2010–2019
Pagiging Disipulo ng Ating Panginoong Jesucristo
Abril 2017


NaN:NaN

Pagiging Disipulo ng Ating Panginoong Jesucristo

Ang iba’t ibang katangiang nagmumula sa pananampalataya kay Cristo ay pawang kailangan sa ating pagiging tapat sa mga huling araw na ito.

Ano ang ibig sabihin ng maging disipulo ng ating Panginoong Jesucristo? Ang disipulo ay isang taong nabinyagan at handang taglayin ang pangalan ng Tagapagligtas at sundin Siya. Sinisikap ng isang disipulo na maging katulad Niya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan sa buhay na ito, tulad ng isang apprentice na nagsisikap na tularan ang kanyang amo.

Naririnig ng maraming tao ang salitang disipulo at iniisip na ang ibig sabihin lang nito ay “alagad.” Ngunit ang tunay na pagkadisipulo ay isang kalagayan. Ang ipinahihiwatig nito ay higit pa sa pag-aaral at pagkakaroon ng maraming katangian. Ang mga disipulo ay namumuhay sa paraang ang mga katangian ni Cristo ay nagiging bahagi ng kanilang pagkatao, na parang espirituwal na tapestry o tapiserya.

Pakinggan ang paanyaya ni Apostol Pedro na maging disipulo ng Tagapagligtas:

“Sa ganang inyo ng buong sikap, ay [idagdag] sa inyong pananampalataya ang kagalingan; at sa kagalingan ay ang kaalaman;

“At sa kaalaman ay ang pagpipigil; at sa pagpipigil ay ang pagtitiis; at sa pagtitiis ay ang kabanalan;

“At sa kabanalan ay ang mabuting kalooban sa kapatid; at sa mabuting kalooban sa kapatid ay ang pagibig.”1

Tulad ng nakikita ninyo, hindi lang iisang katangian ang kailangang taglayin para maging disipulo na matatag ang espirituwalidad. Noong panahon ng Tagapagligtas, maraming nagsabing matwid sila sa isa o mahigit pang aspeto ng kanilang buhay. Sila ang tinatawag kong mga taong pumipili ng susundin. Halimbawa, sinunod nila ang utos na huwag magtrabaho sa araw ng Sabbath ngunit binatikos ang Tagapagligtas nang magpagaling Siya sa banal na araw na iyon.2 Nagbigay sila ng limos sa mga maralita ngunit ang ibinigay lang ay ang labis sa kanila—ang hindi na nila kailangan.3 Nag-ayuno sila ngunit mapanglaw ang mukha nila.4 Nanalangin sila para lamang makita ng mga tao.5 Sinabi ni Jesus, “Lumalapit sila sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga labi, subalit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin.”6 Ang gayong kalalakihan at kababaihan ay maaaring magtuon sa pagpapakahusay sa isang katangian o gawa ngunit hindi nagiging katulad Niya sa kanilang puso.

Tungkol dito, ipinahayag ni Jesus:

“Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo’y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?

“At kung magkagayo’y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma’y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.”7

Ang mga katangian ng Tagapagligtas, sa pagkaunawa natin sa mga ito, ay hindi isang iskrip na susundan o listahan ng mga gagawin. Ang mga ito ay mahahalagang katangian, na nadagdag sa bawat isa, na magkakaugnay na nalilinang sa atin. Sa madaling salita, hindi natin matataglay ang isang katangian ni Cristo nang hindi rin napapasaatin at napapalakas ang iba pang mga katangian. Kapag lumakas ang isang katangian, lumalakas din ang iba pa.

Sa II Ni Pedro at sa Doktrina at mga Tipan bahagi 4, nalaman natin na pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ang pundasyon. Sinusukat natin ang ating pananampalataya sa ipinagagawa nito sa atin—sa ating pagsunod. “Kung kayo ay magkakaroon ng pananampalataya sa akin,” pangako ng Panginoon, “magkakaroon kayo ng kapangyarihang gawin kahit na anong bagay na kapaki-pakinabang sa akin.”8 Pananampalataya ang naghihikayat sa ating kumilos. Kung walang mga gawa, kung walang marangal na pamumuhay, ang ating pananampalataya ay walang kapangyarihan na magpapakilos sa atin bilang mga disipulo. Tunay ngang ang pananampalataya ay patay.9

Kaya nga, ipinaliwanag ni Pedro, “[idagdag] sa inyong pananampalataya ang kagalingan.” Ang kagalingang ito ay higit pa sa kadalisayan ng puri. Ito ay kalinisan at kabanalan ng isipan at katawan. Ang kagalingan ay kapangyarihan din. Kapag tapat nating ipinamumuhay ang ebanghelyo, makakaya nating magkaroon ng kagalingan sa bawat iniisip, nadarama, at ginagawa natin. Mas madali nating madarama sa ating isipan ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo at ang Liwanag ni Cristo.10 Kumakatawan tayo kay Cristo hindi lamang sa ating pananalita at gawa maging sa pagkatao rin natin.

Nagpatuloy si Pedro, “[Idagdag sa inyong] kagalingan ang kaalaman.” Kapag namuhay tayo nang may kagalingan, nakikilala natin ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak sa espesyal na paraan. “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kalooban [ng Ama], ay makikilala niya ang turo.”11 Ang kaalamang ito ay personal na patotoo, nagmula sa personal na karanasan. Kaalaman ito na nagpapabago sa atin, upang ang ating “liwanag ay kumukunyapit sa [Kanyang] liwanag” at ang ating “karangalan ay nagmamahal sa [Kanyang] karangalan.”12 Sa ating marangal na pamumuhay, sumusulong tayo, kung noon ay sinasabi natin na “naniniwala ako,” ngayon ay sinasabi na natin na “alam ko.”

Pinayuhan tayo ni Pedro na idagdag sa “kaalaman ang pagpipigil; at sa pagpipigil ang pagtitiis.” Bilang mapagpigil na mga disipulo, ipinamumuhay natin ang ebanghelyo sa balanse at matatag na paraan. Hindi tayo “tuma[ta]kbo nang higit na mabilis kaysa sa [ating] lakas.”13 Araw-araw ay sumusulong tayo, nang hindi nahahadlangan ng mga pagsubok at hamon na dumadalisay sa atin sa buhay na ito.

Dahil mapagpigil tayo sa ganitong paraan, nagtitiis tayo at nagtitiwala sa Panginoon. Nagtitiwala tayo sa Kanyang plano para sa ating buhay, kahit hindi ito nakikita ng ating likas na mga mata.14 Kaya nga, tayo ay “mapanatag at malaman na [Siya] ang Diyos.”15 Kapag dumaranas tayo ng matitinding unos, nagtatanong tayo, “Ano po ang nais Ninyong matutuhan ko sa karanasang ito?” Dahil nasa puso natin ang Kanyang plano at mga layunin, sumusulong tayo nang hindi lamang tinitiis ang lahat ng bagay kundi tinitiis ang mga ito nang mabuti at nang buong tiyaga.16

Ang pagtitiyagang ito, na itinuro ni Pedro, ay inaakay tayo sa kabanalan. Dahil matiyaga ang Ama sa atin, na Kanyang mga anak, nagiging matiyaga tayo sa isa’t isa at sa ating sarili. Nalulugod tayo sa kalayaan ng iba at sa pagkakataong ibinibigay nito sa kanila na umunlad nang “taludtod sa taludtod,”17 “lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw.”18

Mula sa pagpipigil tungo sa pagtitiyaga, at mula sa pagtitiis tungo sa kabanalan, nagbabago ang ating likas na pagkatao. Nagiging mabait tayo sa iba na palatandaan ng lahat ng tunay na disipulo. Gaya ng Mabuting Samaritano, tinatawid natin ang daan upang maglingkod sa sinumang nangangailangan, kahit hindi natin sila kaibigan.19 Pinagpapala natin sila na sumusumpa sa atin. Ginagawan natin ng mabuti ang mga nanglalait sa atin.20 May iba pa bang katangiang mas banal o katulad ng kay Cristo?

Pinatototohanan ko na ang mga pagsisikap natin na maging mga disipulo ng ating Tagapagligtas ay tunay na nadaragdagan hanggang sa “magkaroon” tayo ng Kanyang pag-ibig.21 Ang pag-ibig na ito ang katangiang makikita sa isang disipulo ni Cristo:

“Kung ako’y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, datapuwa’t wala akong pagibig, ay ako’y naging tanso na tumutunog, o batingaw na umaalingawngaw.

“At kung magkaroon ako ng kaloob na [magpropesiya], at maalaman ko ang lahat ng mga hiwaga, at ang lahat ng mga kaalaman; at kung magkaroon ako ng buong pananampalataya, na ano pa’t mapalipat ko ang mga bundok, datapuwa’t wala akong pagibig, ay wala akong kabuluhan.”22

Pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa ang nagpapamarapat sa atin para sa gawain ng Diyos.23 “Datapuwa’t ngayo’y nanatili ang tatlong ito; … nguni’t ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagibig.”24

Mga kapatid, ngayon higit kailanman, hindi tayo maaaring maging “part-time na disipulo”! Hindi tayo maaaring maging disipulo sa iisang bahagi lamang ng doktrina o sa iba pang bahagi nito. Ang iba’t ibang katangiang nagmumula sa pananampalataya kay Cristo—kabilang na ang mga tinalakay natin ngayon—ay pawang kailangan sa ating pagiging tapat sa mga huling araw na ito.

Kapag masigasig tayong nagsikap na maging tunay na disipulo ni Jesucristo, ang mga katangiang ito ay magkakaugnay-ugnay, madaragdagan, at magpapalakas sa atin. Walang magiging pagkakaiba sa kabaitang ipinapakita natin sa ating mga kaaway at sa kabaitang ipinapakita natin sa ating mga kaibigan. Magiging tapat tayo kahit walang nakatingin tulad ng katapatang ipinapakita natin kapag may nagmamasid. Magiging tapat tayo sa Diyos sa harap ng mga tao gayon din kapag nag-iisa tayo.

Pinatototohanan ko na lahat ng tao ay maaaring maging disipulo ng Tagapagligtas. Ang pagiging disipulo ay hindi nalilimitahan ng edad, kasarian, lahi, o tungkulin. Sa pamamagitan ng ating pagkadisipulo, bumubuo tayo, bilang mga Banal sa mga Huling Araw, ng pinagsama-samang puwersa upang pagpalain ang ating mga kapatid sa buong mundo. Panahon na para muling mangako sa ating sarili na maging Kanyang mga disipulo nang buong sigasig.

Mga kapatid, lahat tayo ay tinawag na maging disipulo ng ating Tagapagligtas. Gawing pagkakataon ang kumperensyang ito upang “magsimula katulad noong unang panahon, at lumapit sa [Kanya] nang buong puso ninyo.”25 Ito ang Kanyang Simbahan. Ibinabahagi ko ang aking natatanging patotoo na Siya ay buhay. Nawa’y pagpalain Niya tayo sa ating walang-hanggang pagsisikap na maging matatapat at magigiting na disipulo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.