2010–2019
Tumiwala Ka sa Panginoon at Huwag Kang Manalig
Abril 2017


NaN:NaN

Tumiwala Ka sa Panginoon at Huwag Kang Manalig sa Iyong Sariling Kaunawaan

Maitutuon natin ang ating buhay sa Tagapagligtas kapag nakilala natin Siya, at gagabayan Niya ang ating landas.

Noong maglakbay ako sa Asya, isang magiliw na sister ang lumapit sa akin. Niyakap niya ako at tinanong, “Naniniwala ka ba talaga na totoo ang ebanghelyong ito?” Mahal kong sister, alam kong ito ay totoo. May tiwala ako sa Panginoon.

Sa Mga Kawikaan 3:5–6, mababasa natin ang payong ito:

“Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo; at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.

“Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.”

Ang talatang ito sa banal na kasulatan ay may dalawang payo, isang babala, at isang dakilang pangako. Ang dalawang payo: “Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo” at “kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad.” Ang babala: “Huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.” At ang dakilang pangako: “Kaniyang ituturo ang iyong mga landas.”

Talakayin muna natin ang babala. Marami tayong pagninilayan sa paglalarawang ito. Ang babala ay “huwag kang manalig”—“huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.” Sa Ingles ang kahulugan ng salitang lean ay pisikal na pagpaling o pagkiling sa isang panig. Kapag tayo ay pisikal na pumaling sa isang panig o sa kabila, nawawala tayo sa gitna, nawawalan tayo ng balanse, at tumatagilid tayo. Kapag espirituwal tayong nakapaling sa ating sariling kaunawaan, napapalayo tayo sa ating Tagapagligtas. Kapag nakapaling tayo, wala tayo sa gitna; hindi tayo balanse; hindi tayo nakatuon kay Cristo.

Mga kapatid, sa ating premortal na buhay, pumanig tayo sa Tagapagligtas. Nagtiwala tayo sa Kanya. Ipinahayag natin ang ating suporta, kasigasigan, at galak para sa plano ng kaligayahang ipinahayag ng ating Ama sa Langit. Hindi tayo pumaling sa kabila. Ipinaglaban natin ang ating patotoo at “sumama sa puwersa ng Diyos, at nagtagumpay ang puwersang iyon.”1 Ang digmaang ito sa pagitan ng mabuti at masama ay nagpatuloy sa lupa. Nasa ating muli ang sagradong responsibilidad na maging mga saksi at magtiwala sa Panginoon.

Kailangang itanong ng bawat isa sa atin: Paano ako mananatiling nakatuon at hindi nananalig sa aking sariling kaunawaan? Paano ko makikilala at masusunod ang tinig ng Tagapagligtas samantalang nakatutukso ang mga tinig ng mundo? Paano ko mapapatibay ang tiwala ko sa Tagapagligtas?

Magmumungkahi ako ng tatlong bagay na magdaragdag sa ating kaalaman at tiwala sa Tagapagligtas. Matutuklasan ninyo na hindi na bago ang mga alituntuning ito, ngunit mapagbabatayan ito. Kinakanta ito sa Primary, itinuturo sa Young Women, at sumasagot sa maraming tanong sa Relief Society. Ito ay mga alituntunin ng pagtutuon—hindi ng pagpaling.

Una, makikilala natin ang Panginoon at magtitiwala tayo sa Kanya kapag tayo ay “[nagpakabusog] sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.”2

Ilang buwan na ang nakararaan, pinag-aralan namin ng pamilya ko ang mga banal na kasulatan. Nakakandong sa akin ang dalawang-taong gulang kong apo habang nagbabasa kami. Masayang-masaya ako sa pagiging lola, at ninanamnam ko ang pagbisita ng pamilya ng anak kong lalaki.

Nang matapos kami sa pag-aaral ng banal na kasulatan, isinara ko ang aking aklat. Alam ng apo ko na malapit na kaming matulog. Tiningnan niya ako ng kanyang asul na mga mata at nagsabi ng isang walang-hanggang katotohanan: “Basa pa tayo ng scriptures, Lola.”

Apong lalaki ni Sister Cordon

Binalaan ako ng mabait at disiplinado kong anak, “Inay, huwag ninyong sundin ang gusto niya. Ayaw lang niyang matulog.”

Ngunit nang sabihin ng apo ko na magbasa pa kami, nagbasa pa kami! Kapag mas marami tayong binasang banal na kasulatan, lumilinaw ang ating isipan, lumalakas ang ating espiritu, nasasagot ang ating mga tanong, lalo tayong nagtitiwala sa Panginoon, at naitutuon natin ang ating buhay sa Kanya. “Masigasig na saliksikin ang mga yaon, nang sa gayon kayo ay makinabang.”3

Pangalawa, makikilala natin ang Panginoon at magtitiwala tayo sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin. Isang malaking pagpapala ang makapagdasal sa ating Diyos! “Manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso.”4

May isa akong magandang panalangin na hindi ko malilimutan. Sa isa sa mga summer break sa kolehiyo, tinanggap ko ang isang trabaho sa Texas. Kinailangan kong magbiyahe nang daan-daang milya mula Idaho hanggang Texas sakay ng lumang kotse ko, na magiliw kong tinawag na Vern. Kargado si Vern hanggang bubong, at handa na ako sa bagong pakikipagsapalaran.

Nang papalabas na ako ng pintuan, niyakap ko ang mahal kong ina at sinabi niya, “Magdasal tayo bago ka umalis.”

Lumuhod kami at nagsimulang magdasal si Inay. Isinamo niya sa Ama sa Langit na maging ligtas ako. Ipinagdasal niya na umandar nang maayos ang kotse kong walang air-con. Hiniling niya na bantayan ako ng mga anghel sa buong summer. Nagdasal siya nang nagdasal nang nagdasal.

Ang kapayapaang hatid ng panalanging iyon ay nagbigay sa akin ng lakas ng loob na magtiwala sa Panginoon at huwag manalig sa aking sariling kaunawaan. Pinatnubayan ako ng Panginoon sa maraming desisyong ginawa ko noong summer na iyon.

Kapag kinagawian nating lumapit sa Ama sa Langit sa panalangin, makikilala natin ang Tagapagligtas. Matututo tayong magtiwala sa Kanya. Ang ating mga naisin ay magiging tulad ng sa Kanya. Mapapasaatin at sa iba ang mga pagpapalang handang ibigay ng Ama sa Langit kung hihiling lamang tayo nang may pananampalataya.5

Pangatlo, makikilala natin ang Panginoon at magtitiwala tayo sa Kanya kapag naglingkod tayo sa iba. Ibabahagi ko ang sumusunod na kuwento sa pahintulot ni Amy Wright, na naunawaan ang alituntunin ng paglilingkod sa kabila ng isang nakakatakot at malalang karamdaman. Isinulat ni Amy:

“Noong Oktubre 29, 2015, nalaman ko na may kanser ako. Ang pag-asa kong makaligtas sa kanser ko ay 17 porsyento. Napakaliit ng pag-asa kong gumaling. Alam ko na haharap ako sa pinakamahirap na pagsubok sa buhay ko. Determinado akong labanan ito nang husto hindi lang para sa sarili ko kundi, higit sa lahat, para sa pamilya ko. Noong Disyembre, nagsimula ako sa chemo. Pamilyar ako sa maraming epekto ng mga gamot sa kanser, pero hindi ko alam na posibleng manatili pa ring buhay ang isang taong malala ang karamdaman.

“Minsan, sinabi ko na labag sa karapatang-pantao ang chemotherapy. Sinabi ko sa asawa ko na hindi ko na kaya. Ayoko na! Hindi na ako babalik sa ospital. Sa kanyang karunungan, matiyagang nakinig ang mahal kong asawa at saka niya sinabing, ‘Kung gayon, kailangan nating maghanap ng mapaglilingkuran.’”

Ha? Nalimutan na ba niya na may kanser ang asawa niya at hindi na makakayang tiisin pa ang pagduduwal o isa pang sandali ng napakatinding sakit?

Paliwanag pa ni Amy: “Unti-unting lumala ang mga sintomas ng sakit ko kung saan karaniwan ay may isa o dalawang araw sa isang buwan na OK ako [kung kailan] nakakakilos at nakakahinga ako nang normal. Mga araw iyon na naghahanap ang pamilya namin ng mga paraan para makapaglingkod.”

Sa isa sa mga araw na iyon, namigay ng mga chemo comfort kit ang pamilya ni Amy sa ibang mga pasyente, na puno ng mga bagay na magpapasaya at makababawas ng mga sintomas. Kapag hindi makatulog si Amy, nag-iisip siya ng mga paraan para mapasaya ang araw ng iba. Ang ilang paraan ay mahirap, pero marami ang mga simpleng sulat o text message lang na nagpapalakas ng loob at naghahatid ng pagmamahal. Sa mga gabing iyon na hindi siya makatulog sa sakit, nahihiga siya sa kama habang naghahanap sa iPad niya ng mga ordenansang kailangang kumpletuhin para sa namayapa niyang mga ninuno. Himalang humuhupa ang sakit, at natitiis niya ito.

“Paglilingkod,” pagpapatotoo ni Amy, “ang nagligtas ng buhay ko. Ang nagbigay sa akin ng lakas sa huli na patuloy na sumulong ay ang kaligayahang nadama ko nang sikapin kong bawasan ang paghihirap ng mga tao sa paligid ko. Inasam ko ang aming mga paglilingkod nang may galak at pananabik. Hanggang ngayon parang di-kapani-paniwala ang nangyaring ito. Maaari ninyong isipin na makatwirang isipin ng isang taong kalbo, napinsala sa gamot, at nakikipaglaban para mabuhay na ‘sarili ko lang ang dapat kong isipin ngayon.’ Gayunman, nang isipin ko ang sarili ko, ang sitwasyon ko, ang paghihirap at pasakit ko, nagdilim nang husto ang mundo at naging miserable ako. Nang magtuon ako sa iba, nagkaroon ng liwanag, pag-asa, lakas, tapang, at galak. Alam ko na posible ito dahil sa nagpapalakas, nagpapagaling, at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”

Natuto si Amy na magtiwala sa Panginoon nang makilala niya Siya. Kung nanalig siya kahit kaunti sa kanyang sariling kaunawaan, baka tinanggihan niya ang ideyang maglingkod siya. Tinulungan siya ng paglilingkod na makayanan ang kanyang sakit at paghihirap at naipamuhay ang talatang ito sa banal na kasulatan: “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.”6

Nadaig ni Jesucristo ang sanlibutan. At dahil sa Kanya, dahil sa Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, may malaking dahilan tayong lahat para magtiwala, batid na sa huli ay magiging maayos ang lahat.

Mga kapatid, bawat isa sa atin ay maaaring magtiwala sa Panginoon at huwag manalig [sa ating sariling kaunawaan]. Maitutuon natin ang ating buhay sa Tagapagligtas kapag nakilala natin Siya, at gagabayan Niya ang ating landas.

Narito tayo sa lupa upang ipakita ang pananampalatayang iyon sa Kanya na nagtulot sa atin na pumanig kay Jesus nang ipahayag Niya, “Narito ako, isugo ako.”7

Si Cristo at ang Paglikha

Mahal kong mga kapatid, pinatotohanan ni Pangulong Thomas S. Monson na “ang mga pangakong pagpapala sa atin ay hindi kayang sukatin. Kahit magtipon ang mga ulap, kahit bumuhos sa atin ang mga ulan, ang ating kaalaman sa ebanghelyo at ating pagmamahal sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas ay aalo at magtataguyod sa atin … habang lumalakad tayo nang matuwid. … Walang anumang bagay sa mundo na makadadaig sa atin.”8

Idaragdag ko ang aking patotoo sa patotoo ng ating mahal na propeta. Kung magtitiwala tayo sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas at hindi tayo mananalig sa ating sariling kaunawaan, gagabayan Nila ang ating landas at kaaawaan tayo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Paalala: Noong Abril 1, 2017, si Sister Cordon ay ini-release bilang Pangalawang Tagapayo sa Primary General Presidency.