2010–2019
Pasasalamat sa Araw ng Sabbath
Oktubre 2016


15:57

Pasasalamat sa Araw ng Sabbath

Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang Sabbath ay araw ng pasasalamat at pagmamahal.

Minamahal kong mga kapatid na nasa iba’t ibang panig ng mundo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nagpapasalamat ako na hiniling ni Pangulong Thomas S. Monson na magsalita ako sa kumperensyang ito ngayong araw ng Sabbath. Dalangin kong ihatid ng Espiritu Santo ang aking mga salita sa inyong puso.

Ngayon ay nais kong magsalita tungkol sa nadarama ng puso. Pagtutuunan ko ngayon ng pansin ang pasasalamat—lalo na sa araw ng Sabbath.

Marami tayong ipinagpapasalamat: ang kabaitan ng isang dayuhan, ang pagkain kapag gutom tayo, ang bubong sa ating uluhan kapag mayroong mga bagyo, ang paggaling ng nabaling buto, at ang pag-uha ng bagong silang na sanggol. Marami sa atin ang makadarama ng pasasalamat sa gayong mga sandali.

Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang Sabbath ay araw ng pasasalamat at pagmamahal. Tinuruan ng Panginoon ang mga Banal sa Jackson County, Missouri, noong 1831 na ang kanilang mga panalangin at pasasalamat ay dapat tungo sa Diyos. Ang mga sinaunang Banal ay binigyan ng paghahayag kung paano gagawing banal ang araw ng Sabbath at paano mag-ayuno at manalangin.1

Sila, at tayo, ay sinabihan ng Panginoon kung paano sumamba at magpasalamat sa Sabbath. Gaya ng alam na ninyo, ang pinakamahalaga ay ang pagmamahal natin sa mga nagbigay ng kaloob o regalo. Narito ang mga salita ng Panginoon kung paano magpasalamat at paano magmahal sa Sabbath:

“Dahil dito, binibigyan ko sila ng isang kautusan, nagsasabi nang ganito: Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buo ninyong puso, nang buo ninyong kapangyarihan, pag-iisip, at lakas; at sa pangalan ni Jesucristo paglingkuran ninyo siya. …

“Pasalamatan ninyo ang Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng bagay.

“Maghandog kayo ng hain sa Panginoon ninyong Diyos sa kabutihan maging yaong may bagbag na puso at nagsisising espiritu.”2

At pagkatapos, nagbabala ang Panginoon sa maaaring mangyari kapag hindi natin pinasalamatan ang Ama sa Langit at si Jesucristo bilang mga tagapagbigay ng mga kaloob: “At walang bagay na magagawa ang tao na makasasakit sa Diyos o wala sa kaninuman ang pag-aalab ng kanyang poot, maliban sa yaong mga hindi kumikilala sa kanyang ginawa sa lahat ng bagay, at hindi sumusunod sa kanyang mga kautusan.”3

Marami sa inyo na mga nakikinig ang nasisiyahan na sa Sabbath bilang araw para alalahanin at pasalamatan ang Diyos para sa mga pagpapala. Naaalala ninyo ang pamilyar na kantang:

Kung ang buhay mo’y puno ng pighati,

Kawalang pag-asa ay naghahari,

Mga pagpapala ay bilangin mo;

Mamamangha ka sa kaloob sa ’yo.

Kilalanin

ang bawat isa,

Mga pagpapalang

kaloob sa ’yo. …

Pag-aalala ba ay nadarama?

Kaybigat na ba ng ’yong dinadala?

Mga pagpapala ay bilangin mo;

At mapapawi ang alinlangan mo.4

Nakakatanggap ako ng mga liham at pagbisita ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw na nabibigatan na sa kanilang pasanin. Nadarama ng ilan na nawala na lahat sa kanila. Umaasa ako at dalangin ko na ang sasabihin ko tungkol sa pagiging mapagpasalamat sa araw ng Sabbath ay makatulong para mapawi ang mga pag-aalinlangan at magpaawit sa inyong mga puso.

Ang isang biyayang maipagpapasalamat natin ay naroon tayo sa sacrament meeting na iyon mismo, kasama ang hindi lamang isa o dalawang disipulo sa ngalan Niya. May ilan na nasa tahanan ang hindi makabangon mula sa higaan. May ilan na gustong malagay sa inyong kinatatayuan ngunit sa halip ay naglilingkod sa mga ospital at tinitiyak ang kaligtasan ng publiko o ipinagtatanggol tayo habang nakataya ang kanilang buhay sa kung saang disyerto o kagubatan man sila naroon. Ang katotohanan na may kasama tayo na kahit na iisang Banal lang at nakikibahagi ng sakramento ay sapat na para makadama tayo ng pasasalamat at pagmamahal sa kabaitan ng Diyos.

Dahil kay Propetang Joseph Smith at sa ipinanumbalik na ebanghelyo, ang pangalawang pagpapalang maibibilang natin ay na may pagkakataon tayong makibahagi sa sakramento bawat linggo na inihahanda, binabasbasan, at ipinapasa ng mga awtorisadong lingkod ng Diyos. Maaari tayong magpasalamat kapag pinagtitibay ng Banal na Espiritu sa atin na ang mga salita sa mga panalangin sa sakramento, na inialay ng mga awtorisadong may hawak ng priesthood, ay kinikilala ng ating Ama sa Langit.

Sa lahat ng biyayang mabibilang natin, ang pinakadakila sa ngayon ay ang pakiramdam na napatawad tayo habang nakikibahagi tayo ng sakramento. Mas nakadarama tayo ng pagmamahal at pagpapahalaga sa Tagapagligtas, na ginawang posible na malinis tayo mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang di-masusukat na sakripisyo. Habang tumatanggap ng tinapay at tubig, naaalala natin na nagdusa Siya para sa atin. At kapag nagpapasalamat tayo para sa ginawa Niya para sa atin, madarama natin ang Kanyang pagmamahal para sa atin at ang ating pagmamahal para sa Kanya.

Ang mga pagpapala na natatanggap natin ay nagpapadali para sa atin na sundin ang mga kautusan na “lagi [S]iyang aalalahanin.”5 Maaaring tulad ko ay makadarama rin kayo ng pagmamahal at pasasalamat sa Espiritu Santo, na ipinangako ng Ama sa Langit na palagi nating makakasama kapag nanatili tayong tapat sa mga pangakong ginawa natin. Maaari nating bilangin ang mga pagpapalang ito bawat Linggo at maging mapagpasalamat.

Ang Sabbath ay napakainam na araw para alalahanin ang tipang ginawa natin sa mga tubig ng binyag na mamahalin at paglilingkuran ang mga anak ng Ama sa Langit. Kabilang sa pagtupad sa pangakong iyon ay ang pakikilahok sa klase o korum nang buong puso upang mapatatag ang pananampalataya at pagmamahalan natin bilang magkakapatid. Kabilang din sa pangakong iyon ang pagtupad ng ating mga tungkulin nang may kagalakan.

Nagpapasalamat ako para sa maraming Linggo na nagturo ako sa isang deacons quorum sa Bountiful, Utah, gayundin sa isang Sunday School class sa Idaho. At naaalala ko ang mga panahon na naglingkod ako bilang assistant ng asawa ko sa nursery, kung saan ang pangunahin kong trabaho ay mamigay ng mga laruan at damputin ang mga ito.

Ilang taon ang lumipas bago ko natanto sa pamamagitan ng Espiritu na ang simple kong paglilingkod sa Panginoon ay mahalaga sa buhay ng mga anak ng Ama sa Langit. Nagulat ako na natatandaan at nagpapasalamat sa akin ang ilan sa kanila para sa pangbaguhan kong paglilingkod sa kanila para sa Panginoon sa mga araw ng Sabbath na iyon.

Kung paanong kadalasan ay hindi natin nakikita ang mga bunga ng sarili nating paglilingkod sa Sabbath, maaaring hindi rin natin nakikita ang epekto ng pinagsama-samang paglilingkod ng iba pang mga lingkod ng Panginoon. Ngunit tahimik na ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang kaharian sa pamamagitan ng Kanyang mga matatapat at mapagpakumbabang mga lingkod, sa hindi magarbong paraan, tungo sa maluwalhating hinaharap nito sa milenyo. Kailangan ang Banal na Espiritu para makita ang lumalaking karingalan nito.

Lumaki akong dumadalo sa mga sacrament meeting sa isang maliit na branch sa New Jersey na may iilang miyembro lamang at isang pamilya—ang pamilya ko. Pitumpu’t limang taon na ang nakalipas, nabinyagan ako sa Philadelphia sa nag-iisang chapel na itinayo ng Simbahan sa Pennsylvania o New Jersey. Ngunit sa Princeton, New Jersey na dati ay may isang maliit na branch lang, ay may dalawang malalaking ward na ngayon. At ilang araw pa lang ang nakalipas, libu-libong kabataan ang nagtanghal sa isang pagdiriwang bago ang dedikasyon ng Philadelphia Pennsylvania Temple.

Noong binata ako, tinawag akong maging district missionary sa kaisa-isang chapel sa Albuquerque, New Mexico kung saan kami sumasamba tuwing Linggo. Ngayon ay may isang templo at may apat na stake na doon.

Nilisan ko ang Albuquerque para mag-aral sa Cambridge, Massachusetts. May isang chapel at isang district na nakakasakop sa malaking bahagi ng Massachusetts at Rhode Island. Dinaanan ko ang mga burol ng magandang bayang iyon papunta sa mga sacrament meeting sa maliliit na branch, na karamihan ay mga inuupahang pasilidad o mga inayos na tahanan. Ngayon ay may sagradong templo ng Diyos sa Belmont, Massachusetts, at may mga stake na sumasakop sa kaparangan.

Ang hindi ko nakita nang malinaw noon ay ang pagbuhos ng Panginoon sa Kanyang Espiritu sa mga tao sa mga sacrament meeting na iyon. Nadama ko iyon, ngunit hindi ko nakita ang lawak at ang katuparan ng mga layunin ng Panginoon na itatag at luwalhatiin ang Kanyang kaharian. Isang propeta, sa pamamagitan ng paghahayag, ang nakakita at nagrekord ng ngayon ay napupuna na natin. Sinabi ni Nephi na ang kabuuang bilang natin ay hindi magiging malaki, ngunit ang liwanag ng lahat ay magiging isang magandang tanawin:

“At ito ay nangyari na, na namasdan ko ang simbahan ng Kordero ng Diyos, at ang bilang nito ay kakaunti. …

“At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay namasdan ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa mga banal ng simbahan ng Kordero, at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo; at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.”6

Sa dispensasyong ito, ang katulad na paglalarawan ng propeta tungkol sa ating kondisyon at mga pagkakataon sa hinaharap ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan:

“Hindi pa ninyo nauunawaan kung gaano kadakila ang mga pagpapala na mayroon ang Ama sa kanyang sariling mga kamay at inihanda para sa inyo;

“At hindi ninyo mababata ang lahat ng bagay ngayon; gayunpaman, magalak, sapagkat akin kayong aakayin. Ang kaharian ay sa inyo at ang mga pagpapala nito ay sa inyo, at ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan ay sa inyo.

“At siya na tumatanggap ng lahat ng bagay nang may pasasalamat ay gagawing maluwalhati; at ang mga bagay sa mundong ito ay idaragdag sa kanya, maging isandaang ulit, oo, higit pa.”7

Nadama ko na ang pagbabagong iyon, ang pagkakaroon ng dagdag na pasasalamat sa mga pagpapala at pag-ibig ng Diyos, na lumalaganap sa buong Simbahan. Tila mas sumisidhi ito sa mga miyembro ng Simbahan sa mga panahon at lugar kung saan may mga pagsubok sa kanilang pananampalataya, kung saan kailangan silang magsumamo na tulungan sila ng Diyos na magpatuloy sa buhay.

Ang panahon natin ngayon ay may mabibigat na pagsubok gaya noong panahon ng mga tao ni Alma sa ilalim ng malupit na si Amulon, na nagpataw sa kanila ng mabibigat na pasanin:

“At ito ay nangyari na, na ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa kanila sa kanilang mga paghihirap, sinasabing: Itaas ang inyong mga ulo at maaliw, sapagkat nalalaman ko ang tipang inyong ginawa sa akin; at makikipagtipan ako sa aking mga tao at palalayain sila mula sa pagkaalipin.

“At pagagaanin ko rin ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod, maging habang kayo ay nasa pagkaalipin; at ito ay gagawin ko upang kayo ay tumayong mga saksi para sa akin magmula ngayon, at upang inyong malaman nang may katiyakan na ako, ang Panginoong Diyos, ay dumadalaw sa aking mga tao sa kanilang mga paghihirap.

“At ito ay nangyari na, na ang mga pasaning ipinataw kay Alma at sa kanyang mga kapatid ay pinagaan; oo, pinalakas sila ng Panginoon upang mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan, at nagpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon.”8

Kayo at ako ay mga saksi na sa tuwing tutuparin natin ang ating mga tipan sa Panginoon, lalo na kapag mahirap itong tuparin, dinirinig Niya ang ating mga panalangin ng pasasalamat sa mga ginawa na Niya para sa atin at sinasagot ang ating mga dasal sa paghingi ng lakas na buong katapatang makapagtiis. At hindi lamang minsan Niya tayo ginawang masaya at malakas.

Maaaring iniisip ninyo kung ano ang magagawa ninyo para mamuhay at sumamba sa mismong araw na ito ng Sabbath para ipakita ang pasasalamat at palakasin ang inyong sarili at ang iba sa mga darating na pagsubok.

Makapagsisimula kayo sa sariling panalangin at panalangin ng pasasalamat ng pamilya para sa lahat ng ginawa ng Diyos para sa inyo. Maaari kayong magdasal para malaman ang nais ng Panginoon na gawin ninyo para mapaglingkuran Siya at ang iba. Lalo na, maaari kayong magdasal na sabihin sa inyo ng Espiritu Santo kung sino ang isang taong nalulungkot o nangangailangan na nais ng Panginoon na puntahan ninyo.

Maipapangako ko na sasagutin ang inyong mga dalangin, at sa pagkilos ninyo ayon sa mga sagot na matatanggap ninyo, magkakaroon kayo ng kagalakan sa Sabbath at aapaw sa kaligayahan ang inyong puso.

Pinatototohanan ko na kilala at mahal kayo ng Diyos Ama. Ang Tagapagligtas, na ating Panginoong Jesucristo, ang nagbayad-sala para sa inyong mga kasalanan dahil mahal Niya kayo. Alam ng Ama at ng Anak ang pangalan ninyo gaya ng pagkaalam Nila sa pangalan ni Propetang Joseph Smith nang magpakita Sila sa kanya. Pinatototohanan ko na ito ang Simbahan ni Jesucristo at kinikilala Niya ang mga tipang ginawa at pinagpapanibago ninyo sa Diyos. Mababago ang inyong mismong pagkatao para maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Palalakasin kayo laban sa mga tukso at pagdududa sa katotohanan. Magagalak kayo sa Sabbath. Ipinangangako ko ito sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.