Ang Sakdal na Pag-ibig ay Nagpapalayas ng Takot
Isantabi natin ang ating takot at sa halip ay mamuhay nang may kagalakan, kapakumbabaan, pag-asa, at lubos na tiwala na kasama natin ang Panginoon.
Mahal kong mga kapatid, mga kaibigan, malaking pribilehiyo at kasiyahan sa akin na magtipon tayo bilang pandaigdigang Simbahan na pinag-isa ng ating pananampalataya at pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga anak.
Lubos akong nagpapasalamat na kasama natin ang ating pinakamamahal na propeta, si Thomas S. Monson. Pangulong Monson, lagi naming susundin ang iyong gabay, payo, at karunungan. Mahal ka namin, Pangulong Monson, at lagi ka naming ipinagdarasal.
Ilang taon na ang nakararaan, noong ako ay stake president pa sa Frankfurt, Germany, isang mabait na kapatid na babae ang malungkot na kumausap sa akin pagkatapos ng isa sa mga miting namin sa stake.
“Hindi ba nakakadismaya?” sabi niya. “Siguro apat o limang tao ang mahimbing na nakatulog habang nagsasalita ka!”
Nag-isip ako sandali at sumagot, “Sigurado ako na ang pagtulog sa simbahan ang isa sa mga talagang nakakapagpalusog na tulog.”
Narinig ng asawa kong si Harriet ang pag-uusap na ito at sinabi sa akin kalaunan na isa iyon sa mga pinakamagandang isinagot ko.
The Great Awakening [Ang Matinding Pagkapukaw]
Ilang daang taon na ang nakararaan sa North America, lumaganap sa iba’t ibang dako ng bansa ang isang kilusan na tinawag na “Great Awakening.” Isa sa mga pangunahing layunin nito ay pukawin ang mga taong tila tulog pagdating sa mga espirituwal na bagay.
Ang batang si Joseph Smith ay naimpluwensyahan ng mga bagay na kanyang narinig mula sa mga mangangaral na bahagi ng pagkapukaw na ito sa relihiyon. Isa ito sa mga dahilan kaya nagpasiya siyang manalangin nang mag-isa at taimtim na alamin ang kagustuhan ng Panginoon.
Ang mga mangangaral na ito ay madrama at puno ng damdamin kapag nagtuturo, na ang binibigyang-diin ay ang nagniningas na impiyernong naghihintay sa makasalanan.1 Hindi nakakatulog ang mga tao sa kanilang talumpati—ngunit maaaring magbigay ito sa kanila ng kaunting bangungot. Tila ang layunin at istilo nila ay takutin ang mga tao para sumapi sa kanilang simbahan.
Pagmamanipula sa pamamagitan ng Pananakot
Noon pa man, pananakot ang kadalasang ginagamit na paraan para mapakilos ang mga tao. Ginagamit ito ng mga magulang sa kanilang mga anak, ng mga amo sa kanilang mga empleyado, at ng mga pulitiko sa kanilang mga botante.
Alam ng mga eksperto sa marketing na epektibo ang pananakot at kadalasang ginagamit ito. Iyan ang dahilan kaya ipinapahiwatig ng ilang advertisement na kung hindi natin bibilhin ang kanilang breakfast cereal o ang pinakabagong video game o cell phone, posibleng maging miserable ang buhay natin, mamatay nang nag-iisa at malungkot.
Pinagtatawanan natin ito at iniisip na hindi tayo mapapaniwala ng ganyang pagmamanipula, pero kung minsan ay napapaniwala tayo. Ang mas masama, ginagamit natin kung minsan ang gayong mga paraan para pilitin ang iba na gawin ang gusto natin.
Ang mensahe ko ay may dalawang layunin ngayon: Ang una ay hikayatin tayong pagnilayan at alamin kung hanggang saan natin ginagamit ang pananakot para hikayatin ang iba—kabilang na ang ating sarili. Ang pangalawa ay para magmungkahi ng mas magandang paraan.
Ang Masamang Dulot ng Takot
Una, talakayin natin ang masamang dulot ng takot. Sino ba sa atin ang hindi napilitang kumain nang mas mabuti, magsuot ng seatbelt, mag-ehersisyo pa, mag-ipon ng pera, o magsisi sa kasalanan nang dahil sa takot?
Totoong malaki ang impluwensya ng takot sa mga ikinikilos at inuugali natin. Ngunit ang impluwensyang iyan ay pansamantala lang at mababaw. Hindi lubusang mababago ng takot ang mga puso natin, at hindi ito kailanman magiging dahilan para maging mga tao tayo na nagmamahal sa tama at nagnanais sumunod sa Ama sa Langit.
Ang mga taong takot ay maaaring sabihin at gawin ang mga tamang bagay, ngunit hindi nila nadarama ang mga tamang bagay. Karaniwang wala silang magawa kundi maghinanakit, at magalit. Sa paglipas ng mga panahon ang mga damdaming ito ay humahantong sa pagdududa, paglaban, at paghihimagsik.
Sa kasamaang-palad, ang lihis na pamamaraang ito sa buhay at pamumuno ay hindi lang nangyayari sa sekular na daigdig. Nalulungkot akong malaman na may mga miyembro ng Simbahan na hindi makatwiran ang pamamahala—ito man ay sa kanilang tahanan, sa mga tungkulin sa Simbahan, sa trabaho, o sa araw-araw na pakikisalamuha nila sa ibang tao.
Kadalasan, pinupulaan ng mga tao ang mga nang-aapi sa iba, pero hindi nila nakikitang ginagawa rin nila ito. Gusto nilang ipasunod ang kanilang mga di-makatwirang patakaran, at kapag hindi sinusunod ng mga tao ang mga patakarang ito, pinagsasalitaan nila sila, sinasaktan ang damdamin nila, at kung minsan ay pisikal na sinasaktan.
Sinabi ng Paginoon na “kung [tayo ay] … [gumagamit] ng lakas o kapangyarihan o pamimilit sa mga kaluluwa ng mga anak ng tao, sa alinmang antas ng kasamaan, … ang kalangitan ay lalayo [at] ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati.”2
May mga pagkakataon na natutukso tayong pangatwiranan ang mga kilos at pag-uugali natin dahil mabuti naman ang ating intensyon. Maaaring akalain pa natin na kung kokontrolin, mamanipulahin, at pagsusungitan natin ang iba ay makakabuti pa ito sa kanila. Mali ito, dahil nilinaw ng Panginoon, na “ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan, [at] pagpipigil.”3
Mas Mainam na Paraan
Kapag mas nakikilala ko ang aking Ama sa Langit, mas nakikita ko kung paano Niya binibigyang-inspirasyon at pinapatnubayan ang Kanyang mga anak. Hindi siya nagagalit o naghihiganti.4 Ang Kanyang buong layunin—ang Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian—ay ang gabayan tayo, dakilain tayo, at akayin tayo sa Kanyang kasakdalan.5
Inilarawan ng Diyos kay Moises ang Kanyang sarili bilang isang “puspos ng kahabagan at mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kaawaan at katotohanan.”6
Ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa atin na Kanyang mga anak, ay higit pa sa kaya nating maunawaan.7
Ang ibig bang sabihin nito ay kinukunsinti o pinalalampas Niya ang mga pag-uugaling salungat sa Kanyang mga utos? Hindi, hindi kailanman!
Ngunit gusto Niyang baguhin hindi lamang ang ating pag-uugali. Gusto Niyang baguhin ang mismong pagkatao natin. Gusto Niyang baguhin ang ating mga puso.
Gusto Niyang magsikap tayo at mahigpit na humawak sa gabay na bakal, harapin ang ating takot, at matapang na humakbang pasulong at paakyat sa makipot at makitid na landas. Gusto Niya ito para sa atin dahil mahal Niya tayo at ito ang daan tungo sa kaligayahan.
Kung gayon, paano hinihikayat ng Diyos ang Kanyang mga anak na sumunod sa Kanya sa ating panahon?
Isinugo Niya ang Kanyang Anak!
Isinugo ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak, si Jesucristo, upang ipakita sa atin ang tamang paraan.
Hinihimok tayo ng Diyos sa pamamagitan ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig.8 Nasa panig natin ang Diyos. Mahal Niya tayo, at kapag tayo ay nadapa, nais Niya na tayo’y tumayo, sumubok na muli, at maging mas matatag.
Siya ang ating gabay at tagapagturo.
Siya ang ating dakila at itinatanging pag-asa.
Nais Niyang hikayatin tayo na manampalataya.
Nagtitiwala Siya na matututo tayo sa ating mga pagkakamali at pipili nang tama.
Ito ang mas mainam na paraan!9
Ano naman ang tungkol sa mga Kasamaan sa Mundo?
Ang isa sa mga paraan na gusto ni Satanas na manipulahin natin ang iba ay ang pagtutuon at pagpapalabis ng kasamaan sa mundo.
Totoong hindi perpekto ang ating mundo noon pa man at kailanman. Napakaraming inosenteng tao na ang nagdusa dahil sa likas na mga pangyayari at sa sadyang kalupitan ng tao. Ang mga katiwalian at kasamaan sa ating panahon ay kakaiba at nakababahala.
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, mas gusto kong mabuhay sa panahong ito kaysa sa ibang panahon sa kasaysayan ng mundo. Pinagpala tayo nang labis na mabuhay sa panahong ito ng di-mapapantayang pag-unlad, pagkamulat, at kapakinabangan. Higit sa lahat, mapalad tayong mapasaatin ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo, na nagbibigay sa atin ng kakaibang pananaw sa mga panganib ng mundo at ipinapakita sa atin kung paano maiiwasan o haharapin ang mga panganib na ito.
Kapag naiisip ko ang mga pagpapalang ito, gusto kong lumuhod at mag-alay ng papuri sa ating Ama sa Langit para sa Kanyang walang hanggang pagmamahal para sa lahat ng Kanyang mga anak.
Hindi ako naniniwala na nais ng Diyos na matakot o magtuon sa mga kasamaan ng mundo ang Kanyang mga anak. “Sapagka’t hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan at ng pagibig at ng kahusayan.”10
Binigyan Niya tayo ng napakaraming dahilan para magalak. Kailangan lang nating makita at mahiwatigan ang mga ito. Madalas ipaalala sa atin ng Panginoon na “huwag [kayong] matakot,” na “magalak,”11 at “huwag kayong mangatakot, munting kawan.”12
Ipaglalaban Tayo ng Panginoon
Mga kapatid, tayo ang “munting kawan” ng Panginoon. Tayo ay mga Banal sa mga huling araw. Nakaugnay na sa ating pangalan ang pangako na umasa sa pagbalik ng Tagapagligtas at ihanda ang ating sarili at ang mundo sa pagtanggap sa Kanya. Samakatwid, paglingkuran natin ang Diyos at mahalin ang ating kapwa. Gawin natin ito nang may tiwala at nang may pagpapakumbaba, at huwag nating hamakin kailanman ang ibang relihiyon o grupo ng mga tao. Mga kapatid, iniutos sa atin na pag-aralan ang salita ng Diyos at sundin ang tinig ng Espiritu, upang malaman natin “ang mga tanda ng panahon, at ang mga tanda ng pagparito ng Anak ng Tao.”13
Samakatwid, alam natin ang mga hamon sa mundo, at alam din natin ang mga pagsubok sa ating panahon. Ngunit hindi ibig sabihin niyan na dapat nating pahirapan ang ating sarili o ang iba dahil lagi tayong natatakot. Sa halip na pagtuunan ang bigat ng ating mga pagsubok, hindi ba mas mahalagang magtuon sa walang hanggang kadakilaan, kabutihan, at walang katapusang kapangyarihan ng ating Diyos, magtiwala sa Kanya at maghanda nang may galak ang puso sa pagbalik ni Jesus ang Cristo?
Bilang Kanyang mga pinagtipanang tao, hindi tayo kailangang maparalisa dahil sa takot na may masamang mangyayari. Sa halip, sumulong tayo nang may pananampalataya, tapang, determinasyon, at tiwala sa Diyos sa pagharap natin sa mga darating na hamon at oportunidad.14
Hindi tayo mag-isang naglalakbay sa landas ng pagkadisipulo. “Ang Panginoon mong Dios ay … yumayaong kasama mo; hindi ka niya iiwan ni pababayaan ka niya.”15
“Ipakikipaglaban kayo ng Panginoon, at kayo’y tatahimik.”16
Kapag tayo ay natatakot, maging matapang tayo, manampalataya, at magtiwala sa pangako na “walang armas na ginawa laban sa iyo ay pakikinabangan.”17
Nabubuhay ba tayo sa ligalig at kaguluhan? Oo, totoo iyan.
Sinabi mismo ng Diyos, “Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.”18
Maipapakita ba natin ang pananampalataya na maniwala at kumilos ayon dito? Matutupad ba natin ang ating mga ipinangako at mga sagradong tipan? Masusunod ba natin ang mga kautusan ng Diyos kahit sa oras ng mga pagsubok at nasa mahirap tayong kalagayan? Oo, magagawa natin!
Magagawa natin dahil ipinangako ng Diyos na, “Lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti, kung kayo ay lalakad nang matwid ”19 Kung gayon, isantabi natin ang ating takot at sa halip ay mamuhay nang may kagalakan, kapakumbabaan, pag-asa, at lubos na tiwala na kasama natin ang Panginoon.
Ang Sakdal na Pag-ibig ay Nagpapalayas ng Takot
Mahal kong mga kaibigan, mahal kong mga kapatid kay Cristo, kung makadama tayo ng takot o pangamba, o kung matuklasan natin na ang ating pananalita, pag-uugali, o ikinikilos ay nagdudulot ng takot sa iba, idinadalangin ko sa buong lakas ng aking kaluluwa na mawala sa atin ang takot na ito sa tulong ng ibinigay ng langit na panlaban sa takot: ang dalisay na pag-ibig ni Cristo, sapagkat “ang sakdal na pagibig ay nagpapalayas ng takot.”20
Dinadaig ng sakdal na pag-ibig ni Cristo ang mga tukso na manakit, mamilit, manakot, o mang-api.
Ang sakdal na pag-ibig ni Cristo ay tutulutan tayong lumakad nang may kapakumbabaan, dignidad, at matapang na tiwala sa sarili bilang mga tagasunod ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas. Ang sakdal na pag-ibig ni Cristo ay nagbibigay sa atin ng tiwala na magpatuloy sa kabila ng takot at magtiwala nang lubos sa kapangyarihan at kabutihan ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.
Sa ating mga tahanan, pinagtatrabahuhan, mga tungkulin sa Simbahan, sa ating mga puso, palitan natin ang takot ng sakdal na pag-ibig ni Cristo. Papalitan ng pag-ibig ni Cristo ng pananampalataya ang takot!
Ang Kanyang pagmamahal ay tutulong sa atin na makita, magtiwala, at manalig sa kabutihan ng ating Ama sa Langit, sa Kanyang banal na plano, Kanyang ebanghelyo, at Kanyang mga kautusan.21 Dahil sa pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa ang pagsunod natin sa mga utos ng Diyos ay magiging pagpapala sa halip na pasanin. Ang pagmamahal ni Cristo ay tutulong sa atin na maging mas mabait, mas mapagpatawad, mas mapagmahal, at mas tapat sa Kanyang gawain.
Kapag pinuspos natin ang ating puso ng pag-ibig ni Cristo, mapupukaw ang panibagong espirituwal na kasiglahan sa atin at lalakad tayo nang may galak, tiwala, at sigla sa liwanag at kaluwalhatian ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas na si Jesucristo.
Pinatototohanan ko, tulad ni Apostol Juan na, “Walang takot sa pagibig [ni Cristo].”22 Mga kapatid, mahal kong mga kaibigan, lubos kayong kilala ng Diyos. Lubos Niya kayong mahal. Alam Niya kung ano ang nakalaan sa inyo sa hinaharap. Gusto Niya na “Huwag [kayong] matakot, manampalataya … lamang”23 at “[manatili] sa kanyang [sakdal na] pagibig.”24 Ito ang aking dalangin at basbas sa pangalan ni Jesucristo, amen.