2010–2019
Ang Pinakadakila sa Inyo
Abril 2017


NaN:NaN

Ang Pinakadakila sa Inyo

Ang pinakamalaking gantimpala ng Diyos ay mapupunta sa mga naglilingkod nang hindi naghihintay ng kapalit o gantimpala.

Mahal kong mga kapatid, mga kaibigan, nagpapasalamat ako na nakasama ko kayo sa nagbibigay-inspirasyong pandaigdigang miting na ito ng priesthood. Pangulong Monson, salamat sa iyong mensahe at basbas. Lagi naming isasapuso ang iyong mga tagubilin, payo, at karunungan. Mahal ka namin at sinasang-ayunan, at lagi ka naming ipinagdarasal. Ikaw ay isang tunay na propeta ng Panginoon. Ikaw ang aming Pangulo. Sinasang-ayunan ka namin at minamahal.

Halos dalawang dekada na ang nakalipas, ang Madrid Spain Temple ay inilaan at nagsimulang gamitin bilang sagradong bahay ng Panginoon. Tandang-tanda namin ito ni Harriet dahil naglilingkod ako noon sa Europe Area Presidency. Kasama ng iba pa, nag-ukol kami ng mga oras sa pagtutuon sa mga detalye ng pagpaplano at pag-organisa ng mga pangyayaring hahantong sa dedikasyon o paglalaan.

Habang papalapit ang petsa ng paglalaan, napansin ko na hindi pa ako nakakatanggap ng imbitasyon para dumalo. Medyo hindi ko inasahan ito. Dahil sa responsibilidad ko bilang Area President, talagang nakasama ako sa proyektong ito ng pagtatayo ng templo at dama ko kahit paano na may bahagi ako rito.

Tinanong ko si Harriet kung may nakita siyang imbitasyon. Wala raw.

Lumipas ang mga araw at lalo akong nabalisa. Naisip ko na baka nawala ang aming imbitasyon—baka naipit sa pagitan ng kutson ng aming sopa. Baka napahalo ito sa mga sulat na itinapon na. May pusang mausisa ang aming kapitbahay, at pati iyon ay sinimulan ko na ring pagdudahan.

Sa huli napilitan akong tanggapin ang katotohanan: Hindi ako inimbita.

Pero paano nangyari iyon? May ginawa ba ako na hindi nila nagustuhan? Inisip ba ng sinuman na napakalayo nito para magbiyahe kami? Nalimutan ba ako?

Sa huli, natanto ko na ang ganitong uri ng pag-iisip ay maaaring maging ugali ko na at hindi ko iyon gusto.

Pinaalalahanan namin ni Harriet ang aming sarili na ang paglalaan ng templo ay hindi tungkol sa amin. Hindi ito tungkol sa kung sino ang dapat na maimbita o hindi. At hindi ito tungkol sa aming damdamin o ideya na may karapatan kaming dumalo sa paglalaan ng templo.

Ito ay tungkol sa paglalaan ng sagradong gusali, isang templo ng Kataas-taasang Diyos. Ito ay araw ng pagdiriwang para sa mga miyembro ng Simbahan sa Spain.

Kung inimbita akong dumalo, maligaya akong dadalo doon. Ngunit kung hindi ako inimbita, hindi mababawasan ang aking kagalakan. Magdiriwang kami ni Harriet kasama ang aming mga kaibigan, ang mga mahal naming kapatid, na nasa malayo. Pupurihin namin ang Diyos sa napakagandang pagpapalang ito nang buong sigla mula sa aming tahanan sa Frankfurt at gayundin sa Madrid.

Mga Anak ng Kulog

Kasama sa Labindalawa na tinawag at inorden ni Jesus ay ang magkapatid na sina Santiago at Juan. Naaalala ba ninyo ang palayaw na ibinigay Niya sa kanila?

Mga Anak ng Kulog (Boanerges).1

Hindi ka bibigyan ng ganyang palayaw kung walang espesyal na dahilan. Nakakahinayang na walang masyadong ibinigay na paliwanag ang banal na kasulatan tungkol sa pinagmulan ng palayaw. Gayunman, may ibinigay na kaunting impormasyon ang banal na kasulatan tungkol sa pagkatao nina Santiago at Juan. Ito rin ang magkapatid na nagmungkahi na magpadala ng apoy mula sa langit sa isang nayon sa Samaria dahil hindi sila inimbitang pumasok sa bayan.2

Sina Santiago at Juan ay mga mangingisda—siguro medyo brusko sila—pero palagay ko marami silang alam tungkol sa kalikasan. Tiyak na sila ay kalalakihan na palaging kumikilos.

Minsan, habang naghahanda ang Tagapagligtas para sa Kanyang huling paglalakbay papuntang Jerusalem, sina Santiago at Juan ay lumapit sa Kanya na may espesyal na kahilingan—na marahil ay may kinalaman sa palayaw nila.

“Ibig naming iyong gawin sa amin ang anomang aming hingin sa iyo,” sabi nila.

Para ko nang nakikita na nakangiti si Jesus sa kanila nang sumagot Siya na, “Ano ang ibig ninyong sa inyo’y aking gawin?”

“Ipagkaloob mo sa amin na mangakaupo kami, ang isa’y sa iyong kanan, at ang isa’y sa iyong kaliwa, sa iyong kaluwalhatian.”

Sinabihan sila ng Tagapagligtas na laliman ang pag-iisip tungkol sa kanilang hiling at nagsabing, “Ang maupo sa aking kanan o sa aking kaliwa ay hindi ako ang magbibigay, datapuwa’t yaon ay para sa kanila na mga pinaghahandaan.”3

Sa madaling salita, hindi ka makatatanggap ng karangalan sa kaharian ng langit sa pangangampanya ukol dito. Ni hindi ka magkakamit ng walang-hanggang kaluwalhatian dahil lang sa “malapit ka sa boss mo”.

Nang marinig ng sampung Apostol ang kahilingang ito mula sa Mga Anak ng Kulog, nainis sila. Alam ni Jesus na sandali na lang ang Kanyang panahon, at ang nakita Niyang pagtatalo sa mga magdadala ng Kanyang gawain ay maaaring ikinabahala Niya.

Kinausap Niya ang Labindalawa tungkol sa nagagawa ng kapangyarihan at paano ang epekto nito sa mga naghahangad at nagtataglay nito. “Ang mga taong maimpluwensya sa daigdig,” sabi Niya, “ay ginagamit ang kanilang posisyon o awtoridad upang magkaroon ng kapangyarihan sa iba.”

Halos nakikita ko ang Tagapagligtas na nakatingin nang may walang-hanggang pagmamahal sa mukha ng matatapat at naniniwalang mga disipulo. Halos naririnig ko ang Kanyang tinig na nagmamakaawa: “Datapuwa’t sa inyo ay hindi gayon. Kundi, ang sinomang ibig na dumakila sa inyo, ay magiging lingkod ninyo: At ang sinoman sa inyo ang magibig manguna, ay magiging alipin ng lahat.”4

Sa kaharian ng Diyos, ang kadakilaan at pamumuno ay nangangahulugan ng pagtingin sa iba kung sino sila talaga—gaya ng pagtingin ng Diyos sa kanila—at pagtulong at paglilingkod sa kanila. Ibig sabihin nito ay magalak na kasama ng mga taong maligaya, lumuhang kasama ng nagdadalamhati, pasiglahin ang mga nababalisa, at mahalin ang ating kapwa gaya ng pagmamahal sa atin ni Cristo. Mahal ng Tagapagligtas ang lahat ng anak ng Diyos anuman ang kanilang katayuan sa lipunan, lahi, wika, paniniwala sa pulitika, nasyonalidad, o anupamang grupo. At dapat gayon din tayo!

Ang pinakamalaking gantimpala ng Diyos ay mapupunta sa mga naglilingkod nang walang iniisip na kapalit o gantimpala. Ito ay makakamit ng mga taong naglilingkod nang walang pagkilala ng publiko; ng mga tahimik na naghahanap ng paraan para tulungan ang iba; ng mga naglilingkod sa iba dahil lamang sa mahal nila ang Diyos at ang mga anak ng Diyos.5

Hindi Ka Dapat Paapekto

Noong matawag ako bilang General Authority, nagkaroon ako ng pagkakataon na samahan si Pangulong James E. Faust sa isang stake conference. Habang nagmamaneho ako papunta sa aming assignment sa magandang Southern Utah, nag-ukol ng oras si Pangulong Faust na turuan ako. Isang aral ang hindi ko malilimutan kailan man. Sabi niya, “[Mababait] ang mga miyembro ng Simbahan, lalo na sa mga General Authority. Pakikitunguhan ka nila nang mabuti at magsasabi sila ng magagandang bagay tungkol sa iyo.” Tumigil siya sandali at nagsabing, “Dieter, [lagi] kang magpasalamat para dito, pero huwag na huwag kang paaapekto rito.”

Ang mahalagang aral na ito tungkol sa paglilingkod sa Simbahan ay angkop sa bawat korum ng Simbahan. Angkop ito sa ating lahat na nasa Simbahan.

Kapag nagpapayo noon si Pangulong J. Reuben Clark sa mga tinawag sa mga posisyon sa Simbahan, sinasabi niya sa kanila na huwag kalimutan ang pang-anim na patakaran.

Hindi maiiwasang magtanong ang tao ng, “Ano po ang pang-anim na patakaran?”

“Huwag mong masyadong isipin ang iniisip ng ibang tao tungkol sa inyo,” sabi niya.

Siyempre, may kasunod na tanong ito: “Ano po ang lima pang patakaran?”

Na may natatawang mukha, sasabihin ni Pangulong Clark na, “Wala.”6

Para maging epektibong mga lider ng Simbahan, kailangang matutuhan natin ang mahalagang aral na ito: ang pamumuno sa Simbahan ay hindi lahat tungkol sa paggabay sa iba kundi tungkol din ito sa ating kahandaang gabayan ng Diyos.

Mga Tungkulin Bilang mga Pagkakataon na Maglingkod

Bilang mga Banal ng Kataas-taasang Diyos, dapat nating “alalahanin sa lahat ng bagay ang mga maralita at ang mga nangangailangan, ang maysakit at ang naghihirap, sapagkat siya na hindi gumagawa ng mga bagay na ito, siya rin ay hindi ko disipulo.”7 Ang mga oportunidad para gumawa ng mabuti at maglingkod sa iba ay walang katapusan. Matatagpuan natin ang mga ito sa ating mga komunidad, sa ating mga ward at branch, at sa ating mga tahanan.

Bukod pa rito, bawat miyembro ng Simbahan ay binibigyan ng partikular na mga oportunidad na maglingkod. Ang tawag natin sa mga oportunidad na ito ay “mga calling”—isang kataga na dapat magpaalala sa atin kung sino ang tumatawag sa atin na maglingkod. Kung ituturing natin ang ating mga calling bilang oportunidad na maglingkod sa Diyos at maglingkod sa iba nang may pananampalataya at pagpapakumbaba, bawat paglilingkod ay magiging hakbang tungo sa landas ng pagkadisipulo. Sa ganitong paraan, hindi lamang pinalalakas ng Diyos ang Kanyang Simbahan kundi pati na rin ang Kanyang mga tagapaglingkod. Layunin ng Simbahan na tulungan tayong maging tunay at matatapat na disipulo ni Cristo, mabubuti at magigiting na anak ng Diyos. Nangyayari ito hindi lamang kapag dumadalo tayo sa mga miting at nakikinig sa mga mensahe kundi kapag iniisip natin ang ibang tao at naglilingkod. Sa ganitong paraan tayo nagiging “dakila” sa kaharian ng Diyos.

Tinatanggap natin ang mga calling nang may dignidad, kababaang-loob, at pasasalamat. Kapag na-release na tayo sa mga calling na ito, tinatanggap natin ang pagbabago nang mayroon ding dignidad, kababaang-loob, at pasasalamat.

Sa mga mata ng Diyos walang calling sa kaharian na mas mahalaga kaysa sa isa. Ang ating paglilingkod—malaki man o maliit—ay nagpapadalisay sa ating espiritu, nagbubukas ng mga dungawan ng langit, at nagkakaloob ng mga pagpapala ng Diyos hindi lamang sa mga naglilingkod kundi sa atin din naman. Kapag tumutulong tayo sa iba, malalaman natin nang may mapagpakumbabang pagtitiwala na kinikilala ng Diyos ang ating paglilingkod nang buong kasiyahan. Nakangiti Siya sa atin habang iniaalay natin ang ganitong mga taos-pusong pagkahabag, lalo na ang mga gawa na hindi nakikita at napapansin ng iba.8

 Sa tuwing naglilingkod tayo sa iba, napapalapit tayo sa pagiging mabuti at tunay na mga disipulo ng Isang nagbigay ng lahat para sa atin: ang ating Tagapagligtas.

Mula sa Pagiging Pinuno Hanggang sa Pagiging Tagapaglinis

Sa ika-150 anibersaryo ng pagdating ng mga pioneer sa Salt Lake Valley, si Brother Myron Richins ay naglilingkod bilang stake president sa Henefer, Utah. Kasama sa pagdiriwang ang pagsasadula ng pagdaan ng mga pioneer sa kanyang bayan.

Si President Richins ay kasama sa mga plano para sa pagdiriwang, at marami siyang dinaluhan na mga miting kasama ang mga General Authority at ang iba pa para pag-usapan ang mga kaganapan. Kasama siya sa lahat ng paghahanda.

Bago sumapit ang aktuwal na pagdiriwang, ang stake ni President Richins ay na-reorganize, at na-release siya bilang president. Nang sumunod na Linggo, nasa kanyang ward priesthood meeting siya nang magtanong ang mga lider kung sino ang gustong magboluntaryo para tumulong sa pagdiriwang. Si President Richins, kasama ang iba pa, ay nagtaas ng kamay at sinabihan siyang magbihis ng pangtrabaho at dalhin ang kanyang trak at pala.

Sa wakas, sumapit ang umaga ng malaking pagdiriwang, at naroon si President Richins para magboluntaryo.

Ilang linggo lamang bago iyon, siya ay nag-ambag nang malaki sa pagpaplano at pamamahala sa malaking pagdiriwang na ito. Gayunman, nang araw na iyon, ang kanyang trabaho ay sundan ang mga kabayo sa parada at linisin ang kalat ng mga ito.

Ginawa ito ni President Richins nang maluwag sa kalooban.

Naunawaan niya na ang isang uri ng paglilingkod ay hindi nakahihigit sa isa pa.

Alam niya at isinagawa niya ang mga salita ng Tagapagligtas na: “Ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo.”9

Pagiging Disipulo sa Tamang Paraan

Kung minsan, tulad ng Mga Anak ng Kulog, hangad natin ang mataas na katungkulan. Nagsisikap tayo para makilala tayo. Hangad nating mamuno at gumawa ng di malilimutang kontribusyon.

Walang masama sa hangaring paglingkuran ang Panginoon, ngunit kapag hinangad nating magkaroon ng impluwensya sa Simbahan para sa sarili nating kapakanan—para matanggap ang papuri at paghanga ng mga tao—nakamit na natin ang ating gantimpala. Kapag “naapektuhan” tayo ng papuri ng ibang tao, ang papuring iyon ang ating kabayaran.

Ano ang pinakamahalagang calling sa Simbahan? Ito ay ang kasalukuyang calling mo. Gaano man kababa o katanyag ito, ang calling mo ngayon ang magtutulot para hindi lamang maiangat mo ang iba kundi para maging uri ka ng taong nilikha ng Diyos na kahinatnan mo.

Mahal kong mga kaibigan at mga kapatid sa priesthood, gampanan ninyong mabuti ang inyong tungkulin!

Itinuro ni Pablo sa mga Taga Filipos na, “Sa halip na maganyak ng makasariling ambisyon o banidad, dapat ang bawat isa sa inyo, sa pagpapakumbaba, ay maganyak na ituring ang bawat isa na mas mahalaga kaysa sa inyong sarili.”10

Paglilingkod nang may Dangal

Ang paghahangad ng dangal at pagkilala sa Simbahan bilang kapalit ng tunay at mapagpakumbabang paglilingkod sa iba ay gawain ni Esau.11 Maaari tayong tumanggap ng gantimpala sa lupa, pero malaki ang kapalit nito—ang pagkawala ng pagsang-ayon ng Diyos.

Tularan natin ang halimbawa ng ating Tagapagligtas, na maamo at mababa ang loob, na hindi naghangad ng papuri ng mga tao kundi gawin ang kalooban ng Kanyang Ama.12

Paglingkuran natin ang iba nang buong pagpapakumbaba—nang buong sigla, pasasalamat, at dangal. Bagaman ang ating paglilingkod ay tila hamak, simple, o kaunti ang halaga, ang mga taong tumutulong nang buong kabaitan at pagkahabag sa iba ay malalaman balang-araw ang kahalagahan ng kanilang paglilingkod sa pamamagitan ng walang-hanggan at puno ng biyaya ng Makapangyarihang Diyos.13

Mahal kong mga kapatid, mahal kong mga kaibigan, nawa pagnilayan natin, unawain, at ipamuhay ang napakahalagang aral na ito ng pamumuno sa Simbahan at pamamahala ng priesthood: “Ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo.” Ito ang aking dalangin at basbas sa sagradong pangalan ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.