Kabaitan, Pag-ibig sa Kapwa-tao, at Pagmamahal
Suriin natin ang ating buhay at magpasyang sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagiging mabait, mapagmahal, at may pag-ibig sa kapwa-tao.
Mahal kong mga kapatid, ikinararangal ko ang pribilehiyong magsalita sa inyo sa pandaigdigang pagpupulong na ito ng matatapat na maytaglay ng priesthood ng Diyos. Ngayong gabi, babalikan ko ang paksa na naging talumpati ko na noon.
Inilarawan ni propetang Mormon ang isa sa mahahalagang katangian ng Tagapagligtas na dapat tularan ng Kanyang mga disipulo. Sabi niya:
“Kung ang isang tao ay maamo at may mapagpakumbabang puso, at kinikilala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na si Jesus ang Cristo, kailangang magkaroon siya ng pag-ibig sa kapwa-tao; sapagkat kung wala siyang pag-ibig sa kapwa-tao ay wala siyang kabuluhan; anupa’t kailangan niyang magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao.
“At ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nagtitiis nang matagal, at mabait, at hindi naiinggit, at hindi palalo, hindi naghahangad para sa kanyang sarili, hindi kaagad nagagalit. …
“Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, kung wala kayong pag-ibig sa kapwa-tao, wala kayong kabuluhan, sapagkat ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang. Kaya nga, manangan sa pag-ibig sa kapwa-tao, na pinakadakila sa lahat, sapagkat ang lahat ng bagay ay nagkukulang—
“Datapwat ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman; at sinumang matagpuang mayroon nito sa huling araw, ay makabubuti sa kanya.”1
Mga kapatid, hindi natin iginagalang ang priesthood ng Diyos kung hindi tayo mabait sa iba.
Ang mahal kong kaibigan at kasamahang si Elder Joseph B. Wirthlin ay totoong isang mabait na tao. Sabi niya:
“Ang kabaitan ang pinakadiwa ng selestiyal na buhay. Mabait makitungo sa kapwa ang taong may katangiang tulad ng kay Cristo. Dapat makita ang kabaitan sa ating salita at kilos, sa trabaho, sa simbahan, at lalo na sa ating mga tahanan.
“Si Jesus, na ating Tagapagligtas, ang pinakamagandang halimbawa ng kabaitan at awa.”2
Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na ang matwid na paggamit ng priesthood ay nakasalalay sa pamumuhay natin ng mga alituntunin ng kabaitan, pag-ibig sa kapwa-tao, at pagmamahal. Mababasa natin sa Doktrina at mga Tipan:
“Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, … ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig;
“Sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman, na siyang lubos na magpapalaki ng kaluluwa nang walang pagkukunwari, at walang pandaraya.”3
Mga kapatid, suriin natin ang ating buhay at magpasyang sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagiging mabait, mapagmahal, at may pag-ibig sa kapwa-tao. Sa paggawa natin nito, mas makakapanawagan tayo sa mga kapangyarihan ng kalangitan para sa ating sarili, para sa ating mga pamilya, at para sa mga kasama nating manlalakbay sa kung minsan ay mahirap na paglalakbay pabalik sa ating tahanan sa langit. Ito ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.