Nang ang Ating Liwanag ay Maging Isang Sagisag sa mga Bansa
Ang ebanghelyo ng Tagapagligtas at ang Kanyang ipinanumbalik na Simbahan ay nagbibigay sa atin ng maraming pagkakataon para ang ating liwanag ay maging bahagi ng dakilang sagisag sa mga bansa.
Maraming taon na ang nakalipas, noong seminary teacher pa ako, narinig ko ang isa sa mga kasamahan na hiniling sa kanyang mga estudyante na pag-isipan ang tanong na ito: Kung nabuhay kayo noong panahon ng Tagapagligtas, bakit sa palagay ninyo susundin ninyo Siya bilang isa sa Kanyang mga disipulo? Narating nila ang konklusyon na ang mga sumusunod sa Tagapagligtas ngayon at sinisikap na maging Kanyang mga disipulo ay malamang na ganoon din ang gagawin noon.
Simula noon, pinag-isipan ko ang tanong na iyon at ang kanilang konklusyon. Madalas kong naiisip kung ano kaya ang madarama ko kung narinig ko mismo ang Tagapagligtas nang sabihin Niya ang Sermon sa Bundok:
“Kayo ang ilaw ng sanglibutan. Ang isang bayan na natatayo sa ibabaw ng isang bundok ay hindi maitatago.
“Hindi rin nga pinaniningasan ang isang ilawan, at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw; at lumiliwanag sa lahat ng nangasa bahay.
“Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:14–16).
Nakikinita ba ninyo kung ano ang maaaring nadama ninyo kung narinig ninyo ang tinig ng Tagapagligtas? Sa katunayan, hindi natin kailangang makinita ito. Naging palagian nang karanasan natin ang marinig ang tinig ng Panginoon dahil kapag naririnig natin ang tinig ng Kanyang mga lingkod, tinig na rin Niya ito.
Noong 1838, sa isang mensaheng katulad ng ibinigay sa Sermon sa Bundok, ipinahayag ng Panginoon ang sumusunod sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith:
“Sapagkat sa ganito tatawagin ang aking simbahan sa mga huling araw, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
“Katotohanang sinasabi ko sa inyong lahat: Bumangon at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa” (D at T 115:4–5).
Ang ating panahon ay talagang pambihira kaya ipinakita pa ito sa isang pangitain kay propetang Isaias; nakita at nagpropesiya din siya tungkol sa araw na ito ng Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Jesucristo at sa layunin nito, na nagsasabing, “At siya’y maglalagay ng pinakawatawat sa mga bansa, at titipunin niya ang mga tapon ng Israel, at pipisanin ang mga nangalat ng Juda mula sa apat na sulok ng lupa” (Isaias 11:12).
Sa konteksto ng banal na kasulatan, ang watawat, o sagisag, ay isang bandila kung saan pumapalibot ang mga tao nang may iisang layunin. Noong unang panahon, ang sagisag ay nagsisilbing lugar kung saan nagkakaisa ang mga sundalong nakikidigma. Sa masimbolong pananalita, ang Aklat ni Mormon at ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay mga sagisag sa lahat ng bansa. (Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “sagisag,” scriptures.lds.org.)
Walang duda na ang isa sa mga dakilang sagisag nitong mga huling araw ay ang napakagandang pangkalahatang kumperensyang ito, kung saan ang dakilang gawain at plano ng ating Ama sa Langit na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39) ay patuloy na ipinapahayag.
Ang patuloy na pagdaraos ng pangkalahatang kumperensya ay isa sa mga pinakadakilang patunay sa katotohanan na tayo bilang mga Banal sa mga Huling Araw ay “naniniwala … sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin [tayo] na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9).
Kung gayon, ano ang inihayag ng Panginoon kay Pangulong Thomas S. Monson na kailangan nating patuloy na gawin upang ang ating liwanag ay maging sagisag para sa mga bansa? Ano ang ilan sa mahahalagang bagay na kailangang gawin sa napakagandang sandaling ito ng pagtatayo ng Sion at pagtitipon ng Israel?
Palaging inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa atin nang “taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon” (2 Nephi 28:30). Kaya nga hindi tayo dapat magulat sa tila maliliit na bagay dahil sa simple at paulit-ulit ang mga ito, dahil pinayuhan na tayo ng Panginoon, sinasabing “pinagpala ang mga yaong nakikinig sa aking mga tuntunin, at ipahiram ang tainga sa aking mga payo, sapagkat matututo sila ng karunungan; sapagkat siya na tumatanggap ay bibigyan ko pa ng karagdagan” (2 Nephi 28:30).
Nagpapatotoo ako na sa pag-aaral ng “taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon” at sa pakikinig sa payo ng ating mga lider, magkakaroon tayo ng langis para sa ating mga ilawan na paraan para makapagbigay tayo ng liwanag sa iba gaya ng utos sa atin ng Panginoon.
Bagamat marami tayong magagawa para maging liwanag at sagisag sa iba, gusto kong magpokus sa tatlong ito: gawing banal ang araw ng Sabbath; pabilisin ang gawain ng kaligtasan sa magkabilang panig ng tabing; at pagtuturo sa paraan ng Tagapagligtas.
Ang liwanag na pinag-uusapan natin ay nagmumula sa katapatan natin sa pagpapabanal sa araw ng Sabbath, sa Simbahan gayundin sa tahanan; ito ang liwanag na lalong nagliliwanag kapag nanatili tayong walang bahid-dungis mula sa mundo; ito ang liwanag na nagmumula sa pag-aalay ng ating sakramento sa Kanyang banal na araw at pagbibigay papuri sa Kataas-taasan—lahat ng ito ang daan para laging mapasaatin ang Kanyang Espiritu. Ito ang liwanag na lalong nagniningning at nakikita kapag umuwi tayo na may nadaramang kapatawaran na binanggit ni Pangulong Henry B. Eyring sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre nang sabihin niyang: “Sa lahat ng biyayang mabibilang natin, ang pinakadakila sa ngayon ay ang pakiramdam na napatawad tayo habang nakikibahagi tayo ng sakramento. Mas nakadarama tayo ng pagmamahal at pagpapahalaga sa Tagapagligtas, na ginawang posible na malinis tayo mula sa ating mga kasalanan” (“Pasasalamat sa Araw ng Sabbath,” Liahona, Nob. 2016, 100).
Kapag pinapanatili nating banal ang araw ng Sabbath at tumatanggap ng sakramento, hindi lang tayo nalilinis, kundi ang ating liwanag ay patuloy na lumiliwanag pa.
Lalong nagniningning ang ating liwanag sa pag-uukol at paglalaan ng panahon sa paghahanap ng mga pangalan ng ating mga ninuno, pagdadala ng kanilang pangalan sa templo, at pagtuturo sa ating pamilya at sa iba na gawin din ang gayon.
Itong sagradong gawain sa templo at family history na ibinabahagi natin sa mga Banal kapwa sa magkabilang panig ng tabing ay lalo pang sumusulong sa patuloy na pagtatayo ng mga templo ng Panginoon. Ngayon na ang mga templo ay may espesyal na iskedyul para sa mga grupo ng pamilya na dumarating na dala ang sarili nilang mga family name card, kami ng asawa ko ay nagkaroon ng napakagandang karanasan sa paglilingkod namin sa templo kasama ang aming mga anak at apo.
Kapag nakakahanap at dinadala natin ang mga pangalan sa templo at tinuturuan din ang iba kung paano gawin ito, sama-sama tayong nagliliwanag bilang watawat o sagisag.
Ang matuto kung paano magturo na katulad ng Tagapagligtas ay isa pang paraan na maaari tayong bumangon at magliwanag. Nagagalak akong kasama ng lahat ng natututong magturo sa paraan ng Tagapagligtas. Hayaang basahin ko ang nasa pabalat ng bagong manwal sa pagtuturo: “Ang layunin ng bawat guro ng ebanghelyo—bawat magulang, bawat gurong pormal na tinawag, bawat home teacher at visiting teacher, at bawat alagad ni Cristo, … ay ituro ang dalisay na doktrina ng ebanghelyo, sa pamamagitan ng Espiritu, upang matulungan ang mga anak ng Diyos na mapatatag ang kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas at maging mas katulad Niya” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [2016]).
Sa ngayon, libu-libo sa ating matatapat na guro ang nagliliwanag habang natututo silang magturo ayon sa paraan ng Tagapagligtas. Sa kontekstong ito, ang bagong teacher council meeting ay isang paraan para magbangon at magliwanag kapag nagtitipon ang mga estudyante na nakapalibot sa sagisag ng doktrina ni Cristo, dahil “ang susi sa pagtuturo na katulad ng Tagapagligtas ay mamuhay na katulad ng Tagapagligtas” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 4).
Habang nagtuturo at natututo tayong lahat sa Kanyang paraan at nagiging mas katulad Niya, ang ating liwanag ay lalong nagniningning at hindi maitatago at nagiging sagisag sa mga naghahanap ng liwanag ng Tagapagligtas.
Mahal kong mga kapatid, hindi natin dapat at hindi kailangang itago ang ating liwanag. Iniutos sa atin ng Tagapagligtas na hayaang magningning ang ating liwanag tulad ng isang bayan na natatayo sa isang bundok o tulad ng liwanag na nagmumula sa lalagyan ng ilaw. Sa paggawa natin nito, luluwalhatiin natin ang ating Ama sa Langit. Ang ebanghelyo ng Tagapagligtas at ang Kanyang ipinanumbalik na Simbahan ay nagbibigay sa atin ng maraming pagkakataon para ang ating liwanag ay maging bahagi ng dakilang sagisag sa mga bansa.
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang liwanag na dapat nating ipakita, sa pangalan ni Jesucristo, amen.