2010–2019
Ang Wika ng Ebanghelyo
Abril 2017


NaN:NaN

Ang Wika ng Ebanghelyo

Ang epektibong pagtuturo ay napakahalaga upang mapanatili ang ebanghelyo sa ating pamilya, at ito ay nangangailangan ng sigasig at pagsisikap.

Matapos tawagin bilang General Authority, lumipat kami ng pamilya ko sa Salt Lake City mula Costa Rica para sa aking unang tungkulin. Dito sa Estados Unidos, mapalad akong mabisita ang mabubuting tao na iba’t iba ang pinagmulang etniko at kultura. Karamihan sa kanila ay katulad ko rin na isinilang sa mga bansa ng Latin America.

Napansin ko na marami sa mga unang henerasyon ng mga Hispanic dito ay nagsasalita ng Espanyol bilang pangunahing wika nila at kaunting Ingles para makipag-usap sa iba. Ang ikalawang henerasyon, na isinilang sa Estados Unidos o kaya naman ay nagpunta rito sa batang edad pa lang at dito na nag-aral, ay mahusay magsalita ng Ingles at marunong ng kaunting Espanyol. At kadalasan pagdating sa ikatlong henerasyon, ang Espanyol, na katutubong wika ng kanilang mga ninuno, ay hindi na ginagamit.1

Sa lingguwistika, ang simpleng tawag dito ay “pagkawala ng wika.” Maaaring mawala ang wika kapag lumipat sa ibang bansa ang pamilya kung saan hindi gaanong ginagamit ang kanilang wika. Hindi lamang ito nangyayari sa mga Hispanic o Kastila kundi sa mga tao sa buong mundo kung saan napalitan ng bagong wika ang katutubong wika.2 Maging si Nephi, isang propeta sa Aklat ni Mormon, ay nag-alala na baka mawala ang katutubong wika ng kanyang mga ninuno noong naghahanda na siyang lumipat sa lupang pangako. Isinulat ni Nephi, “Masdan, iyon ay karunungan sa Diyos na nararapat nating makuha ang mga talaang ito, upang mapanatili natin para sa ating mga anak ang wika ng ating mga ama.”3

At nag-alala rin si Nephi tungkol sa pagkawala ng isa pang uri ng wika. Sa sumunod na talata, ipinagpatuloy niya, “At upang atin ding mapanatili sa kanila ang mga salitang ipinahayag ng bibig ng lahat ng banal na propeta, na ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu at kapangyarihan ng Diyos, magmula pa noong simula ng daigdig, maging hanggang dito sa kasalukuyang panahon.”4

Napansin ko na may pagkakatulad ang pagpapanatili ng ating katutubong wika at ang pagpapanatili ng ebanghelyo ni Jesucristo sa ating buhay.

Ngayon, sa aking analohiya, hindi ako magpopokus sa anumang wika sa mundo kundi sa wika ng kawalang-hanggan na dapat panatilihin sa ating pamilya at hindi mawala kailanman. Ang tinutukoy ko ay ang wika5 ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ibig kong sabihin sa “wika ng ebanghelyo,” ay ang lahat ng mga turo ng ating mga propeta, ang pagsunod natin sa mga turong iyon, at ang pagsunod natin sa mabubuting tradisyon.

Tatalakayin ko ang tatlong paraan na mapapanatili ang wikang ito.

Una: Maging Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan

Sa Doktrina at mga Tipan, hinikayat ng Panginoon ang maraming kilalang miyembro ng Simbahan, kabilang na si Newel K. Whitney, na isaayos ang kanilang mga tahanan. Sabi ng Panginoon: “Ang aking tagapaglingkod na si Newel K. Whitney … ay kinakailangang parusahan, at ayusin ang kanyang mag-anak, at tiyaking sila ay maging higit na masigasig at mapagmalasakit sa tahanan, at manalangin tuwina, o sila ay aalisin sa kanilang kinalalagyan.”6

Isang bagay na nakakaapekto sa pagkawala ng wika ay ang hindi pag-uukol ng mga magulang ng oras para turuan ang kanilang mga anak ng katutubong wika. Hindi sapat na sinasalita lamang ang wika sa tahanan. Kung nais ng mga magulang na patuloy na mapanatili ang wika, dapat itong ituro. Natuklasan sa pagsasaliksik na ang mga magulang na sadyang nagsisikap na panatilihin ang kanilang katutubong wika ay malamang na magtagumpay sa paggawa nito.7 Ano kung gayon ang dapat pagsikapang gawin para mapanatili ang wika ng ebanghelyo?

Nagbabala si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang hindi masigasig na pagtuturo ng ebanghelyo at pagpapakita ng mabuting halimbawa sa tahanan” ay isang malaking dahilan para hindi na patuloy na maging miyembro ng Simbahan ang mga susunod na henerasyon ng isang pamilya.8

Masasabi natin kung gayon na ang epektibong pagtuturo ay napakahalaga upang mapanatili ang ebanghelyo sa ating pamilya, at ito ay nangangailangan ng sigasig at pagsisikap.

Maraming beses tayong hinihikyat na ugaliing pag-aralan ang mga banal na kasulatan nang sarilinan at nang kasama ang pamilya araw-araw.9 Ang maraming pamilya na gumagawa nito ay higit na nagkakaisa at mas napapalapit sa Panginoon.

Ama at anak na babae na nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Kailan mangyayari ang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan? Mangyayari ito kapag hinawakan ng mga magulang ang mga banal na kasulatan at buong pagmamahal na aanyayahan ang pamilya na magtipon para mag-aral. Mahirap mangyari ang ganitong pag-aaral sa ibang paraan.

Pamilyang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Mga ama at ina, huwag ninyong palampasin ang ganitong magagandang pagpapala. Huwag hintayin na maging huli ang lahat!

Ikalawa: Pagpapakita ng Mabuting Halimbawa sa Tahanan

Isinulat ng isang dalubhasa sa wika na para mapanatili ang katutubong wika, “kailangan ninyong panatilihing buhay ang wika para sa inyong mga anak.”10 Nagagawa nating “panatilihing buhay ang wika” kapag nagtutugma ang ating itinuturo at ipinapakitang halimbawa.

Noong bata pa ako, nagtatrabaho ako sa pabrika ni Itay tuwing bakasyon. Ang unang itinatanong lagi sa akin ni itay kapag sumusuweldo ako ay “Ano ang gagawin mo sa pera mo?”

Alam ko na ang isasagot, “Magbabayad po ng ikapu at mag-iipon para sa aking misyon.”

Matapos magtrabaho nang mga walong taon na kasama siya at pagsagot sa paulit-ulit niyang itinatanong, inisip ni Itay na naturuan niya ako kung paano magbayad ng ikapu. Ang hindi niya alam, natutuhan ko na ang mahalagang alituntuning ito noon pa, sa isang araw ng Linggo. Sasabihin ko sa inyo kung paano ko natutuhan ang alituntuning iyan.

Dahil sa ilang pangyayaring idinulot ng digmaang sibil sa Central America, nalugi ang negosyo ni Itay. Mula sa 200 empleyado, halos lima na lang ang operator niya ng makina na nagtatrabaho kapag kailangan lang sa garahe ng bahay namin. Isang araw, sa panahong iyon ng taghirap, narinig kong pinag-uusapan ng aking mga magulang kung magbabayad ba sila ng ikapu o bibili ng pagkain para sa kanilang mga anak.

Pagsapit ng Linggo, sinundan ko si Itay para makita kung ano ang gagawin niya. Pagkatapos ng mga miting ng Simbahan, nakita kong kumuha siya ng sobre at inilagay dito ang kanyang ikapu. Isang bahagi lang iyan ng aral. Ang isa pang tanong na nasa isip ko ay kung ano ang kakainin namin.

Kinabukasan ng Lunes ng umaga, may mga taong kumatok sa pintuan namin. Nang buksan ko ang pinto, hinahanap nila ang tatay ko. Tinawag ko siya, at pagdating niya sinabi ng mga bisita na may ipapatahi sila na kailangang matapos kaagad hangga’t maaari. Sinabi nila na dahil apurahan ang pagpapatahi ay babayaran na nila ito. Natutuhan ko sa araw na iyon ang mga alituntunin ng pagbabayad ng ikapu at ang mga pagpapalang idinudulot nito.

Sa Bagong Tipan, nagsalita ang Panginoon tungkol sa pagpapakita ng mabuting halimbawa. Sabi Niya, “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi makagagawa ang Anak ng anoman sa kaniyang sarili kundi ang makita niyang gawin ng Ama; sapagka’t ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa, ay ang mga ito rin naman ang ginagawa ng Anak sa gayon ding paraan.”11

Pagdalo sa templo

Hindi sapat na sabihin lang sa ating mga anak ang kahalagahan ng pagpapakasal sa templo, pag-aayuno, at pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath. Dapat makita nila na naglalaan tayo ng oras para pumunta sa templo nang madalas hangga’t maaari. Kailangang makita nila na masigasig tayong nag-aayuno nang regular12 at pinapanatiling banal ang Sabbath sa buong araw. Kung hindi kaya ng ating mga kabataan na mag-ayuno nang dalawang kainan, hindi makapag-aral ng banal na kasulatan nang regular, at hindi maisara ang telebisyon kapag may malaking laro sa araw ng Linggo, magkakaroon ba sila ng espirituwal na disiplina sa sarili na labanan ang matitinding tukso sa mundo sa panahong ito, kabilang na ang tukso ng pornograpiya?

Ikatlo: Mga Tradisyon

Ang isa pang paraan na mababago o mawawala ang wika ay kapag naihalo sa ibang mga wika at tradisyon ang katutubong wika.13

Sa mga unang taon ng ipinanumbalik na Simbahan, hinikayat ng Panginoon ang marami sa mga kilalang miyembro ng Simbahan na isaayos ang kanilang mga tahanan. Sinimulan Niya ang Kanyang paghihikayat sa pagbanggit ng dalawang paraan na maaaring mawala ang liwanag at katotohanan sa ating tahanan: “Yaong masama ay dumating at kinuha ang liwanag at katotohanan, sa pamamagitan ng pagsuway, mula sa mga anak ng tao at dahil sa kaugalian ng kanilang mga ama.14

Bilang mga pamilya, kailangan nating iwasan ang anumang tradisyon na hahadlang sa atin na mapanatiling banal ang araw ng Sabbath o mag-aral ng mga banal na kasulatan at magdasal sa tahanan araw-araw. Kailangan nating ingatan na huwag makapasok sa ating tahanan ang pornograpiya at iba pang masasamang impluwensyang nakukuha sa internet. Upang mapaglabanan ang masasamang kaugalian o tradisyon sa ating panahon, kailangan nating gamitin ang mga banal na kasulatan at ang tinig ng ating mga propeta upang maituro natin sa ating mga anak ang kanilang banal na pagkatao, ang kanilang layunin sa buhay, at ang banal na misyon ni Jesucristo.

Katapusan

Sa mga banal na kasulatan, makakakita tayo ng ilang halimbawa ng “pagkawala ng wika.”15 Halimbawa:

“Ngayon ito ay nangyari na, na marami sa mga bagong salinlahi na hindi nakauunawa sa mga salita ni haring Benjamin, na maliliit na bata pa noong panahong siya ay nangusap sa kanyang mga tao; at hindi sila naniwala sa kaugalian ng kanilang mga ama. …

“At ngayon, dahil sa kanilang kawalang-paniniwala ay hindi nila maunawaan ang salita ng Diyos; at ang kanilang mga puso ay matitigas.”16

Sa sumunod na henerasyon, ang ebanghelyo ay tila naging wikang hindi nila maunawaan. At bagama’t kung minsan ay pinagtatalunan kung makabuluhan bang panatilihin pa ang katutubong wika, sa konteksto ng plano ng kaligtasan, hindi na pinagtatalunan pa na may epekto sa kawalang-hanggan kapag nawala ang wika ng ebanghelyo sa ating tahanan.

Ina na kasamang nagdarasal ang kanyang anak na lalaki

Bilang mga anak ng Diyos, tayo ay mga di-perpektong tao na nagsisikap matuto ng perpektong wika.17 Tulad ng isang ina na mahabagin sa kanyang maliliit na anak, ang ating Ama sa Langit ay mapagpasensya sa ating mga kakulangan at pagkakamali. Pinapahalagahan at nauunawaan Niya ang ating mga simpleng panalangin, na inusal nang taimtim, na para bang ito ay isang magandang tula. Nagagalak Siya sa mga unang kataga ng ebanghelyo na binibigkas natin. Nagtuturo Siya sa atin nang may sakdal na pagmamahal.

Pamilya na magkakasamang nagdarasal

Anumang tagumpay ang makamit natin sa buhay na ito, gaano man ito kahalaga, ay walang kabuluhan kung wala ang wika ng ebanghelyo sa ating pamilya.18 Pinatototohanan ko na pagpapalain tayo ng Ama sa Langit sa ating mga pagsisikap na gamitin ang Kanyang wika, hanggang sa humusay tayo sa mas mataas na uring ito ng pakikipag-usap, na siyang wika na natin noon pa man. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Sa mga Hispanic, sa ikatlong henerasyon “ang lebel ng English monolingualism ay … 72 porsyento” (Richard Alba, “Bilingualism Persists, but English Still Dominates,” Migration Policy Institute, Feb. 1, 2005, migrationpolicy.org/article/bilingualism-persists-english-still-dominates).

  2. “Ang wikang Ingles lamang ang karaniwang ginagamit ng ikatlong henerasyon” (Alba, “Bilingualism Persists, but English Still Dominates”).

  3. 1 Nephi 3:19; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  4. 1 Nephi 3:20; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  5. Ang wika ay inilarawan bilang “isang sistema ng komunikasyon na ginagamit ng isang partikular na bansa o komunidad” (Oxford Living Dictionaries, “language,” oxforddictionaries.com).

  6. Doktrina at mga Tipan 93:50; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  7. “[Ang pagpapanatili ng katutubong wika] ay posible, ngunit kailangan dito ang dedikasyon at pagpaplano” (Eowyn Crisfield, “Heritage Languages: Fighting a Losing Battle?”onraisingbilingualchildren.com/2013/03/25/heritage-languages-fighting-a-losing-battle). “Halimbawa, ang mga nagsasalita ng wikang German sa Midwest ay napananatili ang kanilang katutubong wika sa paglipas ng mga henerasyon” (Alba, “Bilingualism Persists, but English Still Dominates”).

  8. David A. Bednar, “Multigenerational Families,” sa General Conference Leadership Meetings, Abr. 2015, broadcasts.lds.org.

  9. Isang napapanahong halimbawa ay ang tagubilin mula sa Unang Panguluhan: “Ipinapayo namin sa mga magulang at mga anak na gawing pinakamataas na prayoridad ang panalangin ng pamilya, family home evening, pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo, at makabuluhang mga gawaing pampamilya” (First Presidency letter, Peb. 11, 1999).

  10. “Kailangan ninyong panatilihing buhay ang wika para sa inyong mga anak, upang kanilang maunawaan at maipabatid at madama ang mga taong kinakatawan ng wika” (Crisfield, “Heritage Languages: Fighting a Losing Battle?” idinagdag ang pagbibigay-diin).

  11. Juan 5:19.

  12. “Ang wastong pagsunod sa araw ng pag-aayuno ay ang hindi pagkain at pag-inom sa dalawang magkasunod na kainan sa loob ng 24-oras, pagdalo sa fast at testimony meeting, at pagbibigay ng handog-ayuno nang bukas-palad upang makatulong sa pangangalaga sa mga nangangailangan” (Handbook 2: Administering the Church [2010], 21.1.17).

  13. Tingnan sa Omni 1:17.

  14. Doktrina at mga Tipan 93:39; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  15. Sa konteksto ng mensaheng ito, ang “pagkawala ng wika” ay tumutukoy sa kung paano nawawala ang ebanghelyo (tingnan sa Mga Hukom 2:10; Omni 1:17; 3 Nephi 1:30).

  16. Mosias 26:1, 3; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  17. Tingnan sa Mateo 5:48; 3 Nephi 12:48.

  18. Tingnan sa Mateo 16:24–26.