Mga Awiting Naawit at Hindi Naawit
Nakikiusap ako sa bawat isa sa atin na mamalagi at manatiling tapat sa koro.
“May liwanag sa ’king kalul’wa,” isinulat ni Eliza Hewitt, “tila sinag ng araw; kay Jesus tanging nagmumula, ningning na dalisay.”1 May sigla sa bawat nota, tunay na hindi maaaring awitin ang lumang himnong ito ng mga Kristiyano nang hindi napapangiti. Subalit ngayon ay nais kong hanguin mula sa konteksto ang isang linya mula rito na makatutulong sa mga araw na maaaring nahihirapan tayong umawit o ngumiti at sa mga sandali na tila hindi “payapa’t masaya.” Kung may pagkakataong hindi kayo makasabay sa nakagagalak na himig na naririnig ninyo mula sa iba, hinihiling ko sa inyong kumapit nang mahigpit sa linya ng awiting ito na muling tumitiyak na, “si Cristong Diyos, Kanyang dinig, tahimik kong himig.”2
Kabilang sa mga katotohanang hinaharap natin bilang mga anak ng Diyos na naninirahan sa masamang mundong ito ay may mga araw na mahirap, mga araw kung kailan sinusubukan ang ating pananampalataya at ang ating katatagan. Maaaring nanggagaling ang mga problema o hamong ito sa ating kakulangan, sa kakulangan ng iba, o kahit na sa kakulangan sa buhay, subalit anuman ang mga dahilan, malalaman nating inaagaw ng mga ito mula sa atin ang mga awit na gustung-gusto nating awitin at pinadidilim ang pangako ng “tagsibol na [nasa] kalul’wa”3 na masayang inilarawan ni Eliza Hewitt sa isa sa kanyang mga taludtod.
Ano ang gagawin natin sa ganitong mga panahon? Una, tanggapin natin ang payo ni Apostol Pablo at “[mag]siasa … sa hindi natin nakikita … [at mag]hintay … [nang] may pagtitiis.”4 Sa mga pagkakataong iyon kung kailan humihina ang himig ng ating kagalakan hanggang sa puntong hindi na natin ito madama, maaaring sandali tayong tumayo nang tahimik at makinig muna sa iba, tumatanggap ng lakas sa kariktan ng musikang nakapalibot sa atin. Marami sa atin na “nahihirapan sa pag-awit” ang napalakas ang tiwala sa ating sarili at humusay sa pag-awit sa pamamagitan ng pagtabi natin sa isang taong may mas malakas at nasa tono ang tinig. At sa pagkanta rin ng mga awit ng kawalang-hanggan, nararapat tayong tumayo nang malapit hangga’t maaari sa Tagapagligtas at Manunubos ng mundo—na may perpektong tono. Pagkatapos nito’y makakakuha tayo ng lakas-ng-loob mula sa Kanyang kapangyarihang marinig ang ating katahimikan at magtiwala sa Kanyang magandang himig ng pamamagitan bilang ating Mesiyas. Tunay ngang “t’wing kapiling ko ang Diyos, may kapayapaan sa puso [ko] at biyaya n’ya’y lubos.”5
Sa mga araw na iyon na nadarama nating nawawala tayo nang kaunti sa tono, kulang nang kaunti sa kung ano ang nakikita o naririnig natin sa iba, hinihiling ko, lalo na sa mga kabataan ng Simbahan, na tandaan nating pinlano ng kalangitan na hindi magkapare-pareho ang lahat ng mga tinig sa koro ng Diyos. Kailangan ng pagkakaiba-iba—mga soprano at mga alto, mga baritone at mga bass—upang makagawa ng magandang musika. Mula sa isang hiniram na linya na hango sa magandang liham ng dalawang kahanga-hangang kababaihang Banal sa mga Huling Araw, “May lugar sa koro ang lahat ng nilikha ng Diyos.”6 Kapag hinahamak natin ang ating pagiging kakaiba o sinusubukang umayon sa mga gawa-gawang pagkategorya sa mga tao o bagay—mga pagkategoryang bunsod ng walang-kabusugang kultura ng mga gumagamit o tumatangkilik at ginagawang huwaran na hindi kailanman maabot sa pamamagitan ng social media—nawawala sa atin ang kagandahan ng tono at timbreng nilayon ng Diyos noong nilikha Niya ang isang mundo na may pagkakaiba-iba.
Ngayon, hindi ibig sabihin nito na maaaring isigaw na lang ng lahat ang kani-kanyang oratoryo sa sagradong koro na ito! Ang pagkakaiba-iba ay hindi pagiging sintunado, at ang mga miyembro ng koro ay nangangailangan ng disiplina—para sa layunin natin ngayon, Elder Hales, sasabihin kong pagiging disipulo—subalit matapos nating matanggap mula sa langit ang ipinahayag na liriko at katugmang orkestrasyon na binuo bago ang daigdig na ito, ikalulugod ng ating Ama sa Langit na umawit tayo gamit ang ating sariling tinig, at hindi ang sa iba. Maniwala sa inyong sarili, at maniwala sa Kanya. Huwag maliitin ang halaga ninyo o hamakin ang inyong nagawa. Higit sa lahat, huwag lisanin ang inyong tungkulin sa koro. Bakit? Sapagkat katangi-tangi kayo; hindi kayo mapapalitan. Pinahihina ng pagkawala ng kahit isang tinig ang bawat iba pang mang-aawit sa dakilang koro ng buhay natin, kabilang ang pagkawala ng mga yaong nakadarama na tila hindi sila tanggap ng lipunan o ng Simbahan.
Subalit kahit na hinihikayat ko kayong lahat na maniwala na maaawit ninyo ang mga awit na maaaring mahirap awitin, kinikilala ko na dahil sa iba’t ibang dahilan ay nahihirapan ako sa iba pang mga uri ng awit na nararapat awitin—ngunit hindi pa—inaawit.
Kapag nakikita ko ang nakagugulat na di-pagkakapantay-pantay ng ekonomiya sa daigdig, nakadarama ako ng hiya sa pagkanta kasama ni Gng. Hewitt tungkol sa mga “biyayang aking nakamit [mula sa Diyos] at pag-asang langit.”7 Ang linyang iyan ay hindi makakanta nang lubos at nang may katapatan hangga’t hindi natin napangangalagaan nang mabuti ang mga maralita. Ang kakulungan ng sapat na perang pantustos sa mga pangunahing pangangailangan ay isang patuloy na sumpa, taon-taon at sa bawat henerasyon. Sinisira nito ang mga katawan, niluluray ang mga espiritu, pinipinsala ang mga pamilya, at winawasak ang mga pangarap. Kung may mas magagawa pa tayo upang mabawasan ang kahirapan, tulad ng paulit-ulit na iniuutos ni Jesus na gawin natin, siguro’y maihihimig ng ilan sa mga kapus-palad sa mundo ang ilang nota ng “May Liwanag sa ‘King Kaluluwa,” marahil sa unang pagkakataon sa kanilang buhay.
Nahihirapan din akong umawit ng masasaya at masisiglang liriko kapag napakaraming nakapalibot sa atin ang nagdurusa sa karamdaman sa pag-iisip at emosyon o iba pang mga nakapanlulupaypay na pisikal na karamdamam o kapansanan. Ang nakalulungkot, nananatili ang mga pasaning ito sa kabila ng matitinding pagsisikap ng maraming uri ng mga tagapangalaga, kabilang na ang mga miyembro ng pamilya. Dalangin kong hindi natin hahayaang magdusa nang tahimik ang mga anak na ito ng Diyos at pagkalooban tayo ng Kanyang kakayahang marinig ang mga awit na hindi nila maawit sa ngayon.
At umaasa ako na isang araw ay magkakaisa sa pag-awit ang isang magandang koro na para sa buong mundo na binubuo ng lahat ng uri ng mga lipi ng lahi at etniko, ipinapahayag na ang mga baril, pang-iinsulto, at pamimintas ay hindi paraan para malutas ang di-pagkakasundo ng sangkatauhan. Isinasamo sa atin ng mga paghahayag ng langit na ang tanging paraan upang kasiya-siyang malutas ang masalimuot na mga problema ng lipunan ay sa pamamagitan ng pagmamahal sa Diyos at pagsunod sa Kanyang mga kautusan, sa gayo’y binubuksan ang pinto sa tanging walang-hanggan at nakapagliligtas na paraan upang mahalin ang bawat isa bilang magkakapitbahay. Itinuro ng propetang si Eter na dapat tayong “umasa … para sa isang daigdig na higit na mainam.” Habang binabasa ang pahayag na iyan makalipas ang isang libong taon, ipinahayag ng pagod na sa digmaan at karahasan na si Moroni na ang “higit na mabuting paraan” sa mundong iyon ay palaging ang ebanghelyo ni Jesucristo.8
Napakalaki ng ating pasasalamat na sa gitna ng ganitong uri ng mga pagsubok o problema, may manaka-nakang dumarating, isa pang uri ng awit na natutuklasan nating hindi natin maaawit, ngunit sa ibang kadahilanan. Ito ay kapag napakalalim at napakapersonal ng mga damdamin, maging napakasagrado, na hindi maipahahayag ni nararapat na ipahayag—tulad ng pagmamahal ni Cordelia sa kanyang ama, nang sabihin niyang, “Ang aking pagmamahal … ay hindi maipahahayag ng aking dila. … Hindi mabigkas ng aking bibig ang nilalaman ng puso ko.”9 Dumarating sa atin bilang isang bagay na sagrado, ang mga damdaming ito ay tiyak na hindi mabibigkas—napakaespirituwal kaya’t hindi masasambit—tulad ng panalanging inialay ni Jesus para sa mga batang Nephita. Itinala ng mga taong nakasaksi sa pangyayaring iyon:
“Kailanman ay hindi pa nakita ng mata, ni narinig ng tainga, ang gayong kadakila at mga kagila-gilalas na bagay na aming nakita at narinig na winika ni Jesus sa Ama;
“… At walang dilang maaaring bumigkas, ni maaaring isulat ng sinumang tao, ni maaaring maunawaan ng puso ng mga tao ang gayong kadakila at mga kagila-gilalas na bagay kagaya ng kapwa namin nakita at narinig na winika ni Jesus.”10
Ang ganitong uri ng mga sagradong sandali ay nananatiling hindi nabibigkas dahil ang pagbanggit, kahit na posible itong gawin, ay tila kalapastanganan.
Mga kapatid, namumuhay tayo sa isang mortal na mundo na may maraming awit na hindi natin maaawit o hindi pa natin naaawit. At nakikiusap ako sa bawat isa sa atin na mamalagi at manatiling tapat sa koro, kung saan malalasap natin magpakailanman ang pinakamahalagang awit sa lahat—“ang awit ng mapagtubos na pag-ibig.”11 Sa kabutihang-palad, walang katapusan ang bilang ng mga upuan sa ganitong partikular na palabas. May puwang para sa kanila na nagsasalita ng ibang mga wika, nagdiriwang ng iba’t ibang kultura, at namumuhay sa maraming lugar. May puwang para sa walang asawa, sa may asawa, sa malalaking pamilya, at sa walang anak. May puwang para sa kanila na dating may mga pag-aalinlangan hinggil sa kanilang pananampalataya at may puwang para sa kanila na nag-aalinlangan pa rin. May puwang para sa mga yaong naakit sa kapareho nila ng kasarian. Sa madaling salita, may lugar para sa lahat ng taong nagmamahal sa Diyos at gumagalang sa Kanyang mga kautusan bilang di-mababale-walang pamantayan para sa sariling pag-uugali, sapagkat kung ang pagmamahal ng Diyos ang himig ng awiting kinakanta nating lahat, tiyak na ang kailangang-kailangang tono nito ay ang ating pagsunod sa Kanya. Sa pamamagitan ng mga kautusan ng langit na magmahal at manampalataya, magsisi at mahabag, maging matapat at magpatawad, may puwang sa koro na ito para sa lahat ng nagnanais na maging bahagi nito.12 “Pumarito ka bilang ikaw,” ang sabi ng mapagmahal na Ama sa bawat isa sa atin, subalit idinagdag niya, “Huwag kang manatiling ganyan.” Ngumingiti tayo at naaalala na determinado ang Diyos na gawin tayong higit pa sa inaakala natin na kahihinatnan natin.
Sa dakilang oratoryong ito na siyang Kanyang plano para sa ating kadakilaan, nawa’y mapagpakumbaba nating sundan ang Kanyang baton at patuloy na sikaping awitin ang hindi natin maaawit, hanggang sa maihandog natin ang “[mga] alay sa [ating] Hari.”13 At isang araw, tulad ng nakasaad sa paborito nating himno:
Tayo’y aawit, sisigaw sampu ng hukbo ng langit,
Hosana sa Kordero’t ating Ama! …
… Sa pagdating ni Cristo buhat sa kalangitan!”14
Nagpapatotoo ako na darating ang oras, na muling isusugo ng Diyos na ating Amang Walang Hanggan ang Kanyang Bugtong na Anak sa daigdig, sa pagkakataong ito ay upang mamahala at maghari bilang Hari ng mga Hari magpakailanman. Nagpapatotoo ako na ito ang Kanyang ipinanumbalik na Simbahan at ito ang paraan para ihatid sa buong sangkatauhan ang mga turo at mga nakapagliligtas na ordenansa ng Kanyang ebanghelyo. Kapag ang Kanyang mensahe ay “[nakapasok sa] bawat lupalop, [n]akadalaw sa bawat klima,”15 si Jesus ay tunay na “[maka]kasama.”16 Magkakaroon ng napakaraming walang hanggang liwanag para sa kaluluwa sa araw na iyon. Para sa ipinangakong oras na ito na darating, ang dalangin ko nang may pag-asam, sa pangalan ni Jesucristo, amen.