2010–2019
Hayaang Patnubayan ng Espiritu Santo
Abril 2017


NaN:NaN

Hayaang Patnubayan ng Espiritu Santo

Ayon sa banal na pagtatalaga, ang Espiritu Santo ay nagbibigay-inspirasyon, nagpapatotoo, nagtuturo, at naghihikayat sa atin na lumakad sa liwanag ng Panginoon.

Mga kapatid, nalalaman ko, katulad ng lahat sa inyo, na nakikita natin ang pagpapabilis sa gawain ng Panginoon sa pamamagitan ni Pangulong Thomas S. Monson at ng kanyang mensahe ngayong umaga. Pangulong Monson, mahal ka namin, sumasang-ayon kami sa iyo, at palagi ka naming ipinagdarasal, “aming propeta.”1

Nadama natin ang pagbuhos ng Espiritu ngayong katapusan ng linggo. Nandito man kayo sa malaking bulwagang ito o nanonood sa mga tahanan o nagtipon sa mga meetinghouse sa malalayong panig ng mundo, mayroon kayong pagkakataong madama ang Espiritu ng Panginoon. Pinagtitibay ng Espiritung iyon sa inyong mga puso at isipan ang mga katotohanang itinuro sa kumperensyang ito.

Pag-isipan ang mga salita ng pamilyar na himnong ito:

Banal na Espiritu;

Turo’y katotohanan.

Saksi kay Jesucristo,

Liwanag sa isipan.2

Nalaman natin mula sa paghahayag sa mga huling araw na binubuo ang Panguluhang Diyos ng tatlong magkakaiba at magkakahiwalay na nilalang: ang ating Ama sa Langit; ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo; at ang Espiritu Santo. Alam natin na “ang Ama ay may katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao; ang Anak din; subalit ang Espiritu Santo ay walang katawang may laman at mga buto, kundi isang personaheng Espiritu. Kung hindi ganito, ang Espiritu Santo ay hindi makapananahanan sa atin.”3

Nakatuon ang mensahe ko ngayon sa kahalagahan ng Espiritu Santo sa ating mga buhay. Alam ng ating Ama sa Langit na mahaharap tayo sa mga pagsubok, paghihirap, at kaguluhan sa mortalidad; alam Niyang mahihirapan tayong paglabanan ang mga pag-aalinlangan, kabiguan, tukso, at kahinaan. Upang mabigyan tayo ng lakas sa buhay at banal na patnubay, ibinigay Niya ang Banal na Espiritu, isa pang pangalan ng Espiritu Santo.

Ang Espiritu Santo ang nagbibigkis sa atin sa Panginoon. Ayon sa banal na pagtatalaga, Siya ay nagbibigay-inspirasyon, nagpapatotoo, nagtuturo, at naghihikayat sa atin na lumakad sa liwanag ng Panginoon. Mayroon tayong sagradong responsibilidad na matutuhang makilala ang Kanyang impluwensya sa ating buhay at tumugon dito.

Alalahanin ang pangako ng Panginoon: “Ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na siyang magbibigay-liwanag sa iyong isipan, na siyang magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan.”4 Gustung-gusto ko ang katiyakang iyan. Kalakip ng kagalakang pumupuspos sa ating kaluluwa ang isang pangwalang-hanggang pananaw na iba sa pang-araw-araw na pamumuhay. Dumarating ang kagalakang iyan bilang kapayapaan sa gitna ng paghihirap o pighati. Nagbibigay ito ng kapanatagan at tapang, naglalahad ng mga katotohanan ng ebanghelyo, at pinatitindi ang pagmamahal natin sa Panginoon at sa lahat ng mga anak ng Diyos. Bagama’t napakalaki ng pangangailangan para sa ganoong pagpapala, kinalimutan at tinalikuran ng mundo ang mga ito sa maraming paraan.

Bawat linggo habang tumatanggap tayo ng banal na sakramento, nakikipagtipan tayo na “lagi siyang alalahanin,” ang Panginoong Jesucristo, at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Kapag tinupad natin ang sagradong tipang ito, ipinangako sa atin na “sa tuwina ay [mapapasaatin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin].”5

Paano natin gagawin iyan?

Una, nagsisikap tayong mamuhay nang karapat-dapat sa Espiritu.

Pinapatnubayan ng Espiritu Santo ang mga yaong “mahigpit sa pag-alaala sa Panginoon nilang Diyos sa araw-araw.”6 Tulad ng ipinayo ng Panginoon, dapat nating “isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti,”7 sapagkat “ang Espiritu ng Panginoon ay hindi nananahanan sa mga hindi banal na templo.”8 Dapat ay palagi nating sikaping sundin ang mga batas ng Diyos, pag-aralan ang mga banal na kasulatan, manalangin, dumalo sa templo, at tapat na sundin ang ikalabintatlong saligan ng pananampalataya, “pagiging matapat, tunay, malinis, mapagkawanggawa, marangal at … [guma]gawa ng mabuti sa lahat ng tao.”

Ikalawa, dapat ay palagi tayong handa na tanggapin ang Espiritu.

Ipinangako ng Panginoon, “Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso.”9 Nagsimula kong maunawaan ito noong ako ay bata pang missionary sa Scotch Plains, New Jersey. Isang mainit na umaga ng Hulyo, nadama ko at ng aking kompanyon na hanapin ang isang Temple Square referral. Kumatok kami sa pintuan ng tahanan ni Elwood Schaffer. Mahinahon kaming hindi tinanggap ni Gng. Schaffer.

Nang isasara na niya ang pintuan, nadama kong gawin ang isang bagay na hindi ko pa nagawa ni ginawang muli magmula noon! Inilagay ko ang aking paa sa pintuan at nagtanong, “Mayroon pa kayang iba na maaaring maging interesado sa aming mensahe?” Ang kanyang 16 na taong gulang na anak na babaeng si Marti ay interesado, at taimtim na nanalangin na patnubayan siya isang araw pa lang ang nakararaan. Hinarap kami ni Marti, at kalaunan, nakibahagi ang kanyang ina sa mga talakayan. Silang dalawa ay sumapi sa Simbahan.

Si Elder Rasband bilang missionary

Bunga ng pagkakabinyag ni Marti, 136 katao, kabilang ang marami sa kanyang sariling pamilya, ang nabinyagan at gumawa ng mga tipan ayon sa ebanghelyo. Lubos ang pasasalamat ko na nakinig ako sa Espiritu at inilagay ang aking paa sa pintuan noong mainit na araw ng Hulyong iyon. Si Marti at ang ilan sa kanyang mga kapamilya ay narito ngayon.

Ikatlo, dapat nating mahiwatigan ang Espiritu kapag dumating ito.

Batay sa karanasan ko, pinakamadalas na nakikipag-usap sa atin ang Espiritu sa pamamagitan ng pagpapadama sa atin. Madarama ninyo ito sa mga salitang pamilyar sa inyo, na may kahulugan sa inyo, na naghihikayat sa inyo. Isipin ang tugon ng mga Nephita habang nakikinig sila sa Panginoon na nananalangin para sa kanila: “At narinig ito ng maraming tao at nagpatotoo; at nabuksan ang kanilang mga puso at naunawaan nila sa kanilang mga puso ang mga salitang kanyang idinalangin.”10 Nadama nila sa kanilang mga puso ang mga salita ng Kanyang panalangin. Ang tinig ng Banal na Espiritu ay marahan at banayad.

Sa Lumang Tipan, nakipagpaligsahan si Elias sa mga saserdote ni Baal. Inasahan ng mga saserdote na maririnig nila ang “tinig” ni Baal na parang kulog at sisindihan ng apoy ang hain na alay nila. Subalit walang tinig, at walang apoy.11

Sa iba pang pagkakataon, nanalangin si Elias. “At, narito, ang Panginoon ay nagdaan, at bumuka ang mga bundok sa pamamagitan ng isang malaki at malakas na hangin, at pinagputolputol ang mga bato sa harap ng Panginoon; nguni’t ang Panginoon ay wala sa hangin: at pagkatapos ng hangin ay isang lindol; nguni’t ang Panginoon ay wala sa lindol:

“At pagkatapos ng lindol ay apoy; nguni’t ang Panginoon ay wala sa apoy: at pagkatapos ng apoy ay isang marahang bulong na tinig.”12

Nakikilala ba ninyo ang tinig na iyon?

Itinuro ni Pangulong Monson, “Habang ipinagpapatuloy natin ang paglalakbay ng buhay, alamin natin ang wika ng Espiritu.”13 Nagsasalita ang Espiritu ng mga salita na nadarama natin. Ang mga damdaming ito ay banayad, isang marahang paghihikayat na kumilos, na gumawa ng isang bagay, na magsalita, na tumugon sa isang tiyak na paraan. Kung kaswal o kampante tayo sa ating pagsamba, malayo at manhid dahil abala tayo sa mga gawain ng mundo, matatagpuan natin ang ating mga sarili na nabawasan ng kakayahang makaramdam. Sinabi ni Nephi tungkol kina Laman at Lemuel, “Manaka-naka ay narinig ninyo ang kanyang tinig; at siya ay nangusap sa inyo sa isang marahan at banayad na tinig, datapwat kayo ay manhid, kung kaya’t hindi ninyo madama ang kanyang mga salita.”14

Noong Hunyo, nasa South America ako para sa isang tungkulin. Puno ang 10-araw na iskedyul namin sa pagbisita sa Colombia, Peru, at Ecuador. Isang malakas na lindol ang kumitil sa daan-daang katao, sumugat sa libu-libong katao, sumira at nagwasak sa mga tahanan at komunidad sa mga lungsod na Portoviejo at Manta sa Ecuador. Nadama kong idagdag sa aming iskedyul ang pagbisita sa mga miyembrong naninirahan sa mga lungsod na iyon. Dahil sira ang mga kalsada, hindi namin tiyak kung makakarating kami roon. Katunayan, sinabihan kami na hindi kami makakarating doon, pero dama pa rin namin ang pahiwatig na pumunta roon. Bunga nito, napagpala kami at nabisita ang dalawang lungsod.

Dahil hindi sila nasabihan nang maaga, inasahan ko na kaunting lider ng priesthood lamang sa lugar na iyon ang makakadalo sa mabilis na inorganisang pagpupulong na iyon. Gayunman, pagdating namin sa bawat stake center nakita naming puno ang mga kapilya hanggang sa entablado sa dulo. Ang ilan sa mga dumalo ay matatag na miyembro ng rehiyon, mga pioneer na matatapat sa Simbahan, hinihikayat ang iba pa na sumama sa kanila sa pagsamba at damhin ang Espiritu sa kanilang mga buhay. Nakaupo sa mga upuan sa harapan ang mga miyembrong nawalan ng mga mahal sa buhay at ng mga kapitbahay dahil sa lindol. Nadama kong magbigay ng isang basbas ng apostol para sa lahat ng dumalo, isa sa mga pinakaunang naibigay ko. Bagama’t nakatayo ako sa harapan ng silid na iyon, tila nakapatong ang aking mga kamay sa bawat ulo nila, at nadama ko ang pagbuhos ng mga salita ng Panginoon.

Sina Elder at Sister Rasband sa South America

Hindi ito natapos doon. Nadama kong magsalita sa kanila tulad ng ginawa ni Jesucristo noong bumisita Siya sa mga tao sa lupain ng Amerika. “Kinuha [Niya] ang kanilang maliliit na anak … at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila.”15 Nasa Ecuador kami, ginagawa ang gawain ng Ama, at ang mga ito ay mga anak Niya.

Ikaapat, dapat tayong kumilos sa unang pahiwatig.

Alalahanin ang mga salita ni Nephi. “Ako ay pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat kong gawin. “Gayunman,” sinabi niya, “ako ay yumaon.”16

At ganoon din dapat tayo. Dapat tayong magtiwala sa unang pahiwatig sa atin. Minsan ay nangangatwiran tayo, iniisip kung nakadarama ba tayo ng isang espirituwal na impresyon o kung sariling kaisipan lang natin iyon. Kapag nagsimula na tayong magdalawang-isip, maging magtatlong-isip ukol sa ating nadarama—at lahat tayo ay ginawa iyan—binabale-wala natin ang Espiritu; pinag-aalinlanganan natin ang banal na payo. Sinabi ni Propetang Joseph Smith na kung makikinig kayo sa unang pahiwatig, magiging tama kayo sa siyam na beses mula sa sampung pagkakataon.17

Ngayon, isang babala: huwag umasang may mga kamangha-manghang mangyayari dahil tumugon at sumunod kayo sa Espiritu Santo. Tandaan, ginagawa ninyo ang gawain ng marahan at banayad na tinig.

Noong naglilingkod ako bilang mission president sa New York City, kasama ko ang ilan sa ating mga missionary sa isang restawran sa Bronx. Isang bata pang pamilya ang pumasok at umupo malapit sa amin. Tila handa nilang tanggapin ang ebanghelyo. Pinagmasdan ko ang ating mga missionary habang kausap ko sila, pagkatapos ay napansin ko na natapos na sa pagkain ang pamilya at umalis na. Pagkatapos ay sinabi ko, “Mga Elder, may aral tayong matututuhan ngayon. Nakita ninyong pumasok ang isang magandang pamilya sa restawran na ito. Ano kaya ang dapat na ginawa natin?”

Isa sa mga elder ang mabilis na sumagot: “Naisip kong tumayo at lumapit upang makipag-usap sa kanila. May pahiwatig akong nadama, subalit hindi ako sumunod.”

“Mga Elder,” sabi ko, “dapat lagi tayong kumilos sa unang pahiwatig sa atin. Ang nadama mong pahiwatig ay mula sa Espiritu Santo!”

Ang mga unang pahiwatig ay dalisay na inspirasyon mula sa langit. Kapag nagpapatibay o nagpapatotoo ang mga ito sa atin, kailangan nating alamin kung para sa ano ang mga ito at huwag balewalain ang mga ito. Kadalasan, ito ang Espiritu na nagbibigay-inspirasyon sa atin na tumulong sa isang taong nangangailangan, lalo na sa mga kapamilya at kaibigan. “Gayon … [ang] marahan at banayad na tinig, na bumubulong at tumatagos sa lahat ng bagay,”18 ay pinapatnubayan tayo sa mga pagkakataong magturo ng ebanghelyo, magpatotoo tungkol sa Panunumbalik at tungkol kay Jesucristo, tumulong at magmalasakit, at sagipin ang isa sa mga mahahalagang anak ng Diyos.

Ituring ito bilang ang tinatawag na first responder o unang sumasaklolo. Sa halos lahat ng komunidad ang mga unang sumasaklolo sa isang trahedya, aksidente, o kalamidad ay mga bumbero, pulis, paramediko. Dumarating sila nang may mga babalang ilaw, at idaragdag ko, lubos tayong nagpapasalamat para sa kanila. Ang paraan ng Panginoon ay hindi gaanong nakikita ngunit nangangailangan din ng mabilis na pagtugon. Alam ng Panginoon ang mga pangangailangan ng lahat ng Kanyang mga anak—at alam Niya kung sino ang handang tumulong. Kung ipaaalam natin sa Panginoon sa ating mga panalangin sa umaga na handa tayo, tatawagin Niya tayo para tumulong. Kung tutugon tayo, maraming beses Niya tayong tatawagin at matatagpuan natin ang ating mga sarili na nasa tinatawag ni Pangulong Monson na “paglilingkod sa Panginoon.”19 Tayo ay magiging mga espirituwal na first responder o unang sasaklolo na magdadala ng tulong mula sa kaitasaan.

Kung bibigyang-pansin natin ang mga pahiwatig na darating sa atin, darami ang mga paghahayag sa atin at tatanggap ng mas maraming kaalaman at patnubay mula sa Espiritu. Sinabi ng Panginoon, “Magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti.”20

Nawa’y lubos nating pagtuunan ng pansin ang pagtawag ng Panginoon na “magalak, sapagkat akin kayong aakayin.”21 Inaakay Niya tayo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Nawa’y mamuhay tayo nang malapit sa Espiritu, mabilis na kumikilos ayon sa mga unang pahiwatig sa atin, dahil alam nating nagmula ang mga ito sa Diyos. Pinatototohanan ko ang kapangyarihan ng Espiritu Santo na gumagabay sa atin, nagbabantay sa atin, at palaging nasa atin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.