunit tiwala ako na mahal pa rin siya nang lubos ni Jesus kahit na ang pinili man niya ay ang mas madaling landas. Marahil kalaunan sa buhay niya, nang natanto niyang walang kabuluhan ang kanyang malaking kayamanan, siya ay nakaalala at kumilos nang ayon sa mga natatanging karanasang iyon noong siya ay titigan, mahalin, at anyayahan ng Panginoon na sumunod sa Kanya.
-
Dahil mahal Niya tayo, maraming inaasahan ang Panginoon sa atin. Kung tayo ay mapagkumbaba, tatanggapin natin ang paanyaya ng Panginoon na magsisi, magsakripisyo, at maglingkod bilang patunay ng Kanyang sakdal na pagmamahal para sa atin. Sa huli, ang paanyayang magsisi ay paanyaya rin na tanggapin ang napakagandang kaloob na kapatawaran at kapayapaan. Samakatwid, “huwag mong waling bahala ang parusa ng Panginoon, o manglupaypay man kung ikaw ay pinagwiwikaan niya; sapagka’t pinarurusahan ng Panginoon ang kaniyang iniibig.”5
Mga kapatid, anumang oras na madama ninyo na mahirap ang ipinagagawa sa inyo—ang pagtalikod sa masamang gawi o adiksyon, ang pagsasantabi ng mga makamundong hangarin, ang pagsasakripisyo ng paboritong aktibidad dahil araw ng Sabbath, ang pagpapatawad sa taong nagkasala sa inyo—isipin ang Panginoon na nakatitig sa inyo, minamahal kayo, at inaanyayahan kayo na gawin ito at sumunod sa Kanya. At pasalamatan Siya para sa lubos na pagmamahal Niya sa inyo kaya inaanyayahan Niya kayo na mas magpakabuti pa.
Pinatototohanan ko ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at inaasam ang araw na yayakapin Niya ang bawat isa sa atin, tititigan at pupuspusin ng Kanyang sakdal na pagmamahal. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.